Ang Pananampalataya ni Joshua—Isang Tagumpay Para sa mga Karapatan ng mga Bata
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA CANADA
“ITO ang kauna-unahang pagkakataon na ang batas tungkol sa maygulang na minor de edad ay isinaalang-alang sa hukuman ng paghahabol. At ang ilan ay nagsasabi na ang hatol ay nagtatakda ng maliwanag na mga tuntunin hindi lamang para sa mga doktor at mga ospital sa New Brunswick kundi rin naman, marahil, sa lahat ng dako sa Canada.”—Canadian Medical Association Journal.
Ang nabanggit na babasahin ay tumutukoy sa isang kaso na nagsasangkot sa New Brunswick’s Medical Consent of Minors Act, na nagsasabing kung ipahayag ng dalawang doktor ang isang minor de edad na wala pang 16 anyos na maygulang at na nauunawaan niya ang kaniyang sakit at ang binabalak na paggamot, siya’y may legal na karapatan na tumanggap o tumanggi sa medikal na paggamot, tulad ng sinumang may sapat na gulang. Tungkol sa 15-taóng-gulang na si Joshua Walker, na nagkaroon ng malubhang myeloid leukemia, ang Punong Hukom W. L. Hoyt ng Hukuman ng Paghahabol sa New Brunswick ay sumulat ng sumusunod: “Ang katibayan dito ay labis-labis na si Joshua ay sapat na maygulang at na, sa mga kalagayan, ang binabalak na paggamot ay para sa kaniyang pinakamainam na kapakanan at sa kaniyang patuloy na kalusugan at kabutihan. . . . Sa palagay ko ang kahilingan ng hukuman na isaalang-alang ang kaso ni Joshua [na siya’y ipahayag na isang maygulang na minor de edad] ay hindi na kinakailangan.” Binanggit din ng Punong Hukom Hoyt sa kaniyang pasiya na ang karaniwang batas sa Canada “ay kumikilala sa batas may kinalaman sa isang maygulang na minor de edad.”
Isa sa mga abugado ni Joshua, si Daniel Pole, ay nagsabi na ang nasusulat na desisyon ng Hukuman ng Paghahabol ay “magiging isang mapagbabatayang kaso at maaaring sipiin sa ibayo ng Canada.” Sapagkat ito’y isang di pangkaraniwang kaso, ang hukuman ay inupuan ng limang hukom sa halip ng karaniwang tatlong hukom. “Sa mahahalagang situwasyon,” sabi ni Pole, “ang hukuman ay uupuan ng limang hukom. Maaaring ipinalalagay nilang ang pasiya ay isang mahalagang pasiya para sa Canada.” Iminungkahi niya na ang hatol na pamarisang-takda ay magbukas ng daan para sa maygulang na mga minor de edad na magpasiya para sa kanilang sarili at na “wala nang dahilan upang ito’y muling lumitaw sa hukuman. Malaki na ang nagawa nito para sa iba pang mga kabataan.” Idiniriin pa ang malawakang halaga ng tagumpay na ito sa hukuman, sinabi ni Pole: “Ito’y isang kamangha-manghang pagtatanggol sa mga karapatan ng mga bata, ng mga binatilyo at mga dalagita na may kakayahang magpasiya kung ano ang nais nilang gawin sa kanilang mga katawan.”
Sa ilalim ng pamagat na “A ‘Minor’ Victory” (Tagumpay ng Isang Minor de Edad), isang editoryal sa Telegraph Journal ay nagsabi: “Ang pasiya ng Hukuman ng Paghahabol sa New Brunswick na ang 15-taóng-gulang na si Joshua Walker ay may karapatang sumang-ayon o tumanggi sa medikal na paggamot ay isang tagumpay hindi lamang para sa mga Saksi ni Jehova, kundi para sa ating lahat. . . . Kung minsan ang mga pasiya na ginagawa ng indibiduwal ay maaaring tila napakahirap tanggapin ng lipunan, lalo nang mahirap kung nakataya ang buhay o kamatayan ng isang kabataan. Subalit mas mahirap pang batahin ang isang lipunan na karaniwang pinanghihimasukan ang mga katawan at mga kaluluwa ng mga mamamayan nito. Si Joshua Walker ay nakatulong upang panatilihin tayong ligtas mula riyan.”
