-
Pag-aarugâ sa Matanda Nang mga MagulangGumising!—1994 | Pebrero 8
-
-
Pag-aarugâ sa Matanda Nang mga Magulang
“AKO’Y abalang-abala araw at gabi, subalit ipinalalagay ko pa rin itong isang pribilehiyo.” Ganiyan inilarawan ng isang babae ang pag-aarugâ sa kaniyang may edad nang ina. Para sa babaing ito, at sa marami pang iba, ang pag-aarugâ sa tumatandang mga magulang ay isang positibong karanasan.
Ito rin ay nagiging higit na pangkaraniwang karanasan. Ang pinakamabilis lumagong pangkat ng edad sa Estados Unidos ay sinasabing ang kategorya ng mahigit 75 anyos. Noong 1900, wala pang isang milyong Amerikano ang 75 o mas matanda pa. Noong 1980 halos sampung milyon ang mahigit 75. Ang mas matatandang tao ay nabubuhay nang mas mahaba, at halos sangkatlo niyaong mga edad 85 o mas matanda pa ay nangangailangan ng regular na tulong.
Bagaman ang pag-aalaga ay maaaring maging isang kapaki-pakinabang na karanasan, ito rin naman ay maigting. Kung isa o dalawa sa iyong mga magulang ay matanda na at nangangailangan ng iyong pagkalinga, maaaring masumpungan mo ang ilang aspekto na mahirap. Ang basta pagmasdan ang paghina ng kanilang kalusugan ay nagdudulot sa iyo ng kirot. At kung ikaw ay tumatanggap ng kaunting tulong o hindi tumatanggap ng tulong buhat sa ibang miyembro ng pamilya, kung gayon ikaw ang gumagawa ng lahat ng pag-aalaga.
Maaari mo ring matuklasan na gaano ka man katanda, kailanman ay hindi ka nakadaramang ikaw ay maygulang na kapag kasama mo ang iyong mga magulang. May ugali silang pakitunguhan kang parang bata, at ikaw ay may hilig na tumugon na parang bata. Ang kawalan ng emosyonal na alalay buhat sa mga kaibigan ay maaaring makaragdag ng isang maigting na salik sa iyong pag-aalaga.
Gayunpaman, ang mga hamon ng pag-aalaga ay hindi naman kailangang humadlang sa iyong pagpapanatili ng isang malapit na kaugnayan sa iyong mga magulang. Maliwanag na inaakay ng Kasulatan ang mga adulto na “magsagawa ng maka-Diyos na debosyon sa kanilang sariling sambahayan at magpatuloy sa pagbabayad ng kaukulang kabayaran sa kanilang mga magulang at mga lolo’t lola, sapagkat ito ay kaayaaya sa paningin ng Diyos.” Sa kabilang dako, siya na “nagpapalayas sa kaniyang ina ay anak na nakakahiya at nagdadala ng kakutyaan.”—1 Timoteo 5:4; Kawikaan 19:26.
Ang maka-Diyos na debosyon na ipinahahayag sa pamamagitan ng pag-aalaga ay maaaring maging isang nakapagpapayamang karanasan. Subalit una muna, dapat mong malaman kung anong tulong ang talagang kailangan ng iyong mga magulang sa iyo. Ang susunod na mga artikulo ay maaaring tumulong sa iyo upang makilala at matugunan ang mga pangangailangang iyon. At bagaman ang mga artikulong ito ay nakatuon sa kung ano ang maaaring gawin sa loob ng bahay, maliwanag na sa ibang kaso, dahil sa napakahinang kalusugan o matanda na, ang isang magulang ay baka mangailangan ng propesyonal na tulong, gaya niyaong masusumpungan sa isang nursing home.
-
-
Inaalam ang mga Pangangailangan ng Iyong mga MagulangGumising!—1994 | Pebrero 8
-
-
Inaalam ang mga Pangangailangan ng Iyong mga Magulang
UPANG talagang makatulong sa iyong tumatandang mga magulang, dapat mong malaman ang kanilang mga pangangailangan at higit na nagugustuhan. Kung hindi ikaw ay maaaring—taglay ang mabuting mga intensiyon—magbigay ng mga paglalaan at mga paglilingkod na hindi naman kailangan at gusto ng iyong mga magulang, bagaman maaaring atubili silang sabihin iyan sa iyo. Kung gayon ang iyong kaugnayan, salig sa hindi pagkakaunawaan, ay magiging maigting hindi lamang sa iyo kundi rin naman sa iyong mga magulang.
