-
Ang Lason ng Korapsiyon sa GobyernoAng Bantayan—2015 | Enero 1
-
-
TAMPOK NA PAKSA | ISANG GOBYERNO NA WALANG KORAPSIYON
Ang Lason ng Korapsiyon sa Gobyerno
Ang korapsiyon sa gobyerno ay ang pag-abuso ng kapangyarihan para sa sariling kapakinabangan. Matagal na ang ganiyang pag-abuso. Halimbawa, may batas sa Bibliya laban sa panunuhol sa hudisyal na mga kaso. Ipinakikita nito na laganap na ang korapsiyon noon pang nakalipas na mahigit 3,500 taon. (Exodo 23:8) Siyempre, ang korapsiyon ay hindi lang basta pagtanggap ng suhol. Sinasamantala kung minsan ng tiwaling mga opisyal ang mga serbisyo na hindi naman para sa kanila, o ninanakaw pa nga ang pondo. Ginagamit din nila ang kanilang posisyon para paboran ang kanilang mga kaibigan at kamag-anak.
Bagaman puwedeng magkaroon ng korapsiyon sa anumang organisasyon ng tao, mukhang pinakagrabe ang korapsiyon sa gobyerno. Iniulat ng 2013 Global Corruption Barometer, inilathala ng Transparency International, na iniisip ng mga tao sa buong mundo na ang lima sa pinakatiwaling institusyon ay mga partido sa politika, pulisya, opisyal ng bayan, batasan, at ang hukuman. Tingnan ang ilang ulat tungkol sa problemang ito.
APRIKA: Noong 2013, mga 22,000 opisyal ng bayan sa Timog Aprika ang kinasuhan dahil sa korapsiyon.
TIMOG AMERIKA: Noong 2012, sa Brazil, may 25 nakulong dahil sa paggamit ng pondo ng bayan para bumili ng boto. Kasama rito ang chief of staff ng dating presidente, ang ikalawa sa pinakamakapangyarihang tao sa bansa.
ASIA: Noong 1995, sa Seoul, South Korea, 502 ang namatay nang bumagsak ang isang department store. Nalaman ng mga imbestigador na nasuhulan ang mga opisyal ng lunsod para payagan ang mga kontratista na gumamit ng mahinang timpla ng semento at lumabag sa pamantayang pangkaligtasan.
EUROPA: “Nakakagulat ang lawak ng problema [korapsiyon sa Europa],” ayon kay Commissioner Cecilia Malmström ng European Commission Home Affairs. Idinagdag pa niya na “parang wala namang determinasyon ang mga politiko na alisin ang korapsiyon.”
Napakalalim ng pagkakaugat ng korapsiyon sa gobyerno. Isinulat ni Professor Susan Rose-Ackerman, isang eksperto sa paksa laban sa korapsiyon, na ang reporma ay mangangailangan ng “malaking pagbabago sa pamamalakad ng gobyerno.” Kahit mukhang wala nang pag-asa ang kalagayan, ipinakikita ng Bibliya na hindi lang posible na magkaroon ng mas malalaking pagbabago, kundi tiyak din na mangyayari ito.
-
-
Kaharian ng Diyos—Isang Gobyerno na Walang KorapsiyonAng Bantayan—2015 | Enero 1
-
-
TAMPOK NA PAKSA | ISANG GOBYERNO NA WALANG KORAPSIYON
Kaharian ng Diyos—Isang Gobyerno na Walang Korapsiyon
“Sa katapus-tapusan, ang mga opisyal ng bayan ay mga mamamayan pa rin at tayong lahat ay produkto ng lipunan.” Ganiyan ang sinabi ng chief auditor ng Nicaragua nang ipinaliliwanag niya kung bakit iniisip niyang imposibleng maalis ang korapsiyon sa gobyerno.
Sang-ayon ka ba na kung tiwali ang lipunan ng tao, anumang gobyerno na bahagi nito ay magiging tiwali rin? Kung gayon, tiyak na hindi manggagaling sa lipunan ng tao ang isang gobyerno na walang korapsiyon. Ganiyang-ganiyan ang inilalarawan ng Bibliya na gobyerno—ang Kaharian ng Diyos, ang gobyerno na itinuro ni Jesus na ipanalangin ng kaniyang mga tagasunod.—Mateo 6:9, 10.
Ang Kaharian ng Diyos ay isang tunay na gobyerno na namamahala mula sa langit. Ito ang papalit sa lahat ng gobyerno ng tao. (Awit 2:8, 9; Apocalipsis 16:14; 19:19-21) Kabilang sa mga pagpapala ng Kaharian para sa mga tao ay ang pag-alis ng korapsiyon sa gobyerno. Tingnan ang anim na aspekto ng Kaharian na tumitiyak nito.
