-
Kabalisahan Saanman!Ang Bantayan—2015 | Hulyo 1
-
-
TAMPOK NA PAKSA | PAANO MO HAHARAPIN ANG KABALISAHAN?
Kabalisahan Saanman!
“Bibili ako ng pagkain, pero cookies lang ang nakita ko—grabe, 10,000 ulit ang itinaas ng presyo! Kinabukasan, wala nang pagkain sa mga tindahan.”—Paul, Zimbabwe.
“Kinausap ako ng mister ko at sinabing iiwan na niya kami. Napakasakit nito sa akin. Paano na ang mga anak ko?”—Janet, Estados Unidos.
“Kapag tumunog na ang sirena, nagtatago ako at dumadapa sa sahig habang sumasabog ang mga bomba. Makalipas ang ilang oras, nanginginig pa rin ang mga kamay ko.”—Alona, Israel.
Nabubuhay tayo sa panahon ng kabalisahan, “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan.” (2 Timoteo 3:1) Marami ang aburido dahil sa krisis sa pananalapi, pagkawasak ng pamilya, digmaan, pagkalat ng nakamamatay na sakit, at likas o gawang-tao na mga sakuna. Idagdag pa rito ang personal na mga álalahanín: ‘Kanser kaya ang nakapa kong bukol sa aking katawan?’ ‘Ano kayang uri ng daigdig ang kalalakhan ng mga apo ko?’
Normal lang naman ang mabalisa. Nababalisa tayo kapag may eksam, pagtatanghal, o interbyu sa trabaho. Dahil takót tayo sa panganib, nakaiiwas tayo sa pinsala. Pero hindi mabuti ang labis o laging pagkabalisa. Ipinakikita ng sunod-sunod na pag-aaral kamakailan sa mahigit 68,000 adulto na kahit ang bahagyang pagkabalisa ay maaaring maging sanhi ng maagang pagkamatay. Nagtanong si Jesus: “Sino sa inyo ang sa pagkabalisa ay makapagdaragdag ng isang siko sa haba ng kaniyang buhay?” Oo, ang pag-aalalá ay hindi nagpapahaba ng buhay. Kaya nagpayo si Jesus: “Huwag na kayong mabalisa.” (Mateo 6:25, 27) Posible ba iyon?
Ang sagot ay nasa pagsunod sa praktikal na karunungan, paglilinang ng tunay na pananampalataya sa Diyos, at pagkakaroon ng maaasahang pag-asa sa hinaharap. Kahit wala tayong nararanasang mahihirap na kalagayan sa ngayon, baka maranasan natin ito sa hinaharap. Tingnan natin kung paano nakatulong kina Paul, Janet, at Alona ang mga hakbang na ito para maharap nila ang kabalisahan.
-
-
Pagkabalisa sa PeraAng Bantayan—2015 | Hulyo 1
-
-
TAMPOK NA PAKSA | PAANO MO HAHARAPIN ANG KABALISAHAN?
Pagkabalisa sa Pera
“Nang magkaroon ng matinding implasyon sa aming bansa, naging napakamahal ng pagkain at halos wala ka nang mabili,” ang sabi ni Paul, may asawa at dalawang anak. “Ilang oras kaming pumipila, pero kadalasang ubos na ang pagkain pagdating sa amin. Nangayayat nang husto ang mga tao dahil sa gutom, at ang ilan ay nabubuwal sa lansangan. Ang presyo ng bilihin ay naging milyon, pagkatapos, naging bilyon. Nawalan na ng halaga ang pera, pati ang ipon ko sa bangko, insurance, at pensiyon.”
