Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Panatilihin ang Kapayapaan sa Inyong Sambahayan
    Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya
    • IKALABING-ISANG KABANATA

      Panatilihin ang Kapayapaan sa Inyong Sambahayan

      1. Anu-ano ang ilang bagay na maaaring maging sanhi ng pagkakabaha-bahagi sa mga pamilya?

      MALILIGAYA yaong kabilang sa mga pamilyang kinakikitaan ng pag-ibig, pang-unawa, at kapayapaan. Harinawang ganiyan ang iyong pamilya. Nakalulungkot sabihin, sa di-mabilang na pamilya ay hindi angkop ang paglalarawang iyan yamang nababahagi ang mga ito sa iba’t ibang kadahilanan. Ano ang sanhi ng pagkakabaha-bahagi sa mga sambahayan? Sa kabanatang ito ay pag-uusapan natin ang tatlong bagay. Sa ilang pamilya, hindi nagkakapareho ang relihiyon ng mga miyembro nito. Sa iba, baka ang mga anak ay may magkakaibang magulang. Sa iba pa, ang mga miyembro ng pamilya ay waring napipilitang magkahiwa-hiwalay dahil sa pagpupunyagi sa hanapbuhay o pagnanasa sa higit pang materyal na mga bagay. Gayunman, ang mga kalagayang nagiging dahilan ng pagkakabaha-bahagi sa isang sambahayan ay maaaring hindi naman nakaaapekto sa iba. Ano ang pagkakaiba?

      2. Saan humahanap ang ilan ng patnubay sa buhay-pampamilya, ngunit ano ang pinakamahusay na mapagkukunan ng gayong patnubay?

      2 Ang pananaw ay isang salik. Kung buong-katapatan mong sinisikap na unawain ang pananaw ng ibang tao, mas malamang na mabatid mo kung papaano maiingatan ang isang nagkakaisang sambahayan. Ang ikalawang salik ay ang pinagmumulan ng iyong patnubay. Maraming tao ang sumusunod sa payo ng mga kasamahan sa trabaho, mga kapitbahay, mga kolumnista sa pahayagan, o mga pagpatnubay ng mga tao. Gayunman, napag-alaman ng ilan ang sinasabi ng Salita ng Diyos hinggil sa kanilang kalagayan, at pagkatapos ay ikinapit nila ang kanilang natutuhan. Papaanong ang paggawa nito ay makatutulong sa isang pamilya upang mapanatili ang kapayapaan sa sambahayan?​—2 Timoteo 3:16, 17.

      KUNG ANG IYONG ASAWANG LALAKI AY MAY IBANG PANANAMPALATAYA

      Larawan sa pahina 130

      Sikaping unawain ang pananaw ng ibang tao

      3. (a) Ano ang payo ng Bibliya hinggil sa pakikipag-asawa sa isa na may ibang pananampalataya? (b) Ano ang ilang mahahalagang simulain na kumakapit kung ang isang kabiyak ay sumasampalataya at ang isa naman ay hindi?

      3 Matindi ang payo sa atin ng Bibliya laban sa pakikipag-asawa sa isa na may ibang relihiyosong pananampalataya. (Deuteronomio 7:3, 4; 1 Corinto 7:39) Gayunman, maaaring natutuhan mo ang katotohanan mula sa Bibliya pagkatapos na ikaw ay mag-asawa ngunit ang iyong kabiyak ay hindi. Ano ngayon? Mangyari pa, nananatiling may bisa ang inyong sumpaan sa kasal. (1 Corinto 7:10) Idiniriin ng Bibliya na ang buklod ng pag-aasawa ay panghabang-buhay at hinihimok ang mag-asawa na lutasin ang kanilang mga di-pagkakaunawaan sa halip na takasan ang mga iyon. (Efeso 5:28-31; Tito 2:4, 5) Subalit, kumusta naman kung gayon na lamang ang pagtutol ng iyong asawa sa pagtupad mo sa relihiyon ng Bibliya? Baka sikapin niyang hadlangan ka sa pagdalo sa mga pulong ng kongregasyon, o baka sabihin niyang ayaw niyang magbahay-bahay ang kaniyang asawa, na ipinakikipag-usap ang tungkol sa relihiyon. Ano ang gagawin mo?

      4. Sa anong paraan makapagpapakita ng empatiya ang isang asawang babae kung may ibang pananampalataya ang kaniyang asawa?

      4 Itanong mo sa iyong sarili, ‘Bakit kaya nagkakaganito ang aking asawa?’ (Kawikaan 16:20, 23) Kung hindi niya talagang nauunawaan ang iyong ginagawa, baka naman nag-aalala lamang siya sa iyo. O baka ginigipit siya ng mga kamag-anak dahil hindi ka na nakikisama sa ilang kaugalian na mahalaga para sa kanila. “Kapag ako’y nag-iisa sa bahay, pakiramdam ko ba’y pinabayaan na ako,” sabi ng isang asawang lalaki. Inaakala ng lalaking ito na naaagaw na ng relihiyon ang kaniyang asawa. Ngunit dahil sa labis na pagtingin sa sarili ay hindi niya maamin na siya’y nalulungkot. Baka kailangang tiyakin mo sa iyong asawang lalaki na ang pag-ibig mo kay Jehova ay hindi nangangahulugang hindi mo na mahal ang iyong asawa na tulad ng dati. Tiyakin mong may panahon ka pa rin sa kaniya.

      5. Ano ang dapat pagtimbangin ng asawang babae na ang asawa’y may ibang pananampalataya?

      5 Gayunman, may higit pang mahalaga na dapat isaalang-alang upang may-katalinuhan mong maharap ang situwasyon. Hinihimok ng Salita ng Diyos ang mga asawang babae: “Magpasakop kayo sa inyu-inyong asawang lalaki, gaya ng naaangkop sa Panginoon.” (Colosas 3:18) Samakatuwid, nagbababala ito laban sa espiritu ng pagsasarili. Karagdagan pa, sa pagsasabing “gaya ng naaangkop sa Panginoon,” ipinahihiwatig ng kasulatang ito na kasabay ng pagpapasakop sa asawang lalaki ay isasaalang-alang din ang pagpapasakop sa Panginoon. Kailangang maging timbang.

      6. Anong mga simulain ang dapat tandaan ng isang Kristiyanong asawang babae?

      6 Para sa isang Kristiyano, ang pagdalo sa mga pulong ng kongregasyon at pagpapatotoo sa iba ng tungkol sa pananampalataya niya na nakasalig sa Bibliya ay mahalagang bahagi ng tunay na pagsamba na hindi dapat kaligtaan. (Roma 10:9, 10, 14; Hebreo 10:24, 25) Kung gayon, ano ang iyong gagawin kapag may isang tao na tuwirang nag-utos sa iyo na huwag sundin ang isang partikular na kahilingan ng Diyos? Nagpahayag ang mga apostol ni Jesu-Kristo: “Dapat naming sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao.” (Gawa 5:29) Ang kanilang halimbawa ay naglalaan ng pamarisan na kapit sa maraming kalagayan sa buhay. Ang pag-ibig ba kay Jehova ay mag-uudyok sa iyo na pag-ukulan siya ng debosyon na nararapat lamang sa kaniya? Kasabay nito, ang iyo bang pag-ibig at paggalang sa iyong asawa ang magtutulak sa iyo na pagsikapang gawin ito sa paraang matatanggap niya?​—Mateo 4:10; 1 Juan 5:3.

      7. Anong determinasyon ang dapat taglayin ng isang Kristiyanong asawang babae?

      7 Binanggit ni Jesus na ito’y hindi palaging magiging posible. Nagbabala siya na dahil sa pagsalansang sa tunay na pagsamba, madarama ng sumasampalatayang mga miyembro ng ilang pamilya na sila’y napahiwalay, anupat parang may namamagitang tabak sa pagitan nila at ng iba pa sa pamilya. (Mateo 10:34-36) Naranasan ito ng isang babae sa Hapón. Labing-isang taon na siyang sinasalansang ng kaniyang asawa. Labis siyang pinagmamalupitan nito at madalas na pinagsasarhan siya ng bahay. Ngunit siya’y nagtiyaga. Tinulungan siya ng mga kaibigan sa Kristiyanong kongregasyon. Walang-lubay siyang nanalangin at napatibay-loob ng 1 Pedro 2:20. Kumbinsido ang Kristiyanong babaing ito na kung siya’y mananatiling matatag, darating ang araw na sasamahan din siya ng kaniyang asawa sa paglilingkod kay Jehova. At nagkagayon nga.

      8, 9. Papaano dapat kumilos ang isang asawang babae upang maiwasan ang paglalagay ng di-kinakailangang hadlang sa harap ng kaniyang asawa?

      8 Maraming praktikal na mga bagay ang maaari mong gawin upang maantig ang damdamin ng iyong kabiyak. Halimbawa, kung ayaw ng iyong asawa sa iyong relihiyon, huwag mo siyang bibigyan ng makatuwirang dahilan upang pagreklamuhan ka sa ibang bagay. Panatilihing malinis ang bahay. Pangalagaan ang iyong personal na hitsura. Gawing madalas ang paglalambing at pagpapahalaga. Sa halip na mamintas, umalalay ka. Ipakita mong umaasa ka sa kaniyang pagkaulo. Huwag kang gaganti kung inaakala mong ika’y pinagkasanlan. (1 Pedro 2:21, 23) Bigyang-konsiderasyon ang di-kasakdalan ng tao, at kung sakaling bumangon ang di-pagkakaunawaan, maunang humingi ng tawad nang may pagpapakumbaba.​—Efeso 4:26.

      9 Huwag mong hayaang ang pagdalo sa pulong ay maging dahilan ng pagkaantala sa oras ng kaniyang pagkain. Maaari mo ring itapat ang pakikibahagi sa Kristiyanong ministeryo sa panahong wala sa bahay ang iyong asawa. Isang katalinuhan para sa Kristiyanong asawang babae na huwag mangaral sa kaniyang asawa kapag ayaw niya. Sa halip, sinusunod niya ang payo ni apostol Pedro: “Kayong mga asawang babae, magpasakop kayo sa inyong sariling mga asawang lalaki, upang, kung ang sinuman ay hindi masunurin sa salita, ay mawagi sila nang walang salita sa pamamagitan ng paggawi ng kanilang mga asawang babae, dahil sa pagiging mga saksing nakakita sa inyong malinis na paggawi na may kalakip na matinding paggalang.” (1 Pedro 3:1, 2) Ang pinagsisikapan ng mga Kristiyanong asawang babae ay kung papaano higit na maipamamalas ang mga bunga ng espiritu ng Diyos.​—Galacia 5:22, 23.

      KAPAG MAY IBANG PANANAMPALATAYA ANG ASAWANG BABAE

      10. Papaano dapat pakitunguhan ng isang sumasampalatayang asawang lalaki ang kaniyang asawa kung may iba itong paniniwala?

      10 Kumusta naman kung ang asawang lalaki ang mánanámpalatayá at ang asawang babae ay hindi? Nagbibigay ng tagubilin ang Bibliya para sa ganitong kalagayan. Sinasabi nito: “Kung ang sinumang kapatid na lalaki ay may asawang di-nananampalataya, at gayunma’y sumasang-ayon siyang tumahang kasama niya, huwag niya siyang iwan.” (1 Corinto 7:12) Pinapayuhan din nito ang mga asawang lalaki: “Patuloy na ibigin ang inyu-inyong asawang babae.”​—Colosas 3:19.

      11. Papaano maipakikita ng asawang lalaki ang kaunawaan at mataktikang maisasagawa ang pagkaulo sa kaniyang asawa kung ito’y may ibang pananampalataya?

      11 Kung ikaw ang asawang lalaki ng isang asawa na ang pananampalataya’y iba sa iyo, lalong maging maingat ka na maipakita ang paggalang sa iyong asawa at konsiderasyon sa kaniyang damdamin. Bilang isang may sapat na gulang, nararapat lamang na siya’y bigyang-laya upang ganapin ang kaniyang relihiyosong paniniwala, kahit hindi mo sinasang-ayunan ang mga iyon. Sa unang pagkakataon ng iyong pakikipag-usap sa kaniya hinggil sa iyong pananampalataya, hindi mo dapat asahang itatakwil na niya agad ang kay-tagal na panahong pinaniwalaan niya para lamang sa isang bagay na bago. Sa halip na padalus-dalos na sabihing mali ang mga kaugaliang iyon na malaon nang pinakamamahal ng kanilang pamilya, buong-pagtitiyagang sikaping mangatuwiran sa kaniya mula sa Kasulatan. Baka ipagpalagay niyang napapabayaan mo siya kapag nag-uukol ka ng malaking panahon sa mga gawain sa kongregasyon. Baka sinasalansang niya ang iyong pagsisikap na mapaglingkuran si Jehova, bagaman ang talagang ibig sabihin lamang nito ay: “Pag-ukulan mo naman ako ng iyong panahon!” Maging matiisin. Taglay ang iyong maibiging konsiderasyon, maaaring dumating ang panahon na siya’y matutulungan ding yumakap sa tunay na pagsamba.​—Colosas 3:12-14; 1 Pedro 3:8, 9.

      PAGSASANAY SA MGA ANAK

      12. Kahit na ang mag-asawa’y may magkaibang pananampalataya, papaano dapat ikapit ang mga simulain sa Kasulatan sa pagsasanay sa kanilang mga anak?

      12 Sa isang sambahayang nababahagi sa pagsamba, nagiging isyu kung minsan ang pagtuturo sa mga anak. Papaano dapat ikapit ang mga simulain ng Kasulatan? Iniaatas ng Bibliya sa ama ang pangunahing pananagutan na turuan ang mga anak, ngunit may mahalagang papel din namang ginagampanan ang ina. (Kawikaan 1:8; ihambing ang Genesis 18:19; Deuteronomio 11:18, 19.) Kahit na hindi niya tanggapin ang pagkaulo ni Kristo, ang ama pa rin ang ulo ng pamilya.

      13, 14. Kung pinagbabawalan ng asawang lalaki ang kaniyang asawa na isama ang mga anak sa mga Kristiyanong pagpupulong o makipag-aral sa kanila, ano ang maaari nitong gawin?

      13 May ilang di-sumasampalatayang ama na hindi tumututol kung turuan man ng ina ang mga anak ng tungkol sa relihiyon. Ang iba naman ay tutol. Papaano kung ayaw payagan ng iyong asawang lalaki na isama ang mga anak sa mga pulong sa kongregasyon o pinagbabawalan ka pa man ding makipag-aral sa kanila ng Bibliya sa bahay? Ngayon ay kailangan mong pagtimbang-timbangin ang ilang pananagutan​—ang iyong pananagutan sa Diyos na Jehova, sa iyong ulo bilang asawa, at sa iyong mga minamahal na anak. Papaano mo maaaring pagbaha-bahaginin ang mga ito?

      14 Tiyak na ipananalangin mo ang bagay na ito. (Filipos 4:6, 7; 1 Juan 5:14) Ngunit sa huli, ikaw ang siyang magpapasiya kung anong hakbang ang iyong gagawin. Kung mataktika mong isasagawa ito, anupat nililiwanag mo sa iyong asawa na hindi mo naman kinakalaban ang kaniyang pagkaulo, baka sa dakong huli ay mabawasan ang kaniyang pagsalansang. Kahit na pinagbabawalan ka ng iyong asawa na isama sa mga pulong ang iyong mga anak o magkaroon ng pormal na pakikipag-aral ng Bibliya sa kanila, matuturuan mo pa rin sila. Sa pamamagitan ng inyong pag-uusap sa araw-araw at sa iyong mabuting halimbawa, sikapin mong maikintal sa kanila ang isang antas ng pag-ibig kay Jehova, ng pananampalataya sa kaniyang Salita, ng paggalang sa mga magulang​—kasali na ang kanilang ama​—maibiging pagmamalasakit sa ibang tao, at pagpapahalaga sa tapat na pagtupad ng gawain. Darating ang panahon, baka mapansin ng ama ang mabubuting resulta at baka makilala ang kahalagahan ng iyong mga pagsisikap.​—Kawikaan 23:24.

      15. Ano ang pananagutan ng sumasampalatayang ama sa edukasyon ng mga anak?

      15 Kung ikaw ay isang asawang lalaki na sumasampalataya at ang iyong asawa ay hindi, kung gayon ay dapat mong isabalikat ang pananagutang mapalaki ang iyong mga anak “sa disiplina at pangkaisipang-pagtutuwid ni Jehova.” (Efeso 6:4) Mangyari pa, sa paggawa nito, dapat na ikaw ay maging mabait, mapagmahal, at makatuwiran sa pakikitungo sa iyong asawa.

      KUNG IBA ANG RELIHIYON MO SA IYONG MGA MAGULANG

      16, 17. Anong mga simulain sa Bibliya ang dapat tandaan ng mga anak kapag tumanggap sila ng pananampalatayang iba sa kanilang mga magulang?

      16 Nagiging pangkaraniwan ngayon na maging ang mga menor-de-edad na mga bata ay yumayakap sa mga relihiyosong paniniwala na iba sa kanilang mga magulang. Ganiyan ka ba? Kung oo, may payo ang Bibliya para sa iyo.

      17 Sinasabi ng Salita ng Diyos: “Maging masunurin kayo sa inyong mga magulang kaisa ng Panginoon, sapagkat ito ay matuwid: ‘Parangalan mo ang iyong ama at [ang iyong] ina.’” (Efeso 6:1, 2) Nasasangkot diyan ang taos-pusong paggalang sa mga magulang. Gayunman, bagaman mahalaga ang pagsunod sa mga magulang, hindi dapat gawin ito nang hindi isinasaalang-alang ang tunay na Diyos. Kapag ang isang bata ay may sapat nang gulang upang magsimula nang magpasiya sa sarili, bumabalikat siya ng dagdag na antas ng pananagutan sa kaniyang mga paggawi. Ito’y totoo hindi lamang may kinalaman sa sekular na batas kundi lalo na sa batas ng Diyos. “Ang bawat isa sa atin ay magsusulit sa Diyos para sa kaniyang sarili,” sabi ng Bibliya.​—Roma 14:12.

      18, 19. Kung ang mga anak ay may relihiyong iba sa kanilang mga magulang, papaano nila higit na maipauunawa sa kanilang mga magulang ang kanilang pananampalataya?

      18 Kung ang iyong paniniwala ay magpapangyari sa iyo na gumawa ng mga pagbabago sa iyong buhay, sikaping unawain naman ang pangmalas ng iyong mga magulang. Malamang na sila’y malugod kung, bilang resulta ng iyong pag-aaral at pagkakapit ng mga turo sa Bibliya, ikaw ay lalo nang naging magalang, masunurin, masikap sa mga hinihiling nila sa iyo. Gayunman, kung ang iyong bagong pananampalataya ay magpapangyari rin sa iyo na tutulan ang mga paniniwala at kaugaliang pinakamamahal nila, baka ipagpalagay nilang tinatalikuran mo na ang pamanang hinangad nilang maibigay sa iyo. Baka mabahala rin sila sa iyong kapakanan kung ang iyong ginagawa ay hindi naman popular sa komunidad o kung dahil dito’y napapabaling na ang iyong pansin papalayo sa mga adhikaing sa palagay nila’y makatutulong sa iyo upang umasenso. Ang labis na pagtingin sa sarili ay maaari ring maging hadlang. Baka sa pakiwari nila, sinasabi mo lamang sa ibang pananalita, na ikaw ay tama at sila’y mali.

