Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Mga Saksi ni Jehova—Sino Sila?
    Ang Bantayan—2015 | Setyembre 1
    • Pinagmamasdan ng isang babae ang mga Saksi ni Jehova na nagpapatotoo sa publiko gamit ang cart

      TAMPOK NA PAKSA

      Mga Saksi ni Jehova—Sino Sila?

      “Matagal ko nang kilala si Mike. Isa siyang Saksi ni Jehova. Pero palaisipan sa akin ang relihiyon niya. Sino si Jehova? Bakit hindi nagdiriwang ng mga kapistahan ang mga Saksi? Isang kulto kaya ang pinasok ni Mike?”​—Becky, California, E.U.A.

      “Nang makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova ang mga kapitbahay ko, naisip ko: ‘Ano kaya ang ibig sabihin ng pangalang mga Saksi ni Jehova? Kakatwang pangalan naman ’yan para sa isang relihiyon!’”​—Zenon, Ontario, Canada.

      “Nang dumalaw ang mga Saksi ni Jehova, inisip naming mag-asawa na sinasamantala lang nila ang pagiging guilty namin kasi hindi na kami nagsisimba. At kung wala sa pangunahing mga relihiyon ang hinahanap namin, tiyak na wala rin ito sa kakatwang sekta na gaya ng mga Saksi ni Jehova.”​—Kent, Washington, E.U.A.

      “Hindi ko talaga sila kilala at hindi ko alam kung ano ang paniniwala nila.”​—Cecilie, Esbjerg, Denmark.

      Marahil ay nakikita mo silang nangangaral sa bahay-bahay o sa pampublikong lugar, namamahagi ng literaturang salig sa Bibliya, at nag-aalok ng libreng pag-aaral sa Bibliya. Baka nga natanggap mo ang magasing ito sa kanila. Pero baka naitatanong mo pa rin kung sino nga ba ang mga Saksi ni Jehova. Marahil ay naiisip mo rin ang gaya ng isa sa mga nabanggit sa itaas.

      Kung naitatanong mo rin ang mga iyon, saan mo kaya makukuha ang sagot? Paano mo malalaman kung ano talaga ang paniniwala ng mga Saksi ni Jehova, kung saan galing ang perang ginagamit nila para sa kanilang gawain at mga lugar ng pagsamba, at kung bakit sila dumadalaw sa iyong tahanan at nakikipag-usap sa iyo sa pampublikong mga lugar?

      “Marami akong nababasa sa Internet tungkol sa mga Saksi ni Jehova,” ang sabi ni Cecilie, na nabanggit kanina. “Marami akong naririnig na usap-usapan tungkol sa kanila at naniwala naman ako roon. Kaya naman hindi naging maganda ang tingin ko sa mga Saksi ni Jehova.” Pero nang maglaon, may nakausap siyang Saksi ni Jehova at nasiyahan sa sagot nito sa mga tanong niya.

      Gusto mo ba ng makatotohanang sagot sa mga tanong mo tungkol sa mga Saksi ni Jehova? Hinihimok ka naming alamin ito sa makapagsasabi sa iyo ng totoong impormasyon​—mismong mga Saksi ni Jehova, na naglalathala ng magasing ito. (Kawikaan 14:15) Umaasa kami na ang sumusunod na mga artikulo ay tutulong sa iyo para makilala mo kung sino kami, kung ano ang pinaniniwalaan namin, at maunawaan ang aming gawain.

  • Anong Uri ng mga Tao ang mga Saksi ni Jehova?
    Ang Bantayan—2015 | Setyembre 1
    • Mga Saksi ni Jehova na iba’t iba ang lahi na nagbabatian sa Kingdom Hall

      TAMPOK NA PAKSA | MGA SAKSI NI JEHOVA—SINO SILA?

      Anong Uri ng mga Tao ang mga Saksi ni Jehova?

