Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Ano ang Nangyayari Kapag Namatay ang Isa?
    Ang Bantayan—2015 | Agosto 1
    • TAMPOK NA PAKSA | POSIBLE BANG MABUHAY KAPAG NAMATAY NA?

      Ano ang Nangyayari Kapag Namatay ang Isa?

      Mga adulto at bata sa palibot ng kabaong sa isang sementeryo

      “Dati, iniisip ko na tatlong lugar lang ang pupuntahan ng tao kapag namatay: langit, impiyerno, o purgatoryo. Alam kong hindi ako ganoon kabait para pumunta sa langit, pero hindi rin naman ako ganoon kasamâ para mapunta sa impiyerno. Hindi rin malinaw sa akin kung ano ang purgatoryo. Hindi ko ’yon nabasa sa Bibliya. Sabi lang iyon ng mga tao.”—Lionel.

      “Itinuro sa akin na pumupunta sa langit ang lahat ng tao pagkamatay nila, pero hindi ako kumbinsido. Akala ko kamatayan ang wakas ng lahat ng bagay—na wala nang pag-asa para sa mga patay.”—Fernando.

      Naitanong mo na ba: ‘Ano nga ba ang nangyayari kapag namatay ang isa? Pinahihirapan ba sa ibang lugar ang mga namatay nating mahal sa buhay? Makikita pa ba natin silang muli? Paano tayo makatitiyak?’ Pakisuyong pag-isipan kung ano talaga ang itinuturo ng Kasulatan. Una, suriin natin ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa kamatayan. Pagkatapos, talakayin natin ang pag-asang ibinibigay ng Salita ng Diyos, ang Bibliya.

      Ano ang kalagayan ng mga patay?

      ANG SAGOT NG BIBLIYA: “Batid ng mga buháy na sila ay mamamatay; ngunit kung tungkol sa mga patay, sila ay walang anumang kabatiran, ni mayroon pa man silang kabayaran, sapagkat ang alaala sa kanila ay nalimutan. Ang lahat ng masumpungang gawin ng iyong kamay, gawin mo ng iyong buong kapangyarihan, sapagkat walang gawa ni katha man ni kaalaman man ni karunungan man sa Sheol, ang dako na iyong paroroonan.”a—Eclesiastes 9:5, 10.

      Ang Sheol ay isang makasagisag na lugar o kalagayan kung saan wala nang malay o magagawa ang isa, at dito napupunta ang mga namatay. Para sa tapat na lalaking si Job, ano ang Sheol? Sa loob lang ng isang araw, nawala ang lahat ng kaniyang pag-aari at mga anak. Nagkaroon din siya ng napakasakit na mga bukol sa buong katawan. Nakiusap siya sa Diyos: “O ikubli mo nawa ako sa Sheol, [“sa impiyerno,” Catholic Douay Version] na ingatan mo nawa akong lihim.” (Job 1:13-19; 2:7; 14:13) Maliwanag, hindi iniisip ni Job na isang maapoy na impiyerno ang Sheol, kung saan lalo pa siyang pahihirapan. Sa halip, iniisip niyang ito ay isang lugar ng kaginhawahan.

      May isa pang paraan para malaman ang kalagayan ng mga patay. Puwede nating suriin ang mga ulat ng Bibliya tungkol sa walong tao na binuhay-muli.—Tingnan ang kahong “Walong Pagkabuhay-Muli na Nakaulat sa Bibliya.”

      Walang isa man sa walong iyon ang nagkuwento tungkol sa pagpunta sa isang lugar ng kaligayahan o pagpapahirap. Kung nagpunta sila sa gayong lugar nang mamatay sila, hindi kaya nila ikukuwento iyon? At hindi ba ito isasama sa Bibliya para mabasa ng lahat? Walang napaulat na gayon sa Kasulatan. Tiyak na walang masasabi tungkol dito ang walong taong iyon. Bakit? Dahil wala silang malay noon; para silang mahimbing na natutulog. Kung minsan, inilalarawan ng Bibliya ang kamatayan na parang pagtulog. Halimbawa, ang tapat na si David at si Esteban ay parehong “natulog sa kamatayan.”—Gawa 7:60; 13:36.

