Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Talaga Bang Nangyari Ito?
    Ang Bantayan (Pampubliko)—2016 | Blg. 2
    • Inalis ang bangkay ni Jesus mula sa pahirapang tulos habang nagmamasid sa malayo ang kaniyang mga alagad

      TAMPOK NA PAKSA | BAKIT NAGDUSA AT NAMATAY SI JESUS?

      Talaga Bang Nangyari Ito?

      Noong tagsibol ng 33 C.E., si Jesus na Nazareno ay pinatay. May-kasinungalingan siyang kinasuhan ng sedisyon, binugbog nang husto, at ipinako sa tulos. Dumanas siya ng napakasakit na kamatayan. Pero binuhay siyang muli ng Diyos, at pagkaraan ng 40 araw, umakyat si Jesus sa langit.

      Ang pambihirang ulat na ito ay mula sa apat na Ebanghelyo ng Kristiyanong Griegong Kasulatan, na karaniwang tinatawag na Bagong Tipan. Talaga kayang nangyari iyon? Angkop lang na itanong ito, at isa itong seryosong tanong. Kung hindi totoo ang ulat na iyon, walang-saysay ang pananampalatayang Kristiyano at ang buhay na walang hanggan sa Paraiso ay pangarap lang. (1 Corinto 15:14) Pero kung nangyari talaga ang ulat na iyon, may magandang kinabukasang naghihintay sa sangkatauhan, pati na sa iyo. Kaya totoo ba o kathang-isip lang ang mga ulat ng Ebanghelyo?

      KUNG ANO ANG IPINAKIKITA NG KATIBAYAN

      Di-gaya ng mga alamat, ang ulat ng mga Ebanghelyo ay tumpak hanggang sa kaliit-liitang detalye. Halimbawa, napakarami nitong binanggit na pangalan ng lugar na karamihan ay mapupuntahan pa ngayon. May mga ulat din tungkol sa mga tao, at pinatunayan ng sekular na mga istoryador na talagang umiral sila.—Lucas 3:1, 2, 23.

      Si Jesus din mismo ay binanggit ng sekular na mga manunulat noong una at ikalawang siglo.a Ang paraan ng pagpatay kay Jesus na inilalarawan sa mga Ebanghelyo ay kaayon ng paraan ng paglalapat ng kamatayan ng mga Romano noon. Isa pa, inilahad sa tumpak at prangkahang paraan ang mga ulat—kahit ang hindi magagandang ginawa ng mga alagad ni Jesus. (Mateo 26:56; Lucas 22:24-26; Juan 18:10, 11) Ipinakikita ng lahat ng ito na ang mga manunulat ng Ebanghelyo ay tapat at makatotohanan sa kanilang mga isinulat tungkol kay Jesus.

      KUMUSTA NAMAN ANG PAGKABUHAY-MULI NI JESUS?

      Tanggap ng marami na nabuhay at namatay si Jesus, pero may ilan na nag-aalinlangan kung binuhay siyang muli. Kahit ang kaniyang mga apostol ay hindi naniwala noong unang sabihin sa kanila na binuhay-muli si Jesus. (Lucas 24:11) Pero nawala ang kanilang pag-aalinlangan nang makita nila at ng ibang mga alagad ang binuhay-muling si Jesus sa magkakaibang pagkakataon. Minsan, nagpakita pa nga siya sa 500 katao.—1 Corinto 15:6.

      Sa kabila ng bantang aarestuhin at papatayin, lakas-loob na ipinahayag ng mga alagad ang pagkabuhay-muli ni Jesus sa lahat—kahit sa mga mismong pumatay sa kaniya. (Gawa 4:1-3, 10, 19, 20; 5:27-32) Maglalakas-loob ba ang mga alagad kung hindi sila sigurado sa pagkabuhay-muli ni Jesus? Ang totoo, ang pagkabuhay-muli ni Jesus ang dahilan ng impluwensiya ng Kristiyanismo sa daigdig noon at ngayon.