Isang Magiting na Doktor
Mula sa pasimula ng kaniyang karamdaman, si Joshua ay sinuri at ginamot ni Dr. Mary Frances Scully, isang espesyalista sa dugo at tumor sa mga bata. Kasama sa kaniyang gawain ang pagsusuri at paggamot ng kanser sa mga bata.
Ang karaniwang paggamot sa uri ng leukemia ni Joshua ay chemotherapy at mga pagsasalin ng dugo. Ang pamilya ni Joshua ay mga Saksi ni Jehova at, dahil sa maka-Kasulatang mga kadahilanan, ay tumatanggi sa mga pagsasalin ng dugo. Ang utos ng Diyos sa mga Kristiyano ay: “Umiwas sa mga bagay na narumhan ng mga idolo at sa pakikiapid at sa binigti at sa dugo.” (Gawa 15:20, 29) Mula sa simula, si Joshua ay nanindigang manghahawakan sa batas ni Jehova na ‘umiwas sa dugo.’
Isinulat ni Dr. Scully sa personal na medikal rekord ni Joshua sa ospital na si Joshua ay “napakatatag” tungkol dito. Si Dr. Dolan, pinuno sa departamento ng adult oncology sa ospital, ay personal na nakipag-usap kay Joshua. Kapuwa siya at si Dr. Scully ay naghinuha na si Joshua ay isang maygulang na minor de edad. Ang doktor ng pamilya ng mga Walker, si Dr. Lordon, ay itinuring din si Joshua bilang isang maygulang na minor de edad. Palibhasa’y may, hindi lamang ang hinihiling na dalawa, kundi tatlong doktor na nagpapahayag na si Joshua ay isang maygulang na minor de edad, nahigitan pa niya ang kahilingan sa ilalim ng Medical Consent of Minors Act na pumili ng paggamot na ibig niya. Hindi na kailangan pa ang pagsasakdal.
Nakalulungkot nga, ang kalagayan ay hindi nanatiling gayon. Ang ospital, itinuturing nang si Joshua ay isang maygulang na minor de edad, ay nagnanais na ito’y patunayan ng isang pasiya ng hukuman upang pangalagaan ang sarili nito laban sa anumang posibleng mga paratang sa hinaharap. Ang kinalabasan ng mahaba at nakapapagod na imbestigasyon sa hukuman ay na ang hukom ay humatol na si Joshua ay walang karapatang tumanggi sa paggamot. Ang hatol na ito ay agad na inapela sa mas mataas na hukuman taglay ang mga resulta na nabanggit sa aming panimulang parapo.
Sa buong mahigpit na pagsubok ni Joshua si Dr. Scully ay nanghawakan sa kaniyang pagtangging magsagawa ng pagsasalin ng dugo kay Joshua sa ilalim ng anumang kalagayan malibang si Joshua ay magbago ng kaniyang isip at pumayag. Nag-uulat tungkol sa kaniyang katayuan, sinipi siya ng Canadian Medical Association Journal na nagsasabi: “Ang aking pinakamalaking pagkabahala ay na si Joshua o ang kaniyang pamilya ay lubhang mabalisa anupat sila’y basta aalis nang walang anumang mapagpipiliang pagkilos.” Ang artikulo ay nagpapatuloy: “Nang maglaon siya’y sinabihan ng iba pang manggagamot na tatanggihan nilang gamutin [si Joshua] sa kabuuan. Gayunman, ang kaisipang iyan ay hindi kailanman pumasok sa kaniyang isip.” Ang kaniyang makatuwiran at marangal na paninindigan ay totoong nakapagpapatibay-loob kay Joshua at sa kaniyang pamilya.
Nais ni Joshua na Mabuhay at Umantig ng Damdamin
Nais ni Joshua Walker na mabuhay; ayaw niyang mamatay. Ayaw ng pamilya niyang siya’y mamatay. Sa maraming bansa ang mga Saksi ni Jehova, ang kaniyang espirituwal na mga kapatid, ay umasang siya ay gagaling at mabubuhay. Handang tanggapin ni Joshua ang kaniyang kalagayan; ang kaniyang pananampalataya sa Diyos ay kumumbinsi sa kaniya na siya ay muling babalik sa pagkabuhay-muli. Natulungan siya ng mga salita ni Jesus: “Ang oras ay dumarating na ang lahat niyaong nasa mga alaalang libingan ay makaririnig ng tinig [ng Anak ng Diyos] at lalabas.”—Juan 5:25, 28, 29.
