Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Pasimula ng Isang Napakahalagang Araw
    Ang Pinakadakilang Tao na Nabuhay Kailanman
    • Kapitulo 105

      Pasimula ng Isang Napakahalagang Araw

      NANG lisanin ni Jesus ang Jerusalem noong Lunes ng gabi, siya’y bumalik sa Betania sa silangang dalisdis ng Bundok ng Olibo. Dalawang araw ng kaniyang pangkatapusang ministeryo sa Jerusalem ang natapos. Tiyak na muling ginugol ni Jesus ang gabi sa piling ng kaniyang kaibigang si Lazaro. Sapol nang dumating buhat sa Jerico noong Biyernes, ito ang ikaapat na gabi niya sa Betania.

      Ngayon, maaga ng Martes, Nisan 11, siya at ang kaniyang mga alagad ay naglalakbay muli. Ito’y isang napakahalagang araw ng ministeryo ni Jesus, na siya’y pinakamagawain hanggang noon. Ito ang huling araw na siya’y makikita sa templo. At ito ang huling araw ng kaniyang pangmadlang ministeryo bago nangyari ang paglilitis at pagpatay sa kaniya.

      Ang dinaanan ni Jesus at ng kaniyang mga alagad ay iyon ding ruta na bumabagtas sa Bundok ng Olibo patungo sa Jerusalem. Sa daang iyon pagkagaling nila sa Betania, napansin ni Pedro ang punungkahoy na sinumpa ni Jesus noong sinundang umaga. “Rabbi, tingnan mo!” ang kaniyang bulalas, “ang punong igos na iyong sinumpa ay natuyo.”

      Subalit bakit pinatay ni Jesus ang punungkahoy? Kaniyang ipinakita kung bakit nang kaniyang sabihin: “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Kung kayo’y may pananampalataya at hindi nag-aalinlangan, hindi lamang magagawa ninyo ang ginawa ko sa punong igos, kundi kung sabihin ninyo sa bundok na ito [ang Bundok ng Olibo na inyong kinatatayuan], ‘Mapataas ka at mapabulusok ka sa dagat,’ iyon ay mangyayari. At lahat ng mga bagay na inyong hilingin sa panalangin, na may pananampalataya, ay inyong tatanggapin.”

      Kaya’t sa pangyayaring natuyo ang punungkahoy, si Jesus ay nagbibigay sa kaniyang mga alagad ng isang mapapakinabangang aral tungkol sa kanilang pangangailangan na magkaroon ng pananampalataya sa Diyos. Gaya ng kaniyang sinabi: “Lahat ng bagay na inyong idadalangin at hihilingin ay manampalataya kayo na para na rin ngang tinanggap ninyo, at inyong tatanggapin.” Anong pagkahala-halagang aral na dapat nilang matutuhan, lalo na dahil sa nakasisindak na mga pagsubok na malapit nang dumating! Datapuwat, may isa pang kaugnayan ang pagkatuyo ng punong igos at ang katangian ng pananampalataya.

      Ang bansang Israel, tulad nitong punong igos, ay may anyong nakadadaya. Bagaman ang bansa ay nasa isang pakikipagtipan sa Diyos at may panlabas na anyong animo’y sumusunod sa kaniyang mga kautusan, ito’y napatunayang walang pananampalataya, baog sa mabubuting bunga. Dahilan sa kawalan ng pananampalataya, ito man din ay nakahilig na tanggihan ang sariling Anak ng Diyos! Kaya’t sa ganoong pagsumpa sa di-namumungang punong igos upang matuyo, buong diing ipinakikita ni Jesus kung ano ang magiging resulta para sa bansang ito na walang bunga, walang pananampalataya.

      Di-nalaunan, si Jesus at ang kaniyang mga alagad ay pumasok sa Jerusalem, at gaya ng kanilang kinaugalian, sila’y nagtungo sa templo, na kung saan nagsimula si Jesus ng pagtuturo. Ang mga pangulong saserdote at mga matatandang lalaki sa bayan, walang alinlangan dahil sa sumasaisip nila ang ginawa ni Jesus noong sinundang araw laban sa mga nagpapalit ng salapi, ay naghamon sa kaniya: “Sa anong kapamahalaan ginagawa mo ang mga bagay na ito? At sino ang sa iyo’y nagbigay ng kapamahalaang ito?”

      Bilang sagot ay sinabi ni Jesus: “Tatanungin ko rin naman kayo ng isang tanong. Kung inyong sasabihin sa akin, sasabihin ko rin sa inyo kung sa anong kapamahalaan ginagawa ko ang mga bagay na ito: Ang bautismo ni Juan, saan baga nanggaling? sa langit o sa mga tao?”

      Ang mga saserdote at matatandang lalaki ay nagsimulang nag-usap-usap tungkol sa kung papaano sila sasagot. “Kung ating sasabihin, ‘Sa langit,’ sasabihin niya sa atin, ‘Bakit nga hindi ninyo siya pinaniwalaan?’ Datapuwat kung sasabihin namin, ‘Buhat sa mga tao,’ tayo’y natatakot sa karamihan, sapagkat kinikilala nilang lahat na si Juan ay isang propeta.”

      Hindi alam ng mga pinuno kung ano ang isasagot. Kaya’t sila’y tumugon kay Jesus: “Hindi namin alam.”

      Kaya naman, si Jesus ay nagsabi: “Hindi ko rin naman sasabihin sa inyo kung sa anong kapamahalaan ginagawa ko ang mga bagay na ito.” Mateo 21:​19-27; Marcos 11:​19-33; Lucas 20:1-8.

      ▪ Ano ba ang mahalagang dapat malaman tungkol sa Martes, Nisan 11?

      ▪ Anong mga aral ang ibinibigay ni Jesus nang kaniyang papangyarihin na matuyo ang punong igos?

      ▪ Papaano sinasagot ni Jesus yaong mga nagtatanong kung sa anong kapamahalaan ginagawa niya ang mga bagay-bagay?

  • Ibinunyag ng mga Paghahalimbawa sa Ubasan
    Ang Pinakadakilang Tao na Nabuhay Kailanman
    • Kapitulo 106

      Ibinunyag ng mga Paghahalimbawa sa Ubasan

      SI Jesus ay nasa templo. Katatapos lamang na manggilalas sa kaniya ang mga pinunong relihiyoso na humiling na malaman nila kung sa kaninong kapamahalaan ginagawa niya ang mga bagay-bagay. Bago sila nakabangon sa kanilang kalituhan, si Jesus ay nagtanong: “Ano sa akala ninyo?” At pagkatapos sa pamamagitan ng isang ilustrasyon, ipinakita niya sa kanila kung talagang anong uri ng mga tao sila.

      “Isang tao ang may dalawang anak,” ang paglalahad ni Jesus. “Lumapit siya sa una, at sinabi niya, ‘Anak, pumaroon ka at gumawa ka ngayon sa ubasan.’ Bilang sagot ay sinabi nito, ‘Ginoo, ako’y paroroon,’ ngunit hindi naparoon. At siya’y lumapit sa ikalawa, at ganoon din ang sinabi. Sumagot ang isang ito, ‘Ayaw ko.’ Pagkatapos ay nagsisi siya at naparoon. Alin baga sa dalawa ang gumawa ng kalooban ng kaniyang ama?” ang tanong ni Jesus.

      “Yaong huli,” ang sagot ng kaniyang mga kalaban.

      Kaya’t si Jesus ay nagpaliwanag: “Katotohanang sinasabi ko sa inyo na ang mga maniningil ng buwis at ang mga patutot ay mangauuna pa sa inyo ng pagpasok sa kaharian ng Diyos.” Ang mga maniningil ng buwis at ang mga patutot, sa katunayan, ay sa pasimula tumanggi ng paglilingkod sa Diyos. Ngunit pagkatapos, tulad ng ikalawang anak, sila’y nangagsisi at naglingkod sa kaniya. Sa kabilang panig naman, ang mga pinunong relihiyoso, katulad ng unang anak, ay nagpanggap na naglilingkod sa Diyos, gayon man, gaya ng sabi ni Jesus: “Si Juan [Bautista] ay naparoon sa inyo sa daan ng katuwiran, ngunit hindi ninyo siya pinaniwalaan. Datapuwat, ang mga maniningil ng buwis at ang mga patutot ay nagsipaniwala sa kaniya, at kayo, bagaman nakita ninyo ito, ay hindi kayo nangagsisi pagkatapos upang maniwala sa kaniya.”

      Pagkatapos ay ipinakita ni Jesus na ang kabiguan ng mga pinunong relihiyosong yaon ay hindi lamang dahil sa kanilang pagpapabayang maglingkod sa Diyos. Hindi, kundi sila ay talagang masasamâ, balakyot na mga tao. “May isang tao, isang may-bahay,” ang sabi ni Jesus, “na nagtanim ng isang ubasan at binakuran iyon sa palibot at humukay roon ng isang pisaan ng ubas at nagtayo ng isang bantayan, at ipinagkatiwala iyon sa mga magsasaka, at naparoon sa ibang lupain. Nang dumating ang panahon na aanihin na ang mga bunga, ang kaniyang mga alipin ay pinapunta niya sa mga magsasaka upang kunin ang mga bunga ng kaniyang ubasan. Subalit, kinuha ng mga magsasaka ang kaniyang mga alipin, at ang isa’y kanilang binugbog, yaong isa’y kanilang pinatay, at ang isa pa’y kanilang pinagbabato. Muling pinapunta niya ang iba pang mga alipin, mas marami kaysa nauna, subalit ganoon din ang kanilang ginawa sa mga ito.”

