Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Huwag Hayaan ang Anuman na Mailayo Ka kay Jehova
    Ang Bantayan—2013 | Enero 15
    • [Larawan sa pahina 12]

      Huwag Hayaan ang Anuman na Mailayo Ka kay Jehova

      “Piliin ninyo ngayon para sa inyong sarili kung sino ang paglilingkuran ninyo.”​—JOS. 24:15.

      SUBUKAN KUNG MASASAGOT MO

      • Paano mo mapananatili sa tamang dako ang trabaho?

      • Paano ka magiging timbang pagdating sa paglilibang?

      • Paano mo makakayanan ang pighating dulot ng kapamilyang tumalikod kay Jehova?

      1-3. (a) Bakit mabuting halimbawa si Josue para sa atin? (b) Ano ang dapat nating tandaan kapag nagpapasiya?

      PAGPILI. Napakahalaga nito sa buhay. Ang taong may kakayahang pumili ay may kontrol at makapagpapasiya sa magiging takbo ng buhay niya. Bilang paglalarawan, isipin ang isang tao na naglalakad sa isang landas. Mayamaya, nakarating siya sa sangandaan nito. Aling landas ang pipiliin niya? Kung mayroon siyang espesipikong destinasyon, tiyak na pipiliin niya ang landas na papunta sa patutunguhan niya, hindi ang landas na maglalayo sa kaniya roon.

      2 Sa Bibliya, maraming halimbawa ng mga taong napaharap sa katulad na sitwasyon. Halimbawa, kailangang magpasiya si Cain kung magpapadala siya sa kaniyang galit o kokontrolin ito. (Gen. 4:6, 7) Kailangang pumili si Josue kung ang paglilingkuran niya ay ang tunay na Diyos o ang huwad na mga diyos. (Jos. 24:15) Tunguhin ni Josue na maging malapít kay Jehova, kaya pinili niya ang landasing aakay sa kaniya roon. Hindi ganiyan ang tunguhin ni Cain, kaya pinili niya ang landas na lalong naglayo sa kaniya kay Jehova.

      3 Kung minsan, para tayong nasa isang sangandaan kapag nagpapasiya. Kapag nangyari iyan, tandaan ang iyong destinasyon, o tunguhin​—ang magbigay-kaluwalhatian kay Jehova at umiwas sa anumang maglalayo sa iyo mula sa kaniya. (Basahin ang Hebreo 3:12.) Sa artikulong ito at sa susunod, susuriin natin ang pitong aspekto ng buhay na hindi natin dapat pahintulutang maglayo sa atin kay Jehova.

      TRABAHO AT KARERA

      4. Bakit mahalaga ang paghahanapbuhay?

      4 Pananagutan ng mga Kristiyano na tustusan ang kanilang sarili at ang kanilang pamilya. Ipinakikita ng Bibliya na ang sinumang ayaw maglaan para sa kaniyang sambahayan ay lalong masama kaysa sa di-sumasampalataya. (2 Tes. 3:10; 1 Tim. 5:8) Kaya naman, mahalaga ang paghahanapbuhay. Pero kung hindi tayo mag-iingat, ang trabaho at karera ay maaaring maglayo sa atin kay Jehova. Paano?

      5. Ano ang dapat mong pag-isipan bago tanggapin ang isang trabaho?

      5 Ipagpalagay na naghahanap ka ng trabaho. Kung mahirap makahanap ng trabaho sa inyong bansa, baka matukso kang tanggapin na lang ang kahit anong trabaho na iniaalok sa iyo. Pero paano kung labag ito sa mga simulain ng Bibliya? Paano kung uubos ito ng iyong oras anupat wala ka nang panahon para sa gawaing Kristiyano o sa iyong pamilya? Tatanggapin mo pa rin ba ang alok na iyon, at mangangatuwirang mas mabuti nang may trabaho kaysa sa wala? Tandaan, maaari kang mapalayo kay Jehova kung magkakamali ka ng pagpili. (Heb. 2:1) Naghahanap ka man o nagpaplanong lumipat ng trabaho, paano ka makagagawa ng matalinong pasiya?

      6, 7. (a) Ano marahil ang mga tunguhin ng isang tao sa pagtatrabaho? (b) Anong tunguhin ang maglalapít sa iyo kay Jehova, at bakit?

      6 Gaya ng nabanggit na, tandaan ang iyong destinasyon. Tanungin ang iyong sarili, ‘Ano ang inaasahan ko sa trabahong ito?’ Kung ang pangunahing dahilan mo sa pagtatrabaho ay para suportahan ang iyong sarili at ang iyong pamilya sa paglilingkod kay Jehova, pagpapalain niya ang iyong pagsisikap. (Mat. 6:33) Matutulungan ka niya kung bigla kang mawalan ng trabaho o bumagsak ang ekonomiya. (Isa. 59:1) “Alam ni Jehova kung paano magligtas ng mga taong may makadiyos na debosyon mula sa pagsubok.”​—2 Ped. 2:9.

