Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Ano ang Tingin ng Diyos sa mga Digmaan?
    Ang Bantayan—2015 | Nobyembre 1
    • Mga sundalo, tangkeng militar, at mga bomber plane

      TAMPOK NA PAKSA

      Ano ang Tingin ng Diyos sa mga Digmaan?

      Ano ang sagot mo sa tanong na iyan? Iniisip ng marami na pabor ang Diyos sa digmaan. Ikinakatuwiran nila na inutusan niya ang ilan sa kaniyang mga mananamba noon na makipagdigma; pinatutunayan iyan ng ulat ng Bibliya. Gayunman, napansin ng iba na tinuruan ng Anak ng Diyos, si Jesus, ang kaniyang mga tagasunod na ibigin ang kanilang mga kaaway. (Mateo 5:43, 44) Kaya ikinakatuwiran nila na baka nagbago na ang tingin ng Diyos sa digmaan at hindi na niya ito sinasang-ayunan sa ngayon.

      Ano sa palagay mo? Sang-ayon ba ang Diyos sa mga digmaan? Kung oo, kaninong panig siya kumakampi sa mga digmaan ngayon? Kapag nalaman mo ang sagot sa mga tanong na ito, tutulong ito sa iyo na suriin ang iyong sariling pananaw tungkol sa digmaan. Halimbawa, kung alam mong hindi lang pinapaboran ng Diyos ang mga digmaan kundi sinusuportahan din niya ang mismong panig na kinakampihan mo, malamang na ikatuwa mo ito dahil natitiyak mong panalo na kayo. Pero ano ang madarama mo kung malaman mong ang kabilang panig ang sinusuportahan ng Diyos? Malamang na pag-iisipan mong muli ang iyong kakampihan.

      May mas mahalagang bagay pa na nakataya. Malamang na maapektuhan ang pananaw mo sa Diyos kapag nalaman mo kung ano ang tingin ng Diyos sa mga digmaan. Kung kabilang ka sa milyon-milyon na lubhang naaapektuhan ng mga digmaan ng tao, tiyak na kailangan mong malaman ang sagot sa tanong na, Ang Diyos ba, gaya ng paniniwala ng ilan, ay manunulsol ng digmaan, na nagpapahintulot o sumasang-ayon pa nga sa pagdurusang nauugnay sa digmaan, o siya ba ay walang pakialam at walang malasakit sa kapakanan ng mga nasisiil?

      Baka magulat ka na ibang-iba ang sagot ng Bibliya sa alinman sa mga opinyong iyan. Bukod diyan, mula noon hanggang ngayon, hindi nagbabago ang tingin ng Diyos sa mga digmaan. Talakayin natin ang sinasabi ng Bibliya hinggil sa tingin ng Diyos sa mga digmaan noong sinaunang panahon at noong unang siglo, nang narito pa si Jesus sa lupa. Tutulong iyan sa atin na maunawaan kung ano ang tingin ng Diyos sa mga digmaan ngayon at kung makikipagdigma pa rin ba ang tao sa hinaharap.

  • Ang Tingin ng Diyos sa mga Digmaan Noong Sinaunang Panahon
    Ang Bantayan—2015 | Nobyembre 1
    • TAMPOK NA PAKSA | ANO ANG TINGIN NG DIYOS SA MGA DIGMAAN?

      Ang Tingin ng Diyos sa mga Digmaan Noong Sinaunang Panahon

      Tinabunan ng tubig ng Dagat na Pula si Paraon at ang kaniyang hukbo

      Ang mga tao ay sinisiil. Paulit-ulit silang humihingi ng tulong sa Diyos sa panalangin, pero walang dumating kaagad na tulong. Sila ang mga Israelita, ang bayan ng Diyos noong sinaunang panahon. Ang maniniil ay ang makapangyarihang bansa ng Ehipto. (Exodo 1:13, 14) Sa loob ng mga taon, naghintay ang mga Israelita sa Diyos para wakasan ang kalupitan ng Ehipto. Sa wakas, panahon na para kumilos ang Diyos. (Exodo 3:7-10) Iniuulat ng Bibliya na ang Diyos mismo ang nakipagdigma laban sa mga Ehipsiyo. Nagpasapit siya ng sunod-sunod na mapangwasak na salot, at nilipol ang hari ng Ehipto at ang hukbo nito sa Dagat na Pula. (Awit 136:15) Pinatunayan ng Diyos na Jehova na siya ay isang makapangyarihang “mandirigma” alang-alang sa kaniyang bayan.—Exodo 15:3, 4.

