-
Mapaniniwalaan Mo ba ang mga Himalang Nakaulat sa Bibliya?Ang Bantayan—2012 | Agosto 1
-
-
Mapaniniwalaan Mo ba ang mga Himalang Nakaulat sa Bibliya?
KAPAG may nagkuwento sa iyo ng isang kamangha-manghang istorya, hindi ba’t nakadepende sa kredibilidad ng nagkukuwento kung paniniwalaan mo ito o hindi? Bukod sa paraan niya ng pagkukuwento, mahalaga rin ang kaniyang rekord ng katapatan. Kung lagi siyang nagsasabi sa iyo ng totoo, natural lang na paniwalaan mo ang sinasabi niya.
Ganiyan din ang mga himala sa Bibliya. Wala ni isa man sa atin ang nakakita sa mga pangyayaring iyon. Pero puwede nating tiyakin kung totoo ang ulat ng Bibliya. Paano? Narito ang ilang bagay na makadaragdag sa kredibilidad ng mga ulat ng Bibliya tungkol sa mga himala.
Ginawa sa pampublikong lugar. May mga pagkakataong nasaksihan ito ng libu-libo, kung hindi man ng milyun-milyon. (Exodo 14:21-31; 19:16-19) Ang mga ito ay hindi ginawa nang palihim.
Simple lang ang mga ito. Walang espesyal na props o effects. Karamihan ng mga himala sa Bibliya ay isinagawa dahil hinihingi ng pagkakataon at hinihiling ng mga indibiduwal. (Marcos 5:25-29; Lucas 7:11-16) Sa mga pagkakataong iyon, ang mga pangyayari ay hindi maaaring dayain ng nagsasagawa ng himala.
Ang motibo ng nagsasagawa ng himala ay hindi para magpayaman at maging tanyag. Sa halip, ito ay para luwalhatiin ang Diyos. (Juan 11:1-4, 15, 40) Ang sinumang gumagamit ng kaniyang kakayahang maghimala para magpayaman ay hinahatulan.—2 Hari 5:15, 16, 20, 25-27; Gawa 8:18-23.
Ang iba’t ibang uri ng himala sa Bibliya ay nagpapahiwatig na hindi ito gawa lang ng tao. Narito ang ilang halimbawa: pagpapakalma sa dagat at hangin, paggawang alak sa tubig, pagpapahinto sa ulan at pagpapaulan, pagpapagaling sa maysakit, at pagpapanauli sa paningin ng mga bulag. Ang lahat ng himalang iyan at maraming iba pa ay nagpapakitang isang nakahihigit na kapangyarihan ang nasa likod ng mga ito.—1 Hari 17:1-7; 18:41-45; Mateo 8:24-27; Lucas 17:11-19; Juan 2:1-11; 9:1-7.
Hindi ikinaila ng mga salansang na nakakita ng mga himala na nangyari nga ang mga iyon. Nang buhaying muli ni Jesus ang kaniyang kaibigang si Lazaro, hindi ikinaila ng mga relihiyosong kaaway ni Jesus na namatay nga si Lazaro. Bakit? Apat na araw na kasing nakalibing si Lazaro. (Juan 11:45-48; 12:9-11) Kahit ilang siglo na ang nakalipas mula nang mamatay si Jesus, kinilala pa rin ng mga manunulat ng Judiong Talmud na si Jesus ay may kapangyarihang maghimala. Ang kinuwestiyon lang nila ay ang pinagmulan ng kapangyarihang iyon. Sa katulad na paraan, nang dalhin sa hukuman ng mga Judio ang mga alagad ni Jesus, hindi sila tinanong ng “Gumawa ba kayo ng himala?” Sa halip, tinanong sila: “Sa anong kapangyarihan o sa kaninong pangalan ninyo ginawa ito?”—Gawa 4:1-13.
Kung gayon, mapaniniwalaan mo ba ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa mga himala? Mula sa ating natalakay, maliwanag na may kredibilidad nga ang mga ulat ng Bibliya tungkol sa himala. May iba pang dahilan para magtiwala tayo sa mga ulat na ito ng Bibliya. Halimbawa, kapag naglalahad ang Bibliya ng isang pangyayari, kadalasan nang binabanggit nito ang panahon, lugar, at mga pangalan ng mga taong nasasangkot. Maging ang mga kritiko ng Bibliya ay namangha sa katumpakan ng mga detalye ng kasaysayang mababasa sa Bibliya. Daan-daang hula sa Bibliya ang natupad, pati na ang kaliit-liitang detalye nito. Bukod diyan, napakaraming payo ang Bibliya para magkaroon ng masayang ugnayan ang mga tao—mga payong nakatulong sa kanila anuman ang edad nila at kalagayan sa buhay. Pagdating sa ugnayan ng tao, wala nang hihigit pa sa mga payo ng Bibliya.
Kung hindi ka pa rin lubos na nagtitiwala sa Bibliya, bakit hindi ka maglaan ng panahon para suriin itong mabuti? Habang nagiging pamilyar ka sa Bibliya, lalo kang magtitiwala rito. (Juan 17:17) Makukumbinsi kang dapat pagtiwalaan ang sinasabi nito tungkol sa mga himalang nangyari noon. Kapag naniniwala ka na sa mga ulat na ito, titibay ang iyong pagtitiwala sa sinasabi ng Bibliya na mangyayari sa malapit na hinaharap.
