-
Matinding Paghihirap sa HalamananAng Pinakadakilang Tao na Nabuhay Kailanman
-
-
Kapitulo 117
Matinding Paghihirap sa Halamanan
NANG matapos si Jesus ng pananalangin, siya at ang kaniyang 11 tapat na apostol ay nagsiawit ng mga awit ng papuri kay Jehova. Pagkatapos ay nanaog sila buhat sa silid sa itaas, tungo sa malamig na kadiliman ng gabi, at bumalik upang tumawid sa Libis ng Kidron patungo sa Betania. Ngunit sa kanilang paglalakad, sila’y huminto sa isang paboritong lugar, ang halamanan ng Gethsemane. Ito’y naroroon o nasa karatig ng Bundok Olivo. Malimit na doon nakikipagtagpo si Jesus sa kaniyang mga apostol sa gitna ng mga punong olibo.
Pagkatapos iwanan ang walo sa mga apostol—marahil malapit sa pasukan ng halamanan—kaniyang ibinilin sa kanila: “Magsiupo kayo rito habang ako’y pumaparoon doon at manalangin.” At kaniyang ipinagsama ang tatlo pa—sina Pedro, Santiago, at Juan—at sila’y nagpatuloy na lumakad sa halamanan. Si Jesus ay namanglaw at nanlumong totoo. “Namamanglaw na lubha ang kaluluwa ko, hanggang sa kamatayan,” ang sabi niya sa kanila. “Dumito muna kayo at makipagpuyat sa akin.”
Si Jesus ay lumakad sa dako pa roon, pagkatapos nagpatirapa at samantalang nakasubsob sa lupa ay nagsimula ng puspusang pananalangin: “Ama ko, kung baga maaari, nawa’y lumampas sa akin ang sarong ito. Gayunman, huwag ang ayon sa ibig ko, kundi ayon sa ibig mo.” Ano ba ang ibig niyang sabihin? Bakit siya “lubhang namamanglaw, hanggang sa kamatayan”? Siya ba’y tumatalikod sa kaniyang pasiya na mamatay at maglaan ng pantubos?
Hindi naman! Si Jesus ay hindi sumasamo na siya’y iligtas sa kamatayan. Kahit na ang isiping makaiwas sa isang sakripisyong kamatayan, na minsa’y iminungkahi ni Pedro, ay nakamumuhi sa kaniya. Bagkus, siya’y nasa matinding paghihirap dahil sa nangangamba siya na ang paraan ng pagkamatay na malapit na niyang danasin—bilang isang nakasusuklam na kriminal—ay magdadala ng kasiraan sa pangalan ng kaniyang Ama. Kaniya ngayong nadarama na mga ilang oras na lamang at ibabayubay na siya sa isang tulos bilang ang pinakamasamang uri ng tao—isang mamumusong sa Diyos! Ito ang lubhang nakababagabag sa kaniya.
Pagkatapos na manalangin nang may kahabaan, si Jesus ay bumalik at nadatnan niyang nangatutulog ang tatlong apostol. Kinausap niya si Pedro, at sinabi niya: “Ano, hindi ba kayo maaaring makipagpuyat sa akin ng isang oras? Kayo’y magsipagpuyat at patuluyang magsipanalangin, upang huwag kayong magsipasok sa tukso.” Datapuwat, dahil sa kanilang pagkahapo at sa pagkaatrasado na ng oras, kaniyang sinabi: “Kung sa bagay, ang espiritu ay may ibig, datapuwat mahina ang laman.”
Nang magkagayo’y muling umalis si Jesus nang makalawang beses at ipinakiusap na alisin sa kaniya ng Diyos ang “sarong ito,” samakatuwid nga, ang iniatas ni Jehova na bahagi, o kalooban, para sa kaniya. Nang siya’y bumalik, muli na naman niyang nadatnang ang tatlo’y natutulog gayong dapat sanang sila’y nananalangin upang huwag silang pumasok sa tukso. Nang magsalita sa kanila si Jesus, hindi nila alam kung ano ang kanilang sasabihin bilang tugon.