      Ang “mga alipin” ay yaong mga propeta na sinugo ng “may-bahay,” ang Diyos na Jehova, sa “mga magsasaka” ng kaniyang “ubasan.” Ang mga magsasakang ito ay pangunahing mga kinatawan ng bansang Israel, ang bansang ipinakikilala ng Bibliya na “ubasan” ng Diyos.

      Palibhasa’y masama ang ginawang trato at pinagpapatay pa ng “mga magsasaka” ang “mga alipin,” ganito ang paliwanag ni Jesus: “Sa huli ang pinapunta [ng may-ari ng ubasan] ay ang kaniyang anak, na ang sabi, ‘Kanilang igagalang ang aking anak.’ Pagkakita nila sa anak ang mga magsasaka ay nangag-usapan, ‘Ito ang tagapagmana; halikayo, patayin natin siya at kunin ang kaniyang mana!’ Kaya’t kanilang hinila siya at inihagis siya sa labas ng ubasan at pinatay siya.”

      Ngayon, hinarap ni Jesus ang mga pinunong relihiyoso, at ang sabi: “Pagdating ng may-ari ng ubasan, ano kaya ang kaniyang gagawin sa mga magsasakang iyon?”

      “Dahil sa sila’y masasama,” ang tugon ng mga pinunong relihiyoso, “kaniyang pupuksain sila at ang ubasan ay ibibigay sa ibang magsasaka, na magbibigay sa kaniya ng mga bunga pagdating ng pag-aani.”

      Wala silang kamalay-malay na sila na ang humahatol sa kanilang sarili, yamang sila’y kasali sa mga Israelitang “magsasaka” ng pambansang “ubasan” ni Jehova, ang Israel. Ang bunga na inaasahan ni Jehova sa gayong mga magsasaka ay pananampalataya sa kaniyang Anak, ang tunay na Mesiyas. Dahilan sa hindi nila pagbibigay ng gayong bunga, nagbabala si Jesus: “Kailanman baga’y hindi ninyo nabasa sa mga Kasulatan [sa Awit 118:​22, 23], ‘Ang batong itinakuwil ng nangagtayo ng gusali ang siya ring ginawang pangulong batong-panulok. Ito’y mula kay Jehova, at ito’y kagila-gilalas sa ating mga mata’? Kaya nga’t sinasabi ko sa inyo, Ang kaharian ng Diyos ay aalisin sa inyo at ibibigay sa isang bansang nagkakabunga. At, ang taong mahulog sa batong ito ay madudurog. At para sa kaninumang malagpakan nito, siya’y pangangalatin nito na gaya ng alabok.”

      Nahalata na ngayon ng mga eskriba at mga pangulong saserdote na ang tinutukoy ni Jesus ay sila, at ibig nilang patayin siya, ang matuwid na “tagapagmana.” Kaya’t ang pribilehiyo ng pagiging mga hari sa Kaharian ng Diyos ay babawiin sa kanila bilang isang bansa, at isang bagong bansa ng ‘mga magsasaka sa ubasan’ ang lilikhain, na magbubunga ng karapat-dapat na mga bunga.

      Dahil sa ang mga pinunong relihiyoso’y natatakot sa lubhang karamihan ng tao, na ang turing kay Jesus ay isang propeta, hindi nila tinangkang patayin siya sa pagkakataong ito. Mateo 21:​28-46; Marcos 12:​1-12; Lucas 20:​9-19; Isaias 5:​1-7.

      ▪ Sino ang inilalarawan ng dalawang anak sa unang ilustrasyon ni Jesus?

      ▪ Sa ikalawang ilustrasyon, sino ang inilalarawan ng “may-bahay,” ng “ubasan,” “mga magsasaka,” “mga alipin,” at ng “tagapagmana”?

      ▪ Ano ang mangyayari sa ‘mga magsasaka ng ubasan,’ at sino ang hahalili sa kanila?

  • Ipinaghalimbawa ang Piging ng Kasalan
    Ang Pinakadakilang Tao na Nabuhay Kailanman
    • Kapitulo 107

      Ipinaghalimbawa ang Piging ng Kasalan

      SA PAMAMAGITAN ng dalawang paghahalimbawa, ibinilad ni Jesus ang mga eskriba at mga pangulong saserdote, at nais nila na patayin siya. Ngunit marami pang sasabihin sa kanila si Jesus. Kaniyang inilahad sa kanila ang isa pang paghahalimbawa, na nagsasabi:

      “Ang kaharian ng langit ay tulad sa isang tao, isang hari, na naghanda ng isang piging ng kasalan para sa kaniyang anak na lalaki. At sinugo ang kaniyang mga alipin upang tawagin ang mga inanyayahan sa piging ng kasalan, ngunit sila’y ayaw magsidalo.”

      Ang Diyos na Jehova ang siyang Hari na siyang naghahanda ng isang piging ng kasalan para sa kaniyang Anak, si Jesu-Kristo. Balang araw, ang kasintahang binubuo ng 144,000 pinahirang mga tagasunod ay makakasal sa kay Jesus sa langit. Ang mga sakop ng Hari ay yaong mga mamamayan ng Israel, na, nang mapalakip sa tipang Kautusan noong 1513 B.C.E., ay tumanggap ng pagkakataong maging “isang kaharian ng mga saserdote.” Kaya naman, sa pagkakataong iyon, sila ang unang binigyan ng paanyaya sa piging ng kasalan.

      Gayunman, ang unang pagtawag sa mga inanyayahan ay hindi naganap kundi noong taglagas ng 29 C.E., nang si Jesus at ang kaniyang mga alagad (mga alipin ng hari) ay nagsimula ng kanilang gawaing pangangaral ng Kaharian. Ngunit ang likas na mga Israelita na tumanggap ng panawagang ito na ipinahayag ng mga alipin mula 29 C.E. hanggang 33 C.E. ay tumangging pumaroon. Kaya ang bansang inanyayahan ay binigyan ng Diyos ng isa pang pagkakataon, gaya ng pagsasalaysay ni Jesus:

      “Muling nagsugo siya ng mga iba pang alipin, na nagsasabi, ‘Sabihin ninyo sa mga inanyayahan: “Narito! Inihanda ko na ang aking piging, pinatay na ang aking mga baka at mga hayop na matataba, at lahat ng bagay ay handa na. Magsiparito na kayo sa piging ng kasalan.” ’ ” Itong ikalawa at katapusang pananawagan sa mga inanyayahan ay nagsimula noong Pentecostes 33 C. E., nang ang banal na espiritu ay ibuhos sa mga tagasunod ni Jesus. Ang panawagang ito ay nagpatuloy hanggang 36 C.E.

      Datapuwat, ang lubhang karamihan ng mga Israelita ay tumanggi rin sa panawagang ito. “Hindi nila pinansin iyon at sila’y nagsiyaon sa kanilang lakad,” ang sabi ni Jesus, “ang isa’y sa kaniyang sariling bukid, ang isa’y sa kaniyang pangangalakal; ngunit sinunggaban ng iba ang kaniyang mga alipin, tinrato nang marahas at pinagpapatay.” “Datapuwat,” ang patuloy ni Jesus, “ang hari ay nagalit, at sinugo ang kaniyang mga hukbo at pinuksa ang mga mamamatay-taong iyon at sinunog ang kanilang lunsod.” Ito’y naganap noong 70 C.E., nang ang Jerusalem ay lubusang sunugin ng mga Romano, at ang mga mamamatay-taong iyon ay pinagpapatay.

      Nang magkagayo’y ipinaliwanag ni Jesus ang naganap pansamantala: “Saka sinabi [ng hari] sa kaniyang mga alipin, ‘Nahahanda na ang piging ng kasalan, ngunit hindi karapat-dapat ang mga inanyayahan. Magsiparoon nga kayo sa mga daang palabas sa lunsod, at anyayahan ninyo sa piging ng kasalan ang sinumang inyong masumpungan.’ ” Ganoon nga ang ginawa ng mga alipin, at “ang silid-kasalan ay napuno ng mga panauhing nakahilig sa hapag.”

      Ang gawaing ito na pag-aanyaya ng mga panauhin buhat sa mga daang palabas sa lunsod ay nagsimula noong 36 C.E. Ang Romanong opisyal ng hukbo na si Cornelio at ang kaniyang pamilya ang mga una sa di-tuling mga di-Judio na naanyayahan. Ang pagtitipon sa mga di-Judiong ito, na pawang mga panghalili sa mga una na tumanggi sa paanyaya, ay nagpatuloy magpahanggang sa ika-20 siglo.

      Sa panahong ito na ika-20 siglo napupuno ng mga panauhin ang silid-kasalan. Inilalahad ni Jesus ang nagaganap pagkatapos, na ang sabi: Nang pumasok ang hari upang suriin ang mga panauhin kaniyang namataan ang isang lalaking hindi nakadamit ng damit-kasalan. Kaya’t sinabi niya, ‘Kaibigan, papaano ka nakapasok dito nang walang damit-kasalan?’ Siya’y hindi nakakibo. Nang magkagayo’y sinabi ng hari sa kaniyang mga utusan, ‘Gapusin ninyo ang mga paa at mga kamay niya at itapon siya sa kadiliman sa labas. Diyan na nga ang pagtangis at pagngangalit ng kaniyang mga ngipin.’ ”

      Ang taong hindi nakadamit-kasalan ay lumalarawan sa imitasyong mga Kristiyano ng Sangkakristiyanuhan. Ang mga ito ay hindi kailanman kinilala ng Diyos bilang may taglay ng wastong pagkakakilanlan bilang espirituwal na mga Israelita. Kailanman ay hindi sila pinahiran ng Diyos ng banal na espiritu bilang tagapagmana ng Kaharian. Kaya sila’y inihahagis sa labas sa kadiliman na kung saan sila’y magdaranas ng pagkapuksa.