Paul
Alam ni Paul na kailangan niya ng “praktikal na karunungan” para mabuhay ang kaniyang pamilya. (Kawikaan 3:21) “Isa akong kontratista sa elektrikal, pero tinanggap ko ang anumang trabahong makikita ko, kahit mas mababa ang sahod,” ang sabi niya. “Pagkain o mga gamit sa bahay ang ibinayad sa akin ng ilan. Kapag apat na baretang sabon ang ibinayad sa akin, gagamitin namin ang dalawa at ibebenta ang iba. Mula rito, nakabili ako ng 40 sisiw. Nang lumaki na ang mga sisiw, ibinenta ko ang mga ito at bumili ng 300 pa. Nang maglaon, ibinarter ko ang 50 manok para sa dalawang sako ng giniling na mais na tig-50 kilo. Ito ang ipinakain ko sa aking pamilya at sa iba pang pamilya sa loob ng mahabang panahon.”
Alam din ni Paul na ang pinakapraktikal na magagawa ng isa ay ang magtiwala sa Diyos. Kapag sinusunod natin ang utos ng Diyos, tinutulungan niya tayo. Kung tungkol sa pagkakaroon ng mga pangangailangan sa buhay, sinabi ni Jesus: “Tigilan na ninyo ang labis na pagkabalisa; sapagkat . . . nalalaman ng inyong Ama na kailangan ninyo ang mga bagay na ito.”—Lucas 12:29-31.
Nakalulungkot, dinaya ng pangunahing kaaway ng Diyos, si Satanas, ang karamihan ng tao na magpokus sa materyal na mga bagay. Ang mga tao ay lubhang nababahala sa kanilang mga pangangailangan, totoo man iyon o nasa isip lang, at nagpupursiging makuha ang mga bagay na hindi naman talaga nila kailangan. Marami ang nababaon sa utang at natututuhan ang masaklap na katotohanang “ang nanghihiram ay lingkod ng taong nagpapahiram.”—Kawikaan 22:7.
Ang ilan ay gumagawa ng maling mga desisyon. “Iniwan ng mga kapitbahay ko ang kanilang pamilya at mga kaibigan para maghanap ng mas magandang trabaho sa ibang bansa,” ang sabi ni Paul. “Ang ilan ay nangibang-bansa nang walang legal na mga papeles kaya hindi sila nakakuha ng trabaho. Tago sila nang tago sa mga pulis at natutulog sa mga bangketa. Hindi nila binigyan ang Diyos ng pagkakataong tulungan sila. Pero naipasiya namin na sama-samang harapin bilang pamilya ang problema sa pera, sa tulong ng Diyos.”
PAGSUNOD SA PAYO NI JESUS
Idinagdag pa ni Paul: “Sinabi ni Jesus: ‘Huwag kayong mabalisa tungkol sa susunod na araw, sapagkat ang susunod na araw ay magkakaroon ng sarili nitong mga kabalisahan. Sapat na para sa bawat araw ang sarili nitong kasamaan.’ Kaya dalangin ko sa araw-araw na ‘bigyan kami ng Diyos ng aming tinapay sa araw na ito’ para kami mabuhay. At talagang tumulong siya, gaya ng ipinangako ni Jesus. Hindi namin laging nakukuha ang gusto namin. Minsan, pumila ako para sa pagkain nang hindi nalalaman kung ano ang ipinagbibili. Nang ako na ang bibili, nakita kong yogurt pala ito. Ayaw ko ng yogurt, pero pagkain din ito. Kaya yogurt ang kinain namin nang gabing iyon. Nagpapasalamat ako sa Diyos na sa buong panahong iyon, hindi kailanman natulog nang gutóm ang pamilya ko.” a
Ang Diyos ay nangako: “Hindi kita sa anumang paraan iiwan ni sa anumang paraan ay pababayaan.”—Hebreo 13:5
“Sa ngayon, ayos naman kami sa pinansiyal. Pero natutuhan namin mula sa aming naranasan na ang pagtitiwala sa Diyos ang pinakamabisang panlaban sa kabalisahan. Lagi tayong tutulungan ni Jehovab kung patuloy nating gagawin ang kalooban niya. Naging totoo sa amin ang Awit 34:8: ‘Tikman ninyo at tingnan na si Jehova ay mabuti; maligaya ang matipunong lalaki na nanganganlong sa kaniya.’ Kaya naman hindi kami natatakot kung magkaproblema kami muli sa pinansiyal.