Ano bang Talaga ang Kailangan Nila?
Inaakalang balang araw ay baka kailangang pumisan sa kaniya ng kaniyang mga magulang, isinaayos ng isang babae na gawin iyon kaagad. Nang dakong huli kaniyang natuklasan na kayang mamuhay ng kaniyang mga magulang sa kanilang sariling tahanan—at magiging mas maligaya sa gayong kaayusan!
Palibhasa’y ipinisan niya ang kaniyang mga magulang, ganito ang sabi ng isang anak na lalaki: “Hindi ninyo kailangang magbayad upang tumira sa aking bahay! Pagkatapos nang lahat ng ginawa ninyo sa akin!” Gayunman, ginagawa nito ang kaniyang mga magulang na para bang labis na umaasa. Sa wakas sinabi nila sa kaniya na mas gugustuhin pa nila ang dignidad ng pagbibigay sa ilang paraan.
Inilalaan ng isang pamilya ang lahat ng maliliit na paglilingkod para sa kanilang tumatandang mga magulang upang tiyakin na sila ay maginhawa at hindi nabibigatan dahil sa pisikal na pagkilos. Nang maglaon natuklasan nila na nais ng kanilang mga magulang na kumilos nang higit sa ganang kanila.
Sa bawat halimbawa sa itaas, ang mga paglilingkod na ginawa ay kapuwa hindi kinakailangan at hindi gusto ng mga magulang. Maaari itong mangyari kung ang isang may mabuting intensiyong anak na lalaki o babae ay nauudyukan ng isang labis-labis na pagkadama ng pananagutan o kung walang kabatiran sa kung ano talaga ang mga pangangailangan ng mga magulang. Isip-isipin ang di-kinakailangang kaigtingan na dulot nito sa lahat ng kasangkot. Ang lunas, mangyari pa, ay alamin ang aktuwal na mga pangangailangan at mga kagustuhan ng iyong mga magulang.
Talaga bang kailangang pumisan sa inyo ng iyong mga magulang sa pagkakataong ito? Gusto ba nila? Maaaring magulat kang malaman na ang ilang may edad na tao ay nais mamuhay nang nagsasarili hangga’t maaari. Palibhasa’y ayaw nilang magtinging walang pagpapahalaga, maaaring mag-atubili silang sabihin sa kanilang mga anak na mas gugustuhin nilang mamuhay sa ganang sarili nila sa kanila mismong tahanan, sa kabila ng ilang kaabalahan. Maaaring mahal nila ang kanilang mga anak at nananabik silang gumugol ng panahon na kasama nila. Subalit ang umasa sa kanilang mga anak? Hindi, maaaring mas gugustuhin nilang gawin ang mga bagay-bagay sa ganang sarili.
Marahil balang araw kakailanganing pumisan sa inyong tahanan ang iyong mga magulang. Gayunman, kung hindi pa dumating ang panahong iyon, at kung talagang mas gusto nilang mamuhay sa kanilang sarili, bakit mo ipagkakait sa kanila ang mga taóng ito ng pagsasarili? Maaari kayang ang ilang pagbabago o isang regular na nakatakdang mga tawag sa telepono o pagdalaw ay magpangyari sa kanila na patuloy na mamuhay sa kanila mismong tahanan? Baka mas maligaya sila sa kanilang sariling tahanan, gumagawa ng kanilang sariling mga pagpapasiya araw-araw.
Ganito ang sabi ng isang nag-aalaga sa pagmamadali niyang ipisan sa kanila ang kaniyang nanay: “Nang mamatay ang itay ko, ipinisan namin si inay, palibhasa’y naaawa kami sa kaniya. Gaya ng nangyari, siya ay nabuhay pa ng 22 taon. Sa halip na ipagbili ang kaniyang bahay, maaari sana siyang patuloy na tumira roon. Kailanman ay huwag magmadali sa pagpapasiya kung anong mga hakbang ang dapat kunin. Ang isang pasiya na gaya niyaon, minsang nagawa na, ay mahirap baligtarin.”—Ihambing ang Mateo 6:34.