      Kung gayon, ano ang pag-asa ng mga patay? Puwede ba silang gisingin mula sa pagkakatulog?

      a Ang salitang Hebreo na “Sheol” at ang salitang Griego na “Hades” ay tumutukoy sa libingan ng tao sa pangkalahatan. Ginamit naman ng ilang bersiyon ng Bibliya ang salitang “hell” (o, impiyerno), pero hindi itinuturo ng Kasulatan ang ideya ng maapoy na lugar para pahirapan ang mga patay.

      WALONG PAGKABUHAY-MULI NA NAKAULAT SA BIBLIYAb

      Anak na lalaki ng babaeng balo Binuhay-muli ni propeta Elias ang batang lalaki na anak ng babaeng balo na nakatira sa Zarepat, sa hilaga ng Israel.—1 Hari 17:17-24.

      Batang lalaking Sunamita Binuhay-muli ni propeta Eliseo, na kahalili ni Elias, ang batang lalaki sa bayan ng Sunem at ibinalik ito sa kaniyang mga magulang.—2 Hari 4:32-37.

      Lalaki sa isang libingan Ang bangkay ng isang lalaki na kamamatay lang ay basta na lang inihagis sa libingan kung saan nakalibing si Eliseo. Nang masagi ng katawan nito ang mga buto ng propeta, nabuhay ang lalaki.—2 Hari 13:20, 21.

      Anak na lalaki ng babaeng balo sa Nain Pinahinto ni Jesus ang isang prusisyon sa libing sa labas ng Nain para buhaying muli ang isang kabataang lalaki at ibalik siya sa kaniyang nagdadalamhating ina.—Lucas 7:11-15.

      Anak na babae ni Jairo Nakiusap kay Jesus si Jairo, isang punong opisyal ng sinagoga, na pagalingin ang kaniyang may-sakit na anak. Di-nagtagal matapos mamatay ang bata, binuhay siyang muli ni Jesus.— Lucas 8:41, 42, 49-56.

      Lazaro, mahal na kaibigan ni Jesus Apat na araw nang patay si Lazaro nang buhayin siyang muli ni Jesus sa harap ng ilang nagmamasid.—Juan 11:38-44.

      Dorcas Binuhay-muli ni apostol Pedro ang minamahal na babaeng ito, na nakilala dahil sa kaniyang kabaitan.—Gawa 9:36-42.

      Eutico Namatay ang kabataang lalaking si Eutico nang mahulog ito mula sa mataas na bintana; binuhay siyang muli ni apostol Pablo.—Gawa 20:7-12.

      b Ang pinakamahalagang pagkabuhay-muli—ang pagkabuhay-muli ni Jesu-Kristo—ay ibang-iba sa walong nabanggit, gaya ng ipaliliwanag sa susunod na artikulo.

  • May Pag-asa Ba ang mga Patay?
    Ang Bantayan—2015 | Agosto 1
    • TAMPOK NA PAKSA | POSIBLE BANG MABUHAY KAPAG NAMATAY NA?

      May Pag-asa Ba ang mga Patay?

      Mabubuhay bang muli ang mga patay?

      ANG SAGOT NG BIBLIYA: “Ang oras ay dumarating na ang lahat ng nasa mga alaalang libingan ay makaririnig ng . . . tinig [ni Jesus] at lalabas.”—Juan 5:28, 29.

      Malinaw, inihula ni Jesus na sa ilalim ng kaniyang Kaharian, mawawalan ng laman ang mga libingan. “Namangha ako nang una kong mabasa ang Juan 5:28, 29,” ang sabi ni Fernando, na binanggit sa naunang artikulo. “Nagkaroon ako ng tunay na pag-asa, at naging positibo ang pananaw ko sa hinaharap.”

