-
Bakit Magandang Mag-aral ng Bibliya?Ang Bantayan—2015 | Abril 1
-
-
TAMPOK NA PAKSA | GUSTO MO BANG MAG-ARAL NG BIBLIYA?
Bakit Magandang Mag-aral ng Bibliya?
Ano ang layunin ng buhay?
Bakit nagdurusa at namamatay ang tao?
Ano ang magiging kinabukasan natin?
Nagmamalasakit ba sa akin ang Diyos?
Naitanong mo na ba iyan? Kung oo, hindi ka nag-iisa. Pinag-iisipan ng mga tao sa buong mundo ang mga tanong na iyan. May masusumpungan ka bang sagot?
Milyon-milyon ang sasagot ng, “Oo!” Bakit? Dahil nakasumpong sila ng kasiya-siyang sagot sa kanilang mga tanong sa Bibliya. Gusto mo bang malaman kung ano ang sinasabi ng Bibliya? Kung oo, baka gusto mong makinabang sa libreng programa ng pag-aaral sa Bibliya na iniaalok ng mga Saksi ni Jehova.a
Totoo, pagdating sa pag-aaral ng Bibliya, sinasabi ng ilan: “Busy ako.” “Napakahirap niyan.” “Ayoko ng obligasyon.” Pero gusto namang malaman ng iba kung ano ang itinuturo ng Bibliya. Tingnan ang ilang halimbawa:
“Nagsimba ako sa simbahan ng mga Katoliko at Protestante, templo ng Sikh, at monasteryo ng Budista, at nag-aral din ako ng teolohiya sa isang unibersidad. Pero hindi nasagot ang maraming tanong ko tungkol sa Diyos. Pagkatapos, isang Saksi ni Jehova ang dumalaw sa bahay ko. Humanga ako sa mga sagot niya na salig sa Bibliya, kaya tinanggap ko ang pag-aaral sa Bibliya.”—Gill, England.
“Marami akong tanong tungkol sa buhay, pero hindi ako nasiyahan sa mga sagot ng pastor namin. Gayunman, sinagot ng isang Saksi ni Jehova ang mga tanong ko gamit ang Bibliya. Nang tanungin niya kung gusto kong matuto pa nang higit, pumayag ako.”—Koffi, Benin.
“Gusto kong malaman kung ano ang kalagayan ng mga patay. Naniniwala ako na maaaring saktan ng mga patay ang mga buháy, pero gusto kong malaman ang sinasabi ng Bibliya. Kaya nakipag-aral ako ng Bibliya sa kaibigan ko na isang Saksi.”—José, Brazil.
“Sinubukan kong basahin ang Bibliya pero hindi ko ito maintindihan. Pagkatapos, dumalaw ang mga Saksi ni Jehova at malinaw na ipinaliwanag ang ilang hula sa Bibliya. Gusto kong matuto pa nang higit.”—Dennize, Mexico.
“Iniisip ko kung talaga bang mahal ako ng Diyos. Kaya ipinasiya kong magdasal sa Diyos ng Bibliya. Kinabukasan, kumatok sa pinto ko ang mga Saksi, at tinanggap ko ang isang pag-aaral sa Bibliya.”—Anju, Nepal.
Ipinaaalaala sa atin ng mga karanasang iyan ang pananalita ni Jesus: “Maligaya yaong mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan.” (Mateo 5:3) Oo, likas sa tao ang makadama ng pangangailangang sumamba sa Diyos. Ang Diyos lang ang makapaglalaan niyan, at ginagawa niya ito sa pamamagitan ng kaniyang Salita, ang Bibliya.
Paano ba ginagawa ang pag-aaral ng Bibliya? Paano ito makatutulong sa iyo? Sasagutin iyan sa susunod na artikulo.
a Jehova ang pangalan ng Diyos gaya ng sinasabi sa Bibliya.
-
-
Isang Programa ng Pag-aaral sa Bibliya Para sa LahatAng Bantayan—2015 | Abril 1
-
-
TAMPOK NA PAKSA | GUSTO MO BANG MAG-ARAL NG BIBLIYA?