Sa wakas, sa ikatlong pagkakataon, si Jesus ay lumayo nang bahagya, at nanikluhod, taglay ang pagsusumamo at mga luha, siya’y nanalangin: “Ama, kung ibig mo, alisin mo sa akin ang sarong ito.” Nadama ni Jesus ang matinding kirot dahilan sa upasala na idudulot sa pangalan ng kaniyang Ama ng kaniyang kamatayan bilang isang kriminal. Aba, ang paratang na mamumusong—isa na umuupasala sa Diyos—ay halos labis-labis na upang batahin!
Gayumpaman, si Jesus ay patuloy na nanalangin: “Hindi ayon sa ibig ko, kundi ayon sa ibig mo.” May pagkamasunuring ipinasakop ni Jesus sa Diyos ang kaniyang kalooban. Sa puntong ito, isang anghel sa langit ang dumating at pinalakas siya sa pamamagitan ng ilang mga salitang pampatibay. Malamang, sinabi ng anghel kay Jesus na siya’y may ngiti ng pagsang-ayon ng kaniyang Ama.
Datapuwat, anong bigat na pasanin sa mga balikat ni Jesus! Ang kaniyang sariling buhay na walang-hanggan at yaong sa buong lahi ng sangkatauhan ay nasa alanganin. Napakabigat ang dulot na kaigtingan ng damdamin. Kaya’t si Jesus ay nagpatuloy ng lalo pang puspusang pananalangin, at ang kaniyang pawis ay naging mistulang mga tulo ng dugo sa paglaglag sa lupa. “Bagaman ito ay isang napakapambihirang pangyayari,” ayon sa puna ng The Journal of the American Medical Association, “ang pagpapawis ng dugo . . . ay maaaring maganap sa mga kalagayang lubhang matindi ang damdamin.”
Pagkatapos, si Jesus ay bumalik ng pangatlong beses sa kaniyang mga apostol, at minsan pa’y nadatnan niyang sila’y natutulog. Sila’y hapung-hapo dahil sa matinding pagdadalamhati. “Sa maselang na panahong katulad nito ay nagsisitulog kayo at nagpapahingalay!” ang kaniyang bulalas. “Tama na! Sumapit na ang oras! Narito! Ang Anak ng tao ay ipinagkakanulo sa kamay ng mga makasalanan. Magsitindig kayo, tayo’y humayo na. Narito! Malapit na rito ang magkakanulo sa akin.”
Samantalang siya’y nagsasalita pa, sádarating si Judas Iscariote, may kasamang isang malaking pulutong ng mga taong may dalang mga sulô at ilawan at mga armas. Mateo 26:30, 36-47; 16:21-23; Marcos 14:26, 32-43; Lucas 22:39-47; Juan 18:1-3; Hebreo 5:7.
▪ Pagkatapos umalis sa silid sa itaas, saan pumunta si Jesus kasama ang mga apostol, at ano ang kaniyang ginawa roon?
▪ Habang nananalangin si Jesus, ano naman ang ginagawa ng mga apostol?
▪ Bakit si Jesus ay nasa matinding paghihirap, at ano ang kaniyang hiniling sa Diyos?
▪ Ano ba ang pinatutunayan ng pagpapawis ni Jesus ng mistulang mga tulo ng dugo?
-
-
Pagkakanulo at PagdakipAng Pinakadakilang Tao na Nabuhay Kailanman
-
-
Kapitulo 118
Pagkakanulo at Pagdakip
MALALIM na ang hatinggabi samantalang pinangungunahan ni Judas ang isang malaking pulutong ng mga kawal, mga pangulong saserdote, mga Fariseo, at iba pa tungo sa halamanan ng Gethsemane. Ang mga saserdote ay pumayag na bayaran si Judas ng 30 piraso ng pilak kapalit ng pagkakanulo kay Jesus.