      7 Pero paano kung ang tunguhin mo ay magpayaman? Baka magtagumpay ka naman. Pero tandaan mo, may malaking kapalit ang “tagumpay” na iyon. (Basahin ang 1 Timoteo 6:9, 10.) Ang labis-labis na pagpapahalaga sa kayamanan at karera ay maglalayo sa iyo kay Jehova.

      8, 9. Ano ang dapat tandaan ng mga magulang pagdating sa pangmalas nila sa trabaho? Ipaliwanag.

      8 Kung isa kang magulang, isipin kung ano ang epekto ng halimbawa mo sa iyong mga anak. Ano ang nakikita nilang mahalaga sa iyo? Ang iyong karera? O ang iyong pakikipagkaibigan kay Jehova? Kung nakikita nila na mas importante sa iyo ang katanyagan at kayamanan, hindi kaya nila sundan ang iyong maling landasin? Hindi kaya mabawasan ang respeto nila sa iyo bilang magulang? Ganito ang sabi ng isang kabataang sister: “Bata pa ako, subsob na sa trabaho si Daddy. Noong una, parang nagsusumikap siya dahil gusto niya kaming mabigyan ng maalwang buhay. Gusto niyang maalagaan kami nang husto. Pero nitong nagdaang mga taon, may nagbago. Trabaho na lang siya nang trabaho, at ang iniuuwi niya ay mga luho sa halip na mga pangangailangan lang namin. Dahil dito, nakilala kami bilang isang pamilyang mapera pero hindi nakapagpapatibay sa espirituwal. Mas pipiliin ko ang espirituwal na patnubay ni Daddy kaysa sa pera niya.”

      9 Mga magulang, huwag hayaang mapalayo kayo kay Jehova dahil sa sobrang pagpapahalaga sa karera. Maging halimbawa sa inyong mga anak. Ipakita sa kanila na naniniwala kayo na ang pinakamahalagang kayamanan ay espirituwal, hindi materyal.​—Mat. 5:3.

      10. Ano ang dapat isaalang-alang ng isang kabataan sa pagpili ng karera?

      10 Kung isa kang kabataan na nagpaplanong pumili ng karera, paano ka makagagawa ng tamang pasiya? Gaya ng natalakay na, kailangang alamin mo kung saan patungo ang iyong buhay. Ang pipiliin mo bang pagsasanay at karera ay tutulong sa iyo na lubusang maitaguyod ang Kaharian? O ilalayo ka nito kay Jehova? (2 Tim. 4:10) Gusto mo bang gayahin ang mga tao na ang kaligayahan ay nakadepende sa dami ng kanilang pera? O tutularan mo si David na nagtiwala kay Jehova? Isinulat niya: “Isang kabataan ako noon, ako ay tumanda na rin, gayunma’y hindi ko pa nakita ang matuwid na lubusang pinabayaan, ni ang kaniyang supling na naghahanap ng tinapay.” (Awit 37:25) Tandaan, ang isang landas ay maglalayo sa iyo kay Jehova, pero ang isa ay aakay sa iyo patungo sa pinakamagandang buhay. (Basahin ang Kawikaan 10:22; Malakias 3:10.) Aling landasin ang pipiliin mo?a

      PAGLILIBANG

      11. Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa paglilibang? Ano ang dapat nating tandaan?

      11 Hindi sinasabi ng Bibliya na masamang magsaya, ni sinasabi man nito na pag-aaksaya lang ng panahon ang paglilibang. Isinulat ni Pablo kay Timoteo: “Ang pagsasanay sa katawan ay kapaki-pakinabang nang kaunti.” (1 Tim. 4:8) Sinasabi pa nga ng Bibliya na may “panahon ng pagtawa” at “panahon ng pagluksu-lukso,” at hinihimok tayo nito na maglaan ng sapat na panahon sa pagpapahinga. (Ecles. 3:4; 4:6) Pero kung hindi ka mag-iingat, ang paglilibang ay maaaring maglayo sa iyo kay Jehova. Bakit? May dalawang bagay na puwede mong ikapahamak​—ang uri ng libangang pinipili mo at ang dami ng panahon na ginugugol mo rito.