      Tinatapos ni Jesus ang kaniyang paghahalimbawa sa pamamagitan ng pagsasabi: “Sapagkat marami ang inanyayahan, ngunit kakaunti ang napili.” Oo, marami ang inanyayahan buhat sa bansang Israel upang maging mga miyembro ng kasintahan ni Kristo, subalit kakaunti lamang sa likas na mga Israelita ang napili. Karamihan sa 144,000 mga panauhin na tumatanggap ng makalangit na gantimpala ay napatunayang mga di-Israelita. Mateo 22:​1-14; Exodo 19:​1-6; Apocalipsis 14:​1-3.

      ▪ Sino yaong mga unang-unang inanyayahan sa piging ng kasalan, at kailan sila binigyan ng paanyaya?

      ▪ Kailan lumabas ang unang paanyaya sa mga kinauukulan, at sino ang mga alipin na ginamit upang magbigay niyaon?

      ▪ Kailan lumabas ang ikalawang paanyaya, at sino pagkatapos ang naanyayahan?

      ▪ Sino ang mga inilalarawan ng taong hindi nakadamit-kasalan?

      ▪ Sino ang marami na mga tinawag, at ang kakaunti na napili?

  • Hindi Nila Nasilo si Jesus
    Ang Pinakadakilang Tao na Nabuhay Kailanman
    • Kapitulo 108

      Hindi Nila Nasilo si Jesus

      SI Jesus noon ay nagtuturo sa templo at kasasabi-sabi lamang niya sa kaniyang relihiyosong mga kaaway ang tatlong ilustrasyon o paghahalimbawa na nagbibilad ng kanilang kabalakyutan, nagalit ang mga Fariseo at nangagsanggunian upang masilo siya na magsalita ng isang bagay na magiging dahilan upang siya’y kanilang maaresto. Sila’y bumuo ng isang sabuwatan at sinugo ang kanilang mga alagad, kasama na ang mga kapartidong tagasunod ni Herodes, upang sikapin na siya’y madupilas.

      “Guro,” ang sabi ng mga lalaking ito, “nalalaman namin na ikaw ay totoo at itinuturo mong may katotohanan ang daan ng Diyos, at hindi ka nangingimi kanino man, sapagkat hindi ang panlabas na anyo ng mga tao ang iyong tinitingnan. Sabihin mo nga sa amin, Ano sa akala mo? Matuwid bagang bumuwis kay Caesar o hindi?”

      Si Jesus ay hindi nalilinlang ng paimbabaw na papuri. Natanto niya na kung kaniyang sasabihing, ‘Hindi, hindi matuwid o tama na magbayad ng buwis na ito,’ siya’y magkakasala ng paghihimagsik laban sa Roma. Subalit kung kaniyang sasabihing, ‘Oo, magbayad kayo ng buwis na ito,’ ang mga Judio na namumuhi sa kanilang pagpapasakop sa Roma, ay mapopoot sa kaniya. Kaya’t siya’y sumagot: “Bakit ninyo ako sinusubok, mga mapagpaimbabaw? Ipakita ninyo sa akin ang salaping pambuwis.”

      Nang kanilang dalhin sa kaniya ang isa, siya’y nagtanong: “Kanino ang larawang ito at ang nasusulat na ito?”

      “Kay Caesar,” ang tugon nila.

      “Kaya’t ibigay ninyo kay Caesar ang mga bagay na kay Caesar, ngunit sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos.” Bueno, nang marinig ng mga taong ito ang napakahusay na kasagutan ni Jesus, sila’y nanggilalas. At sila’y humayo at iniwan na siyang mag-isa.

      Sa pagkakita sa pagkabigo ng mga Fariseo na masalakab si Jesus, ang mga Saduceo, na nagsasabing walang pagkabuhay-muli, ay lumapit sa kaniya at nagtanong: “Guro, sinabi ni Moises, ‘Kung mamamatay na walang mga anak ang isang lalaki, ang kaniyang kapatid na lalaki ay mag-aasawa sa kaniyang asawang babae at magkakaanak sa kaniyang kapatid na lalaki.’ Ngayon nagkaroon sa amin ng pitong magkakapatid na lalaki; at nag-asawa ang panganay at namatay, at, sapagkat hindi siya nagkaanak, ang kaniyang asawa ay iniwan niya sa kaniyang kapatid na lalaki. Ganiyan din ang nangyari sa pangalawa at sa pangatlo, hanggang sa ikapito. Sa kahuli-hulihan ay namatay ang babae. Kung gayon, sa pagkabuhay-muli, sino kaya doon sa pito ang magiging asawa ng babaing ito? Sapagkat siya’y naging asawa nilang lahat.”

      Bilang tugon ay sinabi ni Jesus: “Hindi baga ito ang dahilan kung bakit kayo nagkakamali, ang hindi ninyo pagkaalam sa Kasulatan o sa kapangyarihan man ng Diyos? Sapagkat sa kanilang pagkabuhay na muli, ay hindi na mag-aasawa ang mga lalaki o ibibigay man sa pag-aasawa ang mga babae, kundi katulad ng mga anghel sa langit. Ngunit tungkol sa mga patay, na bubuhayin, hindi baga ninyo nabasa sa aklat ni Moises, sa ulat tungkol sa nagliliyab na punò, kung papaanong sinabi sa kaniya ng Diyos, ‘Ako ang Diyos ni Abraham at ang Diyos ni Isaac at ang Diyos ni Jacob’? Siya ay isang Diyos, hindi ng mga patay, kundi ng mga buháy. Maling-mali kayo.”

      Muli na namang nanggilalas ang karamihan sa isinagot na iyon ni Jesus. Maging ang ilan sa mga eskriba man ay umamin: “Guro, mahusay ang pagkasabi mo.”

      Nang makita ng mga Fariseo na napatahimik ni Jesus ang mga Saduceo, sila’y nagsama-sama sa isang pangkat upang lumapit sa kaniya. Upang subukin pa siya, ang isang eskriba sa gitna nila ay nagtanong: “Guro, alin baga ang pinakadakilang utos sa Kautusan?”

      Tumugon si Jesus: “Ang una ay, ‘Pakinggan mo, Oh Israel, si Jehova na ating Diyos ay iisang Jehova, at iibigin mo si Jehova mong Diyos nang buong puso mo at nang buong kaluluwa mo at nang buong isip mo at nang buong lakas mo.’ Ang pangalawa ay ito, ‘Ang iyong kapuwa ay iibigin mo na gaya ng iyong sarili.’ Wala nang ibang utos na hihigit pa sa mga ito.” Sa katunayan ay isinusog ni Jesus: “Sa dalawang utos na ito nakasalalay ang buong Kautusan, at ang mga Propeta.”

      “Guro, mabuti ang pagkasabi mo at kasuwato ng katotohanan,” sang-ayon ng eskriba. “ ‘Siya’y Iisa, at wala nang iba liban sa Kaniya’; at ang siya’y ibigin nang buong puso at nang buong pagkaunawa at nang buong lakas at ang ibigin ang kapuwa niya na gaya ng sa kaniyang sarili ay higit pa kaysa lahat ng mga handog na susunugin at mga hain.”

      Palibhasa’y natanto na may katalinuhang sumagot ang eskriba, sa kaniya’y sinabi ni Jesus: “Hindi ka malayo sa kaharian ng Diyos.”

      May tatlong araw na ngayon​—Linggo, Lunes, at Martes—​na si Jesus ay nagtuturo sa templo. Ang mga tao ay nakikinig sa kaniya nang may kagalakan, gayon ma’y nais ng mga pinunong relihiyoso na siya’y patayin, ngunit sa papaano man ang kanilang pagtatangka ay nabigo. Mateo 22:​15-40; Marcos 12:​13-34; Lucas 20:​20-40.

      ▪ Anong pakana ang binuo ng mga Fariseo upang siluin si Jesus, at ano ang magiging resulta kung siya’y sumagot ng oo o ng hindi?

      ▪ Papaano binigo ni Jesus ang pagtatangka ng mga Saduceo na siluin siya?

      ▪ Ano pang pagtatangka ang ginawa ng mga Fariseo upang subukin si Jesus, at ano ang naging bunga?

      ▪ Sa huling bahagi ng kaniyang ministeryo sa Jerusalem, ilang araw nagturo si Jesus sa templo, at ano ang epekto?

  • Isinumpa ni Jesus ang mga Sumasalansang sa Kaniya
    Ang Pinakadakilang Tao na Nabuhay Kailanman
    • Kapitulo 109

      Isinumpa ni Jesus ang mga Sumasalansang sa Kaniya

      GANIYAN na lamang ang pagkalito ng mga relihiyosong sumasalansang kay Jesus kung kaya’t sila’y nangatakot na magtanong sa kaniya ng ano pa man. Kaya siya na rin ang kusang nagtanong upang mapabilad ang kanilang kawalang-alam. “Ano ang akala ninyo tungkol sa Kristo?” ang tanong niya. “Kanino ba siyang anak?”

      “Kay David,” ang sagot ng mga Fariseo.