‘Ngunit,’ maaaring tumutol ka, ‘ano kung may mangyari sa isa sa mga magulang ko samantalang nakatira sa kanilang sariling bahay? Kung matumba si Inay o si Itay at masaktan, hinding-hindi ko mapatatawad ang aking sarili!’ Talagang nakababahala ito, lalo na kung mahina na ang katawan o kalusugan ng iyong mga magulang sa punto na talagang may panganib na maaksidente. Gayunman, kung hindi naman ganiyan ang kalagayan, tanungin mo muna ang iyong sarili kung ang iyong pagkabahala ay para sa iyong mga magulang o para sa iyong sarili, yaon ay, upang pangalagaan ang iyong sarili mula sa di-wastong pagkadama ng pagkakasala.
Isaalang-alang din ang posibilidad na ang iyong mga magulang ay maaaring mas mabuti pa ang kalagayan sa kanilang sariling tahanan. Sa aklat na You and Your Aging Parents, ganito ang sabi nina Edith M. Stern at Dr. Mabel Ross: “Ipinakikita ng mga pagsusuri na ang mga may edad ay nananatiling mas bata at mas maliksi sa kanilang sariling tahanan kaysa ibang dako. Sa maikli, maraming maling pagsisikap upang gawing maginhawa ang huling mga taon ng kanilang buhay ang lalo lamang nagpapabilis sa kanilang paghina.” Kaya, tulungan ang iyong mga magulang na hangga’t maaari’y mamuhay nang malaya, samantalang ibinibigay ang pangangalaga at mga paglilingkod na talagang kailangan nila. Dapat ka ring gumawa ng pana-panahong pag-alam at pagbabago habang ang mga pangangailangan ng iyong mga magulang ay dumarami o nababawasan pa nga.
Maging Maunawain
Kung isasaalang-alang ang kalusugan at mga kalagayan ng iyong mga magulang, maaaring ang pagpisan nila sa inyong tahanan ang pinakamabuting bagay. Kung gayon, maging maunawain sa posibilidad na maaaring mas gusto nila na hangga’t maaari’y gawin ang maraming bagay para sa ganang sarili. Gaya ng mga tao sa anumang gulang, malamang na nais nilang taglayin ang kanila mismong pagkakakilanlan, ang kanilang sariling iskedyul ng mga gawain, at ang kanilang sariling mga kaibigan. Maaaring mabuti ito. Bagaman magiging kasiya-siyang gawin ang ilang bagay na magkakasama bilang isang karagdagang pamilya, maaaring makabubuti sa iyo na ireserba ang ilang gawain para lamang sa iyong sariling pamilya at payagan din ang iyong mga magulang sa kanilang sariling gawain. Matalinong binanggit ng isang nag-aalaga ang ganito: “Tiyakin na ang iyong mga magulang ay may pamilyar na mga muwebles at mga litrato na nakadispley na mahalaga sa kanila.”
Upang malaman ang tunay na mga pangangailangan ng iyong mga magulang, kausapin sila. Pakinggan ang kanilang mga ikinababahala at unawain kung ano ang maaaring sinisikap nilang sabihin sa iyo. Ipaliwanag sa kanila kung ano ang magagawa mo at hindi mo magagawa para sa kanila upang hindi sila masaktan dahil sa maling mga inaasahan. “Magkaroon ng maliwanag na pagkaunawa sa kung ano ang inaasahan mula sa lahat sa sambahayan,” mungkahi ng isang nag-aalaga. “Magkaroon ng madalas na usapan upang maiwasan ang mga damdamin ng galit at kapaitan at mga paghihinanakit.” Kung gagawa ng anumang matagalang mga pangako (“Tatawagan ko kayo tuwing Lunes ng hapon”; “Ilalabas ko kayo tuwing dulo ng sanlinggo”), baka gusto mong liwanagin sa kanila na nais mong subukan ito sa loob ng ilang panahon at tingnan kung paano ito uubra. Sa ganoong paraan, kung ito’y hindi praktikal, ang pinto ay laging bukás para alaming muli kung alin ang praktikal.
