Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Ano ang Layunin ng Diyos Para sa Lupa?
    Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?
    • KABANATA 3

      Ano ang Layunin ng Diyos Para sa Lupa?

      • Ano ang layunin ng Diyos para sa sangkatauhan?

      • Paano hinamon ang Diyos?

      • Ano ang magiging kalagayan ng buhay sa lupa sa hinaharap?

      1. Ano ang layunin ng Diyos para sa lupa?

      NAPAKAGANDA ng layunin ng Diyos para sa lupa. Gusto ni Jehova na mapuno ang lupa ng masasaya at malulusog na tao. Sinasabi ng Bibliya na ‘ang Diyos ay nagtanim ng isang hardin sa Eden’ at na ‘pinatubo niya ang bawat punungkahoy na kanais-nais sa paningin at mabuting kainin.’ Pagkatapos lalangin ng Diyos ang unang lalaki at babae, sina Adan at Eva, inilagay Niya sila sa napakagandang tahanang iyon at sinabi sa kanila: “Magpalaanakin kayo at magpakarami at punuin ninyo ang lupa at supilin iyon.” (Genesis 1:28; 2:8, 9, 15) Kaya layunin ng Diyos na magkaanak ang mga tao, palawakin ang mga hangganan ng tahanang hardin na iyon hanggang sa masaklaw ang buong lupa, at alagaan ang mga hayop.

      2. (a) Paano natin nalaman na matutupad ang layunin ng Diyos para sa lupa? (b) Anong uri ng mga tao ang sinasabi ng Bibliya na mabubuhay magpakailanman?

      2 Sa palagay mo kaya’y matutupad pa ang layunin ng Diyos na Jehova na mabuhay ang mga tao sa isang paraisong lupa? “Sinalita ko nga iyon,” ang sabi ng Diyos, “gagawin ko rin naman.” (Isaias 46:9-11; 55:11) Oo, tiyak na tutuparin ng Diyos ang kaniyang layunin! Sinabi niya na “hindi niya nilalang [ang lupa] na walang kabuluhan” kundi ‘inanyuan niya ito upang tahanan.’ (Isaias 45:18) Ano bang uri ng mga tao ang nais ng Diyos na mabuhay sa lupa? At gaano katagal niya gustong manirahan sila rito? Sumasagot ang Bibliya: “Ang mga matuwid ang magmamay-ari ng lupa, at tatahan sila roon magpakailanman.”​—Awit 37:29; Apocalipsis 21:3, 4.

      3. Anu-anong malulungkot na kalagayan ang umiiral ngayon sa lupa, at nagbabangon ito ng anu-anong tanong?

      3 Maliwanag na hindi pa ito nangyayari. Ang mga tao ngayon ay nagkakasakit at namamatay; naglalabanan pa nga sila at nagpapatayan. May nangyaring hindi maganda. Gayunman, tiyak na hindi layunin ng Diyos na ang lupa ay maging gaya ng nakikita natin sa ngayon! Ano ba ang nangyari? Bakit hindi natupad ang layunin ng Diyos? Walang aklat ng kasaysayan na isinulat ng tao ang makapagsasabi sa atin ng sagot sapagkat ang problema ay nagsimula sa langit.

      ANG PINAGMULAN NG ISANG KAAWAY

      4, 5. (a) Sino talaga ang nakipag-usap kay Eva sa pamamagitan ng isang serpiyente? (b) Paano maaaring maging magnanakaw ang isang dating disente at matapat na tao?

      4 Sinasabi sa atin ng unang aklat ng Bibliya ang tungkol sa isang mananalansang sa Diyos na dumating sa hardin ng Eden. Inilarawan siya bilang “serpiyente,” ngunit hindi siya basta isang hayop lamang. Ipinakikilala siya ng huling aklat ng Bibliya bilang “ang tinatawag na Diyablo at Satanas, na siyang nagliligaw sa buong tinatahanang lupa.” Tinatawag din siyang “orihinal na serpiyente.” (Genesis 3:1; Apocalipsis 12:9) Ginamit ng makapangyarihang anghel na ito, o di-nakikitang espiritung nilalang, ang isang serpiyente para makausap si Eva, kung paanong napalilitaw ng isang dalubhasang tao ang kaniyang tinig na parang nanggagaling sa isang kalapit na manika o tau-tauhan. Walang-alinlangang naroroon ang espiritung personang iyon nang ihanda ng Diyos ang lupa para sa mga tao.​—Job 38:4, 7.

      5 Gayunman, yamang sakdal ang lahat ng nilalang ni Jehova, sino ang gumawa sa “Diyablo” na ito, ang “Satanas” na ito? Sa simpleng pananalita, ginawang Diyablo ng isa sa makapangyarihang mga espiritung anak ng Diyos ang kaniyang sarili. Paano ito naging posible? Buweno, sa ngayon ang isang tao na dating disente at matapat ay maaaring maging isang magnanakaw. Paano nangyayari iyan? Maaaring hayaan ng isang tao na tumubo ang maling pagnanasa sa kaniyang puso. Kung patuloy niyang iisipin ito, titindi ang maling pagnanasang iyon. Pagkatapos, kapag nagkaroon ng pagkakataon, maaaring isagawa niya ang maling pagnanasang pinag-iisipan niya.​—Santiago 1:13-15.