      19 Kung gayon, sa madaling panahon hangga’t maaari, sikapin mong magsaayos na makilala ng iyong mga magulang ang ilang matatanda o iba pang maygulang na mga Saksi mula sa lokal na kongregasyon. Hikayatin mo ang iyong mga magulang na dumalo sa Kingdom Hall upang marinig nila mismo ang tinatalakay at upang makita nila mismo kung anong uri ng mga tao ang mga Saksi ni Jehova. Darating ang panahon, baka mapalambot ang loob ng iyong mga magulang. Gaano man katindi ang pagsalansang ng mga magulang, anupat sinisira ang mga babasahin sa Bibliya, at pinagbabawalan ang mga anak na dumalo sa mga pulong Kristiyano, karaniwan nang may mga pagkakataon pa ring makabasa sa ibang lugar, makipag-usap sa mga kapuwa Kristiyano, at mapatotohanan at matulungan ang iba sa impormal na paraan. Maaari ka ring manalangin kay Jehova. Ang ilang kabataan ay nangangailangan pa munang maghintay na marating nila ang hustong gulang upang makalipat ng tirahan sa labas ng tahanan ng pamilya bago sila makagawa ng higit pa. Ngunit, anuman ang kalagayan sa tahanan, huwag mong kalilimutang “parangalan ang iyong ama at ang iyong ina.” Gawin mo ang iyong bahagi upang makaragdag sa kapayapaan ng tahanan. (Roma 12:17, 18) Higit sa lahat, itaguyod ang pakikipagpayapaan sa Diyos.

      ANG HAMON NG PAGIGING ISANG AMAIN O ALE

      20. Anong damdamin ang maaaring taglayin ng mga bata kung ang kanilang ama o ina ay isa lamang amain o ale?

      20 Sa ilang tahanan ang kalagayang nagdudulot ng malaking hamon ay hindi tungkol sa relihiyon kundi tungkol sa muling pag-aasawa. Marami sa mga sambahayan ngayon ang may kasamang mga anak mula sa unang pag-aasawa ng isa o ng kapuwa mga magulang. Sa ganitong pamilya, maaaring dumanas ang mga anak ng pagseselos at hinanakit o marahil pag-aalinlangan sa kung sino ang kanilang mamahalin. Bilang resulta, baka tahasang tanggihan nila ang tapat na pagsisikap ng amain o ale na maging isang mabuting ama o ina. Ano ang makatutulong upang makapanagumpay ang isang pamilya sa muling pag-aasawa?

      Larawan sa pahina 138

      Isang tunay na magulang ka man o isang amain o ale, umasa sa Bibliya para sa patnubay

      21. Sa kabila ng pagiging naiiba ng kanilang kalagayan, bakit ang mga amain o ale ay dapat umasa ng tulong mula sa mga simulaing masusumpungan sa Bibliya?

      21 Dapat unawain na sa kabila ng naiibang mga kalagayan, ang mga simulain ng Bibliya na nagdudulot ng tagumpay sa ibang sambahayan ay kapit din dito. Ang pagwawalang-bahala sa mga simulaing iyon, bagaman waring pansamantalang nakalulutas sa problema, ay malamang na humantong sa sakit ng kalooban sa bandang huli. (Awit 127:1; Kawikaan 29:15) Pagyamanin ang karunungan at unawa​—karunungan upang maikapit ang maka-Diyos na mga simulain taglay sa isip ang pangmatagalang mga pagpapala, at unawa upang mabatid kung bakit sinasabi o ginagawa ng mga miyembro ng pamilya ang ilang bagay. Kailangan din ang empatiya.​—Kawikaan 16:21; 24:3; 1 Pedro 3:8.

      22. Bakit maaaring nahihirapang matanggap ng mga bata ang isang amain o ale?

      22 Kung ikaw ay isang amain o ale, magugunita mo na bilang isang kaibigan ng pamilya, marahil ay gusto ka ng mga bata. Ngunit nang ikaw ay maging amain o ale nila, maaaring nabago na ang kanilang saloobin. Palibhasa’y naaalaala nila ang kanilang tunay na magulang na hindi na nila kapiling, baka ang mga bata’y nalilito sa kanilang sarili hinggil sa kung sino ang kanilang mamahalin, anupat posibleng akalain nilang ibig mong agawin ang pagmamahal nila sa nawala na nilang magulang. Kung minsan, baka tahasan nilang ipamukha sa iyo na hindi ikaw ang kanilang ama o kanilang ina. Masakit ang pangungusap na iyan. Magkagayon man, “huwag kang magmadali sa iyong espiritu na magalit.” (Eclesiastes 7:9) Ang unawa at empatiya ay kailangan upang mapakitunguhan ang damdamin ng mga bata.

      23. Papaano maaaring ilapat ang disiplina sa isang pamilyang may mga anak sa una?

      23 Ang mga katangiang iyon ay napakahalaga kapag ang isa’y naglalapat ng disiplina. Kailangang-kailangan ang palagiang disiplina. (Kawikaan 6:20; 13:1) At yamang ang mga bata’y hindi magkakatulad, ang disiplina ay maaaring iba-iba. Natuklasan ng ilang amain o ale na, sa pasimula, mas makabubuti na ang tunay na magulang ang siyang gumanap sa bahaging ito ng pagiging magulang. Gayunman, mahalaga na ang mga magulang ay kapuwa sumasang-ayon sa disiplina at nagtataguyod nito, anupat hindi inaayunan ang tunay na anak kaysa sa anak sa una. (Kawikaan 24:23) Mahalaga ang pagiging masunurin, ngunit kailangang bigyang-konsiderasyon ang di-kasakdalan. Huwag magagalit agad. Dumisiplina taglay ang pag-ibig.​—Colosas 3:21.

      24. Ano ang makatutulong upang maiwasan ang mga suliranin sa moral sa pagitan ng mga miyembro ng magkaibang sekso sa isang pamilya sa muling pag-aasawa?

      24 Malaki ang nagagawa ng pag-uusap ng pamilya upang maiwasan ang suliranin. Makatutulong ito sa pamilya upang laging pagtuunan ng pansin ang pinakamahahalagang bagay sa buhay. (Ihambing ang Filipos 1:9-11.) Matutulungan din nito ang bawat isa na makita kung papaano siya makatutulong sa pag-abot sa mga tunguhin ng pamilya. Karagdagan pa, maiiwasan ang mga suliranin sa moral kung may prangkahang pag-uusap ng pamilya. Kailangang ipaunawa sa mga batang babae kung papaano sila dapat manamit at gumawi sa harap ng kanilang amain at ng sinumang kinakapatid na lalaki, at ang mga batang lalaki naman ay nangangailangan ng payo sa wastong paggawi sa harap ng kanilang ale at ng sinumang kinakapatid na babae.​—1 Tesalonica 4:3-8.

      25. Anu-anong katangian ang makatutulong upang mapanatili ang kapayapaan sa isang pamilya sa muling pag-aasawa?

      25 Sa pagharap sa naiibang hamong ito ng pagiging isang amain o ale, maging matiisin. Nangangailangan ng panahon bago makabuo ng bagong pag-uugnayan. Ang pagtatamo ng pag-ibig at paggalang ng mga batang hindi mo naman tunay na mga anak ay maaaring maging isang mabigat na hamon. Ngunit ito’y posible. Ang isang matalino at maunawaing puso, kakambal ng masidhing pagnanais na mapaluguran si Jehova, ang siyang susi sa kapayapaan ng isang pamilya sa muling pag-aasawa. (Kawikaan 16:20) Ang mga katangiang iyan ay makatutulong din sa iyo upang maharap ang iba pang mga situwasyon.

      NABABAHAGI BA ANG IYONG SAMBAHAYAN DAHIL SA MATERYAL NA MGA ADHIKAIN?

      26. Sa anu-anong paraan maaaring mabahagi ang pamilya dahil sa mga suliranin at saloobin hinggil sa materyal na mga bagay?

      26 Maaaring mabahagi sa maraming paraan ang mga pamilya dahil sa mga suliranin at saloobin hinggil sa materyal na mga bagay. Nakalulungkot sabihin, nagkakasira ang ilang pamilya dahil sa pagtatalo sa pera at sa pagnanasang yumaman​—o yumaman nang kahit kaunti man lamang. Maaaring lumitaw ang pagkakabaha-bahagi kapag ang mag-asawa ay parehong nagtatrabaho at nagkakaroon ng saloobing “akin ang pera ko, iyo ang pera mo.” Bagaman naiiwasan naman ang pagtatalo, kapag ang mag-asawa’y kapuwa nagtatrabaho baka masumpungan nila ang kanilang sarili na wala nang panahon sa isa’t isa. Ang nauuso ngayon sa daigdig ay na ang mga ama ay napapalayo sa kani-kanilang pamilya sa mahabang panahon​—mga buwan o mga taon pa nga​—upang kumita ng mas malaki kaysa kung sila’y nasa kanila. Ito’y maaaring humantong sa napakalulubhang suliranin.

      27. Ano ang ilang simulain na makatutulong sa pamilyang nagigipit sa pinansiyal?

      27 Walang magagawang tuntunin sa pagharap sa ganitong mga kalagayan, yamang ang iba’t ibang pamilya ay kailangang makiharap sa iba’t ibang kagipitan at pangangailangan. Magkagayon man, makatutulong pa rin ang payo ng Bibliya. Halimbawa, tinutukoy ng Kawikaan 13:10 na ang di-kinakailangang pakikipagpunyagi ay maaaring maiwasan sa pamamagitan ng ‘pagsasanggunian.’ Ito’y kinapapalooban ng hindi lamang basta pagsasabi ng iyong sariling pananaw kundi ng paghingi ng payo at ng pag-alam sa pananaw naman ng kabila. Isa pa, ang pagsasaayos ng isang makatotohanang badyet ay makatutulong upang mapagkaisa ang mga pagsisikap ng pamilya. Kung minsan ay kinakailangan​—marahil pansamantala​—para sa mag-asawa na kapuwa magtrabaho sa labas ng tahanan upang masapatan ang dagdag na gastusin, lalo na kapag may mga anak o iba pang sinusustentuhan. Kung ganito ang kalagayan, maaaring tiyakin ng asawang lalaki sa kaniyang asawa na may panahon pa rin siya sa kaniya. Siya kasama ng mga anak ay maaaring buong-pagmamahal na tumulong sa ilang gawaing karaniwan nang ginagawang mag-isa ng kaniyang asawa.​—Filipos 2:1-4.

      28. Anong mga paalaala, kung tutuparin, ang tutulong sa pamilya upang magkaisa?

      28 Gayunman, laging tandaan na bagaman kailangan ang salapi sa sistemang ito ng mga bagay, ito’y hindi nagdudulot ng kaligayahan. Tiyak na ito’y hindi nagbibigay ng buhay. (Eclesiastes 7:12) Sa katunayan, ang labis na pagbibigay-pansin sa materyal na mga bagay ay maaaring magdulot ng espirituwal at moral na pagkasira. (1 Timoteo 6:9-12) Gaano pa ngang higit na mabuti na hanapin muna ang Kaharian ng Diyos at ang kaniyang katuwiran, taglay ang katiyakan na matatamo natin ang kaniyang pagpapala sa ating pagsisikap na magkaroon ng mga pangangailangan sa buhay! (Mateo 6:25-33; Hebreo 13:5) Sa pamamagitan ng pag-una sa espirituwal na mga kapakanan at sa pagtataguyod ng pakikipagpayapaan sa Diyos una sa lahat, masusumpungan mong ang iyong sambahayan, bagaman nababahagi dahil sa ilang kalagayan, ay magiging isang pamilya na talagang nagkakaisa sa pinakamahahalagang paraan.

      PAPAANO MAKATUTULONG ANG MGA SIMULAING ITO NG BIBLIYA . . . SA MGA MIYEMBRO NG PAMILYA UPANG MAPANATILI ANG KAPAYAPAAN SA TAHANAN?

      Pinagyayaman ng mga Kristiyano ang kaunawaan.​—Kawikaan 16:21; 24:3.

      Ang pagpapakita ng pag-ibig at paggalang ng mag-asawa ay hindi lamang dahil sa magkatulad ang kanilang relihiyon.​—Efeso 5:23, 25.

      Hindi kailanman kusang lalabagin ng isang Kristiyano ang batas ng Diyos.​—Gawa 5:29.

      Nakikipagpayapaan ang mga Kristiyano.​—Roma 12:18.

      Huwag magagalit agad.​—Eclesiastes 7:9.

      ANG WASTONG PAG-AASAWA AY NAGDUDULOT NG DIGNIDAD AT KAPAYAPAAN

      Maraming lalaki at babae sa ngayon ang nagsasama bilang mag-asawa nang walang anumang legal na sumpaan. Ito ay isang kalagayang baka kailangang harapin ng isang baguhang mánanámpalatayá. Sa ilang pagkakataon ay baka sang-ayunan ng pamayanan o ng kaugaliang pantribo ang pagsasama, ngunit ito’y hindi legal. Gayunman, ang pamantayan ng Bibliya ay humihiling ng isang wastong rehistradong kasal. (Tito 3:1; Hebreo 13:4) Para sa mga nasa Kristiyanong kongregasyon, itinatakda rin ng Bibliya na dapat magkaroon lamang ng isang asawang lalaki at isang asawang babae sa pag-aasawa. (1 Corinto 7:2; 1 Timoteo 3:2, 12) Ang pagtalima sa pamantayang ito ay unang hakbang tungo sa pagkakaroon ng kapayapaan sa inyong tahanan. (Awit 119:165) Ang mga kahilingan ni Jehova ay hindi impraktikal o nakapagpapabigat. Ang itinuturo niya sa atin ay dinisenyo para sa ating kapakinabangan.​—Isaias 48:17, 18.

  • Mapaglalabanan Mo ang mga Suliraning Pumipinsala sa Pamilya
    Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya
    • IKALABINDALAWANG KABANATA

      Mapaglalabanan Mo ang mga Suliraning Pumipinsala sa Pamilya

      1. Anong nakakubling mga suliranin ang umiiral sa ilang pamilya?

      KATATAPOS lamang na hugasan at punasan ng wax ang lumang kotse. Sa mga nagdaraan ay nagmukha itong makintab at halos parang bago. Ngunit sa ilalim nito, unti-unti nang kinakain ng sumisirang kalawang ang kaha ng sasakyan. Ganito rin ang kalagayan ng ilang pamilya. Bagaman sa panlabas na tingin ay waring mahusay naman, nakakubli ang pangamba at kirot sa likod ng mga nakangiting mukha. Sa likod ng nakapinid na pinto ay unti-unting kinakain ng sumisirang elemento ang kapayapaan ng pamilya. Dalawa sa mga suliranin na maaaring magdulot ng ganitong epekto ay alkoholismo at karahasan.

      ANG PINSALANG DULOT NG ALKOHOLISMO

      2. (a) Ano ang pananaw ng Bibliya sa pag-inom ng mga inuming de-alkohol? (b) Ano ang alkoholismo?

      2 Hindi naman hinahatulan ng Bibliya ang katamtamang pag-inom ng mga inuming de-alkohol, ngunit ang hinahatulan nito ay ang paglalasing. (Kawikaan 23:20, 21; 1 Corinto 6:9, 10; 1 Timoteo 5:23; Tito 2:2, 3) Gayunman, mas malubha pa ang alkoholismo kaysa sa paglalasing; ito’y ang pagiging sugapa sa mga inuming de-alkohol at kawalan ng pagpipigil sa kanilang pag-inom. Ang mga alkoholiko ay maaaring yaong mga nasa edad na. Nakalulungkot sabihin, ang mga ito’y maaari ring yaong mga nasa kabataan.

      3, 4. Ilarawan ang epekto ng alkoholismo sa asawa ng alkoholiko at sa kanilang mga anak.

      3 Noon pa man ay binanggit na ng Bibliya na ang pagmamalabis sa alak ay maaaring sumira sa kapayapaan ng pamilya. (Deuteronomio 21:18-21) Ang sumisirang epekto ng alkoholismo ay nadarama ng buong pamilya. Maaaring mabuhos ang buong pag-iisip ng isang kabiyak sa kaniyang pagsisikap na mapahinto ang alkoholiko sa pag-inom o kaya’y makayanan ang mga di-inaasahang paggawi nito.a Sinusubukan niyang itago ang alak, itapon ito, itago ang pera niya, at makiusap na sana’y mahalin niya ang pamilya, ang buhay, maging ang Diyos​—ngunit patuloy pa rin sa pag-inom ang alkoholiko. Habang paulit-ulit na nabibigo ang kaniyang pagsisikap na mahinto ang pag-inom nito, maaaring makadama siya ng pagkasiphayo at kawalan ng kakayahan. Baka magsimula na siyang makadama ng pangamba, galit, paninisi sa sarili, nerbiyos, pagkabalisa, at kawalan ng paggalang sa sarili.

      4 Hindi ligtas ang mga anak sa epekto ng pagiging alkoholiko ng isang magulang. Ang ilan ay sinasaktan sa pisikal. Ang iba naman ay seksuwal na minomolestiya. Baka sinisisi pa nga nila ang kanilang sarili sa pagiging alkoholiko ng isang magulang. Madalas na nawawala ang kanilang kakayahang magtiwala sa iba dahil sa pabagu-bagong gawi ng alkoholiko. Palibhasa’y naaasiwa silang pag-usapan ang nangyayari sa kanilang tahanan, baka timpiin na lamang ng mga bata ang kanilang damdamin, na madalas nagbubunga nang masama sa pisikal. (Kawikaan 17:22) Baka dalhin ng mga batang ito hanggang sa kanilang paglaki ang kawalang pagtitiwalang ito sa sarili o kawalan ng paggalang sa sarili.

      ANO ANG MAGAGAWA NG PAMILYA?

      5. Papaano maaaring harapin ang alkoholismo, at bakit ito mahirap?

      5 Bagaman karamihan sa mga awtoridad ay nagsasabing hindi na magagamot pa ang alkoholismo, ang karamihan ay sumasang-ayon na posible pa rin ang isang antas ng paggaling kapag sinunod ang tinatawag na kumpletong abstinensiya. (Ihambing ang Mateo 5:29.) Gayunman, ang pagpapasang-ayon sa isang alkoholiko na tumanggap ng tulong ay mas madaling sabihin kaysa gawin, yamang madalas na ayaw niyang amining siya’y may problema. Magkagayon man, kapag kumilos na ang mga miyembro ng pamilya upang harapin ang nagiging epekto sa kanila ng alkoholismo, baka simula na ito upang makilala ng alkoholiko na siya’y talagang may problema. Ganito ang sabi ng isang doktor na may karanasan sa pagtulong sa mga alkoholiko at sa kani-kanilang pamilya: “Ang pinakamahalagang bagay sa palagay ko ay ang basta ipagpatuloy ng pamilya ang kani-kanilang pang-araw-araw na gawain sa pinakakapaki-pakinabang na paraang magagawa nila. Unti-unting makikita ng alkoholiko ang malaking pagkakaiba niya sa iba pang miyembro ng pamilya.”

