Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Inilibing Nang Biyernes—Linggo’y Walang Laman ang Pinaglibingan
    Ang Pinakadakilang Tao na Nabuhay Kailanman
    • Noong Linggo ng umaga, si Maria Magdalena at si Maria na ina ni Santiago, kasama si Salome, Joanna, at iba pang mga babae, ay nagdala ng pabango sa libingan upang gamitin sa bangkay ni Jesus. Samantalang sila’y papunta roon sinabi nila sa isa’t isa: “Sino ang magpapagulong ng bato upang maalis sa pinto ng alaalang libingan?” Subalit nang dumating, kanilang nakita na isang lindol ang naganap at ang anghel ni Jehova ang nagpagulong ng bato upang maalis. Wala na ang mga bantay, at walang laman ang pinaglibingan! Mateo 27:​57–​28:​2; Marcos 15:​42–​16:​4; Lucas 23:​50–​24:​3, 10; Juan 19:​14, Ju 19:31–​20:​1; Ju 12:​42; Levitico 23:​5-7; Deuteronomio 21:​22, 23; Awit 34:​20; Zacarias 12:10.

  • Buháy Na si Jesus!
    Ang Pinakadakilang Tao na Nabuhay Kailanman
    • Kapitulo 128

      Buháy Na si Jesus!

      NANG matuklasan ng mga babae na wala nang laman ang pinaglibingan kay Jesus, si Maria Magdalena ay nagtatakbo upang sabihin iyon kay Pedro at kay Juan. Gayunman, ang mga ibang babae ay maliwanag na nanatili roon sa pinaglibingan. Di-nagtagal, isang anghel ang lumitaw at sila’y inanyayahan na pumasok sa loob.

      Dito nakita ng mga babae ang isa pang anghel, at isa sa mga anghel ang nagsabi sa kanila: “Huwag kayong matakot, sapagkat batid ko na ang inyong hinahanap ay si Jesus na ibinayubay. Wala siya rito, sapagkat siya’y binuhay na, gaya ng sabi niya. Halikayo, tingnan ninyo ang lugar na kaniyang kinahimlayan. At pumaroon kayong madali at sabihin sa kaniyang mga alagad na siya’y binuhay na buhat sa mga patay.” Kaya taglay ang pagkatakot at malaking kagalakan, ang mga babaing ito ay nagsitakbo rin.

      Sa mga sandaling ito, nakita na ni Maria si Pedro at si Juan, at kaniyang ibinalita sa kanila: “Kanilang kinuha ang Panginoon sa alaalang libingan at hindi namin alam kung saan siya inilagay.” Karakaraka ang dalawang apostol ay nagsitakbo. Si Juan ay mas mabilis tumakbo​—maliwanag na dahil sa nakababata—​at siya ang unang nakarating sa pinaglibingan. Nang mga sandaling ito ang mga babae ay nagsialis na, kaya walang sinuman na naroroon. Yumuko si Juan at sumilip sa pinaglibingan at nakita niya ang mga benda, subalit siya’y nanatili na roon sa labas.

      Nang dumating si Pedro, siya’y hindi na nag-atubili kundi agad pumasok. Kaniyang nakita na naroroon ang mga benda at pati na ang panyo na ibinalot sa ulo ni Jesus. Iyon ay nakatiklop sa isang tabi. Si Juan ngayon ay pumasok na rin sa pinaglibingan, at siya’y naniwala sa ibinalita ni Maria. Ngunit hindi naintindihan ni Pedro o ni Juan na si Jesus ay binuhay na, bagaman Kaniyang malimit na sinasabi noon sa kanila na Siya’y bubuhayin. Nagugulumihanan ang dalawa kung kaya sila’y umuwi, subalit si Maria, na bumalik sa pinaglibingan, ay nanatili roon.

      Samantala, ang ibang babae ay nagmamadalian upang ibalita sa mga alagad na si Jesus ay binuhay na, gaya ng iniutos sa kanila ng mga anghel na gawin. Samantalang sila’y nagtatakbuhan nang buong bilis ayon sa kaya nila, sila’y sinalubong ni Jesus at sa kanila’y sinabi: “Magandang araw!” Sila’y nagpatirapa sa kaniyang paanan, at nagpugay sa kaniya. Nang magkagayo’y sinabi ni Jesus: “Huwag kayong matakot! Humayo kayo, ibalita ninyo sa aking mga kapatid, upang sila’y magsipunta sa Galilea; at doo’y makikita nila ako.”

