Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w87 6/15 p. 28-31
  • ‘Tatapusin ng Diyos ang Inyong Pagsasanay’

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • ‘Tatapusin ng Diyos ang Inyong Pagsasanay’
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Tuwirang Disiplina
  • Pakikitungo sa mga Situwasyon
  • Sa Pakikitungo sa mga Di-Kristiyano
  • Sa Ilalim ng Pag-uusig
  • Tinatapos ni Jehova ang Ating Pagsasanay
  • Manghawakan Tayong Mahigpit sa Ating Mahalagang Pananampalataya!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
  • Tinuruan Siya ng Panginoon na Maging Mapagpatawad
    Tularan ang Kanilang Pananampalataya
  • Matapat Siya sa Harap ng mga Pagsubok
    Tularan ang Kanilang Pananampalataya
  • Gaya ni Pedro, Huwag Sumuko
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2023
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
w87 6/15 p. 28-31

‘Tatapusin ng Diyos ang Inyong Pagsasanay’

ANG isang atleta na naghahanda para sa isang mahalagang paligsahan ay kailangang puspusang magsanay. Ibig niyang mapasaayos ang kaniyang katawan upang sa araw ng paligsahan, ay maibigay niya ang pinakamagaling na posibleng magagawa niya. Ang mga Kristiyano rin naman ay kinakailangang magsanay nang puspusan ngunit taglay ang naiibang tunguhin. Si apostol Pablo ay nagsabi: “Magsanay ka na ang pakay ay maka-Diyos na debosyon.”​—1 Timoteo 4:7.

Kung gayon, ang isang Kristiyano ay kailangang laging nasa ayos ang espirituwalidad. Kung paanong ang isang atleta ay nagpapatibay sa kaniyang katawan, ang Kristiyano rin naman ay nagpapatibay sa kaniyang espirituwalidad at pagtitiis. Kaniyang ginagawa ito sa pamamagitan ng pag-aaral ng Salita ng Diyos ang Bibliya, ng pananalangin, ng regular na pakikisama sa mga kapuwa Kristiyano at ng pangmadlang pagpapahayag ng kaniyang pananampalataya.

Ang isang atleta ay kadalasan may tagapagsanay, at ang mga Kristiyano, rin naman, ay may tagapagsanay. Sino? Walang iba kundi ang Diyos na Jehova mismo! Binanggit ni apostol Pedro ang bahagi ni Jehova sa programa ng pagsasanay sa Kristiyano, at isinulat niya: “Ang Diyos ng lahat ng di-sana-nararapat na awa . . . ang mismong tatapos ng inyong pagsasanay, kaniyang patitibayin kayo, kaniyang palalakasin kayo.” (1 Pedro 5:10) Anong pagsasanay ang ibinibigay sa atin ni Jehova? Maraming uri ng pagsasanay, at lahat ay mahalaga kung ibig nating manatiling nasa ayos bilang mga Kristiyano.

Tuwirang Disiplina

Si Pedro mismo ay tumanggap ng pagsasanay kay Jehova. Malaki ang matututuhan natin buhat sa kaniyang karanasan. Kung minsan ang pagsasanay ni Pedro ay masaklap. Gunigunihin kung ano ang ang nadama ni Pedro nang subukin niya na hadlangan si Jesus upang magpatuloy hanggang sa kaganapan ng layunin ng Diyos, at ang sagot ni Jesus: “Lumagay ka sa likuran ko, Satanas! Ikaw ay batong katitisuran sa akin, sapagkat hindi mo pinag-iisip ang mga bagay ng Diyos, kundi yaong sa mga tao.” (Mateo 16:23) Gunigunihin din kung ano ang nadama niya makalipas ang maraming taon na dahil sa takot sa tao ay kumilos siya nang may kamangmangan. Si apostol Pablo ang naglapat ng disiplina ni Jehova sa okasyong iyon: “Nang dumating si Cefas [si Pedro] sa Antioquia, ako’y sumalansang sa kaniya nang mukhaan, sapagkat siya’y nararapat hatulan.”​—Galacia 2:11-14.