Mas maaga rito, nang paalisin si Judas sa hapunan ng Paskuwa, maliwanag na siya’y nagpunta nang tuwiran sa mga pangulong saserdote. Ang mga ito naman ay kaagad tumipon ng kanilang sariling mga opisyal, at ng isang pulutong ng mga kawal. Marahil sila’y unang dinala ni Judas sa kinaroroonan ni Jesus at ng kaniyang mga apostol sa kanilang selebrasyon ng Paskuwa. Nang matuklasan na sila’y nakaalis na pala, ang malaking pulutong na may taglay na mga armas at dalang ilawan at sulô ay sumunod kay Judas sa paglabas sa Jerusalem at pagtawid sa Libis ng Kidron.
Samantalang nangunguna si Judas sa paradang iyon na paakyat sa Bundok ng Olibo, natitiyak na niya kung saan matatagpuan si Jesus. Noong nakalipas na sanlinggo, samantalang si Jesus at ang mga apostol ay naglalakbay na paroo’t parito sa pagitan ng Betania at Jerusalem, sila’y malimit na humihinto sa halamanan ng Gethsemane upang magpahinga at mag-usapan. Ngunit, ngayon, na marahil si Jesus ay nakakubli sa dilim sa may bandang ibaba ng mga punong olibo, papaano siya makikilala ng mga kawal? Siya’y noon lamang nila makikita. Kaya si Judas ay nagbigay ng isang senyas, na nagsasabi: “Ang aking hagkan, siya nga iyon; hulihin ninyo at maingat na dalhin siya.”
Si Judas ay nangunguna sa lubhang karamihan sa pagpasok sa halamanan, nakita niya si Jesus kasama ang kaniyang mga apostol, at tuluy-tuloy na lumapit sa kaniya. “Magandang araw, Rabbi!” aniya at hinagkan siya nang buong giliw.
“Lalaki, bakit ka naparito?” ang tanong ni Jesus. Pagkatapos, bilang sagot sa kaniyang sariling katanungan, sinabi niya: “Judas, sa isang halik baga ay ipinagkakanulo mo ang Anak ng tao?” Ngunit sukat na para sa magkakanulo sa kaniya! Si Jesus ay humakbang sa liwanag ng nagniningas na mga sulô at ilawan at nagtanong: “Sino baga ang inyong hinahanap?”
“Si Jesus na taga-Nasaret,” ang sagot.
“Ako nga,” ang tugon ni Jesus, samantalang siya’y buong-tapang na nakatayo sa harapan nilang lahat. Palibhasa’y nagulantang sila dahil sa kaniyang katapangan at hindi nila inaasahang magkakagayon, ang mga lalaki ay napaurong at nasubasob sa lupa.
“Sinasabi ko sa inyo na ako nga iyon,” ang mahinahong sagot ni Jesus. “Kung ako nga ang inyong hinahanap, pabayaan ninyo ang mga ito.” Bago pa noon nang sila’y nasa silid sa itaas, sinabi ni Jesus sa kaniyang panalangin sa kaniyang Ama na iningatan niya ang kaniyang tapat na mga apostol at wala isa man sa kanila ang napahamak “maliban sa anak ng kapahamakan.” Kaya, upang matupad ang kaniyang salita, kaniyang hiniling na pabayaang magsiyaon sa kanilang lakad ang kaniyang mga tagasunod.
Samantalang ang mga kawal ay nanunumbalik sa dating kahinahunan, tumindig, at nagsimulang igapos si Jesus, natalos ng mga apostol kung ano ang mangyayari sa mga sandaling iyon. “Panginoon, magsisipanaga ba kami ng tabak?” ang tanong nila. Bago nakasagot si Jesus, si Pedro, na tangan ang isa sa dalawang tabak na dala ng mga apostol, ay umatake kay Malco, isang alipin ng pangulong saserdote. Ang pananagang ginawa ni Pedro ay sumala sa ulo ng alipin ngunit natagpas ang kaniyang kanang tainga.
“Sukat na,” ang sabi ni Jesus nang siya’y mamagitan na. Nang kaniyang hipuin ang tainga ni Malco, gumaling ang sugat. Pagkatapos ay itinuro niya ang isang mahalagang aral, na nag-uutos kay Pedro: “Isauli mo ang iyong tabak sa kaniyang lalagyan, sapagkat ang lahat ng nagtatangan ng tabak ay sa tabak mamamatay. O inaakala mo baga na hindi ako makapamamanhik sa aking Ama upang padalhan niya ako ngayon din ng mahigit na labindalawang pulutong ng mga anghel?”