Wala sa anumang nabanggit ang dapat gawing dahilan upang pagkaitan ang mga magulang ng paggalang at tulong na nararapat sa kanila. Ang katayuan ng Maylikha tungkol sa paksang ito ay maliwanag. Pananagutan ng mga anak na may sapat na gulang na igalang, arugain, at alalayan ang kanilang mga magulang. Hinatulan ni Jesus ang matuwid-sa-sarili na mga Fariseo dahil sa pagpilipit sa mga kasulatan upang ipaumanhin ang pagpapabaya sa mga magulang. Ang maliwanag na mga salita sa Kawikaan 30:17 ay nagsisiwalat sa pagkamuhi na nadarama ng Diyos sa mga walang galang sa kanilang mga magulang: “Ang mata na tumutuya sa kaniyang ama at humahamak ng pagsunod sa kaniyang ina—tutukain ng mga uwak sa libis at kakanin ito ng mga inakay na aguila.”—Tingnan ang Marcos 7:9-13; 1 Timoteo 5:4, 8.
Habang ibinibigay mo ang kinakailangang tulong sa iyong mga magulang, maaari mo ring makaharap ang bagong mga panggigipit. Paano mo haharapin ang mga ito? Ang susunod na artikulo ay magbibigay ng ilang mungkahi.
[Mga larawan sa pahina 5]
Ang isang magulang ay maaaring masiyahan sa sariling mga gawain na kasama ng mga kaibigan gayundin ng pamilya
-
-
Pag-aalaga—Pagharap sa Araw-araw na mga PanggigipitGumising!—1994 | Pebrero 8
-
-
Pag-aalaga—Pagharap sa Araw-araw na mga Panggigipit
KUNG ang pag-aalaga ay nagdudulot sa iyo ng ilang panggigipit, lalo na yaong mga panggigipit na hindi mo inaasahan, ikaw ay maaaring makonsensiya. Maaaring itanong mo: ‘Mayroon bang diperensiya sa aking kaugnayan sa aking mga magulang? Hindi ba’t ang mga adulto sa maraming kultura ay maligayang namumuhay na kasama ng kanilang mga magulang habang-buhay?’
Buweno, ang iyong kalagayan ay maaaring naiiba. Ang iyong mga magulang ay maaaring pumisan sa inyong tahanan pagkatapos ng 20, 30, 40, o higit pang mga taon ng kanilang pamumuhay na bukod sa inyo. Ito’y nangangahulugan na ikaw at ang iyong mga magulang ay nagkaroon ng sariling mga istilo ng buhay at mga ugali sa kalakhang bahagi ng inyong mga buhay. Pagkalipas ng ilang dekada, ang mga istilo ng buhay at mga ugaling iyon ay maaaring naging totoong magkaiba. Subalit ngayon, bilang isang tagapag-alaga, nakakaharap mo ang pangangailangan na maayos na pagsamahin ang iyong buhay sa buhay niyaong nasa iyong pangangalaga. Ito’y maaaring mas mahirap kaysa kung kayo ay namuhay na magkasama sa loob ng mahabang panahon.
Isa pa, ang ilang magulang ay maaaring lubhang masakitin o sa ibang paraan ay nangangailangan ng higit na natatanging pangangalaga. Kapuri-puri, bagaman ikaw ay maaaring naglalaan ng kung ano ang kinakailangan at nakikita mong hindi naman kailangang ilagay ang iyong mga magulang sa isang nursing home, kaya naman ang kalagayang ito ay nagdudulot ng araw-araw na mga panggigipit sa inyong lahat. Ang pag-aarugâ sa iyong mga magulang ay natural. Ang pagtanda at pagkakasakit ay hindi natural. Hindi kailanman nilayon ng Maylikha na mawala ng mga tao ang kanilang lakas at kalusugan habang sila’y nagkakaedad. Kaya nga, huwag mong isipin na may diperensiya ka sapagkat ang kalagayan ay humihiling ng higit, sa emosyonal at pisikal na paraan, kaysa iyong nakini-kinita.—Genesis 1:26-31; Awit 90:10.