      Noong sinaunang panahon, ang tapat na lalaking si Job ay umasa na pagkamatay niya, bubuhayin siyang muli ng Diyos. Nagtanong si Job: “Kung ang isang [tao] ay mamatay mabubuhay pa ba siyang muli?” At may pagtitiwala siyang sumagot: “Sa lahat ng mga araw ng aking sapilitang pagpapagal [habang nasa libingan] ay maghihintay ako, hanggang sa dumating ang aking kaginhawahan. Ikaw ay tatawag, at ako ay sasagot sa iyo.”—Job 14:14, 15.

      Ang binuhay-muling si Lazaro na yakap ang kaniyang kapatid

      Ang pagkabuhay-muli ni Lazaro ay nagbibigay sa atin ng pag-asa sa hinaharap

      Ang pagkabuhay-muli ay hindi rin bago kay Marta na kapatid ni Lazaro. Nang mamatay si Lazaro, sinabi ni Jesus kay Marta: “Ang iyong kapatid ay babangon.” Sumagot siya: “Alam kong babangon siya sa pagkabuhay-muli sa huling araw.” Pagkatapos ay sinabi ni Jesus sa kaniya: “Ako ang pagkabuhay-muli at ang buhay. Siya na nananampalataya sa akin, kahit na mamatay siya, ay mabubuhay.” (Juan 11:23-25) Kaagad na binuhay-muli ni Jesus si Lazaro! Ang kapana-panabik na ulat na iyon ay isang patikim ng mas malaking mangyayari sa hinaharap. Isip-isipin ang magaganap na pagkabuhay-muli sa buong mundo!

      May bubuhayin bang muli tungo sa langit?

      ANG SAGOT NG BIBLIYA: Ipinakikita ng Salita ng Diyos na ang pagkabuhay-muli ni Jesus ay naiiba sa walong iba pa na napaulat sa Bibliya. Ang walong iyon ay binuhay-muli dito sa lupa. Pero kung tungkol sa pagkabuhay-muli ni Jesus, mababasa natin: “[Si] Jesu-Kristo . . . ay nasa kanan ng Diyos, sapagkat pumaroon siya sa langit.” (1 Pedro 3:21, 22) May iba pa bang bubuhaying muli tungo sa langit bukod kay Jesus? Ganito ang patiunang sinabi ni Jesus sa kaniyang mga apostol: “Kung ako ay pumaroon at makapaghanda ng dako para sa inyo, ako ay muling darating at tatanggapin ko kayo sa aking sarili, upang kung nasaan ako ay dumoon din kayo.”—Juan 14:3.

      Umakyat sa langit si Kristo at naghanda para sa pagdating ng ilan sa kaniyang mga alagad. Ang bilang ng mga bubuhaying muli tungo sa langit ay aabot nang 144,000. (Apocalipsis 14:1, 3) Pero ano ang gagawin doon ng mga tagasunod ni Jesus?

      Marami silang gagawin! Sinasabi sa atin ng Kasulatan: “Maligaya at banal ang sinumang may bahagi sa unang pagkabuhay-muli; sa mga ito ay walang awtoridad ang ikalawang kamatayan, kundi sila ay magiging mga saserdote ng Diyos at ng Kristo, at mamamahala sila bilang mga hari na kasama niya sa loob ng isang libong taon.” (Apocalipsis 20:6) Ang mga binuhay-muli tungo sa langit ay mamahala sa lupa bilang mga hari at saserdote na kasama ni Kristo.

      Sino ang iba pang bubuhaying muli pagkatapos nila?

      ANG SAGOT NG BIBLIYA: Nakaulat sa kinasihang Kasulatan ang mga pananalitang ito ni apostol Pablo: “Ako ay may pag-asa sa Diyos, na siyang pag-asa na pinanghahawakan din ng mga taong ito, na magkakaroon ng pagkabuhay-muli kapuwa ng mga matuwid at mga di-matuwid.”—Gawa 24:15.