      6. Paano naging Satanas na Diyablo ang isang makapangyarihang espiritung anak ng Diyos?

      6 Ganito ang nangyari kay Satanas na Diyablo. Maliwanag na narinig niya na sinabi ng Diyos kina Adan at Eva na magpalaanakin sila at punuin ang lupa ng kanilang mga supling. (Genesis 1:27, 28) ‘Aba, maaaring ako ang sambahin ng lahat ng taong ito sa halip na ang Diyos!’ ang maliwanag na naisip ni Satanas. Kaya tumubo ang maling pagnanasa sa kaniyang puso. Sa dakong huli, kumilos siya upang linlangin si Eva sa pamamagitan ng pagsasabi rito ng mga kasinungalingan tungkol sa Diyos. (Genesis 3:1-5) Kaya siya naging “Diyablo,” na nangangahulugang “Maninirang-puri.” Kasabay nito, siya ay naging “Satanas,” na nangangahulugang “Mananalansang.”

      7. (a) Bakit namatay sina Adan at Eva? (b) Bakit tumatanda at namamatay ang lahat ng supling ni Adan?

      7 Sa pamamagitan ng mga kasinungalingan at pandaraya, sinulsulan ni Satanas na Diyablo sina Adan at Eva na sumuway sa Diyos. (Genesis 2:17; 3:6) Bilang resulta, namatay sila nang maglaon, gaya ng sinabi ng Diyos na mangyayari sa kanila kung susuway sila. (Genesis 3:17-19) Yamang naging di-sakdal si Adan nang magkasala siya, ang lahat ng kaniyang supling ay nagmana ng kasalanan mula sa kaniya. (Roma 5:12) Maaaring ilarawan ang situwasyong ito sa pamamagitan ng isang liyanera na ginagamit sa pagluluto ng tinapay. Kung may yupi ang liyanera, ano ang mangyayari sa bawat tinapay na niluto sa liyanerang iyon? Bawat tinapay ay may yupi, o kapintasan. Sa katulad na paraan, namana ng bawat tao ang “yupi” ng di-kasakdalan mula kay Adan. Iyan ang dahilan kung bakit tumatanda at namamatay ang lahat ng tao.​—Roma 3:23.

      8, 9. (a) Anong hamon ang maliwanag na ibinangon ni Satanas? (b) Bakit hindi agad pinuksa ng Diyos ang mga rebelde?

      8 Nang akayin ni Satanas sina Adan at Eva sa pagkakasala laban sa Diyos, siya sa katunayan ay namuno ng isang rebelyon. Hinamon niya ang paraan ng pamamahala ni Jehova. Sa diwa ay sinasabi ni Satanas: ‘Masamang tagapamahala ang Diyos. Nagsisinungaling siya at nagkakait ng mabubuting bagay sa kaniyang mga nasasakupan. Hindi kailangan ng mga tao na pamahalaan sila ng Diyos. Puwede silang magpasiya para sa kanilang sarili kung ano ang mabuti at masama. At mas mapapabuti sila sa ilalim ng aking pamamahala.’ Paano haharapin ng Diyos ang gayong nakaiinsultong akusasyon? Iniisip ng ilan na pinatay na lamang sana ng Diyos ang mga rebelde. Pero masasagot kaya niyan ang hamon ni Satanas? Mapatutunayan ba nito na tama ang paraan ng pamamahala ng Diyos?

      9 Ang sakdal na katarungan ni Jehova ay hindi magpapahintulot sa kaniya na patayin agad ang mga rebelde. Ipinasiya niya na kailangan ang panahon para lubusang masagot ang hamon ni Satanas at mapatunayan na sinungaling ang Diyablo. Kaya nagpasiya ang Diyos na pahihintulutan niya ang mga tao na pamahalaan ang kanilang sarili sa loob ng ilang panahon sa ilalim ng impluwensiya ni Satanas. Tatalakayin sa Kabanata 11 ng aklat na ito kung bakit ginawa iyan ni Jehova at kung bakit pinahintulutan niyang lumipas ang napakahabang panahon bago lutasin ang mga isyung ito. Gayunman, makabubuting pag-isipan natin ito: Tama bang maniwala sina Adan at Eva kay Satanas, na wala pang anumang nagagawang mabuti para sa kanila? Tama bang maniwala sila na si Jehova, na nagkaloob ng lahat ng bagay na taglay nila, ay malupit at sinungaling? Ano ang gagawin mo kung ikaw ang naroroon?

      10. Paano mo susuportahan ang panig ni Jehova bilang sagot sa hamon ni Satanas?

      10 Mabuting pag-isipan ang mga tanong na ito sapagkat napapaharap ang bawat isa sa atin sa ngayon sa gayunding mga isyu. Oo, may pagkakataon kang suportahan ang panig ni Jehova bilang sagot sa hamon ni Satanas. Maaari mong tanggapin si Jehova bilang iyong Tagapamahala at makatutulong ka para patunayang sinungaling si Satanas. (Awit 73:28; Kawikaan 27:11) Nakalulungkot, iilan lamang sa bilyun-bilyong tao sa daigdig na ito ang nagpapasiyang gawin ito. Nagbabangon ito ng isang mahalagang tanong, Talaga bang itinuturo ng Bibliya na pinamamahalaan ni Satanas ang sanlibutang ito?

      SINO ANG NAMAMAHALA SA SANLIBUTANG ITO?

      Kamay ni Satanas habang iniaalok niya kay Jesus ang lahat ng gobyerno at kaharian ng sanlibutan

      Paano maiaalok ni Satanas kay Jesus ang lahat ng kaharian sa sanlibutan kung hindi sa kaniya ang mga ito?