      [Larawan sa pahina 14]

      Nakagiginhawa ang tamang uri at dami ng paglilibang

      12. Ano ang mga dapat mong pag-isipan tungkol sa uri ng libangang pinipili mo?

      12 Una, pag-isipan natin kung anong uri ng libangan ang dapat nating piliin. Maraming kapaki-pakinabang na uri ng libangan. Pero karamihan ng libangan sa sanlibutan ay nagtatampok ng mga bagay na kinapopootan ng Diyos, gaya ng karahasan, espiritismo, at imoralidad. Kaya naman, maingat na suriin ang iyong libangan. Ano ang epekto nito sa iyo? Inuudyukan ka ba nito na maging marahas, makipagpaligsahan, o ipagmalaki ang iyong bansa? (Kaw. 3:31) Inuubos ba nito ang pera mo? Nakatitisod ba ito sa iba? (Roma 14:21) Anong uri ng mga kasama ang nakakahalubilo mo sa libangang ito? (Kaw. 13:20) Hinihikayat ka ba nito na gumawa ng masama?​—Sant. 1:14, 15.

      13, 14. Bakit dapat mong suriin ang dami ng panahon na ginugugol mo sa paglilibang?

      13 Suriin din ang dami ng panahon na ginugugol mo sa paglilibang. Tanungin ang sarili, ‘Marami ba akong inuubos na panahon sa paglilibang kung kaya kaunti na lang ang natitira para sa espirituwal na mga gawain?’ Kapag labis-labis ang panahong ginugugol mo sa paglilibang, hindi na ito nakagiginhawa. Ang totoo, mas nasisiyahan sa paglilibang ang mga taong may timbang na pangmalas dito. Bakit? Palibhasa’y alam nilang inuna nila ang “mga bagay na higit na mahalaga,” hindi sila nakokonsiyensiyang magrelaks.​—Basahin ang Filipos 1:10, 11.

      14 Parang napakasarap gumugol ng napakaraming panahon sa paglilibang. Pero maaari tayong ilayo nito kay Jehova. Natutuhan iyan ni Kim, isang 20-anyos na sister. “Dati, lagi akong nasa party,” ang sabi niya. “Tuwing weekend​—Biyernes, Sabado, at Linggo​—laging may happening. Pero ngayon, nakita ko na mas maraming importanteng bagay na dapat gawin. Halimbawa, bilang payunir, gumigising ako nang alas sais ng umaga para lumabas sa larangan, kaya hindi ako puwedeng abutin nang hanggang ala una o alas dos ng madaling-araw sa mga gathering. Alam kong hindi naman masama ang mga ito, pero puwede itong maging pang-abala. Gaya ng ibang bagay, kailangang ilagay sa lugar ang mga ito.”

      15. Paano matutulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak na pumili ng nakagiginhawang libangan?

      15 Pananagutan ng mga magulang na ilaan ang materyal, espirituwal, at emosyonal na pangangailangan ng pamilya. Kasali rito ang paglilibang. Kung isa kang magulang, huwag maging killjoy anupat iniisip na lahat ng paglilibang ay masama. Kasabay nito, kailangan ding mag-ingat laban sa masasamang impluwensiya. (1 Cor. 5:6) Kung magiging maingat ka, makapipili ka ng libangan na talagang nakagiginhawa.b Sa gayon, ikaw at ang iyong mga anak ay tatahak sa landasing maglalapít sa inyo kay Jehova.

      PAMILYA

      16, 17. Anong malungkot na sitwasyon ang naranasan ng maraming magulang? Bakit tayo nakatitiyak na nauunawaan ni Jehova ang kanilang damdamin?

      16 Napakalapít ng ugnayan sa pagitan ng magulang at ng anak anupat ginamit ito ni Jehova para ilarawan ang pag-ibig niya sa kaniyang bayan. (Isa. 49:15) Kaya naman, normal lang na magdalamhati tayo kapag tumalikod kay Jehova ang isang mahal sa buhay. “Nanlumo ako,” ang sabi ng isang sister nang matiwalag ang anak niyang babae. “Naisip ko, ‘Bakit niya iniwan si Jehova?’ Nakonsiyensiya ako, at sinisi ko ang aking sarili.”

      17 Nauunawaan ni Jehova ang damdamin mo. Siya mismo ay “nasaktan sa kaniyang puso” nang magrebelde ang unang tao na itinuring niyang miyembro ng kaniyang pamilya, pati na ang mga taong nabuhay bago ang Baha. (Gen. 6:5, 6) Para sa mga hindi pa napaharap sa ganitong sitwasyon, baka mahirap maunawaan kung gaano ito kasakit. Pero hindi mo dapat pahintulutan na mailayo ka kay Jehova ng maling paggawi ng natiwalag na kamag-anak. Kung gayon, paano mo makakayanan ang pighating dulot ng kapamilyang tumalikod kay Jehova?