Ang alalay ay dumating buhat sa maraming lugar. Ang Evening Times Globe ay nagsabi: “Idiniin ng kapuwa mga magulang kahapon na hindi nila pinababayaan si Joshua. Dinala nila siya sa Regional Hospital upang makakuha ng hangga’t maaari’y pinakamahusay na medikal na paggamot, nang walang dugo. ‘Sana’y pinabayaan na lamang namin siya sa bahay kung nais namin siyang mamatay,’ katuwiran ng ama. ‘Ayaw naming mamatay si Josh. Ginagawa namin ang lahat ng aming magagawa sa medikal na paraan upang manatili siyang buháy. At iyan ang gagawin ng sinuman para sa kanilang minamahal. Hindi kami naririto upang masdan siyang mamatay. Narito kami upang gumaling ang batang iyan, upang siya’y makalabas at maglaro sa kaniyang mga laruang tren, magtungo sa Kingdom Hall, sa kaniyang mga pulong at sa kaniyang paglilingkod, at marahil ay maglaro ng basketball.’ ”
Tiyak na ang kaniyang pamilya ay naroroon upang tulungan at alalayan siya, sa literal na paraan. Ganito ang sabi ng isang pahayagan: “Samantalang ang isa sa kanila ay humahaliling magbantay kay Joshua, ang ibang miyembro ng pamilya ay nagpisan-pisan sa kalapit na munting tahimik na silid, ang ilan sa kanila ay nakasuot pa ng gawn at maskarang natatanggal na nakasabit sa kanilang mga leeg. Iyan ang naobserbahan namin doon mula noong Marso 31, nang unang pumasok ng ospital si Joshua. Sa loob ng tatlong linggo, walang sandali na si Joshua ay walang bantay na miyembro ng pamilya na hindi nakasuot ng gawn at maskarang gamit sa ospital sa kaniyang silid sa ospital. . . . Kadalasan, ang kapuwa mga magulang ay nagpapalipas ng gabi na kasama ni Joshua, natutulog sa kama na katabi ng kanilang bunsong anak. [Ang sabi ng ina,] ‘Kailangan kami rito, at gagawin ko ang lahat ng bagay para kay Josh, para sa sinuman sa aking mga anak.’ ‘Mauupo ako sa paradahan ng sasakyan kung kinakailangan,’ sabi ng ama.”
Mga Pagtitiwala at mga Pag-uusap
Sa mga gabi kapag ang kaniyang ina o ama ay kasama niya, may puso-sa-puso na mga pag-uusap. Isang gabi ay sinabi niya: “Inay, pakisuyong isulat ninyo ito. Sa inyong lahat na mga kabataan, pakisuyong maging malapit kay Jehova upang kung anuman ang mangyari sa inyo, maiingatan ninyo ang inyong katapatan sa kaniya. Kapag ako’y gumaling ako’y nangangakong gagawa nang higit sa paghahayag ng pangalan ni Jehova. Kayong mga kabataang may mabuting kalusugan, gumawa nang higit kung magagawa ninyo.”
Isang gabi nang si Josh ay nasa ospital, sabi niya: “Inay, maraming beses kapag kayo ay nagpupunta sa banyo o sinusundo ninyo si Itay, ang mga doktor ay pumapasok at nagsasabi: ‘Josh, kailangan mo ng isang pagsasalin ng dugo. Kung wala ito ay mamamatay ka. Nais naming tulungan ka.’ ‘Kung gayon pakisuyong igalang po ninyo ang aking kahilingan tungkol sa dugo,’ ang sagot ko. Sinabi ko sa isang doktor na hinihimok akong magpasalin ng dugo: ‘Maaaring isipin ninyong ako’y nasisiraan ng bait, ngunit malinaw ang buong pag-iisip ko. Nais ko lamang mamuhay ayon sa batas ni Jehova tungkol sa dugo. Alam niya kung ano ang pinakamabuti para sa atin. Ang pinakamabuting bagay para sa akin ay igalang ang kabanalan ng buhay, at kung mamatay ako ako’y mabubuhay na muli.’ ”
Isang doktor, ang hepe ng pediatrics, si Dr. Garry, ay nagsabi sa mga magulang ni Josh: “Ipagmalaki ninyo si Josh. Mayroon siyang pananampalataya na kailanma’y hindi ko pa nakita sa buong buhay ko.” Niyapos niya sila kapuwa at nagsabi: “Isa kayong magiting na pamilya.”
