Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Kung Paano Apektado ng Siyensiya ang Buhay Mo
    Ang Bantayan—2015 | Hunyo 1
    • Mga pagsulong sa siyensiya gaya ng kotse, GPS, satellite, eroplano, brain scan

      TAMPOK NA PAKSA | PINALITAN NA BA NG SIYENSIYA ANG BIBLIYA?

      Kung Paano Apektado ng Siyensiya ang Buhay Mo

      Ayon sa isang diksyunaryo, ang siyensiya ay “sistematikong pag-aaral ng katangian at paggalaw ng materyal at pisikal na uniberso, batay sa obserbasyon, eksperimento, at pagsukat.” Mahirap na trabaho ito at kadalasan nang nakadidismaya. Walang ginawa ang mga siyentipiko kundi mag-eksperimento at magmasid sa loob ng ilang linggo, buwan, o mga taon pa nga. Kung minsan wala silang nakikitang solusyon, pero kadalasan ay may naibibigay silang pakinabang sa mga tao. Isaalang-alang ang ilang halimbawa.

      Isang kompanya sa Europa ang nakagawa ng isang kagamitan mula sa matibay na plastik at makabagong mga pansala para hindi magkasakit ang tao dahil sa pag-inom ng kontaminadong tubig. Ginagamit ang mga ito kapag may likas na sakuna, gaya ng lindol sa Haiti noong 2010.

      May mga network ng satellite sa kalawakan na tinatawag na Global Positioning System (GPS). Bagaman dinisenyo ito para gamitin sa militar, nakatutulong din ang GPS sa mga motorista, piloto, nabigante ng barko, at maging sa mga mangangaso at hiker. Dahil sa mga siyentipikong nag-imbento ng GPS, mas madali tayong makapunta sa gusto nating puntahan.

      Gumagamit ka ba ng cellphone, computer, o Internet? Napansin mo bang mas bumuti ang iyong kalusugan dahil sa makabagong medisina? Sumasakay ka ba ng eroplano? Kung oo, nakikinabang ka sa mga bagay na naitulong ng siyensiya sa tao. Apektado ng siyensiya ang buhay mo sa maraming positibong paraan.

      MGA LIMITASYON NG MODERNONG SIYENSIYA

      Para lumawak pa ang kanilang kaalaman, masusing sinasaliksik ng mga siyentipiko ngayon ang kalikasan. Sinusuring mabuti ng mga nuclear physicist ang kayarian at pagkilos ng atomo, habang tinutunton naman pabalik ng mga astrophysicist ang bilyon-bilyong taon para maunawaan ang pinagmulan ng uniberso. Habang lumalalim ang kanilang pagsasaliksik, kahit pa nga sa mga bagay na di-nakikita at mahirap unawain, iniisip ng ilang siyentipiko na kung mayroon ngang Diyos gaya ng sinasabi ng Bibliya, masusumpungan nila siya.

      Higit pa ang ginagawa ng ilang kilaláng siyentipiko at pilosopo. Sinusuportahan nila ang ideya na walang Diyos gaya ng sinabi ng awtor ng siyensiya na si Amir D. Aczel. Halimbawa, sinabi ng isang sikát na physicist na “ang kawalan ng ebidensiya ng anumang Diyos na gumaganap ng mahalagang papel sa uniberso ay maliwanag na nagpapatunay na walang diyos.” Tinutukoy naman ng iba ang mga ginawa ng Diyos ng Bibliya bilang “madyik” at “salamangka.”a

      Pero ang tanong: Sapat na ba ang nalaman ng siyensiya tungkol sa kalikasan para makagawa ng matibay na konklusyon? Hindi. Ang siyensiya ay nakagawa ng malalaking pagsulong, pero kinikilala ng maraming siyentipiko na marami pang bagay na di-alam at marahil ay imposibleng malaman pa. “Alam natin na may mga bagay na hinding-hindi natin malalaman,” ang sabi ng physicist na si Steven Weinberg na tumanggap ng Nobel Prize tungkol sa pag-unawa sa kalikasan. Isinulat ni Propesor Martin Rees, Astronomer Royal ng Great Britain: “May mga bagay na hindi kailanman mauunawaan ng tao.” Ang totoo, marami pa sa kalikasan, mula sa napakaliit na selula hanggang sa napakalawak na uniberso, ang hindi pa rin maintindihan ng modernong siyensiya. Pansinin ang sumusunod na mga halimbawa:

      • DNA

        Hindi lubusang nauunawaan ng mga biyologo ang mga prosesong nagaganap sa loob ng buháy na mga selula. Palaisipan pa rin sa siyensiya kung paanong ang mga selula ay gumagamit ng enerhiya, gumagawa ng protina, at kung paano ito nahahati.

