-
Napagtagumpayan ng Bibliya ang PagkasiraAng Bantayan (Pampubliko)—2016 | Blg. 4
-
-
TAMPOK NA PAKSA | ANG BIBLIYA—ISANG KUWENTO NG TAGUMPAY
Napagtagumpayan ng Bibliya ang Pagkasira
BANTA: Papiro at pergamino ang pangunahing pinagsusulatan noon ng mga manunulat at tagakopya ng Bibliya.a (2 Timoteo 4:13) Paano nanganib na maglaho ang Bibliya dahil sa mga materyales na ito?
Ang papiro ay madaling mapunit, kumupas, at rumupok. “Sa bandang huli ang isang piraso nito ay maaaring maging mga hibla na lang at sandakot na alabok,” ang sabi ng Ehiptologong sina Richard Parkinson at Stephen Quirke. “Kapag nakatago, ang balumbon ay maaaring magkaamag o mabulok at kainin ng mga daga o insekto, lalo na ng mga anay, kapag ibinaon.” Nang matuklasan ang ilang papiro at mahantad sa sobrang liwanag o halumigmig, mabilis itong nasira.
Mas matibay ang pergamino kaysa sa papiro, pero nasisira din ito kapag hindi naingatan o kaya ay nahantad sa matinding temperatura, halumigmig, o liwanag.b Kinakain din ng mga insekto ang pergamino. Kaya naman, ang mga sinaunang rekord, ayon sa aklat na Everyday Writing in the Graeco-Roman East ay bihirang makaligtas. Kung tuluyang nasira ang Bibliya, malamang na namatay rin ang mensahe nito.
KUNG PAANO NAGTAGUMPAY ANG BIBLIYA: Batay sa kautusang Judio, obligado ang bawat hari na ‘isulat sa isang aklat para sa kaniyang sarili ang isang kopya ng Kautusang ito,’ ang unang limang aklat ng Bibliya. (Deuteronomio 17:18) Isa pa, napakaraming manuskritong nagawa ang propesyonal na mga tagakopya kung kaya pagsapit ng unang siglo C.E., ang mga Kasulatan ay matatagpuan sa mga sinagoga sa buong Israel at maging hanggang sa Macedonia! (Lucas 4:16, 17; Gawa 17:11) Paano naingatan ang ilang napakatandang manuskrito hanggang sa ngayon?
Ang mga manuskritong Dead Sea Scrolls ay daan-daang taóng naingatan sa mga bangang luwad na itinago sa mga kuwebang nasa tuyong klima
“Ang mga Judio ay kilaláng naglalagay ng mga balumbon ng Kasulatan sa mga pitsel o banga para maingatan ang mga ito,” ang sabi ng iskolar ng Bagong Tipan na si Philip W. Comfort. Lumilitaw na ipinagpatuloy ng mga Kristiyano ang kaugaliang iyan. Kaya naman, may ilang sinaunang manuskrito ng Bibliya na natagpuan sa mga bangang luwad, madidilim na silid at kuweba, at sa tuyong-tuyong mga rehiyon.
RESULTA: Libo-libong bahagi ng mga manuskrito ng Bibliya—ang ilan ay mahigit 2,000 taon na—ang naingatan hanggang sa ngayon. Wala nang ibang sinaunang teksto ang may ganito karami at katandang mga manuskrito.
a Ang papiro ay gawa sa halamang-tubig na papiro din ang pangalan. Ang pergamino naman ay gawa sa balat ng hayop.
b Halimbawa, ang opisyal at nilagdaang kopya ng U.S. Declaration of Independence ay isinulat sa pergamino. Ngayon, makalipas ang wala pang 250 taon, kumupas na ito at hindi na halos mabasa.
-
-
Napagtagumpayan ng Bibliya ang PagsalansangAng Bantayan (Pampubliko)—2016 | Blg. 4
-
-
TAMPOK NA PAKSA | ANG BIBLIYA—ISANG KUWENTO NG TAGUMPAY
Napagtagumpayan ng Bibliya ang Pagsalansang
BANTA: Maraming lider ng politika at relihiyon ang nagpakana ng mga planong salungat sa mensahe ng Bibliya. Kadalasan, ginagamit nila ang kanilang awtoridad para hindi magkaroon, makagawa, o makapagsalin ng Bibliya ang mga tao. Pansinin ang dalawang halimbawa:
Mga 167 B.C.E.: Dahil gusto niyang ipilit sa mga Judio ang relihiyong Griego, ipinag-utos ng haring Seleucido na si Antiochus Epiphanes na sirain ang lahat ng kopya ng Hebreong Kasulatan. “Pinupunit at sinusunog [ng kaniyang mga opisyal] ang mga balumbon ng Kautusan kapag nasusumpungan nila ang mga ito, at pinapatay ang mga naghahanap ng lakas at kaaliwan sa pagbabasa nito,” ang isinulat ng istoryador na si Heinrich Graetz.