      Kami ay isang internasyonal na organisasyon, at hindi kami konektado sa ibang relihiyosong grupo. Bagaman nasa Estados Unidos ang aming pandaigdig na punong-tanggapan, karamihan ng mga Saksi ni Jehova ay nakatira sa iba’t ibang bansa. Sa katunayan, mga walong milyon sa amin ang nagtuturo ng Bibliya sa mga tao sa mahigit 230 lupain. Bilang pagsunod ito sa sinabi ni Jesus: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa.”​—Mateo 24:14.

      Saanman kami nakatira, buong-katapatan naming sinusunod ang batas. Pero sinisikap naming manatiling neutral sa politika. Ito ay dahil sinusunod namin ang tagubilin ni Jesus para sa mga Kristiyano na “hindi sila bahagi ng sanlibutan.” Kaya hindi kami nakikibahagi sa politikal na mga usapin at gawain ni sumusuporta man sa mga digmaan. (Juan 15:19; 17:16) Sa katunayan, noong Digmaang Pandaigdig II, ang mga Saksi ni Jehova ay ibinilanggo, pinahirapan, at pinatay pa nga dahil ayaw nilang ikompromiso ang kanilang neutralidad. Isang dating obispong Aleman ang sumulat: “Talagang masasabi nilang sila lamang ang relihiyong tumangging magsundalo noong Third Reich.”

      ‘Ang mga Saksi ni Jehova ay matatag pagdating sa moral. Magagamit natin ang di-makasariling mga taong iyon kahit na sa pinakamataas na tungkulin sa politika​—subalit hinding-hindi natin sila mailalagay sa mga puwestong iyon. . . . Kinikilala nila ang awtoridad ng mga pamahalaan, pero naniniwala sila na tanging Kaharian ng Diyos lang ang makalulutas sa lahat ng problema ng tao.’​—Pahayagang Nová Svoboda, Czech Republic.

      Gayunman, hindi namin ibinubukod ang aming sarili. Nang manalangin si Jesus sa Diyos tungkol sa kaniyang mga tagasunod, hindi niya hiniling na “alisin sila sa sanlibutan.” (Juan 17:15) Kaya makikita ninyo kami na nagtatrabaho, namimili, at pumapasok sa paaralan sa aming komunidad.

      MGA LUPAING MAY PINAKAMARAMING SAKSI

      • Estados Unidos 1,190,000

      • Mexico 800,000

      • Brazil 770,000

      • Nigeria 330,000

      • Italy 250,000

      • Japan 220,000

      Israel ngayon

      Panoorin ang video na Special Convention in Israel sa www.pr418.com, at tingnan kung paano napagtagumpayan ng mga Saksi sa Israel at Palestina ang kanilang pambansa at etnikong alitan. (Tingnan sa ABOUT US > CONVENTIONS)

  • Ano ang Paniniwala ng mga Saksi ni Jehova?
    Ang Bantayan—2015 | Setyembre 1
    • Mag-asawang Saksi ni Jehova na nag-aaral ng Bibliya kasama ang kanilang mga anak

      TAMPOK NA PAKSA | MGA SAKSI NI JEHOVA—SINO SILA?

      Ano ang Paniniwala ng mga Saksi ni Jehova?

      Naniniwala ang mga Saksi ni Jehova na “lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang.” (2 Timoteo 3:16) Ginagamit namin ang Bibliya bilang praktikal na patnubay para matuto tungkol sa Maylalang at magkaroon ng makabuluhang buhay.

      Sinasabi ng Bibliya: “Upang malaman ng mga tao na ikaw, na ang pangalan ay Jehova, ikaw lamang ang Kataas-taasan sa buong lupa.” (Awit 83:18) Kaya naman, ang Diyos na Jehova lang ang aming sinasamba, at bilang mga Saksi niya, sinisikap naming ipakilala ang kaniyang personal na pangalan.​—Isaias 43:10-12.

