Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Mali Bang Magpahayag Kami ng Pagmamahal sa Isa’t Isa?
    Ang Mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 2
    • KABANATA 4

      Mali Bang Magpahayag Kami ng Pagmamahal sa Isa’t Isa?

      Tama o mali . . .

      Hindi puwedeng maghawakan ang magkasintahan kahit kailan.

      □ Tama

      □ Mali

      Puwedeng magkasala ng pakikiapid ang magkasintahan kahit na hindi sila nagtatalik.

      □ Tama

      □ Mali

      Ang magkasintahang hindi nagyayakapan o naghahalikan ay hindi totoong nagmamahalan.

      □ Tama

      □ Mali

      MARAHIL ay madalas mong pag-isipan ang paksang ito. Kasi kung may kasintahan ka na, mahirap magtakda ng limitasyon pagdating sa pagpapahayag ng pagmamahal. Pag-usapan natin ang tatlong puntong binanggit sa itaas at tingnan natin kung paano makatutulong ang Salita ng Diyos upang masagot natin ang tanong na, “Mali bang magpahayag kami ng pagmamahal sa isa’t isa?”

      ● Hindi puwedeng maghawakan ang magkasintahan kahit kailan.

      Mali. Hindi hinahatulan ng Bibliya ang kapahayagan ng pagmamahal kung marangal ito at nasa lugar. Halimbawa, may binabanggit sa Bibliya na kuwento ng pag-ibig ng isang dalagang Shulamita at ng binatang pastol. Malinis ang kanilang pagliligawan. Pero nagpakita rin sila ng pagmamahal sa isa’t isa sa pisikal na paraan bago sila naging mag-asawa. (Awit ni Solomon 1:2; 2:6; 8:5) Maaaring para sa ilang magkasintahan sa ngayon na talagang pinag-iisipan na ang pag-aasawa, hindi naman masama ang magpahayag ng pagmamahal sa paanuman.a

      Gayunman, dapat na mag-ingat nang husto ang magkasintahan. Ang paghahalikan, pagyayakapan, o paggawa ng anumang bagay na nakapupukaw ng pagnanasa ay maaaring humantong sa seksuwal na kahalayan. Kahit na malinis ang hangarin ng magkasintahan, napakadaling madala ng emosyon at matuksong gumawa ng imoralidad.​—Colosas 3:5.

      ● Puwedeng magkasala ng pakikiapid ang magkasintahan kahit na hindi sila nagtatalik.

      Tama. Ang orihinal na salitang Griego na isinaling “pakikiapid” (por·neiʹa) ay may malawak na kahulugan. Tumutukoy ito sa lahat ng anyo ng pagtatalik ng hindi mag-asawa at sa di-wastong paggamit ng ari. Kaya kasama sa pakikiapid hindi lamang ang pakikipagtalik sa hindi mo asawa kundi pati na ang mga gawaing gaya ng paghimas sa ari ng ibang tao, oral sex, o anal sex.

      Bukod diyan, hindi lamang pakikiapid ang hinahatulan ng Bibliya. Sumulat si apostol Pablo: “Ang mga gawa ng laman ay hayag, at ang mga ito ay pakikiapid, karumihan, mahalay na paggawi.” Sinabi pa niya: “Yaong mga nagsasagawa ng gayong mga bagay ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.”​—Galacia 5:19-21.

      Ano ang “karumihan”? Ang salitang Griego para rito ay tumutukoy sa anumang uri ng karumihan, sa salita at gawa. Tiyak na karumihan na ipasok ng isa ang kaniyang kamay sa loob ng damit ng iba, hubaran ang iba, o hipuin ang maseselang bahagi ng kanilang katawan, gaya ng dibdib. Sa Bibliya, ang paghimas sa dibdib ay nauugnay sa kasiyahang para lamang sa mag-asawa.​—Kawikaan 5:18, 19.

      Walang-kahihiyang sinusuway ng ilang kabataan ang mga pamantayan ng Diyos. Sinasadya nilang lumampas sa tamang mga limitasyon, o may-kasakiman silang naghahanap ng iba’t ibang makakapareha sa seksuwal na karumihan. Baka nakagagawa pa nga ang ilan ng “mahalay na paggawi,” gaya ng tawag dito ni apostol Pablo. Ang salitang Griego na isinaling “mahalay na paggawi” ay nangangahulugang ‘kalapastanganan, kalabisan, kawalang-pakundangan, di-mapigil na pagnanasa.’ Tiyak na ayaw mong ‘mawalan ng lahat ng pakiramdam sa moral’ dahil sa “mahalay na paggawi upang gumawa ng bawat uri ng karumihan nang may kasakiman.”​—Efeso 4:17-19.

