-
Makakatulong Kaya sa Relasyon Namin ang Sex?Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 1
-
-
KABANATA 24
Makakatulong Kaya sa Relasyon Namin ang Sex?
Dalawang buwan pa lang na boyfriend ni Heather si Mike, pero pakiramdam niya, matagal na silang magkakilala. Lagi silang magkatext at magkausap sa telepono. Kabisado na nga nila ang linya ng isa’t isa! Pero isang gabi, habang nasa kotse, may iba nang gustong gawin si Mike.
Sa nakalipas na dalawang buwan, hanggang hawakan lang sila ng kamay at kaunting halik. Ayaw ni Heather na lumampas pa roon. Pero ayaw din naman niyang mawala si Mike. Kapag kasama niya si Mike, pakiramdam niya isa siyang prinsesa. ‘Tutal,’ ang katuwiran niya, ‘nagmamahalan kami ni Mike . . .’
MALAMANG na alam mo na kung saan patungo ang eksenang ito. Pero baka hindi mo alam kung gaano kalaki ang magiging epekto ng sex kina Mike at Heather—at tiyak na hindi maganda. Isipin ito:
Kung lalabagin mo ang mga pisikal na batas, gaya ng batas ng grabidad, tiyak na mapapahamak ka. Ganiyan din kung lalabagin mo ang moral na batas, gaya ng batas na: “Umiwas kayo sa pakikiapid.” (1 Tesalonica 4:3) Ano ang kahihinatnan? Sinasabi ng Bibliya: “Siya na namimihasa sa pakikiapid ay nagkakasala laban sa kaniyang sariling katawan.” (1 Corinto 6:18) Paano? Mag-isip ng tatlong masasamang epekto ng pakikipag-sex nang di-kasal.
1 ․․․․․
2 ․․․․․
3 ․․․․․
Ngayon, tingnan ang sagot mo. Isinulat mo ba ang pagbubuntis kahit hindi mo gusto, sakit na naililipat sa pagtatalik, o pagkawala ng pagsang-ayon ng Diyos? Talagang napakasaklap ng resulta kapag sinuway ang batas ng Diyos sa pakikiapid.
Pero baka natutukso ka pa rin. Baka ikatuwiran mo, ‘Wala namang masamang mangyayari sa akin.’ Tutal, hindi ba lahat naman ay nakikipag-sex? Ipinagyayabang ng mga kaeskuwela mo ang mga karanasan nila, at mukhang walang masamang nangyayari sa kanila. Gaya ni Heather, baka iniisip mong makakatulong sa relasyon ninyong magkasintahan ang sex. Isa pa, sino ba naman ang gustong makantiyawang virgin? Hindi kaya mas mabuting magpatangay ka na lang sa agos?
Pero teka . . . hindi lahat ay nakikipag-sex. Totoo, ipinapakita ng mga estadistika na maraming kabataan ang nakikipag-sex. Halimbawa, ayon sa isang pag-aaral, 2 sa bawat 3 kabataan sa Estados Unidos ang nakaranas nang makipag-sex habang nasa haiskul. Pero ibig sabihin din, 1 sa bawat 3 ang hindi. Malaki-laki rin ang bilang na ito! Ano naman ang nangyari sa mga nakipag-sex? Natuklasan ng mga mananaliksik na marami sa kanila ang nakaranas ng isa o higit pa sa mga sumusunod.
BANGUNGOT 1 PAGKAKONSIYENSIYA. Karamihan sa mga kabataang nakipag-sex nang di-kasal ay nagsasabing pinagsisihan nila ito.
BANGUNGOT 2 KAWALAN NG TIWALA. Pagkatapos mag-sex, pagdududahan nila ang isa’t isa, ‘Sino pa kaya ang naka-sex niya?’
BANGUNGOT 3 PAGKADISMAYA. Sa loob-loob ng babae, sana’y pumili siya ng isa na magtatanggol sa kaniya, hindi ng isa na gagamit sa kaniya. At marami ring lalaki ang nawawalan ng interes sa babae na madaling bumigay.
Bukod sa mga nabanggit, maraming lalaki ang nagsasabing hindi nila pakakasalan ang babaing naka-sex nila. Bakit? Mas gusto kasi nila ang virgin!