      Bagaman hindi itinatuwa ni Jesus na si David ang likas na ninuno ng Kristo, o Mesiyas, kaniyang itinanong: “Kung gayo’y, bakit kinasihan si David [sa Awit 110] na tawagin siyang ‘Panginoon,’ na nagsasabi, ‘Sinabi ni Jehova sa aking Panginoon: ‘Maupo ka sa aking kanan hanggang sa ang iyong mga kaaway ay ilagay ko sa ilalim ng iyong mga paa” ’? Kung tinatawag nga siya ni David na ‘Panginoon,’ papaanong siya’y kaniyang anak?”

      Tumahimik ang mga Fariseo, sapagkat hindi nila alam kung sino nga ang Kristo, o pinahiran. Ang Mesiyas ay hindi lamang isang taong inapo ni David, gaya ng paniniwala marahil ng mga Fariseo, kundi siya’y umiral na sa langit at superyor, o Panginoon ni David.

      Ngayo’y bumaling sa lubhang karamihan at sa kaniyang mga alagad, nagbabala si Jesus tungkol sa mga eskriba at sa mga Fariseo. Yamang ang mga ito’y nagtuturo ng Kautusan ng Diyos, palibhasa’y “nagsisiupo sa luklukan ni Moises,” ganito ang payo ni Jesus: “Lahat nga ng bagay na sa inyo’y kanilang ipag-utos, gawin ninyo at ganapin.” Subalit kaniyang isinusog: “Datapuwat huwag kayong magsigawa ng alinsunod sa kanilang mga gawa, sapagkat kanilang sinasabi ngunit hindi nila ginagawa.”

      Sila’y mga mapagpaimbabaw, at isinumpa sila ni Jesus na gaya ng pananalitang ginamit niya samantalang nakikipagsalu-salo sa bahay ng isang Fariseo mga ilang buwan ang aga. “Ginagawa nila ang lahat ng kanilang mga gawa,” ang sabi niya, “upang mangakita ng mga tao.” At siya’y nagbigay ng mga halimbawa, na ang sabi:

      “Nagpapalapad sila ng mga pilakterya na kanilang sinusunod bilang pananggalang.” Ang maliliit na mga sisidlang ito, na doon nakakabit sa may noo o sa braso, ay naglalaman ng apat na bahagi ng Kautusan: Exodo 13:​1-10, 11-16; at Deuteronomio 6:​4-9; 11:​13-21. Subalit ang ginagawa ng mga Fariseo ay nilalakihan ang mga sisidlang ito upang makapagbigay ng impresyon na sila’y masigasig tungkol sa Kautusan.

      Nagpatuloy si Jesus ng pagsasabing “pinalalapad nila ang mga palawit sa laylayan ng kanilang mga damit.” Sa Bilang 15:​38-40 iniutos sa mga Israelita na lagyan nila ng mga palawit ang kanilang mga kasuotan, ngunit ang mga Fariseo ay mas malalaking palawit ang ginagawa kaysa kanino pa man. Lahat ay ginagawa upang ipakita sa iba! “Ang ibig nila’y ang pinakatanyag na dako,” ang sinabi ni Jesus.

      Nakalulungkot sabihin, maging ang kaniyang sariling mga alagad ay naapektuhan ng ganitong pagnanais ng katanyagan. Kaya siya’y nagpayo: “Ngunit kayo, huwag kayong patawag na Rabbi, sapagkat iisa ang inyong guro, at lahat kayo ay magkakapatid. At, huwag ninyong tatawaging inyong ama ang sino mang tao sa lupa, sapagkat iisa ang inyong Ama, ang Isang nasa langit. Ni huwag kayong patatawag na ‘mga lider,’ sapagkat iisa ang inyong Lider, ang Kristo.” Para sa mga alagad kailangang alisin nila sa kanila ang hangarin na maging numero uno! “Ang pinakadakila sa inyo ang magiging inyong lingkod,” ang payo ni Jesus.

      Pagkatapos ay sinalita niya ang sunud-sunod na mga kaabahan sa mga eskriba at sa mga Fariseo, paulit-ulit na sila’y tinatawag na mga mapagpaimbabaw. Kanilang “sinasarhan ang kaharian ng langit laban sa mga tao,” aniya, at “sila yaong sumasakmal sa mga bahay ng babaing balo at idinadahilan ang mahahabang mga panalangin.”

      “Sa aba ninyo, mga bulag na tagaakay,” ang sabi ni Jesus. Kaniyang isinumpa ang mga Fariseo sa kawalan nila ng mga espirituwal na pamantayan, gaya ng pinatutunayan ng kanilang di-makatuwirang pagtatangi-tangi. Halimbawa, kanilang sinasabi, ‘Kung ipanumpa ninuman ang templo, iyon ay bale wala, datapuwat kung ipanumpa ninuman ang ginto ng templo, siya’y nagkakautang nga.’ Sa kanilang higit na pagpapahalaga sa ginto ng templo kaysa espirituwal na kahalagahan ng dakong iyon ng pagsamba, nahahayag ang kanilang moral na pagkabulag.

      Pagkatapos, gaya ng kaniyang ginawa nang mas maaga, isinumpa ni Jesus ang mga Fariseo sa hindi pagbibigay-pansin sa “lalong mahahalagang bahagi ng Kautusan, samakatuwid baga, ang katarungan at kaawaan at pananampalataya” samantalang nagbibigay ng lalong malaking pansin sa pagbabayad ng ikapu, o ikasampung bahagi, ng wala namang kabuluhang mga gulay.

      Ang mga Fariseo ay tinatawag ni Jesus na “mga bulag na tagaakay, na sinasalà ang lamok ngunit nilululon ang kamelyo!” Kanilang sinasalà sa kanilang alak ang lamok hindi lamang dahil sa iyon ay isang insekto kundi dahil sa iyon ay marumi sa paraang seremonyal. Subalit, ang kanilang pagwawalang-bahala sa lalong mahahalagang bahagi ng Kautusan ay maihahambing sa paglunok sa isang kamelyo, na isa ring maruming hayop ayon sa paraang seremonyal. Mateo 22:​41–​23:​24; Marcos 12:​35-40; Lucas 20:​41-47; Levitico 11:​4, 21-24.

      ▪ Bakit ang mga Fariseo ay tahimik nang tanungin sila ni Jesus tungkol sa sinabi ni David sa Awit 110?

      ▪ Bakit nilalakihan ng mga Fariseo ang kanilang mga sisidlan na naglalaman ng mga talata sa Kasulatan at kanilang pinalalapad ang mga palawit sa laylayan ng kanilang mga damit?

      ▪ Anong payo ang ibinigay ni Jesus sa kaniyang mga alagad?

      ▪ Anong kusang mga pagtatangi-tangi ang ginagawa ng mga Fariseo, at papaano sila isinumpa ni Jesus dahil sa hindi pagbibigay-pansin sa lalong mahahalagang bagay?

  • Natapos ang Ministeryo sa Templo
    Ang Pinakadakilang Tao na Nabuhay Kailanman
    • Kapitulo 110

      Natapos ang Ministeryo sa Templo

      HULING pagpapakita na iyon ni Jesus sa templo. Ang totoo, kaniyang tinatapos ang kaniyang pangmadlang ministeryo sa lupa maliban sa mga pangyayari ng paglilitis at pagpatay sa kaniya, sa darating na tatlong araw. Ngayon ay nagpapatuloy siya ng kaniyang pagkastigo sa mga eskriba at sa mga Fariseo.

      Makaitlo pang kaniyang ibinulalas: “Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw!” Una, siya’y nagpapahayag ng kaabahan sa kanila sapagkat kanilang nililinis “ang labas ng saro at ng pinggan, ngunit sa loob ay punô sila ng panlulupig at katakawan.” Kaya’t siya’y nagpapayo: “Linisin mo muna ang loob ng saro at ng pinggan, upang luminis din naman ang labas niyaon.”

      Pagkatapos ay nagpapahayag siya ng kaabahan sa mga eskriba at sa mga Fariseo dahil sa panloob na pagkabulok at pagkasira na tinatangka nilang ikubli sa pamamagitan ng panlabas na pagbabanal-banalan. “Tulad kayo ng mga libingang pinaputi,” aniya, “na may anyong maganda sa labas ngunit sa loob ay punô ng mga buto ng mga patay na tao at ng lahat na karumal-dumal.”

      Sa wakas, ang kanilang pagpapaimbabaw ay nahalata sa kanilang pagsang-ayon na magtayo ng mga libingan para sa mga propeta at gayakan ang mga iyon upang maitawag-pansin ang kanilang sariling mga pagkakawang-gawa. Subalit, gaya ng isiniwalat ni Jesus, sila “ay mga anak niyaong mga pumatay sa mga propeta.” Oo, sinuman na nangangahas ibilad ang kanilang pagpapaimbabaw ay nanganganib!

      Sa pagpapatuloy, binigkas ni Jesus ang kaniyang pinakamatitinding mga pagtuligsa. “Kayong mga ahas, kayong lahi ng mga ulupong,” aniya, “papaanong makawawala kayo sa kahatulan sa Gehenna?” Ang Gehenna ay libis na ginagamit bilang basurahan na tambakan ng basura sa Jerusalem. Kaya’t ang sinasabi ni Jesus ay na sa pagpapatuloy sa kanilang gawang kabalakyutan, ang mga eskriba at mga Fariseo ay magdaranas ng walang-hanggang pagkapuksa.