Si Jesus ay handang paaresto, sapagkat siya’y nagpaliwanag: “Papaano bagang matutupad ang Kasulatan ayon sa kailangang mangyari sa ganitong paraan?” At kaniyang isinusog: “Ang saro na ibinigay sa akin ng Ama, hindi baga dapat kong inuman sa anumang kaparaanan?” Siya’y lubos na kaayon ng kalooban ng Diyos para sa kaniya!
Nang magkagayo’y nagpahayag siya sa karamihan. “Kayo ba’y nagsilabas na may mga tabak at mga panghampas na tila laban sa isang tulisan upang arestuhin ako?” ang tanong niya. “Araw-araw ay nakaupo ako roon sa templo at nagtuturo, ngunit hindi ninyo ako hinuli. Subalit lahat na ito ay naganap upang ang kasulatan ng mga propeta ay matupad.”
Nang magkagayon si Jesus ay sinunggaban ng mga kawal at ng punong kapitan at ng mga pinunò ng mga Judio at siya’y iginapos. Nang makita nila ito, si Jesus ay pinabayaan na ng mga apostol at sila’y nagsitakas. Gayunman, isang binata—marahil ito’y ang alagad na si Marcos—ay nanatili pa roon kasama ng karamihan. Marahil siya ay nanggaling sa tahanan na pinagdausan ni Jesus ng Paskuwa at pagkatapos ay sumunod siya sa karamihan pagkagaling niya roon. Subalit, ngayon, siya ay nakilala, at gumawa ng pagtatangka na siya’y sunggaban. Ngunit kaniyang naiwanan sa kaniyang pagtakas ang kaniyang kasuotang lino at nakatakas na bahagya lamang ang damit na suot. Mateo 26:47-56; Marcos 14:43-52; Lucas 22:47-53; Juan 17:12; 18:3-12.
▪ Bakit natiyak ni Judas na kaniyang matatagpuan si Jesus sa halamanan ng Gethsemane?
▪ Papaano ipinakita ni Jesus ang kaniyang pagkabahala sa kaniyang mga apostol?
▪ Anong pagkilos ang ginawa ni Pedro upang ipagtanggol si Jesus, ngunit ano ang sinabi ni Jesus kay Pedro tungkol doon?
▪ Papaano isiniwalat ni Jesus na siya’y lubusang kasuwato ng kalooban ng Diyos para sa kaniya?
▪ Nang si Jesus ay iwanan ng mga apostol, sino ang hindi umalis, at ano ang nangyari sa kaniya?
-
-
Dinala kay Annas, Pagkatapos kay CaifasAng Pinakadakilang Tao na Nabuhay Kailanman
-
-
Kapitulo 119
Dinala kay Annas, Pagkatapos kay Caifas
SI Jesus, nagagapos na tulad ng isang karaniwang kriminal, ay dinala kay Annas, ang maimpluwensiyang dating mataas na saserdote. Si Annas ang mataas na saserdote nang ang mga rabbing guro sa templo ay manggilalas sa 12-taóng gulang na batang si Jesus. May mga anak na lalaki si Annas na nang malaunan ay naglingkod bilang mataas na saserdote, at sa kasalukuyan ang kaniyang manugang na si Caifas ang nasa puwestong iyan.
Marahil si Jesus ay unang dinala sa tahanan ni Annas dahilan sa ang punong saserdoteng iyan ay matagal ding naging prominente sa relihiyon ng mga Judio. Ang ganitong paghinto nila roon upang makipagkita kay Annas ay nagbigay ng pagkakataon upang tipunin ng Mataas na Saserdoteng si Caifas ang mga kagawad ng Sanedrin, ang 71-miyembrong mataas na hukumang Judio, at kumuha rin naman ng mga bulaang saksi.