Tinutulungan ng Diyos ang mga tapat na magkaroon ng “tinapay para sa araw na ito”
“Malinaw na sa amin ngayon na ang kailangan ng tao para mabuhay ay hindi trabaho o pera, kundi pagkain. Pinananabikan namin ang panahon kapag natupad na ang pangako ng Diyos: ‘Magkakaroon ng saganang butil sa lupa.’ Samantala, ‘sa pagkakaroon ng pagkain at pananamit, magiging kontento na tayo sa mga bagay na ito.’ Humuhugot kami ng lakas sa sinasabi ng Bibliya: ‘Maging malaya nawa mula sa pag-ibig sa salapi ang inyong paraan ng pamumuhay, habang kayo ay kontento na sa mga bagay sa kasalukuyan. Sapagkat kaniyang sinabi: “Hindi kita sa anumang paraan iiwan ni sa anumang paraan ay pababayaan.” Anupat tayo ay magkaroon ng lakas ng loob at magsabi: “Si Jehova ang aking katulong; hindi ako matatakot.”’”c
Kailangan ang tunay na pananampalataya para ‘lumakad na kasama ng Diyos’ gaya ng ginagawa ni Paul at ng kaniyang pamilya. (Genesis 6:9) Gipit man tayo sa pera ngayon o magipit sa hinaharap, matututo tayo mula sa pananampalataya at praktikal na karunungan ni Paul.
Pero paano naman kung ang problema sa pamilya ang dahilan ng ating kabalisahan?
a Tingnan ang Mateo 6:11, 34.
b Jehova ang pangalan ng Diyos gaya ng sinasabi sa Bibliya.
c Tingnan ang Awit 72:16; 1 Timoteo 6:8; Hebreo 13:5, 6.
-
-
Pagkabalisa sa PamilyaAng Bantayan—2015 | Hulyo 1
-
-
TAMPOK NA PAKSA | PAANO MO HAHARAPIN ANG KABALISAHAN?
Pagkabalisa sa Pamilya
“Hindi pa natatagalan pagkamatay ng tatay ko, sinabi sa akin ng mister ko na may iba siyang babae,” ang sabi ni Janet. “Pagkatapos, bigla na lang niyang hinakot ang lahat ng damit niya at iniwan ako at ang aming dalawang anak.” Nakahanap ng trabaho si Janet, pero kulang pang pambayad sa bahay ang sahod niya. At hindi lang pinansiyal ang naging problema niya. “Parang hindi ko kakayanin ang lahat ng pananagutang kinakaharap kong mag-isa ngayon,” ang naaalaala niya. “Nakokonsensiya ako na hindi ko mapaglaanan ang pangangailangan ng mga anak ko na gaya ng ginagawa ng ibang magulang. At kahit ngayon, nag-aalala ako kung ano ang tingin ng iba sa akin at sa aking mga anak. Iniisip kaya nila kung ginawa ko ba ang lahat para maisalba ang aming pagsasama?”
Janet
Nakatulong kay Janet ang panalangin para makontrol ang kaniyang damdamin at magkaroon ng malapít na kaugnayan sa Diyos. “Pinakamahirap sa akin kung gabi, kapag ang lahat ay napakatahimik at hindi ko mapigilang mag-alala. Nakatulong sa akin ang pananalangin at pagbabasa ng Bibliya para makatulog. Paborito kong teksto ang Filipos 4:6, 7: ‘Huwag kayong mabalisa sa anumang bagay, kundi sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo na may kasamang pasasalamat ay ipaalam ang inyong mga pakiusap sa Diyos; at ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan ay magbabantay sa inyong mga puso at sa inyong mga kakayahang pangkaisipan.’ Maraming gabi ang ginugol ko sa pananalangin at naaliw ako ng kapayapaan mula kay Jehova.”