      6. Ano ang pinakamabuting mapagkukunan ng payo para sa mga pamilyang may miyembrong alkoholiko?

      6 Kung may alkoholiko sa inyong pamilya, ang kinasihang payo ng Bibliya ay tutulong sa iyo na mamuhay sa pinakakapaki-pakinabang na paraan hangga’t maaari. (Isaias 48:17; 2 Timoteo 3:16, 17) Tingnan ang ilang simulaing nakatulong sa mga pamilya upang matagumpay na makayanan ang alkoholismo.

      7. Kung ang isang miyembro ng pamilya ay alkoholiko, sino ang may pananagutan?

      7 Tigilan na ang pagsisi sa sarili. Sabi ng Bibliya: “Ang bawat isa ay magdadala ng kaniyang sariling pasan,” at, “ang bawat isa sa atin ay magsusulit sa Diyos para sa kaniyang sarili.” (Galacia 6:5; Roma 14:12) Baka subukang ipahiwatig ng alkoholiko na ang mga miyembro ng pamilya ang may kasalanan. Halimbawa, baka sabihin niya: “Kung naging mabuti lamang ang pagtingin ninyo sa akin, hindi sana ako uminom.” Kung mahahalatang umaayon sa kaniya ang iba, pinalalakas nila ang loob niya na ituloy ang pag-inom. Subalit tayo man ay biktima ng pagkakataon o ng ibang tao, tayong lahat​—kasali na ang mga alkoholiko​—ay mananagot sa ating ginagawa.​—Ihambing ang Filipos 2:12.

      8. Ano ang ilang paraan upang matulungan ang alkoholiko na harapin ang mga epekto ng kaniyang problema?

      8 Huwag mong isipin na laging kailangan mong protektahan ang alkoholiko sa mga epekto ng kaniyang pag-inom. Ang isang kawikaan sa Bibliya hinggil sa isang napopoot ay maaari ring ikapit sa alkoholiko: “Kung ililigtas mo siya, muli’t muli mo ring gagawin iyon.” (Kawikaan 19:19) Hayaan mong pagdusahan ng alkoholiko ang mga epekto ng kaniyang pag-inom. Hayaan mong linisin niya ang gusot na kaniyang ginawa o tawagan niya ang kaniyang amo kinabukasan pagkatapos ng kaniyang magdamagang pag-inom.

      Larawan sa pahina 146

      Ang Kristiyanong matatanda ay maaaring maging isang tunay na pagmumulan ng tulong sa paglutas ng mga suliranin ng pamilya

      9, 10. Bakit dapat tumanggap ng tulong ang mga pamilya ng mga alkoholiko, at kanino lalo na sila dapat humingi ng tulong?

      9 Tanggapin ang tulong mula sa iba. Sabi ng Kawikaan 17:17: “Ang tunay na kasama ay umiibig sa lahat ng panahon, at isang kapatid na ipinanganak para sa panahon ng kasakunaan.” Kapag may alkoholiko sa inyong pamilya, nagkakaroon ng kasakunaan. Kailangan mo ng tulong. Huwag mag-atubiling umasa sa pag-alalay ng ‘tunay na mga kasama.’ (Kawikaan 18:24) Ang pakikipag-usap sa iba na nakauunawa sa suliranin o napaharap na sa gayunding situwasyon ay baka makapagbigay sa iyo ng praktikal na mga mungkahi kung ano ang dapat gawin at hindi dapat gawin. Ngunit maging timbang. Makipag-usap doon sa iyong mga pinagkakatiwalaan, doon sa mga mag-iingat sa inyong “kompedensiyal na usapan.”​—Kawikaan 11:13.

      10 Matutong magtiwala sa Kristiyanong matatanda. Ang matatanda sa Kristiyanong kongregasyon ay maaaring makatulong nang malaki. Ang mga maygulang na lalaking ito ay tinuruan sa Salita ng Diyos at makaranasan sa pagkakapit ng mga simulain nito. Sila’y maaaring maging “gaya ng pinagtataguang dako mula sa hangin at isang kublihang dako mula sa bagyo, gaya ng agos ng tubig sa isang walang-tubig na lupain, gaya ng lilim ng isang mabigat na malaking bato sa isang nanlulupaypay na lupa.” (Isaias 32:2) Ang mga Kristiyanong matatanda ay hindi lamang nagsasanggalang sa kongregasyon sa kabuuan mula sa nakapipinsalang impluwensiya kundi sila rin naman ay umaaliw, nagpapanariwa, at personal na interesado sa mga indibiduwal na may suliranin. Lubusang samantalahin ang kanilang maitutulong.

      11, 12. Sino ang naglalaan ng pinakamalaking tulong para sa mga pamilya ng mga alkoholiko, at papaano ibinibigay ang suportang iyan?

      11 Higit sa lahat, kumuha ng lakas mula kay Jehova. Buong-pagmamahal na tinitiyak sa atin ng Bibliya: “Si Jehova ay malapit sa mga may wasak na puso; at ang mga may bagbag na espiritu ay inililigtas niya.” (Awit 34:18) Kung sa pakiramdam mo’y wasak ang iyong puso o bagbag ang iyong espiritu dahil sa igting ng pakikisama sa alkoholikong miyembro ng pamilya, alamin na “si Jehova ay malapit.” Nauunawaan niya kung gaano kahirap ang kalagayan ng inyong pamilya.​—1 Pedro 5:6, 7.

      12 Ang paniniwala sa sinasabi ni Jehova sa kaniyang Salita ay makatutulong sa iyo na makayanan ang pagkabalisa. (Awit 130:3, 4; Mateo 6:25-34; 1 Juan 3:19, 20) Ang pag-aaral ng Salita ng Diyos at pamumuhay ayon sa mga simulain nito ay titiyak na ikaw ay isa sa makatatanggap ng tulong ng banal na espiritu ng Diyos, na magsasangkap sa iyo ng “lakas na higit sa karaniwan” upang makayanan mo ang bawat araw na darating.​—2 Corinto 4:7.b

      13. Ano ang ikalawang problema na pumipinsala sa mga pamilya?

      13 Ang pag-abuso sa alak ay maaaring humantong sa isa pang problema na nakapipinsala sa maraming sambahayan​—ang karahasan sa pamilya.

      ANG PINSALANG DULOT NG KARAHASAN SA PAMILYA

      14. Kailan nagsimula ang pampamilyang karahasan, at ano ang kalagayan sa ngayon?

      14 Ang kauna-unahang gawang marahas ay ang nangyaring karahasan sa pamilya na nagsasangkot sa dalawang magkapatid, sina Cain at Abel. (Genesis 4:8) Mula noon, ang sangkatauhan ay sinalot na ng lahat ng uri ng karahasan sa pamilya. May mga asawang lalaki na nambubugbog ng asawa, mga asawang babae na lumalaban sa kanilang asawa, mga magulang na buong-lupit na nananakit sa kanilang maliliit na anak, at malalaki nang mga anak na nang-aabuso sa kanilang matatanda nang magulang.

      15. Papaano emosyonal na naaapektuhan ng karahasan sa pamilya ang mga miyembro ng sambahayan?

      15 Ang pinsalang dulot ng karahasan sa pamilya ay hindi lamang nag-iiwan ng pisikal na mga pilat. Sabi ng isang binubugbog na asawa: “Labis-labis na paninisi sa sarili at kahihiyan ang kailangan mong pagdusahan. Sa umaga, malimit na ayaw mo nang bumangon, na umaasang iyon ay isa lamang masamang panaginip.” Ang mga batang nakakakita o nakararanas ng karahasan sa pamilya ay maaaring maging marahas mismo kapag sila’y lumaki na at magkaroon na ng sariling pamilya.

      16, 17. Ano ang emosyonal na pang-aabuso, at papaano naaapektuhan nito ang mga miyembro ng pamilya?

      16 Ang karahasan sa pamilya ay hindi limitado sa pisikal na pang-aabuso lamang. Madalas na ang pananakit ay sa salita. Sabi ng Kawikaan 12:18: “May isa na nagsasalitang walang-ingat na gaya ng mga tarak ng tabak.” Kasali sa “mga tarak” na ito na nagiging pangkaraniwan kapag may karahasan sa pamilya ay ang panunungayaw at pambubulyaw, gayundin ang malimit na pamimintas, pang-iinsulto, at pananakot na manakit. Ang mga sugat na sanhi ng emosyonal na karahasan ay di-nakikita at madalas na hindi napapansin ng iba.

      17 Ang lalo nang nakalulungkot ay ang emosyonal na pambubugbog sa isang bata​—ang walang tigil na pagpintas at paghamak sa abilidad, talino, o halaga ng isang bata bilang isang tao. Ang gayong abusadong pananalita ay nakasisira sa espiritu ng isang bata. Totoo naman, lahat ng bata ay nangangailangan ng disiplina. Subalit tinagubilinan ng Bibliya ang mga ama: “Huwag ninyong pukawin sa galit ang inyong mga anak, upang hindi sila masiraan ng loob.”​—Colosas 3:21.

      KUNG PAPAANO MAIIWASAN ANG PAMPAMILYANG KARAHASAN

      Larawan sa pahina 151

      Ang mag-asawang Kristiyano na umiibig at gumagalang sa isa’t isa ay kikilos agad upang malutas ang mga suliranin

      18. Saan nagsisimula ang karahasan sa pamilya, at ano ang paraang ipinakikita ng Bibliya upang matigil ito?

      18 Ang karahasan sa pamilya ay nagsisimula sa puso at isip; ang ating paggawi ay nagsisimula muna sa ating iniisip. (Santiago 1:14, 15) Upang matigil ang karahasan, dapat baguhin ng nang-aabuso ang kaniyang pag-iisip. (Roma 12:2) Posible kaya iyan? Oo. May kapangyarihan ang Salita ng Diyos na baguhin ang tao. Mabubunot nito maging ang “matibay ang pagkakatatag” na nakapipinsalang pananaw. (2 Corinto 10:4; Hebreo 4:12) Ang tumpak na kaalaman ng Bibliya ay lubus-lubusang nakapagpapabago sa mga tao anupat masasabing sila’y nagsusuot ng bagong personalidad.​—Efeso 4:22-24; Colosas 3:8-10.

      19. Papaano dapat malasin at pakitunguhan ng isang Kristiyano ang kaniyang kabiyak?

      19 Pangmalas sa kabiyak. Sabi ng Salita ng Diyos: “Ang mga asawang lalaki ay dapat na umibig sa kanilang mga asawang babae gaya ng kanilang sariling mga katawan. Siya na umiibig sa kaniyang asawang babae ay umiibig sa kaniyang sarili.” (Efeso 5:28) Sinasabi rin ng Bibliya na ang asawang lalaki ay dapat mag-ukol sa kaniyang asawa ng “karangalang gaya ng sa isang mas mahinang sisidlan.” (1 Pedro 3:7) Ang mga asawang babae ay pinapayuhan na “ibigin ang kani-kanilang mga asawa” at magkaroon ng “matinding paggalang” sa kanila. (Tito 2:4; Efeso 5:33) Tiyak na walang may-takot sa Diyos na asawang lalaki ang totohanang makapagsasabing talagang pinag-uukulan niya ng karangalan ang kaniyang asawa kung sinasaktan niya ito sa pisikal o sa salita. At walang asawang babae na nambubulyaw sa kaniyang asawa, nanunuya sa kaniya, o palaging nagagalit sa kaniya ang makapagsasabing tunay niya siyang iniibig at iginagalang.

      20. Kanino mananagot ang mga magulang sa kanilang mga anak, at bakit hindi dapat na maging labis na mapaghanap ang mga magulang sa kanilang mga anak?

      20 Wastong pangmalas sa mga anak. Nararapat sa mga anak, oo, kailangan nila, ang pag-ibig at atensiyon ng kanilang mga magulang. Tinatawag ng Salita ng Diyos ang mga anak na “isang pamana mula kay Jehova” at “isang gantimpala.” (Awit 127:3) Pananagutan ng mga magulang kay Jehova na pangalagaan ang pamanang iyan. Nagsasabi ang Bibliya hinggil sa “[mga ugali] ng isang sanggol” at sa “kamangmangan” ng pagiging bata. (1 Corinto 13:11; Kawikaan 22:15) Hindi dapat magtaka ang mga magulang kung kakitaan nila ng kamangmangan ang kanilang mga anak. Ang mga kabataan ay wala pa sa hustong gulang. Ang mga magulang ay hindi dapat humiling ng hihigit pa sa naaangkop sa edad, pampamilyang kalagayan, at kakayahan ng bata.​—Tingnan ang Genesis 33:12-14.

      21. Ano ang maka-Diyos na paraan ng pangmalas sa matatanda nang mga magulang at sa pakikitungo sa kanila?

      21 Pangmalas sa matatanda nang magulang. Sabi ng Levitico 19:32: “Sa harap ng may uban ay titindig ka, at dapat kang magpakita ng konsiderasyon sa pagkatao ng isang matandang lalaki.” Kung gayon ay pinauunlad ng Batas ng Diyos ang paggalang at mataas na pagtingin sa mga may edad na. Ito’y baka maging isang hamon kapag ang matanda nang magulang ay waring labis na mapaghanap o kaya’y may karamdaman at marahil ay hindi makakilos o makapag-isip nang mabilis. Magkagayon man, pinaaalalahanan ang mga anak na “magpatuloy sa pagbabayad ng kaukulang kabayaran sa kanilang mga magulang.” (1 Timoteo 5:4) Ito’y nangangahulugang pakikitunguhan ang mga ito nang may dignidad at paggalang, anupat marahil ay pinaglalaanan pa man din sila sa pinansiyal. Ang pananakit sa pisikal o sa ibang paraan sa matatanda nang mga magulang ay lubusang salungat sa paraang iniutos sa atin ng Bibliya na gawin.

      22. Ano ang susing katangian upang mapaglabanan ang karahasan sa pamilya, at papaano ito maisasagawa?

      22 Paunlarin ang pagpipigil sa sarili. Ang Kawikaan 29:11 ay nagsasabi: “Pinalalabas ng isa na hangal ang buo niyang espiritu, ngunit siya na marunong ay nagpapakalma nito hanggang sa huli.” Papaano mo mapipigil ang iyong espiritu? Sa halip na kimkimin sa kalooban ang pagkayamot, kumilos agad upang malutas ang mga suliraning bumabangon. (Efeso 4:26, 27) Lumayo ka na kung inaakala mong hindi mo na kayang makapagpigil. Hilingin mo sa panalangin ang banal na espiritu ng Diyos upang makapagpamalas ka ng pagpipigil-sa-sarili. (Galacia 5:22, 23) Ang paglalakád-lakád o paggawa ng ilang ehersisyo sa katawan ay maaaring makatulong sa iyo na mapigil ang iyong emosyon. (Kawikaan 17:14, 27) Sikaping maging “mabagal sa pagkagalit.”​—Kawikaan 14:29.

      MAGHIHIWALAY O MANANATILING MAGKASAMA?

      23. Ano ang maaaring mangyari kapag ang isang miyembro ng Kristiyanong kongregasyon ay paulit-ulit at walang-pagsisising napadadala sa marahas na silakbo ng galit, na maaaring may kasama pang pisikal na pang-aabuso sa kaniyang pamilya?

      23 Ibinilang ng Bibliya sa mga gawang hinahatulan ng Diyos ang “mga awayan, alitan, . . . mga silakbo ng galit” at binabanggit na “yaong mga nagsasagawa ng gayong mga bagay ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.” (Galacia 5:19-21) Kung gayon, sinumang nag-aangking Kristiyano na paulit-ulit at walang-pagsisising napadadala sa marahas na silakbo ng galit, na maaaring may kasama pang pisikal na pang-aabuso sa kabiyak o mga anak, ay maaaring matiwalag sa Kristiyanong kongregasyon. (Ihambing ang 2 Juan 9, 10.) Sa ganitong paraan ay napananatiling malinis ang kongregasyon mula sa abusadong mga tao.​—1 Corinto 5:6, 7; Galacia 5:9.

      24. (a) Papaano maaaring magpasiya ang mga inaabusong kabiyak? (b) Papaano matutulungan ng nagmamalasakit na mga kaibigan at ng matatanda ang inaabusong kabiyak, ngunit ano ang hindi nila dapat gawin?

      24 Kumusta naman ang mga Kristiyanong karaniwang binubugbog ng abusadong kabiyak na hindi kinakikitaan ng palatandaan ng pagbabago? Minabuti ng ilan na manatiling nakikisama sa abusadong kabiyak sa iba’t ibang dahilan. Ang iba naman ay minabuti pang lumayo na, palibhasa’y nadarama nilang ang kanilang pisikal, mental, at espirituwal na kalusugan​—marahil maging ang kanilang buhay​—ay nanganganib. Anuman ang piliing gawin ng isang biktima ng karahasan sa pamilya na nasa ganitong mga kalagayan ay personal niyang desisyon sa harap ni Jehova. (1 Corinto 7:10, 11) Baka hangarin ng mababait na kaibigan, kamag-anak, o Kristiyanong matatanda na mag-alok ng tulong at payo, ngunit hindi nila dapat ipilit sa biktima ang isang partikular na hakbangin. Iyan ay sarili niyang desisyon.​—Roma 14:4; Galacia 6:5.

      ANG WAKAS NG MGA PUMIPINSALANG SULIRANIN

      25. Ano ang layunin ni Jehova para sa pamilya?

      25 Nang pag-isahing-dibdib ni Jehova sina Adan at Eva, hindi niya kailanman nilayon na ito’y unti-unting masira ng mga nakapipinsalang suliraning gaya ng alkoholismo o karahasan. (Efeso 3:14, 15) Ang pamilya ay nilayong maging isang dako na pinaghaharian ng pag-ibig at kapayapaan at napangangalagaan ang mental, emosyonal, at espirituwal na mga pangangailangan ng bawat miyembro nito. Subalit, sa pagpasok ng kasalanan, ang buhay pampamilya ay biglang sumamâ.​—Ihambing ang Eclesiastes 8:9.

      26. Anong kinabukasan ang naghihintay sa mga nagsisikap mamuhay kasuwato ng mga kahilingan ni Jehova?

      26 Mabuti na lamang, hindi pinabayaan ni Jehova ang kaniyang layunin para sa pamilya. Nangako siyang pangyayarihin ang isang mapayapang bagong sanlibutan na doon ang mga tao’y “aktuwal na tatahang tiwasay, na walang sinuman ang tatakot sa kanila.” (Ezekiel 34:28) Sa panahong iyan, ang alkoholismo, karahasan sa pamilya, at ang iba pang mga suliraning pumipinsala sa mga pamilya ngayon ay mababaon na sa limot. Ngingiti ang mga tao, hindi upang ikubli ang pangamba at kirot, kundi dahil sa nakasusumpong sila ng “katangi-tanging kaluguran sa kasaganaan ng kapayapaan.”​—Awit 37:11.

      a Bagaman ang tinutukoy nating alkoholiko ay lalaki, ang mga simulain dito ay kapit din kahit ang alkoholiko ay babae.

      b Sa ilang lupain, may mga sentrong pagamutan, ospital, at mga programa ng pagpapagaling na dalubhasa sa pagtulong sa mga alkoholiko at sa kanilang pamilya. Ang paghingi ng tulong dito o hindi ay personal nang desisyon ng isa. Hindi nag-iindorso ang Samahang Watch Tower ng anumang partikular na paggagamot. Gayunman, dapat mag-ingat upang, sa paghingi ng tulong, ang isa ay hindi masangkot sa mga gawaing lumalabag sa mga simulain ng Kasulatan.