Ang punong saserdoteng si Annas ay nagtatanong ngayon kay Jesus tungkol sa kaniyang mga alagad at tungkol sa kaniyang pagtuturo. Gayunman, sinabi ni Jesus bilang tugon: “Ako’y hayagang nagsalita sa sanlibutan. Ako’y laging nagtuturo sa sinagoga at sa templo, na kung saan lahat ng mga Judio ay nagkakatipon; at wala akong sinalita sa lihim. Bakit mo ako tinatanong? Tanungin mo ang mga nakarinig ng aking sinalita sa kanila. Narito! Ang mga ito ang nakaaalam ng aking sinabi.”
At kapagdaka, isa sa mga punong kawal na nakatayo roon malapit kay Jesus ang sumampal sa kaniya, na ang sabi: “Ganiyan ba ang pagsagot mo sa punong saserdote?”
“Kung ako’y nagsalita nang masama,” tugon ni Jesus, “patotohanan mo ang kasamaan; ngunit kung mabuti, bakit mo ako sinampal?” Pagkatapos ng pag-uusap na ito, si Jesus ay gapós na ipinadala ni Annas kay Caifas.
Sa sandaling ito lahat ng mga punong saserdote at mga matatandang lalaki at mga eskriba, oo, ang buong Sanedrin, ay nagsimulang magkatipon. Ang kanilang dakong pinagtitipunan ay maliwanag na ang tahanan ni Caifas. Ang gayong paglilitis sa gabi ng Paskuwa ay maliwanag na labag sa kautusang Judio. Ngunit ito’y hindi nakapigil sa mga pinunong relihiyoso na isagawa ang kanilang buktot na layunin.
Mga ilang linggo bago pa binuhay ni Jesus si Lazaro, ang mga kagawad ng Sanedrin ay nagpasiya na sa kanilang sarili na siya’y kailangang mamatay. At dalawang araw lamang bago noon, noong Miyerkules, ang mga maykapangyarihang relihiyoso ay nangagsanggunian upang dakpin si Jesus sa pamamagitan ng tusong pakana upang mapatay siya. Akalain mo ba, tunay na siya ay hinatulan na bago siya nilitis!
Ngayon ay nagsikap na makakita ng mga saksing titistigo nang walang katotohanan upang makapagbangon ng sumbong laban kay Jesus. Subalit, hindi nakakita ng mga saksing magpapatotoo na kaayon ng kanilang pagpapatotoo. Sa wakas, dalawa ang humarap at nagsabi: “Narinig naming sinabi niya, ‘Aking igigiba ang templong ito na gawa ng mga kamay at sa loob ng tatlong araw ay itatayo ko ang isa naman na hindi gawa ng mga kamay.’ ”
“Wala ka bang masasabing anuman?” ang tanong ni Caifas. “Ano ba ang sinasaksihan ng mga ito laban sa iyo?” Ngunit si Jesus ay hindi umimik. Kahit na sa maling bintang na ito, sa ikinapahiya ng Sanedrin, ang mga saksi ay hindi magkaisa-isa sa kanilang sinasabi. Kaya sinubukan naman ng mataas na saserdote ang isang naiibang pamamaraan.
Batid ni Caifas na totoong maramdamin ang mga Judio kung tungkol sa kaninumang nag-aangking ang mismong Anak ng Diyos. Sa dalawang naunang pagkakataon, padalus-dalos na ikinapit nila kay Jesus ang tawag na isang mamumusong na karapat-dapat sa kamatayan, minsa’y maling naguniguni nila na siya’y nag-aangkin na kapantay ng Diyos. Ngayon ay nagharap si Caifas ng isang tusong kahilingan: “Sa ngalan ng Diyos na buháy ikaw ay pinasusumpa ko na sabihin sa amin kung ikaw nga ang Kristo na Anak ng Diyos!”
Anuman ang isipin ng mga Judio, si Jesus ay talagang siyang Anak ng Diyos. At ang hindi pag-imik ay maaaring ipangahulugang itinatatuwa niya ang kaniyang pagiging ang Kristo. Kaya buong tibay-loob na tumugon si Jesus: “Ako nga; at makikita ninyong mga tao ang Anak ng tao na nakaupo sa gawing kanan ng kapangyarihan at napaparitong may kasamang mga ulap sa kalangitan.”