      ● Ang magkasintahang hindi nagyayakapan o naghahalikan ay hindi totoong nagmamahalan.

      Mali. Salungat sa iniisip ng ilan, ang pagyayakapan o paghahalikan ay hindi nagpapatibay sa relasyon ng magkasintahan. Sa halip, sinisira nito ang paggalang at tiwala nila sa isa’t isa. Isaalang-alang ang karanasan ni Laura. “Isang araw, wala ang nanay ko sa bahay nang dumating ang boyfriend ko para makipanood daw ng TV,” ang sabi niya. “Sa umpisa, kamay ko lamang ang hawak niya. Mayamaya, gumapang na ang kamay niya. Hindi ko masabi sa kaniyang tama na dahil natatakot akong magalit siya at bigla na lamang umalis.”

      Sa palagay mo, mahal ba talaga si Laura ng kasintahan niya, o gusto lamang nitong masapatan ang kaniyang makasariling pagnanasa? Mahal ka ba talaga ng taong humihikayat sa iyo na gumawa ng kahalayan?

      Kapag pinipilit ng isang binata ang isang dalaga na ipagwalang-bahala ang kaniyang budhi at ang kaniyang pagiging Kristiyano, nilalabag niya ang kautusan ng Diyos at taliwas ito sa pag-aangking mahal niya ang dalaga. Bukod diyan, kapag pumayag ang dalaga, hinahayaan niyang mapagsamantalahan siya. Mas masahol pa rito, nakagawa siya ng karumihan​—marahil ng pakikiapid pa nga.b​—1 Corinto 6:9, 10.

      Magtakda ng Malinaw na mga Limitasyon

      Kapag nakikipag-date ka, paano mo maiiwasan ang di-angkop na pagpapahayag ng pagmamahal? Isang katalinuhan na patiunang magtakda ng malinaw na mga limitasyon. Sinasabi ng Kawikaan 13:10: “Sa mga nagsasanggunian ay may karunungan.” Kaya pag-usapan ninyong magkasintahan kung anong mga kapahayagan ng pagmamahal ang angkop. Kung hihintayin ninyong mag-alab ang inyong romantikong damdamin bago kayo magtakda ng mga limitasyon, wala itong ipinagkaiba sa isang taong saka lamang nag-instila ng alarma noong nasusunog na ang bahay niya.

      Totoo, hindi madali​—nakaaasiwa pa nga​—na pag-usapan ang gayong maselang paksa, lalo na kung bago pa lamang kayong magkasintahan. Pero malaki ang magagawa ng pagtatakda ng mga limitasyon upang maiwasan ang malulubhang problema sa kalaunan. Ang pagtatakda ng makatuwirang mga limitasyon ay gaya ng pag-iinstila ng smoke detector na nagbibigay ng babala sa unang palatandaan pa lamang ng sunog. Bukod diyan, ang kakayahan mong ipakipag-usap ang ganitong mga bagay ay nagpapakitang may patutunguhan ang inyong relasyon. Sa katunayan, ang pagpipigil sa sarili, pagkamatiisin, at kawalang-pag-iimbot ang pundasyon ng kasiya-siyang seksuwal na ugnayan ng mag-asawa.​—1 Corinto 7:3, 4.

      Oo, hindi madaling sumunod sa mga pamantayan ng Diyos. Pero makapagtitiwala ka sa payo ni Jehova. Sa katunayan, sa Isaias 48:17, sinabi niyang siya “ang Isa na nagtuturo sa iyo upang makinabang ka, ang Isa na pumapatnubay sa iyo sa daan na dapat mong lakaran.” Kapakanan mo ang iniisip ni Jehova!

      MARAMI KA PANG MABABASA TUNGKOL SA PAKSANG ITO SA TOMO 1, KABANATA 24

      SA SUSUNOD NA KABANATA

      Kung virgin ka pa at walang karanasan, hindi naman ibig sabihing abnormal ka. Sa kabaligtaran, ito ang matalinong landasin. Alamin kung bakit.

      [Mga talababa]

      a Sa ilang bahagi ng daigdig, hindi katanggap-tanggap at malaswa ang hayagang pagpapakita ng pagmamahal ng magkasintahan. Sinisikap ng mga Kristiyano na maging maingat sa kanilang paggawi upang hindi sila makatisod sa iba.​—2 Corinto 6:3.

      b Siyempre pa, kapit kapuwa sa lalaki’t babae ang mga isyung binabanggit sa parapong ito.

      TEMANG TEKSTO

      “Ang pag-ibig ay . . . hindi gumagawi nang hindi disente.”​—1 Corinto 13:4, 5.