      18. Bakit hindi dapat sisihin ng mga magulang ang kanilang sarili kung tinalikuran ng kanilang anak si Jehova?

      18 Huwag mong sisihin ang sarili mo. Binigyan tayo ni Jehova ng kakayahang pumili, at bawat nakaalay at bautisadong miyembro ng pamilya ay “magdadala ng kaniyang sariling pasan.” (Gal. 6:5) Sa bandang huli, ang nagkasala​—hindi ikaw​—ang mananagot kay Jehova sa kaniyang desisyon. (Ezek. 18:20) Huwag mo ring sisihin ang iba. Igalang ang kaayusan ni Jehova sa pagdidisiplina. Manindigan ka laban sa Diyablo, hindi sa mga pastol na inatasang protektahan ang kongregasyon.​—1 Ped. 5:8, 9.

      [Larawan sa pahina 16]

      Hindi maling umasa na manunumbalik kay Jehova ang isang mahal sa buhay

      19, 20. (a) Paano makakayanan ng mga magulang ang pagkatiwalag ng kanilang anak? (b) Anong pag-asa ang wastong asamin ng gayong mga magulang?

      19 Sa kabilang dako, kung maghihinanakit ka kay Jehova, inilalayo mo ang sarili mo sa kaniya. Kailangang makita ng iyong minamahal na kapamilya na mahal mo si Jehova higit kaninuman​—higit pa kaysa sa iyong pamilya. Kaya para makayanan mo ang iyong sitwasyon, panatilihing malakas ang iyong espirituwalidad. Huwag mong ibukod ang iyong sarili sa tapat na mga kapananampalataya. (Kaw. 18:1) Ibuhos ang iyong niloloob kay Jehova sa panalangin. (Awit 62:7, 8) Huwag humanap ng mga dahilan para makipag-ugnayan sa tiwalag na kapamilya, halimbawa, sa pamamagitan ng e-mail. (1 Cor. 5:11) Maging abala sa paglilingkod kay Jehova. (1 Cor. 15:58) Ganito ang sabi ng sister na nabanggit kanina, “Alam ko na dapat akong maging abala sa paglilingkod kay Jehova at manatiling malakas sa espirituwal para matulungan ko ang anak ko kapag nanumbalik na siya kay Jehova.”

      20 Ayon sa Bibliya, ang pag-ibig ay hindi nawawalan ng pag-asa. (1 Cor. 13:4, 7) Hindi maling umasa na balang-araw ay manunumbalik ang iyong mahal sa buhay. Sa katunayan, taun-taon, marami ang nagsisisi at bumabalik sa organisasyon ni Jehova. Hindi nagkikimkim ng galit si Jehova sa mga nagsisisi. Sa halip, siya ay “handang magpatawad.”​—Awit 86:5.

      GUMAWA NG MATALINONG PAGPAPASIYA

      21, 22. Ano ang determinasyon mo kung tungkol sa iyong kakayahan at kalayaang magpasiya?

      21 Binigyan ni Jehova ang mga tao ng kakayahan at kalayaang magpasiya. (Basahin ang Deuteronomio 30:19, 20.) Pero ang kalayaang iyan ay may kaakibat na pananagutan. Dapat tanungin ng bawat Kristiyano ang kaniyang sarili: ‘Aling landas ang tinatahak ko? Hinahayaan ko bang mailayo ako kay Jehova ng trabaho at karera, paglilibang, o pamilya?’

      22 Hindi nagbabago ang pag-ibig ni Jehova sa kaniyang bayan. Walang makapaglalayo sa atin sa kaniya, malibang piliin natin ang maling landasin. (Roma 8:38, 39) Hindi natin pahihintulutan iyan! Huwag hayaan ang anuman na mailayo ka kay Jehova. Tatalakayin ng susunod na artikulo ang apat pang aspekto ng buhay kung saan dapat tayong mag-ingat sa ating pagpili.

      a Para sa higit pang impormasyon tungkol sa pagpili ng karera, tingnan ang kabanata 38 ng aklat na Ang mga Tanong ng mga Kabataan​—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 2.

      b Para sa mga mungkahi, tingnan ang Gumising!, isyu ng Nobyembre 2011, pahina 17-19.

  • Patuloy na Lumapit kay Jehova
    Ang Bantayan—2013 | Enero 15
    • [Larawan sa pahina 17]

      Patuloy na Lumapit kay Jehova

      “Lumapit kayo sa Diyos, at lalapit siya sa inyo.”​—SANT. 4:8.

      MAIPALILIWANAG MO BA?

      • Paano natin mapananatili ang tamang pangmalas sa teknolohiya at kalusugan?

      • Paano natin mapananatili ang tamang pangmalas sa pera at pagmamalaki?

      • Paano tayo mananatiling malapít kay Jehova?

      1, 2. (a) Ano ang “mga pakana” ni Satanas? (b) Ano ang tutulong sa atin na maging malapít sa Diyos?

