Pagpapalawak ng Sangay sa Pilipinas
1 Apatnapung taon ang nakaraan, noong Pebrero, 1948, ang sangay sa Pilipinas ay lumipat sa punong tanggapan nito sa 186 Roosevelt Avenue, Quezon City. Mula noon, at hanggang sa kasalukuyang panahon, ito ay nagsilbi sa mga kapakanan ng Kaharian sa Pilipinas. Noong 1954, 1962, at 1972, may mga bagong gusaling naparagdag habang lumalaki ang pagsulong. Sa ngayon ang kasalukuyang mga gusali ay lubhang maliit na para sa 107,679 mga mamamahayag sa bansa at maliwanag na kalooban ni Jehova na magkaroon ng karagdagang pagpapalawak sa lugar ding ito.—Isa. 54:2.
2 Sa nakaraang ilang mga taon ang Samahan ay nagkaroon ng karagdagang 23,251 metro kuwadradong lote sa likuran ng dating kinalalagyan sa Roosevelt Avenue at isinasagawa na ngayon ang plano sa pagtatayo ng labing-isang palapag na gusaling tirahan na 73 metro ang haba at 23 ang lapad, at gayundin ang dalawang palapag na palimbagan na 83 metro ang haba at 53 metro ang lapad. Kapag ang mga ito ay natapos na, ang kasalukuyang pabrika at dormitoryo ay babaguhin upang maging mga opisina at ang isang bagong lugar para sa pagtanggap ng mga bisita at Kingdom Hall ay ipapalit sa kasalukuyang mga matatandang gusali sa Roosevelt Avenue. Ang larawang-guhit ng arkitekto sa mga pahina 4 at 5 ay makatutulong sa inyo na makita kung ano ang magiging kayarian kapag natapos ang proyekto.
MGA PANGYAYARI HANGGANG SA NGAYON
3 Noong Abril, 1988, nakakuha ng permiso sa pagtatayo mula sa lokal na mga awtoridad para sa gusaling tirahan at palimbagan. Noong Mayo at Hunyo, nangagsipagdatingan na ang mga kapatid na kabilang sa International Volunteer Construction Workers ng Samahan at ang gawain ay nagpasimula na. Ang mga matatandang gusali ay iginiba na, at ang paghuhukay para gawing silong ng gusaling tirahan ay nagsimula na.
4 Ang Lupong Tagapamahala ay nagpasiya na ang kalakhang bahagi ng gawain ay isasagawa ng mga kapatid sa boluntaryong paraan sa halip na ipakontrata sa kompanya sa labas. Ang gusaling tirahan ang siyang pinakamataas na gusali na kailanma’y naitayo ng Samahan sa pamamagitan ng sariling mga boluntaryong manggagawa, at sabihin pa, ang buong proyektong ito ang siyang pinakamalaki sa kasaysayan ng sangay sa Pilipinas!
5 Upang may matirahan ang mga boluntaryong manggagawa na magtutungo sa Bethel, isinaayos ng Samahan na bilhin ang isang malaking gusali na may layong humigit-kumulang sa kalahating kilometro mula sa Bethel, at ito’y gagamitin bilang pansamantalang tirahan ng mula sa 100 hanggang 200 manggagawa. Gumawa na rin ng kaayusan ukol sa karagdagang silid-kainan para sa mga boluntaryong mga manggagawa, at ang mga opisina para sa konstruksiyon ay inilagay na rin sa lugar ng pagtatayuan. Sa panahong basahin ninyo ito, walang pagsalang ang konstruksiyon ay sumusulong na mabuti.
MGA KUSANG-LOOB NA MANGGAGAWA
6 Posible ba na makapagtayo ng ganitong klaseng mga gusali sa pamamagitan ng paggamit lamang ng mga boluntaryong manggagawa? Ang ganitong bagay ay imposible sa sistema ng mga bagay ni Satanas, subali’t dahilan sa mainam na espiritu ng pagkakaisa at pagtutulungan na umiiral sa organisasyon ni Jehova, ito ay maisasagawa. Ang Awit 110:3 ay nagsasabi na ang bayan ni Jehova ay “naghahandog na kusa sa kaarawan ng iyong kapangyarihan,” at ito’y totoo hindi lamang sa gawaing pangangaral at paggawa ng mga alagad, kundi sa mga proyekto ng mga pagtatayo kagaya nito. Sabihin pa, sa lahat ng ito, tayo ay tumitingin kay Jehova para pagpalain ang proyekto, yamang ang Awit 127:1 ay nagsasabi: “Malibang itayo ni Jehova ang bahay, walang kabuluhang nagsisigawa ang mga nagtatayo.”
