-
Pagiging Born Again—Ang Daan Tungo sa Kaligtasan?Ang Bantayan—2009 | Abril 1
-
-
Pagiging Born Again—Ang Daan Tungo sa Kaligtasan?
PAANO mo sasagutin ang tanong na “Born again ka ba?” Milyun-milyon sa buong daigdig ang tiyak na sasagot ng “Oo!” Naniniwala sila na ang pagiging born again ay palatandaan ng lahat ng tunay na Kristiyano at ang tanging daan tungo sa kaligtasan. Sumasang-ayon sila sa pananaw ng mga lider ng relihiyon gaya ng teologong si Robert C. Sproul, na sumulat: “Kung ang isang tao ay hindi born again, . . . hindi siya Kristiyano.”
Isa ka ba sa mga naniniwala na kung born again ka, maliligtas ka? Kung gayon, tiyak na gusto mong tulungan ang iyong mga kamag-anak at kaibigan na maligtas din. Pero para mangyari iyan, kailangang maunawaan nila kung ano ang ibig sabihin ng pagiging born again. Paano mo iyon ipaliliwanag sa kanila?
Marami ang naniniwala na ang pananalitang “born again” ay tumutukoy sa isa na taimtim na nangangakong maglilingkod sa Diyos at kay Kristo, isa na nagbago at nagkaroon ng mabuting kaugnayan sa Diyos. Sa katunayan, ayon sa isang makabagong diksyunaryo, ang isang born again ay tumutukoy sa isang karaniwang Kristiyano na matapos ang isang emosyonal na karanasan sa pagsamba ay nagbago o nangakong susunod sa Diyos.
Magtataka ka kaya kung malaman mo na ibang-iba naman ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa kahulugan ng pagiging born again? Gusto mo bang malaman kung ano talaga ang sinasabi ng Salita ng Diyos hinggil dito? Tiyak na makikinabang ka kung susuriin mong mabuti ang bagay na ito. Bakit? Dahil ang tumpak na kaunawaan sa kahulugan ng pagiging born again ay makaaapekto sa iyong buhay at sa pag-asa mo sa hinaharap.
Ano ang Itinuturo ng Bibliya?
Ang pananalitang born again o “maipanganak muli” ay mababasa lamang sa Bibliya sa Juan 3:1-12. Inilalarawan dito ang kawili-wiling pag-uusap ni Jesus at ng isang lider ng relihiyon sa Jerusalem. Mababasa mo nang buo ang ulat na ito ng Bibliya sa kalakip na kahon. Inaanyayahan ka naming basahin itong mabuti.
Sa ulat ng Bibliya, itinatampok ni Jesus ang ilan sa mga aspekto ng pagiging born again.a Sa katunayan, tinutulungan tayo ng ulat na iyon na sagutin ang limang napakahalagang tanong:
◼ Gaano kahalaga ang pagiging born again?
◼ Tayo ba ang magpapasiya kung gusto nating maging born again?
◼ Ano ang layunin nito?
◼ Paano nagiging born again ang isa?
◼ Anong nagbagong kaugnayan ang idinudulot nito?
Isa-isa nating talakayin ang mga tanong na ito.
[Talababa]
a Sa 1 Pedro 1:3, 23, mababasa ang terminong “bagong pagsilang.” Isa rin itong termino sa Bibliya na lumalarawan sa pagiging “born again.” Ang dalawang terminong ito ay mula sa pandiwang Griego na gen·naʹo.