Gayunman, sa dalawang okasyong iyan si Pedro ay sinasanay noon ni Jehova. Kaniyang natutuhan na “walang disiplina ang waring sa kasalukuyan ay nakaliligaya, kundi nakalulungkot; subalit pagkatapos, sa mga nasanay na ay namumunga ng bungang mapayapa, samakatuwid nga, ang katuwiran.” (Hebreo 12:11) Ang pagtanggap sa matitinding mga pagsaway na ito bilang disiplina buhat kay Jehova ay tumulong kay Pedro na magkaroon ng tamang pananaw sa mga bagay-bagay at sinanay siya sa mahalagang mga katangiang Kristiyano ng kaamuan at kapakumbabaan.​—Kawikaan 3:34; 15:33.

Pakikitungo sa mga Situwasyon

Maaari tayong sanayin ni Jehova sa pamamagitan ng pagpapahintulot sa mga situwasyon na bumangon na mahirap pakitunguhan​—kung minsan ito’y naroroon sa loob ng kongregasyong Kristiyano. Tayo’y sumusulong bilang mga Kristiyano samantalang nananalangin tayo upang humingi ng patnubay, ikinakapit natin ang mga simulain ng Bibliya na ating natutuhan, at pagkakita ng kung paano ang pagkakapit sa tuwina ng mga simulaing iyon ang pinakamagaling na paraan.

Si Pedro ay napasangkot sa mga alitan na likha ng mga iba’t ibang personalidad at bumangon sa gitna ng mga apostol ni Jesus. Pagka binabasa natin ang mga salaysay tungkol dito, kapansin-pansin kung paano ginamit ni Jesus ang mga pag-aalitang ito​—na sa totoo’y resulta ng di-kasakdalan at kawalang karanasan​—​bilang mga pagkakataon upang sanayin ang kaniyang mga tagasunod sa mahahalagang katangiang Kristiyano ng pag-ibig, pagpapakumbaba, at pagpapatawad.​—Mateo 18:15-17, 21, 22; Lucas 22:24-27.

Nasaksihan din ni Pablo ang mga alitan na likha ng pagkaiba-iba ng personalidad. (Gawa 15:36-40; Filipos 4:2) Kaniyang ipinaliwanag kung paanong ang gayong mga problema ay nagbigay sa mga Kristiyano ng pagkakataon na magsanay: “Patuloy na magbata ng mga kahinaan ng isa’t isa at saganang magpatawaran sa isa’t isa kung ang sinuman ay may reklamo laban sa kaninuman. Gaya ni Jehova na saganang nagpatawad sa inyo, ganiyan din ang gawin ninyo. Ngunit, bukod sa lahat ng bagay na ito, magbihis kayo ng pag-ibig, sapagkat ito’y isang sakdal na buklod ng pagkakaisa.”​—Colosas 3:13, 14.

Noong unang siglo, isang lalong nakatatakot na panganib ang lumitaw sa gitna ng mga Kristiyano. Si Pedro ay nagbabala tungkol dito: “Magkakaroon din ng mga bulaang guro sa gitna ninyo. Ang mga ito na rin ang lihim na magpapasok ng nagpapahamak na mga sekta at magtatakwil kahit sa may-ari na bumili sa kanila, na magdadala ng mabilis na kapahamakan sa kanilang sarili. At, marami ang susunod sa kanilang mga gawang kalibugan, kung kaya’t dahilan dito ang daan ng katotohanan ay pagsasalitaan ng masama.” (2 Pedro 2:1, 2) Ang karanasang ito ay magbubunga ng kapahamakan ng di-nagsisising “mga bulaang guro.” (2 Pedro 2:3) Subalit kumusta naman yaong mga nananatiling tapat?

Ang karanasan ang magsasanay sa kanila upang ‘gisingin ang kanilang malinaw na pag-iisip.’ (2 Pedro 3:1) Ang kanilang pagiging alisto sa pagbabantay upang huwag makapasok ang mga maling turo ay aakay sa kanila upang sila’y magrepaso ng mga dahilan ukol sa kanilang pananampalataya. Habang nakikita nila ang masasamang resulta ng pagkilos ng “mga bulaang guro,” ang kanilang pagtitiwala sa katotohanang Kristiyano ay lalong magiging matatag.​—2 Pedro 3:3-7.