Ang mga panggigipit na nauugnay sa pag-aalaga ay hindi naman nagbabadya ng isang mahinang kaugnayan sa pagitan mo at ng iyong mga magulang. Lalo na kung ikaw ay nagtamasa ng isang mabuting kaugnayan sa kanila bago nila kinailangan ang iyong tulong, malamang na ang anumang problemang nararanasan mo ay bunga ng mga hamon na inihaharap ng pag-aalaga. Paano mo mabisang mapakikitunguhan ang araw-araw na mga panggigipit?
Pakikitungo sa Nakakokonsiyensiyang mga Damdamin
Kahit na ang mga taong ginagawa ang lahat ng kanilang magagawa at dapat gawin para sa kanilang mga magulang ay kung minsan nakakokonsiyensiya tungkol sa hindi paggawa nang higit pa. Gayunman, ang di-wastong pagkadama ng pagkakasala ay maaaring maging isang problema. Masusumpungan mo ang iyong sarili na gumagawa ng mga pasiya na nilayon upang bawasan ang iyong pagkadama ng pagkakasala subalit hindi naman para sa pinakamabuting kapakanan mo o ng iyong mga magulang. Halimbawa, ano ang maaaring mangyari kung, upang maibsan ang kaniyang mga pagkadama ng di-wastong pagkakasala, ang isang babae ay maging abala sa pag-aalaga sa kaniyang mga magulang anupat napababayaan na ang kaniyang sariling asawa at mga anak? Siya, ang kaniyang mister, at ang kaniyang mga anak ay magdurusa. Kaya huwag mong hayaang supilin ng di-wastong pagkadama ng pagkakasala ang iyong buhay.
Ikaw ba kung minsan ay nakokonsensiya sapagkat wari bang hindi ka kailanman makagawa ng sapat para sa iyong mga magulang? Kung gayon, posible na ang mga pangangailangan ng iyong mga magulang ay sobra sa kung ano ang maibibigay mo sa kanila. Ang kalagayan ay maaari na, anuman ang gawin mo, laging may higit pang magagawa. Isa pa, kung itinuturing mo ang pag-aalaga bilang isang paraan ng pagbabayad sa lahat ng ginawa sa iyo ng iyong mga magulang habang ikaw ay lumalaki sa kanilang pag-aarugâ, laging kang makokonsensiya, sapagkat kailanman ay hindi mo sila lubusang mababayaran.
Binabanggit ng aklat na You and Your Aging Parents ang pangangailangan na magpasiya kung gaano ang magagawa mo para sa iyong mga magulang. Sabi nito: “Mawawalan ka ng maraming sama ng loob kung pangunahin nang ibabatay mo [ang iyong mga pasiya] hindi sa kung ano ang gusto mong gawin o kahit na sa kung ano ang dapat mong gawin, kundi sa kung ano ang magagawa mo.”
Oo, makatotohanang tiyakin kung ano ang maaasahan mo sa iyong sarili. Maaaring makatulong kung hihingin mo ang tulong ng isang pinagkakatiwalaang kaibigan na nalalaman ang iyong mga kakayahan, ang iyong mga limitasyon, at ang kalagayan ng iyong pamilya. Maaari mo bang ipisan sa inyong tahanan ang iyong mga magulang? May sapat ka bang lugar? Papayag ba silang pumisan? Kung ang mga magulang mo ay hindi nakatira sa inyo, gaano kadalas mo silang madadalaw, at kailan? Kung gagawin mo kung ano ang magagawa mo, walang dahilan upang makonsensiya. Kung ikaw ay makonsensiya sa paano man, kilalanin na ang damdamin ay di-wasto at huwag hayaang supilin nito ang iyong mga pasiya.
Ibahagi ang Pasan
Binabanggit ng aklat ng Bibliya na Eclesiastes kung paanong hindi mabuti na “magpakasamang lubha” o “lubhang magpakamatuwid” at na ang pagiging lubhang mapagmatuwid ay maaaring ‘makasira sa iyong sarili.’ (Eclesiastes 7:16-18) Maaaring mangyari ito kung sisikapin mong gawin ang higit kaysa nais mong gawin, sa magagawa mo, at maging higit sa dapat mong gawin.