      Makikita sa mga ulat ng Ebanghelyo tungkol sa kamatayan at pagkabuhay-muli ni Jesus ang lahat ng pagkakakilanlan ng mapananaligan at makasaysayang ulat. Kapag maingat mo itong binasa, makukumbinsi kang talagang nangyari ang mga ulat na iyon. At lalo ka pang makukumbinsi kapag naunawaan mo kung bakit nangyari ang mga iyon. Ipaliliwanag ito sa susunod na artikulo.

      a Isinulat ni Tacitus, na ipinanganak noong mga 55 C.E., na “si Christus, na pinagmulan ng pangalang [Kristiyano], ay dumanas ng pinakamatinding parusa sa panahon ng paghahari ni Tiberio sa mga kamay ng isa sa ating mga prokurador, si Poncio Pilato.” Si Jesus ay binanggit din ni Suetonius (unang siglo); ng Judiong istoryador na si Josephus (unang siglo); at ni Pliny na Nakababata, gobernador ng Bitinia (maagang bahagi ng ikalawang siglo).

      Bakit Walang Gaanong Sekular na Patotoo?

      Napakalaki ng impluwensiya ni Jesus sa daigdig, kaya dapat ba nating asahan na may mga ulat noong unang siglo, bukod sa Bibliya, na magpapatunay na talagang umiral si Jesus at binuhay-muli? Hindi. Isinulat ang Ebanghelyo halos 2,000 taon na ang nakalilipas. Mula noon, iilang akda lang ang naingatan. (1 Pedro 1:24, 25) Isa pa, tiyak na hindi magsusulat ang mga kaaway ni Jesus ng mga akda na tutulong sa mga tao na maniwala at magtiwala sa kaniya.

      Tungkol sa pagkabuhay-muli ni Jesus, ipinaliwanag ni Pedro, isa sa mga apostol ni Jesus: “Ibinangon ng Diyos ang Isang ito nang ikatlong araw at ipinagkaloob sa kaniya na maging hayag, hindi sa lahat ng mga tao, kundi sa mga saksi na patiunang hinirang ng Diyos, sa amin, na kumain at uminom na kasama niya pagkatapos ng pagbangon niya mula sa mga patay.” (Gawa 10:40, 41) Bakit hindi sa lahat ng tao? Sinasabi ng Ebanghelyo ni Mateo na nang marinig ng mga kaaway ang ulat tungkol sa pagkabuhay-muli ni Jesus, tinangka nilang patigilin ang pagkalat ng balita.—Mateo 28:11-15.

      Nangangahulugan ba ito na gusto ni Jesus na ilihim ang kaniyang pagkabuhay-muli? Hindi, dahil sinabi pa ni Pedro: “Inutusan niya kaming mangaral sa mga tao at lubusang magpatotoo na ito ang Isa na itinalaga ng Diyos na maging hukom ng mga buháy at ng mga patay.” Ganiyan ang ginawa at ginagawa ng mga tunay na Kristiyano.—Gawa 10:42.

  • Bakit Nagdusa at Namatay si Jesus?
    Ang Bantayan (Pampubliko)—2016 | Blg. 2
    • Iba’t ibang lahi ng tao na masayang namumuhay sa Paraiso

      TAMPOK NA PAKSA

      Bakit Nagdusa at Namatay si Jesus?

      “Sa pamamagitan ng isang tao [si Adan] ang kasalanan ay pumasok sa sanlibutan at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan.”—Roma 5:12

      Sina Adan at Eva na nakatingin sa ipinagbabawal na bunga; ang matanda nang sina Adan at Eva; isang kabaong na dinadala sa sementeryo

      Ano ang sagot mo kapag tinanong ka, “Gusto mo bang mabuhay magpakailanman?” Malamang na sasabihin ng maraming tao na gusto nila, pero baka nadarama nilang hindi ito makatotohanan. Sinasabi nila na ang kamatayan ay bahagi na ng buhay.

      Paano kung baligtarin ang tanong, at sabihin, “Handa ka na bang mamatay?” Normal lang na hindi ang sagot ng maraming tao. Ang punto? Kahit maraming problema, talagang gusto nating mabuhay. Sinasabi ng Bibliya na nilalang ng Diyos ang mga tao na may pagnanais na patuloy na mabuhay. Sa katunayan, sinasabi nito na “maging ang panahong walang takda ay inilagay niya sa kanilang puso.”—Eclesiastes 3:11.

      Pero hindi nabubuhay magpakailanman ang mga tao. Ano ang nangyari? May ginawa na ba ang Diyos para solusyunan ang problema? Nakaaaliw ang sagot ng Bibliya, at may kinalaman ito sa dahilan kung bakit nagdusa at namatay si Jesus.