      Maaga pa rito, nang maganap ang lindol at magpakita ang mga anghel, ang mga bantay na kawal ay nagitla at naging mistulang mga taong patay. Nang sila’y pagsaulian na ng malay, sila karakaraka ay naparoon sa lunsod at kanilang sinabi sa mga pangulong saserdote ang mga nangyari. Pagkatapos na komunsulta sa “nakatatandang mga lalaki” ng mga Judio, gumawa ng pasiya na huwag ipagmakaingay ang nangyaring iyon sa pamamagitan ng pagsuhol sa mga kawal. Sila’y pinagbilinan: “Sabihin ninyo, ‘Ang kaniyang mga alagad ay dumating nang kinagabihan at kanilang ninakaw ang kaniyang bangkay nang kami’y nangatutulog.’ ”

      Yamang ang mga kawal na Romano ay maaaring parusahan ng kamatayan dahilan sa pagtulog kung sila’y nasa panunungkulan, ang mga saserdote ay nangako: “Kung ang [ulat ng inyong pagkatulog] na ito ay dumating sa pandinig ng gobernador, aming hihikayatin siya at kayo’y malilibre sa pag-aalala.” Palibhasa’y malaking halaga ang isinuhol, ginawa ng mga kawal ang sa kanila’y iniutos. Kaya naman, ang kasinungalingang pag-uulat tungkol sa pagnanakaw sa bangkay ni Jesus ay totoong lumaganap sa gitna ng mga Judio.

      Si Maria Magdalena, na naiwanan pa rin sa libingan, ay nadaig ng paghihinagpis. Nasaan kaya si Jesus? Nang siya’y yumuko upang silipin ang pinaglibingan, kaniyang nakita ang dalawang anghel na nakaputi, na muling napakita! Ang isa ay nakaupo sa may ulunan at yaon namang isa ay sa may paanan ng kinahimlayan ng bangkay ni Jesus. “Babae, bakit ka tumatangis?” ang tanong nila.

      “Kinuha nila ang aking Panginoon,” ang sagot ni Maria, “at hindi ko alam kung saan nila dinala.” Pagkatapos ay lumingon siya at nakita ang isa na umulit sa tanong na: “Babae, bakit ka tumatangis?” At ang isang ito ay nagtanong din: “Sino ang iyong hinahanap?”

      Sa pag-aakalang ang taong ito ang tagapangalaga ng halamanan na kinaroroonan ng libingan, kaniyang sinabi rito: “Ginoo, kung ikaw ang kumuha sa kaniya, sabihin mo sa akin kung saan mo dinala, at kukunin ko siya.”

      “Maria!” ang sabi ng tao. At karakaraka’y nabatid niya, dahil sa kilalang-kilala niya ang estilo nito ng pakikipag-usap sa kaniya, na iyon ay si Jesus. “Rab·boʹni!” (na ang ibig sabihin “Guro!”) ang bulalas niya. At taglay ang di-masayod na kagalakan, siya’y dagling humawak sa kaniya. Subalit sinabi ni Jesus: “Huwag mo akong hipuin. Sapagkat hindi pa ako nakaaakyat sa Ama. Ngunit pumaroon ka sa aking mga kapatid at sabihin mo sa kanila, ‘Aakyat ako sa aking Ama at sa inyong Ama at sa aking Diyos at sa inyong Diyos.’ ”

      Ngayon si Maria ay tumakbo sa kung saan nagtitipon ang mga apostol at mga kapuwa alagad. Kaniyang sinusugan ang ibinalita na ng ibang mga babae tungkol sa pagkakita sa binuhay-muling si Jesus. Subalit, ang mga lalaking ito, na hindi naniwala sa mga naunang babae ay hindi rin naman nagsipaniwala kay Maria. Mateo 28:​3-15; Marcos 16:​5-8; Lucas 24:​4-12; Juan 20:​2-18.

      ▪ Pagkatapos matuklasan na wala na ang bangkay sa pinaglibingan, ano ba ang ginawa ni Maria Magdalena, at ano ang karanasan ng mga ibang babae?

      ▪ Papaano kumilos si Pedro at si Juan nang matuklasan nila na wala nang laman ang pinaglibingan?

      ▪ Ano ba ang nakasagupa ng ibang babae nang sila’y patungo upang ibalita sa mga alagad ang pagkabuhay-muli ni Jesus?

      ▪ Ano ba ang nangyari sa bantay na kawal, at ano ang tugon sa kanilang pagbabalita sa mga saserdote?

      ▪ Ano ang nangyari nang si Maria Magdalena ay nag-iisa sa pinaglibingan, at ano ang tugon ng mga alagad sa mga ibinalita ng mga babae?

  • Iba Pang Pagpapakita
    Ang Pinakadakilang Tao na Nabuhay Kailanman
    • ANG mga alagad ay nasisiraan pa rin ng loob. Hindi nila maubos-maisip ang kahulugan ng puntod na wala ng bangkay, ni naniniwala man sila sa ibinalita ng mga babae. Kaya noong may dakong huli ng Linggo, si Cleopas at ang iba pang mga alagad ay lumisan sa Jerusalem patungong Emmaus, na may layong humigit-kumulang labing-isang kilometro.

      Samantalang patungo roon, nang kanilang pinag-uusapan ang mga naganap na pangyayari sa araw na iyon, isang di-kilalang tao ang sumabay sa kanila. “Ano ba ang mga bagay na inyong pinagtatalunan habang kayo’y naglalakad?” ang tanong niya.

      Ang mga alagad ay huminto, nababakas sa kanilang mga mukha ang kalungkutan, at si Cleopas ay tumugon: “Ikaw ba’y naninirahan na mag-isa sa Jerusalem gaya ng isang tagaibang bayan kung kaya hindi mo alam ang mga bagay na nangyari sa kaniya sa mga araw na ito?” Ang tanong niya: “Anong mga bagay?”