Kung punô na ang iskedyul mo bago mo pa simulang arugain ang iyong mga magulang, dapat mong alisin ang ilang gawain o humingi ng tulong. Gayunman, marami na nangangailangan ng tulong ay nag-aatubiling humingi ng tulong. Masyado silang mahiyain o sinasabi nilang ang iba ay ayaw tumulong. Gayunman, pinipinsala mo ang iyong sarili at ang lahat ng nasa paligid mo kung papagurin mo ang iyong sarili. Sa kaniyang aklat tungkol sa pag-aalaga, tinatawag ng awtor na si E. Jane Mall ang gayong labis na paggawa na ang “martyr syndrome.” Siya’y nagpapayo: “Dapat ay may kalendaryo ka ng mga prayoridad, at tatlo sa iyong mga prayoridad ay dapat na panahon na kasama ng iyong [asawa], panahon na kasama ng iyong mga anak at mga kaibigan, at panahon para sa iyong sarili.”
Oo, baka kailanganin mong ibahagi ang pasan. Kaya saan ka hihingi ng tulong? Ang pamilya, mga kaibigan, kapitbahay, at mga propesyonal ay maaaring makatulong. Subalit kailangang humingi ka ng tulong. At dapat na humingi ka nang tuwiran. Ang mga pagpapahiwatig ay hindi laging umuubra. Maaaring magulat ka sa kung sino at kung gaano karami ang nais tumulong kung maliwanag na ipaaalam mo ang iyong mga pangangailangan, tiyak na mga kahilingan. Halimbawa, maaaring hilingin sa isa na tulungan kang maglinis ng bahay. Kung iyan ay magbibigay sa iyo ng ilang kinakailangang ginhawa, kung gayon hindi ito panahon upang igiit mo na linisin ang bahay sa ganang sarili sapagkat ‘walang gagawa nito nang tama.’
Kung ikaw ay may mga kapatid na lalaki o babae, kabahagi rin sila sa pananagutan na pag-aarugâ sa kanilang mga magulang. Marahil ay nagawa mo na ang lahat o karamihan ng pag-aalaga hanggang sa ngayon, inaakala mong hindi kaya o ayaw tumulong ng iyong mga kapatid na lalaki o babae. Gayunman, tuwiran mo bang hiniling ang kanilang tulong? Ang ilang tao ay positibong tutugon—kung nililinaw sa kanila na kailangan ang tulong.
Ang ilan naman ay sinosolo ang pag-aarugâ sa isang magulang sa pagsisikap na matamo o panatilihin ang pagsang-ayon ng magulang. O maaaring magtamo sila ng kabanalan sa paggawa ng lahat ng gawain sa kanilang sarili. Maaaring magreklamo sila na ang iba ay hindi tumutulong sa pag-aalaga, subalit maaari rin silang magpahiwatig sa pamamagitan ng mga salita at kilos na gayon ang gusto nila. Ito ay maaaring maging isang anyo ng pagiging lubhang mapagmatuwid. Subalit bakit kailangan mong dulutan ng di-kinakailangang pahirap ang iyong sarili? Kung may makukuhang tulong, hingin mo ito, at gamitin ito.
Isang babala: Huwag mong asahan na ang iyong mga kapatid na lalaki at babae ay makikibahagi sa mga pananagutan na kapareho mo. Bagaman kung minsan posibleng gawin nila iyon, kadalasan nang ginagawa iyang mahirap, kung hindi man imposible, ng kanila mismong mga kalagayan. Sa maraming kaso mas praktikal para sa isang miyembro ng pamilya na maging ang pangunahing tagapag-alaga, samantalang ang ibang miyembro ng pamilya, lalo na ang mga kapatid na lalaki at babae, ay tutulong sa pinansiyal na paraan at tatawag sa telepono, dadalaw, o paminsan-minsan ay isasama sa bahay ang kanilang mga magulang o sa mga paglalakbay kung dulo ng sanlinggo.
Pamumuhay Nang Malapit
Ang pamumuhay nang napakalapit ay maaaring lumikha ng maliliit na pagkayamot. Ang mga ugaling madali mong ipagpaumanhin sa isang kaibigan ay maaaring tila hindi matitiis sa isang malapit na miyembro ng pamilya.
