Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Ang Banal na Pangalan—Ang Paggamit at Kahulugan Nito
    Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?
    • Ipinaliwanag mismo ng Diyos ang kahulugan ng kaniyang pangalan sa tapat na lingkod niyang si Moises. Nang magtanong si Moises tungkol sa pangalan ng Diyos, sumagot si Jehova: “Ako ay magiging gayon sa anumang ako ay magiging gayon.” (Exodo 3:14) Ganito ang pagkakasabi ng salin ni Rotherham: “Ako ay Magiging anuman na kalugdan ko.” Kaya si Jehova ay maaaring maging anuman na kailangan upang matupad ang kaniyang mga layunin.

      Ipagpalagay na kaya mong maging anuman na nais mong maging. Ano ang gagawin mo para sa iyong mga kaibigan? Kung nagkasakit nang malubha ang isa sa kanila, puwede kang maging isang dalubhasang doktor at pagalingin siya. Kung bumagsak naman ang kabuhayan ng isa, maaari kang maging isang mayamang pilantropo at saklolohan siya. Gayunman, ang totoo ay limitado ka sa kung ano ang maaari kang maging. Ganiyan tayong lahat. Habang pinag-aaralan mo ang Bibliya, mamamangha kang makita kung paanong si Jehova ay nagiging anuman na kinakailangan upang matupad ang kaniyang mga layunin. At nalulugod siyang gamitin ang kaniyang kapangyarihan alang-alang sa mga umiibig sa kaniya. (2 Cronica 16:9) Ang magagandang aspektong ito ng personalidad ni Jehova ay hindi nakikita ng mga hindi nakababatid sa kaniyang pangalan.

      Maliwanag, ang pangalang Jehova ay dapat gamitin sa Bibliya. Ang pagkabatid sa kahulugan nito at ang malayang paggamit nito sa ating pagsamba ay mabibisang pantulong upang mápalapít tayo sa ating makalangit na Ama, si Jehova.a

  • Kung Paano Inihula ni Daniel ang Pagdating ng Mesiyas
    Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?
    • APENDISE

      Kung Paano Inihula ni Daniel ang Pagdating ng Mesiyas

      NABUHAY si propeta Daniel mahigit na 500 taon bago pa isilang si Jesus. Magkagayunman, isiniwalat ni Jehova kay Daniel ang impormasyon na tutulong upang matukoy ang panahon kung kailan papahiran, o hihirangin, si Jesus bilang Mesiyas, o Kristo. Sinabi kay Daniel: “Alamin mo at magkaroon ka ng kaunawaan na mula sa paglabas ng salita na isauli at muling itayo ang Jerusalem hanggang sa Mesiyas na Lider, magkakaroon ng pitong sanlinggo, gayundin ng animnapu’t dalawang sanlinggo.”​—Daniel 9:25.

      Upang malaman ang panahon ng pagdating ng Mesiyas, kailangan muna nating alamin ang pasimula ng yugto ng panahon na aakay sa pagdating ng Mesiyas. Ayon sa hula, ito ay “mula sa paglabas ng salita na isauli at muling itayo ang Jerusalem.” Kailan naganap itong “paglabas ng salita”? Ayon sa manunulat ng Bibliya na si Nehemias, lumabas ang salita na muling itayo ang mga pader sa palibot ng Jerusalem “noong ikadalawampung taon ni Artajerjes na hari.” (Nehemias 2:1, 5-8) Pinatutunayan ng mga istoryador na ang taóng 474 B.C.E. ang unang buong taon ni Artajerjes bilang tagapamahala. Kung gayon, ang ika-20 taon ng kaniyang pamamahala ay 455 B.C.E. Ngayon ay alam na natin ang pasimula ng hula ni Daniel tungkol sa Mesiyas, samakatuwid nga, 455 B.C.E.