      NILALANG ng Diyos na Jehova ang mga tao na may pangangailangang maging malapít sa kaniya. Pero gusto ni Satanas na isipin nating hindi natin kailangan si Jehova. Iyan ay kasinungalingang itinataguyod ni Satanas mula pa nang dayain niya si Eva sa hardin ng Eden. (Gen. 3:4-6) Sa buong kasaysayan, marami ang nag-aakalang hindi nila kailangan ang Diyos.

      2 Maaari nating iwasan ang silo ni Satanas. Sa tulong ng Bibliya, alam natin ang kaniyang “mga pakana.” (2 Cor. 2:11) Sinisikap ni Satanas na ilayo tayo kay Jehova sa pamamagitan ng pagtukso sa atin na gumawa ng maling pagpapasiya. Pero gaya ng ipinakita ng naunang artikulo, maaari tayong gumawa ng tamang pagpapasiya pagdating sa karera, paglilibang, at pamilya. Tatalakayin ng artikulong ito kung paano natin mapananatili sa tamang lugar ang teknolohiya, kalusugan, pera, at pagmamalaki para patuloy tayong maging ‘malapít sa Diyos.’​—Sant. 4:8.

      TEKNOLOHIYA

      3. Ipaliwanag kung paano maaaring gamitin sa mabuti o masamang paraan ang teknolohiya.

      3 Sa buong daigdig, parami nang parami ang gumagamit ng mga electronic device. Malaking tulong ang mga ito kung gagamitin sa tamang paraan. Pero kung hindi, maaari tayong ilayo ng mga ito sa ating makalangit na Ama. Halimbawa, nariyan ang mga computer. Ang magasing binabasa mo ay isinulat at inilathala sa tulong ng mga computer. Ginagamit din ang mga ito sa research, komunikasyon, at maging sa paglilibang. Pero kung mahilig tayo sa mga computer, baka maubos ang panahon natin sa mga ito. Napakaraming advertisement na may-katusuhang humihikayat sa mga tao na kailangan nilang magkaroon ng pinakabagong gadyet. Sa kagustuhang makabili ng isang uri ng tablet computer, palihim na ibinenta ng isang kabataan ang isa sa kaniyang kidney. Napakalaking kamangmangan!

      4. Ano ang ginawa ng isang brother para mapagtagumpayan ang kaniyang labis-labis na pagko-computer?

      4 Mas malaking kamangmangan na ipagpalit ang iyong malapít na kaugnayan kay Jehova sa maling paggamit ng teknolohiya. “Alam kong sinasabi ng Bibliya na ‘bilhin natin ang naaangkop na panahon’ para sa espirituwal na mga gawain,” ang sabi ni Jon, isang brother na malapit nang mag-30 anyos.a “Pero pagdating sa mga computer, ang kalaban ko ay ang sarili ko.” Madalas abutin ng hatinggabi si Jon sa pag-i-Internet. “Kapag mas pagod ako, mas mahirap huminto sa pakikipag-chat o panonood ng maiikling video​—pati na ang mga di-angkop,” ang sabi niya. Para mapagtagumpayan ito, isinet ni Jon ang kaniyang computer na mag-shut down kapag oras na para matulog.​—Basahin ang Efeso 5:15, 16.

      [Larawan sa pahina 18]

      Mga magulang, tulungan ang inyong mga anak na gamitin nang tama ang teknolohiya

      5, 6. (a) Ano ang pananagutan ng mga magulang sa kanilang mga anak? (b) Paano matutulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak na magkaroon ng mabubuting kasama?

      5 Mga magulang, hindi ninyo kailangang kontrolin ang bawat galaw ng inyong mga anak, pero kailangan ninyong subaybayan ang paggamit nila ng computer. Huwag ninyo silang hayaang pumasok sa mga Web site na nagtatampok ng imoralidad, espiritismo, at mararahas na video game, o makipagkaibigan sa masasamang kasama sa Internet para lang hindi nila kayo abalahin. Kung pababayaan ninyo sila, baka isipin nila, ‘Wala namang pakialam sa ginagawa ko sina Daddy at Mommy, kaya siguro okey lang.’ Bilang mga magulang, pananagutan ninyong ipagsanggalang ang inyong mga anak​—pati na ang mga tin-edyer​—sa anuman na maaaring maglayo sa kanila kay Jehova. Kahit ang mga hayop ay makikipaglaban para protektahan ang kanilang mga anak. Isip-isipin kung ano ang gagawin ng inang oso kapag may nagtangkang manakit sa kaniyang mga anak!​—Ihambing ang Oseas 13:8.