      KUNG ANO ANG NANGYARI

      Sinasabi ng unang tatlong kabanata ng aklat ng Bibliya na Genesis na binigyan ng Diyos ang unang mag-asawa, sina Adan at Eva, ng pag-asang mabuhay magpakailanman at sinabi niya sa kanila kung ano ang kailangan nilang gawin para makamit iyon. Pagkatapos, inilarawan ng ulat na nabigo silang sundin ang Diyos at naiwala ang pag-asang iyon. Simple ang kuwentong ito—napakasimple kaya iniisip ng ilan na isa lang itong alamat. Pero ang Genesis, gaya ng Ebanghelyo, ay may mga indikasyon ng pagiging totoo at makasaysayan.a

      Ano ang naging resulta ng pagsuway ni Adan? Sinasabi ng Bibliya: “Sa pamamagitan ng isang tao [si Adan] ang kasalanan ay pumasok sa sanlibutan at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan, at sa gayon ang kamatayan ay lumaganap sa lahat ng tao sapagkat silang lahat ay nagkasala.” (Roma 5:12) Nang sumuway si Adan sa Diyos, nagkasala siya. Kaya naiwala niya ang pag-asang mabuhay nang walang hanggan, at namatay siya nang maglaon. Dahil inapo niya tayo, nagmana tayo ng kasalanan. Bilang resulta, nagkakasakit tayo, tumatanda, at namamatay. Ang paliwanag na ito ay kaayon ng alam natin ngayon tungkol sa kung paano natin namamana ang ilang katangian ng ating mga magulang. Pero may ginawa na ba ang Diyos para solusyunan ang problema?

      KUNG ANO ANG GINAWA NG DIYOS

      Oo, gumawa ang Diyos ng paraan para matubos, o mabiling muli, ang naiwala ni Adan para sa mga inapo nito, ang pag-asang mabuhay magpakailanman. Paano iyon ginawa ng Diyos?

      “Ang kabayaran na ibinabayad ng kasalanan ay kamatayan,” ang sabi sa Roma 6:23. Ibig sabihin, ang kamatayan ay resulta ng kasalanan. Nagkasala si Adan kaya namatay siya. Nagkakasala rin tayo kaya namamatay tayo. Pero hindi natin kasalanan na ipinanganak tayong ganito. Kaya maibiging isinugo ng Diyos ang kaniyang Anak, si Jesus, para tanggapin ang ‘kabayaran ng kasalanan’ para sa atin. Paano?

      Iba’t ibang lahi ng tao na masayang namumuhay sa Paraiso

      Dahil sa kamatayan ni Jesus, posible nang mabuhay tayo nang masaya magpakailanman

      Dahil isang sakdal na tao, si Adan, ang nagdulot ng kasalanan at kamatayan sa atin sa pamamagitan ng pagsuway, isang sakdal na taong masunurin kahit hanggang kamatayan ang kailangan para mapalaya tayo mula rito. Ganito ang paliwanag ng Bibliya: “Kung paanong sa pamamagitan ng pagsuway ng isang tao ay marami ang ibinilang na makasalanan, sa gayunding paraan sa pamamagitan ng pagkamasunurin ng isang tao ay marami ang ibibilang na matuwid.” (Roma 5:19) Si Jesus ang “isang tao” na iyon. Iniwan niya ang langit, naging sakdal na taob, at namatay para sa atin. Bilang resulta, posible nang magkaroon tayo ng matuwid na katayuan sa harap ng Diyos at ng pag-asa na mabuhay magpakailanman.

      KUNG BAKIT NAGDUSA AT NAMATAY SI JESUS

      Pero bakit kailangang mamatay si Jesus para lang maisakatuparan ito? Hindi ba puwedeng naglabas na lang ng utos ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat na magpapahintulot sa mga inapo ni Adan na mabuhay nang walang hanggan? Tiyak na may awtoridad siyang gawin iyon. Pero kung gagawin niya iyon, pagwawalang-bahala ito sa sinabi niyang batas na kamatayan ang kabayaran ng kasalanan. Hindi ito simpleng batas lang na puwedeng isaisantabi o baguhin kung gusto niya. Ito ay saligan ng tunay na katarungan.—Awit 37:28.

      Kung isinaisantabi ng Diyos ang katarungan sa pagkakataong iyon, baka isipin ng mga tao na ganoon din ang gagawin niya sa ibang pagkakataon. Halimbawa, magiging patas kaya siya sa pagpili kung sino sa mga supling ni Adan ang mabibigyan ng buhay na walang hanggan? Mapagkakatiwalaan kaya ang mga pangako niya? Dahil nanghawakan ang Diyos sa katarungan nang isaayos niya ang ating kaligtasan, makapagtitiwala tayo na lagi niyang gagawin ang tama.