      Tungkol sa mga taong sinusugo niya bilang kaniyang mga kinatawan, ganito ang sabi ni Jesus: “Ang iba sa kanila’y inyong papatayin at ibabayubay, at ang iba sa kanila’y inyong hahampasin sa inyong mga sinagoga at pag-uusigin sa lunsod at lunsod; upang mabubo sa inyo ang lahat ng matuwid na dugo na nabuhos sa ibabaw ng lupa, buhat sa dugo ng matuwid na si Abel hanggang sa dugo ni Zacarias na anak ni Barakias [tinawag na Jehoiada sa Ikalawang Cronica], na pinatay ninyo sa pagitan ng santuwaryo at dambana. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Lahat ng bagay na ito ay darating sa salinlahing ito.”

      Dahilan sa pinagwikaan ni Zacarias ang mga pinunò ng Israel, “sila’y nagsabuwatan laban sa kaniya at pinagbabato siya sa utos ng hari sa looban ng bahay ni Jehova.” Ngunit, gaya ng inihula ni Jesus, magbabayad ang Israel sa lahat ng gayong ibinubong dugo ng mga matuwid. Sila’y nagbayad nga makalipas ang 37 taon, noong 70 C.E., nang puksain ng mga hukbong Romano ang Jerusalem at mahigit na isang milyong Judio ang nangalipol.

      Habang pinag-iisipan ni Jesus ang nakakikilabot na katayuang ito, siya’y nalumbay. “Jerusalem, Jerusalem,” ang kaniyang bulalas minsan pa, “makailang inibig kong tipunin ang iyong mga anak, na gaya ng pagtitipon ng inahing manok sa kaniyang mga sisiw sa ilalim ng kaniyang mga pakpak! Ngunit kayong mga tao ay umayaw. Narito! Ang inyong bahay ay iniwang wasak sa iyo.”

      Pagkatapos ay isinusog ni Jesus: “Buhat ngayon ay hindi ninyo ako makikita hanggang sa inyong sabihin, ‘Pinagpala ang pumaparito sa pangalan ni Jehova!’ ” Ang araw na iyon ay sa pagkanaririto o presensiya ni Kristo pagka siya’y pumarito sa kaniyang makalangit na Kaharian at makita siya ng mga tao ng kanilang mga mata ng pananampalataya.

      Ngayon si Jesus ay naparoon sa isang lugar na kung saan kaniyang mapagmamasdan ang mga kabang-yaman sa templo at ang lubhang karamihan na naghuhulog ng pera sa mga iyon. Ang mayayaman ay naghuhulog ng maraming sensilyo. Subalit isang dukhang biyuda ang dumating at naghulog ng dalawang maliliit na barya na kaunting-kaunti ang halaga.

      Pagkatapos tawagin ang kaniyang mga alagad, sinabi ni Jesus: “Katotohanang sinasabi ko sa inyo na ang dukhang biyudang ito ay naghulog ng higit kaysa lahat ng mga naghuhulog sa mga kabang-yaman.” Tiyak na sila’y nagtaka kung papaano nga mangyayari ito. Kaya’t nagpaliwanag si Jesus: “Silang lahat ay naghulog ng sa kanila’y labis, ngunit siya, sa kaniyang kasalatan, ay naghulog ng buong nasa kaniya, ang kaniyang buong kabuhayan.” Pagkatapos na sabihin ito, si Jesus ay lumisan sa templo na siyang huling pagpunta niya roon.

      Palibhasa’y nanggilalas sa laki at sa kagandahan ng templo, ang isa sa kaniyang mga alagad ay bumulalas: “Guro, masdan mo! pagkaiinam na mga bato at pagkaiinam na mga gusali!” Siyanga pala, ang mga bato ay iniuulat na 11 metro ang haba, mahigit na 5 metro ang luwang, at mahigit na 3 metro ang taas!

      “Nakikita mo baga ang pagkalalaking mga gusaling ito?” ang tugon ni Jesus. “Walang matitira ritong isang bato sa ibabaw ng kapuwa bato na di-ibabagsak.”

      Pagkatapos sabihin ito, si Jesus at ang kaniyang mga apostol ay tumawid sa Libis ng Kidron at umakyat sa Bundok ng Olibo. Mula rito ay maaari nilang matunghayan sa ibaba ang magandang templo. Mateo 23:25–​24:3; Marcos 12:​41–​13:​3; Lucas 21:​1-6; 2 Cronica 24:​20-22.

      ▪ Ano ba ang ginawa ni Jesus sa panahon ng kaniyang katapusang pagdalaw sa templo?

      ▪ Papaano nakita ang pagpapaimbabaw ng mga eskriba at ng mga Fariseo?

      ▪ Ano ba ang ibig sabihin ng “kahatulan sa Gehenna”?

      ▪ Bakit sinabi ni Jesus na ang biyuda ay mas higit pa ang naiabuloy kaysa mayayaman?

  • Tanda ng mga Huling Araw
    Ang Pinakadakilang Tao na Nabuhay Kailanman
    • Kapitulo 111

      Tanda ng mga Huling Araw

      NGAYON ay Martes na ng hapon. Samantalang nakaupo si Jesus sa Bundok ng Olibo, nagmamasid sa templo sa ibaba, sina Pedro, Andres, Santiago, at Juan ay naparoon sa kaniya nang bukod. Sila’y may pagkabahala tungkol sa templo, palibhasa’y kasasabi-sabi lamang ni Jesus na walang batong maiiwan sa ibabaw ng kapuwa bato.

      Ngunit maliwanag na higit pa ang kanilang iniisip habang sila’y papalapit kay Jesus. Mga ilang linggo lamang ang nakalipas, kaniyang binanggit sa kanila ang tungkol sa kaniyang “pagkanaririto,” na kung kailan “ang Anak ng tao ay mahahayag.” At sa isang pagkakataon na una rito, kaniyang binanggit sa kanila ang tungkol sa “katapusan ng sistema ng mga bagay.” Kaya’t ang mga apostol ay lubhang nasasabik.

      “Sabihin mo sa amin,” anila, “kailan mangyayari ang mga bagay na ito [na hahantong sa pagkawasak ng Jerusalem at ng kaniyang templo], at ano ang magiging tanda ng iyong pagkanaririto at ng katapusan ng sistema ng mga bagay?” Sa katunayan, ito’y isang tatlong-bahaging katanungan. Una, ibig nilang maalaman ang tungkol sa wakas ng Jerusalem at ng templo nito, pagkatapos ay yaong tungkol sa pagkanaririto ni Jesus na taglay ang kapangyarihan sa Kaharian, at sa katapus-tapusan ang tungkol sa wakas ng buong sistema ng mga bagay.

      Sa kaniyang mahabang tugon, sinagot ni Jesus ang lahat ng tatlong bahagi ng tanong. Siya’y nagbigay ng tanda na nagpapakilala kung kailan matatapos ang Judiong sistema ng mga bagay; ngunit higit pa ang kaniyang binanggit. Siya’y nagbigay rin ng tanda na pupukaw sa kaniyang magiging mga alagad sa hinaharap upang magpaunawa sa kanila na sila’y nabubuhay sa panahon ng kaniyang pagkanaririto at malapit na sa wakas ng buong sistema ng mga bagay.

      Habang lumalakad ang mga taon, ang mga apostol ay nakakakita ng katuparan ng hula ni Jesus. Oo, ang mismong mga bagay na kaniyang inihulang magsisimulang maganap noong kanilang kaarawan. Samakatuwid, ang mga Kristiyanong nabubuhay 37 taon ang nakalipas, noong 70 C.E., ay hindi dinaratnang walang malay tungkol sa pagkapuksa ng Judiong sistema ng mga bagay at ng templo nito.

      Gayunman, ang pagkanaririto ni Kristo at ang katapusan ng sistema ng mga bagay ay hindi naganap noong 70 C.E. Ang kaniyang pagkanaririto na taglay ang kapangyarihan sa Kaharian ay naganap nang mas huli pa. Ngunit kailan? Ang pagsasaalang-alang sa hula ni Jesus ang nagsisiwalat nito.

      Inihula ni Jesus na magkakaroon ng “mga digmaan at alingawngaw ng mga digmaan.” “Ang bansa ay titindig laban sa bansa,” aniya, at magkakaroon ng mga kakapusan sa pagkain, ng mga lindol, at ng mga salot. Ang kaniyang mga alagad ay kapopootan at papatayin. Babangon ang mga bulaang propeta at kanilang ililigaw ang marami. Lalago ang katampalasanan, at ang pag-ibig ng lalong marami ay manlalamig. Kasabay nito, ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos ay ipangangaral bilang patotoo sa lahat ng bansa.

      Bagaman ang hula ni Jesus ay may limitadong katuparan noong bago mapuksa ang Jerusalem noong 70 C.E., ang malaking katuparan nito ay magaganap sa panahon ng kaniyang pagkanaririto at sa katapusan ng sistema ng mga bagay. Ang maingat na pagbabalik-tanaw sa mga pangyayari sa daigdig sapol noong 1914 ay nagsisiwalat na ang napakahalagang hula ni Jesus ay nagaganap na ang malaking katuparan sapol ng taóng iyan.

      Ang isa pang bahagi ng tanda na ibinigay ni Jesus ay ang paglitaw ng “kasuklam-suklam na bagay na sanhi ng kagibaan.” Noong 66 C.E. ang kasuklam-suklam na bagay na ito ay lumitaw sa kaanyuan ng “nagkampamentong mga hukbo” ng Roma na pumalibot sa Jerusalem at sumira sa pader ng templo. Ang “Kasuklam-suklam na bagay” ay nakatayo sa dakong hindi nararapat katayuan.