      6 Tulungan ang inyong mga anak na makipagkaibigan sa huwarang mga Kristiyano, bata man o matanda. Tandaan din na kailangan kayo ng inyong mga anak! Kaya maglaan ng panahon para tumawa, maglaro, at gumawang magkakasama. Makatutulong ito para lahat kayo ay ‘maging malapit sa Diyos.’b

      KALUSUGAN

      7. Bakit natin gustong manatiling malusog?

      7 Madalas nating kumustahin ang kalusugan ng iba. Lahat tayo ay nagkakasakit mula nang hayaan nina Adan at Eva si Satanas na ilayo sila kay Jehova. Natutuwa si Satanas kapag nagkakasakit tayo dahil mahihirapan tayong maglingkod kay Jehova. At kung mamamatay tayo, hindi na tayo makapaglilingkod sa Diyos. (Awit 115:17) Kaya naman ginagawa natin ang ating makakaya para manatiling malusog.c At dapat din tayong magmalasakit sa kalusugan ng ating mga kapatid.

      8, 9. (a) Paano natin maiiwasan ang labis-labis na pagkabahala sa kalusugan? (b) Ano ang pakinabang ng pagiging masaya?

      8 Pero mahalagang iwasan natin ang labis-labis na pagkabahala sa kalusugan. Ang ilan ay mas masigasig pa sa pagpo-promote ng mga diet, treatment, o health product kaysa sa pangangaral ng Kaharian ng Diyos. Baka iniisip nilang nakatutulong sila sa iba. Gayunman, hindi tamang mag-promote ng mga health o beauty product o magrekomenda ng iyong mga ideya tungkol sa kalusugan bago o pagkatapos ng ating mga pulong sa Kingdom Hall o sa mga asamblea at kombensiyon. Bakit?

      9 Nagtitipon tayo para talakayin ang espirituwal na mga bagay at magtamo ng kagalakan, isang aspekto ng banal na espiritu ng Diyos. (Gal. 5:22) Ang pag-aalok ng produkto o payong pangkalusugan​—hinihiling man ito ng iba o hindi​—ay taliwas sa layunin ng ating mga pagtitipon at makapag-aalis ng kagalakan ng iba. (Roma 14:17) Pananagutan ng bawat indibiduwal na magpasiya tungkol sa kaniyang kalusugan. Tandaan din na walang sinuman ang may solusyon sa lahat ng sakit. Kahit ang mga doktor ay tumatanda, nagkakasakit, at namamatay. Hindi mapahahaba ng labis-labis na pagkabahala sa kalusugan ang ating buhay. (Luc. 12:25) Sa kabilang dako, “ang masayang puso ay nakabubuti bilang pampagaling.”​—Kaw. 17:22.

      10. (a) Anong mga katangian ang maganda sa pangmalas ni Jehova? (b) Kailan natin makakamit ang sakdal na kalusugan?

      10 Angkop din na mabahala tayo sa ating hitsura. Pero hindi natin dapat sikaping burahin ang lahat ng bakas ng pagtanda. Ang mga ito ay maaaring palatandaan ng pagkamaygulang, dignidad, at panloob na kagandahan. Halimbawa, sinasabi ng Bibliya: “Ang ulong may uban ay korona ng kagandahan kapag ito ay nasusumpungan sa daan ng katuwiran.” (Kaw. 16:31) Ganiyan ang pangmalas ni Jehova, at dapat nating tularan iyan. (Basahin ang 1 Pedro 3:3, 4.) Kung gayon, katalinuhan bang sumailalim sa di-kinakailangan at peligrosong pagpaparetoke o iba pang pamamaraan para lang gumanda? “Ang kagalakan kay Jehova” ang pinagmumulan ng tunay na kagandahan, anuman ang ating edad o kalagayan ng kalusugan. (Neh. 8:10) Sa bagong sanlibutan lang tayo magiging lubusang malusog at muling babata. (Job 33:25; Isa. 33:24) Samantala, magpakita tayo ng karunungan at manampalataya sa mga pangako ni Jehova. Sa gayon, masisiyahan tayo sa buhay sa halip na labis na mabahala sa ating kalusugan.​—1 Tim. 4:8.

      PERA

      11. Paano tayo mailalayo ng salapi kay Jehova?

      11 Hindi masama ang pera, ni ang pagnenegosyo. (Ecles. 7:12; Luc. 19:12, 13) Pero ang “pag-ibig sa salapi” ay maglalayo sa atin kay Jehova. (1 Tim. 6:9, 10) “Ang kabalisahan ng sistemang ito ng mga bagay,” o labis na pag-aalala sa mga pangangailangan sa buhay, ay sasakal sa ating espirituwalidad. Ganito rin ang epekto ng “mapanlinlang na kapangyarihan ng kayamanan,” o ang pag-aakala na ang kayamanan ay magdudulot ng namamalaging kaligayahan at katiwasayan. (Mat. 13:22) Idiniin ni Jesus na “walang sinuman” ang makapaglilingkod kapuwa sa Diyos at sa kayamanan.​—Mat. 6:24.