7 Nakita na natin ang napakabuting espiritu ng internasyonal na pagtutulungan sa pagpaplano sa malaking proyektong ito. Ang Construction Office sa Brooklyn, at gayundin sa sangay ng Hapon, ay puspusang gumawa sa paghahanda ng mga plano. Ang mga manggagawa ay magmumula sa iba’t ibang bansa, kung saan sila’y gumawa sa mga proyekto ng pagtatayo sa ibang sangay. Anong kamangha-manghang bagay na makita ang tunay na pagkakaisa ng Bagong Sanlibutan sa kaniyang pagkilos!
“MAAARI BA AKONG MAGBOLUNTARYO?”
8 Walang alinlangang pumapasok karakaraka sa inyong isipan ang katanungang ito. Sabihin pa, hindi maaaring makapagtrabaho ang bawa’t isa sa proyekto ng pagtatayo. Gayumpaman, ang Samahan ay nagpadala na ng sulat na may petsang Mayo 1, 1988, kasama ng Information Sheets upang ibigay doon sa mga nagnanais na mag-aplay bilang mga pansamantalang manggagawa sa proyektong ito. Yaong mga tatawagin ay bibigyan ng higit na detalyadong Questionnaire upang punan at pagkatapos, kung sang-ayunan, sila ay pahihiwatigan at aanyayahan. Ang grupong ito ang siyang bubuo ng pangunahing puwersa ng manggagawa na mananatili sa proyekto sa regular na paraan.
9 Gayunman, susulat pa kami sa mga kongregasyon at ipaliliwanag kung papaanong ang ilan na maaaring magboluntaryo ng isang linggo o isang buwan lamang ay magkakaroon ng bahagi kahit na sa isang maikling yugto ng panahon sa proyekto. Ang karagdagang impormasyon ay ipadadala sa bagay na ito.
10 Karagdagan pa, yamang ang ating grupo ng mga boluntaryo sa pagtatayo ay magtatrabaho sa Sabado at Linggo, ang mga kongregasyon sa palibot ng Metro Manila ay maaaring hilingang magpadala ng ilang uri ng mga boluntaryo upang tumulong sa mga dulong sanlinggo. Sa ganitong paraan, maraming mga kapatid ang maaaring magkaroon ng bahagi.
11 Sabihin pa, nais naming idiin dito na walang sinuman ang dapat magtungo sa Bethel kung hindi inaanyayahan, yamang ito ay magdudulot ng malaking kalituhan. Ito’y totoo lalo na sa mga dulong sanlinggo, kapag inaanyayahang magkaroon ng bahagi ang mga kongregasyon. Ang pag-aanyaya ay gagawin sa paraang rotasyon at ang inyong kongregasyon ay aanyayahan kung kinakailangan, kung kayo ay nasa lugar na hindi masyadong malayo sa Metro Manila. Kaya hinihimok namin kayong lahat na sana’y maghintay hanggang gawin ang panawagan bago kayo gumawa ng kaayusan para sa kaninuman na magboluntaryo. Sa ganitong paraan ay maisasagawa ang lahat ng bagay na “desente at may kaayusan.”—1 Cor. 14:40.
12 Kaya, yaong mga may pantanging kakayahan na nagnanais na tumulong ay maaaring kumuha ng Information Sheet mula sa mga matatanda sa kanilang kongregasyon at punan iyon. Yaong hindi makagagawa nang buong-panahon subali’t makagugugol ng ilang panahon sa proyekto ay dapat na maghintay hanggang maipadala ang karagdagang impormasyon sa pamamagitan ng kongregasyon sa bagay na ito.
“PAPAANO PA AKO MAKATUTULONG?”