      Bilang mga Kristiyano, naniniwala kami na si Jesus, “ang Anak ng Diyos,”a ay dumating sa lupa at naging Mesiyas. (Juan 1:34, 41; 4:25, 26) Pagkamatay ni Jesus, binuhay siyang muli tungo sa langit. (1 Corinto 15:3, 4) Nang maglaon, naging Hari siya ng Kaharian ng Diyos. (Apocalipsis 11:15) Ang Kahariang iyon ay isang tunay na gobyerno na magsasauli ng Paraiso sa lupa. (Daniel 2:44) “Ang maaamo ang magmamay-ari ng lupa, at makasusumpong nga sila ng masidhing kaluguran sa kasaganaan ng kapayapaan,” ang sabi ng Bibliya.​—Awit 37:11, 29.

      “Kapag binabasa nila ang Bibliya, naniniwala silang ang Diyos ay nakikipag-usap sa kanila. Kapag nagkakaproblema sila, kinukuha nila ang Salita ng Diyos at hinahanap dito ang solusyon. . . . Para sa kanila, buháy pa rin ang Salita ng Diyos.”​—Klerigong Katoliko na si Benjamin Cherayath, pahayagang Münsterländische Volkszeitung, Germany

      Naniniwala ang mga Saksi ni Jehova na kahit sa ngayon, maaaring makinabang ang mga tao sa mga simulain ng Bibliya. (Isaias 48:17, 18) Kaya maingat naming sinusunod ang mga simulaing iyon. Halimbawa, dahil nagbababala ang Bibliya na iwasan ang mga gawaing nagpaparumi sa ating isip at katawan, hindi kami naninigarilyo o nagdodroga. (2 Corinto 7:1) Iniiwasan din namin ang mga gawaing hinahatulan sa Bibliya, gaya ng paglalasing, seksuwal na imoralidad, at pagnanakaw.​—1 Corinto 6:9-11.

      a Tinutukoy rin ng Bibliya si Jesus bilang ang “bugtong na Anak ng Diyos” dahil siya ang una at tanging tuwirang nilalang ni Jehova.​—Juan 3:18; Colosas 1:13-15.

      Mga magulang na nakangiti habang binubuksan ng kanilang anak ang regalo

      Para malaman ang aming mga paniniwala, pati na kung bakit hindi kami nagdiriwang ng mga kapistahan o nagpapasalin ng dugo, magpunta sa www.pr418.com/tl, at tingnan sa TUNGKOL SA AMIN > KARANIWANG MGA TANONG.

  • Paano Tinutustusan ang Aming Gawain?
    Ang Bantayan—2015 | Setyembre 1
    • Isang taong naghuhulog ng donasyon sa kahon ng kontribusyon

      TAMPOK NA PAKSA | MGA SAKSI NI JEHOVA—SINO SILA?

      Paano Tinutustusan ang Aming Gawain?

      Taon-taon, nag-iimprenta kami at namamahagi ng daan-daang milyong Bibliya at mga literatura sa Bibliya. Nagtatayo kami at nagpapatakbo ng mga tanggapang pansangay at mga palimbagan sa buong daigdig. Libo-libong kongregasyon ang nagtitipon sa simple pero magagandang lugar ng pagsamba na tinatawag na Kingdom Hall. Saan galing ang perang ginagastos dito?

      Ang aming gawain ay suportado ng boluntaryong mga donasyon. (2 Corinto 9:7) Noong 1879, sinabi sa ikalawang isyu ng magasing ito: “Naniniwala kami na si JEHOVA ang sumusuporta sa ‘Zion’s Watch Tower’ [ang tawag noon sa magasing ito], at dahil nga rito kung kaya hindi ito kailanman manghihingi ni makikiusap sa mga tao.” Hanggang ngayon, gayon pa rin ang aming patakaran.

      Ang mga donasyon ay tuwirang ipinadadala sa isa sa aming mga tanggapang pansangay o inihuhulog sa kahon ng kontribusyon na makikita sa bawat Kingdom Hall. Ngunit wala kaming hinihinging ikapu, walang koleksiyon, o bayad para sa aming serbisyo o mga publikasyon. Hindi kami binabayaran para mangaral, magturo sa kongregasyon, o tumulong sa pagtatayo ng mga lugar ng pagsamba. Tutal, sinabi ni Jesus: “Tinanggap ninyo nang walang bayad, ibigay ninyo nang walang bayad.” (Mateo 10:8) Lahat ng ministro sa aming mga tanggapang pansangay at sa aming pandaigdig na punong-tanggapan, kasama na ang bumubuo sa Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova, ay di-sinusuwelduhang mga miyembro ng isang relihiyosong orden.