Kung babae ka, malamang na magulat ka—o magalit pa nga! Tandaan: Ang nangyayari sa tunay na buhay kapag nakipag-sex nang di-kasal ay ibang-iba sa ipinapakita sa mga pelikula at TV. Pinalalabas ng media na okey lang mag-sex ang mga tin-edyer at tanda ito ng tunay na pag-ibig. Pero huwag magpadaya! Sarili lang ang iniisip ng magyayaya sa iyo na makipag-sex. (1 Corinto 13:4, 5) Kasi kung talagang mahal ka niya, magagawa ba niyang saktan ka? (Kawikaan 5:3, 4) At kung talagang nagmamalasakit siya, tutuksuhin ka ba niyang gumawa ng isang bagay na sisira sa kaugnayan mo sa Diyos?—Hebreo 13:4.
Kung may girlfriend ka, pag-isipan ang mga natutuhan mo sa kabanatang ito. Tanungin ang sarili, ‘Talaga bang mahal ko ang girlfriend ko?’ Kung oo ang sagot mo, paano mo ito maipapakita? Dapat na may lakas ka para sundin ang mga batas ng Diyos, karunungan para umiwas sa mga alanganing sitwasyon, at pag-ibig para unahin ang kaniyang kapakanan. Kung nasa iyo ang mga katangiang iyan, malamang na masabi rin ng girlfriend mo ang gaya ng nasabi ng Shulamita: “Ang mahal ko ay akin at ako ay kaniya.” (Awit ni Solomon 2:16) Sa madaling salita, ikaw ang magiging tagapagtanggol niya!
Lalaki ka man o babae, kung makikipag-sex ka nang hindi kasal, winawalang-dangal mo ang iyong sarili dahil hinahayaan mong mawala ang isang bagay na napakahalaga. (Roma 1:24) Hindi kataka-taka, napakaraming kabataan ang nakadarama ng kawalang-halaga matapos makipag-sex, dahil hinayaan nilang manakaw ang isang napakahalagang pag-aari nila! Huwag hayaang mangyari iyan sa iyo. Kung yayain ka ng kasintahan mo na makipag-sex at sabihing, “Kung mahal mo ako, papayag ka,” matatag na sumagot, “Kung talagang mahal mo ako, hindi mo ipapagawa sa akin ‘yan!”
Ang katawan mo ay napakahalaga, kaya hindi mo dapat basta-basta ibigay sa iba. Maging determinadong sundin ang utos ng Diyos na umiwas sa pakikiapid. Kapag kasal ka na, puwede mo nang maranasan ang sex. At masisiyahan kang gawin ito nang walang halong pangamba, pagsisisi, at takot, na karaniwang resulta ng pakikipag-sex nang di-kasal.—Kawikaan 7:22, 23; 1 Corinto 7:3.
MARAMI KA PANG MABABASA TUNGKOL SA PAKSANG ITO SA TOMO 2, KABANATA 4 AT 5
Gaano kasamâ ang masturbasyon?
TEMANG TEKSTO
“Tumakas kayo mula sa pakikiapid. . . . Siya na namimihasa sa pakikiapid ay nagkakasala laban sa kaniyang sariling katawan.”—1 Corinto 6:18.
TIP
Kapag kasama ng isang di-kasekso, tandaan ito: Kung hindi mo kayang gawin ang isang bagay sa harap ng mga magulang mo, huwag mo na itong gawin.
ALAM MO BA . . . ?
Kapag nakuha na ng isang lalaki ang “gusto” niya, malamang na iwan niya ang kaniyang girlfriend at humanap ng iba.
ANG PLANO KONG GAWIN!
Kapag kasama ng isang di-kasekso, ang mga alanganing sitwasyon na iiwasan ko ay ․․․․․
Kung gusto ng isang di-kasekso na magkita kami sa isang lugar na walang ibang tao, ang sasabihin ko ay ․․․․․
Ang mga gusto kong itanong sa (mga) magulang ko hinggil sa bagay na ito ay ․․․․․
ANO SA PALAGAY MO?
● Kahit natutukso kang makipag-sex nang hindi pa kasal, bakit hindi mo ito dapat gawin?
● Ano ang gagawin mo kapag may nagyaya sa iyo na makipag-sex?