Isang gabi sa ospital, pagkatapos masabi ang masamang balita sa pamilya tungkol sa kalagayan ni Joshua, ang kaniyang kapatid na lalaking si Jeff at ang kaniyang kapatid na babae, si Janice, ay kasama niya. Si Jeff ay umiiyak, at sinabi ni Josh: “Jeffrey, huwag kang umiyak. Ako’y panalo sa alinmang paraan. Huwag kang mag-alala sa akin.” Ang punto niya ay na kung gumaling siya mula sa kaniyang karamdaman, siya ay panalo; kung hindi siya gumaling at siya’y mamatay at buhaying-muli sa lupang Paraiso, kung gayon walang alinlangang panalo siya!
Nang mapag-usapan ang tungkol sa pagpapalit ng utak-sa-buto mula sa isang tao, ang kaniyang kuya Jerry ang unang nag-alok ng kaniyang utak sa buto. Noon, ang kaniyang mga kapatid na sina John at Joe ay humahalik kay Josh bago matulog. Nang siya’y naging 13 anyos, ipinasabi niya sa kaniyang ina na sabihin sa kanila na napakatanda na niya para sa gayong bagay. Subalit noong siya’y magkasakit, bagaman siya’y 15 anyos na, nang simulan nila itong muli at yapusin at manalangin na kasama niya, sinabi ni Josh sa nanay niya na ayos naman ito ngayon—ipinakikita nito na mahal pa rin nila siya.
Suporta ng Pamayanan
Sina Jerry at Sandra, mga magulang ni Joshua, ay nagsasabi na ang suporta buhat sa pamayanan ay labis-labis at malaganap. Noong Mayo 1994, isang pahayagan ang nagsabi: “Sa katamtaman, si Joshua ay tumatanggap ng 20 kard isang araw. Ang mga ito ay galing pa nga sa malayong Romania at Mexico. Tumatanggap rin siya ng mga tawag sa telepono at mga fax sa ospital mula sa kasinlayo ng Alberta at Washington. Karagdagan pa riyan, siya’y pinadadalhan ng halos kalahating dosenang mga basket ng prutas [at] maraming bulaklak. . . . Nang ang kaniyang kalagayan . . . ay bumuti, ang mga nars ay nagsaayos ng isang pagdiriwang na istilong Hawaiian luau sa karangalan niya. Gumawa sila ng mga grass skirt mula sa mga plastik bag at nagsayaw ng hula sa palibot sa loob ng kaniyang kuwarto. ‘Tawa siya nang tawa, akala ko nga siya’y maiiyak,’ sabi ni Sandra.’ ”
Ang tatay ni Josh, si Jerry, ay nagkuwento pa: “Hindi namin mapapasok sa silid sa ospital ang lahat ng mga batang dumadalaw mula sa paaralan. Kaya dumalaw ang prinsipal at kumuha ng mga report tungkol kay Josh. Ang mga estudyante ay nagpadala kay Josh ng isang 1,000-pirasong puzzle ng isang tanawing daang-bakal—si Josh ay mahilig sa mga tren. Nais ng mga pulis na magsaayos ng isang pabenepisyong sayaw para sa kaniya upang makatulong sa mga gastusin, ngunit hindi kami pumayag. Ang klase sa araling-panlipunan sa paaralan ay tumatalakay tungkol sa mga karapatan ng mga tao, at ang bawat isa sa klaseng iyon ay sumulat kay Josh tungkol sa pagbibigay niya ng isang pahayag sa kanila tungkol sa paksang iyon, ipinaliliwanag sa kanila ang kaniyang mga damdamin.”
Sa lahat ng panahong ito, ang pagsaklaw dito ng pahayagan ay talagang pambihira—mga ulat na may kasamang mga larawan sa unang pahina ng ilang pahayagan. Ipinapasa ng mga prinsipal ng paaralan ang balita tungkol sa kalusugan ni Joshua. Siya’y tumanggap ng mga paanyaya na magsalita paggaling niya, at ang mga paaralan ay nagdaos ng mga sesyon tungkol sa mga detalye ng kaso.