Sa sandaling ito, sa isang madulang pagtatanghal, hinapak ni Caifas ang kaniyang kasuotan at ang bulalas: “Siya’y namusong! Ano pa at kailangan pa natin ng mga saksi? Narito! Ngayon ay narinig ninyo ang pamumusong. Ano ba ang inyong opinyon?”
“Karapat-dapat siya sa kamatayan,” ang pahayag ng Sanedrin. At nang magkagayo’y ginawa nilang siya’y maging katatawanan, at sila’y nagsabi ng maraming mga bagay bilang pamumusong laban sa kaniya. Kanilang sinampal siya sa mukha at niluraan iyon. Ang iba naman ay tinakpan ang kaniyang buong mukha at kanilang pinagsusuntok siya at tinuya: “Manghula ka sa amin, ikaw na Kristo. Sino ba ang sumampal sa iyo?” Ang ganitong mapang-abuso, labag-sa-kautusan na iginawi nila ay naganap sa panahon ng paglilitis nang kalaliman ng gabi. Mateo 26:57-68; 26:3, 4; Marcos 14:53-65; Lucas 22:54, 63-65; Juan 18:13-24; 11:45-53; 10:31-39; 5:16-18.
▪ Saan unang dinala si Jesus, at ano ang nangyari sa kaniya roon?
▪ Pagkatapos ay saan naman dinala si Jesus, at sa anong layunin?
▪ Papaano nahikayat ni Caifas ang Sanedrin upang ipahayag na si Jesus ay karapat-dapat sa kamatayan?
▪ Anong mapang-abuso, labag-sa-kautusan na paggawi ang naganap sa panahon ng paglilitis?
-
-
Ang Pagkakaila sa LoobanAng Pinakadakilang Tao na Nabuhay Kailanman
-
-
Kapitulo 120
Ang Pagkakaila sa Looban
PAGKATAPOS na lisanin nila si Jesus sa halamanan ng Getsemani at magsitakas dahil sa takot kasama ang iba pa sa mga apostol, si Pedro at si Juan ay huminto sa kanilang pagtakas. Marahil kanilang inabutan si Jesus nang siya’y dinadala sa tahanan ni Annas. Nang iutos ni Annas na dalhin siya [si Jesus] sa Mataas na Saserdote na si Caifas, si Pedro at si Juan ay sumunod sa malayu-layo, sa malas ay nag-aalanganin sila sa takot na mapasapanganib ang kanilang sariling buhay at sa kanilang matinding pagkabahala naman tungkol sa mangyayari sa kanilang Panginoon.
Nang sila’y dumating na sa malapalasyong tahanan ni Caifas, nangyaring nakapasok si Juan sa looban, yamang siya’y kilala ng mataas na saserdote. Subalit, si Pedro ay naiwang nakatayo sa labas ng pintuan. Ngunit hindi nagtagal at bumalik si Juan at nakipag-usap sa bantay-pinto, isang utusang babae, at si Pedro’y pinayagang pumasok.
Nang mga sandaling iyon ay maginaw, at ang mga utusan sa bahay at ang mga punong-kawal ng mataas na saserdote ay nagpabaga ng apoy. Si Pedro ay lumapit sa kanila upang magpainit din habang hinihintay ang kalalabasan ng paglilitis ni Jesus. Doon, sa liwanag ng maningas na apoy, ang bantay-pinto na nagpapasok kay Pedro ay nakapagmasid na mainam sa kaniya. “Ikaw man ay kasama ni Jesus na taga-Galilea!” ang bulalas nito.
Palibhasa’y nangangamba na baka siya’y makilala, ikinaila ni Pedro sa harap nilang lahat na kaniyang nakikilala si Jesus. “Hindi ko siya nakikilala ni nauunawaan man ang iyong sinasabi,” aniya.