[Blurb sa pahina 176]
“Bilang Kristiyano, may magaganda kang katangian kaya magiging kaakit-akit ka sa iba. Huwag sayangin ang mga katangiang iyon. Maging alisto at tanggihan ang anumang alok na gumawa ng imoralidad. Huwag kang magpadala!”—Joshua
[Larawan sa pahina 176, 177]
Kapag nakipag-sex ka nang di-kasal, parang ginawa mong basahan ang isang obra maestra
-
-
Paano Ko Madadaig ang Masturbasyon?Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 1
-
-
KABANATA 25
Paano Ko Madadaig ang Masturbasyon?
“Walong taóng gulang ako nang maging bisyo ko ang masturbasyon. Nalaman kong hindi pala ito gusto ng Diyos. Nakokonsiyensiya ako tuwing nagagawa ko iyon. Naiisip ko, ‘Mamahalin kaya ng Diyos ang gaya ko?’”—Luiz.
HABANG nagbibinata o nagdadalaga ka, tumitindi ang seksuwal na mga pagnanasa. Kaya baka mabitag ka sa bisyo ng masturbasyon.a Marami ang nagsasabing okey lang iyon. “Wala namang nasasaktan,” ang katuwiran nila. Pero makabubuting iwasan mo ito. Isinulat ni apostol Pablo: “Patayin ninyo, kung gayon, ang mga sangkap ng inyong katawan . . . may kinalaman sa . . . pita sa sekso.” (Colosas 3:5) Hindi pinapatay ng masturbasyon ang pita sa sekso kundi ginagatungan pa ito. Pag-isipan din ang sumusunod:
● Nagiging makasarili ang isa dahil sa masturbasyon. Kasi kapag ginagawa ito, nakapokus lang ang isa sa sarili niyang pakiramdam.
● Baka ituring ng mga gumagawa nito na laruan lang ang di-kasekso.
● Dahil nagiging makasarili ang isa na nahulog sa bisyong ito, baka hindi siya makontento sa seksuwal na pakikipag-ugnayan sa magiging asawa niya.
Kapag tumitindi ang iyong seksuwal na pagnanasa, hindi masturbasyon ang solusyon—kailangan mo ng pagpipigil sa sarili. (1 Tesalonica 4:4, 5) Para magawa iyan, pinapayuhan ka ng Bibliya na umiwas sa mga sitwasyong maaaring pumukaw ng pagnanasa. (Kawikaan 5:8, 9) Pero paano kung naging bisyo mo na ang masturbasyon? Baka sinisikap mo namang iwasan ito, pero nadadaig ka pa rin. Baka maisip mong hindi mo na kayang magbago, na hindi mo talaga kayang sumunod sa mga pamantayan ng Diyos. Ganiyan ang naisip ni Pedro. “Kapag natutukso ako, sising-sisi ako,” ang sabi niya. “Naiisip kong wala nang kapatawaran ang nagawa ko. Nahihiya akong manalangin.”
Kung nararamdaman mo iyan, huwag kang masiraan ng loob. Nadaig ng maraming kabataan—at mga adulto—ang bisyo ng masturbasyon. Kaya mo rin iyan!
Daigin ang Labis na Pagkakonsiyensiya
Gaya ng nabanggit na, kadalasan nang nakokonsiyensiya ang mga nahulog sa bisyo ng masturbasyon. Totoo, makakatulong ang ‘pagkalungkot sa makadiyos na paraan’ para madaig mo ang bisyong ito. (2 Corinto 7:11) Pero hindi rin naman maganda kung sobra-sobra kang nakokonsiyensiya. Kasi baka masiraan ka ng loob at sumuko.—Kawikaan 24:10.
Kaya maging makatuwiran. Totoo, ang masturbasyon ay isang uri ng karumihan. Puwede kang ‘mapaalipin sa iba’t ibang pagnanasa at kaluguran’ at magkaroon ng masasamang ugali dahil dito. (Tito 3:3) Pero hindi naman ito kasinsama ng seksuwal na imoralidad, gaya ng pakikiapid. (Judas 7) Kung naging bisyo mo ito, huwag mong isipin na nakagawa ka na ng di-mapapatawad na kasalanan. Basta labanan mo ang tukso at huwag na huwag kang susuko!
