Pagtatakda ng Panahon Para sa mga Teokratikong Paglalaan
1 Si Jehova ay sagana sa pagtupad sa kaniyang mga pangako na ilaan ang karunungan sa kaniyang mga lingkod sa ngayon. (Isa. 55:11; Dan. 12:4; Roma 11:33; 1 Cor. 2:8-10) Tayo ba’y nagpapakita ng ating pagpapahalaga sa pamamagitan ng pagtatakda ng panahon para sa kaniyang palatuntunan ng pagtuturo sa atin ng katotohanan?
2 Nangangailangan ng pagsisikap at pagpipigil-sa-sarili upang magtakda ng pinakamabuting panahon para sa personal na pag-aaral at paghahanda sa pulong. Subali’t hindi ba tayo nakadarama ng mayamang pagpapala kapag ating ginagamit ang panahon sa teokratikong pagsasanay bawa’t linggo? (Efe. 5:15-17) Ano ang ilan sa mga paglalaan ni Jehova upang turuan tayo?
KUNG ANO ANG KANIYANG ISINAAYOS
3 Una, taglay natin ang Bibliya bilang ating pangunahing aklat-aralin. Isang mainam na palatuntunan sa pagbabasa ng Bibliya ang naka-eskedyul bawa’t linggo. Atin bang sinusunod ito?
4 Mayroon pa bang kailangan, o sapat na ba ang pagbabasa ng Bibliya? (Sant. 1:5, 6) Kailangan rin natin ang organisasyon na gingamit ni Jehova upang paglaanan tayo nang saganang espirituwal na pagkain, na inilalaan sa pamamagitan ng mga publikasyon sa Bibliya, mga pulong ng kongregasyon, mga pansirkitong asamblea, at mga pandistritong kombensiyon.—Mat. 24:45.
5 Ang isa pang paglalaan ni Jehova ay ang maibiging mga pastol. (Gawa 20:28) Alisto ba tayo sa pagkakapit sa mga mungkahing ibinibigay nila? Ang taimtim na mga matatanda ay masikap na nag-aaral upang makaalinsabay sa organisasyon. (2 Tim. 2:15) Tayong lahat ay makikinabang mula sa kanilang karanasan at sa panahong kanilang ginagamit alang-alang sa ating kapakinabangan.
PAGTULONG SA ATING MGA ANAK AT SA IBA
6 Ang pagtuturo sa ating mga anak ng katotohanan ay isang mahalagang bahagi ng teokratikong edukasyon. Ang may kabihasahang paglalaan ng “disiplina at aral” ay napakahalaga. (Efe. 6:4) Ito ang nagpapangyari sa pagkakaiba ng kanilang paglaki tungo sa espirituwal na pagkamaygulang o kaya’y sa pagtalikod nang lubusan sa katotohanan. Kailangan ang panahon para sa ganitong pagtuturo. Walang maihahalili dito.
7 Kailangang matulungan ang mga baguhan na mapahalagahan nila ang pangangailangang magtakda ng panahon para sa kanilang lingguhang pag-aaral sa Bibliya. Dapat nating pasiglahin sila na lubusang maghanda para sa bawa’t pag-aaral. Kung tuturuan natin silang mabuti, hindi matatagalan at sila’y magnanais na bumahagi kasama natin sa gawaing pangangaral. Ang teokratikong edukasyon ay hindi natatapos sa “mga unang simulain.”(Heb. 5:12–6:3) Nais nating tulungan silang “sumulong tungo sa pagkamaygulang.” Nangangailangan ito ng panahon.
8 Taglayin nawa natin ang determinasyon na magtakda ng panahon upang lubusang pakinabangan ang lahat ng mga teokratikong paglalaan para sa atin ng ating Dakilang Tagapagturo. Ito’y magpapangyari na tayo’y patuloy na sumulong sa daan patungo sa buhay na walang hanggan.—Isa. 30:20, 21; Fil. 3:13-16.