      12. Ano ang ginagawa ng iba para mabilis na kumita ng pera? Paano natin maiiwasan ang mga ito?

      12 Ang di-tamang pangmalas sa pera ay maaaring umakay sa maling paggawi. (Kaw. 28:20) Sa kagustuhang biglang yumaman, ang ilan ay natuksong tumaya sa lotto, o nakisangkot sa mga networking o pyramid scheme, at nag-recruit pa nga ng mga kapatid. Ang iba naman ay nadaya at namuhunan sa pag-aakalang kikita sila nang malaki. Huwag maging sakim. Gamitin ang katinuan ng isip. Kung masyadong maganda ang alok, malamang na hindi ito totoo.

      13. Ano ang gusto ni Jehova na maging pangmalas natin sa salapi?

      13 Kapag inuuna natin “ang kaharian at ang kaniyang katuwiran,” pagpapalain ni Jehova ang ating pagsisikap na matamo ang ating pangangailangan. (Mat. 6:33; Efe. 4:28) Ayaw niya tayong magpakapagod sa trabaho anupat nakakatulog tayo sa pulong, o kaya naman ay nakaupo sa Kingdom Hall pero nag-aalala tungkol sa pera. Iniisip ng marami sa sanlibutan na ang tanging paraan para magkaroon ng maganda at maalwang kinabukasan ay ang pagkakamal ng salapi. Madalas ay pinipilit nila ang kanilang mga anak na magkaroon ng ganitong materyalistikong tunguhin. Ipinakita ni Jesus na di-makatuwiran ang ganitong kaisipan. (Basahin ang Lucas 12:15-21.) Marahil maaalaala natin si Gehazi, na nag-akalang puwede siyang maging sakim at kasabay nito ay mapanatili ang mabuting katayuan kay Jehova.​—2 Hari 5:20-27.

      14, 15. Bakit hindi matalinong umasa sa salapi para sa katiwasayan? Magbigay ng halimbawa.

      14 May mga agila na nalulunod dahil ayaw nilang bitiwan ang isda na mas mabigat kaysa sa kaya nilang tangayin. Puwede kayang mangyari sa isang Kristiyano ang tulad niyan? “Napakaingat ko sa pera,” ang sabi ng elder na si Alex. “Kapag napasobra ang nakuha kong shampoo, ibinabalik ko ito sa lalagyan.” Pero nahumaling si Alex sa stock market, sa pag-aakalang kikita siya nang malaki, makapagre-resign, at makapagpapayunir. Kaya pinag-aralan niyang mabuti ang stock market at ginamit ang kaniyang ipon, pati ang salaping inutang niya, para bumili ng mga stock na diumano’y tataas ang halaga. Pero bumagsak ang halaga ng mga ito. “Gusto kong mabawi ang pera ko,” ang sabi ni Alex. “Naisip ko na kung maghihintay ako, tataas uli ang halaga ng mga stock ko.”

      15 Ito na lang ang iniisip ni Alex. Hindi siya makapagpokus sa espirituwal na mga bagay, at hindi siya makatulog. Pero hindi na nakabawi ang kaniyang mga stock. Nalugi si Alex, at kinailangan niyang ibenta ang bahay niya. “Matinding sama ng loob ang naidulot ko sa pamilya ko,” ang pag-amin niya. Pero may natutuhan siyang mahalagang aral. “Alam ko na ngayon na mabibigo lang ang sinumang nagtitiwala sa sistema ni Satanas.” (Kaw. 11:28) Oo, ang pagtitiwala sa ating ipon, investment, o kakayahang kumita ng salapi sa sistemang ito ay paglalagak ng ating pag-asa sa “diyos ng sistemang ito” na si Satanas. (2 Cor. 4:4; 1 Tim. 6:17) Mula noon, pinasimple ni Alex ang kaniyang buhay “alang-alang sa mabuting balita.” Dahil dito, siya at ang kaniyang pamilya ay naging mas maligaya at mas malapít kay Jehova.​—Basahin ang Marcos 10:29, 30.

      PAGMAMALAKI

      16. Bakit hindi laging masama ang pagmamalaki? Ano ang maaaring mangyari kung labis tayong nagpapahalaga sa sarili?

      16 Hindi laging masama ang pagmamalaki. Halimbawa, dapat nating ipagmalaki na tayo ay mga Saksi ni Jehova. (Jer. 9:24) Dahil may paggalang tayo sa sarili, sinisikap nating gumawa ng mabubuting desisyon at sumunod sa matataas na pamantayan ng Diyos. Pero ang labis na pagpapahalaga sa ating mga opinyon o katayuan ay maaaring maglayo sa atin kay Jehova.​—Awit 138:6; Roma 12:3.

