Pagpapakita ng Pag-ibig at Paggalang Bilang Isang Asawang Lalaki
“Dapat ibigin ng mga lalaki ang kani-kanilang asawa tulad ng sarili nilang katawan.”—EFESO 5:33.
1, 2. (a) Gaano bang kalaki ang problema ng diborsiyo sa daigdig ngayon? (b) Sa kabaligtaran, ano namang ibang kalagayan ang umiiral?
NOONG gitnang-1980’s, ang Psychology Today ay nag-ulat: “Mahigit na isang milyong mag-asawa sa isang taon [sa E.U.A.] ang ngayo’y naglalaho ang kanilang walang kahulilip na ligaya dahil sa diborsiyo; ang katamtamang itinatagal ng pagsasama ng mag-asawa sa Estados Unidos ay 9.4 mga taon. . . . Siyanga pala, waring kung minsan walang sinuman doon ang may maligayang buhay may-asawa.” (Hunyo 1985) Kung isasali ang mga taong maygulang at pati ang mga bata, iyan ay umaabot sa di-kukulangin na 3,000,000 katao isang taon ang apektado ng isang nawasak na pag-aasawa sa isang bansa lamang. Subalit ang diborsiyo ay isang problema ng buong daigdig, na nagpapakitang ang angaw-angaw na mga pag-aasawa’y salat sa pag-ibig at paggalang.
2 Sa kabaligtaran, mayroong “isa namang grupo [na] waring nakakaligtaan: yaong mga mag-asawa na kahit paano ay nakapananatiling nagsasama, at kamatayan lamang ang pinapayagan nilang maghiwalay sa kanila.” (Psychology Today) Samakatuwid, mayroon ding milyun-milyong mga mag-asawa na nagpapagal nang husto upang makapanatiling mag-asawa.
3. Anong mga tanong ang maitatanong natin sa ating sarili?
3 Kumusta naman ang iyong pag-aasawa? Mayroon bang mainit na pag-iibigan at paggalang na namamagitan sa inyong mag-asawa? Ang gayon bang pag-ibig ay umiiral sa pagitan ng mga magulang at mga anak sa inyong pamilya? O kung minsa’y nangingibabaw sa inyo ang samaan ng loob at kawalang-tiwala sa isa’t isa? Yamang wala sa atin ang sakdal, ang mahihirap na kalagayan ay marahil babangon sa kaninumang sambahayan, kahit na lahat doon ay nagsisikap na maging Kristiyano, sapagkat “lahat ay nagkasala at hindi nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos.”—Roma 3:23.
4. Paano ipinakikita ni Pablo at ni Pedro kung sino ang may pangunahing bahagi sa isang maligayang pamilya?
4 Dahilan sa may mga suliraning maaaring bumangon sa anumang sambahayan, sino ang may pangunahing bahagi sa pagpapanatiling ang pamilya’y may kapayapaan at pagkakasundo? Ang mga apostol na sina Pablo at Pedro ang nagbibigay ng sagot sa tuwirang payo na makikita sa kanilang mga liham. Si Pablo ay sumulat: “Nais kong malaman ninyo na ang ulo ng bawat lalaki ay ang Kristo; ang ulo naman ng isang babae ay ang lalaki; ang ulo naman ng Kristo ay ang Diyos.” Sinabi rin niya: “Pasakop kayo sa isa’t isa nang may takot kay Kristo. Ang mga babae ay pasakop sa kani-kanilang asawa gaya sa Panginoon, sapagkat ang lalaki ang ulo ng kaniyang asawa gaya ng Kristo na siya ring ulo ng kongregasyon.” (1 Corinto 11:3; Efeso 5:21-23) May ganiyan ding diwa ang isinulat ni Pedro: “Gayundin naman [bilang pagtulad sa halimbawa ni Kristo], kayong mga babae, pasakop kayo sa inyu-inyong asawa.”—1 Pedro 2:21–3:1.
Si Kristo—Ang Nakagiginhawang Halimbawa
5, 6. Paanong si Jesu-Kristo ay isang halimbawa sa pagganap ng pagkaulo?