Baka mawalan ka ng pag-asa kapag nadaig ka ng tukso. Pero tandaan ang sinasabi sa Kawikaan 24:16: “Ang matuwid ay maaaring mabuwal nang kahit pitong ulit, at tiyak na babangon siya; ngunit ang mga balakyot ay matitisod dahil sa kapahamakan.” Kung matukso ka ulit, hindi ibig sabihin na napakasama mo na. Kaya huwag kang susuko. Sa halip, pag-isipan kung ano ang nakatukso sa iyo, at iwasan ito.
Lagi mong isipin ang pag-ibig at awa ng Diyos. Sinabi ng salmistang si David, na minsan ding nadaig ng kahinaan: “Kung paanong nagpapakita ng awa ang ama sa kaniyang mga anak, si Jehova ay nagpapakita ng awa sa mga may takot sa kaniya. Sapagkat nalalaman niyang lubos ang kaanyuan natin, na inaalaalang tayo ay alabok.” (Awit 103:13, 14) Oo, alam ni Jehova na hindi tayo perpekto at ‘handa siyang magpatawad.’ (Awit 86:5) Pero gusto rin niyang magsikap tayo na daigin ang ating kahinaan. Kaya anu-ano ang puwede mong gawin para mapagtagumpayan mo ang bisyong ito?
Suriin ang pinapanood mo at binabasa. Nagbubukas ka ba ng mga Web site o nanonood ng pelikula o palabas sa TV na gumigising sa iyong pagnanasa? Nanalangin sa Diyos ang salmista: “Palampasin mo ang aking mga mata sa pagtingin sa walang kabuluhan.”b—Awit 119:37.
Pilitin mong mag-isip ng ibang bagay. Ganito ang payo ng Kristiyanong si William: “Bago ka matulog sa gabi, magbasa ng publikasyong salig sa Bibliya. Napakahalaga na espirituwal na bagay ang maiiwan sa isip mo bago ka matulog.”—Filipos 4:8.
Sabihin sa iba ang problema mo. Baka maunahan ka ng hiya, kaya hindi mo masabi sa iba ang problema mo. Pero makakatulong iyan para madaig mo ang bisyong ito! Ganito ang sinabi ng Kristiyanong si David: “Ipinagtapat ko kay Tatay ang problema ko. Ngumiti siya sa akin tapos sinabi niya, ‘Anak, proud ako sa iyo.’ Hindi ko malilimutan ‘yon. Alam niya kung gaano kahirap para sa akin na ipagtapat ito. At yung sinabi niya, iyon mismo ang kailangan ko. Lalo akong naging determinado na daigin ang bisyong ito.
“Tapos, binasa sa akin ni Tatay ang ilang teksto na nagpapakitang hindi naman ako masamang tao, at ilang teksto pa para maunawaan ko kung gaano kaseryoso ang bagay na ito. Sinabi niya na sikapin kong iwasan ito sa loob ng isang espesipikong panahon, tapos mag-uusap uli kami. Kung matukso raw ulit ako, huwag akong masisiraan ng loob. Basta gawin kong goal na huwag itong maulit sa loob ng mas mahabang panahon.” Ang natutuhan ni David? “Malaking bagay talaga kung may ibang nakakaalam sa problema mo at handang tumulong sa iyo.”c
Ano ang masama sa casual sex? Alamin.
[Mga talababa]
a Iba ang masturbasyon sa di-sinasadyang pagkapukaw sa sekso. Halimbawa, puwedeng magising ang isang lalaki na pukáw sa sekso o labasán ng semilya habang natutulog. Ang ilang babae naman, napupukaw nang di-sinasadya kapag malapit na o katatapos pa lang ng kanilang buwanang dalaw. Sa kabaligtaran, ang masturbasyon ay ang sinasadyang pagpukaw sa sarili.
b May higit pang impormasyon sa Tomo 2, Kabanata 33.
c May higit pang impormasyon sa Tomo 2, pahina 239-241.
TEMANG TEKSTO
“Tumakas ka mula sa mga pagnanasa na kaakibat ng kabataan, ngunit itaguyod mo ang katuwiran, pananampalataya, pag-ibig, kapayapaan, kasama niyaong mga tumatawag sa Panginoon mula sa isang malinis na puso.”—2 Timoteo 2:22.
TIP
Manalangin bago pa tumindi ang pagnanasa mo. Hilingin sa Diyos na Jehova na bigyan ka ng “lakas na higit sa karaniwan” para malabanan ang tukso.—2 Corinto 4:7.
ALAM MO BA . . . ?