1. KAPANGYARIHAN
PROBLEMA: Ang pondo ng mga gobyerno ng tao ay mula sa mga mamamayan nito na karaniwan nang galing sa mga buwis. Dahil sa pumapasok na perang ito, natutuksong magnakaw ang ilang opisyal, ang iba naman ay tumatanggap ng suhol sa mga taong gustong mabawasan ang kanilang ibinabayad na buwis o iba pang bayarin sa gobyerno. Maaari itong humantong sa walang-katapusang problema—tinataasan ng gobyerno ang buwis para makabawi, na pagmumulan naman ng higit pang korapsiyon. Sa ganitong kalagayan, posibleng ang mga tapat ang higit na magdurusa.
SOLUSYON: Ang kapangyarihan ng Kaharian ng Diyos ay mula kay Jehova, ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.a (Apocalipsis 11:15) Hindi nito kailangang mangolekta ng buwis. Sa halip, dahil sa “kapangyarihan” ng Diyos at sa kaniyang pagkabukas-palad, tiyak na saganang ilalaan ng Kaharian ang pangangailangan ng lahat ng sakop nito.—Isaias 40:26; Awit 145:16.
2. TAGAPAMAHALA
PROBLEMA: Ang pagsisikap na alisin ang korapsiyon ay “dapat magsimula sa taas,” ang sabi ni Susan Rose-Ackerman, na binanggit sa naunang artikulo. Nawawalan ng kredibilidad ang mga gobyerno kapag sinisikap nitong alisin ang korapsiyon sa pulisya o mga opisyal ng customs pero kinukunsinti naman ang katiwalian ng matataas na opisyal. At kahit na ang pinakamatuwid na tagapamahalang tao ay nagkakamali rin. Gaya ng sinasabi ng Bibliya, “walang taong matuwid sa lupa na patuloy na gumagawa ng mabuti.”—Eclesiastes 7:20.
Tinanggihan ni Jesus ang pinakamalaking suhol
SOLUSYON: Si Jesu-Kristo, na pinili ng Diyos para maging Tagapamahala ng Kaharian, ay hindi maaaring matuksong gumawa ng masama di-gaya ng makasalanang mga tao. Ipinakita ito ni Jesus nang tanggihan niya ang pinakamalaking suhol—“ang lahat ng mga kaharian ng sanlibutan at ang kanilang kaluwalhatian.” Ito ang ipinangako kay Jesus kapalit ng isang gawa ng huwad na pagsamba sa tagapamahala ng mundo, ang Diyablo. (Mateo 4:8-10; Juan 14:30) Kahit na nang pahirapan si Jesus hanggang kamatayan, determinado siyang manatiling tapat anupat tinanggihan ang ipinaiinom sa kaniya na magtatanggal nga sa kirot pero maaari naman siyang mawalan ng kontrol sa sarili. (Mateo 27:34) Binuhay-muli ng Diyos si Jesus tungo sa langit. At napatunayan na niyang lubusan siyang kuwalipikado na mamahala sa Kaharian.—Filipos 2:8-11.
3. KATATAGAN
PROBLEMA: Regular ang mga eleksiyon sa maraming bansa, kung kailan mapaaalis daw ng mga botante ang tiwaling mga opisyal na nasa puwesto. Pero sa totoo lang, sa panahon ng mga kampanya at eleksiyon, mas malamang na magkaroon ng korapsiyon, kahit sa tinatawag na mauunlad na bansa. Dahil sa donasyon para sa kampanya at iba pang ginagawa ng mayayaman, naiimpluwensiyahan nila ang nakaupo at ang susunod na manunungkulan sa gobyerno.
Isinulat ni Judge John Paul Stevens ng Korte Suprema ng Estados Unidos na ang gayong impluwensiya ay nagbabanta “hindi lang sa kalidad at pagiging nararapat ng Gobyerno kundi sa tiwala rin dito ng bayan.” Kaya hindi kataka-taka na iniisip ng maraming tao sa buong daigdig na ang mga partido sa politika ang pinakatiwali sa lahat ng institusyon.
SOLUSYON: Matatag at permanente ang pamamahala ng Kaharian ng Diyos kaya hindi na magkakaroon ng mga pandaraya sa kampanya o sa eleksiyon. (Daniel 7:13, 14) Yamang Diyos ang pumili sa Tagapamahala nito, ang Kaharian ay hindi nakadepende sa mga boto ng tao at hindi rin maaaring pabagsakin. Dahil sa katatagan nito, tiyak na ang lahat ng gagawin nito ay para sa ikabubuti ng tao.
4. BATAS
Ang Kaharian ng Diyos ay isang tunay na gobyerno na namamahala mula sa langit
PROBLEMA: Sa unang tingin, parang makatutulong ang paggawa ng bagong mga batas. Pero nakita ng mga eksperto na ang pagdaragdag ng mga batas ay kadalasang nagiging daan lang sa higit pang korapsiyon. Isa pa, kadalasan nang napakalaki ng gastos sa pagpapatupad ng mga batas para bawasan ang korapsiyon, pero wala namang gaanong nagagawa.