      PAPAANO MAKATUTULONG ANG MGA SIMULAING ITO NG BIBLIYA . . . SA MGA PAMILYA UPANG MAIWASAN ANG MGA SULIRANING NAGDUDULOT NG MALUBHANG PINSALA?

      Hinahatulan ni Jehova ang labis na pag-inom ng alak.​—Kawikaan 23:20, 21.

      Ang bawat indibiduwal ay mananagot sa kaniyang ginagawa.​—Roma 14:12.

      Kung walang pagpipigil sa sarili hindi natin mapaglilingkuran ang Diyos sa paraang matatanggap niya.​—Kawikaan 29:11.

      Ang tunay na mga Kristiyano ay gumagalang sa kanilang matatanda nang magulang.​—Levitico 19:32.

  • Kung Malapit Nang Mapatid ang Tali ng Pag-aasawa
    Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya
    • IKALABINTATLONG KABANATA

      Kung Malapit Nang Mapatid ang Tali ng Pag-aasawa

      1, 2. Kapag nanganganib na ang pag-aasawa, ano ang dapat itanong?

      NOONG 1988 gayon na lamang ang panlulumo ng isang Italyanang nagngangalang Lucia.a Pagkalipas ng sampung taon ay magwawakas na ang kaniyang buhay may-asawa. Maraming ulit na sinikap niyang makipagkasundo sa kaniyang asawa, subalit ito’y bigo. Kaya humiwalay siya dahil hindi sila magkasundo at ngayon ay napapaharap siyang mag-isa sa pagpapalaki sa dalawang anak na babae. Sa pagbabalik-alaala ng panahong iyon, nagunita ni Lucia: “Natiyak ko noon na wala nang magagawa pa upang mailigtas ang aming pagsasama.”

      2 Kung may suliranin ka sa pag-aasawa, mauunawaan mo ang damdamin ni Lucia. Baka punung-puno ng problema ang iyong pag-aasawa at marahil iniisip mo kung maaari pa kaya itong mailigtas. Kung ganiyan ang kalagayan, masusumpungan mong makatutulong sa iyo ang tanong na ito: Nasunod ko na ba ang lahat ng mabubuting payo na ibinigay ng Diyos sa Bibliya bilang tulong sa ikapagtatagumpay ng pag-aasawa?​—Awit 119:105.

      3. Bagaman naging popular na ang diborsiyo, ano ang napaulat na naging reaksiyon ng maraming diborsiyado’t diborsiyada at ng kani-kanilang pamilya?

      3 Kapag ang tensiyon sa pagitan ng mag-asawa ay napakatindi, ang pagwawakas sa pagsasama bilang mag-asawa ang waring siyang pinakamadaling hakbangin. Subalit, bagaman maraming bansa ang nakaranas ng nakatatakot na pagdami ng mga wasak na pamilya, ang kamakailang pagsusuri ay nagpapahiwatig na pinagsisisihan ng malaking porsiyento ng mga diborsiyado’t diborsiyada ang paghihiwalay. Marami ang dumaranas ng higit na suliranin sa kalusugan, kapuwa sa pisikal at mental, kaysa roon sa mga nananatiling magkasama. Ang pagkalito at kawalan ng kaligayahan ng mga anak ng mga nagdidiborsiyo ay madalas na tumatagal nang mga taon. Nagdurusa rin ang mga magulang at mga kaibigan ng mga wasak na pamilya. At kumusta naman ang pangmalas ng Diyos, ang Tagapagpasimula ng pag-aasawa, sa situwasyon?

      4. Papaano dapat harapin ang mga suliranin sa pag-aasawa?

      4 Gaya ng binanggit sa nakaraang mga kabanata, nilayon ng Diyos na ang pag-aasawa ay maging isang panghabang-buhay na buklod. (Genesis 2:24) Kung gayon, bakit napakaraming mag-asawa ang naghihiwalay? Maaaring hindi ito nangyayari sa isang magdamag. Karaniwan nang mayroon munang mga babalang tanda. Ang maliliit na suliranin ng mag-asawa ay baka lumaki nang lumaki hanggang sa wari’y wala nang kalutasan ang mga ito. Ngunit kung ang mga suliraning ito ay kagyat na nilulutas sa tulong ng Bibliya, maaaring maiwasan ang maraming paghihiwalay ng mag-asawa.

      MAGING MAKATOTOHANAN

      5. Anong makatotohanang situwasyon ang dapat harapin sa alinmang pag-aasawa?

      5 Ang isang elementong umaakay kung minsan sa mga suliranin ay maaaring ang pagiging labis na mapaghanap ng isa o ng mag-asawa. Ang mga nobela tungkol sa romansa, mga popular na magasin, mga programa sa telebisyon, at mga pelikula ay maaaring lumikha ng mga inaasahan at mga pangarap na napakalayong mangyari sa tunay na buhay. Kapag hindi nagkatotoo ang mga pangarap na ito, baka madama ng isang tao na siya’y nadaya, nabigo, nasaktan pa nga. Sa kabila nito, papaano maaaring makasumpong ng kaligayahan sa pag-aasawa ang dalawang di-sakdal na tao? Nangangailangan ng pagsisikap upang matamo ang matagumpay na ugnayan.

      6. (a) Anong timbang na pangmalas sa pag-aasawa ang ibinibigay ng Bibliya? (b) Ano ang ilang dahilan ng di-pagkakasundo ng mag-asawa?

      6 Praktikal ang Bibliya. Kinikilala nito ang kagalakang dulot ng pag-aasawa, ngunit nagbababala rin ito na yaong nag-aasawa ay “magkakaroon ng kapighatian sa kanilang laman.” (1 Corinto 7:28) Gaya ng nabanggit na, ang magkabiyak ay kapuwa di-sakdal at nakahilig sa pagkakasala. Ang bawat isa ay may magkaibang mental at emosyonal na kayarian at kinalakihan. Ang mag-asawa kung minsan ay hindi nagkakasundo sa pera, sa mga anak, at sa mga biyenan. Ang kakulangan ng panahon sa paggawang magkasama at ang mga suliranin sa sekso ay maaari ring maging dahilan ng alitan.b Nangangailangan ng panahon upang maharap ang gayong mga bagay, ngunit huwag kang mawawalan ng pag-asa! Nakayanan ng karamihan sa mga mag-asawa ang gayong mga suliranin at nakagawa ng mga solusyong napagkasunduan nila.

      PAG-USAPAN ANG MGA DI-PAGKAKAUNAWAAN

      Larawan sa pahina 154

      Harapin agad ang mga problema. Huwag hayaang lumubog ang araw na kayo ay nasa kalagayang pukáw sa galit

      7, 8. Kung may samaan ng loob o mga di-pagkakaunawaan sa pagitan ng mag-asawa, ano ang maka-Kasulatang paraan ng pagharap dito?

      7 Marami ang nahihirapang magpakahinahon kapag pinag-uusapan na ang samaan ng loob, di-pagkakaunawaan, o mga personal na pagkukulang. Sa halip na tuwirang sabihing: “Hindi naman ako naiintindihan eh,” ang isang kabiyak ay baka magdamdam at palakihin ang problema. Marami ay magsasabi: “Sarili mo lang kasi ang iniintindi mo,” o, “Hindi mo na kasi ako mahal.” Palibhasa’y ayaw na ng gulo, baka hindi na lamang kumibo ang kabila.

      8 Ang mas mabuting gawin ay ang sundin ang payo ng Bibliya: “Mapoot kayo, gayunma’y huwag magkasala; huwag hayaang lumubog ang araw na kayo ay nasa kalagayang pukáw sa galit.” (Efeso 4:26) Isang maligayang mag-asawa, sa pagsapit nila sa kanilang ika-60 anibersaryo ng kasal, ang tinanong hinggil sa lihim ng kanilang matagumpay na pagsasama. Sabi ng asawang lalaki: “Natutuhan naming huwag matulog hangga’t hindi namin naaayos ang di-pagkakaunawaan, gaano man ito kaliit.”

      9. (a) Ano ang binanggit sa Kasulatan na mahalagang bahagi ng pag-uusap? (b) Ano ang madalas na kailangang gawin ng mag-asawa, mangailangan man ito ng tibay ng loob at kapakumbabaan?

      9 Kapag hindi nagkasundo ang mag-asawa, bawat isa ay kailangang “maging matulin sa pakikinig, mabagal sa pagsasalita, mabagal sa pagkapoot.” (Santiago 1:19) Pagkatapos makinig na mabuti, baka makita nila kapuwa ang pangangailangang humingi ng tawad. (Santiago 5:16) Ang taos-pusong pagsasabi ng, “Pasensiya ka na kung nasaktan man kita,” ay nangangailangan ng pagpapakumbaba at tibay ng loob. Ngunit ang ganitong paraan ng pagharap sa mga di-pagkakaunawaan ay malaki ang magagawa upang tulungan ang mag-asawa hindi lamang sa paglutas ng kanilang mga suliranin kundi maging sa pagpapaunlad ng init at pagpapalagayang-loob na magdudulot sa kanila ng higit na kasiyahan sa kanilang pagsasama.

      IBIGAY ANG NAUUKOL SA ASAWA

      10. Anong proteksiyon na inirekomenda ni Pablo sa mga Kristiyanong taga-Corinto ang maaaring ikapit sa mga Kristiyano ngayon?

      10 Nang sulatan ni apostol Pablo ang mga taga-Corinto, inirekomenda niya ang pag-aasawa ‘dahil sa pagiging laganap ng pakikiapid.’ (1 Corinto 7:2) Ang daigdig sa ngayon ay kasinsama, o mas malubha pa nga, sa sinaunang Corinto. Ang mga imoral na paksang tahasang pinag-uusapan ng mga tao ng sanlibutan, ang masagwa nilang paraan ng pananamit, at ang mahahalay na kuwentong itinatampok sa mga magasin at sa mga aklat, sa TV, at sa pelikula, ay pawang pumupukaw ng ipinagbabawal na pagnanasa sa sekso. Sa mga taga-Corinto na namumuhay sa katulad na kapaligiran, sinabi ni apostol Pablo: “Lalong mabuti ang mag-asawa kaysa magningas sa pagnanasa.”​—1 Corinto 7:9.

      11, 12. (a) Ano ang dapat iukol ng mag-asawa sa isa’t isa, at sa anong espiritu iyon dapat ibigay? (b) Papaano dapat harapin ang situwasyon kung ang nauukol sa asawa ay kailangang pansamantalang ipagkait?

      11 Kung gayon, pinag-uutusan ng Bibliya ang mga Kristiyanong may-asawa: “Ibigay ng asawang lalaki sa kaniyang asawang babae ang kaniyang kaukulan; ngunit gawin din ng asawang babae ang gayundin sa kaniyang asawang lalaki.” (1 Corinto 7:3) Pansinin na ang idiniriin ay ang pagbibigay​—hindi ang paghiling ng karapatan. Ang pagiging matalik sa pisikal bilang mag-asawa ay tunay na magiging kasiya-siya lamang kung ang bawat isa ay nagmamalasakit sa kabutihan ng isa’t isa. Halimbawa, pinag-uutusan ng Bibliya ang mga asawang lalaki na pakitunguhan ang kani-kanilang asawa “alinsunod sa kaalaman.” (1 Pedro 3:7) Ito’y lalo nang totoo sa pagbibigay at pagtanggap ng nauukol sa asawa. Kung ang asawang babae ay hindi pinakikitunguhan nang may pagmamahal, baka maging mahirap para sa kaniya na masiyahan sa pitak na ito ng pag-aasawa.

      12 May mga pagkakataong ipinagkakait ng mag-asawa ang nauukol sa isa’t isa. Maaaring totoo ito sa mga asawang babae sa isang tiyak na panahon bawat buwan o kung siya’y pagod na pagod. (Ihambing ang Levitico 18:19.) Maaaring totoo rin ito sa asawang lalaki kapag siya’y may kinakaharap na malubhang problema sa trabaho at siya’y nasasagad na. Ang ganitong pansamantalang pagkakait ng nauukol sa asawa ay mapananagumpayan kung prangkahang pag-uusapan ng mag-asawa ang situwasyon at magkakaroon ng “pagsang-ayon ng bawat isa.” (1 Corinto 7:5) Maiiwasan nito ang pagkakaroon ng maling konklusyon ng sinuman sa dalawa. Gayunman, kung ang asawang babae ay kusang nagkakait sa kaniyang asawa o sinasadya naman ng asawang lalaki na huwag ibigay ang nauukol sa asawa sa maibiging paraan, ang kabiyak niya ay maaaring mahantad sa tukso. Sa ganitong situwasyon, maaaring lumitaw ang mga problema sa pag-aasawa.

      13. Ano ang magagawa ng mga Kristiyano upang mapanatiling malinis ang kanilang pag-iisip?

      13 Gaya ng lahat ng Kristiyano, ang mga may-asawang lingkod ng Diyos ay dapat umiwas sa pornograpya, na maaaring pagsimulan ng marurumi at di-likas na mga pagnanasa. (Colosas 3:5) Dapat din nilang ingatan ang kanilang isip at gawi kapag nakikitungo sa lahat ng miyembro ng di-kasekso. Nagbabala si Jesus: “Ang bawat isa na patuloy na tumitingin sa isang babae upang magkaroon ng masidhing pagnanasa sa kaniya ay nakagawa na ng pangangalunya sa kaniya sa kaniyang puso.” (Mateo 5:28) Sa pamamagitan ng pagkakapit ng payo ng Bibliya hinggil sa sekso, ang mga mag-asawa’y makaiiwas na mapadala sa tukso at magkasala ng pangangalunya. Makapagpapatuloy sila sa pagtatamasa ng kasiya-siyang matalik na pagsasama bilang mag-asawa anupat pinakaiingat-ingatan ang sekso bilang isang marangal na kaloob mula sa Tagapagpasimula ng pag-aasawa, si Jehova.​—Kawikaan 5:15-19.

      ANG SALIGAN NG BIBLIYA SA PAGDIDIBORSIYO

      14. Anong nakalulungkot na situwasyon ang kung minsa’y bumabangon? Bakit?

      14 Nakatutuwa naman, sa karamihan ng Kristiyanong mga pag-aasawa, anumang problemang bumabangon ay maaaring malutas. Gayunman, kung minsan ay hindi naman ganito. Sapagkat ang mga tao’y di-sakdal at namumuhay sa makasalanang sanlibutan na nasa ilalim ng kontrol ni Satanas, talagang humahantong ang ilang mag-asawa sa punto ng paghihiwalay. (1 Juan 5:19) Papaano dapat harapin ng mga Kristiyano ang ganitong mahirap na kalagayan?

      15. (a) Ano ang tanging maka-Kasulatang saligan sa pagdidiborsiyo na may posibilidad na muling makapag-asawa? (b) Bakit ang ilan ay nagpasiyang huwag diborsiyuhin ang di-tapat na kabiyak?

      15 Gaya ng binanggit sa Kabanata 2 ng aklat na ito, ang pakikiapid ang tanging maka-Kasulatang saligan sa pagdidiborsiyo na may posibilidad na muling makapag-asawa.c (Mateo 19:9) Kung mayroon kang tiyak na katibayan na nagtataksil ang iyong kabiyak, kung gayon ay napapaharap ka sa isang napakahirap na pagpapasiya. Ipagpapatuloy mo ba ang pakikisama o didiborsiyuhin mo siya? Walang mga alituntunin. May ilang Kristiyano ang lubusang nagpatawad na sa isang taimtim na nagsisising kapareha, at ang naingatang pagsasama’y napabuti naman. Ang iba nama’y nagpasiyang huwag makipagdiborsiyo alang-alang sa mga anak.

      16. (a) Ano ang ilang salik na nag-udyok sa ilan upang diborsiyuhin ang kani-kanilang nagkasalang kabiyak? (b) Kapag ang pinagkasanlang asawa ay nagpasiyang makipagdiborsiyo o hindi, bakit hindi dapat pintasan ng sinuman ang kaniyang desisyon?

      16 Sa kabilang dako naman, ang makasalanang gawa ay baka nagbunga ng pagdadalang-tao o mga sakit na nakuha sa pagtatalik. O baka kailangang ipagsanggalang ang mga anak sa isang magulang na mapang-abuso sa sekso. Maliwanag, napakaraming dapat isaalang-alang bago magpasiya. Subalit, kung sakaling natuklasan mo ang pagtataksil ng iyong kabiyak at pagkatapos nito’y muli kang nakipagtalik sa kaniya, kung gayon ay ipinahihiwatig mong pinatawad mo na ang iyong kabiyak at nais mo pa ring ipagpatuloy ang inyong pagsasama. Ang saligan sa pagdidiborsiyo na may maka-Kasulatang posibilidad na muling makapag-asawa ay hindi na kapit. Walang sinuman ang dapat makialam at magsikap na maimpluwensiyahan ang iyong pasiya, ni dapat pintasan ng sinuman ang iyong ginawang desisyon. Ikaw ang apektado sa anumang kahihinatnan ng iyong pasiya. “Sapagkat ang bawat isa ay magdadala ng kaniyang sariling pasan.”​—Galacia 6:5.

      MGA SALIGAN SA PAGHIHIWALAY

      17. Kung walang pakikiapid, anong limitasyon ang inilalagay ng Kasulatan sa paghihiwalay o diborsiyo?

      17 May mga situwasyon bang maaaring magbigay-katuwiran sa paghihiwalay o sa posibleng pakikipagdiborsiyo sa isang kabiyak kahit na ang isang iyon ay hindi naman nagkasala ng pakikiapid? Oo, ngunit sa kasong ito, hindi malaya ang isang Kristiyano na humanap ng isa pa upang pakasalan muli. (Mateo 5:32) Ang Bibliya, bagaman nagpapahintulot sa gayong paghihiwalay, ay nagbibigay ng kondisyon na ang humiwalay ay dapat “manatili siyang walang asawa o kaya ay makipagkasundong muli.” (1 Corinto 7:11) Ano ang ilang malulubhang situwasyon na doo’y maaaring waring nararapat ang paghihiwalay?

      18, 19. Ano ang ilang sukdulang situwasyon na maaaring umakay sa isang kabiyak na pagtimbang-timbangin kung nararapat nga ba ang legal na paghihiwalay o diborsiyo, mangahulugan man ito na hindi na siya maaaring mag-asawang muli?

      18 Buweno, baka naghihikahos ang pamilya dahil sa labis na katamaran at sa kasamaan ng pag-uugali ng asawang lalaki.d Baka ipinatatalo niya sa sugal ang kinikita ng pamilya o ginagastos ito sa pagsuporta sa kaniyang pagkasugapa sa droga o sa alak. Sabi ng Bibliya: “Kung ang sinuman nga ay hindi naglalaan para . . . sa mga miyembro ng kaniyang sambahayan, ay itinatwa na niya ang pananampalataya at lalong malala kaysa sa taong walang pananampalataya.” (1 Timoteo 5:8) Kung tatangging baguhin ng ganitong lalaki ang kaniyang paggawi, na marahil ay kinukuha pa nga ang perang kinikita ng kaniyang asawa upang may maitustos sa kaniyang mga bisyo, maaaring marapatin pa ng asawang babae na protektahan ang kaniyang kapakanan at ang sa kaniyang mga anak sa pamamagitan ng pagkuha ng legal na paghihiwalay.