      Sa pamamagitan ng sakripisyong kamatayan ni Jesus, binuksan ng Diyos ang daan tungo sa buhay na walang hanggan sa Paraiso sa lupa. Pansinin ang sinabi ni Jesus sa Juan 3:16: “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat isa na nananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” Kaya ang kamatayan ni Jesus ay nagpapakita, hindi lang ng katarungan ng Diyos, kundi pati ng napakalaking pag-ibig Niya sa mga tao.

      Pero bakit kinailangang magdusa si Jesus at mamatay sa napakasakit na paraan, gaya ng paglalarawan sa Ebanghelyo? Nang manatili siyang tapat sa kabila ng napakatinding pagsubok, pinatunayan ni Jesus na mali ang paratang ng Diyablo na walang taong makapananatiling tapat sa Diyos kapag napaharap sa pagsubok. (Job 2:4, 5) Waring totoo ang paratang na iyan nang mahikayat ni Satanas na magkasala ang sakdal na taong si Adan. Pero si Jesus—na eksaktong katumbas ni Adan—ay nanatiling masunurin kahit dumanas ng matinding pagdurusa. (1 Corinto 15:45) Kaya pinatunayan ni Jesus na puwede rin sanang maging masunurin si Adan sa Diyos kung ginusto nito. Sa pananatiling tapat sa ilalim ng pagsubok, nag-iwan si Jesus sa atin ng huwaran. (1 Pedro 2:21) Dahil sa lubusang pagsunod ng kaniyang Anak, ginantimpalaan ng Diyos si Jesus ng imortal na buhay sa langit.

      KUNG PAANO KA MAKIKINABANG

      Talagang nangyari ang kamatayan ni Jesus. Posible na ang buhay na walang hanggan. Gusto mo bang mabuhay magpakailanman? Sinabi ni Jesus kung ano ang kailangang gawin: “Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos, at sa isa na iyong isinugo, si Jesu-Kristo.”—Juan 17:3.

      Inaanyayahan ka ng mga tagapaglathala ng magasing ito na matuto pa tungkol kay Jehova, ang tunay na Diyos, at tungkol sa kaniyang Anak, si Jesu-Kristo. Matutuwa ang mga Saksi ni Jehova na tulungan ka. May makikita ka ring kapaki-pakinabang na mga impormasyon sa aming website na www.pr418.com/tl.

      a Tingnan “Ang Pagiging Makasaysayan ng Genesis,” sa Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1, pahina 815, na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova.

      b Inilipat ng Diyos ang buhay ng kaniyang Anak mula sa langit tungo sa sinapupunan ni Maria kaya nagdalang-tao ito. Iningatan ng banal na espiritu ng Diyos si Jesus para hindi nito mamana ang di-kasakdalan ni Maria.—Lucas 1:31, 35.

      Ipinapasa ang tinapay na walang lebadura sa panahon ng Memoryal

      “Patuloy Ninyong Gawin Ito”

      Noong gabi bago ibigay ni Jesus ang kaniyang buhay, tinipon niya ang kaniyang tapat na mga apostol at pinasimulan ang Memoryal ng kaniyang kamatayan. Sinabi niya sa kanila: “Patuloy ninyong gawin ito bilang pag-alaala sa akin.” (Lucas 22:19) Bilang pagsunod sa utos na ito, ang mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig ay nagtitipon taon-taon para sa anibersaryo ng kamatayan ni Jesus. Noong nakaraang taon, 19,862,783 ang dumalo sa okasyong ito.

      Sa taóng ito, ang Memoryal ng kamatayan ni Jesus ay sa Marso 23, Miyerkules, pagkalubog ng araw. Ikaw, ang iyong pamilya, at mga kaibigan ay iniimbitahan na dumalo at makinig sa isang pahayag na batay sa Bibliya. Ipaliliwanag dito kung bakit mahalaga ang kamatayan ni Jesus at kung paano ka personal na makikinabang. Walang-bayad ang pagdalo, at wala ring koleksiyon. Para malaman ang oras at lugar ng okasyong ito, pakisuyong magtanong sa mga Saksi ni Jehova. Puwede mo ring tingnan sa aming website na www.pr418.com/tl.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share