5 Kasuwato ng binanggit nang payo, ang asawang lalaki ang itinakda ng Kasulatan na maging ulo ng pamilya. Subalit sa anong diwa siya ang ulo? Paano dapat ganapin ang pagkaulo? Para sa mga ibang asawang lalaki baka madali para sa kanila na hilinging sila’y igalang sa pamamagitan ng paggigiit na sila ‘ang ulo ng sambahayan, at ganiyan nga ang sinasabi ng Bibliya.’ Subalit paano nga iyan naaayon sa halimbawang ipinakita ni Kristo? Ipinagmalaki ba ni Kristo na siya’y kailangang igalang ng kaniyang mga tagasunod? Mayroon ba tayong makikitang anumang okasyon na kung saan kaniyang sinabing may kapalaluan: “Sino ba ang Anak ng Diyos dito? Kailangang igalang ninyo ako!” Bagkus pa, si Jesus ay kusang iginalang. Sa paano? Sa pamamagitan ng kaniyang mabuting halimbawa sa ugali, pagsasalita, at maawaing pakikitungo sa iba.—Marcos 6:30-34.
6 Samakatuwid ang susi sa wastong pagganap ng pagkaulo bilang isang asawang lalaki at ama ay ang sundin ang halimbawa ni Jesu-Kristo. Bagaman si Jesus ay hindi nag-asawa, ang pakikitungo niya sa kaniyang mga alagad ang modelo para sa mga asawang lalaki. Tunay na iyon ay isang hamon sa kaninumang asawang lalaki, sapagkat si Jesus ay isang sakdal na modelo. (Hebreo 4:15; 12:1-3) Gayumpaman, mientras ang isang asawang lalaki’y nakatutulad sa halimbawa ni Kristo, lalo namang titindi ang pag-ibig at paggalang na ipakikita sa kaniya. Kung gayon, pagmasdan natin nang lalong malapitan kung anong uri ng tao si Jesus noon.—Efeso 5:25-29; 1 Pedro 2:21, 22.
7. Ano ang alok ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod, at saan manggagaling iyon?
7 Minsan, sinabi ni Jesus sa karamihan ng tao: “Pumarito kayo sa akin, lahat kayong nagpapagal at nabibigatang lubha at kayo’y pagpapahingahin ko. Pasanin ninyo ang aking pamatok at kayo’y maging mga alagad ko, sapagkat ako’y maamo at mapagpakumbabang puso, at masusumpungan ninyo ang kapahingahan ng inyong mga kaluluwa. Sapagkat malambot ang aking pamatok at magaan ang aking pasan.” Bueno, ano ba ang alok ni Jesus sa kaniyang mga tagapakinig? Espirituwal na nakagiginhawang kapahingahan! Subalit saan manggagaling ang gayong kapahingahan? Kasasabi-sabi lamang niya: “Sinuma’y hindi lubusang nakakakilala sa Ama kundi ang Anak at yaong ibiging pagpahayagan sa kaniya ng Anak.” Ito’y nagpapakita na si Jesus ay nag-aalok ng espirituwal na kapahingahan sa pamamagitan ng pagsisiwalat ng kaniyang Ama sa kaniyang mga tunay na tagasunod. Subalit ang mga pananalita ni Jesus ay nagpahiwatig din na matatamo ang kapahingahan buhat sa pakikisama sa kaniya, yamang siya’y maamo at mapagpakumbabang puso.”—Mateo 11:25-30.
Paano Magiging Nakagiginhawang mga Asawang Lalaki at mga Ama
8. Sa paano ang isang asawang lalaki’t ama ay magsisilbing isang kaginhawahan?
8 Ang mga salita ni Jesus ay tumutulong sa atin upang makita na ang isang Kristiyanong asawang lalaki’y dapat na magsilbing kaginhawahan sa kaniyang pamilya sa kapuwa espirituwal at personal na mga paraan. Sa pamamagitan ng kaniyang maamong halimbawa at turo, dapat na tinutulungan niya ang kaniyang pamilya na lalong higit na makakilala sa makalangit na Ama. Sa kaniyang ugali ay dapat mabanaag ang isip at mga kilos ng Anak ng Diyos. (Juan 15:8-10; 1 Corinto 2:16) Nakagiginhawa para sa lahat sa pamilya na makisama sa gayong tao sapagkat siya’y isang mapagmahal na asawang lalaki, ama, at kaibigan. Kailangang siya’y madaling lapitan at hindi naman totoong abala kung ibig mong kumunsulta sa kaniya. Oo, kailangang marunong siya na makinig, hindi lamang umulinig ng sinasabi ninuman.—Santiago 1:19.
