Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • yp2 kab. 19 p. 156-163
  • Paano Ako Matututong Humawak ng Pera?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Paano Ako Matututong Humawak ng Pera?
  • Ang Mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 2
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mga Dapat Mong Matutuhan
  • Anu-ano ang mga Hamon?
  • Kontrolin ang Iyong Paggastos
  • Paano Ko Makokontrol ang Aking Paggastos?
    Gumising!—2006
  • Paano Ko Mapamamahalaan ang Aking Salapi?
    Gumising!—1988
  • Paano Ko Makokontrol ang Paggastos Ko?
    Tanong ng mga Kabataan
  • Kung Paano Magbabadyet ng Pera
    Puwedeng Maging Masaya ang Iyong Pamilya
Iba Pa
Ang Mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 2
yp2 kab. 19 p. 156-163

KABANATA 19

Paano Ako Matututong Humawak ng Pera?

Naiisip mo ba na parang laging kulang ang panggastos mo?

□ Hindi

□ Paminsan-minsan

□ Madalas

Bumibili ka ba ng mga bagay na hindi kaya ng bulsa mo?

□ Hindi

□ Paminsan-minsan

□ Madalas

Bumibili ka ba ng mga bagay na hindi mo naman kailangan pero binili mo na rin dahil “sale” ito?

□ Hindi

□ Paminsan-minsan

□ Madalas

PARA bang laging kulang ang panggastos mo? Kung marami ka lang sanang pera, mabibili mo na ang cellphone na gusto mo. Kung malaki-laki lang sana ang kinikita mo, mabibili mo na ang sapatos na “kailangan” mo. O baka pareho kayo ng problema ni Joan, na nagsabi: “Kung minsan, niyayaya ako ng mga kaibigan ko sa mga lakaran na masyadong magastos. Gusto kong mag-enjoy kasama nila. Sino ba naman ang matutuwa na hindi ka makakasama dahil kapos ang badyet mo?”

Sa halip na magmukmok sa isang tabi dahil kinakapos ka, bakit hindi ka mag-aral na magbadyet? Baka isipin mong puwede mo namang gawin ito kapag nagsasarili ka na. Pero isipin ito: Tatalon ka ba mula sa eroplano nang hindi marunong gumamit ng parasyut? Puwede ngang matsambahan mong buksan ang parasyut habang bumubulusok ka sa lupa. Pero hindi ba mas mabuting matutuhan mo munang gumamit nito bago ka tumalon mula sa eroplano?

Ganiyan din sa pagbabadyet ng pera. Mas mabuting matutuhan mo na ito samantalang nasa poder ka pa ng mga magulang mo, bago ka bumukod at maranasan ang hirap ng buhay. “Ang salapi ay pananggalang,” ang isinulat ni Haring Solomon. (Eclesiastes 7:12) Pero ang pera ay magiging pananggalang, o proteksiyon, tangi lamang kung marunong kang humawak nito. Kung marunong kang magbadyet, magkakaroon ka ng higit na kumpiyansa sa sarili at matutuwa sa iyo ang mga magulang mo.

Mga Dapat Mong Matutuhan

Naitanong mo na ba sa mga magulang mo kung anu-ano ang gastusin ninyo sa bahay? Halimbawa, alam mo ba kung magkano ang ginagastos ninyo buwan-buwan sa pagkain, kuryente, at tubig? Alam mo rin ba kung gaano kalaki ang hulog o ang upa sa bahay, o ang nagagastos sa pagmamantini ng sasakyan? Tandaan, nasa poder ka ng mga magulang mo kaya kasama ka rin namang nakikinabang sa ginastos na iyon​—at kung magsasarili ka na, ikaw na ang magbabayad ng sarili mong gastusin. Kaya mas mabuting may ideya ka na, ngayon pa lang, kung magkano ang magiging gastusin mo kapag bumukod ka na. Hilingin sa mga magulang mo ang ilang kopya ng mga bayarin sa bahay, at makinig nang mabuti sa kanila kapag ipinaliwanag nila kung paano binabadyet ang pera para sa gayong mga gastusin.

“Ang taong marunong ay makikinig at kukuha ng higit pang turo, at ang taong may unawa ang siyang nagtatamo ng mahusay na patnubay,” ang sabi ng isang kawikaan sa Bibliya. (Kawikaan 1:5) Ganiyan ang ginawa ni Anna. Humingi siya ng payo sa kaniyang mga magulang. Ganito ang sabi niya: “Tinuruan ako ni Itay kung paano magbadyet, at ipinakita niya sa akin kung gaano kahalaga na maging organisado sa paghawak ng pera ng pamilya.”