[Kahon/Larawan sa pahina 4]
“Kayo ay Dapat na Maipanganak Muli”
“At may isang tao mula sa mga Pariseo, Nicodemo ang kaniyang pangalan, isang tagapamahala ng mga Judio. Ang isang ito ay pumaroon sa kaniya nang gabi at sinabi sa kaniya: ‘Rabbi, alam naming ikaw bilang isang guro ay dumating mula sa Diyos; sapagkat walang sinuman ang makapagsasagawa ng mga tandang ito na iyong isinasagawa malibang sumasakaniya ang Diyos.’ Bilang sagot ay sinabi ni Jesus sa kaniya: ‘Katotohanang-katotohanang sinasabi ko sa iyo, Malibang maipanganak muli ang isa, hindi niya makikita ang kaharian ng Diyos.’ Sinabi ni Nicodemo sa kaniya: ‘Paanong maipanganganak ang isang tao kung matanda na siya? Hindi siya makapapasok sa bahay-bata ng kaniyang ina sa ikalawang pagkakataon at maipanganganak, hindi ba?’ Sumagot si Jesus: ‘Katotohanang-katotohanang sinasabi ko sa iyo, Malibang maipanganak ang isa mula sa tubig at espiritu, hindi siya makapapasok sa kaharian ng Diyos. Ang ipinanganak mula sa laman ay laman, at ang ipinanganak mula sa espiritu ay espiritu. Huwag kang mamangha sapagkat sinabi ko sa iyo, Kayo ay dapat na maipanganak muli. Ang hangin ay humihihip kung saan nito nais, at naririnig mo ang hugong nito, ngunit hindi mo alam kung saan ito nagmumula at kung saan ito pumaparoon. Gayundin ang bawat isa na ipinanganak mula sa espiritu.’ Bilang sagot ay sinabi ni Nicodemo sa kaniya: ‘Paano mangyayari ang mga bagay na ito?’ Bilang sagot ay sinabi ni Jesus sa kaniya: ‘Ikaw ba ay isang guro ng Israel at gayunma’y hindi mo alam ang mga bagay na ito? Katotohanang-katotohanang sinasabi ko sa iyo, Ang aming nalalaman ay sinasalita namin at ang aming nakita ay pinatototohanan namin, ngunit hindi ninyo tinatanggap ang patotoong ibinibigay namin. Kung nagsabi ako sa inyo ng makalupang mga bagay at gayunma’y hindi kayo naniniwala, paano kayo maniniwala kung magsasabi ako sa inyo ng makalangit na mga bagay?’”—Juan 3:1-12.
-
-
Pagiging Born Again—Gaano Kahalaga?Ang Bantayan—2009 | Abril 1
-
-
Pagiging Born Again—Gaano Kahalaga?
SA PAKIKIPAG-USAP ni Jesus kay Nicodemo, idiniin niya na napakahalagang maging born again. Paano niya ipinaliwanag iyon?
Pansinin kung paano idiniin iyon ni Jesus: “Malibang maipanganak muli [o born again] ang isa, hindi niya makikita ang kaharian ng Diyos.” (Juan 3:3) Ang mga salitang “maliban” at “hindi” ay nagdiriin sa kahalagahan ng pagiging born again. Bilang halimbawa: Kapag sinabi ng isa, “Malibang sumikat ang araw, hindi magkakaroon ng liwanag,” ang ibig niyang sabihin ay na talagang kailangan ang sikat ng araw para magliwanag. Sa katulad na paraan, sinabi ni Jesus na talagang kailangang maging born again ang isa para makita niya ang Kaharian ng Diyos.
Upang hindi na pag-alinlanganan pa ang hinggil dito, sinabi ni Jesus: “Kayo ay dapat na maipanganak muli.” (Juan 3:7) Maliwanag na ayon kay Jesus, ang pagiging born again ay isang kahilingan para ‘makapasok sa kaharian ng Diyos.’—Juan 3:5.
Yamang itinuturing ni Jesus na napakahalaga ng pagiging born again, dapat tiyakin ng mga Kristiyano na tumpak ang pagkaunawa nila sa ibig sabihin nito. Halimbawa, ang isang Kristiyano kaya ang magpapasiya kung magiging born again siya?
[Blurb sa pahina 5]
“Malibang sumikat ang araw, hindi magkakaroon ng liwanag”
-
-
Pagiging Born Again—Ikaw ba ang Magpapasiya?Ang Bantayan—2009 | Abril 1
-
-
Pagiging Born Again—Ikaw ba ang Magpapasiya?
SINO ang magpapasiya na maging born again ang isa? Kapag hinihimok ng ilang ministro ang kanilang mga tagapakinig na maging mga Kristiyanong born again, sinisipi nila ang mga salita ni Jesus: “Kayo ay dapat na maipanganak muli [o born again].” (Juan 3:7) Ginagawa nilang pautos ang mga salitang iyon na para bang sinasabi nilang “Dapat kang maging born again!” Kaya naman ipinangangaral nila na nasa pagpapasiya ng bawat indibiduwal kung susunod siya kay Jesus at gagawa ng kinakailangang mga hakbang para maging born again. Kung gayon, ang pagiging born again ay isang personal na pasiya. Pero kaayon ba iyan ng sinabi ni Jesus kay Nicodemo?