      • Batang nagpapatalbog ng bola

        Apektado tayo ng grabidad araw-araw. Pero misteryo pa rin ito sa mga physicist. Hindi nila lubusang nauunawaan kung paano ka hinihila ng grabidad kapag tumalon ka o kung paano nito pinananatili ang buwan na umiikot sa palibot ng lupa.

      • Ang uniberso

        Tinataya ng mga cosmologist na mga 95 porsiyento ng uniberso ay di-nakikita at di-nahihiwatigan ng mga instrumentong ginagamit sa siyensiya. Hinati nila ito sa dalawang kategorya, ang dark matter at ang dark energy. Palaisipan pa rin ito.

      May iba pang di-alam na mga bagay na nakalilito sa mga siyentipiko. Bakit ito mahalaga? Sinabi ng isang manunulat ng popular science na mas maraming bagay tayong di-nalalaman kaysa sa mga bagay na nalalaman natin. Para sa kaniya, dapat tayong makadama ng pagkamangha at hangaring matuto pa sa halip na maging makitid ang isip.

      Kaya kung iniisip mong papalitan na ba ng siyensiya ang Bibliya at aalisin nito ang paniniwala sa Diyos, pag-isipan ito: Kung limitadong kaalaman lang sa kalikasan ang nakukuha ng matatalinong siyentipiko gamit ang kanilang pinakamahusay na mga instrumento, makatuwiran bang tanggihan agad ang mga bagay na hindi kayang alamin ng siyensiya? Sa pagtatapos ng isang mahabang artikulo tungkol sa kasaysayan at pag-unlad ng astronomiya, sinabi ng Encyclopædia Britannica: “Matapos ang halos 4,000 taon ng astronomiya, nananatili pa ring mahiwaga ang uniberso gaya ng tingin dito ng mga Babilonyo.”

      Iginagalang ng mga Saksi ni Jehova ang karapatan ng bawat tao na magpasiya sa bagay na ito. Sinisikap naming sundin ang sinasabi ng Bibliya: “Makilala nawa ng lahat ng tao ang inyong pagkamakatuwiran.” (Filipos 4:5) Sa diwang ito, inaanyayahan namin kayong suriin kung paanong magkasuwato ang siyensiya at ang Bibliya.

      a Tinatanggihan ng ilang tao ang Bibliya dahil sa turo ng simbahan noon at ngayon, gaya ng paniniwala na ang lupa ang sentro ng uniberso o na nilalang ng Diyos ang mundo sa loob ng anim na araw na tig-24 na oras.—Tingnan ang kahong “Ang Bibliya at ang Mapananaligang mga Katotohanan sa Siyensiya.”

      Ang Bibliya at ang Mapananaligang mga Katotohanan sa Siyensiya

      Ang Bibliya ay hindi nag-aangking isang aklat-aralin sa siyensiya. Pero tumpak ang sinabi ng mga manunulat nito tungkol sa mga bagay na pakikinabangan ng mga siyentipiko sa ngayon. Narito ang ilang halimbawa.

      • Ang uniberso

        Edad ng lupa at ng uniberso

        Tinataya ng mga siyentipiko na ang lupa ay mga 4 na bilyong taon nang umiiral at na ang uniberso ay mga 13 hanggang 14 na bilyong taon. Hindi nagbibigay ang Bibliya ng petsa kung kailan nilalang ang uniberso. Hindi rin nito binabanggit na ang edad ng lupa ay ilang libong taon lang. Sinasabi ng unang talata sa Bibliya: “Nang pasimula ay nilalang ng Diyos ang langit at ang lupa.” (Genesis 1:1) Mula sa pananalitang iyan, puwedeng alamin ng mga siyentipiko ang edad ng lupa at ng uniberso ayon sa tumpak na mga prinsipyo sa siyensiya.

      • Mga bundok, pananim, at tubig

        Paghahanda sa lupa para tirhan ng tao

        Ginamit ng Genesis kabanata 1 ang salitang “araw” upang ipakita ang mga yugto sa paghahanda sa lupa para sa iba’t ibang anyo ng buhay. Sa huling yugto nito, inilarawan ang pag-iral ng tao. Walang sinasabi ang Bibliya tungkol sa haba ng anim na “araw” ng paglalang. Sa halip, nagbibigay ito ng pagkakataon sa mga siyentipiko ngayon na pag-aralan ang mga ito at magtakda ng tumpak na haba ng panahon sa mga ito. Alam natin na ang mga “araw” ng paglalang ay mas mahaba kaysa sa mga araw na may tig-24 na oras.