Halimbawa, sa isang kongregasyon ang matanda nang apostol na si Juan ay sinalungat ng isang nagngangalang Diotrefes, isang lalaking ambisyoso na di gaanong gumagalang sa awtoridad ni Juan at hindi lamang niya tinanggihan ang mga mensahero na isinugo ni Juan kundi baka pinurbahan pa man din niya na itiwalag yaong mga mensaherong iyon. Tiyak na ito’y naging masaklap sa lahat ng taimtim na mga Kristiyano na kakongregasyon ni Diotrefes. Subalit nagbigay ito sa kanila ng pagkakataon na ipakita na sila’y hindi ‘tagatulad ng masama’ at sa ganoo’y tumanggap sila ng patiunang pagsasanay ng katapatan kay Jehova at sa awtoridad ng mga apostol.​—3 Juan 9-12.

Sa Pakikitungo sa mga Di-Kristiyano

Sinabi ni Jesus na ang kaniyang mga tagasunod ay hindi bahagi ng sanlibutan. (Juan 17:16) Ang isang Kristiyano ay unang-unang dapat maging tapat kay Jehova at sa kaniyang Kaharian. Kaniyang pinagsusumikapan na manatili sa pagsunod sa mga pamantayang-asal ng Diyos, kaya’t ang mga pangunahing bagay na kaniyang kinawiwilihan at pinag-uukulan ng pansin ay naiiba kaysa mga bagay ng sanlibutan. Gayunman, ang isang Kristiyano ay dito sa sanlibutan namumuhay, at ito’y di maiiwasan na nagiging sanhi ng tensiyon.

Sa panahon ng kaniyang mahabang ministeryo, tiyak na nasaksihan ni Pedro ang maraming okasyon na ang mga Kristiyano ay kinailangang gumawa ng mahihirap na disisyon, anupa’t pinagtitimbang nila ang mga kahilingan ng sanlibutan at ang dikta ng kanilang budhi. Sa unang liham ni Pedro, siya’y nagbigay ng mainam at praktikal na payo tungkol sa kung paano gagawin ito upang ang mga Kristiyano ay “magtaglay ng isang mabuting budhi.”​—1 Pedro 2:13-20; 3:1-6, 16.

Mangyari pa, bilang mga Kristiyano tayo ay nag-aasam-asam ng panahon na tayo ay hindi na mag-iisip pa ng tungkol sa mga hinihiling ng sistemang ito ng mga bagay. Subalit pansamantala ay sinasanay tayo sa pagtitiis at pinapayagan na ipakita ang ating katapatan samantalang nasa harap ng tukso at mga impluwensiyang masasama. Samantalang nagkakaroon tayo ng karanasan sa pagkakapit ng mga simulain ng Bibliya sa iba’t ibang kalagayan at may tibay-loob na kumikilos ayon sa paraan na alam nating gusto ni Jehovang kumilos tayo, tayo ay sinasanay rin naman sa praktikal na karunungan at tibay-loob. Pag-isipan ang tungkol sa kung gaanong higit na kasanayan ang tatamuhin natin dahilan sa tayo’y namuhay sa sistemang ito at nagtagumpay sa napakaraming mahihirap na mga problema!

Sa Ilalim ng Pag-uusig

Nang mangusap si Pedro tungkol sa pagsasanay sa atin ng Diyos, ang partikular na tinutukoy niya ay ang pag-uusig. Kaniyang ipinakita na ang mga Kristiyano’y makaaasang sila’y pag-uusigin: “Palaging talasan ang inyong pakiramdam, maging mapagbantay. Ang inyong kalaban, ang Diyablo, ay gagala-gala na gaya ng leong umuungal, humahanap ng masisila.”​—1 Pedro 5:8; tingnan din ang 2 Timoteo 3:12.

Si Pedro ay kuwalipikado na magsalita tungkol dito sapagkat siya mismo ay dumanas ng pag-uusig. Noong mga unang araw ng kongregasyong Kristiyano, siya at ang mga iba pang apostol ay pinaggugulpi at sa kanila’y ipinag-utos na huminto ng pangangaral. Ang kanilang reaksiyon? Sila’y “nagsialis nga sa harapan ng Sanhedrin, na natutuwa dahil sa sila’y ibinilang na karapat-dapat magbata ng masama dahilan sa kaniyang pangalan.”​—Gawa 5:41.