      [Larawan sa pahina 21]

      Sa halip na maghangad ng posisyon sa kongregasyon, masiyahan sa iyong ministeryo!

      17, 18. (a) Magbigay ng mga halimbawa sa Bibliya ng mga taong mapagmapuri at mapagpakumbaba. (b) Ano ang ginawa ng isang brother para hindi siya mailayo ng kaniyang pride kay Jehova?

      17 Sa Bibliya, may mga halimbawa ng mga taong mapagmapuri at mapagpakumbaba. Mapagpakumbabang umasa si Haring David sa patnubay ni Jehova, at pinagpala siya. (Awit 131:1-3) Pero ang mapagmapuring mga hari na sina Nabucodonosor at Belsasar ay pinarusahan ni Jehova. (Dan. 4:30-37; 5:22-30) Sa ngayon, may mga sitwasyon na maaaring sumubok sa ating kapakumbabaan. Halimbawa, si Ryan, isang 32-anyos na ministeryal na lingkod, ay lumipat sa ibang kongregasyon. “Akala ko irerekomenda agad ako bilang elder,” ang kuwento niya, “pero lumipas ang isang taon na walang nangyayari.” Magagalit ba si Ryan o maghihinanakit, sa pag-aakalang hindi siya nirerespeto ng mga elder doon? Hihinto na ba siya sa pagdalo sa pulong at hahayaan ang kaniyang pride na mailayo siya kay Jehova at sa kongregasyon? Kung ikaw si Ryan, ano ang gagawin mo?

      18 Nag-research si Ryan sa ating mga publikasyon tungkol sa tamang saloobin kapag hindi nangyari ang mga inaasahan. (Kaw. 13:12) “Nakita kong kailangan ko ng pagkamatiisin at kapakumbabaan. Kailangan ko ang pagsasanay ni Jehova.” Nagpokus si Ryan sa paglilingkod sa iba​—sa kongregasyon at sa larangan. Di-nagtagal, marami na siyang masulong na Bible study. “Nang hirangin ako bilang elder makalipas ang isa’t kalahating taon, nagulat ako,” ang sabi niya. “Nawala na kasi ’yon sa isip ko dahil nag-e-enjoy na ako sa ministeryo.”​—Basahin ang Awit 37:3, 4.

      MANATILING MALAPÍT KAY JEHOVA!

      19, 20. (a) Paano natin matitiyak na hindi tayo mailalayo kay Jehova ng mga ginagawa natin sa araw-araw? (b) Magbigay ng mga halimbawa ng mga nanatiling malapít kay Jehova.

      19 Hindi masama ang pitong bagay na tinalakay natin dito at sa naunang artikulo. Ipinagmamalaki natin na mga lingkod tayo ni Jehova. Ang maligayang pamilya at mabuting kalusugan ay kaloob ni Jehova. Nauunawaan natin na mahalaga ang sekular na trabaho at pera para matugunan ang ating pangangailangan. Alam natin na ang paglilibang ay nakagiginhawa at ang teknolohiya ay kapaki-pakinabang. Pero tandaan natin na kung ang mga bagay na ito ay wala sa lugar, umuubos ng ating panahon, o nakahahadlang sa ating pagsamba, maaari tayong ilayo ng mga ito kay Jehova.

      Huwag hayaan ang anuman na mailayo ka kay Jehova!

      20 Iyan ang gustong mangyari ni Satanas. Pero mapoprotektahan mo ang iyong sarili at ang iyong pamilya! (Kaw. 22:3) Lumapit kay Jehova at manatiling malapít sa kaniya. Maraming halimbawa sa Bibliya na matutularan natin. Sina Enoc at Noe ay “lumakad na kasama ng tunay na Diyos.” (Gen. 5:22; 6:9) Si Moises ay nanatiling “matatag na parang nakikita ang Isa na di-nakikita.” (Heb. 11:27) Laging ginagawa ni Jesus ang kalugud-lugod sa kaniyang Ama, at pinagpala siya dahil dito. (Juan 8:29) Tularan ang mga halimbawang ito. “Lagi kayong magsaya. Manalangin kayo nang walang lubay. May kaugnayan sa lahat ng bagay ay magpasalamat kayo.” (1 Tes. 5:16-18) At huwag hayaan ang anuman na mailayo ka kay Jehova!

      a Binago ang mga pangalan.

      b Tingnan ang “Kung Paano Palalakihing Responsable ang mga Anak” sa Gumising! isyu ng Oktubre 2011.

      c Tingnan ang “Limang Tip Para Maging Mas Malusog” sa Gumising!, isyu ng Marso 2011.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share