“Napansin ba ninyo ang malaking pagbabago kay Joshua nang dapuan siya ng sakit na ito na nagsapanganib sa kaniyang buhay?” tanong ng Gumising! Ang ama ni Josh, si Jerry, ay nagkomento: “May malaking pagbabago sa kaniya, at halos sa loob ng magdamag. Si Josh ay dating isang masayahin, walang-iniintinding bata, kung minsan ay nangangailangan ng payo na karaniwang kailangan ng mga 15-anyos. Ako’y naupo at tumitig sa kaniya na may pagkasindak. Para bang siya’y naging maygulang sa loob ng magdamag. Isang gabi nais ng kaniyang abugado na makausap siya, at ako’y hiniling ni Joshua na umalis. Bago siya nagkasakit, kung minsan siya ay kumikilos na parang payaso ng klase; walang anu-ano siya’y naging maygulang, nakikipag-usap sa mga abugado at mga hukom. Ang isang krisis ay maaaring maglabas mula sa kalaliman ng puso ng mga bagay na hinding-hindi mo inaakalang naroroon.”
Si Dr.Scully ay nagbigay ng isang magandang parangal kay Joshua. Sinabi niya sa ina nito: “Siya sa lahat ng mga pasyente na kailanma’y aking ginamot ang pinakapalakaibigan, pinakamakonsiderasyon, pinakamagalang, at pinakamahabaging tao na nakilala ko. Napakagiting niya at isang binatilyong hinding-hindi namin makakalimutan. Siya’y isang kaibig-ibig na tao. Maipagmamalaki ninyo siya, Gng. Walker.”
Sa loob ng ilang linggo, ang leukemia ay nagbago. Nawala ang maiikling sandali ng ginhawa; ang kanser ay bumalik. Sinabi ni Dr. Scully sa pamilya na si Josh ay maaaring hindi na mabuhay nang matagal—marahil mga ilang linggo, maaaring ilang buwan. Nang sumunod na gabi, habang naroroon ang mga magulang ni Joshua, sinabi ni Dr. Scully kay Joshua na ang kanser ay bumalik at na ito ay maaaring nasa sikmura rin sa panahong iyon. Sinabi ni Joshua: “Oh, hindi, hindi ito bumalik—nakatitiyak ba kayo?” Sabi ni Dr. Scully: “Josh, ang resulta ng iyong pagsubok sa dugo ay hindi mabuti.” Di-nagtagal pagkatapos niyan si Jerry ay lumabas ng silid, pagkatapos lumabas din si Dr. Scully.
Dalawang Namimighating Puso na Humahanap ng Kapayapaan
Inilalarawan ng ina ni Josh ang tanawin: “May katahimikan. Hinila ko ang isang silya tungo sa tabi ng kaniyang kama at hinawakan ko ang kaniyang kamay. Tinanong ko siya kung nag-aalala ba siya o nanlulumo dahil sa sinabi ng doktor. Siya’y sumagot: ‘Hindi ko napag-isipan ang tungkol sa pagkamatay at pag-alis nang napakaaga. Ngunit, Inay, huwag kayong mag-alala. Hindi ako natatakot mamatay, ni natatakot man ako sa kamatayan. Naririto ba kayo sa piling ko kapag ako’y namatay? Ayaw kong mamatay na nag-iisa.’ Nagsimula akong umiyak at niyapos ko siya. Umiyak din siya, at ang sabi: ‘Inay, ako’y iingatan ni Jehova.’ Pagkatapos, ‘Nais kong lahat kayo ay manatili sa katotohanan upang masalubong ninyo ako sa pagkabuhay-muli. Ito ang masasabi ko, Inay, nang buong katiyakan: Alam kong tiyak na bubuhayin ako ni Jehova sa pagkabuhay-muli. Nabasa niya ang aking puso, at talagang mahal ko siya.’