      11, 12. (a) Paano isiniwalat ng pagtukso kay Jesus na si Satanas ang tagapamahala ng sanlibutang ito? (b) Ano pa ang nagpapatunay na si Satanas ang tagapamahala ng sanlibutang ito?

      11 Hindi kailanman nag-alinlangan si Jesus na si Satanas ang tagapamahala ng sanlibutang ito. Sa isang makahimalang paraan, minsan ay ipinakita ni Satanas kay Jesus “ang lahat ng mga kaharian ng sanlibutan at ang kanilang kaluwalhatian.” Pagkatapos ay nangako si Satanas kay Jesus: “Lahat ng mga bagay na ito ay ibibigay ko sa iyo kung susubsob ka at gagawa ng isang gawang pagsamba sa akin.” (Mateo 4:8, 9; Lucas 4:5, 6) Pag-isipan ito. Magiging isang tukso kaya kay Jesus ang alok na iyan kung hindi si Satanas ang tagapamahala ng mga kahariang ito? Hindi itinanggi ni Jesus na kay Satanas ang lahat ng gobyernong ito sa sanlibutan. Tiyak na itinanggi sana iyan ni Jesus kung hindi si Satanas ang kapangyarihan na nasa likod ng mga ito.

      12 Sabihin pa, si Jehova ang Diyos na makapangyarihan-sa-lahat, ang Maylalang ng kamangha-manghang uniberso. (Apocalipsis 4:11) Gayunman, walang sinasabi ang Bibliya na ang Diyos na Jehova o si Jesu-Kristo ang tagapamahala ng sanlibutang ito. Sa katunayan, espesipikong tinukoy ni Jesus si Satanas bilang “ang tagapamahala ng sanlibutang ito.” (Juan 12:31; 14:30; 16:11) Tinukoy pa nga ng Bibliya si Satanas na Diyablo bilang “diyos ng sistemang ito ng mga bagay.” (2 Corinto 4:3, 4) Hinggil sa mananalansang na ito, o Satanas, sumulat ang Kristiyanong apostol na si Juan: “Ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot.”​—1 Juan 5:19.

      KUNG PAANO AALISIN ANG SANLIBUTAN NI SATANAS

      13. Bakit kailangan ang isang bagong sanlibutan?

      13 Sa bawat lumilipas na taon, ang sanlibutan ay nagiging lalong mapanganib. Namamayani rito ang nagdidigmaang mga hukbo, di-tapat na mga pulitiko, mapagpaimbabaw na relihiyosong mga lider, at pusakal na mga kriminal. Imposible nang mabago ang sanlibutan sa kabuuan. Isinisiwalat ng Bibliya na malapit na ang panahon na papawiin ng Diyos ang napakasamang sanlibutang ito sa kaniyang digmaan ng Armagedon. Ito ang magbibigay-daan sa isang matuwid na bagong sanlibutan.​—Apocalipsis 16:14-16.

      14. Sino ang pinili ng Diyos na maging Tagapamahala ng Kaniyang Kaharian, at paano ito inihula?

      14 Pinili ng Diyos na Jehova si Jesu-Kristo na maging Tagapamahala ng Kaniyang makalangit na Kaharian, o gobyerno. Matagal nang inihula ng Bibliya: “Sa atin ay ipinanganak ang isang bata, sa atin ay ibinigay ang isang anak na lalake; at ang pamamahala ay maaatang sa kaniyang balikat: at ang kaniyang pangalan ay tatawaging . . . Pangulo ng Kapayapaan. Ang paglago ng kaniyang pamamahala at ng kapayapaan ay hindi magkakaroon ng wakas.” (Isaias 9:6, 7, Ang Biblia) May kaugnayan sa gobyernong ito, tinuruan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na manalangin: “Dumating nawa ang iyong kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.” (Mateo 6:10) Gaya ng makikita natin sa kalaunan sa aklat na ito, malapit nang alisin ng Kaharian ng Diyos ang lahat ng gobyerno ng sanlibutang ito, at ito mismo ang papalit sa lahat ng pamahalaang ito. (Daniel 2:44) Pagkatapos ay pasasapitin ng Kaharian ng Diyos ang isang paraisong lupa.

      MALAPIT NA ANG ISANG BAGONG SANLIBUTAN!

      Mga taong kumakanta, tumutugtog, at nag-e-enjoy sa bagong sanlibutan

      15. Ano ang “bagong lupa”?

      15 Tinitiyak sa atin ng Bibliya: “May mga bagong langit at isang bagong lupa na ating hinihintay ayon sa . . . pangako [ng Diyos], at sa mga ito ay tatahan ang katuwiran.” (2 Pedro 3:13; Isaias 65:17) Kung minsan kapag binabanggit ng Bibliya ang “lupa,” tinutukoy nito ang mga tao na nabubuhay sa lupa. (Genesis 11:1) Kaya ang matuwid na “bagong lupa” ay isang lipunan ng mga tao na sinasang-ayunan ng Diyos.

      16. Ano ang isang di-matutumbasang regalo mula sa Diyos para sa mga sinasang-ayunan niya, at ano ang dapat nating gawin para tumanggap nito?

      16 Nangako si Jesus na sa dumarating na bagong sanlibutan, ang mga sinang-ayunan ng Diyos ay tatanggap ng regalong “buhay na walang hanggan.” (Marcos 10:30) Pakisuyong buklatin ang iyong Bibliya sa Juan 3:16 at 17:3, at basahin kung ano ang sinabi ni Jesus na dapat nating gawin upang tumanggap ng buhay na walang hanggan. Isaalang-alang ngayon mula sa Bibliya ang mga pagpapala na tatamasahin ng mga magiging kuwalipikado para sa kamangha-manghang regalong iyan mula sa Diyos sa dumarating na Paraiso sa lupa.