      Maliwanag, hindi tutol ang Diyos sa lahat ng pakikipagdigma dahil siya mismo ay nakipagdigma sa mga Ehipsiyo. Sa ibang pagkakataon, pinahintulutan niya ang kaniyang bayang Israel na makipagdigma. Halimbawa, inutusan niya silang makipagdigma sa ubod-samang mga Canaanita. (Deuteronomio 9:5; 20:17, 18) Inutusan niya si David, ang hari ng Israel, na makipagdigma sa mapaniil na mga Filisteo. Nagbigay pa nga ang Diyos kay David ng estratehiya sa pakikipagdigma na tumiyak ng kanilang tagumpay.—2 Samuel 5:17-25.

      Ipinakikita ng mga ulat na iyan ng Bibliya na kapag may nagbabantang kasamaan at paniniil sa mga Israelita, pinapayagan ng Diyos ang pakikipagdigma para protektahan ang kaniyang bayan at maingatan ang tunay na pagsamba. Ngunit pansinin ang tatlong punto hinggil sa mga digmaan na iniutos ng Diyos.

      1. ANG DIYOS LANG ANG NAGPAPASIYA KUNG SINO ANG MAKIKIPAGDIGMA. Minsan, sinabi ng Diyos sa mga Israelita: “Hindi ninyo kakailanganing lumaban sa pagkakataong ito.” Bakit? Ang Diyos mismo ang makikipagdigma para sa kanila. (2 Cronica 20:17; 32:7, 8) Maraming beses na niyang ginawa iyon, gaya ng nabanggit sa simula ng artikulong ito. Sa ibang pagkakataon naman, inutusan ng Diyos ang kaniyang bayan sa sinaunang Israel na makipagdigma para makuha at maipagtanggol ang kanilang Lupang Pangako.—Deuteronomio 7:1, 2; Josue 10:40.

      2. ANG DIYOS LANG ANG NAGPAPASIYA KUNG KAILAN MAKIKIPAGDIGMA. Ang mga lingkod ng Diyos noon ay kailangang matiyagang maghintay sa itinakdang panahon ng Diyos para makipagdigma laban sa paniniil at kasamaan. Hindi nila dapat pangunahan ang Diyos. Nang gawin nila iyon, hindi sila sinang-ayunan ng Diyos. Sa katunayan, ipinakikita ng Bibliya na kapag nakikipagdigma ang mga Israelita nang walang pahintulot ng Diyos, kadalasang kapaha-pahamak ang resulta.a

      3. Si Rahab at ang pamilya niya sa gitna ng mga kaguhuan ng Jerico

        Bagaman nakipagdigma ang Diyos sa mga Canaanita, iniligtas niya ang ilan, gaya ni Rahab at ang pamilya nito

        AYAW NG DIYOS NA MAMATAY ANG TAO, PATI NA ANG MASASAMA. Ang Diyos na Jehova ang Bukal ng buhay at Maylalang ng tao. (Awit 36:9) Kaya hindi siya natutuwang makitang mamatay ang tao. Gayunman, nakalulungkot na may mga taong nagpapakanang maniil at pumatay pa nga ng iba. (Awit 37:12, 14) Para ihinto ang gayong kasamaan, pinapayagan ng Diyos kung minsan ang pakikipagdigma laban sa masasama. Pero sa mga panahong iyon na pinayagan niyang makipagdigma ang mga Israelita, ang Diyos pa rin ay “maawain” at “mabagal sa pagkagalit” sa mga naniniil sa Israel. (Awit 86:15) Halimbawa, iniutos niyang bago makipaglaban ang mga Israelita sa isang lunsod, dapat muna nilang ipaalam ang “mga kundisyon ng pakikipagpayapaan,” upang bigyan ng pagkakataon ang mga naninirahan doon na magbago sa gayo’y maiwasan ang digmaan. (Deuteronomio 20:10-13) Sa gayon, ipinakita ng Diyos na “hindi [siya nalulugod] sa kamatayan ng balakyot, kundi sa panunumbalik ng balakyot mula sa kaniyang lakad upang patuloy nga siyang mabuhay.”—Ezekiel 33:11, 14-16.b