Kung susuriing mabuti ang mga salita ni Jesus, ipinakikita nito na hindi itinuro ni Jesus na ang bawat tao ang magpapasiya kung siya ay magiging born again. Bakit natin nasabi ito? Ang pananalitang Griego na isinaling “maipanganak muli” o born again ay maaari ding isalin na “dapat maipanganak mula sa itaas.”a Kaya ayon sa saling iyon, ang pagiging born again ay “mula sa itaas”—samakatuwid nga, “mula sa Ama.” (Juan 19:11; Santiago 1:17) Oo, ang Diyos ang magpapasiya.—1 Juan 3:9.
Kung isasaisip natin ang pananalitang “mula sa itaas,” mauunawaan natin na hindi ang indibiduwal ang magpapasiya kung siya ay magiging born again. Kuning halimbawa ang iyong kapanganakan. Ipinanganak ka ba dahil ginusto mo ito? Siyempre hindi! Ipinanganak ka dahil sa iyong ama. Sa katulad na paraan, magiging born again lamang tayo kung ipapasiya ito ng Diyos, ang ating makalangit na Ama. (Juan 1:13) Kaya tama ang pagkakasabi ni apostol Pedro: “Pagpalain nawa ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Kristo, sapagkat ayon sa kaniyang dakilang awa ay binigyan niya tayo ng isang bagong pagsilang.”—1 Pedro 1:3.
Utos ba Ito?
Pero baka magtanong ang ilan, ‘Kung totoo ngang hindi ang tao ang magpapasiya kung siya ay magiging born again, bakit iniutos ni Jesus: “Kayo ay dapat na maipanganak muli”?’ Hindi naman maling itanong iyan. Tutal, kung iniutos nga ito ni Jesus, lumilitaw na ipinagagawa niya sa atin ang isang bagay na hindi natin kaya. Hindi makatuwiran iyan. Kung gayon, paano natin uunawain ang pananalitang kayo ay dapat na “maipanganak muli”?
Kung susuriin ang pananalitang iyan sa orihinal na wika, makikitang hindi ito isinulat sa anyong pautos, kundi sa anyong paturol o nagpapahayag ng impormasyon. Kaya nang sabihin ni Jesus na dapat kayong “maipanganak muli,” hindi siya nag-uutos kundi nagsasabi lamang ng impormasyon. Sinabi niya: “Mahalaga na kayo ay maipanganak mula sa itaas.”—Juan 3:7, Modern Young’s Literal Translation.
Bilang halimbawa, isipin ang isang lunsod na maraming paaralan. Ang isa sa mga paaralan ay para sa mga batang katutubo na nakatira malayo sa lunsod. Minsan, isang kabataang lalaki na hindi katutubo ang nagsabi sa prinsipal ng paaralang iyon, “Gusto ko pong pumasok sa inyong paaralan.” Sinabi sa kaniya ng prinsipal, “Para makapasok ka rito, dapat na katutubo ka.” Sabihin pa, hindi inuutusan ng prinsipal ang kabataan na, “Dapat kang maging katutubo!” Sinasabi lamang niya ang impormasyon—ang kahilingan para makapasok sa paaralang iyon. Sa katulad na paraan, nang sabihin ni Jesus: “Kayo ay dapat na maipanganak muli,” sinasabi lamang niya ang impormasyon—ang kahilingan para ‘makapasok ang isa sa kaharian ng Diyos.’
Ang huling binanggit—ang Kaharian ng Diyos—ay may kaugnayan sa isa pang aspekto ng pagiging born again. Hinggil ito sa tanong na, Ano ang layunin nito? Kung alam natin ang sagot sa tanong na iyan, mauunawaan natin nang tumpak ang kahulugan ng pagiging born again.