Ang nakapagpapatibay na pananalita ni Jesus tungkol sa panalangin, sa kaniyang Sermon sa Bundok, ay kapit sa lahat ng uri ng kabalisahan: “Nalalaman ng . . . inyong Ama kung anong mga bagay ang kinakailangan ninyo bago pa man ninyo hingin sa kaniya.” (Mateo 6:8) At kailangan nating humingi sa kaniya. Ang panalangin ang pangunahing paraan para ‘makalapit tayo sa Diyos.’ Ano ang resulta kung gagawin natin iyon? “Lalapit siya sa inyo.”—Santiago 4:8.
Oo, sa panalangin, hindi lang bumubuti ang ating pakiramdam dahil nasasabi natin ang ating kabalisahan. Kumikilos din si Jehova, ang “Dumirinig ng panalangin,” alang-alang sa lahat ng humahanap sa kaniya sa pananampalataya. (Awit 65:2) Kaya tinuruan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na “lagi silang manalangin at huwag manghimagod.” (Lucas 18:1) Dapat na patuloy nating hilingin ang patnubay at tulong ng Diyos, na nagtitiwalang gagantimpalaan niya ang ating pananampalataya. Hindi natin dapat pagdudahan ang kaniyang pagnanais o kakayahang kumilos. Kung ‘mananalangin tayo nang walang lubay,’ ipinakikita natin na mayroon tayong tunay na pananampalataya.—1 Tesalonica 5:17.
ANG PAGKAKAROON NG TUNAY NA PANANAMPALATAYA
Ano ba talaga ang pananampalataya? Sangkot dito ang “pagkuha ng kaalaman” tungkol sa Diyos, o pagkilala sa kaniya bilang isang persona. (Juan 17:3) Magagawa natin iyan kung aalamin muna natin ang kaisipan ng Diyos sa pamamagitan ng Bibliya. Natutuhan natin na nakikita niya ang bawat isa sa atin at gusto niya tayong tulungan. Pero ang tunay na pananampalataya ay higit pa sa basta pag-alam ng ilang bagay tungkol sa Diyos. Nangangahulugan din ito ng matalik na pakikipagkaibigan sa kaniya. Gaya ng pakikipagkaibigan sa isang tao, hindi ito maaaring mabuo nang magdamag. Patuloy na ‘lumalago’ ang ating pananampalataya sa paglipas ng panahon habang natututo tayo nang higit tungkol sa kaniya, habang ating “ginagawa ang mga bagay na kalugud-lugod sa kaniya,” at habang nararanasan natin ang tulong niya. (2 Corinto 10:15; Juan 8:29) Iyan ang uri ng pananampalataya na nakatulong kay Janet na maharap ang mga kabalisahan.
“Talagang napatibay ang pananampalataya ko dahil sa pag-alalay sa akin ni Jehova,” ang sabi ni Janet. “Madalas naming maranasan ang kawalang-katarungan na waring imposibleng malutas. Sa tulong ng panalangin, laging gumagawa si Jehova ng daang malalabasan namin na hindi ko magagawa kung sa sarili ko lang. Kapag nagpapasalamat ako sa kaniya, ipinaaalaala nito sa akin na napakarami niyang ginawa para sa akin. Lagi niya kaming tinutulungan sa tamang panahon. At binigyan niya ako ng tunay na mga kaibigang Kristiyano. Lagi silang nariyan para tumulong sa akin at mabuting halimbawa sila sa aking mga anak.”a
“Alam ko kung bakit sinabi ni Jehova sa Malakias 2:16: ‘Kinapopootan ko ang pagdidiborsiyo.’ Para sa asawang pinagtaksilan, napakasakit nito. Mga taon na ang lumipas buhat nang iwan ako ng mister ko, pero kung minsan nakadarama pa rin ako ng lungkot at kawalang-halaga. Kapag gayon ang nadarama ko, sinisikap kong tumulong sa iba, na nakatutulong din sa akin.” Kaya sa pagsunod sa simulain ng Bibliya na iwasang ibukod ang sarili, nabawasan ni Janet ang kaniyang kabalisahan.b—Kawikaan 18:1.