Isang Programa ng Pag-aaral sa Bibliya Para sa Lahat
Kilalang-kilala ang mga Saksi ni Jehova sa kanilang gawaing pangangaral. Ngunit alam mo bang nagsasagawa rin kami ng isang programa ng pag-aaral sa Bibliya sa buong daigdig?
Noong 2014, mahigit 8,000,000 Saksi sa 240 lupain ang nagsasagawa ng halos 9,500,000 pag-aaral sa Bibliya buwan-buwan.a Oo, mas marami pa ang nakikipag-aral ng Bibliya sa amin kaysa sa populasyon ng bawat isa sa mga 140 bansa!
Para maisagawa ang pagtuturong ito, ang mga Saksi ni Jehova ay naglalathala taon-taon ng halos isa at kalahating bilyong Bibliya, aklat, magasin, at iba pang pantulong sa pag-aaral ng Bibliya—sa mga 700 wika! Dahil sa walang-katulad na paglilimbag na ito, mapag-aaralan ng mga tao ang Bibliya sa wikang gusto nila.
SAGOT SA KARANIWANG MGA TANONG TUNGKOL SA AMING PROGRAMA NG PAG-AARAL SA BIBLIYA
Paano ginagawa ang pag-aaral?
Pumipili kami ng iba’t ibang paksa sa Bibliya at sinusuri ang mga talata sa Bibliya na nauugnay sa mga paksang iyon. Halimbawa, sinasagot ng Bibliya ang mga tanong na gaya ng: Sino ang Diyos? Anong uri siya ng Diyos? May pangalan ba siya? Saan siya nakatira? Maaari ba tayong mapalapít sa kaniya? Ang problema ay kung saan sa Bibliya hahanapin ang sagot.
Para tulungan ang mga tao na masumpungan ang sagot, karaniwan nang ginagamit namin ang 224-na-pahinang aklat na Ano Ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?b Ito ay pantanging dinisenyo para tulungan ang mga tao na maunawaan ang pangunahing mga turo ng Bibliya. May mga aralin ito tungkol sa Diyos, kay Jesu-Kristo, sa pagdurusa ng tao, pagkabuhay-muli, panalangin, at marami pang ibang paksa.
Kailan at saan maaaring gawin ang pag-aaral?
Ang pag-aaral ay maaaring gawin sa oras at lugar na kumbinyente sa iyo.
Gaano katagal ang bawat sesyon ng pag-aaral?
Marami ang naglalaan ng isang oras o higit pa linggo-linggo para pag-aralan ang Bibliya. Ang ilan naman ay 10 o 15 minuto lang bawat linggo. Puwede namin itong ibagay sa iskedyul mo.
Magkano ang bayad sa pag-aaral?
Wala itong bayad, pati na ang mga literaturang ginagamit dito. Kasuwato ito ng tagubilin ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Tinanggap ninyo nang walang bayad, ibigay ninyo nang walang bayad.”—Mateo 10:8.
Gaano ito katagal?
Depende iyan sa iyo. Ang aklat na Ano Ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? ay may 19 na aralin. Maaari ninyong talakayin ang isa o ang lahat ng aralin sa bilis na kaya mo.
Kailangan ko bang maging isang Saksi ni Jehova?
Hindi. Iginagalang namin ang karapatan ng bawat tao na pumili ng paniniwalaan niya. Pero ang natuto ng pangunahing kaalaman sa Bibliya ang magpapasiya ayon sa natutuhan niya.
Saan ako makakakuha ng higit pang impormasyon?
Ang website na jw.org ay naglalaan ng tumpak na impormasyon tungkol sa mga paniniwala at gawain ng mga Saksi ni Jehova.
Paano ako makare-request ng isang pag-aaral sa Bibliya?
Ipadala ang iyong request online sa www.pr418.com/tl.
Sumulat sa adres na nasa pahina 2 ng magasing ito.
Makipag-ugnayan sa mga Saksi ni Jehova na malapit sa inyo.
-