[Talababa]
a Ito ang salin ng ilang bersiyon ng Bibliya sa Juan 3:3. Halimbawa, sinasabi ng A Literal Translation of the Bible: “Kung ang isa ay hindi ipinanganak mula sa itaas, hindi niya makikita ang kaharian ng Diyos.”
[Larawan sa pahina 6]
Ano ang pagkakatulad ng pagiging born again at ng ating kapanganakan?
-
-
Pagiging Born Again—Ano ang Layunin Nito?Ang Bantayan—2009 | Abril 1
-
-
Pagiging Born Again—Ano ang Layunin Nito?
MARAMI ang naniniwala na kailangang maging born again ang isa para sa kaniyang walang-hanggang kaligtasan. Pero pansinin ang sinabi mismo ni Jesus tungkol sa layunin ng pagiging born again: “Malibang maipanganak muli [o born again] ang isa, hindi niya makikita ang kaharian ng Diyos.” (Juan 3:3) Kaya kailangan munang maging born again ang isa para makapasok sa Kaharian ng Diyos, hindi para maligtas. ‘Pero,’ baka sabihin ng ilan, ‘hindi ba’t pareho lamang iyon—ang makapasok sa Kaharian at ang maligtas?’ Hindi, magkaiba ang mga ito. Para maunawaan ang pagkakaiba nito, talakayin muna natin kung ano ang “kaharian ng Diyos.”
Ang kaharian ay isang uri ng gobyerno. Kaya ang “kaharian ng Diyos” ay nangangahulugang “gobyerno ng Diyos.” Itinuturo ng Bibliya na si Jesu-Kristo, ang “anak ng tao,” ang Hari ng Kaharian ng Diyos at na may makakasamang maghahari si Kristo. (Daniel 7:1, 13, 14; Mateo 26:63, 64) Bukod diyan, ipinakikita sa pangitaing ibinigay kay apostol Juan na ang mga maghaharing kasama ni Kristo ay pinili “mula sa bawat tribo at wika at bayan at bansa” at “mamamahala . . . bilang mga hari sa ibabaw ng lupa.” (Apocalipsis 5:9, 10; 20:6) Sinasabi pa ng Salita ng Diyos na ang mga maghahari ay bubuo ng isang “munting kawan” ng 144,000 indibiduwal na “binili mula sa lupa.”—Lucas 12:32; Apocalipsis 14:1, 3.
Saan mamamahala ang Kaharian ng Diyos? Ang “kaharian ng Diyos” ay tinatawag ding “kaharian ng langit,” na nagpapakitang si Jesus at ang kaniyang kasamang mga hari ay mamamahala mula sa langit. (Lucas 8:10; Mateo 13:11) Kaya ang Kaharian ng Diyos ay isang makalangit na gobyerno na binubuo ni Jesu-Kristo at ng mga kasama niyang maghahari na pinili mula sa mga tao.
Kung gayon, ano ang ibig sabihin ni Jesus nang sabihin niya na dapat munang maging born again ang isa para ‘makapasok sa kaharian ng Diyos’? Ang ibig niyang sabihin ay na kailangan munang maging born again ang isa para maging kasamang tagapamahala ni Kristo sa langit. Sa madaling salita, ang layunin ng pagiging born again ay ihanda ang isang limitadong grupo ng mga tao upang mamahala sa langit.
Kaya naunawaan natin na ang pagiging born again ay napakahalaga, ang Diyos ang nagpapasiya nito, at inihahanda nito ang isang grupo ng mga tao para mamahala sa langit. Ngunit paano nagiging born again ang isa?
[Blurb sa pahina 7]
Ang layunin ng pagiging born again ay ihanda ang isang limitadong grupo ng mga tao upang mamahala sa langit
[Larawan sa pahina 7]
Ang Kaharian ng Diyos ay binubuo ni Jesu-Kristo at ng mga kasama niyang maghahari na pinili mula sa mga tao
-
-
Pagiging Born Again—Paano Ito Nangyayari?Ang Bantayan—2009 | Abril 1
-
-
Pagiging Born Again—Paano Ito Nangyayari?