      “Ang mga bagay tungkol kay Jesus na taga-Nasaret,” ang sagot nila. “Ang aming mga pangulong saserdote at mga pinuno ang humatol sa kaniya ng sintensiyang kamatayan at siya’y ibinayubay. Ngunit kami’y umaasang ang taong ito ang itinalaga upang tumubos sa Israel.”

      Si Cleopas at ang kaniyang mga kasama ang nagpaliwanag ng nakapanggigilalas na mga pangyayari noong araw na iyon​—ang ibinalita tungkol sa kahima-himalang pagkakita sa mga anghel at sa libingan na walang laman​—ngunit kanilang inamin na sila’y nalilito tungkol sa kahulugan ng mga bagay na ito. Sila’y pinagsabihan ng taong di-kilala: “Oh mga taong haling at mababagal ang puso na maniwala sa lahat ng bagay na sinalita ng mga propeta! Hindi baga kinakailangang ang Kristo’y maghirap ng mga bagay na ito at pumasok sa kaniyang kaluwalhatian?” Pagkatapos ay kaniyang ipinaliwanag sa kanila ang mga talata buhat sa banal na kasulatan na may kinalaman sa Kristo.

      Sa wakas ay dumating sila malapit sa Emmaus, at ang taong di-kilala ay nag-anyong waring may paroroonang mas malayo. Dahil sa ibig nilang makarinig nang higit pa, ang mga alagad ay nag-anyaya: “Makipisan ka sa amin, sapagkat gumagabi na.” Kaya siya’y tumuloy sa kanila para sumalo sa pagkain. Samantalang siya’y nananalangin at pinagpuputul-putol ang tinapay at ibinibigay iyon sa kanila, kanilang nakilala na siya’y talagang si Jesus na nag-anyong nasa katawang-tao. Subalit pagkatapos ay bigla siyang nawala.

      Ngayon ay naunawaan nila kung papaanong ang di-kilalang tao ay may kaalaman sa napakaraming bagay! “Hindi baga nag-aalab ang ating mga puso sa loob natin,” ang tanong nila, “habang tayo’y kinakausap niya sa daan, habang kaniyang lubusang ipinauunawa sa atin ang Kasulatan?” Agad-agad, sila’y nagsitindig at dali-daling nagsibalik sa Jerusalem, na kung saan kanilang nasumpungan doon ang mga apostol at ang mga kasama nilang nagtitipon. Bago nakapagsalita ng anuman si Cleopas at ang kaniyang mga kasama, ang mga iba pa ay tuwang-tuwa na nagbalita: “Totoo ngang ang Panginoon ay binuhay at siya’y nagpakita kay Simon!” Nang magkagayo’y inilahad ng dalawa kung papaanong nagpakita rin sa kanila si Jesus. Kaya apat na beses sa maghapon na siya’y nagpakita sa kaniyang iba’t ibang mga alagad.

      Si Jesus ay biglang nagpakita nang ikalimang beses. Kahit na ang mga pintuan ay nakakandado dahil sa takot ng mga alagad sa mga Judio, siya’y pumasok, tumayo siya sa gitnang-gitna nila, at nagsabi: “Sumainyo nawa ang kapayapaan.” Sila’y nangilabot, palibhasa’y naguguni-guni nila na isang espiritu ang kanilang nakikita. Kaya naman, sa pagpapaliwanag na siya’y hindi isang aparisyon, sinabi ni Jesus: “Bakit kayo nagugulumihanan, at bakit tinubuan ng pag-aalinlangan ang inyong mga puso? Tingnan ninyo ang aking mga kamay at ang aking mga paa, ako rin nga; hipuin ninyo ako at tingnan, sapagkat ang isang espiritu’y walang laman at mga buto gaya ng inyong nakikita sa akin.” Gayunman, sila’y atubili pa ring maniwala.

      Upang tulungan sila na maintindihan ang bagay na siya’y talagang si Jesus, siya’y nagtanong: “Mayroon ba kayo ritong anumang makakain?” Pagkatapos na bigyan siya ng kapirasong isdang inihaw at kanin niya iyon, sinabi niya: “Ito ang aking mga salitang sinabi ko sa inyo nang ako’y kasama pa ninyo [bago ako namatay], na kailangang matupad ang lahat ng bagay na nasusulat tungkol sa akin sa kautusan ni Moises at sa mga Propeta at mga Awit.”

      Sa pagpapatuloy ng, sa katunayan, katumbas ng isang pakikipag-aral sa kanila ng Bibliya, si Jesus ay nagturo: “Ganito ang pagkasulat na ang Kristo ay maghihirap at magbabangong-muli buhat sa mga patay sa ikatlong araw, at ipangangaral sa kaniyang pangalan ang pagsisisi at pagpapatawad ng mga kasalanan sa lahat ng mga bansa​—magbuhat sa Jerusalem, kayo’y magiging mga saksi sa mga bagay na ito.”

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share