SOLUSYON: Ang mga batas ng Kaharian ng Diyos ay lubhang nakahihigit sa mga batas ng gobyerno ng tao. Halimbawa, sa halip na gumawa si Jesus ng mahabang listahan ng mga dapat at di-dapat gawin, ibinigay niya ang karaniwang tinatawag na Gintong Aral. Sinabi niya: “Lahat ng mga bagay, kung gayon, na ibig ninyong gawin ng mga tao sa inyo, gayundin ang dapat ninyong gawin sa kanila.” (Mateo 7:12) Kapansin-pansin, ang mga batas ng Kaharian ay nakapokus sa motibo at pagkilos. “Iibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili,” ang sabi ni Jesus. (Mateo 22:39) Siyempre pa, ang Diyos, na nakababasa ng puso, ang kayang magpatupad ng gayong mga utos.—1 Samuel 16:7.
5. MOTIBO
PROBLEMA: Kasakiman at pansariling interes ang ugat ng korapsiyon. Kadalasan nang ganiyan ang ugali ng mga opisyal ng gobyerno at ng mga mamamayan. Sa bumagsak na department store sa Seoul na binanggit sa naunang artikulo, tumanggap ng suhol ang mga opisyal ng gobyerno mula sa mga kontratista. Alam ng mga ito na makatitipid sila kung magbibigay sila ng suhol sa halip na gumamit ng tamang materyales at sumunod sa pamantayan ng pagtatayo.
Kaya para maalis ang korapsiyon, kailangang maturuan ang mga tao na madaig ang kasakiman at pagkamakasarili. Gayunman, walang pagnanais at kakayahan ang mga gobyerno ng tao na ipatupad ang ganitong uri ng pagtuturo.
SOLUSYON: Lulutasin ng Kaharian ng Diyos ang pinakaugat ng korapsiyon sa pamamagitan ng pagtuturo sa mga tao kung paano madaraig ang masasamang motibo na sanhi nito.b Ang pagtuturo na ito ay tutulong para “magbago [sila] sa puwersa na nagpapakilos sa [kanilang] pag-iisip.” (Efeso 4:23) Natututuhan nilang maging kontento at magpakita ng interes sa iba sa halip na maging sakim at makasarili.—Filipos 2:4; 1 Timoteo 6:6.
6. SAKOP
PROBLEMA: Kahit sa pinakamagandang kalagayan at pagtuturo sa moral, may mga tao pa rin na pipiliing maging di-tapat at tiwali. Inaamin ng mga eksperto na iyan ang dahilan kung bakit hindi maalis ng mga gobyerno ng tao ang korapsiyon. Ang tanging maasahan na lang ay mabawasan ang korapsiyon at ang pinsala nito.
SOLUSYON: Sinabi ng United Nations Convention Against Corruption na para malabanan ang korapsiyon, dapat itaguyod ng mga gobyerno ang “integridad, katapatan, at pagiging responsable.” Bagaman magandang tunguhin ito, higit pa sa pagtataguyod ng mga katangiang ito ang ginagawa ng Kaharian ng Diyos—hinihiling ito sa mga sakop nito. Ayon sa Bibliya, ang “mga taong sakim” at “sinungaling” ay hindi magmamana ng Kaharian.—1 Corinto 6:9-11; Apocalipsis 21:8.
Matututuhan ng mga tao na sumunod sa matataas na pamantayang moral na ito, at nagawa na ito ng unang mga Kristiyano. Halimbawa, noong subukan ng alagad na si Simon na bumili ng banal na espiritu mula sa mga apostol, hindi nila tinanggap ang suhol at sinabi sa kaniya: “Pagsisihan mo ang kasamaan mong ito.” Nang makita ni Simon ang panganib ng kaniyang maling pagnanasa, hiniling niya sa mga apostol na ipanalangin siya para madaig niya ito.—Gawa 8:18-24.
KUNG PAANO MAGIGING SAKOP NG KAHARIAN
Anuman ang nasyonalidad mo, puwede kang maging sakop ng Kaharian ng Diyos. (Gawa 10:34, 35) Paano? Malalaman mo ito sa iniaalok ng Kaharian na programa ng pagtuturo na ginagawa na ngayon sa buong mundo. Matutuwa ang mga Saksi ni Jehova na ipakita sa iyo kung paano ginagawa ang libreng pag-aaral sa Bibliya sa inyong bahay, kahit mga 10 minuto lang sa isang linggo. Matututo ka rin nang higit pa tungkol sa “mabuting balita ng kaharian ng Diyos,” at kung paano nito aalisin ang korapsiyon sa gobyerno. (Lucas 4:43) Maaari kang makipag-usap sa mga Saksi sa inyong lugar o magpunta sa aming website na jw.org.
Gusto mo ba ng isang libreng pag-aaral sa Bibliya sa inyong bahay?
a Jehova ang pangalan ng Diyos gaya ng sinasabi sa Bibliya.
b Halimbawa, tingnan ang artikulong “Posible Bang Maging Tapat sa Isang Tiwaling Daigdig?” sa Ang Bantayan, Oktubre 1, 2012.
-