9. Anong problema ang kung minsa’y may epekto sa matatanda sa kongregasyon?
9 Dito’y sumasaisip natin ang isang problema na kung minsa’y may epekto sa matatanda sa kongregasyon at sa kani-kanilang pamilya. Ang isang matanda ay karaniwan nang abala ng pag-aasikaso sa espirituwal na pangangailangan ng kongregasyon. Siya’y kailangang magpakita ng mabuting halimbawa tungkol sa mga pulong Kristiyano, sa ministeryo, at sa gawaing pagpapastol. (Hebreo 13:7, 17) Gayunman, may ilang matatanda na, sa katunayan, patang-pata dahil sa pag-aasikaso sa kongregasyon. Sa paggawa ng gayon kanilang napapabayaan ang kani-kanilang pamilya, at kung minsa’y nagbubunga ng masakit. Sa isang kaso isang matanda ang totoong abala kung kaya walang panahong makipag-aral sa kaniyang sariling anak. Siya’y mayroong isinaayos na isang gagawa nito!
10. Paano makapagiging timbang ang matatanda sa kanilang pagganap ng pagkaulo sa kongregasyon at sa tahanan?
10 Ano ba ang idiniriin ng halimbawang ito? Ang pangangailangan na ang isang lalaki’y maging timbang ng pagganap ng kaniyang mga tungkulin sa kongregasyon at ng mga obligasyon naman niya sa kaniyang asawa at pamilya. Halimbawa, pagkatapos ng mga pulong ang matatanda ay kadalasan abala sa mga problema at mga pakikipagtalakayan. Kung posible at praktikal, hindi baga isang kaginhawahan na ang gayong matanda ay gumawa ng mga kaayusan upang mayroong isang maghatid sa kaniyang asawa at mga anak upang makauwi, imbis na paghintayin sila nang kung ilang oras sa Kingdom Hall? Kasuwato ng mga kahilingan ng Bibliya, masasabi na ‘ang pagpapastol ay nagsisimula sa tahanan.’ Kung pinababayaan ng isang matanda ang kaniyang pamilya, baka siya’y mapasa-panganib na maalis sa tungkulin. Kung gayon, kayong matatanda, maging makonsiderasyon at isaalang-alang ang emosyonal, espirituwal, at iba pang pangangailangan ng inyong pamilya.—1 Timoteo 3:4, 5; Tito 1:5, 6.
11, 12. Paano makakamit ng isang Kristiyanong asawang lalaki ang pagsuporta sa kaniya ng kaniyang pamilya, at anong mga tanong ang maaaring itanong sa kaniyang sarili ng bawat asawang lalaki?
11 Ang isang nakagiginhawang Kristiyanong asawang lalaki ay hindi rin naman magiging isang hari-harian o makadiktador, anupa’t nagpapasiya na hindi kinukunsulta ang kaniyang pamilya. Baka kailangang magpasiya tungkol sa pagbabago ng trabaho o lugar ng tirahan o kahit na sa isang simpleng bagay na gaya ng paglilibang ng pamilya. Yamang lahat ng miyembro ng pamilya ay maaapektuhan, hindi baga isang katalinuhan at kabaitan na kausapin silang lahat? Ang kani-kanilang opinyon ay makatutulong marahil sa kaniya upang makagawa ng isang lalong matalino, mas makonsiderasyon, na pasiya. Kung magkagayon magiging mas madali para sa lahat na miyembro ng pamilya na sumuporta sa kaniya.—Ihambing ang Kawikaan 15:22.
12 Buhat sa mga nabanggit na, maliwanag na ang isang Kristiyanong asawang lalaki at ama ay hindi lamang isang tagadisiplina sa tahanan. Siya’y kailangan ding magsilbing pampaginhawa. Mga asawang lalaki at mga ama, kayo ba’y tulad-Kristo? Kayo ba’y isang kaginhawahan sa inyong pamilya?—Efeso 6:4; Colosas 3:21.