[Larawan sa pahina 7]
Hindi ikinaila ng mga sumasalansang kay Jesus na namatay nga si Lazaro
-
-
Mga Himalang Malapit Nang MangyariAng Bantayan—2012 | Agosto 1
-
-
Mga Himalang Malapit Nang Mangyari
HALIMBAWANG nakaiskedyul kang operahan ng isang doktor at nalaman mong ito ang unang pagkakataon na gagawin niya ang gayong operasyon, ano ang madarama mo? Tiyak na mag-aalala ka. Pero paano naman kung malaman mong ang doktor na ito ang pinakamagaling na siruhano at napakarami nang naisagawang matagumpay na operasyong gaya ng gagawin sa iyo? Hindi ba’t lalo kang magtitiwala na matutulungan ka niya?
Ang daigdig nating ito ay may sakit at kailangang-kailangan nang “operahan.” Sa kaniyang Salita, ang Bibliya, nangako ang Diyos na Jehova na ibabalik niya ang Paraiso sa lupang ito. (2 Pedro 3:13) Pero para mangyari iyon, kailangan munang lubusang alisin ang kasamaan. (Awit 37:9-11; Kawikaan 2:21, 22) Bago isauli ang Paraiso, dapat munang alisin ang lahat ng masasamang kalagayang nakikita natin sa ngayon. Isang literal na himala ang kailangan para mangyari iyon!—Apocalipsis 21:4, 5.
Naniniwala ang mga Saksi ni Jehova na mangyayari ang malalaking pagbabagong iyan. Bakit? Dahil pinatutunayan ng mga himalang ginawa ng Diyos na Jehova na may kapangyarihan siyang tuparin ang kaniyang mga pangako. Paghambingin ang anim na himalang nakaulat sa Bibliya at ang mga pangako nito sa hinaharap.
Patuloy mo sanang pag-aralan ang mga pangako ng Bibliya para sa hinaharap. Habang tumitibay ang iyong pananampalataya, titibay rin ang iyong pag-asa—ang pag-asang mabuhay sa isang panahon kung saan personal kang makikinabang sa mga himala ni Jehova.
[Kahon/Mga Larawan sa pahina 9, 10]
HIMALA:
PINAKAIN NI JESUS ANG LIBU-LIBO SA PAMAMAGITAN NG ILANG TINAPAY AT ISDA.—MATEO 14:13-21; MARCOS 8:1-9; JUAN 6:1-14.
PANGAKO:
“Ang lupa ay tiyak na magbibigay ng bunga nito; ang Diyos, ang ating Diyos, ay magpapala sa atin.”—AWIT 67:6.
KAHULUGAN:
WALA NANG MAGUGUTOM KAILANMAN.
HIMALA:
IBINALIK NI JESUS ANG PANINGIN NG BULAG.—MATEO 9:27-31; MARCOS 8:22-26.
PANGAKO:
“Madidilat ang mga mata ng mga bulag.”—ISAIAS 35:5.
KAHULUGAN:
MAKAKAKITA ANG LAHAT NG BULAG.
HIMALA:
PINAGALING NI JESUS ANG MGA MAY KAPANSANAN.—MATEO 11:5, 6; JUAN 5:3-9.
PANGAKO:
“Aakyat ang pilay na gaya ng lalaking usa.”—ISAIAS 35:6.
KAHULUGAN:
PAGAGALINGIN ANG LAHAT NG MAY KAPANSANAN.
HIMALA:
PINAGALING NI JESUS ANG IBA’T IBANG SAKIT.—MARCOS 1:32-34; LUCAS 4:40.
PANGAKO:
“Walang sinumang tumatahan ang magsasabi: ‘Ako ay may sakit.’”—ISAIAS 33:24.
KAHULUGAN:
MAWAWALA NA ANG LAHAT NG SAKIT. MAGKAKAROON TAYO NG PERPEKTONG KALUSUGAN.
HIMALA:
KINONTROL NI JESUS ANG MGA ELEMENTO NG KALIKASAN.—MATEO 8:23-27; LUCAS 8:22-25.
PANGAKO:
“Tiyak na magtatayo sila ng mga bahay at maninirahan sa mga iyon; at tiyak na magtatanim sila ng mga ubasan at kakainin ang bunga ng mga iyon. Hindi sila magpapagal nang walang kabuluhan.”—ISAIAS 65:21, 23.
“Malalayo ka . . . sa anumang nakasisindak, sapagkat hindi ito lalapit sa iyo.”—ISAIAS 54:14.
KAHULUGAN:
MAWAWALA NA ANG LIKAS NA MGA SAKUNA.
HIMALA:
BINUHAY-MULI NI JESUS ANG MGA PATAY.—MATEO 9:18-26; LUCAS 7:11-17.
PANGAKO:
“Lahat ng nasa mga alaalang libingan ay . . . lalabas.”—JUAN 5:28, 29.
“Ibinigay ng dagat ang mga patay na nasa kaniya, at ibinigay ng kamatayan at ng Hades ang mga patay na nasa kanila.”—APOCALIPSIS 20:13.
KAHULUGAN:
BUBUHAYING MULI ANG MGA NAMATAY NATING MAHAL SA BUHAY.
-