      17, 18. Paano tayo makatitiyak na magkakaroon ng kapayapaan at katiwasayan sa buong lupa?

      17 Mawawala na ang kabalakyutan, digmaan, krimen, at karahasan. “Ang balakyot ay mawawala na . . . Ngunit ang maaamo ang magmamay-ari ng lupa.” (Awit 37:10, 11) Iiral ang kapayapaan dahil ‘patitigilin ng Diyos ang mga digmaan hanggang sa dulo ng lupa.’ (Awit 46:9; Isaias 2:4) Pagkatapos ay “sisibol ang matuwid, at ang kasaganaan ng kapayapaan hanggang sa mawala na ang buwan”​—at nangangahulugan iyan ng magpakailanman!—​Awit 72:7.

      18 Mabubuhay sa katiwasayan ang mga mananamba ni Jehova. Noong panahon ng Bibliya, hangga’t sumusunod ang mga Israelita sa Diyos, tiwasay ang kanilang buhay. (Levitico 25:18, 19) Tunay ngang magiging kapana-panabik na tamasahin ang gayunding katiwasayan sa Paraiso!​—Isaias 32:18; Mikas 4:4.

      19. Paano natin nalaman na magiging sagana ang pagkain sa bagong sanlibutan ng Diyos?

      19 Hindi na magkakaroon ng kakapusan sa pagkain. “Magkakaroon ng saganang butil sa lupa,” ang awit ng salmista. “Sa taluktok ng mga bundok ay mag-uumapaw.” (Awit 72:16) Pagpapalain ng Diyos na Jehova ang kaniyang mga matuwid, at “ang lupa ay tiyak na magbibigay ng bunga nito.”​—Awit 67:6.

      20. Bakit tayo makatitiyak na magiging paraiso ang buong lupa?

      20 Magiging paraiso ang buong lupa. Tatayuan ng magaganda at bagong mga tahanan at hardin ang lupain na dating sinira ng makasalanang mga tao. (Isaias 65:21-24; Apocalipsis 11:18) Sa paglipas ng panahon, ang mga bahagi ng lupa na nasupil na ay palalawakin hanggang sa ang buong globo ay maging kasingganda at kasimbunga ng hardin ng Eden. At tiyak na ‘bubuksan ng Diyos ang kaniyang kamay at sasapatan ang nasa ng bawat bagay na may buhay.’​—Awit 145:16.

      21. Ano ang nagpapakita na iiral ang kapayapaan sa pagitan ng mga tao at mga hayop?

      21 Magkakaroon ng kapayapaan sa pagitan ng mga tao at mga hayop. Kakaing magkakasama ang maiilap at maaamong hayop. Maging ang munting bata ay hindi matatakot sa mga hayop na itinuturing sa ngayon na mapanganib.​—Isaias 11:6-9; 65:25.

      22. Ano ang mangyayari sa sakit?

      22 Mawawala na ang sakit. Bilang Tagapamahala sa makalangit na Kaharian ng Diyos, si Jesus ay gagawa ng mas dakilang pagpapagaling kaysa sa ginawa niya noong siya ay narito sa lupa. (Mateo 9:35; Marcos 1:40-42; Juan 5:5-9) Sa gayon, “walang sinumang tumatahan ang magsasabi: ‘Ako ay may sakit.’ ”​—Isaias 33:24; 35:5, 6.

      23. Bakit magdudulot ng kagalakan sa ating puso ang pagkabuhay-muli?

      23 Bubuhaying muli ang mga namatay nating mahal sa buhay taglay ang pag-asang hindi na sila mamamatay. Bubuhaying muli ang lahat ng natutulog sa kamatayan na nasa alaala ng Diyos. Sa katunayan, “magkakaroon ng pagkabuhay-muli kapuwa ng mga matuwid at mga di-matuwid.”​—Gawa 24:15; Juan 5:28, 29.

      24. Ano ang nadarama mo hinggil sa pamumuhay sa Paraiso sa lupa?

      24 Isang napakagandang kinabukasan ang naghihintay sa mga nagpapasiyang matuto tungkol sa ating Dakilang Maylalang, ang Diyos na Jehova, at maglingkod sa kaniya! Ang dumarating na Paraiso sa lupa ang tinutukoy ni Jesus nang mangako siya sa manggagawa ng kasamaan na namatay kasama niya: “Makakasama kita sa Paraiso.” (Lucas 23:43) Napakahalaga na matuto tayo nang higit pa tungkol kay Jesu-Kristo, na sa pamamagitan niya ay magiging posible ang lahat ng pagpapalang ito.

      KUNG ANO ANG ITINUTURO NG BIBLIYA

      • Matutupad ang layunin ng Diyos na gawing paraiso ang lupa.​—Isaias 45:18; 55:11.

      • Si Satanas ang namamahala ngayon sa sanlibutan.​—Juan 12:31; 1 Juan 5:19.

      • Sa dumarating na bagong sanlibutan, ipagkakaloob ng Diyos ang maraming pagpapala sa sangkatauhan.​—Awit 37:10, 11, 29.

  • Ano ba ang Kaharian ng Diyos?
    Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?
    • KABANATA 8

      Ano ba ang Kaharian ng Diyos?

      • Ano ang sinasabi sa atin ng Bibliya tungkol sa Kaharian ng Diyos?

      • Ano ang gagawin ng Kaharian ng Diyos?