“Muli akong umiyak. Sinabi ko sa kaniya kung gaano namin siya kamahal at, sa loob ng 16 na taon na kasama namin siya, ipinagkakapuri namin siya—at higit sa lahat, kung paano si Jehova ay ngumingiti sa kaniya na taglay ang pagsang-ayon. Sabi niya, ‘Alam ko, Inay.’ Sinabi ko sa kaniya: ‘Josh, bagaman mahirap tanggapin na iiwan mo kami sa kamatayan, magiging kasakiman sa bahagi namin na gustuhin naming manatili ka.’ Sabi niya: ‘Alam ko, Inay, at talaga namang pagod na pagod na ako sa pakikipagbaka.’ ”
Ang Legal na Bahagi
Si Daniel Pole, isa sa mga abugado ni Joshua, pati na ang ibang mga abugado, ang sumagot sa mga tanong na ibinangon ng kaso ni Joshua Walker. Ano ba ang isang maygulang na minor de edad sa ilalim ng Medical Consent of Minors Act? Kabilang ba sa pahintulot sa paggamot ang karapatan na tanggihan ito? Kapit ba sa kasong ito ang katuwirang parens patriae, kung saan ang pamahalaan ay kumikilos para sa isa na walang kakayahang kumilos para sa kaniyang sarili? Ang isa ba ay may legal na karapatan na tiyakin kung ano ang maaaring gawin sa kaniya mismong katawan? Hindi ba dapat labagin ang kaniyang karapatang magpasiya kung ano ang dapat gawin sa kaniya mismong katawan? At kumusta naman ang tungkol sa karaniwang batas ng Canada? Kapit ba ito sa kasong ito? Sa wakas, ang kaso ba ni Joshua Walker ay dapat na pinarating pa sa hukuman?
Ang mga tanong bang ito ay nalutas sa nasusulat na desisyon ng Hukuman ng Paghahabol? Oo, ang mga ito ay nalutas. Sa konklusyon ng paglilitis, ang hukuman ng limang hukom ay nag-reses at saka nagbalik sa silid ng hukuman at bibigang ibinigay ang buong pagkakaisang desisyon ng mga hukom, gaya ng sumusunod:
“Ang apela ay ipinagkakaloob. Ang desisyon ni Turnbull, J. [ang hukom sa mas mababang hukuman] ay binabaligtad. Si Joshua Walker ay ipinahahayag na isang maygulang na minor de edad sa ilalim ng mga probisyon ng Medical Consent of Minors Act at ang pahintulot ng kaniyang mga magulang may kinalaman sa kaniyang paggamot ay hindi na kailangan. Ang problema tungkol sa mga gastos sa pagdedemanda ay lulutasin sa aming nasusulat na hatol.”
Kapit ba sa kasong ito ang karaniwang batas ng Canada? Oo. Ang nasusulat na ulat tungkol sa paglilitis ay nagsasabi: “Sa Canada, kinikilala ng karaniwang batas ang hatol tungkol sa isang maygulang na minor de edad, yaon ay, isa na may kakayahang umunawa sa kalikasan at mga kahihinatnan ng binabalak na paggamot. . . . Isinaayos ng New Brunswick sa isang sistema ang karaniwang batas sa lawak na ipinahayag sa Medical Consent of Minors Act.”
Sa wakas, ang kaso ba ni Joshua ay kailangang paratingin pa sa hukuman upang legal na makatanggi siya sa mga pagsasalin ng dugo? Hindi. “Basta ang mga probisyon ng Act ay natutugunan, hindi na kailangan pang gumawa ng gayong aplikasyon.”
Si Punong Hukom W. L. Hoyt ay naghinuha: “Ang aplikasyon ay ginawa na may matapat na layunin at may labis na pag-iingat. Gayunpaman, ang resulta ng aplikasyon ay isangkot si Joshua at ang kaniyang pamilya sa hindi naiibigang pagsasakdal. Sa kadahilanang iyan, sa aking palagay, sila ay karapat-dapat sa bayad-pinsala mula sa Ospital.”
Si Joshua ay namatay noong Oktubre 4, 1994.
[Blurb sa pahina 12]
“Ang hatol ay nagtatakda ng maliwanag na mga tuntunin . . . para sa mga doktor at mga ospital.”—Canadian Medical Association Journal
[Blurb sa pahina 13]
“Isang tagumpay hindi lamang para sa mga Saksi ni Jehova, kundi para sa ating lahat.”—Telegraph Journal
[Blurb sa pahina 14]
“Nais ko lamang mamuhay ayon sa batas ni Jehova tungkol sa dugo.”—Joshua Walker
[Blurb sa pahina 15]
“Mayroon siyang pananampalataya na kailanma’y hindi ko pa nakita sa buong buhay ko.”—Dr. Garry