      • Ang lupa

        Nakabitin sa wala ang lupa

        Inilalarawan ng Bibliya ang lupa na nakabitin “sa wala.” (Job 26:7) Hindi nito binabanggit na ang ating planeta ay pasan ng isang higante o nasa likod ng mga elepante na nakatayo sa isang pagong, gaya ng sinasabi ng ilang popular na alamat noong sinaunang panahon. Sa halip, hinayaan ng Bibliya na matuklasan ito ng siyensiya. Nang maglaon, inilarawan nina Nicolaus Copernicus at Johannes Kepler kung paanong ang mga planeta ay umiikot sa araw dahil sa isang di-nakikitang puwersa. Sa kalaunan, ipinakita ni Isaac Newton kung paano pinakikilos ng grabitasyon ang lahat ng bagay sa kalawakan.

      • Baktiryang hugis-kapsula

        Mga tagubilin tungkol sa kalinisan at pag-iwas sa sakit

        Sa aklat ng Levitico, may mga tagubilin sa mga Israelita kung paano iiwasan ang pagkalat ng nakahahawang sakit, pati na ang pagkukuwarentenas. Tungkol sa sanitasyon, ang Deuteronomio 23:12, 13 ay nag-uutos na dapat nilang tabunan ng lupa ang kanilang dumi kapag palilikod sila sa isang bukod na lugar sa labas ng kampamento. Nito lang nakalipas na 200 taon nakita ng mga siyentipiko at doktor ang pangangailangang magtakda ng gayong mga pamantayan.

      Ang mga impormasyong ito sa Bibliya ay naisulat mga dantaon na ang nakalipas. Paano nalaman ng mga manunulat ng Bibliya ang gayong tumpak na impormasyon samantalang kahit ang pinakamarurunong na tao noong panahon nila ay hindi nakaaalam nito? Sinasagot iyan ng Awtor ng Bibliya: “Kung paanong ang langit ay mas mataas kaysa sa lupa, gayundin na ang aking mga lakad ay mas mataas kaysa sa inyong mga lakad, at ang aking mga kaisipan kaysa sa inyong mga kaisipan.”—Isaias 55:9.

  • Mga Limitasyon ng Siyensiya
    Ang Bantayan—2015 | Hunyo 1
    • Isang siyentipiko sa laboratoryo

      TAMPOK NA PAKSA | PINALITAN NA BA NG SIYENSIYA ANG BIBLIYA?

      Mga Limitasyon ng Siyensiya

      Kamakailan, lumaganap ang maraming aklat na nagpapaliwanag sa mga pananaw ng diumano’y mga bagong ateista. Ang mga publikasyong ito ay nakatawag-pansin sa marami at pinagmulan ng maraming diskusyon at debate. Isinulat ng neuroscientist na si David Eagleman: “Naiisip ng ilang mambabasa . . . na nalalaman ng mga siyentipiko ang lahat ng bagay.” Idinagdag pa niya: “Pero ang magagaling na siyentipiko ay laging bukás ang isip, at ang kanilang mga isinulat ay may kaugnayan sa mga bago at di-inaasahang mga tuklas.”

      Isang astronomong gumagamit ng teleskopyo

      Sa nakalipas na mga panahon, ang matatalinong siyentipiko ay nakagawa ng malalaking tagumpay sa kanilang paghahanap ng sagot sa nakalilitong mga tanong tungkol sa kalikasan. Pero ang ilan naman ay nakagawa ng malalaking pagkakamali. Si Isaac Newton ang isa sa pinakamagaling na siyentipiko kailanman. Ipinakita niya kung paano napananatili ng puwersa ng grabidad ang mga planeta, bituin, at galaksi sa uniberso. Inimbento niya ang calculus, isang sangay sa matematika na ginagamit sa computer design, paglalakbay sa kalawakan, at nuclear physics. Pero nagsagawa rin si Newton ng huwad na siyensiya na gumagamit ng astrolohiya at mahiwagang mga pormula para gawing ginto ang tingga at iba pang metal.

      Mahigit 1,500 taon bago si Newton, pinag-aralan ng Griegong astronomo na si Ptolemy ang kalangitan sa pamamagitan lang ng pagtingin dito. Tinunton niya ang mga planeta sa langit kung gabi at may-kahusayan niyang ginawan ng mapa ang mga ito. Pero naniniwala siya na ang lupa ang sentro ng uniberso. Isinulat ng astrophysicist na si Carl Sagan tungkol kay Ptolemy: “Ang kaniyang ideya na ang Lupa ang sentro ng uniberso ay pinaniwalaan sa loob ng 1,500 taon. Pinatutunayan nito na kahit napakatalino ng isa, maaari pa rin siyang magkamali.”