      Sa malaking katuparan ng tanda, ang kasuklam-suklam na bagay ay ang Liga ng mga Bansa at ang kahalili nito, ang Nagkakaisang mga Bansa. Ang organisasyong ito para sa pandaigdig na kapayapaan ay itinuturing ng Sangkakristiyanuhan bilang panghalili sa Kaharian ng Diyos. Tunay na kasuklam-suklam nga! Kung gayon, sa takdang panahon ang mga kapangyarihang pulitikal na kaugnay ng UN ay babaling sa Sangkakristiyanuhan (antitipikong Jerusalem) at siya’y wawasakin.

      Kaya inihula ni Jesus: “Magkakaroon ng malaking kapighatian na hindi pa nangyayari buhat sa pasimula ng sanlibutan hanggang ngayon, oo, ni mangyayari pa man kailanman.” Bagaman ang pagkapuksa ng Jerusalem noong 70 C.E. ay tunay ngang isang malaking kapighatian, na mahigit na isang milyong katao ang iniulat na nangasawi, iyon ay hindi isang kapighatian na mas malaki kaysa pangglobong Baha noong kaarawan ni Noe. Kaya ang malaking katuparan ng bahaging ito ng hula ni Jesus ay hihintayin pang matupad.

      Pagtitiwala sa mga Huling Araw

      Habang ang Martes, Nisan 11, ay malapit na sa pagtatapos, si Jesus ay patuloy ng pakikipagtalakayan sa kaniyang mga apostol tungkol sa tanda ng kaniyang pagkanaririto sa kapangyarihan sa Kaharian at sa katapusan ng sistema ng mga bagay. Nagbabala siya sa kanila tungkol sa pakikinig sa mga bulaang Kristo. Gagawa ng mga pagtatangka, aniya, “na mailigaw, kung maaari pati ang mga pinili.” Ngunit, tulad ng malalayong-pananaw ng mga agila, ang mga piniling ito ay magkakatipon kung saan masusumpungan ang tunay na pagkain, samakatuwid nga, sa tunay na Kristo sa kaniyang di-nakikitang pagkanaririto. Sila’y hindi maililigaw at matitipon sa isang bulaang Kristo.

      Ang tanging magagawa ng mga bulaang Kristo ay ang sila’y magpakita. Sa kabaligtaran, ang pagkanaririto ni Kristo ay di-makikita. Iyon ay magaganap sa isang kakila-kilabot na panahon sa kasaysayan ng tao, gaya ng sinabi ni Jesus: “Ang araw ay magdidilim, at ang buwan ay hindi magbibigay ng kaniyang liwanag.” Oo, ito ang magiging pinakamadilim na panahon sa buhay ng sangkatauhan. Ang mangyayari’y para bang ang sumisikat na araw ay nagdilim sa panahon na araw na araw, at para bang ang buwan ay hindi nagbigay ng kaniyang liwanag kung gabi.

      “Yayanigin ang mga kapangyarihan sa langit,” ang patuloy pa ni Jesus. Sa ganoo’y ipinakikita niya na ang pisikal na kalangitan ay magkakaroon ng anyong nagpapahiwatig ng mangyayari. Ang kalangitan ay hindi lamang magiging dakong nililiparan ng mga ibon, kundi mapupuno rin ng mga eroplanong pandigma, mga raket, at mga manggagalugad sa kalawakan. Ang takot at karahasan ay hihigit sa ano pa mang naranasan sa nakalipas na kasaysayan ng tao.

      Kaya naman, sinabi ni Jesus, “manggigipuspos ang mga bansa, na hindi alam kung papaano lulusutan iyon dahilan sa mga ugong ng dagat at ng mga daluyong, samantalang nanlulupaypay ang mga tao dahil sa takot at paghihintay ng bagay na darating sa tinatahanang lupa.” Oo, ang pinakamadilim na yugtong ito sa kasaysayan ng tao ay hahantong sa panahon na, gaya ng sinabi ni Jesus, “ang tanda ng Anak ng tao ay lilitaw sa langit, at kung magkagayo’y lahat ng angkan sa lupa ay magsisitaghoy.”

      Subalit hindi lahat ay magsisitaghoy pagka ‘dumating ang Anak ng tao na may kapangyarihan’ upang puksain ang balakyot na sistemang ito ng mga bagay. Ang “mga pinili,” ang 144,000 na makakasama ni Kristo sa kaniyang makalangit na Kaharian ay hindi magsisitaghoy, ni ang kanilang mga kasamahan man, ang mga taong una pa rito’y tinawag ni Jesus na kaniyang “mga ibang tupa.” Bagaman sila’y nabubuhay sa pinakamadilim na panahon sa kasaysayan ng tao, sila’y tumugon sa pampatibay-loob na ibinigay ni Jesus: “Sa pagsisimula ng mga bagay na ito, tumayo na kayo nang tuwid at itaas ang inyong mga ulo, sapagkat nalalapit na ang inyong kaligtasan.”

      Upang matiyak ng kaniyang mga alagad na nabubuhay sa panahon ng mga huling araw na malapit na ang wakas, ibinigay ni Jesus ang ganitong ilustrasyon: “Masdan ninyo ang punò ng igos at lahat ng iba pang punungkahoy: Pagka nagdadahon na, alam na ninyo na malapit na ang tag-araw. Gayundin naman kayo, pagka nakita ninyong nangyayari na ang mga bagay na ito, talastasin ninyo na malapit na ang Kaharian ng Diyos. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Hindi lilipas sa anumang paraan ang lahing ito hanggang sa maganap ang lahat ng bagay.”

      Samakatuwid, pagka nakita ng kaniyang mga alagad ang maraming iba’t ibang bahagi ng tanda na natutupad, kanilang matatalos na ang wakas ng sistema ng mga bagay ay malapit na at na lilipulin ng Kaharian ng Diyos ang lahat ng kabalakyutan. Sa katunayan, ang wakas ay magaganap sa panahong ikinabubuhay ng mga taong nakakita sa katuparan ng lahat ng bagay na inihula ni Jesus! Bilang pagpapayo sa mga alagad na buháy sa panahon ng makasaysayang mga huling araw, sinabi ni Jesus:

      “Pakaingat kayo na ang inyong puso ay huwag malugmok sa katakawan at sa kalasingan at pagsusumakit ukol sa buhay na ito, at dumating na bigla sa inyo ang araw na iyon na gaya ng silo. Sapagkat gayon darating sa lahat ng nananahan sa buong lupa. Kaya nga, manatili kayong gising, sa tuwina dumadalanging makaligtas kayo sa lahat ng mangyayaring ito, at upang makatayo kayo sa harapan ng Anak ng tao.”

      Ang Pantas at ang Mangmang na mga Dalaga

      Noon ay sinasagot ni Jesus ang hiling ng kaniyang mga apostol na tanda ng kaniyang pagkanaririto sa kapangyarihan sa Kaharian. Ngayon ay nagbibigay siya ng higit pang mga bahagi ng tanda sa pamamagitan ng tatlong talinghaga, o mga ilustrasyon.

      Ang katuparan ng bawat ilustrasyon ay makikita ng mga taong nabubuhay sa panahon ng kaniyang pagkanaririto. Kaniyang sinisimulan ang una sa mga salitang: “Kung magkagayon ay makakatulad ang kaharian ng langit ng sampung dalaga na kumuha ng kanilang mga ilawan at nagsilabas upang salubungin ang nobyo. Ang lima sa kanila’y mga mangmang, at ang lima’y matatalino.”

      Sa pananalitang “makakatulad ang kaharian ng langit sa sampung dalaga,” hindi ibig sabihin ni Jesus na kalahati niyaong magmamana ng makalangit na Kaharian ay mga taong mangmang at kalahati ay mga matatalino! Hindi, kundi ang ibig niyang sabihin ay na kung tungkol sa Kaharian ng langit, may isang katangian na katulad nito o katulad niyaon, o na ang mga bagay na may kinalaman sa Kaharian ay magiging katulad ng gayu’t gayong bagay.

      Ang sampung dalaga ay sumasagisag sa lahat ng Kristiyanong nakahanay o nag-aangkin na nakahanay para sa makalangit na Kaharian. Pentecostes 33 C.E. noon nang ang kongregasyong Kristiyano ay ipinangako na pakakasal sa binuhay-muli, niluwalhating Nobyo, si Jesu-Kristo. Ngunit ang kasal ay nakatakdang maganap sa langit sa isang di-binanggit na panahon sa hinaharap.

      Sa ilustrasyon, ang sampung dalaga ay nagsisilabas sa layunin na salubungin ang nobyo at makisama sa prusisyon ng kasalan. Sa kaniyang pagdating, ang daanan ng prusisyon ay kanilang iilawan sa pamamagitan ng kanilang mga ilawan, sa ganoo’y pinararangalan siya samantalang ang kaniyang nobya’y iniuuwi niya sa bahay na inihanda para sa kaniya. Gayunman, si Jesus ay nagpapaliwanag: “Nang dalhin ng mga mangmang ang kanilang ilawan ay hindi sila nagdala ng langis, datapuwat ang matatalino ay nagdala ng langis sa kanilang sisidlan kasama ng kanilang mga ilawan. Samantalang nagtatagal ang nobyo, silang lahat ay nag-antok at nakatulog.”