SINABI ni Jesus kay Nicodemo ang kahalagahan at layunin ng pagiging born again, at kung sino ang nagpapasiya nito. At sinabi rin niya kung paano ito nangyayari: “Malibang maipanganak ang isa mula sa tubig at espiritu, hindi siya makapapasok sa kaharian ng Diyos.” (Juan 3:5) Kaya ang isang tao ay nagiging born again sa pamamagitan ng tubig at espiritu. Pero saan ba tumutukoy ang “tubig at espiritu”?
“Tubig at Espiritu”—Ano ang mga Ito?
Si Nicodemo ay isang Judiong iskolar ng relihiyon kaya tiyak na pamilyar siya kung paano ginagamit sa Hebreong Kasulatan ang terminong “espiritu ng Diyos”—ang aktibong puwersa ng Diyos na tumutulong sa mga tao na gumawa ng kamangha-manghang mga bagay. (Genesis 41:38; Exodo 31:3; 1 Samuel 10:6) Kaya nang banggitin ni Jesus ang salitang “espiritu,” naunawaan ni Nicodemo na ito ang banal na espiritu, ang aktibong puwersa ng Diyos.
Ano naman ang tubig na tinutukoy ni Jesus? Pansinin ang pangyayaring nakaulat bago at pagkatapos ng pag-uusap nina Jesus at Nicodemo. Ipinakikita nito na si Juan na Tagapagbautismo at ang mga alagad ni Jesus ay nagbabautismo sa tubig. (Juan 1:19, 31; 3:22; 4:1-3) Alam ng mga tao sa Jerusalem ang tungkol sa ganitong pagbabautismo. Kaya nang banggitin ni Jesus ang tubig, tiyak na naunawaan ni Nicodemo na ang tinutukoy ni Jesus ay ang bautismo sa tubig.a
Binautismuhan “sa Banal na Espiritu”
Kung ang terminong ‘maipanganak mula sa tubig’ ay tumutukoy sa bautismo sa tubig, saan naman tumutukoy ang pananalitang ‘maipanganak mula sa espiritu’? Bago ang pag-uusap nina Jesus at Nicodemo, sinabi ni Juan na Tagapagbautismo na hindi lamang sa tubig binabautismuhan ang isa kundi pati na rin sa espiritu. Sinabi niya: ‘Binautismuhan ko kayo sa tubig, ngunit babautismuhan kayo ni Jesus sa banal na espiritu.’ (Marcos 1:7, 8) Inilarawan ng manunulat ng Ebanghelyo na si Marcos ang unang pagbabautismo sa espiritu. Isinulat niya: “At nangyari nang mga araw na iyon, si Jesus ay dumating mula sa Nazaret ng Galilea at binautismuhan ni Juan sa Jordan. At kaagad pagkaahon mula sa tubig ay nakita niya ang langit na nahahawi, at, tulad ng isang kalapati, ang espiritu na bumababa sa kaniya.” (Marcos 1:9, 10) Nang ilubog si Jesus sa Jordan, binautismuhan siya sa tubig. Nang matanggap naman niya ang espiritu mula sa langit, binautismuhan siya sa banal na espiritu.
Mga tatlong taon matapos bautismuhan si Jesus, tiniyak niya sa kaniyang mga alagad: “Kayo ay babautismuhan sa banal na espiritu hindi maraming araw pagkatapos nito.” (Gawa 1:5) Kailan nangyari iyon?
Noong Pentecostes 33 C.E., mga 120 alagad ni Jesus ang nagtipon sa isang tahanan sa Jerusalem. “Bigla na lang dumating mula sa langit ang isang ingay na gaya ng sa malakas na hanging humahagibis, at pinunô nito ang buong bahay na kinauupuan nila. At nakakita sila ng mga dila na parang apoy . . . , at silang lahat ay napuspos ng banal na espiritu.” (Gawa 2:1-4) Nang araw ding iyon, hinimok ang ibang mga tao sa Jerusalem na magpabautismo sa tubig. Sinabi ni apostol Pedro sa mga tao: “Magsisi kayo, at magpabautismo ang bawat isa sa inyo sa pangalan ni Jesu-Kristo ukol sa kapatawaran ng inyong mga kasalanan, at tatanggapin ninyo ang walang-bayad na kaloob ng banal na espiritu.” Ano ang kanilang reaksiyon? “Yaong mga yumakap sa kaniyang salita nang buong puso ay nabautismuhan, at nang araw na iyon ay mga tatlong libong kaluluwa ang naparagdag.”—Gawa 2:38, 41.