      Sa paraiso sa hinaharap, yakap-yakap ng isang babae ang batang babae na binuhay-muli

      Tinitiyak sa atin ng Salita ng Diyos na bilyon-bilyong namatay ang bubuhaying muli

      Sino-sino ang makakabilang sa mga “matuwid” na binanggit ni Pablo? Isaalang-alang ang isang halimbawa. Sinabi sa tapat na si Daniel bago siya mamatay: “Magpapahinga ka, ngunit tatayo ka para sa iyong kahinatnan sa kawakasan ng mga araw.” (Daniel 12:13) Saan bubuhaying muli si Daniel? “Ang mga matuwid ang magmamay-ari ng lupa, at tatahan sila roon magpakailanman.” (Awit 37:29) At inihula ni Jesus: “Maligaya ang mga mahinahong-loob, yamang mamanahin nila ang lupa.” (Mateo 5:5) Bubuhaying muli si Daniel at ang iba pang tapat na mga tao para muling tumira sa lupa nang walang hanggan.

      Sino-sino naman ang makakabilang sa binanggit ni Pablo na “di-matuwid”? Sila ang bilyon-bilyon na namatay nang hindi nagkaroon ng pagkakataong maunawaan ang katotohanan sa Bibliya at masunod ito. Kapag binuhay silang muli, makikilala nila at mapahahalagahan si Jehovaa at si Jesus. (Juan 17:3) Ang lahat ng maglilingkod sa Diyos ay may pag-asang mabuhay hangga’t nabubuhay si Jehova—walang hanggan.

      Ang lahat ng maglilingkod sa Diyos ay may pag-asang mabuhay nang walang hanggan na may mabuting kalusugan at lubos na kaligayahan

      Ano ang magiging kalagayan sa lupa?

      ANG SAGOT NG BIBLIYA: “Papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man.” (Apocalipsis 21:4) “Magtatayo sila ng mga bahay at maninirahan sa mga iyon; at tiyak na magtatanim sila ng mga ubasan at kakainin ang bunga ng mga iyon.”—Isaias 65:21.

      Isip-isipin ang mamuhay sa gayong kalagayan kasama ng mga mahal mo sa buhay na binuhay-muli! Pero ang tanong, Paano ka nakatitiyak na magkakaroon nga ng pagkabuhay-muli?

      a Jehova ang pangalan ng Diyos gaya ng sinasabi sa Bibliya.

  • Pag-asa Para sa mga Patay—Paano Ka Nakatitiyak?
    Ang Bantayan—2015 | Agosto 1
    • TAMPOK NA PAKSA | POSIBLE BANG MABUHAY KAPAG NAMATAY NA?

      Pag-asa Para sa mga Patay—Paano Ka Nakatitiyak?

      Isa bang kamangmangan na isiping mabubuhay-muli ang mga patay? Hindi ganiyan ang inisip ni apostol Pablo. Sa patnubay ng banal na espiritu, isinulat niya: “Kung sa buhay na ito lamang tayo umaasa kay Kristo, tayo sa lahat ng mga tao ang pinakakahabag-habag. Gayunman, si Kristo nga ay ibinangon mula sa mga patay, ang unang bunga niyaong mga natulog na sa kamatayan.” (1 Corinto 15:19, 20) Para kay Pablo, tiyak na magkakaroon ng pagkabuhay-muli. Sa diwa, ginagarantiyahan ito ng mismong pagkabuhay-muli ni Jesus.a (Gawa 17:31) Iyan ang dahilan kung bakit tinawag ni Pablo si Jesus na “unang bunga”—siya ang una sa mga binuhay-muli na tumanggap ng walang-hanggang buhay. Kung si Jesus ang una, makatuwirang isipin na may iba pa.

      Isang babaeng hawak ang nakabukas na Bibliya at punô ng pag-asa sa hinaharap

      Sinabi ni Job sa Diyos: “Ang gawa ng iyong mga kamay ay mimithiin mo.”—Job 14:14, 15

      May isa pang dahilan kung bakit ka makatitiyak na may pagkabuhay-muli. Si Jehova ay Diyos ng katotohanan. Ang “Diyos [ay] hindi makapagsisinungaling.” (Tito 1:2) Hindi kailanman nagsinungaling si Jehova, at hinding-hindi siya magsisinungaling. Mangangako ba siya ng pagkabuhay-muli—ipinakita pa nga na kaya niya itong gawin—at pagkatapos ay hindi naman niya tutuparin? Imposible iyan!