      Kaya nakita natin na para sa Diyos, ang pakikipagdigma noong sinaunang panahon ay isang matuwid na paraan para wakasan ang iba’t ibang anyo ng paniniil at kasamaan. Ngunit ang Diyos—hindi ang mga tao—ang may karapatang magpasiya kung kailan at kung sino ang makikipagdigma. May-pananabik bang nakipagdigma ang Diyos, na para bang uhaw sa dugo? Hinding-hindi. Talagang kinapopootan niya ang karahasan. (Awit 11:5) Nagbago ba ang tingin ng Diyos sa mga digmaan nang pasimulan ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, ang ministeryo nito noong unang siglo?

      a Halimbawa, natalo ang mga Israelita nang makipagdigma sila sa mga Amalekita at Canaanita gayong sinabi ng Diyos na huwag itong gawin. (Bilang 14:41-45) Pagkalipas ng maraming taon, ang tapat na haring si Josias ay nakipagdigma nang walang pahintulot ng Diyos, at pinagbayaran niya ng kaniyang buhay ang padalos-dalos na pagkilos na ito.—2 Cronica 35:20-24.

      b Hindi ipinaalam ng mga Israelita ang mga kundisyon ng pakikipagpayapaan bago makipagdigma sa mga Canaanita. Bakit? Dahil ang mga Canaanita ay binigyan ng 400 taon para ituwid ang kanilang masamang gawain. Nang makipagdigma sa kanila ang mga Israelita, ang mga Canaanita sa pangkalahatan ay wala nang pag-asang magbago. (Genesis 15:13-16) Kaya dapat silang lubusang lipulin. Pero ang indibiduwal na mga Canaanita na nagbago ng kanilang landasin ay iniligtas.—Josue 6:25; 9:3-27.

  • Ang Tingin ng Diyos sa mga Digmaan Noong Unang Siglo
    Ang Bantayan—2015 | Nobyembre 1
    • TAMPOK NA PAKSA | ANO ANG TINGIN NG DIYOS SA MGA DIGMAAN?

      Ang Tingin ng Diyos sa mga Digmaan Noong Unang Siglo

      Ang mga tao ay sinisiil. Gaya ng kanilang mga ninuno, ang mga Judio noong unang siglo ay tiyak na paulit-ulit ding humihingi ng tulong sa Diyos sa panalangin, mula naman sa paniniil ng Imperyo ng Roma. Pagkatapos ay nabalitaan nila ang hinggil kay Jesus. Siya kaya ang inihulang Mesiyas? Hindi kataka-taka, marami ang umaasa na “ang taong ito ang siyang itinalagang magligtas sa Israel” mula sa kanilang mga maniniil na Romano. (Lucas 24:21) Ngunit walang dumating na tulong. Sa halip, nilusob at winasak ng hukbong Romano ang Jerusalem at ang templo nito.

      Ano ang nangyari? Bakit hindi nakipaglaban ang Diyos para sa mga Judio, gaya ng ginawa Niya noon? O bakit hindi Niya sila inutusang makipagdigma para makalaya sila sa paniniil? Nagbago na ba ang tingin ng Diyos sa mga digmaan? Hindi. Pero may malaking pagbabago kung tungkol sa mga Judio. Hindi nila tinanggap ang Anak ng Diyos, si Jesus, bilang ang Mesiyas. (Gawa 2:36) Kaya bilang isang bansa, naiwala nila ang kanilang pantanging kaugnayan sa Diyos.—Mateo 23:37, 38.