      Ang matagal na pagkabalam ng nobyo ay nagpapakita na ang pagkanaririto ni Kristo bilang nagpupunong Hari ay sa malayong hinaharap pa. Sa wakas ay lumuklok na siya sa kaniyang trono noong taóng 1914. Sa panahon ng mahabang gabi bago nito, lahat ng dalaga ay nakatulog. Ngunit sila’y hindi pinagwikaan dahil dito. Ang pagkawika sa mga dalagang mangmang ay dahil sa sila’y walang langis para sa kanilang mga sisidlan. Ipinaliwanag ni Jesus kung papaanong nagising ang mga dalaga bago dumating ang nobyo: “Sa hatinggabi ay may sumigaw, ‘Narito na ang nobyo! Magsilabas kayo upang salubungin siya.’ Saka lamang nagsibangon ang lahat ng dalagang iyon at inareglo ang kanilang mga ilawan. Sinabi ng mga mangmang sa matatalino, ‘Bigyan ninyo kami ng kaunting langis, sapagkat mamamatay na ang aming mga ilawan.’ Sumagot ang matatalino, ‘Baka hindi magkasya ito sa amin at sa inyo. Magsiparoon muna kayo sa nagbibili at magsibili kayo para sa inyo.’ ”

      Ang langis ay sumasagisag sa bagay na nagpapanatili sa tunay na mga Kristiyano upang sumikat bilang mga tagapagbigay-liwanag. Ito ang kinasihang Salita ng Diyos, na doo’y palaging mahigpit ang pagkahawak ng mga Kristiyano, kasama na ang banal na espiritu, na tumutulong sa kanila upang maunawaan ang Salitang iyan. Ang espirituwal na langis ay nagpapangyari sa matatalinong dalaga na magpasikat ng liwanag sa pagtanggap sa nobyo samantalang nagaganap ang prusisyon tungo sa piging ng kasalan. Ngunit ang uring mga dalagang mangmang ay wala sa kanilang sarili, sa kanilang mga sisidlan, ng kinakailangang espirituwal na langis. Kaya inilahad ni Jesus ang nangyari:

      “Samantalang [ang mga dalagang mangmang] ay papunta sa pagbili [ng langis], ang nobyo ay dumating, at ang mga dalagang nakahanda ay nagsipasok na kasama niya sa piging ng kasalan; at isinara ang pinto. Pagkatapos ay nagsirating naman ang ibang dalaga na nagsasabi, ‘Panginoon, panginoon, buksan mo kami!’ Bilang sagot ay sinabi niya, ‘Sinasabi ko sa inyo ang katotohanan, Hindi ko kayo nakikilala.’ ”

      Pagkatapos na dumating si Kristo sa kaniyang makalangit na Kaharian, ang uring matatalinong dalaga ng tunay na pinahirang mga Kristiyano ay nagising sa kanilang pribilehiyo na magpasikat ng liwanag sa madilim na sanlibutang ito bilang pagpuri sa bumalik na Nobyo. Ngunit yaong mga inilarawan ng mga dalagang mangmang ay hindi handa na magbigay nitong papuring pagtanggap. Kaya nang dumating ang panahon, hindi binuksan sa kanila ni Kristo ang pintuan sa piging ng kasalan sa langit. Kaniyang pinabayaang sila’y nasa labas sa kadiliman ng pinakamadilim na gabi ng sanlibutan, upang pumanaw na kasama ng lahat ng mga manggagawa ng katampalasanan. “Manatili nga kayong nagbabantay,” ang pagwawakas na sabi ni Jesus, “sapagkat hindi ninyo nalalaman ang araw ni ang oras.”

      Ang Ilustrasyon ng mga Talento

      Ipinagpatuloy ni Jesus ang pakikipagtalakayan sa kaniyang mga apostol sa Bundok ng Olibo sa pagsasabi sa kanila ng isa pang ilustrasyon, ang pangalawa sa sunud-sunod na tatlo. Mga ilang araw bago pa noon, samantalang siya’y nasa Jerico, kaniyang ibinigay ang ilustrasyon ng mga mina upang ipakita na ang Kaharian ay matagal pa bago dumating. Ang ilustrasyon na kaniyang isinasaysay ngayon, bagaman may mga nahahawig na bahagi, ay naglalarawan sa katuparan niyaon ng mga gawain sa panahon ng pagkanaririto ni Kristo na taglay ang kapangyarihan sa Kaharian. Ipinakikita nito na ang kaniyang mga alagad ay kailangang gumawa habang sila’y naririto pa sa lupa upang palaguin ang “kaniyang mga ari-arian.”

      Si Jesus ay nagsimula nang ganito: “Sapagkat iyon [samakatuwid nga, ang mga kalagayang may kinalaman sa Kaharian] ay katulad ng isang tao, na nang paroroon na sa ibang lupain, tinawag niya ang kaniyang mga alipin at ipinagkatiwala sa kanila ang kaniyang mga ari-arian.” Si Jesus ang taong, bago pumaroon sa langit, nagkatiwala sa kaniyang mga alipin​—mga alagad na nakahanay para sa makalangit na Kaharian—​ng kaniyang mga ari-arian. Ang mga ari-ariang ito ay hindi literal na mga pag-aari, kundi sumasagisag ang mga iyon sa isang bukid na tinamnan at kaniyang inaasahan na pagmumulan ng marami pang mga alagad.

      Sandali na lamang bago umakyat si Jesus sa langit ang kaniyang mga ari-arian ay ipinagkatiwala niya sa kaniyang mga alipin. Papaano niya ginawa iyon? Sa pamamagitan ng paghahabilin sa kanila na patuloy na gumawa sa tanimang bukid sa pamamagitan ng pangangaral ng balita ng Kaharian hanggang sa kadulu-duluhan ng lupa. Gaya ng sinabi ni Jesus: “At ang isa’y binigyan niya ng limang talento, ang isa’y dalawa, at ang isa’y isa, sa bawat isa’y ayon sa kani-kaniyang kaya, at siya’y yumaon sa kaniyang paglalakbay.”

      Ang walong talento​—mga ari-arian ni Kristo—​ay ipinamahagi sa gayon ayon sa kaya, o espirituwal na mga kakayahan, ng mga alipin. Ang mga alipin ay kumakatawan sa mga uri ng alagad. Noong unang siglo, sa uri na tumanggap ng limang talento ay maliwanag na kasali ang mga apostol. Si Jesus ay patuloy na naglahad na ang mga aliping tumanggap ng lima at ng dalawang talento ay kapuwa nagkaroon ng doble pa ng mga ito dahil sa kanilang pangangaral ng Kaharian at paggawa ng mga alagad. Subalit, ang alipin na tumanggap ng isang talento ay humukay sa lupa at doon itinago iyon.

      “Pagkatapos ng mahabang panahon,” patuloy ni Jesus, “ay dumating ang panginoon ng mga aliping iyon at nakipagtuos sa kanila.” Pagkatapos lamang na sumapit ang ika-20 siglo, mga 1,900 taon ang nakalipas, nang bumalik si Kristo upang makipagtuos sa kanila, samakatuwid nga, “pagkatapos ng mahabang panahon.” Saka nagpatuloy na nagpaliwanag si Jesus:

      “Ang tumanggap ng limang talento ay lumapit at nagdala ng lima pang talento, na nagsasabi, ‘Panginoon, binigyan mo ako ng limang talento; tingnan mo, ako’y nakinabang ng lima pang talento.’ Sinabi sa kaniya ng kaniyang panginoon, ‘Mabuti ang ginawa mo, ikaw na mahusay at tapat na alipin! Nagtapat ka sa kakaunting bagay. Pamamahalain kita sa maraming bagay. Pumasok ka sa kagalakan ng iyong panginoon.’ ” Para sa alipin na tumanggap ng dalawang talento ay kaniya ring dinoble ang kaniyang mga talento, at siya’y tumanggap ng ganoon ding papuri at gantimpala.

      Ngunit, papaano nga pumapasok ang tapat na mga aliping ito sa kagalakan ng kanilang Panginoon? Bueno, ang kagalakan ng kanilang Panginoon, si Jesu-Kristo, ay ang pagtanggap ng ari-arian ng Kaharian nang siya’y bumalik na sa langit sa kaniyang Ama. Kung para sa tapat na mga alipin sa modernong panahon, sila’y may malaking kagalakan dahil sa pagkakatiwala sa kanila ng higit pang mga pananagutan sa Kaharian, at samantalang tinatapos nila ang kanilang makalupang takbuhin, tatanggapin nila ang sukdulang kagalakan na bunga ng kanilang pagkabuhay-muli sa makalangit na Kaharian. Subalit kumusta naman ang ikatlong alipin?

      “Panginoon, nakikilala kita na ikaw ay isang taong mapagmatigas,” ang reklamo ng aliping ito. “Kaya’t ako’y natakot at ako’y yumaon at aking itinago sa lupa ang talento mo. Narito, nasa iyo ang sa iyong sarili.” Ang alipin ay kusang tumangging gumawa sa tanimang bukid sa pamamagitan ng pangangaral at paggawa ng mga alagad. Kaya ang itinawag sa kaniya ng panginoon ay “balakyot at tamad” at hinatulan siya: “Bawiin sa kaniya ang talento . . . At ang walang-kabuluhang alipin ay ihagis sa kadiliman sa labas. Nariyan na ang pagtangis niya at ang pagngangalit ng kaniyang ngipin.” Ang uring masamang aliping ito, yamang inihagis sa labas, ay pinagkaitan ng anumang espirituwal na kagalakan.

      Ito’y nagbibigay ng isang mahalagang aral para sa lahat ng nag-aangking mga tagasunod ni Kristo. Kung ibig nilang kamtin ang kaniyang papuri at gantimpala at maiwasan ang sila’y maihagis sa kadiliman sa labas at sa pangwakas na pagkapuksa, sila’y kailangang gumawa upang mapalago ang mga ari-arian ng kanilang makalangit na Panginoon sa pamamagitan ng pagkakaroon ng lubusang bahagi sa gawaing pangangaral. Ikaw ba ay masigasig sa bagay na ito?