Edad Medya: Nagalit ang ilang lider na Katoliko dahil mga turo ng Bibliya ang ipinangangaral ng mga lego sa halip na mga turong Katoliko, kaya itinuring nilang mga erehe ang sinumang may mga aklat ng Bibliya na hindi Mga Awit sa wikang Latin. Inutusan ng isang konsilyo ng simbahan ang kanilang mga tauhan na “masugid at walang-lubay na tugisin ang mga erehe . . . sa pamamagitan ng paghahalughog sa lahat ng bahay at mga silid sa ilalim ng lupa na pinaghihinalaang may mga aklat ng Bibliya. . . . Ang bahay ng sinumang erehe ay wawasakin.”
Kung nagtagumpay ang mga kaaway ng Bibliya na pawiin ito, posibleng naglaho rin ang mensahe nito.
Ang salin ni William Tyndale ng Bibliya sa wikang Ingles ay nakaligtas sa kabila ng pagbabawal, panununog ng Bibliya, at pagbitay kay Tyndale noong 1536
KUNG PAANO NAGTAGUMPAY ANG BIBLIYA: Ipinokus ni Haring Antiochus ang kaniyang kampanya sa Israel, pero ang mga Judio ay nakabuo na noon ng mga komunidad sa iba’t ibang lupain. Sa katunayan, tinataya ng mga iskolar na pagsapit ng unang siglo C.E., mahigit 60 porsiyento na ng mga Judio ang nakatira sa labas ng Israel. Sa kanilang mga sinagoga, ang mga Judio ay nag-ingat ng mga kopya ng Kasulatan—ang mga Kasulatan ding ito ang ginamit ng sumunod na mga henerasyon, pati na ng mga Kristiyano.—Gawa 15:21.
Noong Edad Medya, sinuong ng mga may pag-ibig sa Bibliya ang pag-uusig at patuloy na isinalin at kinopya ang Kasulatan. Bago pa man naimbento ang palimbagan noong kalagitnaan ng ika-15 siglo, ang mga bahagi ng Bibliya ay maaaring nababasa na sa mga 33 wika. Mula noon, mabilis na naisalin at nagawa ang Bibliya.
RESULTA: Sa kabila ng mga banta mula sa makapangyarihang mga hari at klerigo, ang Bibliya ang pinakamalawak na naipamahagi at naisaling aklat sa kasaysayan. Malaki ang naging impluwensiya nito sa batas at wika ng ilang bansa, pati na sa buhay ng milyon-milyon.
-
-
Napagtagumpayan ng Bibliya ang Tangkang Baguhin ang Mensahe NitoAng Bantayan (Pampubliko)—2016 | Blg. 4
-
-
Maingat na kinopya ng mga Masorete ang Kasulatan
TAMPOK NA PAKSA | ANG BIBLIYA—ISANG KUWENTO NG TAGUMPAY
Napagtagumpayan ng Bibliya ang Tangkang Baguhin ang Mensahe Nito
BANTA: Hindi nalipol ng bantang pagkasira at pagsalansang ang Bibliya. Pero tinangka ng ilang tagakopya at tagapagsalin na baguhin ang mensahe nito. Kung minsan, sinisikap nilang isunod sa kanilang mga doktrina ang Bibliya sa halip na ang mga doktrina nila ang isunod sa Bibliya. Tingnan ang ilang halimbawa:
Lugar ng pagsamba: Sa pagitan ng ikaapat at ikalawang siglo B.C.E., isiningit ng mga manunulat ng Samaritan Pentateuch sa dulo ng Exodo 20:17 ang pananalitang “sa Aargaareezem. At magtatayo ka roon ng isang altar.” Sa gayon, umaasa ang mga Samaritano na mapalilitaw nilang sinusuportahan ng Kasulatan ang pagtatayo nila ng templo sa “Aargaareezem,” o Bundok Gerizim.
Doktrina ng Trinidad: Wala pang 300 taon matapos makumpleto ang Bibliya, isang manunulat na nagtataguyod ng Trinidad ang nagdagdag sa 1 Juan 5:7 ng pananalitang “sa langit, ang Ama, ang Salita, at ang Espiritu Santo: at ang tatlong ito ay iisa.” Wala iyan sa orihinal na teksto. “Mula noong ikaanim na siglo,” ang sabi ng iskolar ng Bibliya na si Bruce Metzger, ang mga salitang iyon ay “mas madalas nang lumilitaw sa mga manuskrito ng Old Latin at ng [Latin] Vulgate.”