      Isang siyentipikong nagbabasa ng Bibliya

      Ganiyan din ang problema ng mga siyentipiko ngayon. Masumpungan kaya nila ang lubos na paliwanag tungkol sa uniberso? Bagaman angkop na kilalanin ang pagsulong na nagawa ng siyensiya at ang mga pakinabang na naidulot nito sa atin, mahalaga ring isaisip ang mga limitasyon nito. Sinabi ng physicist na si Paul Davies: “Imposibleng makakita ng paliwanag tungkol sa uniberso na tama sa bawat sitwasyon at lubos na magkakasuwato.” Ipinakikita ng mga pananalitang iyan ang di-maikakailang katotohanan: Hindi lubusang mauunawaan ng mga tao ang kalikasan. Kaya kapag may magsasabi na kayang ipaliwanag ng siyensiya ang lahat ng bagay na umiiral, makatuwiran lang na huwag agad maniwala roon.

      Maliwanag na inilalaan ng Bibliya ang ating mga pangangailangan na hindi kayang ibigay ng siyensiya

      Ganito ang binabanggit ng Bibliya tungkol sa kahanga-hangang mga bagay sa kalikasan: “Narito! Ito ang mga gilid ng . . . mga daan [ng Diyos], at bulong lamang ng isang bagay ang narinig tungkol sa kaniya!” (Job 26:14) Napakarami pa ring kaalaman ang hindi kayang unawain ng tao. Walang alinlangan, totoo pa rin ang mga pananalita ni apostol Pablo na naisulat halos 2,000 taon na ang nakalipas: “O ang lalim ng kayamanan at karunungan at kaalaman ng Diyos! Totoong di-masaliksik ang kaniyang mga hatol at di-matalunton ang kaniyang mga daan!”—Roma 11:33.

      Patnubay na Hindi Kayang Ibigay ng Siyensiya

      Kung ang siyensiya ay nagbibigay ng kaalaman tungkol sa kalikasan, ang Bibliya naman ay naglalaan ng mga simulain at patnubay para magkaroon tayo ng mapayapang kaugnayan sa iba at ng maligaya at kasiya-siyang buhay. Tingnan ang sumusunod na halimbawa.

      • Kamay bilang stop sign

        Pag-iwas sa Krimen

        Pahalagahan ang buhay

        “Huwag kang papaslang.” —Exodo 20:13.

        “Ang bawat isa na napopoot sa kaniyang kapatid ay mamamatay-tao.”—1 Juan 3:15.

        Makipagpayapaan at panatilihin ito

        “Talikuran mo ang kasamaan, at gawin mo ang mabuti; hanapin mo ang kapayapaan, at itaguyod mo iyon.”—Awit 34:14.

        “Ang bunga ng katuwiran ay may binhing inihasik sa ilalim ng mapayapang mga kalagayan para roon sa mga nakikipagpayapaan.”—Santiago 3:18.

        Iwasan ang karahasan

        “Si Jehova ang sumusuri sa matuwid at gayundin sa balakyot, at ang sinumang umiibig sa karahasan ay kinapopootan nga ng Kaniyang kaluluwa.”—Awit 11:5.

        “Huwag kang mainggit sa taong marahas, ni piliin man ang alinman sa kaniyang mga lakad. Sapagkat ang taong mapanlinlang ay karima-rimarim kay Jehova.”—Kawikaan 3:31, 32.

      • Isang pamilya

        Maligayang Pamilya

        Sundin ang iyong mga magulang

        “Mga anak, maging masunurin kayo sa inyong mga magulang kaisa ng Panginoon, sapagkat ito ay matuwid: ‘Parangalan mo ang iyong ama at ang iyong ina’; na siyang unang utos na may pangako: ‘Upang mapabuti ka at mamalagi ka nang mahabang panahon sa lupa.’”—Efeso 6:1-3.

        Turuan nang tama ang iyong mga anak

        “Huwag ninyong inisin ang inyong mga anak, kundi patuloy na palakihin sila sa disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova.”—Efeso 6:4.

        “Huwag ninyong yamutin ang inyong mga anak, upang hindi sila masiraan ng loob.”—Colosas 3:21.

        Ibigin at igalang ang iyong asawa

        “Ibigin . . . ng bawat isa sa inyo ang kani-kaniyang asawang babae gaya ng ginagawa niya sa kaniyang sarili; sa kabilang dako naman, ang asawang babae ay dapat na magkaroon ng matinding paggalang sa kaniyang asawang lalaki.”—Efeso 5:33.

      • Puno

        Pangangalaga sa kalikasan

        Tungkol sa iba’t ibang bagay na nagpaparumi sa sinaunang Israel, sinabi ng Bibliya: “Ang mismong lupain ay narumhan sa ilalim ng mga tumatahan dito . . . Ang mga tumatahan doon ay itinuturing na may-sala.” (Isaias 24:5, 6) Pagsusulitin ng Diyos ang mga walang-pakundangang sumisira sa kapaligiran. ‘Ipapahamak niya ang mga nagpapahamak sa lupa.’ (Apocalipsis 11:18) Hindi sila makaliligtas!

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share