Ang Diyos ay “ama ng mga batang lalaking walang ama at [tagapagtanggol] ng mga babaing balo.”—Awit 68:5
“Sinabi ni Janet: “Malaking kaaliwan sa akin ang pagkaalam na ang Diyos ay ‘ama ng mga batang lalaking walang ama at [tagapagtanggol] ng mga babaing balo.’ Hinding-hindi niya tayo iiwan gaya ng ginawa sa akin ng asawa ko.” (Awit 68:5) Alam ni Janet na hindi tayo sinusubok ng Diyos sa “masasamang bagay.” Sa kabaligtaran, siya ay “saganang nagbibigay sa lahat” ng karunungan at “lakas na higit sa karaniwan” para maharap natin ang ating mga kabalisahan.—Santiago 1:5, 13; 2 Corinto 4:7.
Pero paano naman kung nababalisa tayo dahil nanganganib ang ating buhay?
a Tingnan ang 1 Corinto 10:13; Hebreo 4:16.
b Para sa iba pang praktikal na paraan kung paano haharapin ang kabalisahan, tingnan ang seryeng itinatampok sa pabalat na “Kontrolado Mo Ba ang Iyong Buhay?” sa Gumising! ng Hulyo 2015 na available online sa www.pr418.com/tl.
-
-
Pagkabalisa sa PanganibAng Bantayan—2015 | Hulyo 1
-
-
TAMPOK NA PAKSA | PAANO MO HAHARAPIN ANG KABALISAHAN?
Pagkabalisa sa Panganib
“Kapag tumunog ang sirena, kumakabog ang dibdib ko at tumatakbo ako sa isang bomb shelter,” ang sabi ni Alona. “Pero kahit naroon ako, balisa pa rin ako. Masahol pa kapag nasa labas ako at walang mapagtaguan. Minsan, habang naglalakad sa lansangan, umiyak ako at hindi makahinga. Mga ilang oras din bago ako kumalma. Pagkatapos, tumunog na naman ang sirena.”
Alona
Isa lang ang digmaan sa maraming dahilan ng panganib. Halimbawa, kapag nalaman mo na ikaw o ang isang mahal sa buhay ay may nakamamatay na sakit, para ka ring tinamaan ng bomba. Pagkatakot naman sa hinaharap ang dahilan ng kabalisahan ng iba. Nag-aalala sila, ‘Lálakí kaya ang aming mga anak, o ang kanilang mga anak, sa isang daigdig na may digmaan, krimen, polusyon, pagbabago ng klima, at mga epidemya?’ Paano natin mahaharap ang gayong mga kabalisahan?
Yamang alam nating nangyayari ang masasamang bagay, “ang matalino [ay] nakakakita ng kapahamakan [at] nagkukubli.” (Kawikaan 27:12) At kung paanong sinisikap nating ingatan ang ating pisikal na kalusugan, may magagawa rin tayo para ingatan ang ating mental at emosyonal na kalusugan. Nakadaragdag sa kabalisahan natin at ng ating mga anak ang mararahas na libangan, pati na ang mga balitang punô ng nakatatakot na mga larawan. Ang pag-iwas sa mga ito ay hindi naman nangangahulugang ipinipikit natin ang ating mata sa realidad ng buhay. Hindi dinisenyo ng Diyos ang ating isipan para magpokus sa masasamang bagay. Sa halip, dapat nating punuin ito ng “anumang bagay na totoo, . . . matuwid, . . . malinis, . . . kaibig-ibig.” Kung gagawin natin ito, “ang Diyos ng kapayapaan” ay magbibigay sa atin ng kapayapaan ng isip at puso.— Filipos 4:8, 9.
MAHALAGA ANG PANALANGIN
Tinutulungan tayo ng tunay na pananampalataya na maharap ang kabalisahan. Hinihimok tayo ng Bibliya na “maging mapagpuyat may kinalaman sa mga panalangin.” (1 Pedro 4:7) Maaari tayong humingi sa Diyos ng tulong, karunungan, at lakas ng loob para maharap ang anumang sitwasyon, anupat nagtitiwalang “pinakikinggan niya tayo may kinalaman sa anumang ating hinihingi.”—1 Juan 5:15.