      “Kung paanong boluntaryo ang lahat ng gawain ng mga Saksi ni Jehova, boluntaryo rin ang pagbibigay ng mga donasyon, anupat ipinapasiya ng bawat isa kung magkano at kung gaano kadalas siya magbibigay ng ‘donasyon.’”​—European Court of Human Rights, 2011

      Ginagamit din ang mga donasyon sa pagtulong kapag may sakuna. Nalugod ang unang mga Kristiyano na tumulong sa mga biktima ng sakuna. (Roma 15:26) Tumutulong din kami sa mga biktima ng sakuna sa pamamagitan ng pagtatayong muli ng kanilang mga tahanan at mga lugar ng pagsamba at sa pagbibigay ng pagkain, damit, at medikal na tulong.

      Isang batang nakangiti

      Panoorin ang video na Bagyo sa Pilipinas—Pananampalataya sa Harap ng Sakuna sa www.pr418.com/tl. (Tingnan sa TUNGKOL SA AMIN > AKTIBIDAD)

  • Bakit Kami Nangangaral?
    Ang Bantayan—2015 | Setyembre 1
    • Dalawang Saksi ni Jehova na nangangaral sa isang residensiyal na lugar

      TAMPOK NA PAKSA | MGA SAKSI NI JEHOVA—SINO SILA?

      Bakit Kami Nangangaral?

      Marahil kilalang-kilala kami dahil sa aming malawakang pangangaral​—sa bahay-bahay, sa pampublikong mga lugar, at saanman may tao. Bakit namin ito ginagawa?

      Nangangaral ang mga Saksi ni Jehova para luwalhatiin ang Diyos at ipakilala ang kaniyang pangalan. (Hebreo 13:15) Gusto rin naming sundin ang utos ni Kristo Jesus: “Kaya humayo kayo at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa, . . . na itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo.”​—Mateo 28:19, 20.

      Bukod diyan, mahal namin ang aming kapuwa. (Mateo 22:39) Mangyari pa, alam namin na may sarili nang relihiyon ang karamihan ng tao at na hindi lahat ay interesado sa aming mensahe. Pero naniniwala kami na ang mga turo ng Bibliya ay nagliligtas-buhay. Kaya kami ay “walang humpay sa pagtuturo at pagpapahayag ng mabuting balita tungkol sa Kristo,” gaya ng ginawa ng mga Kristiyano noong unang siglo.​—Gawa 5:41, 42.

      Isinulat ng sosyologong si Antonio Cova Maduro ang tungkol sa “pagsisikap at hirap na pinagdaanan ng mga Saksi ni Jehova . . . , upang makarating ang banal na kasulatan hanggang sa pinakamalayong sulok ng lupa.”​—Pahayagang El Universal, Venezuela

      Karamihan sa nagbabasa ng aming literatura ay hindi mga Saksi ni Jehova. At milyon-milyon na nakikipag-aral sa amin sa Bibliya ay kabilang sa ibang relihiyon. Gayunman, nagpapasalamat sila na dumadalaw sa kanila ang mga Saksi ni Jehova.

      Pero baka may iba ka pang tanong tungkol sa mga Saksi ni Jehova. Alamin ang sagot sa pamamagitan ng

      • Pagtatanong sa mga Saksi ni Jehova.

      • Pagpunta sa aming website na www.pr418.com/tl.

      • Pagdalo sa aming mga pulong, na walang bayad at para sa lahat.

      Isinusugo ni Jesus ang dalawang alagad para mangaral
      Bundok na nababalutan ng niyebe

      Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa mga Saksi ni Jehova, panoorin ang video na Mga Saksi ni Jehova​—Organisado sa Paghahayag ng Mabuting Balita, sa www.pr418.com/tl. (Tingnan sa PUBLIKASYON > VIDEO)

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share