      Wala na ang proteksiyon ng Diyos sa bansang Judio at sa Lupang Pangako nito, ni maaangkin man ng mga Judio na nakikipagdigma sila taglay ang pagsang-ayon o suporta ng Diyos. Gaya ng inihula ni Jesus, ang mga pagpapala at pagsang-ayon ng Diyos ay inilipat mula sa likas na bansang Israel tungo sa isang bagong bansa, ang espirituwal na bansa, na nang maglaon ay tinukoy sa Bibliya bilang ang “Israel ng Diyos.” (Galacia 6:16; Mateo 21:43) Lumilitaw na ang espirituwal na Israel ng Diyos ay ang kongregasyon ng mga Kristiyanong pinahiran ng espiritu. Kaya naman noong unang siglo, sila ay sinabihan: “Kayo . . . ngayon ay bayan na ng Diyos.”—1 Pedro 2:9, 10.

      Yamang ang mga Kristiyano noong unang siglo ay “bayan na ng Diyos,” nakipagdigma ba ang Diyos alang-alang sa kanila, para mapalaya sila sa paniniil ng Roma? O inutusan ba niya sila na makipagdigma sa mga naniniil sa kanila? Hindi. Bakit? Pagdating kasi sa mga digmaan na iniutos ng Diyos, siya lang ang nagpapasiya kung kailan makikipagdigma, gaya ng ipinakita sa naunang artikulo. Hindi nakipagdigma ang Diyos para sa mga Kristiyano noong unang siglo, ni inutusan man niya silang makipagdigma. Malinaw na noong unang siglo, hindi pa iyon ang panahon ng Diyos sa pakikipagdigma para wakasan ang kasamaan at paniniil.

      Kaya gaya ng mga lingkod ng Diyos noong sinaunang panahon, kailangan ding hintayin ng mga Kristiyano noong unang siglo ang itinakdang panahon ng Diyos para wakasan ang kasamaan at paniniil. Samantala, hindi sila inutusan ng Diyos na makipagdigma sa kanilang mga kaaway. Nilinaw ito ni Jesu-Kristo sa kaniyang mga turo. Halimbawa, hindi niya inutusan ang kaniyang mga tagasunod na makipagdigma, sa halip sinabi niya sa kanila: “Patuloy na ibigin ang inyong mga kaaway at ipanalangin yaong mga umuusig sa inyo.” (Mateo 5:44) Nang ihula ang panahon kung kailan sasalakayin ng mga hukbong Romano ang Jerusalem noong unang siglo, tinagubilinan ni Jesus ang kaniyang mga alagad na huwag manatili at makipaglaban, kundi tumakas—na sinunod naman nila.—Lucas 21:20, 21.

      Sa patnubay ng banal na espiritu, sumulat si apostol Pablo: “Huwag ipaghiganti ang inyong sarili, . . . sapagkat nasusulat: ‘Akin ang paghihiganti; ako ang gaganti,’ sabi ni Jehova.” (Roma 12:19) Sinisipi ni Pablo ang sinabi ng Diyos na mga dantaon nang nakaulat sa Levitico 19:18 at Deuteronomio 32:35. Gaya ng nabanggit sa naunang artikulo, ang isang paraan upang ipaghiganti ng Diyos ang kaniyang bayan noong sinaunang panahon ay tulungan silang makipagdigma sa kanilang mga kaaway. Kaya ipinakikita ng pananalita ni Pablo na hindi nagbago ang tingin ng Diyos sa mga digmaan. Noong unang siglo, ang mga digmaan ay matuwid na paraan pa rin ng Diyos upang ipaghiganti ang kaniyang mga lingkod at wakasan ang lahat ng anyo ng paniniil at kasamaan. Subalit gaya noong sinaunang panahon, ang Diyos lang ang nagpapasiya kung kailan at kung sino ang makikipagdigma.

