Paghaharap ng Mabuting Balita—Sa Pamamagitan ng Pag-aalok ng Suskripsiyon sa Gumising!
1 Palagiang tumatanggap ang mga Saksi ni Jehova ng mabuting balita kapag tinatanggap nila ang pinakabagong labas ng Ang Bantayan at Gumising! Anong ligaya nating tumanggap ng espirituwal na pagkain sa pamamagitan ng organisasyon ni Jehova! Ang Bantayan ay tumutulong sa atin na laging kaalinsabay ng bagong kaunawaan sa Salita ng Diyos. Ang Gumising! ay nagbibigay sa atin ng pinakabagong impormasyon sa iba’t ibang paksa, lakip na kung paanong ang mga pangyayari sa daigdig ay tumutupad sa mga hula ng Bibliya.
2 Nakakasumpong tayo ng kaligayahan sa pagbabasa ng Gumising! nang palagian, at nalalaman natin na gayon din ang iba. Maaaring tamuhin nila ito kung sila ay sususkribe ng Gumising! na ating iaalok sa mga tao lalo na sa Oktubre. Kapag ang magasing Gumising! ay dumarating sa tahanan nang palagian, may napakainam na mga pagkakataon ang marami sa tahanang iyon na damputin ito at basahin ang mga artikulong gusto nila. Kaya marami ang magkakaroon ng pagkakataon na makaalam ng katotohanan. Kaya may mabuting dahilan kung bakit natin iaalok ang suskripsiyon sa lahat ng masusumpungan natin sa Oktubre.
MAGTAMPOK NG MGA ARTIKULO NA MAY PANTANGING INTERES
3 Sa Oktubre 8 ng Gumising! may mga artikulo na magugustuhan ng lahat ng uri ng mga tao. Ang pamagat sa takip ay: “Bakit ‘Nangyayari ang Masasamang Bagay sa Mabubuting Tao’?” Kasama nito ang dalawa pang maiinam na artikulo sa paksang “Bakit Ipinahihintulot ng Diyos ang Kasamaan?” at “Ang Kasamaan at Paghihirap—Paano Magwawakas ang mga Ito?” Ito ay isang paksa na ikinababala ng maraming tao sa ngayon kaya nalalaman namin na masisiyahan kayong gamitin ito upang antigin ang kanilang interes. Para sa mga kabataan, ang paksang “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .” ay tumatalakay sa katanungang “Gayon ba Kasamâ ang Pagsisinungaling?” Yamang ang kawalang katapatan ay halos bahagi na ng buhay ngayon, nalalaman namin na masusumpungan ninyong isang napakainam na artikulo ito para ilagay sa mga kabataan. Mayroon ding isa pang kapanapanabik na artikulo sa isyung ito hinggil sa “Naligtasan Ko ang Paglubog ng Bismark.”
4 Ang Oktubre 22 ng Gumising! ay tumatalakay sa paksang: “Panlulumo—Mapagtatagumpayan Mo Ito!” Halos ang lahat ay nakakaranas ng panlulumo kung minsan, at lalo na sa ating mahirap na panahon, ito ay isang paksa na ikinababahala nating lahat. Ang paksang ito ay tumatalakay nang malalim sa anim na sunod-sunod na artikulo. Gayundin sa isyung ito ay may artikulong “Pananatiling Malusog—Sa Likas na Pamamaraan.”
GAMITIN ANG PAKSANG MAPAG-UUSAPAN
5 Habang tayo ay nagbabahay-bahay, nanaisin natin na antigin ang interes ng mga maybahay sa Bibliya, at ang pinakamabuting paraan upang gawin ito ay sa pamamagitan ng paggamit sa impormasyon sa ating Paksang Mapag-uusapan bago ialok ang suskripsiyon. Kung nais nating itampok ang Oktubre 8 ng Gumising! pagkatapos na basahin ang Awit 83:18 maaari nating sabihin ang gaya nito: “Yamang ang Diyos ang kataastaasan sa buong lupa, naisip na ba ninyo kung bakit niya pinahihintulutan ang maraming pagdurusa? Napag-isipan na ba ninyo kung bakit nangyayari ang masasamang bagay sa mabubuting tao? [Hayaang sumagot ang maybahay.] Ang isyung ito ng Gumising! ay tumatalakay sa paksang ito mismo. Ito ay inilathala yamang hindi lubusang nauunawaan ng maraming tao ang layunin ng Diyos para sa sangkatauhan at para sa lupa. Ang ikatlong artikulo sa isyung ito ay nagpapakita kung paano nilayon ng Diyos na wakasan ang kasamaan at pagdurusa sa itinakda niyang panahon at paraan.” Pagkatapos ay maituturo ninyo ang isang espesipikong punto sa artikulo at ipaliwanag ang alok na suskripsiyon.
6 Ang inyo nawang sigla para sa maiinam na magasing ito ay magningning habang kayo ay nag-aalok ng mga suskripsiyon sa bawa’t pagkakataon sa Oktubre. Maging positibo sa pag-aalok nito. Ang ating mga magasin ay napakahalaga! Maaaring akayin nito ang mga tao sa katotohanan. Maaari ninyong maranasan ang kagalakan ng pagtulong sa marami pa na mapahalagahan ang mga ito at makinabang sa pabalita nito.