      • Kailan tutuparin ng Kaharian ang kalooban ng Diyos sa lupa?

      1. Anong tanyag na panalangin ang susuriin ngayon?

      MILYUN-MILYONG tao sa buong daigdig ang pamilyar sa panalangin na tinatawag ng marami na Ama Namin, o Panalangin ng Panginoon. Ang dalawang katawagang ito ay tumutukoy sa isang tanyag na panalanging ibinigay mismo ni Jesu-Kristo bilang modelo. Lubhang makahulugan ang panalanging ito, at ang pagsasaalang-alang sa unang tatlong kahilingan nito ay tutulong sa iyo na matuto nang higit pa hinggil sa kung ano talaga ang itinuturo ng Bibliya.

      2. Ano ang tatlo sa mga bagay na itinuro ni Jesus na ipanalangin ng kaniyang mga alagad?

      2 Sa pasimula ng modelong panalanging ito, tinagubilinan ni Jesus ang kaniyang mga tagapakinig: “Manalangin kayo, kung gayon, sa ganitong paraan: ‘Ama namin na nasa langit, pakabanalin nawa ang iyong pangalan. Dumating nawa ang iyong kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.’ ” (Mateo 6:9-13) Ano ang kahalagahan ng tatlong kahilingang ito?

      3. Ano ang kailangan nating malaman tungkol sa Kaharian ng Diyos?

      3 Marami na tayong natutuhan tungkol sa pangalan ng Diyos na Jehova. At sa paanuman ay natalakay na natin ang kalooban ng Diyos​—kung ano ang nagawa na niya at gagawin pa para sa sangkatauhan. Gayunman, ano ang tinutukoy ni Jesus nang sabihin niya na ipanalangin natin: “Dumating nawa ang iyong kaharian”? Ano ba ang Kaharian ng Diyos? Paano mapababanal ang pangalan ng Diyos sa pagdating nito? At paano nauugnay ang pagdating ng Kaharian sa pagtupad sa kalooban ng Diyos?

      KUNG ANO ANG KAHARIAN NG DIYOS

      4. Ano ba ang Kaharian ng Diyos, at sino ang Hari nito?

      4 Ang Kaharian ng Diyos ay isang pamahalaan na itinatag ng Diyos na Jehova na may isang Haring pinili ng Diyos. Sino ba ang Hari ng Kaharian ng Diyos? Si Jesu-Kristo. Si Jesus bilang Hari ay mas dakila kaysa sa lahat ng mga tagapamahalang tao at siya’y tinatawag na “Hari niyaong mga namamahala bilang mga hari at Panginoon niyaong mga namamahala bilang mga panginoon.” (1 Timoteo 6:15) May kapangyarihan siyang gumawa ng higit na kabutihan kaysa sa sinumang tagapamahalang tao, kahit na ang pinakamahusay pa sa kanila.

      5. Mula saan mamamahala ang Kaharian ng Diyos, at ano ang pamamahalaan nito?

      5 Mula saan mamamahala ang Kaharian ng Diyos? Buweno, nasaan ba si Jesus? Tiyak na natatandaan mong pinatay siya sa isang pahirapang tulos, at pagkatapos ay binuhay siyang muli. Hindi nagtagal pagkatapos nito, umakyat siya sa langit. (Gawa 2:33) Samakatuwid, doon matatagpuan ang Kaharian ng Diyos​—sa langit. Iyan ang dahilan kung bakit tinatawag ito sa Bibliya na isang “makalangit na kaharian.” (2 Timoteo 4:18) Bagaman nasa langit ang Kaharian ng Diyos, pamamahalaan nito ang lupa.​—Apocalipsis 11:15.

      6, 7. Bakit namumukod-tangi si Jesus bilang Hari?

      6 Bakit namumukod-tangi si Jesus bilang Hari? Una, hindi siya mamamatay. Sa paghahambing kay Jesus sa mga taong hari, tinatawag siya sa Bibliya na “ang isa na tanging nagtataglay ng imortalidad, na tumatahan sa di-malapitang liwanag.” (1 Timoteo 6:16) Nangangahulugan ito na mamamalagi ang lahat ng kabutihang gagawin ni Jesus. At tiyak na gagawa siya ng dakila at mabubuting bagay.

      7 Isaalang-alang ang hulang ito ng Bibliya tungkol kay Jesus: “Sasakaniya ang espiritu ni Jehova, ang espiritu ng karunungan at ng pagkaunawa, ang espiritu ng payo at ng kalakasan, ang espiritu ng kaalaman at ng pagkatakot kay Jehova; at magkakaroon siya ng kasiyahan sa pagkatakot kay Jehova. At hindi siya hahatol ayon lamang sa nakita ng kaniyang mga mata, ni sasaway man ayon lamang sa narinig ng kaniyang mga tainga. At sa katuwiran ay hahatulan niya ang mga maralita, at sa katapatan ay sasaway siya alang-alang sa maaamo sa lupa.” (Isaias 11:2-4) Ipinakikita ng mga pananalitang ito na si Jesus ay magiging isang matuwid at mahabaging Hari sa mga tao sa lupa. Gusto mo ba ng ganiyang tagapamahala?

      8. Sinu-sino ang mamamahalang kasama ni Jesus?

      8 Ito pa ang isang katotohanan tungkol sa Kaharian ng Diyos: Hindi mag-isang mamamahala si Jesus. Magkakaroon siya ng mga kasamang tagapamahala. Halimbawa, sinabi ni apostol Pablo kay Timoteo: “Kung patuloy tayong magbabata, mamamahala rin tayong magkakasama bilang mga hari.” (2 Timoteo 2:12) Oo, sina Pablo, Timoteo, at iba pang mga tapat na pinili ng Diyos ay mamamahalang kasama ni Jesus sa makalangit na Kaharian. Ilan ang magkakaroon ng pribilehiyong iyan?