      Maliwanag, hindi inutusan ng Diyos ang mga Kristiyano noong unang siglo na makipagdigma. Kumusta naman ngayon? Pinapayagan ba ng Diyos ang anumang grupo ng mga tao na makipagdigma? O ngayon na ba ang panahon para tumulong ang Diyos at makipagdigma alang-alang sa kaniyang mga lingkod? Ano nga ba ang tingin ng Diyos sa mga digmaan ngayon? Sasagutin ng huling artikulo sa seryeng ito ang mga tanong na iyan.

  • Ang Tingin ng Diyos sa mga Digmaan Ngayon
    Ang Bantayan—2015 | Nobyembre 1
    • TAMPOK NA PAKSA | ANO ANG TINGIN NG DIYOS SA MGA DIGMAAN?

      Ang Tingin ng Diyos sa mga Digmaan Ngayon

      Ang mga tao ngayon ay sinisiil. Marami ang paulit-ulit na humihingi ng tulong sa Diyos at nagtatanong kung darating kaya ang tulong. Naririnig ba ng Diyos ang kanilang pagdaing? Kumusta naman ang mga nakikipagdigma para wakasan ang paniniil sa kanila? Sinusuportahan ba sila ng Diyos, anupat itinuturing na makatuwiran ang kanilang pakikipagdigma?

      Si Jesus at ang mga anghel niya na sakay ng mga kabayong puti sa Armagedon

      Ang Armagedon ang digmaan na tatapos sa lahat ng digmaan

      Una, nakatutuwang malaman ang katotohanang ito: Nakikita ng Diyos ang pagdurusa sa daigdig ngayon, at layunin niyang wakasan ito. (Awit 72:13, 14) Sa kaniyang Salita, ang Bibliya, nangangako ang Diyos na ang mga ‘dumaranas ng kapighatian ay giginhawa.’ Kailan? “Sa pagkakasiwalat sa Panginoong Jesus mula sa langit kasama ang kaniyang makapangyarihang mga anghel . . . samantalang nagpapasapit siya ng paghihiganti doon sa mga hindi nakakakilala sa Diyos at doon sa mga hindi sumusunod sa mabuting balita tungkol sa ating Panginoong Jesus.” (2 Tesalonica 1:7, 8) Ang pagsisiwalat na ito kay Jesus ay mangyayari sa hinaharap sa tinatawag ng Bibliya na “digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat,” ang Armagedon.—Apocalipsis 16:14, 16.

      Sa digmaang iyon, gagamitin ng Diyos, hindi ang mga tao, kundi ang kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, kasama ang iba pang makapangyarihang espiritung nilalang para makipagdigma laban sa masasama. Wawakasan ng mga hukbo sa langit ang lahat ng paniniil.—Isaias 11:4; Apocalipsis 19:11-16.

      Hindi nagbago ang tingin ng Diyos sa mga digmaan hanggang sa ngayon. Isa pa rin itong matuwid na paraan para wakasan ang paniniil at kasamaan. Ngunit gaya ng pinatutunayan sa buong kasaysayan, ang Diyos lang ang may karapatang magpasiya kung kailan at kung sino ang makikipagdigma. Gaya ng natalakay na natin, naipasiya na ng Diyos na ang digmaan na tatapos sa kasamaan at maghihiganti para sa mga sinisiil ay sa hinaharap pa at ipakikipaglaban ito ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo. Ibig sabihin, hindi sinasang-ayunan ng Diyos ang mga digmaan na ipinakikipaglaban sa lupa ngayon, gaano man karangal sa wari ang layunin nito.

      Upang ilarawan: Isipin ang dalawang magkapatid na nag-aaway habang wala ang tatay nila. Huminto sila sandali at tinawagan sa telepono ang kanilang tatay. Nagsumbong ang isa na ang kapatid niya ang nagpasimula ng away. Idinahilan naman ng isa na sinasaktan siya nito. Pareho silang nagsumbong sa tatay nila, na bawat isa’y umaasang kakampihan siya. Gayunman, matapos silang pakinggan, sinabihan sila na ihinto ang away at hintayin siya para lutasin ito pag-uwi niya. Sandaling naghintay ang dalawa. Di-nagtagal, nag-away na naman sila. Pagdating ng tatay sa bahay, hindi siya natuwa sa kanilang dalawa at pinarusahan sila dahil sa hindi pagsunod sa kaniya.