Tinuruan naman si Anna ng kaniyang nanay kung paano maging matalino sa pamimili. “Ipinakita niya sa akin kung bakit mahalagang paghambingin ang mga presyo ng bilihin,” ang sabi ni Anna. “Ang daming nabibili ni Inay sa kaunting halaga,” ang dagdag pa niya. Paano nakinabang si Anna? “Marunong na akong humawak ng sarili kong pera,” ang sabi niya, “hindi ako gastador kaya wala akong inaalalang utang.”

Anu-ano ang mga Hamon?

Marahil ay iniisip mong madali lang namang kontrolin ang paggastos. Pero ang totoo, mahirap itong gawin lalo na kapag nasa poder ka pa ng mga magulang mo at binibigyan ka nila ng baon o kaya naman ay kumikita ka na. Bakit? Kasi malamang na mga magulang mo ang sumasagot sa karamihan ng mga bayarin. Kaya halos lahat ng pera mo ay puwede mong gastusin kung saan mo gusto. At isa pa, nakaka-enjoy gumastos.

Pero kung sa tuwing kasama mo ang iyong mga kaibigan ay napapagastos ka nang malaki, diyan ka magkakaproblema. Ganito ang sabi ng 21-anyos na si Ellena: “Napakahilig mag-shopping ng mga kaibigan ko. Kapag kasama ko sila, para bang lagi kong kailangang gumastos para mag-enjoy.”

Natural lamang na naisin mong magustuhan ka at tanggapin ng iyong mga kaibigan. Pero tanungin ang iyong sarili, ‘Kapag kasama ko ang aking mga kaibigan, gumagastos ba ako dahil kaya ko o naoobliga lamang ako?’ Maraming tao ang gumagastos para lamang magpasikat sa kanilang mga kaibigan at mga kasama. Pinahahanga nila ang iba sa dami ng mga bagay na mayroon sila, sa halip na maglinang ng magagandang katangian na magugustuhan ng iba. Kung ganiyan ka rin, magkakaproblema ka nang malaki sa pera, lalo na kung gumagamit ka ng credit card. Paano mo ito maiiwasan?

Kontrolin ang Iyong Paggastos

Sa halip na sagarin ang iyong credit card o ubusin ang suweldo mo sa isang lakaran lang, bakit hindi mo tularan ang ginagawa ni Ellena? “Kapag may plano kaming lumabas na magkakaibigan,” ang sabi niya, “iniisip ko na agad kung magkano lang ang gagastusin ko. Deretso sa bangko ang suweldo ko, at nagwi-withdraw lang ako ng kailangan ko para sa lakad namin. Nagsa-shopping lamang ako kasama ng mga kaibigang marunong humawak ng pera at hihikayat sa akin na tumingin-tingin muna bago bumili.”

Narito ang ilan sa mga mungkahi na maaari mong gawin kung mayroon kang credit card.

● Gumawa ng rekord ng mga binili mo at ihambing ito sa buwanang statement ng bangko para makatiyak ka na mga pinamili mo lamang ang talagang babayaran mo.

● Magbayad kaagad. Kung posible, bayaran ito nang buo.

● Huwag basta-basta ibibigay ang numero ng iyong credit card at ang expiration date nito sa kausap mo sa telepono o sa Internet.

● Iwasan ang paggamit ng credit card para mag-cash advance. Karaniwan nang mas mataas ang interes nito.

● Huwag na huwag ipahiram ang iyong credit card sa sinuman, kahit sa kaibigan mo.

Pero hindi ba kahit na magastos ka, basta’t marami kang pera, walang problema? Hindi rin! Kung nagmamaneho ka at hindi mo makontrol ang sasakyan o lumiliko ka nang hindi mo tinitingnan kung saan ka papunta, sa tingin mo ba’y makakarating ka nang ligtas dahil lamang sa nagkarga ka ng maraming gasolina? Sa katulad na paraan, kahit na marami ka pang pera, kung hindi mo naman kinokontrol ang iyong paggastos, wala rin itong maidudulot sa iyong mabuti.

Baka iniisip mo na marunong ka nang humawak ng pera. Pero tanungin ang iyong sarili: ‘Gaano kalaki ang nagastos ko noong nakaraang buwan? Ano ang pinagkagastusan ko?’ Hindi mo matandaan? Narito ang ilang hakbang kung paano ka matututong humawak ng pera.

1. Gumawa ng rekord. Kahit sa loob lamang ng isang buwan, irekord kung magkano ang perang hawak mo at kung kailan mo ito natanggap. Isulat kung anu-ano ang mga pinamili mo at kung magkano ang mga ito. Sa katapusan ng buwan, kuwentahin kung magkano lahat ang natanggap mo at ang nagastos mo.

