Ang Ating Tunguhin sa Abril—80,000 mga Mamamahayag!
1 Ito ang araw ng pagsulong ng Kaharian! Maaari nating sabihin kay Jehova ang mga salita sa Isaias 26:15: “lyong pinarami ang bansa; . . . iyong pinalaki ang lahat na hangganan ng lupain.” Ito’y naging totoo sa buong daigdig sa nakaraang mga taon, na nagpapatunay na ‘pinabilis’ ni Jehova ang gawaing pagtitipon sa angkop na panahon. (Isa. 60:22) Dito sa Pilipinas, tayo ay nagagalak na ang ating pinakamataas na bilang ng mga mamamahayag ay lumukso mula 62,768 noong 1982 tungo sa 75,257 noong 1984.
2 Ano ngayon para sa Abril, 1985? Maaari bang maabot natin ang isang bagong peak ng mga mamamahayag na 80,000? Oo, magagawa natin ito kung tayong lahat ay ‘lubos na gaganap sa ating ministeryo’ at kung pagpapalain ni Jehova ang ating mga pagsisikap. (2 Tim. 4:5; Mal. 3:10) Ang mga rekord ng kongregasyon ay nagpapakita na may 80,707 aktibong mga Saksi sa Pilipinas noong Agosto 31, 1984, at walang alinlangang ang bilang na ito ay higit pang mataas ngayon dahilan sa mga baguhang naparagdag mula noon.
PAPAANO NATIN ITO MAAABOT?
3 Upang maabot ang ating tunguhin, kakailanganing makibahagi ang lahat sa gawain sa Abril at karakarakang mag-ulat. Hinihimok namin ang lahat na lubusang itaguyod ang gawain sa unang Linggo ng Abril, na papatak sa Abril 7, at gayundin sa Sabado, Abril 13. Pagkatapos nito ay inirerekomenda namin na mag-ulat ang lahat ng mamamahayag ng kanilang paglilingkuran sa Abril 14, upang malaman ng mga matatanda kung sino pa ang nangangailangan ng tulong bago matapos ang buwan.
4 Karagdagan pa, marahil kayo ay nakikipag-aral ng Bibliya sa isang indibiduwal na may mabuting pagsulong at maaaring kuwalipikado na maging isang mamamahayag sa Abril. Kung gayon suriing maingat ang mga pahina 97-99 ng aklat na Ating Ministeryo upang makita kung siya’y kuwalipikado. Kung gayon, maaaring anyayahan na ang isang iyon na makibahagi sa gawain sa Abril.
5 Naririyan din naman ang mga dating aktibong mga kasamahan na hindi na ngayon nangangaral. Mayroon ba sa mga ito na mabibigyan ng tulong upang magkaroon ng bahagi sa Abril? Tanungin ang mga matatanda kung maaari kayong makatulong sa pagdalaw sa isa o higit pa sa mga ito sa Abril.
ANO ANG MAGAGAWA NG MGA MATATANDA?
6 Iminumungkahi namin na magtipon-tipon ang mga matatanda maging sa Marso 17 o 24 upang pag-usapan ang gawain sa Abril. Bilang karagdagan pa sa pagsasaayos ng sapat na teritoryo at paggawa ng mga kaayusan sa paglilingkod sa larangan para sa maraming auxiliary payunir, makabubuting suriin ang lahat ng Publisher Record cards upang makita kung sino ang nangangailangan ng pantanging tulong upang makabahagi sa Abril. Pagkatapos ay i-atas ang mga ito sa mga maygulang, marahil ang ilan ay sa mga payunir, upang makatiyak na sila’y makapag-uulat nang maaga pa sa Abril.
7 Kapag kinolekta na ang mga ulat sa Abril 14, dapat na gumawa ang kalihim ng listahan ng mga hindi pa nakapag-uulat at ibigay ito sa mga konduktor ng pag-aaral. Kung gayon ang mga ito ay maaaring bigyan ng pantanging pansin bago matapos ang buwan.
8 Sa pagtutulungan ng lahat, ng mga matatanda, payunir at mga mamamahayag, nalalaman natin na maaabot ang ating tunguhin. Lahat tayo’y manalangin ukol sa mayamang pagpapala ni Jehova para sa ating nagkakaisang pagsisikap. Tayo’y makatitiyak na kaniyang tutugunin ang ating taimtim na mga panalangin yamang ang mga ito ay lubos na kaayon ng kaniyang kalooban.—1 Juan 5:14.