Dalawang Bautismo ang Kailangan
Ano ang isinisiwalat ng dalawang bautismong ito hinggil sa pagiging born again? Ipinakikita nito na kailangan ang dalawang bautismo para maging born again ang isa. Pansinin na si Jesus ay binautismuhan muna sa tubig. Pagkatapos, tumanggap siya ng banal na espiritu. Sa katulad na paraan, ang unang mga alagad ay binautismuhan muna sa tubig (ang ilan ay binautismuhan ni Juan na Tagapagbautismo), saka sila tumanggap ng banal na espiritu. (Juan 1:26-36) Gayundin ang nangyari sa 3,000 bagong alagad.
Paano naman nagiging born again ang isa sa ngayon? Kung paanong binautismuhan sa tubig at espiritu ang mga apostol ni Jesus at ang unang mga alagad noon, gayundin naman sa ngayon. Ang isa ay kailangan munang magsisi sa kaniyang mga kasalanan, iwan ang maling mga paggawi, mag-alay ng kaniyang buhay kay Jehova para sambahin at paglingkuran siya, at magpabautismo sa tubig bilang sagisag ng kaniyang pag-aalay. Pagkatapos, kung pipiliin siya ng Diyos para maging hari sa Kaniyang Kaharian, siya ay papahiran ng banal na espiritu. Ang bautismo sa tubig ay nasa pagpapasiya ng bawat indibiduwal; samantalang ang Diyos naman ang nagpapasiya sa bautismo sa espiritu. Kapag ang isa ay binautismuhan sa tubig at espiritu, nagiging born again siya.
Pero bakit binanggit ni Jesus kay Nicodemo ang pananalitang ‘maipanganak mula sa tubig at espiritu’? Para idiin na ang mga binautismuhan sa tubig at espiritu ay daranas ng malaking pagbabago. Iyan ang tatalakayin sa susunod na artikulo.
[Talababa]
a Sa katulad na paraan, sinabi ni apostol Pedro nang minsang may nagaganap na bautismo: “Maipagbabawal ba ng sinuman ang tubig?”—Gawa 10:47.
[Larawan sa pahina 9]
Binautismuhan ni Juan sa tubig ang nagsisising mga Israelita
-
-
Pagiging Born Again—Ano ang Nagagawa Nito?Ang Bantayan—2009 | Abril 1
-
-
Pagiging Born Again—Ano ang Nagagawa Nito?
BAKIT ginamit ni Jesus ang pananalitang ‘maipanganak mula sa espiritu’ nang banggitin niya ang tungkol sa bautismo sa banal na espiritu? (Juan 3:5) Sa makasagisag na paraan, ang salitang “kapanganakan,” o pagsilang, ay nangangahulugang “pasimula.” Samakatuwid, ang terminong “bagong pagsilang,” o born again, ay tumutukoy sa “bagong pasimula.” Kaya idiniriin ng mga pananalitang “maipanganak” at “bagong pagsilang” na magkakaroon ng bagong pasimula ang kaugnayan sa Diyos ng mga taong binabautismuhan sa banal na espiritu. Paano nangyayari ang malaking pagbabagong iyon?
Ginamit ni apostol Pablo ang ilustrasyong hango sa buhay pampamilya upang ipaliwanag kung paano inihahanda ng Diyos ang mga tao para mamahala sa langit. Sumulat siya sa mga Kristiyano noong panahon niya na sila ay ‘aampunin bilang mga anak,’ kaya naman pakikitunguhan sila ng Diyos na “gaya ng sa mga anak.” (Galacia 4:5; Hebreo 12:7) Para maunawaan ang pagbabagong daranasin ng isa na binautismuhan sa banal na espiritu, balikan natin ang halimbawa ng kabataang lalaki na gustong pumasok sa paaralan ng mga katutubo.