      19 Ang gayong legal na aksiyon ay maaari ring isaalang-alang kung ang isang kabiyak ay labis na marahas sa kaniyang asawa, anupat marahil ay paulit-ulit siyang binubugbog hanggang sa mapalagay na sa panganib ang kaniyang kalusugan at maging ang kaniyang buhay. Karagdagan pa, kung sa tuwi-tuwina’y pinupuwersa ng kabiyak ang kaniyang asawa na labagin ang mga utos ng Diyos sa isang partikular na paraan, maaari ring makaisip na humiwalay ang pinagbabantaang asawa, lalo na kung umabot na sa puntong nanganganib na ang espirituwal na buhay. Maaaring magpasiya ang nanganganib na asawa na ang tanging paraan upang “sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao” ay ang pagkuha ng legal na paghihiwalay.​—Gawa 5:29.

      20. (a) Sa kaso ng pagkakawatak-watak ng pamilya, ano ang maiaalok ng maygulang na mga kaibigan at matatanda, at ano ang hindi nila dapat ialok? (b) Hindi dapat gamitin ng mga may-asawa ang mga pagtukoy ng Bibliya hinggil sa paghihiwalay at diborsiyo bilang dahilan upang gawin ang ano?

      20 Sa lahat ng kaso ng sukdulang pagmamalabis ng isang kabiyak, hindi dapat igiit ng sinuman kung ang isang pinagkasanlang asawa ay hihiwalay o mananatiling nakikisama sa kaniyang kabiyak. Bagaman makapag-aalok ng suporta at salig-sa-Bibliyang payo ang mga maygulang na kaibigan at matatanda, hindi alam ng mga ito ang lahat ng detalye ng nangyayari sa pagitan ng mag-asawa. Si Jehova lamang ang nakakakita nito. Mangyari pa, ang isang Kristiyanong asawang babae ay hindi nagpaparangal sa kaayusan ng Diyos sa pag-aasawa kapag gumamit siya ng mabababaw na dahilan upang makakalas sa tali ng pag-aasawa. Ngunit kung ang mapanganib na kalagayan ay patuloy na sumisidhi, hindi siya dapat pintasan ng sinuman kung marapatin man niyang makipaghiwalay. Ganitung-ganito rin ang masasabi sa isang Kristiyanong asawang lalaki na nagnanais makipaghiwalay. “Tayong lahat ay tatayo sa harapan ng luklukan ng paghatol ng Diyos.”​—Roma 14:10.

      KUNG PAPAANO NAILIGTAS ANG NAWASAK NA PAG-AASAWA

      21. Anong karanasan ang nagpapakita na ang payo ng Bibliya sa pag-aasawa ay maaasahan?

      21 Tatlong buwan pagkatapos na si Lucia, nabanggit kanina, ay humiwalay sa kaniyang asawa, nakakilala siya ng mga Saksi ni Jehova at nagsimulang makipag-aral ng Bibliya sa kanila. “Hindi ko akalain,” paliwanag niya, “ang Bibliya’y nagbigay ng praktikal na mga solusyon sa aking problema. Pagkalipas lamang ng isang linggong pag-aaral, agad kong hinangad na makipagbalikan sa aking asawa. Ngayon ay masasabi kong alam ni Jehova kung papaano maililigtas sa krisis ang pag-aasawa sapagkat ang mga turo niya’y tumutulong sa mga mag-asawa na matutong magpahalaga sa isa’t isa. Hindi totoo, gaya ng iginigiit ng iba, na pinaghihiwalay ng mga Saksi ni Jehova ang mga pamilya. Sa naging kaso ko, kabaligtaran ang nangyari.” Natutuhan ni Lucia na ikapit sa kaniyang buhay ang mga simulain ng Bibliya.

      22. Saan dapat magtiwala ang lahat ng mag-asawa?

      22 Hindi eksepsiyon si Lucia. Ang pag-aasawa ay dapat na maging isang pagpapala, hindi pabigat. Sa layuning iyan, si Jehova ay naglaan ng pinakamainam na mapagkukunan ng payo sa pag-aasawa na kailanma’y napasulat​—ang kaniyang pinakatatangi-tanging Salita. Pinapangyayari ng Bibliya na “maging marunong ang isa na walang-karanasan.” (Awit 19:7-11) Nailigtas nito ang maraming pag-aasawa na malapit nang gumuho at napabuti ang marami pang iba na nagkaroon ng malulubhang problema. Harinawang magtiwalang lubos ang lahat ng mag-asawa sa mga payong ibinibigay ng Diyos na Jehova hinggil sa pag-aasawa. Ito’y tunay na maaasahan!

      a Pinalitan ang pangalan.

      b Ang ilan sa mga pitak na ito ay tinalakay sa mga nakaraang kabanata.

      c Kabilang sa termino sa Bibliya na isinaling “pakikiapid” ang pangangalunya, homoseksuwalidad, pakikipagtalik sa hayop, at iba pang sinasadyang bawal na mga gawang nagsasangkot sa paggamit ng maseselang na bahagi ng katawan.

      d Hindi kasali rito ang mga situwasyon na doon ang asawang lalaki, bagaman may mabuting intensiyon, ay di-kayang paglaanan ang kaniyang pamilya sa mga kadahilanang di-maiiwasan, gaya ng pagkakasakit o kawalan ng mapapasukang trabaho.

      PAPAANO MAKATUTULONG ANG MGA SIMULAING ITO NG BIBLIYA . . . UPANG MAIWASAN ANG PAGHIHIWALAY NG MAG-ASAWA?

      Ang pag-aasawa ay pinagmumulan kapuwa ng kagalakan at kapighatian.​—Kawikaan 5:18, 19; 1 Corinto 7:28.

      Ang di-pagkakasundo ay dapat lutasin agad.​—Efeso 4:26.

      Sa pag-uusap, ang pakikinig ay kasinghalaga ng pagsasalita.​—Santiago 1:19.

      Ang nauukol sa asawa ay dapat ibigay sa espiritu ng kawalang-kasakiman at pagmamahal.​—1 Corinto 7:3-5.

  • Magkasama Hanggang sa Pagtanda
    Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya
    • IKALABING-APAT NA KABANATA

      Magkasama Hanggang sa Pagtanda

      1, 2. (a) Anu-anong pagbabago ang nagaganap habang tumatanda? (b) Papaano nakasumpong ng kasiyahan sa pagtanda ang maka-Diyos na mga lalaki noong panahon ng Bibliya?

      MARAMING pagbabago ang nagaganap habang tayo’y tumatanda. Iginugupo ng kahinaan ng katawan ang ating lakas. Natatambad sa salamin ang mga panibagong kulubot at ang unti-unting pagdami ng puting buhok​—panlalagas pa nga mismo ng buhok. Baka nagiging malilimutin na tayo. Nabubuo ang panibagong mga ugnayan kapag nag-asawa na ang mga anak, at muli kapag nagkaroon na ng mga apo. Para sa ilan, ang pagreretiro sa sekular na trabaho ay nagbubunga ng naiibang rutin sa buhay.

      2 Ang totoo, maaaring mahirap nga ang tumanda. (Eclesiastes 12:1-8) Magkagayon man, isaalang-alang ang mga lingkod ng Diyos noong panahon ng Bibliya. Bagaman sa bandang huli ay namatay rin sila, natamo naman nila ang kapuwa karunungan at kaunawaan, na nagdulot sa kanila ng malaking kasiyahan sa panahon ng katandaan. (Genesis 25:8; 35:29; Job 12:12; 42:17) Papaano nila nagawang maging maligaya ang pagtanda? Tiyak na iyo’y dahil sa pamumuhay na kaayon ng mga simulain na nasumpungan nating nakaulat ngayon sa Bibliya.​—Awit 119:105; 2 Timoteo 3:16, 17.

      3. Anong payo ang ibinigay ni Pablo para sa matatanda nang lalaki at babae?

      3 Sa kaniyang liham kay Tito, nagbigay si apostol Pablo ng mahusay na patnubay sa mga tumatanda na. Isinulat niya: “Ang matatandang lalaki ay maging katamtaman sa mga kinaugalian, seryoso, matino sa pag-iisip, malusog sa pananampalataya, sa pag-ibig, sa pagbabata. Gayundin ang matatandang babae ay maging mapagpitagan sa paggawi, hindi mapanirang-puri, ni hindi napaaalipin sa maraming alak, mga guro ng kabutihan.” (Tito 2:2, 3) Ang pagtalima sa mga salitang ito ay makatutulong sa iyo upang harapin ang mga hamon ng pagtanda.

      MAKIBAGAY SA PAGSASARILI NG IYONG MGA ANAK

      4, 5. Ano ang nagiging reaksiyon ng maraming magulang kapag umaalis na sa tahanan ang kanilang mga anak, at papaano nakikibagay ang ilan sa bagong situwasyon?

      4 Ang pagbabago ng papel ay nangangailangan ng pakikibagay. Gaano ngang katotoo ito kapag nilisan na ng mga anak ang tahanan at nag-asawa na! Para sa maraming mga magulang ito ang unang paalaala na sila’y tumatanda na. Bagaman natutuwang makita na ang kanilang mga anak ay malalaki na, madalas na nababahala ang mga magulang kung nagawa na nga kaya nila ang lahat upang maihanda ang mga anak sa pagsasarili. At baka hanap-hanapin nila sila sa bahay.

      5 Natural lamang, patuloy na nagmamalasakit ang mga magulang sa kapakanan ng kanilang mga anak, kahit wala na sa tahanan ang mga anak. “Kung dadalas sana ang pagtanggap ko ng balita mula sa kanila, upang matiyak kong sila’y nasa mabuting kalagayan​—masaya na ako,” sabi ng isang ina. Ganito naman ang sabi ng isang ama: “Nang umalis na sa tahanan ang aming anak na babae, naging napakahirap ang panahong iyon. Nag-iwan iyon ng isang malaking puwang sa aming pamilya sapagkat palagi kaming magkakasama noon anuman ang aming ginagawa.” Papaano nakayanan ng mga magulang na ito ang pagkawala ng kanilang mga anak? Sa ilang kalagayan, ito’y sa pamamagitan ng pagmamalasakit at pagtulong sa iba.

      6. Ano ang tumutulong upang mapanatiling nasa wastong pagkatimbang ang mga ugnayan ng pamilya?

      6 Kapag nag-asawa na ang mga anak, nababago ang papel ng mga magulang. Sabi ng Genesis 2:24: “Iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ang kaniyang ina at dapat siyang pumisan sa kaniyang asawa at sila’y dapat na maging isang laman.” Ang pagkilala sa maka-Diyos na mga simulain ng pagkaulo at ng pagiging maayos ay tutulong sa mga magulang na mapanatili ang wastong pagkatimbang sa mga bagay-bagay.​—1 Corinto 11:3; 14:33, 40.

      7. Anong mainam na saloobin ang pinagyaman ng isang ama nang umalis na sa tahanan ang kaniyang mga anak na babae upang mag-asawa?

      7 Pagkatapos na makasal at umalis na sa tahanan ang dalawang anak na babae ng mag-asawa, nadama ng mag-asawa na may kulang sa kanilang buhay. Noong una, naghinanakit ang asawang lalaki sa kaniyang mga manugang. Ngunit habang napag-iisip-isip niya ang simulain ng pagkaulo, napagtanto niya na ang napangasawa ng kaniyang mga anak ang siyang may responsibilidad ngayon sa kani-kanilang sambahayan. Kung gayon, kapag humihingi ng payo ang kaniyang mga anak, tinatanong niya sila kung ano ang palagay ng kani-kanilang asawa, at pagkatapos ay pinagsisikapan niyang suportahan ito. Ang pangmalas ngayon sa kaniya ng kaniyang mga manugang ay bilang isang kaibigan at tinatanggap nila ang kaniyang payo.

      8, 9. Papaano nakibagay ang ilang magulang sa pagsasarili ng kanilang malalaki nang mga anak?

      8 Kumusta naman kung ang bagong kasal, bagaman walang ginagawang anuman na di-maka-Kasulatan, ay hindi sumunod sa inaakala ng mga magulang na pinakamabuting gawin? “Palagi namin silang tinutulungan na makita ang pangmalas ni Jehova,” ang paliwanag ng mag-asawang may mga anak na may-asawa, “ngunit kung hindi man kami sang-ayon sa kanilang desisyon, tinatanggap namin iyon at ibinibigay sa kanila ang aming suporta at pampatibay-loob.”

      9 Sa ilang lupain sa Asia, nasusumpungan ng ilang ina na lalo nang mahirap tanggapin ang pagsasarili ng kanilang mga anak na lalaki. Magkagayon man, kapag iginagalang nila ang Kristiyanong kaayusan at pagkaulo, nasusumpungan nilang nababawasan ang hidwaan nila ng kanilang mga manugang. Napatunayan ng isang Kristiyanong babae na ang pag-alis ng kaniyang mga anak na lalaki sa tahanan ng pamilya ay naging isang “pinagmumulan ng higit at higit na pasasalamat.” Tuwang-tuwa siyang makita ang kakayahan nilang mangasiwa ng kani-kanilang bagong sambahayan. Nangangahulugan naman ito na gumagaan ang pisikal at mental na pasang dapat nilang dalhing mag-asawa habang sila’y tumatanda.

      MULING-PASIGLAHIN ANG BUKLOD NG PAG-AASAWA

      Mga larawan sa pahina 166

      Habang kayo ay tumatanda, muling pagtibayin ang inyong pag-iibigan sa isa’t isa

      10, 11. Anong maka-Kasulatang payo ang tutulong sa mga tao na maiwasan ang ilang silo ng pagiging nasa katanghaliang-gulang?

      10 Iba’t iba ang nagiging reaksiyon ng mga tao kapag umabot na sila sa katanghaliang-gulang. Nababago ang pananamit ng ilang lalaki sa pagtatangkang magmukha silang bata. Nababahala naman ang maraming babae sa mga pagbabagong idinudulot ng menopause. Nakalulungkot sabihin, pinapaghihinanakit at pinapagseselos ng mga nasa katanghaliang-gulang na mga tao ang kani-kanilang asawa sa pamamagitan ng pakikipagligaw-biro sa mga nakababatang miyembro ng di-kasekso. Gayunman, ang maka-Diyos na matatanda nang lalaki ay “matino sa pag-iisip,” anupat pinipigil ang mga maling pagnanasa. (1 Pedro 4:7) Ang mga maygulang na babae rin naman ay nagsisikap na mapanatili ang katatagan ng kanilang pag-aasawa, dahil sa pag-ibig sa kanilang mga asawa at sa hangaring paluguran si Jehova.

      11 Sa ilalim ng pagkasi, iniulat ni Haring Lemuel ang papuri sa “may-kakayahang asawang babae” na ginagantimpalaan ang kaniyang asawa “ng mabuti, at hindi ng masama, lahat ng mga araw ng kaniyang buhay.” Hindi kaliligtaan ng isang Kristiyanong asawang lalaki na pahalagahan ang pagsisikap ng kaniyang asawa na makayanan ang anumang emosyonal na kabalisahang dinaranas niya sa panahon ng kaniyang katanghaliang-gulang. Ang kaniyang pag-ibig ang mag-uudyok sa kaniya upang ‘purihin siya.’​—Kawikaan 31:10, 12, 28.

      12. Papaano lalo nang magkakalapit ang mag-asawa sa paglipas ng mga taon?

      12 Sa abalang mga taon ng pagpapalaki sa mga anak, kayo kapuwa ay natutuwang isaisantabi muna ang inyong personal na hangarin upang maasikaso ang mga pangangailangan ng inyong mga anak. Kapag wala na sila, panahon na ito upang muling bigyang-pansin ang inyong buhay may-asawa. “Nang umalis na sa tahanan ang aking mga anak na babae,” sabi ng isang asawang lalaki, “sinimulan kong ligawang muli ang aking asawa.” Isa pang asawang lalaki ang nagsabi: “Binabantayan namin ang kalusugan ng isa’t isa at pinaaalalahanan ang isa’t isa na kailangan ang ehersisyo.” Upang hindi malungkot, siya at ang kaniyang asawa ay nagpapakita ng pagkamapagpatuloy sa ibang miyembro ng kongregasyon. Oo, ang pagmamalasakit sa iba ay nagdudulot ng mga pagpapala. Isa pa, napaluluguran nito si Jehova.​—Filipos 2:4; Hebreo 13:2, 16.

      13. Anong papel ang ginagampanan ng pagiging bukás at tapat habang magkasamang tumatanda ang mag-asawa?

      13 Huwag hayaang magkaroon ng puwang ang pag-uusap ninyong mag-asawa. Gawing malaya ang inyong pag-uusap. (Kawikaan 17:27) “Napalalalim namin ang aming pag-uunawaan sa isa’t isa dahil sa pagmamahal at pagiging makonsiderasyon,” komento ng isang asawang lalaki. Sumang-ayon ang kaniyang asawa, na ang sabi: “Habang kami’y patuloy na tumatanda, nagiging kasiya-siya sa amin na kami’y magkasamang umiinom ng tsa, nagkukuwentuhan, at nagtutulungan sa isa’t isa.” Ang iyong pagiging bukás at tapat ay makatutulong sa pagpapatibay ng inyong buklod ng pag-aasawa, na binibigyan ito ng lakas na bibigo sa mga pag-atake ni Satanas, ang tagapagwasak ng pag-aasawa.

      MAALIW SA IYONG MGA APO

      14. Anong bahagi ang maliwanag na ginampanan ng lola ni Timoteo sa kaniyang paglaki bilang isang Kristiyano?

      14 Ang mga apo ang “korona” ng matatanda. (Kawikaan 17:6) Ang pagiging kapiling ng mga apo ay maaaring maging tunay na kagalakan​—nakapagpapasigla at nakapagpapanariwa. Pinuri ng Bibliya si Loida, isang lola, kasama ng kaniyang anak na si Eunice, na nagbahagi ng kaniyang mga paniniwala sa kaniyang sanggol na apong si Timoteo. Kinalakihan ng batang ito na kapuwa ang kaniyang nanay at ang kaniyang lola ay nagpapahalaga sa katotohanan ng Bibliya.​—2 Timoteo 1:5; 3:14, 15.

      15. May kinalaman sa mga apo, anong mahalagang tulong ang magagawa ng mga lolo’t lola, ngunit ano ang dapat nilang iwasan?

      15 Kung gayon, dito sa tanging bahaging ito makapagbibigay ng mahalagang tulong ang mga lolo’t lola. Mga lolo’t lola, naibahagi na ninyo sa inyong mga anak ang inyong kaalaman tungkol sa mga layunin ni Jehova. Ngayon ay magagawa rin ninyo ito sa susunod pang henerasyon! Maraming maliliit na bata ang nasasabik na marinig ang pagsasalaysay ng kanilang mga lolo’t lola ng mga kuwento sa Bibliya. Mangyari pa, hindi mo aagawan ng pananagutan ang ama sa pagkikintal ng mga katotohanan sa Bibliya sa kaniyang mga anak. (Deuteronomio 6:7) Sa halip, tutulong ka lamang dito. Harinawang ang iyong panalangin ay maging gaya ng sa salmista: “Maging hanggang sa katandaan at pagiging may-uban, O Diyos, huwag mo akong iwan, hanggang masabi ko ang tungkol sa iyong bisig sa salinlahi, sa lahat ng darating, ang tungkol sa iyong kalakasan.”​—Awit 71:18; 78:5, 6.