      9. Ilan ang mamamahalang kasama ni Jesus, at kailan sila sinimulang piliin ng Diyos?

      9 Gaya ng binanggit sa Kabanata 7 ng aklat na ito, binigyan si apostol Juan ng isang pangitain kung saan nakita niya “ang Kordero [si Jesu-Kristo] na nakatayo sa Bundok Sion [ang kaniyang maharlikang posisyon sa langit], at ang kasama niya ay isang daan at apatnapu’t apat na libo na may pangalan niya at pangalan ng kaniyang Ama na nakasulat sa kanilang mga noo.” Sinu-sino ang 144,000 ito? Si Juan mismo ang nagsabi sa atin: “Ito ang mga patuloy na sumusunod sa Kordero saanman siya pumaroon. Ang mga ito ay binili mula sa sangkatauhan bilang mga unang bunga sa Diyos at sa Kordero.” (Apocalipsis 14:1, 4) Oo, sila ay tapat na mga tagasunod ni Jesu-Kristo na pantanging pinili upang mamahalang kasama niya sa langit. Matapos ibangon mula sa kamatayan tungo sa buhay sa langit, “mamamahala sila bilang mga hari sa ibabaw ng lupa” kasama si Jesus. (Apocalipsis 5:10) Mula pa noong panahon ng mga apostol, pumipili na ang Diyos ng tapat na mga Kristiyano para makumpleto ang bilang na 144,000.

      10. Bakit isang maibiging kaayusan na mamahala sa sangkatauhan si Jesus at ang 144,000?

      10 Isang napakamaibiging kaayusan na mamahala sa sangkatauhan si Jesus at ang 144,000. Unang-una, naranasan ni Jesus na maging isang tao at magdusa bilang isang tao. Sinabi ni Pablo na si Jesus ay “hindi ang isa na hindi magawang makiramay sa ating mga kahinaan, kundi ang isa na sinubok sa lahat ng bagay tulad natin, ngunit walang kasalanan.” (Hebreo 4:15; 5:8) Ang kaniyang mga kasamang tagapamahala ay nagdusa rin at nagbata bilang mga tao. Bukod diyan, nakipagpunyagi sila sa di-kasakdalan at tiniis ang lahat ng uri ng sakit. Tiyak na mauunawaan nila ang mga problema na napapaharap sa mga tao!

      ANO BA ANG GAGAWIN NG KAHARIAN NG DIYOS?

      11. Bakit sinabi ni Jesus na dapat ipanalangin ng mga alagad niya na maganap nawa ang kalooban ng Diyos sa langit?

      11 Nang sabihin ni Jesus na dapat ipanalangin ng kaniyang mga alagad na dumating nawa ang Kaharian ng Diyos, sinabi rin niya na dapat nilang ipanalangin na maganap nawa ang kalooban ng Diyos “kung paano sa langit, gayundin sa lupa.” Nasa langit ang Diyos, at lagi namang ginagawa ng tapat na mga anghel doon ang kaniyang kalooban. Gayunman, sa Kabanata 3 ng aklat na ito, nalaman natin na isang napakasamang anghel ang huminto sa paggawa ng kalooban ng Diyos at naging dahilan upang magkasala sina Adan at Eva. Sa Kabanata 10, marami pa tayong matututuhan kung ano ang itinuturo ng Bibliya tungkol sa napakasamang anghel na iyan, na nakilala natin bilang Satanas na Diyablo. Si Satanas at ang mga anghelikong espiritung nilalang na piniling sumunod sa kaniya​—tinatawag na mga demonyo​—ay sandaling pinahintulutan na manatili sa langit. Kaya naman, hindi lahat ng nasa langit noon ay gumagawa ng kalooban ng Diyos. Nagbago iyan nang magsimulang mamahala ang Kaharian ng Diyos. Ang bagong iniluklok na Hari, si Jesu-Kristo, ay nakipagdigma kay Satanas.​—Apocalipsis 12:7-9.

      12. Anong dalawang mahahalagang pangyayari ang inilalarawan sa Apocalipsis 12:10?

      12 Inilalarawan ng sumusunod na makahulang mga pananalita kung ano ang mangyayari: “Narinig ko ang isang malakas na tinig sa langit na nagsabi: ‘Ngayon ay naganap na ang kaligtasan at ang kapangyarihan at ang kaharian ng ating Diyos at ang awtoridad ng kaniyang Kristo, sapagkat ang tagapag-akusa sa ating mga kapatid [si Satanas] ay naihagis na, na siyang umaakusa sa kanila araw at gabi sa harap ng ating Diyos!’ ” (Apocalipsis 12:10) Napansin mo ba ang dalawang napakahalagang pangyayari na inilarawan sa talatang iyan ng Bibliya? Una, nagsimula nang mamahala ang Kaharian ng Diyos sa ilalim ni Jesu-Kristo. Ikalawa, pinalayas si Satanas sa langit at inihagis dito sa lupa.