Ang mahihina, madaling nagpapadala sa tukso. Pero ang tunay na lalaki o babae, nagkokontrol ng kaniyang sarili kahit walang ibang nakakakita.
ANG PLANO KONG GAWIN!
Para manatiling malinis ang isip ko, ang gagawin ko ay ․․․․․
Sa halip na magpadala sa tukso, ang gagawin ko ay ․․․․․
Ang mga gusto kong itanong sa (mga) magulang ko hinggil sa bagay na ito ay ․․․․․
ANO SA PALAGAY MO?
● Bakit mahalagang tandaan na si Jehova ay “handang magpatawad”?—Awit 86:5.
● Yamang nilalang ka ng Diyos na may likas na pagnanasa sa sekso at sinabi rin niyang kailangan mong magpigil sa sarili, ano ang alam niya na kaya mong gawin?
[Blurb sa pahina 182]
“Mula nang mapagtagumpayan ko ang bisyong ito, malinis na ang konsiyensiya ko sa harap ni Jehova, at hinding-hindi ko ito ipagpapalit sa anumang bagay!”—Sarah
[Larawan sa pahina 180]
Matalisod ka man habang tumatakbo, hindi mo kailangang bumalik sa simula—matukso ka mang muli sa masturbasyon, hindi nababale-wala ang pagsisikap mong daigin ito
-
-
Ano ang Masama sa Casual Sex?Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 1
-
-
KABANATA 26
Ano ang Masama sa Casual Sex?
“May mga kabataang nagsasama-sama para makahanap ng partner sa sex at makita kung makakarami sila.”—Penny.
“Hindi nahihiya ang mga lalaki na pag-usapan ito. Ipinagyayabang nilang kahit may girlfriend na sila, nakikipag-sex pa rin sila sa ibang mga babae.”—Edward.
IPINAGMAMALAKI ng maraming kabataan na nakikipag-sex sila kahit walang pagmamahal o pananagutang nasasangkot—iyan ang tinatawag na casual sex. Ang ilan ay may mga kakilala pa nga na puwede nilang maka-sex kapag gusto nila.
Huwag kang magtaka kung natutukso ka ring gawin iyan. (Jeremias 17:9) Sinabi ni Edward, na binanggit kanina: “Marami nang babae ang nagyaya sa akin na makipag-sex, at ang pagtanggi ang pinakamahirap gawin bilang Kristiyano.” Anong mga simulain sa Bibliya ang dapat tandaan kung may nagyayaya sa iyo na makipag-sex?
Kung Bakit Mali ang Casual Sex
Ang mga nakikiapid ay “hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.” (1 Corinto 6:9, 10) Napakabigat ngang kasalanan ng pakikiapid, kahit pa sabihing “nagmamahalan” ang mga gumagawa nito. Para malabanan ang tukso, dapat mong tularan ang pananaw ni Jehova sa pakikiapid.
“Talagang naniniwala ako na ang pagsunod kay Jehova ang pinakamagaling na paraan ng pamumuhay.”—Karen, Canada.
“May mga magulang ka, kaibigan, at mga kakongregasyon. Tiyak na malulungkot sila kapag nagpadala ka sa tukso!”—Peter, Britanya.
Kapag tinularan mo ang pananaw ni Jehova sa pakikiapid, ‘kapopootan mo ang kasamaan,’ kahit pa natutukso ka.—Awit 97:10.
Basahin ang Genesis 39:7-9. Pansinin ang katatagan ni Jose na labanan ang tukso at kung ano ang tumulong sa kaniya na labanan ito.
Huwag Ikahiya ang Iyong mga Paniniwala
Karaniwan na, ipinaglalaban ng mga kabataan ang mga paniniwala nila. Pribilehiyo mong ipagtanggol ang pamantayan ng Diyos sa pamamagitan ng iyong paggawi. Huwag ikahiya ang pananaw mo tungkol sa pakikipag-sex nang di-kasal.
“Sa simula pa lang, ipaalam mo nang may sinusunod kang mga pamantayang moral.”—Allen, Alemanya.
“Kilala ako ng mga lalaking naging kaeskuwela ko sa haiskul, kaya alam nilang hindi nila ako mapapapayag.”—Vicky, Estados Unidos.
Kapag naninindigan ka sa iyong mga paniniwala, patunay iyan na nagiging may-gulang na Kristiyano ka na.—1 Corinto 14:20.