Pagbabago Dahil Inampon
Sa ilustrasyon, hindi makapasok ang kabataang lalaki sa paaralan dahil hindi siya isang katutubo. Pero gunigunihin na isang araw, nagkaroon ng malaking pagbabago. Legal siyang inampon ng isang katutubo. Ano ang epekto nito sa kabataan? Dahil inampon siya ng isang katutubo, maaari na siya ngayong magkaroon ng mga karapatan na gaya ng ibang mga kabataang katutubo—kasama na ang karapatang makapasok sa paaralang iyon. Dahil sa pag-aampon, lubusang nagbago ang kaniyang kalagayan.
Sa paanuman, ipinakikita nito ang mangyayari sa mga taong nagiging born again. Pansinin ang ilang pagkakatulad. Ang kabataang lalaki sa ilustrasyon ay makapapasok lamang sa paaralan kung maaabot niya ang kahilingan—dapat na isa siyang katutubo. Pero hindi niya iyon magagawa kung sa ganang sarili lamang niya. Sa katulad na paraan, ang ilang tao ay magiging tagapamahala lamang sa Kaharian ng Diyos, o sa makalangit na gobyerno, kung maaabot nila ang kahilingan—ang “maipanganak muli” o maging born again. Pero kung sa ganang sarili lamang, hindi nila iyon magagawa dahil ang Diyos ang magpapasiya kung ang isa ay magiging born again.
Paano nabago ang kalagayan ng kabataang lalaki? Dahil legal siyang inampon. Sabihin pa, siya pa rin ang kabataang iyon. Pero maituturing na siya ngayon na isang katutubo. Oo, nagkaroon siya ng bagong pasimula—isang bagong pagsilang, wika nga. Itinuturing na siyang anak, anupat puwede na siyang pumasok sa paaralan at maging kapamilya ng umampon sa kaniya.
Sa katulad na paraan, nabago ang kalagayan ng isang grupo ng di-sakdal na mga tao nang legal silang ampunin ni Jehova bilang kaniyang mga anak. Si apostol Pablo, na kasama sa grupong iyon, ay sumulat sa kaniyang mga kapananampalataya: “Tumanggap kayo ng espiritu ng pag-aampon bilang mga anak, na sa pamamagitan ng espiritung iyon ay sumisigaw tayo: ‘Abba, Ama!’ Ang espiritu mismo ang nagpapatotoo kasama ng ating espiritu na tayo ay mga anak ng Diyos.” (Roma 8:15, 16) Oo, dahil inampon ang mga Kristiyanong iyon, naging bahagi sila ng pamilya ng Diyos, o “mga anak ng Diyos.”—1 Juan 3:1; 2 Corinto 6:18.
Sabihin pa, hindi pa rin sakdal ang mga taong inampon ng Diyos. (1 Juan 1:8) Pero gaya ng ipinaliwanag pa ni Pablo, nabago ang kalagayan nila matapos silang legal na ampunin. Kasabay nito, dahil sa espiritu ng Diyos, kumbinsido ang mga inampon ng Diyos na maninirahan sila sa langit kasama ni Kristo. (1 Juan 3:2) Ang walang pag-aalinlangang pananalig na iyon dahil sa banal na espiritu ang nagbigay sa kanila ng bagong pananaw sa buhay. (2 Corinto 1:21, 22) Oo, nagkaroon sila ng bagong pasimula—isang bagong pagsilang, wika nga.
Ganito ang sinasabi ng Bibliya hinggil sa mga inampon ng Diyos: “Sila ay magiging mga saserdote ng Diyos at ng Kristo, at mamamahala sila bilang mga hari na kasama niya sa loob ng isang libong taon.” (Apocalipsis 20:6) Kasama ni Kristo, ang mga inampon ng Diyos ay magiging mga hari sa Kaharian ng Diyos, o makalangit na gobyerno. Sinabi ni apostol Pedro sa kaniyang mga kapananampalataya na tatanggap sila ng “walang-kasiraan at walang-dungis at walang-kupas na mana” na “nakataan sa langit” para sa kanila. (1 Pedro 1:3, 4) Isa ngang napakahalagang mana!
Pero ang pamamahalang iyon ay nagbabangon ng isa pang tanong. Kung magiging mga hari sa langit ang mga naging born again, sino ang paghaharian nila? Iyan ang tatalakayin sa susunod na artikulo.
[Larawan sa pahina 10]
Ano ang sinabi ni Pablo hinggil sa pag-aampon?
-