      Sa ngayon, karaniwan nang humihingi ng tulong sa Diyos ang nagdidigmaang mga bansa. Pero walang kinakampihan ang Diyos sa mga digmaan ngayon. Sa halip, maliwanag na sinasabi niya sa kaniyang Salita, ang Bibliya: “Huwag gumanti kaninuman ng masama para sa masama,” at “Huwag ipaghiganti ang inyong sarili.” (Roma 12:17, 19) At ipinaalam niya sa mga tao na dapat nilang matiyagang hintayin ang kaniyang pagkilos, na gagawin niya sa Armagedon. (Awit 37:7) Kapag hindi hinintay ng mga bansa ang pagkilos ng Diyos at sa halip ay makipagdigma, itinuturing niya ang gayong mga digmaan na kapangahasan, at hindi niya iyon sinasang-ayunan. Kaya sa Armagedon, ipahahayag ng Diyos ang kaniyang galit at lulutasin minsan at magpakailanman ang alitan ng mga bansa sa pamamagitan ng ‘pagpapatigil sa mga digmaan hanggang sa dulo ng lupa.’ (Awit 46:9; Isaias 34:2) Oo, ang Armagedon ang digmaan na tatapos sa lahat ng digmaan.

      Ang wakas ng mga digmaan ay isa sa maraming pagpapala ng Kaharian ng Diyos. Ang gobyernong iyon ay binanggit ni Jesus sa kilalang panalangin na ito: “Dumating nawa ang iyong kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.” (Mateo 6:10) Aalisin ng Kaharian ng Diyos ang lahat ng digmaan pati na ang sanhi nito, ang kasamaan.a (Awit 37:9, 10, 14, 15) Hindi nga kataka-taka na buong-pananabik na inaasahan ng mga tagasunod ni Jesus ang mga pagpapala ng Kaharian ng Diyos.—2 Pedro 3:13.

      Mga tao na masayang namumuhay nang sama-sama sa Paraiso

      Pero hanggang kailan tayo maghihintay para wakasan ng Kaharian ng Diyos ang lahat ng pagdurusa, paniniil, at kasamaan? Ipinakikita ng katuparan ng mga hula sa Bibliya na nabubuhay na tayo sa “mga huling araw” ng sistemang ito ng mga bagay. (2 Timoteo 3:1-5)b Hindi na magtatagal, wawakasan ng Kaharian ng Diyos ang mga huling araw na ito sa digmaan ng Armagedon.

      Gaya ng nabanggit kanina, ang mga malilipol sa pangwakas na digmaang ito ay ang mga hindi “sumusunod sa mabuting balita tungkol sa ating Panginoong Jesus.” (2 Tesalonica 1:8) Ngunit alalahanin na ayaw ng Diyos na mamatay ang sinuman, pati na ang masasama. (Ezekiel 33:11) Dahil “hindi niya nais na ang sinuman ay mapuksa” sa pangwakas na digmaang ito, tinitiyak niya ngayon na ang mabuting balita tungkol sa ating Panginoong Jesus ay “ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa” bago dumating ang wakas. (2 Pedro 3:8, 9; Mateo 24:14; 1 Timoteo 2:3, 4) Oo, sa pamamagitan ng pangangaral ng mga Saksi ni Jehova sa buong mundo, may pagkakataon ang mga tao ngayon na makilala ang Diyos, sundin ang mabuting balita hinggil kay Jesus, at mabuhay sa panahon na wala nang digmaan.

      a Aalisin din ng Kaharian ng Diyos ang kaaway ng tao—ang kamatayan. Gaya ng binabanggit ng artikulong “Sagot sa mga Tanong sa Bibliya” sa isyung ito, bubuhaying muli ng Diyos ang di-mabilang na mga tao, kasama na ang maraming biktima ng digmaan sa buong kasaysayan.

      b Para sa higit pang impormasyon tungkol sa mga huling araw, tingnan ang kabanata 9 ng aklat na Ano Ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share