Samakatuwid, si Pedro ay nangusap batay sa karanasan, gayundin siya’y kinasihan, nang kaniyang sabihin: “Bagkus, patuloy na mangagalak kayo sapagkat kayo’y karamay ng mga hirap ng Kristo, upang kayo’y mangagalak at mapuspos din ng labis na kagalakan sa pagkahayag ng kaniyang kaluwalhatian. Kung kayo’y inaalipusta dahil sa pangalan ni Kristo, maligaya kayo, sapagkat ang espiritu ng kaluwalhatian, samakatuwid nga ang espiritu ng Diyos, ay nakahimlay sa inyo.”​—1 Pedro 4:13, 14.

Oo, ang tuwirang pag-uusig ay nagsisilbing isang anyo ng pagsasanay. Sa pag-uusig, ang isang Kristiyano ay natututo na lalo pang higit na umasa sa espiritu ng Diyos. Napauunlad ng kaniyang pananampalataya ang isang “subok na katangian.” (1 Pedro 1:7) Siya’y nasasanay na magkaroon ng tibay-loob na nakasalig sa lakas ni Jehova. (2 Timoteo 1:7) Kaniyang napauunlad ang matiyagang pagtitiis, at tulad ni Jesus, siya’y ‘natututo ng pagsunod sa pamamagitan ng mga bagay na kaniyang dinaranas.’​—Hebreo 5:8; 1 Pedro 2:23, 24.

Tinatapos ni Jehova ang Ating Pagsasanay

Mangyari pa, ang mahihirap na problema, kasali na ang pag-uusig, na tinitiis ng Kristiyano ay hindi sa Diyos nanggagaling. Ang payo ni Santiago: “Kapag tinutukso, huwag sabihin ng sinuman: ‘Ako’y tinutukso ng Diyos.’ Sapagkat sa masasamang bagay ay hindi matutukso ang Diyos ni tinutukso man naman niya ang sinuman.” (Santiago 1:13) Ang mga problema ay maaaring nanggagaling sa maraming sanhi, kasali na kapag ang mga tao’y nagkakamali o gumagawa ng masama bunga ng kanilang sariling malayang kalooban. Gayunman, yamang ang gayong mga bagay ay talagang nangyayari, ginagamit iyon ni Jehova upang sanayin ang kaniyang mga lingkod sa mahalagang mga katangiang Kristiyano.

Si Job, si Jeremias, si Pedro, si Pablo, at lahat ng mga lingkod ng Diyos noong mga panahong tinutukoy ng Bibliya ay sinanay sa ganitong paraan. Pagka tayo’y napaharap sa sari-saring kagipitan, malasin natin ang mga iyon bilang pagkakataon para tayo’y masanay ayon sa ipinahihintulot ni Jehova. Sa ating pagharap sa mga iyan na taglay ang lakas ni Jehova, tayo’y masasanay sa pagsunod, sa karunungan, sa kapakumbabaan, sa tibay ng loob, sa pag-ibig, sa pagpaparaya, at sa marami pang mga ibang katangian.​—Ihambing ang Santiago 1:2-4.

Tayo’y pinatitibay-loob din ng pagkaalam na ang yugtong ito ng ating pagsasanay ay balang araw matatapos na. Kaya naman, inaliw ni Pedro ang kaniyang mga kapuwa Kristiyano, na sinasabi: “Pagkatapos na kayo’y magbata ng sandali, ang Diyos ng lahat ng di-sana-nararapat na awa, na sa inyo’y tumawag sa kaniyang walang hanggang kaluwalhatian kaisa ni Kristo, ang mismong tatapos ng inyong pagsasanay, kaniyang patitibayin kayo, kaniyang palalakasin kayo.” (1 Pedro 5:10) Ang mga salitang ito ay kapit na kapit din sa “malaking pulutong” na umaasang magtatamo ng buhay na walang hanggan sa lupang Paraiso.

Ang kaisipang iyan mismo ang dapat na tumulong sa atin na matiyagang pailalim sa hinihiling ng mga karanasang ito sa pagsasanay, na maging disidido na huwag kumumpromiso. Sa ganoon, mararanasan natin ang katuparan ng nagpapatibay-loob na mga salita ni Pablo: “Kaya’t huwag tayong magsawa sa paggawa ng mabuti, sapagkat sa takdang panahon ay mag-aani tayo kung tayo’y hindi kailanman manghihimagod.”​—Galacia 6:9.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share