      16. Papaano maiiwasan ng mga lolo’t lola na maging dahilan ng pagkakaroon ng tensiyon sa kanilang pamilya?

      16 Nakalulungkot sabihin, ang ilang lolo’t lola ay labis na nagpapasunod sa maliliit na batang ito anupat nagkakaroon ng tensiyon sa pagitan ng mga lolo’t lola at ng kanilang malalaki nang anak. Gayunman, dahil sa iyong taimtim na kabaitan ay maaaring maging madali para sa iyong mga apo na sa iyo magtapat kapag sa pakiramdam nila’y ayaw nilang isiwalat ang mga bagay-bagay sa kanilang mga magulang. Kung minsan ay inaasahan ng mga bata na aayunan sila ng kanilang mapagpalayaw na mga lolo’t lola laban sa kanilang mga magulang. Ano ngayon? Ipakita ang karunungan at himukin ang iyong mga apo na maging bukás sa kanilang mga magulang. Maaari mong ipaliwanag na ito’y nakalulugod kay Jehova. (Efeso 6:1-3) Kung kailangan, maaari kang magboluntaryo na patiunang kausapin ang mga magulang ng mga bata bago lumapit ang mga ito sa kanila. Maging prangka sa iyong mga apo hinggil sa iyong natutuhan sa nagdaang mga taon. Maaari silang makinabang sa iyong pagiging matapat at prangka.

      MAKIBAGAY HABANG IKAW AY TUMATANDA

      17. Anong determinasyon ng salmista ang dapat tularan ng tumatandang mga Kristiyano?

      17 Sa paglipas ng mga taon, masusumpungan mong hindi mo na magagawa ang lahat ng iyong ginagawa noon o ang lahat ng gusto mong gawin. Papaano maaaring tanggapin at harapin ng isa ang pagtanda? Sa isip mo ay baka pakiramdam mo’y 30 taon ka lamang, ngunit ang pagsulyap sa salamin ay nagsisiwalat ng ibang katotohanan. Huwag kang panghihinaan ng loob. Nagsumamo ang salmista kay Jehova: “Huwag mo akong itakwil sa panahon ng katandaan; kapag ang aking lakas ay nanlulupaypay, huwag mo akong iiwan.” Ipasiya mong tularan ang determinasyon ng salmista. Sabi niya: “Ako’y palaging maghihintay, at pupurihin kita nang higit at higit.”​—Awit 71:9, 14.

      18. Papaano magagawang kapaki-pakinabang ng isang maygulang na Kristiyano ang pagreretiro?

      18 Marami ang patiuna nang naghanda na pag-iibayuhin ang kanilang pagpuri kay Jehova pagkatapos na magretiro sa sekular na trabaho. “Patiuna na akong nagplano ng aking gagawin kapag tapos na sa pag-aaral ang aking anak,” paliwanag ng isang ama na ngayo’y retirado na. “Ipinasiya kong pasimulan ang buong-panahong pangangaral sa ministeryo, at ipinagbili ko ang aking negosyo upang maging malaya sa lubusang paglilingkod kay Jehova. Nanalangin ako na sana’y patnubayan ako ng Diyos.” Kung ikaw ay malapit nang sumapit sa edad ng pagreretiro, maaliw ka sa pagpapahayag ng ating Dakilang Maylalang: “Maging sa katandaan ako pa rin ang Isang iyon; at sa pagiging may-uban ng isa ako mismo ang patuloy na magdadala.”​—Isaias 46:4.

      19. Anong payo ang ibinibigay sa mga tumatanda na?

      19 Ang pakikibagay kapag nagretiro na sa sekular na trabaho ay maaaring hindi madali. Pinayuhan ni apostol Pablo ang matatandang lalaki na maging “katamtaman sa mga kinaugalian.” Ito’y nangangailangan ng pangkalahatang pagpipigil, anupat hindi napadadala sa hilig na magpasarap sa buhay. Baka mas kailangan ngayon kaysa noon ang isang rutin at pagdisiplina sa sarili pagkatapos ng pagreretiro. Kung gayon, maging abala na, “laging maraming ginagawa sa gawain ng Panginoon, sa pagkaalam na ang inyong pagpapagal may kaugnayan sa Panginoon ay hindi sa walang kabuluhan.” (1 Corinto 15:58) Palawakin ang inyong gawain upang makatulong sa iba. (2 Corinto 6:13) Ginagawa ito ng maraming Kristiyano sa pamamagitan ng masigasig na pangangaral ng mabuting balita ayon sa kanilang kakayahan. Habang ikaw ay patuloy na tumatanda, maging “malusog sa pananampalataya, sa pag-ibig, sa pagbabata.”​—Tito 2:2.

      PAGHARAP SA PAGKAWALA NG IYONG KABIYAK

      20, 21. (a) Sa kasalukuyang sistema ng mga bagay, ano ang sa bandang huli’y magpapahiwaláy sa mag-asawa? (b) Papaano naglaan ng isang mainam na halimbawa si Ana para sa mga naulilang kabiyak?

      20 Nakalulungkot sabihin ngunit totoo na sa kasalukuyang sistema ng mga bagay, dumarating ang panahon na ang mag-asawa’y pinapaghihiwalay ng kamatayan. Ang naulilang mga kristiyanong kabiyak ay nakaaalam na ang kani-kanilang mahal sa buhay ay natutulog na ngayon, at sila’y umaasang makikita silang muli. (Juan 11:11, 25) Subalit ang pagkawala ay nakapipighati pa rin. Papaano ito mahaharap ng naiwan?a

      21 Ang pagsasaisip sa ginawa ng isang tauhan sa Bibliya ay makatutulong. Si Ana ay nabiyuda pagkalipas lamang ng pitong taóng pagsasama, at nang mabasa natin ang tungkol sa kaniya, siya’y 84 na taóng gulang. Matitiyak nating siya’y namighati nang mawala ang kaniyang kabiyak. Papaano niya ito nakayanan? Nag-ukol siya sa Diyos na Jehova ng sagradong paglilingkod sa templo gabi’t araw. (Lucas 2:36-38) Ang buong-buhay na paglilingkod ni Ana kasabay ng panalangin ay walang-pagsalang isang mabisang panlunas sa dalamhati at pangungulilang nadama niya sa pagiging biyuda.

      22. Papaano nakayanan ng ilang biyuda’t biyudo ang pangungulila?

      22 “Ang pinakamalaking hamon para sa akin ay ang kawalan ng kapisang makakausap,” ang paliwanag ng isang 72-anyos na babae na sampung taon nang biyuda. “Magaling makinig ang aking asawa. Madalas naming pinag-uusapan noon ang tungkol sa kongregasyon at sa aming pakikibahagi sa Kristiyanong ministeryo.” Sabi naman ng isa pang biyuda: “Bagaman nakagagaling ang panahon, natuklasan kong mas wastong sabihin na ang tumutulong sa iyo upang gumaling ay kung ano ang iyong ginagawa sa iyong panahon. Nasa mas mabuting kalagayan ka upang makatulong sa iba.” Sang-ayon ang isang 67-taóng-gulang na biyudo, na nagsasabi: “Ang isang kahanga-hangang paraan upang makayanan ang pangungulila ay ang pagbibigay ng sarili upang aliwin ang iba.”

      MAHALAGA SA DIYOS HANGGANG SA PAGTANDA

      23, 24. Anong malaking kaaliwan ang ibinibigay ng Bibliya sa mga matatanda na, lalo na yaong mga nabiyuda’t nabiyudo?

      23 Bagaman inihihiwalay ng kamatayan ang isang mahal na kabiyak, si Jehova ay patuloy na laging tapat, laging maaasahan. “Isang bagay ang hinihiling ko kay Jehova,” ang awit ni Haring David noong unang panahon, “ito ang aking hinahanap, na ako’y makatahan sa bahay ni Jehova sa lahat ng mga araw ng aking buhay, upang masdan ang kagandahan ni Jehova at upang tingnang may pagpapahalaga ang kaniyang templo.”​—Awit 27:4.

      24 “Parangalan mo ang mga babaing balo na talagang mga babaing balo,” ang paghimok ni apostol Pablo. (1 Timoteo 5:3) Ang payo na kasunod ng tagubiling ito ay nagpapahiwatig na ang karapat-dapat na mga biyuda na walang malapit na kamag-anak ay baka kailangang suportahan ng kongregasyon sa materyal. Gayunman, kasali sa ibig sabihin ng tagubilin na “parangalan” ay ang idea na pahalagahan sila. Anong laking kaaliwan ang maaaring matamo ng maka-Diyos na mga biyuda’t biyudo sa pagkaalam na pinahahalagahan sila ni Jehova at sila’y aalalayan!​—Santiago 1:27.

      25. Anong tunguhin ang nananatili pa rin para sa matatanda na?

      25 “Ang karilagan ng matatandang lalaki ay ang kanilang ulong may-uban,” ang ipinahayag ng kinasihang Salita ng Diyos. Iyon ay “isang korona ng kagandahan kapag nasumpungan sa daan ng katuwiran.” (Kawikaan 16:31; 20:29) Kung gayon, ipagpatuloy mo, may asawa ka man o wala nang asawa, na unahin muna sa iyong buhay ang paglilingkod kay Jehova. Sa gayo’y magkakaroon ka ngayon ng mabuting pangalan sa Diyos at ng pag-asa ng walang-hanggang buhay sa isang sanlibutan na doo’y hindi na muling madarama pa ang kirot ng pagtanda.​—Awit 37:3-5; Isaias 65:20.

      a Para sa mas detalyadong pagtalakay sa paksang ito, tingnan ang brosyur na Kapag Namatay ang Iyong Minamahal, lathala ng Watch Tower Bible and Tract Society of New York, Inc.

      PAPAANO MAKATUTULONG ANG MGA SIMULAING ITO NG BIBLIYA . . . SA MGA MAG-ASAWA HABANG SILA’Y TUMATANDA?

      Ang mga apo ay “korona” para sa lolo’t lola.​—Kawikaan 17:6.

      Ang pagiging matanda ay maaaring magbigay ng dagdag na pagkakataon upang paglingkuran si Jehova.​—Awit 71:9, 14.

      Ang matatanda ay hinihimok na maging “katamtaman sa mga kinaugalian.”​—Tito 2:2.

      Ang mga naulilang kabiyak, bagaman gayon na lamang ang pagdadalamhati, ay maaaring makasumpong ng kaaliwan sa Bibliya.​—Juan 11:11, 25.

      Pinahahalagahan ni Jehova ang tapat na matatanda na.​—Kawikaan 16:31.

  • Pagpaparangal sa Ating Matatanda Nang Magulang
    Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya
    • IKALABINLIMANG KABANATA

      Pagpaparangal sa Ating Matatanda Nang Magulang

      1. Ano ang utang natin sa ating mga magulang, at kung gayon ay ano ang dapat na maging damdamin at pakikitungo natin sa kanila?

      “DINGGIN mo ang iyong ama na nagpangyari ng iyong kapanganakan, at huwag mong hamakin ang iyong ina dahil lamang sa siya’y tumanda na,” ang payo ng marunong na lalaki matagal nang panahon ang nakalilipas. (Kawikaan 23:22) ‘Hindi ko kailanman magagawa iyan!’ baka sabihin mo. Sa halip na hamakin ang ating ina​—o ang ating ama​—karamihan sa atin ay nakadarama ng matimyas na pagmamahal sa kanila. Kinikilala natin na malaki ang ating utang na loob sa kanila. Una sa lahat, ang ating mga magulang ang nagbigay sa atin ng buhay. Bagaman si Jehova ang Bukal ng buhay, kung wala ang ating mga magulang hindi tayo iiral. Wala tayong maibibigay sa ating mga magulang na kasinghalaga ng buhay mismo. Saka, isip-isipin lamang ang pagsasakripisyo-sa-sarili, maalalahaning pangangalaga, gastos, at maibiging atensiyon na kalakip sa pagtulong sa isang bata sa pagtahak sa landas mula sa pagkasanggol hanggang sa pagiging nasa hustong gulang. Kung gayon, tunay ngang makatuwiran ang payo ng Salita ng Diyos: “Parangalan mo ang iyong ama at [ang iyong] ina . . . upang ito ay ikabuti mo at mamalagi ka nang mahabang panahon sa lupa”!​—Efeso 6:2, 3.

      PAGKILALA SA EMOSYONAL NA MGA PANGANGAILANGAN

      2. Papaano maibibigay ng malalaki nang anak ang “kaukulang kabayaran” sa kanilang mga magulang?

      2 Sumulat si apostol Pablo sa mga Kristiyano: “Matuto muna [ang mga anak o mga apo] na magsagawa ng maka-Diyos na debosyon sa kanilang sariling sambahayan at magpatuloy sa pagbabayad ng kaukulang kabayaran sa kanilang mga magulang at mga lolo’t lola, sapagkat ito ay kaayaaya sa paningin ng Diyos.” (1 Timoteo 5:4) Inihahandog ng malalaki nang anak ang “kaukulang kabayaran” na ito sa pamamagitan ng pagpapakita ng pagpapahalaga sa mga taon ng pagmamahal, pagpapagal, at pangangalagang ginugol sa kanila ng mga magulang at mga lolo’t lola nila. Ang tutulong sa mga anak sa paggawa nito ay kung kikilalanin nila na, gaya rin ng iba, ang matatanda ay nangangailangan ng pagmamahal at pagpapalakas ng loob​—kadalasa’y kinauuhawan nila ito. Gaya nating lahat, kailangang madama nilang sila’y pinahahalagahan. Kailangan nilang madama na ang kanilang buhay ay makabuluhan.

      3. Papaano natin mapararangalan ang mga magulang at ang mga lolo’t lola?

      3 Kaya makapagpaparangal tayo sa mga magulang at mga lolo’t lola natin kung ating ipababatid sa kanila na mahal natin sila. (1 Corinto 16:14) Kung hindi natin kapisan ang ating mga magulang, dapat nating tandaan na napakalaking bagay para sa kanila ang ating pakikipagbalitaan sa kanila. Ang isang masayang liham, tawag sa telepono, o pagdalaw ay nagpapaibayo ng kanilang kagalakan. Si Miyo, na nakatira sa Hapón, ay sumulat nang siya’y 82 taóng gulang: “Sabi sa akin ng aking anak [na ang asawa’y isang naglalakbay na ministro]: ‘Inay, sumama naman kayo sa aming “paglalakbay.”’ Ipinadala niya sa akin ang kanilang nakaiskedyul na ruta at numero ng telepono sa bawat linggo. Maaari kong buksan ang aking mapa at sabihin: ‘Ah. Naririto sila ngayon!’ Lagi kong pinasasalamatan si Jehova dahil sa pagpapala na ako’y nagkaroon ng ganitong anak.”

      PAGTULONG SA MATERYAL NA MGA PANGANGAILANGAN

      4. Papaano hinimok ng relihiyosong tradisyon ng mga Judio ang kawalan ng habag sa matatanda nang magulang?

      4 Maaari kayang ang pagpaparangal sa mga magulang ng isa ay magsangkot din ng pag-aasikaso sa kanilang materyal na mga pangangailangan? Oo. Madalas na gayon nga. Noong panahon ni Jesus itinaguyod ng mga relihiyosong lider na Judio ang tradisyon na kung idineklara ng isang tao na ang kaniyang salapi o ari-arian ay “isang kaloob na inialay sa Diyos,” siya’y pinalaya na sa pananagutang gamitin iyon upang asikasuhin ang kaniyang mga magulang. (Mateo 15:3-6) Napakawalang-habag! Ang totoo, hinihimok ng mga relihiyosong lider na iyon ang mga tao na huwag parangalan ang kanilang mga magulang kundi pakitunguhan sila nang may paglapastangan sa pamamagitan ng pagkakait sa kanilang mga pangangailangan. Hindi natin kailanman nanaising gawin iyan!​—Deuteronomio 27:16.

      5. Sa kabila ng mga paglalaang ginagawa ng mga pamahalaan ng ilang lupain, bakit ang pagpaparangal sa mga magulang ng isa ay naglalakip kung minsan ng pagbibigay ng pinansiyal na tulong?

      5 Sa maraming lupain sa ngayon, ang mga suportado-ng-gobyernong programang panlipunan ay naglalaan para sa ilang materyal na mga pangangailangan ng matatanda, gaya ng pagkain, damit, at tirahan. Karagdagan pa rito, ang matatanda mismo ay maaaring nakapaglaan ng kaunti para sa kanilang pagtanda. Ngunit kung ang paglalaang ito ay masaid o magkulang, pinararangalan ng mga anak ang kanilang mga magulang sa pamamagitan ng paggawa ng kanilang buong-makakaya upang masapatan ang mga pangangailangan ng mga ito. Sa katunayan, ang pag-aasikaso sa matatanda nang magulang ay katibayan ng maka-Diyos na debosyon, alalaong baga’y, debosyon ng isa sa Diyos na Jehova, ang Tagapagpasimula ng kaayusan ng pamilya.

      PAG-IBIG AT PAGSASAKRIPISYO-SA-SARILI

      6. Anong mga kaayusan sa paninirahan ang nagawa na ng ilan upang maasikaso ang mga pangangailangan ng kanilang mga magulang?

      6 Maraming malalaki nang anak ang tumugon na sa mga pangangailangan ng kanilang may-kapansanang mga magulang taglay ang pag-ibig at pagsasakripisyo-sa-sarili. Kinupkop ng ilan ang kanilang mga magulang sa kanilang sariling mga tahanan o lumipat na upang mapalapit sa kanila. Ang iba naman ay pumisan na sa kanilang mga magulang. Madalas, ang gayong mga kaayusan ay napatunayang isang pagpapala kapuwa sa mga magulang at sa mga anak.

      7. Bakit hindi mabuti na maging padalus-dalos sa pagpapasiya may kinalaman sa matatanda nang magulang?

      7 Subalit, kung minsan ay hindi nagbubunga ng mabuti ang gayong mga hakbangin. Bakit? Marahil ay dahil sa naging padalus-dalos ang pagdedesisyon o isinalig lamang sa emosyon. “Ang isa na pantas ay nagsasaalang-alang ng kaniyang mga hakbang,” ang matalinong babala ng Bibliya. (Kawikaan 14:15) Halimbawa, ipagpalagay nang nahihirapang magsolo ang iyong matanda nang ina at sa palagay mo’y makabubuti sa kaniya na makipisan sa iyo. Palibhasa’y may-kapantasang isinasaalang-alang ang iyong mga hakbang, baka kailangang pag-isipan mo muna ang mga sumusunod: Ano ba talaga ang kaniyang kailangan? Mayroon bang mga serbisyong panlipunan mula sa pribado o pang-estadong ahensiya na naghahandog ng iba pang solusyon na karapat-dapat tanggapin? Gusto ba niyang lumipat? Kung oo, ano ang magiging epekto nito sa kaniyang buhay? Maiiwan ba niya ang kaniyang mga kaibigan? Papaano ito maaaring makaapekto sa kaniyang emosyon? Naipakipag-usap mo na ba ito sa kaniya? Ano naman ang maaaring maging epekto ng hakbanging ito sa iyo, sa iyong asawa, sa iyong sariling mga anak? Kung kailangan ng iyong ina ang pag-aasikaso, sino ang maglalaan nito? Maaari bang pagtulung-tulungan ang responsibilidad? Naipakipag-usap mo na ba ito sa lahat ng tuwirang nasasangkot?