Pangalan ng Diyos: Ginagamit ang isang pamahiing Judio bilang kanilang awtoridad, nagpasiya ang maraming tagapagsalin ng Bibliya na alisin ang pangalan ng Diyos sa Kasulatan. Pinalitan nila ang pangalang iyon ng mga titulong gaya ng “Diyos” o “Panginoon,” mga pananalitang ginamit sa Bibliya hindi lang para sa Maylalang kundi para din sa mga tao, mga pinag-uukulan ng huwad na pagsamba, at maging sa Diyablo.—Juan 10:34, 35; 1 Corinto 8:5, 6; 2 Corinto 4:4.a
KUNG PAANO NAGTAGUMPAY ANG BIBLIYA: Una, kahit may mga tagakopya ng Bibliya na hindi maingat o mapanlinlang pa nga, marami naman ang dalubhasa at metikuloso. Sa pagitan ng ikaanim at ikasampung siglo C.E., kinopya ng mga Masorete ang Hebreong Kasulatan at nakilala iyon bilang ang tekstong Masoretiko. Iniulat nila na binilang nila ang mga salita at mga letra para matiyak na walang nakalusot na pagkakamali. Kapag inaakala nilang may mali sa master text na ginagamit nila, isinusulat nila ang mga ito sa margin. Ayaw ng mga Masorete na baguhin ang teksto ng Bibliya. “Kung sasadyain nilang baguhin ito,” ang isinulat ni Propesor Moshe Goshen-Gottstein, “para sa kanila, iyan ang pinakamabigat na krimeng magagawa nila.”
Ikalawa, sa dami ng mga manuskrito ngayon, nakatulong ito sa mga iskolar ng Bibliya na makita ang mga kamalian. Halimbawa, itinuro ng mga lider ng relihiyon sa loob ng daan-daang taon na ang mga bersiyon nila sa wikang Latin ang naglalaman ng orihinal na teksto ng Bibliya. Pero sa 1 Juan 5:7, isiningit nila ang mga salitang binanggit kanina sa artikulong ito. Ang kamaliang iyon ay nakapasok pa nga sa maimpluwensiyang King James Version sa wikang Ingles! Pero nang matuklasan ang ibang manuskrito, ano ang isiniwalat ng mga ito? Isinulat ni Bruce Metzger: “Ang pananalita [sa 1 Juan 5:7] ay wala sa mga manuskrito ng lahat ng sinaunang bersiyon (Syriac, Coptic, Armenian, Ethiopic, Arabic, Slavonic), maliban sa Latin.” Dahil diyan, inalis ng nirebisang edisyon ng King James Version at ng iba pang Bibliya ang maling parirala.
Chester Beatty P46, isang papirong manuskrito ng Bibliya mula noong mga 200 C.E.
Pinatutunayan ba ng mas matatandang manuskrito na naingatan ang mensahe ng Bibliya? Dahil sa natuklasan ang Dead Sea Scrolls noong 1947, maikukumpara na ng mga iskolar ang Hebreong tekstong Masoretiko at ang nilalaman ng mga balumbon ng Bibliya na mahigit sanlibong taon nang naisulat. Isang miyembro ng editorial team ng Dead Sea Scrolls ang nagsabi na ang isang balumbon ay naglalaan na ng “di-matututulang katibayan na ang pagkopya ng mga tagakopyang Judio sa teksto ng Bibliya sa loob ng mahigit isang libong taon ay lubos na tapat at maingat.”
Ang Chester Beatty Library sa Dublin, Ireland, ay nagtatampok ng isang koleksiyon ng mga papiro na kumakatawan sa halos lahat ng aklat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan, pati na ng mga manuskritong may petsang mula noong ikalawang siglo C.E.—mga 100 taon lang pagkatapos makumpleto ang Bibliya. “Bagaman ang mga papiro ay naglalaan ng maraming bagong impormasyon tungkol sa mga detalye ng teksto,” ang sabi ng The Anchor Bible Dictionary, “makikita rin sa mga ito na kahanga-hangang hindi nagbago ang teksto ng Bibliya sa buong kasaysayan ng pagkopya nito.”
“Hindi kalabisang sabihin na walang ibang sinaunang akda ang naitawid sa atin nang may gayong katumpakan”
RESULTA: Sa halip na mabago ang teksto ng Bibliya, nakatulong pa nga rito ang matatanda at maraming manuskrito ng Bibliya. “Walang ibang sinaunang aklat ang may gayon katanda at karaming patotoo sa teksto nito,” ang isinulat ni Sir Frederic Kenyon tungkol sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, “at walang patas na iskolar ang makapagkakaila na ang tekstong dumating sa atin ay tumpak sa kabuoan.” At tungkol sa Hebreong Kasulatan, sinabi ng iskolar na si William Henry Green: “Hindi kalabisang sabihin na walang ibang sinaunang akda ang naitawid sa atin nang may gayong katumpakan.”
a Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang Appendix A4 at A5 sa New World Translation of the Holy Scriptures, na available sa www.pr418.com.
-