2. Magbadyet. Tingnan ang tsart sa pahina 163. Sa unang kolum, ilista kung gaano kalaking halaga ang inaasahan mong matanggap sa isang buwan. Sa ikalawang kolum, ilista kung magkano ang badyet mo para sa iyong mga gastusin; gawin mong basehan ang mga inirekord mo (gaya ng mungkahi sa unang hakbang). Sa ikatlong kolum, isulat kung magkano talaga ang aktuwal na nagagastos mo. Irekord din ang mga gastusing wala sa plano.

3. Baguhin ang iyong kinagawian. Kung mas malaki ang ginagastos mo kaysa sa iyong badyet at nagkakapatung-patong na ang mga utang mo, baguhin ang iyong kinagawian pagdating sa paggasta ng iyong pera at matutong magtipid. Bayaran ang iyong mga utang. Maging matalino sa paggastos.

Malaking tulong ang pera kung ginagamit mo ito nang tama. Sa katunayan, mahalagang bahagi ng buhay ng maraming tao ang pagkita at pagbabadyet ng pera. Pero manatiling timbang. “Kailangan natin ng pera, pero hindi ito ang pinakamahalaga,” ang sabi ng kabataang si Matthew. “Dapat pa rin nating unahin ang ating pamilya at si Jehova.”

SA SUSUNOD NA KABANATA

Hiráp ba kayo sa buhay? Kung oo, ano ang puwede mong gawin?

TEMANG TEKSTO

“Ang salapi ay pananggalang; ngunit ang pakinabang sa kaalaman ay na iniingatang buháy ng karunungan ang mga nagtataglay nito.”​—Eclesiastes 7:12.

TIP

Gumawa ng listahan ng mga bibilhin mo bago ka mag-shopping. Magdala lamang ng halagang kakailanganin mo, at huwag bumili ng mga bagay na wala sa iyong listahan.

ALAM MO BA . . . ?

Sa Estados Unidos, kung may utang kang $2,000 sa iyong credit card na may interes na 18.5 porsiyento, at ang binabayaran mo lamang ay ang minimum na halagang hinihiling ng bangko, aabutin ka nang 11 taon bago mo mabayaran ang iyong utang kasama na ang tubò nito na $1,934.

ANG PLANO KONG GAWIN!

Para makontrol ko ang aking paggastos, ang gagawin ko ay ․․․․․

Bago ko gamitin ang aking credit card para bumili ng anuman, ang gagawin ko ay ․․․․․

Ang mga gusto kong itanong sa (mga) magulang ko hinggil sa bagay na ito ay ․․․․․

ANO SA PALAGAY MO?

● Bakit kailangan mo nang matutong magbadyet ng pera habang nasa poder ka pa ng mga magulang mo?

● Bakit kaya ang hirap magbadyet ng pera?

● Paano mo magagamit ang iyong pera para tumulong sa iba?

[Blurb sa pahina 162]

“Kapag binabadyet ko ang pera ko, mas marami akong natitipid. Hindi ako bumibili ng mga bagay na hindi ko kailangan.”​—Leah

[Kahon sa pahina 158]

Ano ang Reputasyon Mo Pagdating sa Pera?

Saan mo ginagamit ang pera mo? Kung ugali mo nang gamitin ang iyong pera para tumulong sa iba, ipinakikita nito na talagang mapagmalasakit ka. (Santiago 2:14-17) Ang regular na pagbibigay mo ng donasyon para suportahan ang tunay na pagsamba ay nagpapakitang ‘pinararangalan mo si Jehova ng iyong mahahalagang pag-aari.’ (Kawikaan 3:9) Pero paano kung inuubos mo lang ang pera mo para sa sarili mo? Ano kaya ang ipinakikita nito tungkol sa iyo?

[Chart/Mga larawan sa pahina 163]

Worksheet

Buwanan Kong Badyet

Kopyahin ito!

Natanggap Kong Pera

BAON

PART-TIME NA TRABAHO

IBA PA

Kabuuan

₱․․․․․

Badyet Para sa mga Gastusin

PAGKAIN

․․․․․

DAMIT

․․․․․

CELLPHONE/TELEPONO

․․․․․

LIBANGAN

․․․․․

DONASYON

․․․․․

IPON

․․․․․

IBA PA

․․․․․

Kabuuan

₱․․․․․

Aktuwal na Nagastos

PAGKAIN

․․․․․

DAMIT

․․․․․

CELLPHONE/TELEPONO

․․․․․

LIBANGAN

․․․․․

DONASYON

․․․․․

IPON

․․․․․

IBA PA

․․․․․

Kabuuan

₱․․․․․

[Larawan sa pahina 160]

Ang taong walang kontrol sa paggastos ay gaya ng isang taong nakapiring ang mata habang nagmamaneho

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share