      8. Sino ang maaari mong konsultahin kapag nagpapasiya kung papaano matutulungan ang iyong matatanda nang magulang?

      8 Yamang ang pananagutan sa pag-aasikaso ay nakapasan sa lahat ng anak sa pamilya, maaaring isang katalinuhan na magkomperensiya muna ang pamilya nang sa gayon ay maaaring makibahagi ang lahat sa pagpapasiya. Ang pakikipag-usap sa matatanda sa Kristiyanong kongregasyon o sa mga kaibigan na napaharap na rin sa ganitong situwasyon ay maaari ring makatulong. “Nabibigo ang mga plano kung saan walang kompedensiyal na pag-uusap,” ang babala ng Bibliya, “ngunit sa karamihan ng mga tagapayo ay may naisasakatuparan.”​—Kawikaan 15:22.

      MAGPAKITA NG EMPATIYA AT PAGKAMAUNAWAIN

      Larawan sa pahina 179

      Hindi isang katalinuhan na magpasiya para sa isang magulang nang hindi muna kinakausap ang isang iyon

      9, 10. (a) Sa kabila ng kanilang patuloy na pagtanda, anong konsiderasyon ang dapat ibigay sa matatanda nang magulang? (b) Anumang hakbang ang gawin ng malaki nang anak alang-alang sa kaniyang mga magulang, ano ang dapat na lagi niyang ibigay sa kanila?

      9 Ang pagpaparangal sa ating matatanda nang magulang ay nangangailangan ng empatiya at unawa. Habang patuloy na lumalalâ ang mga epekto ng pagtanda, maaaring masumpungan ng matatanda na lalo silang nahihirapang lumakad, kumain, at makaalaala. Baka mangailangan sila ng tulong. Madalas na ang mga anak ay nagiging sobrang mapag-alala at nagsisikap na maglaan ng patnubay. Subalit ang matatanda ay may hustong pag-iisip na hitik na hitik sa naipong karunungan at karanasan, buong-buhay na nag-aasikaso sa kanilang sarili at mag-isang nagpapasiya. Ang kanilang pagkatao at paggalang sa sarili ay maaaring nakasentro sa kanilang papel bilang mga magulang at bilang may sariling pag-iisip. Ang mga magulang na nakadaramang kailangan na nilang isuko sa kanilang mga anak ang pagkontrol nila sa kanilang sariling buhay ay maaaring manlumo o magalit. Ang ilan ay nagtatampo at tumututol sa ipinalalagay nilang panghihimasok sa kanilang kalayaan.

      10 Walang madaling solusyon sa gayong mga problema, ngunit isang kabaitan na hayaan ang matatanda nang magulang na alagaan ang kanilang sarili at gumawa ng sariling pasiya hangga’t maaari. Isang katalinuhan na huwag pagpasiyahan kung ano ang pinakamabuti para sa iyong mga magulang nang hindi muna sila kinakausap. Maaaring malaki na nga ang nabawas sa kanilang kakayahan. Hayaan mong gamitin nila ang anumang kaya pa nila. Baka masumpungan mong habang hindi mo labis na pinanghihimasukan ang buhay ng iyong mga magulang, mas bubuti ang pakikipag-ugnayan mo sa kanila. Sila’y higit na liligaya, at gayundin ikaw. Kahit na kailangang igiit mo ang ilang bagay para sa kabutihan nila, ang pagpaparangal sa iyong mga magulang ay humihiling na ibigay mo sa kanila ang dignidad at paggalang na nararapat sa kanila. Ang Salita ng Diyos ay nagpapayo: “Sa harap ng may uban ay dapat kang tumayo, at dapat kang magpakita ng konsiderasyon sa katauhan ng matandang lalaki.”​—Levitico 19:32.

      INGATAN ANG TAMANG SALOOBIN

      11-13. Kung hindi man naging maganda noon ang pakikitungo ng mga magulang sa isang anak na nasa hustong edad, papaano niya haharapin ang hamon ng pag-aasikaso sa kanila sa kanilang pagtanda?

      11 Kung minsan ang problemang kinakaharap ng malalaki nang mga anak sa pagpaparangal sa kanilang matatanda nang magulang ay dahil sa naging pakikitungo sa kanila ng mga magulang nila noong sila’y mga bata pa. Marahil ang iyong ama noon ay malamig at di-mapagmahal, ang iyong ina naman ay dominante at malupit. Marahil ay nadarama mo pa rin ang pagkabigo, galit, o hinanakit sapagkat hindi sila ang mga magulang na ibig mo. Mapaglalabanan mo ba ang ganiyang damdamin?a

      12 Si Basse, na lumaki sa Pinlandya, ay nagkuwento: “Ang aking amain ay opisyal noon ng SS sa Alemanyang Nazi. Madaling magsiklab ang kaniyang galit, at kapag nagkagayon siya’y nagiging mapanganib. Binugbog niya ang aking ina nang maraming ulit sa harap ko. Minsan nang siya’y magalit sa akin, inihaplit niya ang kaniyang sinturon at tinamaan ako ng hibilya sa mukha. Gayon na lamang ang lakas ng tama sa akin anupat bumagsak ako sa kama.”

      13 Magkagayon man, may iba pang mukha ang kaniyang pagkatao. Idinagdag ni Basse: “Sa kabilang dako naman, napakasipag niya sa trabaho at hindi niya iniiwasan ang pag-aasikaso sa pamilya sa materyal. Hindi niya kailanman ipinadama sa akin ang pagmamahal ng isang ama, ngunit alam ko ang pilat na taglay niya sa kaniyang damdamin. Pinalayas siya ng kaniyang ina nang siya’y bata pa. Lumaki siya sa tulong ng kaniyang sariling kamao at lumaban sa digmaan sa kaniyang pagbibinata. Sa isang banda’y nauunawaan ko siya at hindi ko siya sinisisi. Nang ako’y lumaki na, hinangad ko ang makatulong sa kaniya sa abot ng aking makakaya hanggang sa kaniyang kamatayan. Hindi iyon madali, subalit ginawa ko ang lahat ng aking magagawa. Sinikap kong maging isang mabuting anak na lalaki hanggang katapusan, at sa palagay ko’y tinanggap niya ako bilang gayon.”

      14. Anong kasulatan ang kumakapit sa lahat ng situwasyon, kasali na yaong mga bumabangon sa pag-aasikaso ng matatanda nang magulang?

      14 Sa mga kalagayan ng pamilya, gaya rin sa ibang bagay, ang payo ng Bibliya ay kumakapit: “Damtan ninyo ang inyong mga sarili ng magiliw na pagmamahal ng pagkamadamayin, kabaitan, kababaan ng pag-iisip, kahinahunan, at mahabang-pagtitiis. Patuloy ninyong pagtiisan ang isa’t isa at malayang patawarin ang isa’t isa kung ang sinuman ay may dahilan sa pagrereklamo laban sa iba. Kung paanong si Jehova ay malayang nagpatawad sa inyo, gayon din naman ang gawin ninyo.”​—Colosas 3:12, 13.

      KAILANGAN DING ALAGAAN ANG MGA TAGAPAG-ALAGA

      15. Bakit ang pag-aalaga sa mga magulang kung minsan ay nakapanlulumo?

      15 Ang pag-aalaga sa isang may-kapansanang magulang ay mahirap na gawain, na nangangailangan ng maraming trabaho, malaking responsibilidad, at mahahabang oras. Ngunit ang pinakamahirap na bahagi ay karaniwan nang sa emosyon. Nakapanggigipuspos na makita ang iyong mga magulang na unti-unting nawawalan ng kanilang kalusugan, memorya, at kalayaan. Si Sandy, na nagmula sa Puerto Rico, ay nagsalaysay: “Si Inay ang lahat-lahat sa aming pamilya. Napakasakit na makita ang kaniyang paghihirap. Noong una’y pipila’y pilay siya; pagkatapos ay kailangan na niya ang tungkod, pagkatapos ay isang walker, pagkatapos ay silyang de gulong. Pagkatapos niyan ay unti-unti na siyang naglubha hanggang sa siya’y mamatay. Nagkaroon siya ng kanser sa buto at kinailangan ang palagiang pag-aalaga​—araw at gabi. Pinaliliguan namin siya at pinakakain at binabasahan. Napakahirap talaga​—lalo na sa kalooban. Nang mapagtanto kong patungo na si Inay sa kamatayan, napaiyak ako sapagkat mahal na mahal ko siya.”

      16, 17. Anong payo ang maaaring makatulong sa isang tagapag-alaga upang mapanatili ang timbang na pangmalas sa mga bagay-bagay?

      16 Kung ikaw ay nasa ganiyan ding kalagayan, ano ang maaari mong gawin upang makayanan ito? Ang pakikinig kay Jehova sa pamamagitan ng pagbabasa ng Bibliya at pakikipag-usap sa kaniya sa panalangin ay makatutulong sa iyo nang malaki. (Filipos 4:6, 7) Sa praktikal na paraan, tiyakin na balanse ang iyong pagkain at sikaping makatulog na mabuti. Sa paggawa nito, bubuti ang iyong kondisyon, kapuwa sa emosyon at sa pisikal, upang maasikaso ang iyong mahal sa buhay. Marahil ay maisasaayos mo ang paminsan-minsang pamamahinga mula sa pang-araw-araw na rutin. Kahit na maging imposible pa ang pagbabakasyon, isang katalinuhan pa rin na mag-iskedyul ng panahon para magrelaks. Upang makaalis ka, baka maisaayos mo na pasamahan muna sa iba ang iyong may-sakit na magulang.

      17 Karaniwan na sa mga tagapag-alagang nasa edad ang di-makatuwirang hanapan ang kanilang sarili. Subalit huwag mong sisisihin ang iyong sarili dahil sa mga bagay na hindi mo magawa. Sa ilang kalagayan baka kailangang ipagkatiwala mo ang iyong mahal sa buhay sa pangangalaga ng isang nursing home. Kung ikaw ay isang tagapag-alaga, maglagay ng makatuwirang dapat asahan sa iyong sarili. Dapat mong timbangin ang pangangailangan hindi lamang ng iyong mga magulang kundi maging ng iyong mga anak, ng iyong asawa, at ng iyong sarili.

      LAKAS NA HIGIT SA KARANIWAN

      18, 19. Anong pangako ng pagsuporta ang ibinigay ni Jehova, at anong karanasan ang nagpapakitang tinutupad niya ang pangakong ito?

      18 Sa pamamagitan ng kaniyang Salita, ang Bibliya, si Jehova ay maibiging naglalaan ng patnubay na makatutulong nang malaki sa isang tao sa pag-aasikaso sa matatanda nang magulang, ngunit hindi lamang iyan ang tanging tulong na inilalaan niya. “Si Jehova ay malapit sa lahat ng tumatawag sa kaniya,” isinulat ng salmista sa ilalim ng pagkasi. “Ang kanilang paghingi ng tulong ay pakikinggan niya, at ililigtas niya sila.” Ililigtas, o iingatan, ni Jehova ang mga nagtatapat sa kaniya kahit sa pinakamahihirap na kalagayan.​—Awit 145:18, 19.

      19 Natutuhan ito ni Myrna, sa Pilipinas, habang inaalagaan niya ang kaniyang ina, na lubusang naging paralisado dahil sa atake serebral. “Wala nang hihigit pa sa panlulumong nadarama kapag nakikita mo ang iyong mahal sa buhay na nagdurusa, na ni hindi masabi sa iyo kung alin ang masakit,” ang sulat ni Myrna. “Para bang nakikita ko siyang unti-unting nalulunod, at wala naman akong magawa. Maraming ulit na ako’y lumuluhod at ipinakikipag-usap ko kay Jehova ang aking pagod. Ako’y humihiyaw na gaya ni David, na nagsusumamo kay Jehova na ilagay ang kaniyang mga luha sa isang botelya at alalahanin siya. [Awit 56:8] At gaya ng pangako ni Jehova, binigyan niya ako ng lakas na kailangan ko. ‘Si Jehova ay naging isang alalay para sa akin.’”​—Awit 18:18.

      20. Anong mga pangako sa Bibliya ang tumutulong sa mga tagapag-alaga upang manatiling positibo, kahit na mamatay ang kanilang inaalagaan?

      20 Sinasabing ang pag-aalaga sa matatanda nang magulang ay isang “kuwentong walang masayang wakas.” Maging sa kabila ng pinakamahusay na pag-aalaga, maaaring mamatay pa rin ang matatanda, gaya ng nangyari sa ina ni Myrna. Ngunit yaong mga nagtitiwala kay Jehova ay nakaaalam na ang kamatayan ay hindi siyang wakas ng kuwento. Sabi ni apostol Pablo: “May pag-asa ako sa Diyos . . . na magkakaroon ng pagkabuhay-muli kapuwa ng mga matuwid at mga di-matuwid.” (Gawa 24:15) Yaong mga nawalan na ng matatanda nang magulang dahil sa kamatayan ay naaaliw sa pag-asa ng pagkabuhay-muli kasabay ng pangako ng isang kasiya-siyang bagong sanlibutan na gagawin ng Diyos na doo’y “hindi na magkakaroon ng kamatayan.”​—Apocalipsis 21:4.

      21. Anong mabubuting resulta ang ibinubunga ng pagpaparangal sa matatanda nang magulang?

      21 Ang mga lingkod ng Diyos ay may matinding pagpapahalaga sa kanilang mga magulang, kahit na sila’y matatanda na. (Kawikaan 23:22-24) Pinararangalan nila sila. Sa paggawa nito, natatamasa nila ang sinasabi ng kinasihang kawikaan: “Ang iyong ama at ang iyong ina ay magsasaya, at siya na nagsilang sa iyo ay magagalak.” (Kawikaan 23:25) At higit sa lahat, yaong mga nagpaparangal sa kanilang matatanda nang magulang ay nagpapalugod at nagpaparangal din sa Diyos na Jehova.

      a Hindi natin pinag-uusapan dito ang mga situwasyon na doo’y nagkasala ang mga magulang ng sukdulang pang-aabuso sa kanilang kapangyarihan at pananagutan, na maaari nang ituring na isang krimen.

      PAPAANO MAKATUTULONG ANG MGA SIMULAING ITO NG BIBLIYA . . . SA ATIN UPANG MAPARANGALAN ANG ATING MATATANDA NANG MAGULANG?

      Dapat tayong magbigay ng kaukulang kabayaran sa mga magulang at sa mga lolo’t lola.​—1 Timoteo 5:4.

      Lahat ng ating gawain ay dapat isagawa nang may pag-ibig.​—1 Corinto 16:14.

      Ang mahahalagang desisyon ay hindi dapat gawin nang padalus-dalos.​—Kawikaan 14:15.

      Ang matatanda nang magulang, kahit may-sakit at mahina na, ay dapat igalang.​—Levitico 19:32.

      Hindi natin palaging aasahan na mapaharap sa pagtanda at kamatayan.​—Apocalipsis 21:4.

  • Tiyakin ang Isang Namamalaging Kinabukasan Para sa Iyong Pamilya
    Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya
    • IKALABING-ANIM NA KABANATA

      Tiyakin ang Isang Namamalaging Kinabukasan Para sa Iyong Pamilya

      1. Ano ang layunin ni Jehova sa kaayusan ng pamilya?

      NANG pagbuklurin ni Jehova sina Adan at Eva bilang mag-asawa, ipinahayag ni Adan ang kaniyang kagalakan sa pamamagitan ng pagsambit sa kauna-unahang napaulat na tula sa Hebreo. (Genesis 2:22, 23) Gayunman, mayroon pang nasasaisip ang Maylalang kaysa sa pagdudulot lamang ng kaluguran sa kaniyang mga anak na tao. Ibig niyang gawin ng mga mag-asawa at mga pamilya ang kaniyang kalooban. Sinabihan niya ang unang mag-asawa: “Maging mabunga kayo at magpakarami at punuin ang lupa at supilin iyon, at magkaroon kayo ng pananakop sa isda sa dagat at sa lumilipad na mga nilalang sa mga langit at sa bawat nilalang na buháy na gumagalaw sa ibabaw ng lupa.” (Genesis 1:28) Anong pagkadakila’t kasiya-siyang atas iyan! Naging napakaligaya sana nila at ng kanilang magiging mga anak kung lubusang sinunod nina Adan at Eva ang kalooban ni Jehova!

      2, 3. Papaano makasusumpong ng pinakadakilang kaligayahan ang mga pamilya ngayon?

      2 Gayundin sa ngayon, mas maliligaya ang mga pamilya kapag sila’y nagkakaisa sa paggawa ng kalooban ng Diyos. Sumulat si apostol Pablo: “Ang maka-Diyos na debosyon ay kapaki-pakinabang sa lahat ng mga bagay, yamang hawak nito ang pangako sa buhay ngayon at yaong darating.” (1 Timoteo 4:8) Ang isang pamilya na namumuhay nang may maka-Diyos na debosyon at sumusunod sa patnubay ni Jehova na nasa Bibliya ay makasusumpong ng kaligayahan sa “buhay ngayon.” (Awit 1:1-3; 119:105; 2 Timoteo 3:16) Kahit iisa lamang sa miyembro ng pamilya ang nagkakapit ng mga simulain ng Bibliya, mas mabuti ang kalagayan kaysa kung wala.

      3 Ang aklat na ito ay tumalakay na ng maraming simulain ng Bibliya na nagdaragdag ng kaligayahan sa pamilya. Marahil ay napansin mong ang ilan sa mga ito ay paulit-ulit na lumitaw sa buong aklat. Bakit? Sapagkat ang mga ito’y naglalaman ng makapangyarihang katotohanan na gumagawa sa ikabubuti ng lahat sa iba’t ibang pitak ng buhay pampamilya. Nasusumpungan ng pamilyang nagsisikap magkapit sa mga simulaing ito ng Bibliya na ang maka-Diyos na debosyon ay tunay ngang may ‘hawak ng pangako sa buhay ngayon.’ Tingnan nating muli ang apat sa mahahalagang simulaing iyon.

      ANG KAHALAGAHAN NG PAGPIPIGIL-SA-SARILI

      4. Bakit kailangang-kailangan sa pag-aasawa ang pagpipigil-sa-sarili?

      4 Sabi ni Haring Solomon: “Gaya ng isang lunsod na wasak, na walang pader, ay ang tao na walang pagpipigil sa kaniyang espiritu.” (Kawikaan 25:28; 29:11) Ang ‘pagpipigil sa espiritu ng isa,’ na nagpipigil sa sarili, ay kailangang-kailangan para sa mga nagnanais ng isang maligayang pag-aasawa. Ang pagpapadala sa nakapipinsalang emosyon, gaya ng matinding galit o imoral na kamunduhan, ay magdudulot ng pinsala na nangangailangan ng mga taon bago maayos​—kung ito’y maaayos pa.