Kasama ng kaniyang asawa, si Avi
Ipinaliliwanag ng Bibliya na si Satanas, hindi ang Diyos, ang “tagapamahala ng sanlibutang ito” at na “ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot.” (Juan 12:31; 1 Juan 5:19) Ayon kay Jesus, talagang umiiral si Satanas. Kaya nang turuan niya tayong manalangin, sinabi niya: “Iligtas mo kami mula sa isa na balakyot.” (Mateo 6:13) “Kapag tumunog na ang sirena, humihingi ako ng tulong kay Jehova para maging kalmado,” ang sabi ni Alona. “Tinatawagan din ako ng mahal kong asawa at magkasama kaming nananalangin. Malaking tulong talaga ang panalangin.” Gaya ito ng sinasabi ng Bibliya: “Si Jehova ay malapit sa lahat ng tumatawag sa kaniya, sa lahat ng tumatawag sa kaniya sa katapatan.”—Awit 145:18.
ANG ATING PAG-ASA SA HINAHARAP
Sa kaniyang Sermon sa Bundok, tinuruan ni Jesus ang mga tagasunod niya na manalangin: “Dumating nawa ang iyong kaharian.” (Mateo 6:10) Lubusang aalisin ng Kaharian ng Diyos ang lahat ng nakapipinsalang kabalisahan magpakailanman. Sa pamamagitan ni Jesus, ang “Prinsipe ng Kapayapaan,” wawakasan ng Diyos “ang mga digmaan hanggang sa dulo ng lupa.” (Isaias 9:6; Awit 46:9) “Siya [ang Diyos] ay maggagawad ng kahatulan sa gitna ng maraming bayan . . . Sila ay hindi magtataas ng tabak, bansa laban sa bansa, ni mag-aaral pa man sila ng pakikipagdigma. . . . Walang sinumang magpapanginig sa kanila.” (Mikas 4:3, 4) Ang masasayang pamilya ay “magtatayo . . . ng mga bahay at maninirahan sa mga iyon; at . . . magtatanim sila ng mga ubasan at kakainin ang bunga ng mga iyon.” (Isaias 65:21) “At walang sinumang tumatahan ang magsasabi: ‘Ako ay may sakit.’”—Isaias 33:24.
Sa kabila ng lahat ng pag-iingat ngayon, hindi laging posibleng maiwasan ang “di-inaasahang pangyayari” o ang pagiging nasa maling lugar sa maling panahon. (Eclesiastes 9:11) Sa nakalipas na mga dantaon, ang digmaan, karahasan, at sakit ay patuloy na pumapatay ng mabubuting tao. Ano ang pag-asa para sa mga inosenteng biktimang ito?
Mabubuhay-muli ang milyon-milyon, at ang Diyos lang ang nakaaalam ng bilang nila. Sa ngayon, natutulog sila at nasa alaala ng Diyos, hanggang sa araw na ang “lahat ng nasa mga alaalang libingan ay . . . lalabas.” (Juan 5:28, 29) Tungkol sa pagkabuhay-muli, tinitiyak sa atin ng Bibliya: “Taglay natin ang pag-asang ito bilang angkla para sa kaluluwa, na kapuwa tiyak at matatag.” (Hebreo 6:19) At “naglaan [ang Diyos] ng garantiya sa lahat ng mga tao anupat binuhay niya siyang muli [si Jesus] mula sa mga patay.”—Gawa 17:31.
Sa ngayon, kahit ang mga nagsisikap mapalugdan ang Diyos ay mapapaharap sa mga kabalisahan. Sa pamamagitan ng paggawa ng praktikal na mga hakbang, paglapit sa Diyos sa panalangin, at pagpapatibay ng pananampalataya sa pag-asang inilalaan ng Bibliya para sa hinaharap, matagumpay na nahaharap nina Paul, Janet, at Alona ang kabalisahan. Kung paanong tinulungan sila ng Diyos, “puspusin nawa kayo ng Diyos na nagbibigay ng pag-asa ng buong kagalakan at kapayapaan dahil sa inyong paniniwala.”—Roma 15:13.
-