Isa pa, ang iyong mga magulang ay maaaring magsabing, ‘Sana’y makagugol ka nang higit na panahon na kasama ko, subalit alam kong masyado kang abala para sa bagay na iyan.’ Maaaring ikubli ng komento ng magulang ang palagay na hindi ka talaga masyadong nagmamalasakit sa iyong magulang. Maaari kang tumugon sa gayong pananalita na may pagkayamot. Sa halip na mayamot, hindi ba makabubuting tugunin ang tunay na ikinababalisa ng iyong mga magulang, yaon ay ang gumugol ng higit na panahon na kasama mo? Kahit na kung hindi mo maibigay ang kahilingan, ang may kabaitang pagpapaliwanag ng mga bagay-bagay ay aani ng mas mabuting mga resulta kaysa isang masakit na tugon.—Kawikaan 12:18.
Ang pagsisikap na pagyamanin ang mga katangiang hinihimok sa Bibliya ay magpapangyari sa iyo na manatiling mabait subalit matatag kung kinakailangan. Makatotohanang kinikilala ng aklat ng Bibliya na Colosas na tayo kung minsan ay “may dahilan sa pagrereklamo laban sa iba.” Tayo’y inuutusan nitong “patuloy ninyong pagtiisan ang isa’t isa at malayang patawarin ang isa’t isa.” Pinapayuhan din tayo nito na damtan ang ating mga sarili ng “magiliw na pagmamahal ng pagkamadamayin, kabaitan, kababaan ng pag-iisip, kahinahunan, at mahabang-pagtitiis.” (Colosas 3:12-14) Tiyak na ang mga katangiang iyon ay totoong nakatutulong upang bawasan ang mga pagkayamot ng pamumuhay nang malapit.
Kahit na kung paminsan-minsan ay nagkakamali ka, nawawalan ng pasensiya, at nagsasabi ng isang bagay na sana’y hindi mo nasabi, “huwag hayaang lumubog ang araw na kayo ay nasa kalagayang pukáw sa galit.” Agad humingi ng tawad, at kalimutan ang bagay na iyon. Huwag hayaang ito’y pagmulan ng isa pang pinagmumulan ng nakakokonsiyensiyang mga damdamin.—Efeso 4:26, 27.
Pagpapanatili na Makapagsarili
Kung ikaw at ang iyong mga magulang ay nakatira sa iisang bahay, maaaring masumpungan mong mahirap makapagsarili (privacy). Gayunman, ikaw at ang iyong mga magulang ay nangangailangang makapagsarili. Maaaring ipakipag-usap mo ang problemang ito sa kanila at magkasundo kayo na ang ilang panahon at dako ay pribado para sa iyo o sa iyong malapit na kasambahay. Halimbawa, sa ilang pamilya, hindi naman sa lahat, ang isang saradong pinto na may karatulang “do-not-disturb” ay maaaring unawain ng isa’t isa na nagpapahiwatig ng isang pribadong dako o panahon para sa taong nasa loob.
Kung ang silid ay walang pinto, ang isang nabibitbit na iskrin o isang partisyon ay maaaring magsilbi sa layuning iyon. Ang mataktikang paalaala ay baka angkop kung ang pangangailangang makapagsarili ay di-sinasadyang nagambala. Ang punto ay, ang pangangailangan ng isa na makapagsarili ay dapat igalang ng lahat sa pamilya.
Isang Pribilehiyo
Tandaan na bagaman ang anumang paghina sa kalusugan ng iyong mga magulang ay nagdudulot sa iyo ng kirot, nais ng ating Maylikha, si Jehova, na maranasan natin ang kagalakan kahit na tayo ay dumaranas ng mahihirap na kalagayan. Ito ay maaari ring tumulong sa iyo na maging malapit kay Jehova habang ikaw ay may pananalanging umaasa sa kaniya. Ganito ang pagkakasabi ng isang tagapag-alaga: “Ako’y laging malapit kay Jehova, subalit ang pag-aalaga ay nagturo sa akin ng lubusang pagtitiwala sa kaniya. Ito’y gaya ng kaibhan sa pagitan ng isang long distance na tawag sa telepono at ng pagkanaroroon mismo ng tao na kasama mo. Si Jehova ay naroroon at kasama ko.”