      5. Papaano malilinang ng isang di-sakdal na tao ang pagpipigil- sa-sarili, at may anong kapakinabangan?

      5 Mangyari pa, walang inapo ni Adan ang lubusang makapipigil sa kaniyang di-sakdal na laman. (Roma 7:21, 22) Magkagayon man, ang pagpipigil-sa-sarili ay isang bunga ng espiritu. (Galacia 5:22, 23) Samakatuwid, ang espiritu ng Diyos ay magbubunga sa atin ng pagpipigil-sa-sarili kung ipananalangin natin ang katangiang ito, kung ikakapit natin ang angkop na payo na masusumpungan sa Kasulatan, at kung makikisama tayo sa iba na nagpapamalas nito at iniiwasan naman yaong wala nito. (Awit 119:100, 101, 130; Kawikaan 13:20; 1 Pedro 4:7) Ang gayong hakbangin ay tutulong sa atin na “tumakas mula sa pakikiapid,” kahit na kung tayo’y tinutukso. (1 Corinto 6:18) Tatanggihan natin ang karahasan at iiwasan o paglalabanan ang alkoholismo. At haharapin natin nang may higit na kahinahunan ang mga nakagagalit at mahihirap na situwasyon. Harinawang lahat​—kasali na ang mga bata​—ay matutong maglinang ng napakahalagang bungang ito ng espiritu.​—Awit 119:1, 2.

      ANG WASTONG PANGMALAS SA PAGKAULO

      6. (a) Ano ang itinatag na kaayusan ng Diyos sa pagkaulo? (b) Ano ang dapat tandaan ng isang lalaki upang ang kaniyang pagkaulo ay magdulot ng kaligayahan sa kaniyang pamilya?

      6 Ang ikalawang mahalagang simulain ay ang pagkilala sa pagkaulo. Ipinakita ni Pablo ang wastong pagkakasunud-sunod ng mga bagay nang sabihin niya: “Nais kong malaman ninyo na ang ulo ng bawat lalaki ay ang Kristo; ang ulo naman ng babae ay ang lalaki; ang ulo naman ng Kristo ay ang Diyos.” (1 Corinto 11:3) Nangangahulugan ito na ang lalaki ang nangunguna sa pamilya, ang kaniyang asawa ay tapat na umaalalay, at ang mga anak ay sumusunod sa kanilang mga magulang. (Efeso 5:22-25, 28-33; 6:1-4) Gayunman, pansinin na ang pagkaulo ay umaakay sa kaligayahan tangi lamang kung ito’y isinasagawa sa tamang paraan. Ang mga asawang lalaki na namumuhay nang may maka-Diyos na debosyon ay nakaaalam na ang pagkaulo ay hindi ang pagkadiktador. Tinutularan nila si Jesus, ang kanilang Ulo. Bagaman si Jesus ay itinakdang maging “ulo sa ibabaw ng lahat ng mga bagay,” siya’y “dumating, hindi upang paglingkuran, kundi upang maglingkod.” (Efeso 1:22; Mateo 20:28) Sa katulad na paraan, nagsasagawa ng pagkaulo ang isang lalaking Kristiyano, hindi upang makinabang ang sarili, kundi upang pangalagaan ang kapakanan ng kaniyang asawa at mga anak.​—1 Corinto 13:4, 5.

      7. Anong maka-Kasulatang mga simulain ang tutulong sa asawang babae na matupad ang ipinasiya ng Diyos na papel niya sa pamilya?

      7 Sa bahagi naman niya, ang asawang babae na namumuhay nang may maka-Diyos na debosyon ay hindi nakikipagpaligsahan o naghahangad na dominahan ang kaniyang asawa. Siya’y maligaya sa pag-alalay sa kaniya at pakikipagtulungan sa kaniya. Kung minsan ay binabanggit ng Bibliya na ang asawang babae ay ‘pag-aari’ ng kaniyang asawa, na maliwanag na nagpapakitang siya ang kaniyang ulo. (Genesis 20:3) Sa pag-aasawa siya’y napasasailalim sa “batas ng kaniyang asawang lalaki.” (Roma 7:2) Kasabay nito, tinatawag siya ng Bibliya na “katulong” at isang “kapupunan.” (Genesis 2:20) Siya ang nagpupunô ng mga katangian at mga kakayahang wala sa kaniyang asawang lalaki, at binibigyan niya siya ng kinakailangang suporta. (Kawikaan 31:10-31) Sinasabi rin ng Bibliya na ang asawang babae ay isang “kapareha,” isa na gumagawang kaagapay ng kaniyang asawa. (Malakias 2:14) Ang maka-Kasulatang mga simulaing ito ay tumutulong sa mag-asawa na maunawaan ang kalagayan ng isa’t isa at pakitunguhan ang isa’t isa nang may wastong paggalang at dignidad.

      “MAGING MATULIN SA PAKIKINIG”

      8, 9. Ipaliwanag ang ilang simulain na tutulong sa lahat sa pamilya upang mapasulong ang kanilang kakayahang makipag-usap.

      8 Sa aklat na ito ay madalas na itinatampok ang pangangailangang makipag-usap. Bakit? Sapagkat mas maganda ang nagiging resulta kapag ang mga tao’y nakikipag-usap at talagang nakikinig sa isa’t isa. Paulit-ulit na idiniin na ang pag-uusap ay parang isang kalye na may dalawang pátunguhán. Ganito ang pagkakasabi ng alagad na si Santiago: “Ang bawat tao ay dapat na maging matulin sa pakikinig, mabagal sa pagsasalita.”​—Santiago 1:19.

      9 Mahalaga rin na maging maingat kung papaano tayo magsasalita. Ang pabigla-bigla, palatalo, o labis na mapamintas na mga salita ay hindi nagbubunga ng matagumpay na pag-uusap. (Kawikaan 15:1; 21:9; 29:11, 20) Kahit na tama naman ang ating sinasabi, kung ito’y sinambit sa mabagsik, mapagmataas, o walang-pakundangang paraan, malamang na ang ibunga nito’y mas masama kaysa sa mabuti. Dapat na maging malasa ang ating pangungusap, anupat “tinimplahan ng asin.” (Colosas 4:6) Ang ating mga pananalita ay dapat na maging gaya ng “mga mansanas na ginto sa mga inukit na pilak.” (Kawikaan 25:11) Ang mga pamilyang natututong makipag-usap na mabuti ay nakagawa ng isang malaking hakbang tungo sa pagkakamit ng kaligayahan.

      ANG NAPAKAHALAGANG PAPEL NG PAG-IBIG

      10. Anong uri ng pag-ibig ang mahalaga sa pag-aasawa?

      10 Ang salitang “pag-ibig” ay lumitaw nang paulit-ulit sa buong aklat na ito. Naaalaala mo ba ang uri ng pag-ibig na pangunahing tinutukoy rito? Totoo na ang romantikong pag-ibig (Griego, eʹros) ay gumaganap ng mahalagang bahagi sa pag-aasawa, at sa matagumpay na mga pag-aasawa, ang matinding pagmamahalan at pagkakaibigan (Griego, phi·liʹa) ay lumalago sa pagitan ng mag-asawa. Ngunit ang higit pang mahalaga ay ang pag-ibig na ipinakikilala ng Griegong salita na a·gaʹpe. Ito ang pag-ibig na ating pinagyayaman para kay Jehova, kay Jesus, at sa ating kapuwa. (Mateo 22:37-39) Ito ang pag-ibig na ipinadama ni Jehova sa sangkatauhan. (Juan 3:16) Talaga ngang kahanga-hanga na maaari nating ipakita sa ating kabiyak at mga anak ang gayunding uri ng pag-ibig!​—1 Juan 4:19.

      11. Papaano nagkakabisa ang pag-ibig para sa ikabubuti ng pag-aasawa?

      11 Sa pag-aasawa ang mataas na uring pag-ibig na ito ay tunay na “isang sakdal na bigkis ng pagkakaisa.” (Colosas 3:14) Pinagbubuklod nito ang mag-asawa at nagpapangyari sa kanila na gawin ang pinakamabuti sa isa’t isa at sa kanilang mga anak. Kapag napapasuong sa mahihirap na kalagayan ang mga pamilya, ang pag-ibig ay tumutulong upang may-pagkakaisang maharap ang mga bagay-bagay. Habang tumatanda ang mag-asawa, ang pag-ibig ay tumutulong sa kanila upang suportahan at patuloy na pahalagahan ang isa’t isa. “Ang pag-ibig ay . . . hindi naghahanap ng sariling mga kapakanan nito. . . . Tinitiis nito ang lahat ng bagay, pinaniniwalaan ang lahat ng bagay, inaasahan ang lahat ng bagay, binabata ang lahat ng bagay. Ang pag-ibig ay hindi kailanman nabibigo.”​—1 Corinto 13:4-8.

      12. Bakit ang pag-ibig sa Diyos sa bahagi ng mag-asawa ay nakapagpapatatag sa kanilang pagsasama?

      12 Ang pag-iisang-dibdib ay lalo nang tumatatag kapag ito’y matibay na pinagbuklod hindi lamang ng pag-ibig sa pagitan ng mag-asawa kundi una sa lahat ay ng pag-ibig kay Jehova. (Eclesiastes 4:9-12) Bakit? Buweno, sumulat si apostol Juan: “Ito ang kahulugan ng pag-ibig sa Diyos, na tuparin natin ang kaniyang mga kautusan.” (1 Juan 5:3) Kung gayon, kailangang sanayin ng mag-asawa ang kanilang mga anak sa maka-Diyos na debosyon hindi lamang dahil sa mahal na mahal nila ang kanilang mga anak kundi dahil sa ito ang utos ni Jehova. (Deuteronomio 6:6, 7) Dapat nilang iwaksi ang imoralidad hindi lamang dahil sa mahal nila ang isa’t isa kundi higit sa lahat ay dahil sa mahal nila si Jehova, na ‘hahatol sa mga mapakiapid at mga mangangalunya.’ (Hebreo 13:4) Kahit na ang isang kabiyak ay nagdudulot ng malulubhang problema sa pag-aasawa, ang pag-ibig kay Jehova ay magpapakilos sa asawa nito upang patuloy na sundin ang mga simulain ng Bibliya. Tunay na maliligaya ang mga pamilya na ang pag-ibig sa isa’t isa ay pinagbuklod ng pag-ibig kay Jehova!

      ANG PAMILYANG GUMAGAWA NG KALOOBAN NG DIYOS

      13. Papaanong ang determinasyon na gawin ang kalooban ng Diyos ay tutulong sa mga indibiduwal upang ipako ang paningin sa tunay na mahahalagang bagay?

      13 Ang buong buhay ng isang Kristiyano ay nakasentro sa paggawa ng kalooban ng Diyos. (Awit 143:10) Ito ang talagang kahulugan ng maka-Diyos na debosyon. Ang paggawa ng kalooban ng Diyos ay tutulong sa mga pamilya na ipako ang paningin sa tunay na mahahalagang bagay. (Filipos 1:9, 10) Halimbawa, nagbabala si Jesus: “Ako ay dumating upang magpangyari ng pagkakabaha-bahagi, ng lalaki laban sa kaniyang ama, at ng anak na babae laban sa kaniyang ina, at ng kabataang asawang babae laban sa kaniyang biyenang-babae. Tunay nga, ang magiging mga kaaway ng tao ay mga tao ng kaniyang sariling sambahayan.” (Mateo 10:35, 36) Bilang katunayan ng babala ni Jesus, marami sa kaniyang mga tagasunod ang pinag-usig ng mga miyembro ng pamilya. Kaysaklap at kaysakit na kalagayan! Magkagayon man, ang pagsasamahan ng pamilya ay hindi dapat na humigit sa ating pag-ibig sa Diyos na Jehova at kay Jesu-Kristo. (Mateo 10:37-39) Kung ang isa’y magbabata sa kabila ng pagsalansang ng pamilya, ang mga mananalansang ay baka magbago kapag nakita nila ang mabubuting epekto ng maka-Diyos na debosyon. (1 Corinto 7:12-16; 1 Pedro 3:1, 2) Hindi man ito mangyari, walang namamalaging kabutihan ang idudulot ng paghinto sa paglilingkod sa Diyos dahil sa pagsalansang.

      14. Papaanong ang pagnanais na gawin ang kalooban ng Diyos ay tutulong sa mga magulang na gumawa ng pinakamabuti para sa kapakanan ng kanilang mga anak?

      14 Ang paggawa ng kalooban ng Diyos ay tutulong sa mga magulang na makagawa ng mga tamang pasiya. Halimbawa, sa ilang komunidad ay itinuturing ng mga magulang ang mga anak bilang puhunan, at sila’y umaasa sa kanilang mga anak na sila’y alagaan kapag sila’y matatanda na. Bagaman tama naman at wasto para sa nagsilaki nang mga anak na alagaan ang kanilang tumatanda nang mga magulang, ang gayong bagay ay hindi dapat mag-udyok sa mga magulang upang itulak ang kanilang mga anak sa materyalistikong paraan ng pamumuhay. Hindi natutulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak kung ang ipamumulat sa kanila ay ang pagpapahalaga sa materyal na mga tinatangkilik kaysa sa espirituwal na mga bagay.​—1 Timoteo 6:9.

      15. Papaanong ang ina ni Timoteo, si Eunice, ay naging isang napakahusay na halimbawa ng isang magulang na gumawa ng kalooban ng Diyos?

      15 Ang isang mainam na halimbawa sa bagay na ito ay si Eunice, ang ina ng batang kaibigan ni Pablo na si Timoteo. (2 Timoteo 1:5) Bagaman di-sumasampalataya ang kaniyang naging asawa, si Eunice, kasama ng lola ni Timoteo na si Loida, ay matagumpay na nagpalaki kay Timoteo upang magtaguyod ng maka-Diyos na debosyon. (2 Timoteo 3:14, 15) Nang nasa edad na si Timoteo, pinayagan siya ni Eunice na lisanin ang tahanan at gampanan ang gawaing pangangaral ng Kaharian bilang kasama ni Pablo sa pagmimisyonero. (Gawa 16:1-5) Kaylaking katuwaan ang malamáng na nadama niya nang ang kaniyang anak ay maging isang katangi-tanging misyonero! Ang kaniyang maka-Diyos na debosyon nang siya’y lumaki ang siyang mainam na resulta ng ginawang pagsasanay sa kaniya noong siya’y bata pa. Walang-alinlangan, nakasusumpong si Eunice ng kasiyahan at kagalakan kapag naririnig niya ang mga ulat ng tapat na pagmiministeryo ni Timoteo, bagaman marahil ay hinahanap-hanap din niyang makapiling siya.​—Filipos 2:19, 20.

      ANG PAMILYA AT ANG IYONG KINABUKASAN

      16. Bilang isang anak, anong wastong pagmamalasakit ang ipinakita ni Jesus, ngunit ano ang kaniyang pangunahing layunin?

      16 Si Jesus ay namulat sa isang maka-Diyos na pamilya at, nang siya’y lumaki, nagpakita siya ng wastong pagmamalasakit ng isang anak sa kaniyang ina. (Lucas 2:51, 52; Juan 19:26) Gayunman, ang pangunahing tunguhin ni Jesus ay ang ganapin ang kalooban ng Diyos, at para sa kaniya ay kasali rito ang pagbubukas ng daan para sa mga tao upang magtamasa ng walang-hanggang buhay. Ito’y ginawa niya nang ihandog niya ang kaniyang sakdal na buhay-tao bilang pantubos sa makasalanang sangkatauhan.​—Marcos 10:45; Juan 5:28, 29.

      17. Anong maluwalhating pag-asa ang binuksan ng tapat na hakbangin ni Jesus para sa mga gumagawa ng kalooban ng Diyos?

      17 Pagkamatay ni Jesus, ibinangon siya ni Jehova sa makalangit na buhay at binigyan siya ng dakilang awtoridad, at nang dakong huli ay inilagay siya bilang Hari sa makalangit na Kaharian. (Mateo 28:18; Roma 14:9; Apocalipsis 11:15) Ang hain ni Jesus ang nagpaging posible para sa ilan na mapili upang mamahalang kasama niya sa Kahariang iyon. Nagbukas din ito ng daan para sa iba pang tapat-pusong mga tao na magtamasa ng sakdal na buhay sa isang lupa na isinauli sa mala-paraisong kalagayan. (Apocalipsis 5:9, 10; 14:1, 4; 21:3-5; 22:1-4) Ang isa sa pinakadakilang pribilehiyo natin sa ngayon ay ang sabihin ang maluwalhating mabuting balitang ito sa ating mga kapuwa-tao​—Mateo 24:14.

      18. Anong paalaala at anong pagpapatibay-loob ang ibinibigay kapuwa sa mga pamilya at sa mga indibiduwal?

      18 Gaya ng ipinakita ni apostol Pablo, ang pamumuhay na may maka-Diyos na debosyon ay nagbibigay ng pangako na maaaring manahin ng mga tao ang mga pagpapalang iyon sa buhay ‘na darating.’ Walang-alinlangan, ito ang pinakamabuting paraan upang masumpungan ang kaligayahan! Tandaan, “ang sanlibutan ay lumilipas at gayundin ang pagnanasa nito, ngunit siya na gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.” (1 Juan 2:17) Kung gayon, ikaw man ay isang bata o isang magulang, isang asawang lalaki o isang asawang babae, o isang nagsosolong tao na may mga anak o walang anak, pagsikapan na gawin ang kalooban ng Diyos. Ikaw man ay nasa kagipitan o napapaharap sa sukdulang mga suliranin, huwag kailanman kalilimutan na ikaw ay isang lingkod ng buháy na Diyos. Kung gayon, harinawang ang iyong mga kilos ay magdulot ng kagalakan kay Jehova. (Kawikaan 27:11) At harinawang ang iyong mga gawi ay magbunga ng kaligayahan sa iyo ngayon at ng walang-hanggang buhay sa bagong sanlibutan na darating!

      PAPAANO MAKATUTULONG ANG MGA SIMULAING ITO NG BIBLIYA . . . SA IYONG PAMILYA UPANG LUMIGAYA?

      Ang pagpipigil-sa-sarili ay maaaring linangin.​—Galacia 5:22, 23.

      Taglay ang wastong pangmalas sa pagkaulo, hangad kapuwa ng mag-asawa ang pinakamabuti para sa kapakanan ng pamilya.​—Efeso 5:22-25, 28-33; 6:4.

      Kasali sa pag-uusap ang pakikinig.​—Santiago 1:19.

      Ang pag-ibig kay Jehova ay magbubuklod sa pag-aasawa.​—1 Juan 5:3.

      Ang paggawa ng kalooban ng Diyos ang pinakamahalagang tunguhin para sa isang pamilya.​—Awit 143:10; 1 Timoteo 4:8.

      ANG KALOOB NG PAGIGING WALANG ASAWA

      Hindi lahat ay nag-aasawa. At hindi lahat ng mag-asawa ay nagnanais magkaanak. Si Jesus ay walang asawa, at binanggit niya na ang pagiging walang asawa ay isang kaloob kapag iyon ay “dahil sa kaharian ng mga langit.” (Mateo 19:11, 12) Minabuti rin ni apostol Pablo na huwag mag-asawa. Sinabi niyang ang kalagayan ng pagiging walang asawa at ang kalagayang may-asawa ay kapuwa ‘mga kaloob.’ (1 Corinto 7:7, 8, 25-28) Kung gayon, bagaman ang aklat na ito sa kalakhang bahagi ay tumalakay sa mga bagay na may kinalaman sa pag-aasawa at sa pagpapalaki ng mga anak, hindi natin dapat kalimutan ang posibleng mga pagpapala at mga gantimpala sa pananatiling walang asawa o sa pagiging may-asawa ngunit walang anak.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share