      13. Ano ang naging resulta ng pagpapalayas kay Satanas sa langit?

      13 Ano ang naging resulta ng dalawang pangyayaring iyon? May kaugnayan sa nangyari sa langit, ganito ang mababasa natin: “Dahil dito ay matuwa kayo, kayong mga langit at kayo na tumatahan diyan!” (Apocalipsis 12:12) Oo, nagsasaya ang tapat na mga anghel sa langit dahil, ngayong wala na si Satanas at ang kaniyang mga demonyo, ang lahat ng nasa langit ay tapat sa Diyos na Jehova. May ganap at walang-patid na kapayapaan at pagkakaisa roon. Nagaganap na ang kalooban ng Diyos sa langit.

      Mga larawan ng pagdurusa, digmaan, krimen, at polusyon

      Ang pagpapalayas kay Satanas at sa kaniyang mga demonyo sa langit ay nagdulot ng kaabahan sa lupa. Malapit nang magwakas ang gayong mga kaguluhan

      14. Ano ang nangyari dahil inihagis si Satanas dito sa lupa?

      14 Ngunit kumusta naman dito sa lupa? Ganito ang sinasabi ng Bibliya: “Sa aba ng lupa at ng dagat, sapagkat ang Diyablo ay bumaba na sa inyo, na may malaking galit, sa pagkaalam na mayroon na lamang siyang maikling yugto ng panahon.” (Apocalipsis 12:12) Galít si Satanas dahil pinalayas siya sa langit at dahil maikli na lamang ang kaniyang natitirang panahon. Dahil sa kaniyang galit, nagdulot siya ng kabagabagan, o ‘kaabahan,’ sa lupa. Marami pa tayong matututuhan tungkol sa ‘kaabahang’ iyan sa susunod na kabanata. Ngunit habang nasa isipan iyan, maaari nating itanong, Paano tutuparin ng Kaharian ang kalooban ng Diyos sa lupa?

      15. Ano ang kalooban ng Diyos para sa lupa?

      15 Buweno, alalahanin kung ano ang kalooban ng Diyos para sa lupa. Nalaman mo ito sa Kabanata 3. Sa Eden, ipinakita ng Diyos na kalooban niyang ang lupang ito ay maging isang paraiso na punô ng di-namamatay at matuwid na lahi ng tao. Si Satanas ang dahilan ng pagkakasala nina Adan at Eva, at iyan ay nakaapekto sa katuparan ng kalooban ng Diyos para sa lupa ngunit hindi naman ito nagbago dahil dito. Nananatili pa rin ang layunin ni Jehova na “ang mga matuwid ang magmamay-ari ng lupa, at tatahan sila roon magpakailanman.” (Awit 37:29) At isasakatuparan iyan ng Kaharian ng Diyos. Sa anong paraan?

      16, 17. Ano ang sinasabi sa atin ng Daniel 2:44 tungkol sa Kaharian ng Diyos?

      16 Isaalang-alang ang hulang masusumpungan sa Daniel 2:44. Ganito ang mababasa natin doon: “Sa mga araw ng mga haring iyon ay magtatatag ang Diyos ng langit ng isang kaharian na hindi magigiba kailanman. At ang kaharian ay hindi isasalin sa iba pang bayan. Dudurugin nito at wawakasan ang lahat ng mga kahariang ito, at iyon ay mananatili hanggang sa mga panahong walang takda.” Ano ang sinasabi nito sa atin tungkol sa Kaharian ng Diyos?

      17 Una, sinasabi nito sa atin na itatatag ang Kaharian ng Diyos “sa mga araw ng mga haring iyon,” o habang umiiral ang iba pang mga kaharian. Ikalawa, sinasabi nito sa atin na ang Kaharian ay mananatili magpakailanman. Hindi ito malulupig at hahalinhan ng ibang pamahalaan. Ikatlo, nalaman natin na magkakaroon ng digmaan sa pagitan ng Kaharian ng Diyos at ng mga kaharian ng sanlibutang ito. Magtatagumpay ang Kaharian ng Diyos. Sa dakong huli, ito na lamang ang matitirang pamahalaan sa buong sangkatauhan. Pagkatapos ay tatamasahin ng mga tao ang pinakamahusay na pamamahalang mararanasan nila kailanman.

      18. Ano ang tawag sa pangwakas na digmaan sa pagitan ng Kaharian ng Diyos at ng mga pamahalaan ng sanlibutang ito?

      18 Maraming sinasabi ang Bibliya tungkol sa pangwakas na digmaan sa pagitan ng Kaharian ng Diyos at ng mga pamahalaan ng sanlibutang ito. Halimbawa, itinuturo nito na habang papalapit ang kawakasan, maghahasik ng mga kasinungalingan ang napakasasamang espiritu upang linlangin ang “mga hari ng buong tinatahanang lupa.” Sa anong layunin? “Upang tipunin sila [ang mga hari] sa digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.” Titipunin ang mga hari sa lupa sa “dako na sa Hebreo ay tinawag na Har-Magedon.” (Apocalipsis 16:14, 16) Dahil sa mga nabanggit sa dalawang talatang iyon, ang pangwakas na digmaan sa pagitan ng mga pamahalaan ng tao at ng Kaharian ng Diyos ay tinatawag na digmaan ng Har-Magedon, o Armagedon.

      19, 20. Ano ang nakahahadlang upang maganap ang kalooban ng Diyos sa lupa ngayon?

      19 Ano ang isasakatuparan ng Kaharian ng Diyos sa pamamagitan ng Armagedon? Isiping muli kung ano ang kalooban ng Diyos para sa lupa. Nilayon ng Diyos na Jehova na ang lupa ay mapuno ng matuwid at sakdal na lahi ng tao na maglilingkod sa kaniya sa Paraiso. Ano kaya ang nakahahadlang upang maganap ang kaloobang iyan sa ngayon? Una, makasalanan tayo, at nagkakasakit at namamatay. Ngunit natutuhan natin sa Kabanata 5 na namatay si Jesus para sa atin upang mabuhay tayo magpakailanman. Malamang na natatandaan mo ang mga salitang nakaulat sa Ebanghelyo ni Juan: “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat isa na nananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.”​—Juan 3:16.