Pakikipamahay Ayon sa Pagkakilala
13. Ano ang mainam na payong ibinibigay ni Pedro sa mga asawang lalaki?
13 Gaya ng binanggit na, kapuwa si Pedro at si Pablo ay nagbigay ng mainam na payo sa mga mag-asawa. Palibhasa’y isang lalaking may-asawa, si Pedro ay may dobleng bentaha sa kaniyang pagpapayo—karanasan at ang patnubay ng banal na espiritu. (Mateo 8:14) Siya’y nagbigay ng matitinding payo sa lahat ng mga asawang lalaki, na nagsasabi: “Kayong mga lalaki, patuloy na makipamahay kayong kasama nila ayon sa pagkakilala, na pakundanganan sila na gaya ng marupok na sisidlan, ang babae.” Sa may pakahulugang pagkasalin ni J. W. C. Wand ay ganito ang mababasa: “Sa ganiyan ding paraan ang mga asawang lalaki ay kailangang magkapit ng mga simulaing Kristiyano nang may katalinuhan sa kanilang kaugnayan sa kani-kanilang mga asawang babae.”—1 Pedro 3:7.
14. Anong mga tanong ang bumabangon ngayon?
14 Ngayon, ano ang ibig sabihin ng makipamahay sa asawa “ayon sa pagkakilala” o “magkapit ng mga simulaing Kristiyano nang may katalinuhan”? Paanong mapakukundanganan ng isang lalaki ang kaniyang asawa? Oo, paano uunawain ng isang Kristiyanong asawang lalaki ang payo ni Pedro?
15. (a) Bakit ang mga ibang pag-aasawa’y bigo? (b) Ano ang tunay na hamon sa mag-asawa?
15 Maraming pag-aasawa ang sa pisikal na mga bagay at sa seksuwal na atraksiyon lamang nakasalig. Subalit, ang isang matatag na pag-aasawa ay hindi magagarantiyahan ng basta kagandahan lamang, sapagkat ito ay hindi magtatagal. Sa wakas ang uban at mga kulubot ay makikita sa mga taong nagsama na nang maraming taon bilang mag-asawa. Subalit tandaan na ang pag-aasawa’y pag-iisa ng dalawang isip, dalawang pagkatao, dalawang pinagdaanang mga karanasan at kabuuan ng espirituwal na minamahalagang mga bagay, at dalawang dila. Ito’y tunay na isang malaking hamon! Gayunman, ang pagkaunawa rito ay kailangan sa isang maligayang pag-aasawa.—Kawikaan 17:1; 21:9.
16. Ano ang nasasangkot sa ‘pakikipamahay sa kaniya ayon sa pagkakilala’?
16 Bukod sa iba pang mga bagay, upang ang isang lalaking Kristiyano’y makipamahay sa kaniyang asawa nang “ayon sa pagkakilala” iyan ay nangangahulugan na talagang kailangang maunawaan niya ang mga pangangailangan ng asawang babae. Ito’y hindi lamang ang mga pangangailangan ng katawan ng babae kundi, lalong mahalaga, ng kaniyang damdamin, isip, at espirituwalidad. Kung siya’y ‘nakikipamahay sa asawang babae ayon sa pagkakilala,’ kaniyang mauunawaan ang bahaging ibinigay sa kaniya ng Diyos upang gampanan. Mangangahulugan din iyon na kaniyang iginagalang ang dangal ng kaniyang pagkababae. Ito’y malaking kaibahan sa paniwala ng mga ilang Gnostico noong kaarawan ni Pedro, na para sa kanila “ang mga babae ay itinuturing na mga nilikhang mababa, makalaman, at karumal-dumal.” (The Anchor Bible) Isang modernong saling Kastila ang ganito ang pagkasalin sa mga salita ni Pedro: “Tungkol sa mga asawang lalaki, magkaroon ng taktika sa inyong pagsasama, na nagpapakundangan sa babae, dahilan sa siya’y may lalong delikadong pangangatawan.” (Nueva Biblia Española) Ito’y isang mainam na punto na kung minsa’y nakakalimutan ng mga asawang lalaki.