      Bakit bubuhaying muli ni Jehova ang mga patay? Dahil sa pag-ibig. “Kung ang isang [tao] ay mamatay mabubuhay pa ba siyang muli?” ang tanong ni Job. “Ikaw ay tatawag, at ako ay sasagot sa iyo. Ang gawa ng iyong mga kamay ay mimithiin mo.” (Job 14:14, 15) Kumbinsido si Job na mimithiin ng kaniyang maibiging Ama sa langit na buhayin siyang muli. Nagbago ba ang Diyos? “Ako ay si Jehova; hindi ako nagbabago.” (Malakias 3:6) Nasasabik pa rin ang Diyos na buhaying muli ang mga patay—malusog at masaya. Ito rin ang gugustuhin ng sinumang maibiging magulang na namatayan ng anak. Ang kaibahan nga lang, ang Diyos ay may kapangyarihang gawin ang anumang nais niya.—Awit 135:6.

      Ang kamatayan ay isang napakalaking problema, pero may solusyon diyan ang Diyos

      Bibigyang-kapangyarihan ni Jehova ang kaniyang Anak para magbigay ng walang-kahulilip na kaligayahan sa mga nagdadalamhating namatayan ng mga mahal sa buhay. Ano ang nadarama ni Jesus tungkol sa pagkabuhay-muli? Bago buhaying muli si Lazaro, nakita ni Jesus ang pagdadalamhati ng mga kapatid at kaibigan nito, at siya rin ay “lumuha.” (Juan 11:35) Sa isa pang pagkakataon, nakasalubong ni Jesus ang babaeng balo ng Nain, na namatayan ng kaisa-isang anak na lalaki. Si Jesus ay “nahabag sa kaniya, at sinabi niya sa kaniya: ‘Huwag ka nang tumangis.’” Karaka-raka, binuhay niyang muli ang anak na lalaki. (Lucas 7:13) Maliwanag na alam na alam ni Jesus kung gaano kasakit ang mamatayan. Tiyak na matutuwa si Jesus kapag pinalitan na niya ng saya ang pagdadalamhati ng mga tao sa buong daigdig!

      Yakap ng isang ama ang kaniyang anak na babae

      Naranasan mo na bang mamatayan? Baka iniisip mong ang kamatayan ay isang problema na walang solusyon. Pero mayroon—pagkabuhay-muli na isasagawa ng Diyos sa pamamagitan ng kaniyang Anak. Tandaan, gusto ng Diyos na masaksihan mo ang solusyong iyan. Gusto niyang naroroon ka para mayakap mong muli ang mga mahal mo sa buhay. Isip-isipin na magkasama kayong nagpaplano para sa walang-hanggang kinabukasan—hinding-hindi na muling maghihiwalay!

      Sinabi ni Lionel, na binanggit kanina: “Nang maglaon, nalaman ko ang tungkol sa pagkabuhay-muli. No’ng una, ang hirap paniwalaan nito, at hindi ako kumbinsido sa nagsabi nito sa akin. Pero sinuri ko ito sa Bibliya at nakita kong totoo nga! Sabik na akong makitang muli si Lolo.”

      Gusto mo bang makaalam nang higit pa? Matutulungan ka ng mga Saksi ni Jehova na makita sa sarili mong Bibliya kung bakit sila kumbinsido na may pagkabuhay-muli sa hinaharap.b

      a Para sa katibayan na binuhay-muli si Jesus, tingnan ang aklat na Ang Bibliya—Salita ng Diyos o ng Tao? sa pahina 78-86, na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova.

      b Tingnan ang kabanata 7 ng aklat na Ano Ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share