      20 Isa pang problema ang napakasamang mga bagay na ginagawa ng maraming tao. Sila ay nagsisinungaling, nandaraya, at gumagawa ng imoralidad. Ayaw nilang gawin ang kalooban ng Diyos. Ang mga taong gumagawa ng napakasamang mga bagay ay lilipulin sa digmaan ng Diyos sa Armagedon. (Awit 37:10) At ang isa pang dahilan kung bakit hindi nagaganap ang kalooban ng Diyos sa lupa ay dahil hindi pinasisigla ng mga pamahalaan ang mga tao na gawin ito. Maraming pamahalaan ang mahina, malupit, o tiwali. Tahasang sinasabi ng Bibliya: “Ang tao ay nanunupil sa tao sa kaniyang ikapipinsala.”​—Eclesiastes 8:9.

      21. Paano tutuparin ng Kaharian ang kalooban ng Diyos sa lupa?

      21 Pagkatapos ng Armagedon, iisang gobyerno na lamang ang mamamahala sa sangkatauhan, ang Kaharian ng Diyos. Gagawin ng Kahariang iyan ang kalooban ng Diyos at magdudulot ng kamangha-manghang mga pagpapala. Halimbawa, aalisin nito si Satanas at ang kaniyang mga demonyo. (Apocalipsis 20:1-3) Ikakapit ang bisa ng hain ni Jesus upang hindi na magkasakit at mamatay ang tapat na mga tao. Sa halip, sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ay mabubuhay sila magpakailanman. (Apocalipsis 22:1-3) Gagawing paraiso ang lupa. Sa gayon, tutuparin ng Kaharian ang kalooban ng Diyos sa lupa at pababanalin ang pangalan ng Diyos. Ano ang kahulugan nito? Nangangahulugan ito na sa dakong huli, sa ilalim ng Kaharian ng Diyos, ang pangalan ni Jehova ay pararangalan ng lahat ng nabubuhay.

      KAILAN KIKILOS ANG KAHARIAN NG DIYOS?

      22. Paano natin nalaman na hindi dumating ang Kaharian ng Diyos noong nasa lupa si Jesus o karaka-raka pagkatapos na siya ay buhaying muli?

      22 Nang sabihin ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod na ipanalangin, “Dumating nawa ang iyong kaharian,” maliwanag na hindi pa dumarating ang Kaharian noong panahong iyon. Dumating ba ito nang umakyat si Jesus sa langit? Hindi, dahil sinabi kapuwa nina Pedro at Pablo na matapos buhaying muli si Jesus, ang hula sa Awit 110:1 ay natupad sa kaniya: “Ang sinabi ni Jehova sa aking Panginoon ay: ‘Umupo ka sa aking kanan hanggang sa ilagay ko ang iyong mga kaaway bilang tuntungan ng iyong mga paa.’ ” (Gawa 2:32-35; Hebreo 10:12, 13) May panahon pa ng paghihintay.

      Sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian, magaganap ang kalooban ng Diyos sa lupa kung paano sa langit

      23. (a) Kailan nagsimulang mamahala ang Kaharian ng Diyos? (b) Ano ang tatalakayin sa susunod na kabanata?

      23 Gaano katagal? Noong ika-19 at ika-20 siglo, unti-unting naunawaan ng taimtim na mga estudyante ng Bibliya na ang panahon ng paghihintay ay magwawakas noong 1914. (Hinggil sa petsang ito, tingnan ang Apendise, sa artikulong “1914—Isang Mahalagang Taon sa Hula ng Bibliya.”) Ang mga pangyayari sa daigdig na nagsimulang maganap noong 1914 ay nagpapatunay na tama ang pagkaunawa ng taimtim na mga estudyanteng ito ng Bibliya. Ipinakikita ng katuparan ng hula sa Bibliya na noong 1914, si Kristo ay naging Hari at nagsimulang mamahala ang makalangit na Kaharian ng Diyos. Kaya naman, nabubuhay tayo sa “maikling yugto ng panahon” na natitira kay Satanas. (Apocalipsis 12:12; Awit 110:2) Masasabi rin natin nang may katiyakan na hindi na magtatagal at kikilos na ang Kaharian ng Diyos upang tuparin ang kalooban ng Diyos sa lupa. Kapana-panabik ba sa iyo ang balitang ito? Naniniwala ka bang totoo ito? Tutulungan ka ng susunod na kabanata na makitang talagang itinuturo ng Bibliya ang mga bagay na ito.

      KUNG ANO ANG ITINUTURO NG BIBLIYA

      • Ang Kaharian ng Diyos ay isang makalangit na pamahalaan na si Jesu-Kristo ang Hari, at 144,000 ang kinuha mula sa sangkatauhan upang mamahalang kasama niya.​—Apocalipsis 14:1, 4.

      • Nagsimulang mamahala ang Kaharian noong 1914, at magmula noon ay pinalayas si Satanas sa langit at inihagis dito sa lupa.​—Apocalipsis 12:9.

      • Malapit nang lipulin ng Kaharian ng Diyos ang mga pamahalaan ng tao, at ang lupa ay magiging isang paraiso.​—Apocalipsis 16:14, 16.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share