Ang pag-aalaga ay isang pribilehiyo at isa ring tungkulin. Makipag-usap sa iyong mga magulang upang malaman mo ang kanilang mga kailangan. Paglaanan mo sila, at panatilihin ang kagalakan sa paggawa niyaon.—Filipos 4:4-7; 1 Pedro 5:7.
[Kahon sa pahina 7]
Ginagawang Kalugud-lugod ang Pag-aalaga
1. Karaniwang ang nais ng mga magulang mula sa kanilang adultong mga anak ay ang may kalidad na pakikitungo. Ito’y humihiling ng pagiging malapit sa iyong mga magulang at pagsisiwalat ng mahahalagang aspekto ng iyong sarili. Ito’y maaaring maging mahirap sa isang magulang/adultong-anak na kaugnayan. Ang anumang humahatol na saloobin sa magkabilang panig ay magiging isang hadlang. Ang gayong mga saloobin ay dapat iwaksi upang magkaroon ng matalik na ugnayan.
2. Kung ang isa sa iyong mga magulang ay nagsasabi sa iyo ng isang problema o pagkabalisa, makinig na may empatiya. Ang mga sagot na minamaliit ang kanilang mga damdamin ay maaaring magpasidhi ng negatibong mga damdamin na gaya ng: ‘Oh, hindi naman po ganiyang kasamâ’ o ‘Alam ko po, ganiyan din ang nangyayari sa akin.’ Ikaw ay magiging mas mabisa kung sisikapin mong kilalanin ang dahilan kung bakit gayon ang nadarama ng iyong mga magulang, saka kilalanin at makibahagi rito (‘Tila nahihirapan kayo ngayon, ngunit lutasin natin ito na magkasama’).—Kawikaan 20:5.
3. Kung ikaw ang asawa ng pangunahing tagapag-alaga, umalalay sa pisikal at emosyonal. Makipag-usap sa iyong kabiyak; kung hindi ay magkakaroon ng mga di-pagkakaunawaan. Ang alalay ng kabiyak ay mahalaga. Isang ginang ang nanangis na ang kawalan ng alalay mula sa kaniyang pamilya ay “mas mahirap pakitunguhan kaysa pag-aalaga mismo sa [kaniyang] ina.” Sa kabilang dako, taimtim niyang pinahahalagahan ang tulong ng isang kaibigan na paminsan-minsan ay humahalili sa kaniya. Sabi niya: “Naantig ang puso ko nang siya’y nag-alok ng tulong. Napakahalaga niyaon sa akin, at ako’y lalong napalapit sa kaniya.”
[Kahon sa pahina 10]
Kung Ikaw ay Inaarugâ
Maaaring ikaw ang inaarugâ. Ano ang magagawa mo upang tulungang mapanatili ang isang timbang at mapayapang kaugnayan sa iyong mga anak?
Ang ilang magulang ay nagkakamali sa pagsisikap na pangasiwaan ang mga bagay-bagay sa pamamagitan ng pakikipagtalo, pakikialam, o pangongonsensiya. Malamang na batid mong ito’y nagbubunga lamang ng kaunting pangangasiwa at higit na kaigtingan. Mas mabuti ang mga resulta kung ipakikita mo sa iyong adultong mga anak na iginagalang mo sila, ang personal na mga bagay sa kanilang buhay, at ang kanilang mga punto de vista, kahit na kung hindi ka sang-ayon. Ang regular na pagpuri sa inyong mga anak ay mabisa. Sabi ng isang adultong anak: “Nais ng isang bata ang pagsang-ayon ng kaniyang mga magulang sa mga bagay anumang edad niya.”
Sa gayong kapaligiran ng pag-ibig at paggalang, ipakipag-usap ang iyong mga pangangailangan sa iyong mga anak. Ang mga pahiwatig at mga implikasyon ay kadalasang mas nakapipinsala kaysa nakabubuti, kaya maging tuwiran, ngunit mabait. Kahit na kung ikaw at ang iyong mga anak ay hindi sang-ayon sa isang punto, ang iyong pagiging mataktika ay makatutulong sa isang malapit at matapat na kaugnayan na walang di-pagkakaunawaan.
[Mga larawan sa pahina 8, 9]
Sa pag-aarugâ sa iyong mga magulang, maglaan din ng panahon para sa iyong kabiyak, sa iyong mga anak, at sa iyong sarili
-