      Binanggit ni Daniel kung kailan matatapos ang yugto ng panahon na umaakay sa pagdating ng “Mesiyas na Lider.” Binanggit ng hula ang “pitong sanlinggo, gayundin [ang] animnapu’t dalawang sanlinggo”​—may kabuuang 69 na sanlinggo. Gaano kahaba ang yugtong ito ng panahon? Binanggit ng ilang salin ng Bibliya na ang mga ito ay, hindi mga sanlinggo na may pitong araw, kundi mga sanlinggo ng mga taon. Samakatuwid nga, bawat sanlinggo ay katumbas ng pitong taon. Ang ideyang ito ng mga sanlinggo ng mga taon, o yugto ng panahon na may tigpipitong taon, ay pamilyar sa mga Judio noong sinaunang panahon. Halimbawa, ipinangingilin nila ang taon ng Sabbath tuwing ikapitong taon. (Exodo 23:10, 11) Kung gayon, ang makahulang 69 na sanlinggo ay katumbas ng 69 na yugto ng panahon na may 7 taon bawat isa, o may kabuuang 483 taon.

      Ang kailangan na lamang nating gawin ngayon ay magbilang. Kung bibilang tayo mula 455 B.C.E., ang 483 taon ay aakay sa atin sa taóng 29 C.E. Iyan ang eksaktong taon nang si Jesus ay mabautismuhan at maging Mesiyas!a (Lucas 3:1, 2, 21, 22) Hindi ba iyan isang kamangha-manghang katuparan ng hula sa Bibliya?

      Chart: Inihuhula ng pitumpung sanlinggo sa Daniel 9 ang pagdating ng Mesiyas

      a Mula 455 B.C.E. hanggang 1 B.C.E. ay 454 na taon. Mula 1 B.C.E. hanggang 1 C.E. ay isang taon (walang taóng zero). At mula 1 C.E. hanggang 29 C.E. ay 28 taon. Kung susumahin ang tatlong bilang na ito, magkakaroon tayo ng kabuuang bilang na 483 taon. Si Jesus ay ‘kinitil,’ o pinatay noong 33 C.E., sa panahon ng ika-70 sanlinggo ng mga taon. (Daniel 9:24, 26) Tingnan ang Magbigay-Pansin sa Hula ni Daniel! kabanata 11, at Insight on the Scriptures, Tomo 2, pahina 899-901. Ang dalawang publikasyong ito ay inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

  • Si Jesu-Kristo—Ang Ipinangakong Mesiyas
    Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?
    • APENDISE

      Si Jesu-Kristo​—Ang Ipinangakong Mesiyas

      UPANG tulungan tayong makilala ang Mesiyas, kinasihan ng Diyos na Jehova ang maraming propeta sa Bibliya upang maglaan ng mga detalye tungkol sa pagsilang, ministeryo, at kamatayan ng ipinangakong Tagapagligtas na ito. Ang lahat ng hulang ito sa Bibliya ay natupad kay Jesu-Kristo. Kamangha-mangha ang pagiging tumpak at detalyado ng mga ito. Upang ilarawan ito, isaalang-alang natin ang ilang hula may kaugnayan sa pagsilang at pagkabata ng Mesiyas.

      Inihula ni propeta Isaias na ang Mesiyas ay magiging inapo ni Haring David. (Isaias 9:7) Isinilang nga si Jesus sa angkan ni David.​—Mateo 1:1, 6-17.

      Humula si Mikas, isa pang propeta ng Diyos, na ang batang ito ay magiging isang tagapamahala sa dakong huli at na isisilang siya sa “Betlehem Eprata.” (Mikas 5:2) Noong panahong isilang si Jesus, may dalawang bayan sa Israel na tinatawag na Betlehem. Matatagpuan ang isa malapit sa Nazaret sa hilagang rehiyon ng bansa, at ang isa naman ay malapit sa Jerusalem sa Juda. Ang Betlehem na malapit sa Jerusalem ay dating tinatawag na Eprata. Si Jesus ay isinilang sa bayang iyan, eksakto gaya ng inihula!​—Mateo 2:1.