13 Kung wala kayo sa kalagayang magboluntaryo sa pisikal na paraan sa proyekto, marahil ay papasok sa inyong isipan ang katanungan sa itaas. Ang totoo nito, lahat sa bayan ni Jehova sa Pilipinas ay makatutulong sa pamamagitan ng pagpapadala ng mga boluntaryong kontribusyon sa Samahan sa regular na paraan. Hanggang sa ngayon ito ang pinakamagastos na proyekto na isinagawa ng Samahan sa Pilipinas. Sa pamamagitan ng boluntaryong paggawa sa halip na kontrata, malaking bahagi ng nakaalay na pera ng Samahan ang matitipid. Gayunman, malaki pa ring pera ang kailangan. Ang mga kapatid sa ibang lupain, sa pamamagitan ng Lupong Tagapamahala, ay nagpapadala sa atin ng pondo upang tulungan tayo sa proyekto. Nalalaman namin na kayo rin ay nagnanais na magkaroon ng bahagi, gaano mang kaliit ito, upang itaguyod ang gawain.
14 Maaaring madama ng ilan na ang halagang maaari nilang iabuloy ay napakaliit anupa’t hindi ito karapatdapat. Subali’t tandaan ang kakatiting na abuloy ng balo na binabanggit sa Lukas 21:1-4. Kung ang lahat ng mahigit sa 100,000 mga mamamahayag sa Pilipinas ay magbibigay ng ₱5.00 man lamang bawa’t buwan mula ngayon hanggang sa matapos ang proyekto sa loob marahil ng apat na taon mula ngayon, ito ay aabot sa kabuuang kontribusyon na ₱24 na milyon! At walang alinlangang marami ang maaaring makapagbigay nang higit pa rito, depende sa kanilang kalagayan.
15 Kapag tinalakay ang insert na ito sa pulong ukol sa paglilingkod, iminumungkahi namin na magbigay ang mga matatanda ng kapirasong papel sa bawa’t dumalong mamamahayag at hilingan silang isulat doon ang halagang nais nilang ibigay, bilang indibiduwal o bilang isang pamilya, sa bawa’t buwan hanggang sa matapos ang konstruksiyon. Walang dapat lumitaw na pangalan sa mga papel na ito. Ang halagang ibibigay ay yaong makakaya nila bukod pa sa iba pang lokal na pananagutan sa Kingdom Hall, abp. Pagkatapos, salig sa halagang makikita sa mga papel na ito, maihaharap ng mga matatanda ang isang resolusyon sa kongregasyon hinggil sa halagang sinang-ayunan nilang ipadala sa Samahan bawa’t buwan para sa pantanging layuning ito. Ang kaayusang ito ay nagtagumpay sa pagtulong sa paglalakbay ng mga misyonero nang nakaraang taon, at inirerekomenda naming sundin ito. Sabihin pa, bawa’t isa ay dapat na magbigay nang boluntaryo, “ayon sa ipinasiya ng kaniyang puso.” (2 Cor. 9:7) Subali’t minsang kusang napagpasiyahan ng isa kung magkano ang kaniyang ibibigay bawa’t buwan, walang alinlangang taimtim niyang tutuparin ang pangakong ito sa regular na paraan hangga’t maisasagawa niya iyon. Ang mga kontribusyon ng kongregasyon bawa’t buwan ay dapat na ilagay sa isang hiwalay na linya sa Remittance form, na minarkahang “Branch Construction Donations.”
16 Maaaring naisin ng ilang indibiduwal na magpadala ng tuwirang kontribusyon sa Samahan para sa proyektong ito, at ang mga ito ay maluwag na tinatanggap. Bukod dito, maaaring mayroong mga kapatid na gustong magpahiram ng pera sa Samahan, nang walang interes o may limang porsiyentong interes. Anumang panahong kakailanganin ng indibiduwal ang ipinahiram na pera, maaari niyang kunin iyon. Gayunman, upang makatulong sa proyekto, makabubuting manatili ang pera sa Samahan nang hindi kukulangin sa tatlong taon hangga’t maaari.
17 Makatitiyak kayo na ang inyong kusang-loob na mga kontribusyon ay lubusang pinahahalagahan ng Samahan at gagamiting may katalinuhan upang makompleto ang malaking proyektong ito sa pagpapasulong ng gawaing pang-Kaharian sa Pilipinas.
18 Mayroon pang isang bagay na doo’y makatutulong kayo. Taglay sa kaisipan na ang pagpapala ni Jehova ay mahalaga, inaanyayahan namin kayong manalangin para sa ikatatagumpay ng gawain. Kami ay nagtitiwala na pakikilusin ni Jehova ang puso ng lahat niyang mga lingkod upang itaguyod ang gawaing ito sa lahat ng paraan, at lagi namin kayong pahihiwatigan sa pagsulong ng gawain hanggang sa katapusan nito sa ikadadakila ng Kaniyang banal na pangalan.