17. (a) Bukod sa iba pang mga bagay-bagay, ano ang nasasangkot sa “delikadong pangangatawan” ng ‘marupok na sisidlan, ang babae’? (b) Ano ang isang paraan upang ang isang lalaki’y makapagpakita ng paggalang sa dangal ng kaniyang asawa?
17 Bakit ang asawang babae’y may “lalong delikadong pangangatawan”? Bukod sa iba pang mga bagay, ito’y dahilan sa kaloob sa kaniya na kakayahang mag-anak. Dahil sa pag-aanak ang babae ay dumaraan sa buwan-buwang siklo na tumatagal ng mga ilang araw at marahil nakararamdam siya ng panghihina o ng kaigtingan. Kung ito’y hindi isasaalang-alang ng asawang lalaki at hihilingan niya ng di-nararapat ang kaniyang asawa sa bawat araw ng isang buwan, ang dangal ng kaniyang pagkababae ay hindi niya iginagalang. Kung gayon ay ipakikita niyang siya’y nakikipamahay sa asawang babae na may mapag-imbot na kawalang-alam, imbis na may kaalaman na likha ng pagkakilala.—Levitico 18:19; 1 Corinto 7:5.
Ang Pagpapakundangan sa Marupok na Sisidlan
18. (a) Ano ang nakaugalian nang di mabuti ng mga ibang asawang lalaki? (b) Ano ang dapat igawi ng isang Kristiyanong asawang lalaki?
18 Ang isa pang paraan na kung saan maipakikita ng isang lalaki ang kaniyang pag-ibig at paggalang sa kaniyang asawa ay sa pamamagitan ng pagpapakita at pagpapahayag ng pagpapahalaga sa kaniya at sa kaniyang mga katangian. Ang isang lalaki ay baka may ugaling magsalita nang nakasisira sa kaniyang maybahay o baka ito ang mapagdiskitahan niya sa kaniyang mga pagbibiro. Baka isipin ng gayong asawang lalaki na ito ay tumutulong para lalong bumuti ang pagtingin sa kaniya ng iba. Subalit, ang totoo, ang kabaligtaran ang nagiging epekto, sapagkat kung palagi nang pinagtitingin niyang hangal ang kaniyang maybahay, ang maliwanag na tanong ay: Bakit niya pinakasalan ang gayong hangal na babae? Ang totoo, waring tanging ang isang asawang lalaking walang kasiguruhan ang gagamit ng ganiyang mga pamamaraan. Ang isang maibiging lalaki ay gumagalang sa kaniyang asawa.—Kawikaan 12:18; 1 Corinto 13:4-8.
19. Bakit hindi wastong hamakin ng isang lalaki ang kaniyang asawa?
19 Sa mga ilang bansa, nakaugalian pa ng mga lalaki ang paghamak sa kani-kanilang asawa na para bagang sa ganoo’y nagiging mahinhin ito. Halimbawa, sa pagpapakilala sa kaniyang maybahay ang isang lalaking Hapones ay gagamit ng salitang “Gusai,” na ang ibig sabihin ay ‘estupida o hangal na asawang babae.’ Ang intensiyon ay upang matimbangan ito ng taong kausap ng isang pangungusap na pumupuri sa babae. Kung ganitong uri ng pagpapakilala ang ginagawa ng isang Kristiyanong asawang lalaki, talaga bang ‘pinakukundanganan’ niya ang kaniyang asawa gaya ng ipinayo ni Pedro? Kung titingnan ang bagay na iyan ayon sa isa pang anggulo, talaga bang nagsasalita siya ng katotohanan sa kaniyang kapuwa? Talaga bang siya’y naniniwala na hangal ang babaing kaniyang asawa?—Efeso 4:15, 25; 5:28, 29.
20. (a) Anong magkasalungat na kalagayan ang maaaring bumangon sa pagitan ng mag-asawa? (b) Paano iyon maiiwasan?