Basahin ang Kawikaan 27:11. Pansinin ang madarama ni Jehova kung gagawin mo ang tama.
Maging Matatag!
Mahalagang tumanggi ka. Pero baka isipin ng iba na “pakipot” ka lang.
“Dapat makita sa iyong pananamit, pagsasalita, pinipiling kasama, at pakikitungo na matatag ka sa pasiya mo.”—Joy, Nigeria.
“Kailangan mong linawin na hinding-hindi ka bibigay. Huwag kang tatanggap ng regalo sa mga nagyayayang makipag-sex sa iyo. Baka isumbat lang nila ito.”—Lara, Britanya.
Magpakatatag ka at tutulungan ka ni Jehova. Napatunayan iyan ng salmistang si David. Sinabi niya tungkol kay Jehova: “Sa matapat ay kikilos ka nang may pagkamatapat.”—Awit 18:25.
Basahin ang 2 Cronica 16:9. Pansinin kung gaano kasabik si Jehova na tumulong sa mga gustong gawin kung ano ang tama.
Maging Maingat
Sinasabi ng Bibliya: “Matalino ang nakakakita ng kapahamakan at nagkukubli.” (Kawikaan 22:3) Paano mo masusunod ang payong iyan? Maging maingat!
“Hangga’t maaari, iwasan ang mga taong mahilig mag-usap tungkol sa sex.”—Naomi, Japan.
“Huwag magbigay ng personal na impormasyon, gaya ng adres o numero ng telepono.”—Diana, Britanya.
Suriin kung paano ka nagsasalita at gumagawi, kung sinu-sino ang nakakasama mo, at kung saan ka madalas pumunta. Saka tanungin ang sarili, ‘May ikinikilos ba ako na maaaring magpalakas ng loob ng iba na yayain akong makipag-sex?’
Basahin ang Genesis 34:1, 2. Alamin kung paano napahamak ang dalagang si Dina dahil sa pagpunta niya sa lugar na hindi niya dapat puntahan.
Tandaan, sa paningin ni Jehova, hindi laro ang casual sex; gayon din dapat ang pananaw mo. Kung maninindigan ka, mapapanatili mo ang isang malinis na budhi sa harap ng Diyos at ang respeto sa sarili. Gaya nga ng komento ng dalagang si Carly, “bakit ka ‘magpapagamit’ sa iba? Huwag mong sirain ang pinakaiingat-ingatan mong katayuan sa harap ni Jehova!”
Ano ba talaga ang hinahanap ng mga lalaki sa mga babae? Baka magulat ka!
TEMANG TEKSTO
‘Gawin ninyo ang inyong buong makakaya upang sa wakas ay masumpungan kayo ng Diyos na walang batik at walang dungis at nasa kapayapaan.’—2 Pedro 3:14.
TIP
Pasulungin ang iyong personalidad. (1 Pedro 3:3, 4) Miyentras sinisikap mong maging mabuting tao, mas mabubuting tao ang mapapalapit sa iyo.
ALAM MO BA . . . ?
Nilayon ni Jehova na masiyahan ka sa sex—kapag nag-asawa ka na. Gusto niyang ma-enjoy mo ito nang walang halong pangamba, pag-aalinlangan, at pagsisisi na karaniwang resulta ng pakikiapid.
ANG PLANO KONG GAWIN!
Para matularan ko ang determinasyon ni Jose na manatiling malinis sa moral, ang gagawin ko ay ․․․․․
Para maiwasan ko ang naging pagkakamali ni Dina, ang gagawin ko ay ․․․․․
Ang mga gusto kong itanong sa (mga) magulang ko hinggil sa bagay na ito ay ․․․․․
ANO SA PALAGAY MO?
● Kahit natutukso kang subukan ang casual sex, bakit hindi mo ito dapat gawin?
● Ano ang gagawin mo kapag may nagyaya sa iyo na makipag-sex?
[Blurb sa pahina 185]
“Magpakatatag ka! Nang haplusin ng isang lalaki ang balikat ko, sinabi ko, ‘Huwag mo nga akong mahawak-hawakan ha!’ Tiningnan ko siya nang masama sabay alis.”—Ellen
[Larawan sa pahina 187]
Pinapababa mo ang iyong halaga kung papayag ka sa casual sex
-