      TIP

      Mag-date kayo kasama ng isang grupo o kaya’y magsama ng tsaperon. Umiwas sa alanganing mga situwasyon​—halimbawa, huwag hahayaang dadalawa lamang kayo sa loob ng nakaparadang sasakyan o sa bahay.

      ALAM MO BA . . . ?

      Kapag nakatakda na ang inyong kasal, may ilang maselang bagay na kailangan ninyong pag-usapan. Pero ang masyadong detalyadong pag-uusap sa layuning pukawin ang pagnanasa sa sekso ay isang anyo ng karumihan​—kahit na sa pamamagitan ng telepono o text message.

      ANG PLANO KONG GAWIN!

      Makakaiwas ako sa imoralidad kung ․․․․․

      Kung pilitin ako ng kasintahan ko na gumawa ng kahalayan, ang gagawin ko ay ․․․․․

      Ang mga gusto kong itanong sa (mga) magulang ko hinggil sa bagay na ito ay ․․․․․

      ANO SA PALAGAY MO?

      ● Anu-anong limitasyon ang dapat mong itakda sa pagpapahayag ng pagmamahal sa isang di-kasekso?

      ● Ipaliwanag ang pagkakaiba ng pakikiapid, karumihan, at mahalay na paggawi.

      [Blurb sa pahina 46]

      “Nagbabasa kaming magkasintahan ng mga artikulong salig sa Bibliya kung paano makapananatiling malinis sa moral. Natulungan kami ng mga ito na mapanatiling malinis ang aming budhi.”​—Leticia

      [Kahon sa pahina 44]

      Paano Kung Lumampas Kami sa Limitasyon?

      Paano kung nakagawa kayong magkasintahan ng kahalayan? Huwag mong linlangin ang iyong sarili at isiping kaya mong lutasing mag-isa ang problema. Inamin ng isang kabataan: “Nananalangin naman ako sa Diyos na sana’y tulungan kaming huwag na itong maulit pa. Pero kung minsan, nadaraig pa rin kami ng tukso.” Kaya makipag-usap sa iyong mga magulang. Maganda rin ang payong ito ng Bibliya: “Tawagin . . . ang matatandang lalaki ng kongregasyon.” (Santiago 5:14) Ang mga Kristiyanong pastol na ito ay makapagbibigay ng payo at saway upang mapanumbalik mo ang iyong mabuting kaugnayan sa Diyos.

      [Mga larawan sa pahina 47]

      Saka ka lamang ba mag-iinstila ng alarma kapag nasusunog na ang bahay mo? Kung gayon, huwag nang hintaying mag-alab ang inyong romantikong damdamin bago magtakda ng mga limitasyon sa pagpapahayag ng pagmamahal

  • Bakit Walang Masama sa Pagiging Virgin?
    Ang Mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 2
    • KABANATA 5

      Bakit Walang Masama sa Pagiging Virgin?

      “Parang gusto kong subukang makipag-sex.”​—Kelly.

      “Parang naiiba ako dahil virgin pa ako.”​—Jordon.

      “ANO, virgin ka pa rin?” Baka takót kang masabihan ng ganiyan! Kung sa bagay, itinuturing sa maraming lugar na kakatwa ang isang kabataang virgin pa. Hindi nga kataka-takang marami ang nakikipag-sex kahit tin-edyer pa lamang sila!

      Nahihila ng Pagnanasa, Itinutulak Pa ng Barkada

      Kung isa kang Kristiyano, alam mong sinasabi ng Bibliya na dapat ‘iwasan ang pakikiapid.’ (1 Tesalonica 4:3) Pero baka nahihirapan kang pigilan ang iyong seksuwal na mga pagnanasa. “Kung minsan, basta na lang pumapasok sa isip ko ang tungkol sa sex,” ang inamin ng kabataang si Paul. Huwag kang mag-alala, normal lamang iyon.

      Gayunman, hindi nakakatuwa kung madalas kang kinakantiyawan at pinag-iinitan dahil virgin ka pa! Halimbawa, paano kung sabihin sa iyo ng mga kaibigan mo na hindi ka maituturing na isang tunay na lalaki o babae hangga’t hindi mo pa nasusubukang makipag-sex? “Pinalilitaw ng mga kaibigan mo na waring kasiya-siya at normal ang pakikipag-sex,” ang sabi ni Ellen. “Kung hindi ka marunong makipag-sex kung kani-kanino, hindi normal ang tingin sa iyo.”