20 Kung minsan ang isang lalaki’y magpapakita ng kawalan ng pag-ibig at paggalang kahit na lamang kung kinalilimutan niyang ang kaniyang asawa’y kaniya ring kapatid na Kristiyano, hindi lamang sa Kingdom Hall kundi pati sa tahanan at sa bawat okasyon. Anong dali nga naman na magpakabait at magpakagalang kung nasa Kingdom Hall at maging marahas at magaspang naman sa tahanan! Kaya’t anong angkop nga ang payo ni Pablo! Siya’y sumulat: “Sundin natin ang mga bagay na nagdadala ng kapayapaan at ang mga bagay na nakapagpapatibay sa isa’t isa.” “Bawat isa sa atin ay magbigay-lugod sa kaniyang kapuwa sa ikabubuti niya sa ikatitibay.” (Roma 14:19; 15:2) Wala nang higit na malapit na kapuwa kundi ang isang asawang lalaki o ang isang asawang babae.
21. Ano ang magagawa ng mga lalaki upang mapatibay-loob ang kani-kanilang asawa?
21 Kung gayon, ang isang mapagmahal na Kristiyanong asawang lalaki ay magpapakita ng pagpapahalaga sa kaniyang asawa sa pamamagitan ng salita at gawa. Isang di-nagpakilalang makata ang nagpahayag niyaon ng ganito:
“Buhay may asawa’y lipos ng pasakit
Magkatuwang kayo sa hirap at sákit;
Kung minamahalaga mo ang Mrs. mong sinta—
Sa kaniya’y ibulong: Iniibig kita!
Ikaw ay kaniya at tanging kaniya;
Bagaman batid mong iyung-iyo siya;
Huwag mong bayaang bato’y magsalita—
Sa kaniya’y ibulong: Minamahal kita!”
Ang mga damdaming ito ay malinaw na inaayunan ng ina ng sinaunang si Haring Lemuel. Sa isang bahagi, kaniyang inilarawan ang ulirang asawang babae sa mga salitang ito: “Nagkakaisa ang kaniyang mga anak na siya’y tinatawag na maligaya; gayundin ang kaniyang asawang lalaki, at kaniyang inaawitan siya ng mga papuri: ‘Marami sa babae ang nagpapakitang siya’y butihin; ngunit ikaw ay nakahihigit sa kanilang lahat.’” (Kawikaan 31:1, 28, 29, The New English Bible) Mga lalaki, palagi bang pinupuri ninyo ang inyu-inyong asawa, o ginawa lamang ninyo iyan noong kayo’y nanliligaw?
22, 23. Sa ano nakasalig ang isang matagumpay na pag-aasawa?
22 Buhat sa maikling pagtalakay na ito, maliwanag na upang ang isang lalaki’y makapagpakita ng pag-ibig at paggalang sa kaniyang asawa, hindi sapat ang basta mag-uwi lamang ng suweldo. Ang matagumpay na pag-aasawa ay nakasalig sa isang mapagmahal, tapat, at makonsiderasyong relasyon. (1 Pedro 3:8, 9) Habang lumalakad ang mga taon, ang relasyong ito ay dapat lalong tumindi habang ang mag-asawa’y nagpapahalaga sa bawat isa sa kani-kanilang mga katangian at kalakasan at sila’y natututong pagbigyan at patawarin ang mga kahinaan ng isa’t isa.—Efeso 4:32; Colosas 3:12-14.
23 Kung ang asawang lalaki ang mangunguna sa pagpapakita ng pag-ibig at paggalang, ang buong pamilya ay pagpapalain. Subalit ano ba ang bahaging dapat gampanan ng Kristiyanong asawang babae sa isang maligayang pamilya? Ang susunod na artikulo ang tatalakay sa kaugnay na mga tanong na iyan.
Naaalaala Mo Ba?
◻ Sino ang may pangunahing bahagi sa isang maligayang pag-aasawa, at bakit?
◻ Paano matutularan ng mga asawang lalaki ang nakagiginhawang halimbawa ni Kristo?
◻ Anong pagkatimbang ang kinakailangan sa pagitan ng kongregasyon at sa pananagutang pampamilya?
◻ Paanong ang isang lalaki’y ‘makapamamahay na kasama ng kaniyang asawa ayon sa pagkakilala’?
◻ Ano ang ibig sabihin ng ‘pakundanganan ang asawang babae na gaya ng marupok na sisidlan’?
[Larawan sa pahina 11]
Ang isang timbang na matanda ay nakababatid na sa tahanan nagsisimula ang pagpapastol