      Sinabi ng isa pang hula sa Bibliya na ang Anak ng Diyos ay tatawagin “mula sa Ehipto.” Dinala ang batang si Jesus sa Ehipto. Iniuwi siya pagkamatay ni Herodes, sa gayo’y natupad ang hula.​—Oseas 11:1; Mateo 2:15.

      Sa tsart na pinamagatang “Mga Hula May Kaugnayan sa Mesiyas,” ang mga kasulatan na nakatala sa ilalim ng uluhang “Hula” ay naglalaman ng mga detalye hinggil sa Mesiyas. Pakisuyong ihambing ang mga ito sa mga kasulatan na nakatala sa ilalim ng uluhang “Katuparan.” Ang paggawa nito ay lalong magpapatibay ng iyong pananampalataya sa pagiging totoo ng Salita ng Diyos.

      Habang sinusuri mo ang mga kasulatang ito, isaisip na ang mga inihula ay isinulat daan-daang taon bago pa isilang si Jesus. Ganito ang sabi ni Jesus: “Kailangang matupad ang lahat ng mga bagay na nakasulat sa kautusan ni Moises at sa mga Propeta at Mga Awit tungkol sa akin.” (Lucas 24:44) Gaya ng mapatutunayan mo sa iyong sariling kopya ng Bibliya, natupad nga ang mga ito​—sa bawat detalye!

      MGA HULA MAY KAUGNAYAN SA MESIYAS

      PANGYAYARI

      HULA

      KATUPARAN

      Isinilang mula sa tribo ni Juda

      Genesis 49:10

      Lucas 3:23-33

      Isinilang ng isang birhen

      Isaias 7:14

      Mateo 1:18-25

      Inapo ni Haring David

      Isaias 9:7

      Mateo 1:1, 6-17

      Ipinahayag ni Jehova bilang kaniyang Anak

      Awit 2:7

      Mateo 3:17

      Hindi pinaniwalaan

      Isaias 53:1

      Juan 12:37, 38

      Pumasok sa Jerusalem sakay ng isang asno

      Zacarias 9:9

      Mateo 21:1-9

      Ipinagkanulo ng isang malapít na kasama

      Awit 41:9

      Juan 13:18, 21-30

      Ipinagkanulo sa halagang 30 pirasong pilak

      Zacarias 11:12

      Mateo 26:14-16

      Tahimik sa harap ng mga nag-akusa sa kaniya

      Isaias 53:7

      Mateo 27:11-14

      Pinagpalabunutan ang kaniyang mga kasuutan

      Awit 22:18

      Mateo 27:35

      Nilait habang nasa tulos

      Awit 22:7, 8

      Mateo 27:39-43

      Walang butong nabali sa kaniya

      Awit 34:20

      Juan 19:33, 36

      Inilibing kasama ng mayayaman

      Isaias 53:9

      Mateo 27:57-60

      Ibinangon bago mabulok ang katawan

      Awit 16:10

      Gawa 2:24, 27

      Itinaas sa kanang kamay ng Diyos

      Awit 110:1

      Gawa 7:56

  • Ang Katotohanan Tungkol sa Ama, sa Anak, at sa Banal na Espiritu
    Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?
    • APENDISE

      Ang Katotohanan Tungkol sa Ama, sa Anak, at sa Banal na Espiritu

      SINASABI ng mga taong naniniwala sa turo ng Trinidad na ang Diyos ay binubuo ng tatlong persona​—ang Ama, ang Anak, at ang Banal na Espiritu. Sinasabing ang tatlong personang ito ay magkakapantay, makapangyarihan-sa-lahat, at walang pasimula. Kung gayon, ayon sa doktrina ng Trinidad, ang Ama ay Diyos, ang Anak ay Diyos, at ang Banal na Espiritu ay Diyos, ngunit iisa lamang ang Diyos.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share