      Pero may isang bagay tungkol sa pakikipagtalik nang hindi pa kasal na maaaring hindi pinagkukuwentuhan ng iyong mga kaibigan. Pansinin ang nangyari kay Maria na nakipag-sex noon sa kaniyang kasintahan. Ganito ang naalaala niya: “Pagkatapos mangyari iyon, wala na akong mukhang maiharap. Galit na galit ako sa aking sarili at sa kasintahan ko.” Walang kamalay-malay ang mga kabataan, pero iyan ang karaniwang nangyayari. Sa katunayan, ang pakikipagtalik nang hindi pa kasal ay nakapipinsala at nakasasakit ng damdamin!

      Pero isang kabataang nagngangalang Shanda ang nagtanong, “Bakit bibigyan ng Diyos ang mga kabataan ng seksuwal na mga pagnanasa gayong alam naman niyang hindi nila ito dapat gamitin hangga’t hindi sila kasal?” Magandang tanong iyan. Pero pansinin ang sumusunod:

      Seksuwal na pagnanasa lamang ba ang tanging matinding damdamin na nadarama mo? Hindi naman. Nilalang ka ng Diyos na Jehova na may kakayahang makadama ng iba’t ibang damdamin.

      Dapat ka bang magpadala sa bawat bugso ng iyong damdamin minsang maramdaman mo ito? Hindi, dahil binigyan ka rin ng Diyos ng kakayahang pigilin ang iyong sarili.

      Kung gayon, ano ang matututuhan mo rito? Normal lamang na magkaroon ka ng mga pagnanasa, pero kaya mong kontrolin ang iyong sarili. Sa katunayan, ang pagpapadala sa bawat seksuwal na pagnanasa ay hindi tama at hindi makatuwiran. Wala itong ipinagkaiba sa isang taong nananakit sa tuwing magagalit.

      Ang totoo, layunin ng Diyos na maging marangal ang pagtatalik. “Ang bawat isa sa inyo ay dapat makaalam kung paano susupilin ang kaniyang sariling sisidlan [o katawan] sa pagpapabanal at karangalan,” ang sabi ng Bibliya. (1 Tesalonica 4:4) Kung paanong may “panahon ng pag-ibig at panahon ng pagkapoot,” may panahon din para sapatan ang seksuwal na mga pagnanasa at may panahong hindi mo iyon dapat gawin. (Eclesiastes 3:1-8) Tutal, ikaw ang may kontrol sa iyong pagnanasa!

      Pero ano ang magagawa mo kung may nangangantiyaw sa iyo, na para bang hindi siya makapaniwala, “Talaga bang virgin ka pa rin?” Huwag kang matakot. Kung gusto ka lamang niyang ipahiya, maaari mong sabihin: “Oo, virgin pa ako. At hindi ko ikinakahiya iyon!” O maaari mong sabihin, “Personal na bagay iyan na ayaw kong pag-usapan.”a (Kawikaan 26:4; Colosas 4:6) Sa kabilang banda, baka iniisip mong kailangang malaman ng taong ito ang iyong paninindigang salig sa Bibliya. Kung gayon, maaari mong ipaliwanag iyon sa kaniya.

      May naiisip ka bang ibang sagot sa kantiyaw na “Talaga bang virgin ka pa rin?” Isulat iyon sa ibaba.

      ․․․․․

      Isang Mahalagang Regalo

      Ano kaya ang nadarama ng Diyos kapag ang mga tao ay nakikipagtalik nang hindi pa kasal? Buweno, ipagpalagay mong bumili ka ng regalo para sa iyong kaibigan. Pero dahil hindi na siya makapaghintay, bago mo pa man ito maibigay sa kaniya ay palihim na niya itong binuksan! Hindi ka ba magagalit? Kaya isipin mo na lang kung ano ang madarama ng Diyos kapag nakipagtalik ka nang hindi pa kasal. Gusto niyang hintayin mong ikaw ay makapag-asawa bago ka makipagtalik.​—Genesis 1:28.

      Ano ang dapat mong gawin kung makaramdam ka ng seksuwal na pagnanasa? Buweno, matutong kontrolin ito. Kaya mong gawin iyan! Manalangin kay Jehova na tulungan ka. Ang kaniyang espiritu ang tutulong sa iyo na magkaroon ng higit na pagpipigil sa sarili. (Galacia 5:22, 23) Laging tandaan na si Jehova ay “hindi magkakait ng anumang mabuti sa mga lumalakad sa kawalang-pagkukulang.” (Awit 84:11) Ganito ang sabi ng kabataang si Gordon: “Kapag naiisip kong hindi naman siguro malaking kasalanan ang pakikipag-sex nang hindi pa kasal, ipinaaalaala ko sa aking sarili ang masamang ibubunga nito sa aking kaugnayan kay Jehova. Hindi sulit na ipagpalit ko sa anupaman ang kaugnayan ko kay Jehova.”