      Pagdating ni Kristo sa Kapangyarihan ng Kaharian

      Si Jesus ay kapiling pa rin ng kaniyang mga apostol sa Bundok ng Olibo. Bilang sagot sa kanilang kahilingan ng isang tanda ng kaniyang pagkanaririto at ng katapusan ng sistema ng mga bagay, ngayon ay kaniyang sinasabi sa kanila ang huli sa sunud-sunod na tatlong ilustrasyon. “Pagdating ng Anak ng tao na nasa kaniyang kaluwalhatian, na kasama niya ang lahat ng anghel,” ang simula ni Jesus, “kung magkagayo’y luluklok siya sa kaniyang maluwalhating trono.”

      Hindi maaaring makita ng mga tao ang mga anghel sa kanilang kaluwahatian sa langit. Kung gayon, ang pagdating ng Anak ng tao, si Jesu-Kristo, kasama ang mga anghel ay di-makikita ng mga mata ng tao. Ang pagdating ay naganap noong taóng 1914. Ngunit sa anong layunin? Ganito ang paliwanag ni Jesus: “Titipunin sa harap niya ang lahat ng mga bansa, at ang mga tao ay pagbubukdin-bukdin niya gaya ng pagbubukud-bukod ng pastol sa mga tupa at mga kambing. At ang mga tupa ay ilalagay niya sa kaniyang kanan, ngunit ang mga kambing ay sa kaniyang kaliwa.”

      Sa paglalarawan sa mangyayari sa mga ibinukod tungo sa panig na may pagsang-ayon, sinabi ni Jesus: “At saka sasabihin ng hari sa mga nasa kaniyang kanan, ‘Halikayo, kayong pinagpala ng aking Ama, manahin ninyo ang kaharian na inihanda para sa inyo buhat sa pagkatatag ng sanlibutan.’ ” Ang mga tupa sa ilustrasyong ito ay hindi maghaharing kasama ni Kristo sa langit kundi sila’y magmamana ng Kaharian sa diwa na sila’y magiging mga sakop nito sa lupa. Ang “pagkatatag ng sanlibutan” ay naganap nang si Adan at si Eva ay magsimulang magkaanak ng mga makikinabang sa paglalaan ng Diyos na tubusin ang sangkatauhan.

      Ngunit bakit ang mga tupa ay ibinubukod tungo sa kanan ng hari na panig na may pagsang-ayon? “Sapagkat ako’y nagutom,” ang tugon ng hari, “at binigyan ninyo ako ng makakain; ako’y nauhaw at binigyan ninyo ako ng maiinom. Ako’y tagaibang bayan at pinatuloy ninyo ako nang may kabaitan; hubad, at dinamtan ninyo ako. Ako’y nagkasakit at inyong inalagaan ako. Ako’y nabilanggo at dinalaw ninyo ako.”

      Yamang ang mga tupa ay naririto sa lupa, ibig nilang maalaman kung papaano nga nila nagawa ang gayong kabubuting gawa para sa kanilang makalangit na Hari. “Panginoon, kailan ka namin nakitang nagutom at pinakain ka namin,” ang tanong nila, “o nauhaw, at binigyan ka ng maiinom? Kailan ka namin nakitang isang tagaibang bayan at pinatuloy ka namin nang may kabaitan, o hubad, at pinaramtan ka namin? Kailan ka namin nakitang may sakit o nasa bilangguan at dinalaw ka?”

      “Katotohanang sinasabi ko sa inyo,” ang tugon ng Hari, “nang gawin ninyo ito sa pinakamaliit sa mga kapatid kong ito, sa akin ninyo ginawa.” Ang mga kapatid ni Kristo ang siyang mga natitirang bahagi sa lupa ng 144,000 na maghaharing kasama niya sa langit. At ang paggawa sa kanila ng mabuti, ang sabi ni Jesus, ay pareho na rin ng paggawa ng mabuti sa kaniya.

      Pagkatapos, ang mga kambing naman ang kinausap ng Hari. “Magsilayo kayo sa akin, kayong mga isinumpa, at pasa-apoy na walang-hanggan na inihanda para sa Diyablo at sa kaniyang mga anghel. Sapagkat ako’y nagutom, ngunit hindi ninyo ako pinakain, at ako’y nauhaw, ngunit hindi ninyo ako pinainom. Ako’y naging tagaibang-bayan, ngunit hindi ninyo ako pinatuloy; hubad, ngunit hindi ninyo ako pinaramtan; may sakit at nasa bilangguan, ngunit hindi ninyo ako dinalaw.”

      Subalit, ang mga kambing ay nagreklamo: “Panginoon, kailan ka namin nakitang nagugutom o nauuhaw o tagaibang-bayan o hubad o may sakit o nasa bilangguan at hindi ka namin pinaglingkuran?” Pareho ang batayan ng paghatol sa mga kambing na masama at ang paghatol naman sa mga tupa na mabuti. “Kung sa isa sa mga kaliit-liitang ito [na mga kapatid ko] ay hindi ninyo ginawa iyon,” ang sagot ni Jesus, “hindi rin naman ninyo ginawa iyon sa akin.”

      Samakatuwid ang pagkanaririto ni Kristo sa kapangyarihan ng Kaharian, sa mismong panahon bago magwakas ang balakyot na sistemang ito ng mga bagay sa malaking kapighatian, ay isang panahon ng paghuhukom. Ang mga kambing “ay magtutungo sa walang-hanggang kamatayan, ngunit ang mga matuwid [mga tupa] ay sa walang-hanggang buhay.” Mateo 24:​2–​25:​46; 13:​40, 49; Marcos 13:​3-37; Lucas 21:​7-36; 19:​43, 44; 17:​20-30; 2 Timoteo 3:​1-5; Juan 10:​16; Apocalipsis 14:​1-3.

      ▪ Ano ang nag-udyok sa mga apostol na magharap ng gayong tanong, ngunit ano pa ang malinaw na sumasaisip nila?

      ▪ Anong bahagi ng hula ni Jesus ang natupad noong 70 C.E., ngunit ano ang hindi naganap noon?

      ▪ Kailan nagkaroon ng unang katuparan ang hula ni Jesus, ngunit kailan ito may malaking katuparan?

      ▪ Ano ang kasuklam-suklam na bagay sa kaniyang una at pangwakas na mga katuparan?

      ▪ Bakit ang malaking kapighatian ay hindi nagkaroon ng katapusang katuparan sa pagkapuksa ng Jerusalem?

      ▪ Anong mga kalagayan sa sanlibutan ang tanda ng pagkanaririto ni Kristo?

      ▪ Kailan ‘magsisitaghoy ang lahat ng angkan sa lupa,’ ngunit ano ang gagawin ng mga tagasunod ni Kristo?

      ▪ Anong ilustrasyon ang ibinigay ni Jesus upang tulungan ang kaniyang magiging mga alagad sa hinaharap na makilalang malapit na ang wakas?

      ▪ Anong payo ang ibinigay ni Jesus para sa kaniyang mga alagad na mabubuhay sa mga huling araw?

      ▪ Sino ang mga isinasagisag ng sampung dalaga?

      ▪ Kailan ipinangako na ipakakasal sa nobyo ang Kristiyanong kongregasyon, ngunit kailan dumating ang nobyo upang kunin ang kaniyang nobya para dalhin sa piging ng kasalan?

      ▪ Ano ba ang isinasagisag ng langis at dahil sa pagkakaroon nito ng matatalinong dalaga, ano ang nagawa nila?

      ▪ Saan nagaganap ang piging ng kasalan?

      ▪ Anong dakilang gantimpala ang hindi nakamit ng mga dalagang mangmang, at ano ang mangyayari sa kanila sa wakas?

      ▪ Anong aral ang itinuturo ng ilustrasyon ng mga talento?

      ▪ Sino ang mga alipin, at ano ang mga ari-arian na ipinagkatiwala sa kanila?

      ▪ Kailan bumalik ang panginoon upang makipagtuos, at ano ang kaniyang nadatnan?

      ▪ Sa anong kagalakan pumasok ang mga tapat na alipin, at ano ang nangyari sa ikatlong alipin, ang balakyot na isa?

      ▪ Bakit ang pagkanaririto ni Kristo ay di-nakikita, at anong gawain ang ginagawa niya sa panahong iyon?

      ▪ Sa anong diwa nagmamana ng Kaharian ang mga tupa?

      ▪ Kailan naganap ang “pagkatatag ng sanlibutan,”?

      ▪ Ano ang batayan sa paghatol sa mga tao ng tupa o kambing?

  • Sumapit Na ang Huling Paskuwa ni Jesus
    Ang Pinakadakilang Tao na Nabuhay Kailanman
    • Kapitulo 112

      Sumapit Na ang Huling Paskuwa ni Jesus

      SAMANTALANG ang Martes, Nisan 11, ay patapos na, tinatapos ni Jesus ang pagtuturo sa mga apostol sa Bundok ng Olibo. Iyon ay isang magawaing araw, ng mabigat na trabaho! Ngayon, marahil samantalang pabalik sa Betania para doon magpalipas ng gabi, kaniyang sinabihan ang kaniyang mga apostol: “Nalalaman ninyo na pagkaraan ng dalawang araw ay darating ang paskuwa, at ibibigay ang Anak ng tao upang mabayubay.”

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share