Nang sandaling iyan, si Pedro ay lumabas malapit sa daanang labasan. Doon, isa pang babae ang nakapansin sa kaniya at sinabi rin sa mga nangakatayo roon: “Ang lalaking ito ay kasama ni Jesus na taga-Nazaret.” Minsan pang ikinaila iyon ni Pedro, na sumusumpa: “Hindi ko nakikilala ang tao!”
Si Pedro ay nanatili sa looban, na nagsisikap na siya’y huwag mapansin hangga’t maaari ng sinuman. Marahil sa puntong ito siya ay nagulantang sa pagtilaok ng manok sa kadiliman ng mag-uumagang iyon. Samantala, nagaganap noon ang paglilitis kay Jesus, marahil ay ginanap sa isang parte ng bahay sa gawing itaas ng looban. Walang alinlangan na nakikita ni Pedro at ng mga ibang naghihintay sa ibaba ang pagyayao’t dito ng iba’t ibang mga saksi na dinala roon upang tumestigo.
Nakalipas ang mga isang oras sapol nang si Pedro ay huling napagkilala bilang isang kasama ni Jesus. Ngayon ang ilan sa mga nakatayo sa palibot ay lumapit sa kaniya at nagsabi: “Tiyak na ikaw man ay isa sa kanila, sapagkat, sa katunayan ipinakikilala ka ng iyong pananalita.” Ang isa na nasa grupo ay isang kamag-anak ni Malco, na ang tainga’y tinagpas ni Pedro. “Nakita kita sa halamanan na kasama niya, di ba?” aniya.
“Hindi ko nakikilala ang tao!” ang mariing sabi ni Pedro. Sa katunayan, kaniyang sinubok na kumbinsihin sila na silang lahat ay mali nang siya’y magsimulang manungayaw at manumpa sa bagay na iyon, na ang totoo, sumpain daw siya kung hindi siya nagsasabi ng katotohanan.
Samantalang ginagawa ni Pedro ang kaniyang ikatlong pagkakaila, isang tandang ang tumilaok. At nang sandaling iyon, si Jesus, na tila lumabas at naroon sa isang balkonahe sa gawing itaas ng looban ay lumingon at tumitig sa kaniya. Karakaraka, naalaala ni Pedro ang sinabi ni Jesus mga ilang oras lamang ang nakaraan noong sila’y silid sa itaas: “Bago tumilaok nang makalawa ang manok, ikakaila mo akong makaitlo.” Palibhasa’y nagising sa kabigatan ng kaniyang kasalanan, si Pedro’y lumabas at tumangis na mainam.
Papaano nga nangyari ito? Papaanong pagkatapos masiguro niyang siya’y totoong malakas sa espirituwal, maikakaila ni Pedro ang kaniyang Panginoon nang tatlong beses na sunud-sunod? Walang alinlangan na si Pedro’y nahuling walang kamalay-malay sa mga pagkakataong iyon. Ang katotohanan ay pinipilipit, at si Jesus ay inilalarawan na isang ubod-samang kriminal. Ang matuwid ay pinagtitinging baluktot, ang walang kasalanan ay pinagtitinging may kasalanan. Kaya dahil sa mga kagipitan ng pagkakataong iyon, si Pedro ay nawala sa katinuan. Biglang-biglang ang kaniyang wastong pagkadama ng katapatan ay nabaligtad; sa kaniyang labis na kalungkutan siya ay nadaig ng pagkatakot sa tao. Sana’y huwag mangyari iyan sa atin! Mateo 26:57, 58, 69-75; Marcos 14:30, 53, 54, 66-72; Lucas 22:54-62; Juan 18:15-18, 25-27.
▪ Papaano nakapasok si Pedro at si Juan sa looban ng mataas na saserdote?
▪ Samantalang si Pedro at si Juan ay nasa looban, ano ba ang nagaganap sa bahay?
▪ Ilang beses tumilaok ang manok, at gaano kadalas ikinaila ni Pedro na nakikilala niya si Kristo?
▪ Ano ba ang ibig sabihin ng sinabing si Pedro ay nanungayaw at nanumpa?
▪ Ano ang humila kay Pedro na ikaila na kaniyang nakikilala si Jesus?
-