      Sa katunayan, normal at hindi kakatwa ang pagiging virgin. Ang seksuwal na imoralidad ang nakakahiya, nakapagpapababa ng dignidad, at nakasisira ng buhay. Kaya huwag kang maniwala sa mga tao sa sanlibutan na nagsasabing may diperensiya ka kung sumusunod ka sa mga pamantayan ng Bibliya. Kung iiwasan mo ang pakikipag-sex nang hindi pa kasal, maiingatan mo ang iyong kalusugan, maiiwasan mong masaktan, at higit sa lahat, mapananatili mo ang iyong kaugnayan sa Diyos.

      MARAMI KA PANG MABABASA TUNGKOL SA PAKSANG ITO SA TOMO 1, KABANATA 24

      [Talababa]

      a Kapansin-pansin, tumahimik lamang si Jesus nang tanungin siya ni Herodes. (Lucas 23:8, 9) Madalas na ang pananahimik ang pinakamabuting sagot sa malisyosong mga tanong.

      TEMANG TEKSTO

      ‘Kung ang sinuman ay gumawa ng pasiyang ito sa kaniyang sariling puso, na ingatan ang kaniyang sariling pagkabirhen, siya ay mapapabuti.’​—1 Corinto 7:37.

      TIP

      Iwasang makisama sa mga taong walang matibay na paninindigan sa mga pamantayang moral, kahit na sabihin pa nilang pareho kayo ng relihiyosong paniniwala.

      ALAM MO BA . . . ?

      Ang taong nahirati sa seksuwal na imoralidad ay malamang na hindi magbago kahit pa mag-asawa na siya. Sa kabaligtaran, ang taong tapat sa mga pamantayang moral ng Diyos bago pa man siya mag-asawa ay mas malamang na magiging tapat sa kaniyang kabiyak.

      ANG PLANO KONG GAWIN!

      Kung gusto kong manatiling “virgin” hanggang sa makapag-asawa ako, ang gagawin ko ay ․․․․․

      Kung ginigipit ako ng mga kaibigan ko na ipagwalang-bahala ang aking pasiya, ang gagawin ko ay ․․․․․

      Ang mga gusto kong itanong sa (mga) magulang ko hinggil sa bagay na ito ay ․․․․․

      ANO SA PALAGAY MO?

      ● Bakit kaya kinukutya ng ilan ang mga virgin pa?

      ● Bakit hindi madali ang manatiling virgin?

      ● Anu-ano ang kapakinabangan ng pananatiling virgin hanggang sa ikaw ay makapag-asawa?

      ● Paano mo ipaliliwanag sa iyong nakababatang mga kapatid na makabubuti kung hindi siya makikipag-sex nang hindi pa kasal?

      [Blurb sa pahina 51]

      “Para maiwasan ko ang tuksong gumawa ng seksuwal na imoralidad, itinatanim ko sa isip ko na ‘walang sinumang mapakiapid o taong marumi o taong sakim ang may anumang mana sa kaharian ng Diyos.’” (Efeso 5:5)​—Lydia

      [Kahon sa pahina 49]

      Worksheet

      Ano Talaga ang Mangyayari Pagkatapos?

      Madalas na may-katusuhang itinatago ng mga kaibigan mo at ng popular na mga libangan ang di-kaayaayang katotohanan hinggil sa pakikipag-sex nang hindi pa kasal. Pansinin ang sumusunod na mga situwasyon. Ano sa palagay mo ang talagang mangyayari sa mga kabataang ito? ․․․․․

      ● Ipinagyayabang ng isang estudyante sa inyong paaralan na marami na siyang nakatalik na babae. Sinabi niyang katuwaan lang iyon at wala namang nasasaktan. Ano talaga ang mangyayari pagkatapos​—sa kaniya at sa mga babae? ․․․․․

      ● Sa katapusan ng isang pelikula, dalawang kabataang hindi pa kasal ang nagsiping para ipakitang mahal nila ang isa’t isa. Ano ang mangyayari pagkatapos​—sa totoong buhay? ․․․․․

      ● Isang guwapong kabataan ang nagyaya sa iyo na makipag-sex. Sinabi niyang wala namang makaaalam tungkol doon. Kung magpapadala ka at ililihim iyon, ano talaga ang mangyayari pagkatapos? ․․․․․

      [Larawan sa pahina 54]

      Ang pakikipagtalik nang hindi pa kasal ay gaya ng palihim na pagbubukas ng regalo bago pa man ito maibigay sa iyo

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share