-
Aklat ng Bibliya Bilang 65—Judas“Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
-
-
Inihalintulad niya ang mga ito sa mga hayop na walang-bait, na nagsilakad sa landasin ni Cain, nagmamadali sa pagkakasala ni Balaam, at napapahamak na gaya ng mapaghimagsik na si Core. Sumipi rin siya ng matitingkad na larawan mula sa “aklat ng kalikasan.” Ang deretsahang liham ni Santiago ay naging bahagi ng “lahat ng Kasulatan” na dapat pag-aralang kasabay ng buong Kasulatan, na nagpapayo sa wastong paggawi “sa huling panahon.”—Jud. 17, 18, 5-7, 11-13; Bil. 14:35-37; Gen. 6:4; 18:20, 21; 19:4, 5, 24, 25; 4:4, 5, 8; Bil. 22:2-7, 21; 31:8; 16:1-7, 31-35.
9. Bakit kailangan pa rin ngayon ang babala ni Judas, at sa anong mga larangan dapat patibayin ng mga Kristiyano ang sarili?
9 Ang mga pagsalansang at pagsubok ng mga taga-labas ay hindi nakahadlang sa paglago ng Kristiyanismo, ngunit ngayon ang panganib ay nagmumula sa loob. Nanganganib ang kongregasyon na mawasak ng mga batong nakatago. Sapagkat ang panganib ay mas malaki kaysa inasahan, idiniin ni Judas ang ‘pakikipaglabang masikap ukol sa pananampalataya.’ Ang liham ay napapanahon ngayon na gaya rin noon. Kailangan din natin ang gayong babala. Ang pananampalataya’y dapat pa ring ingatan at ipaglaban, ang kahalayan ay bunutin sa ugat, ang nag-aalinlangan ay buong-awang tulungan at ‘agawin sa apoy,’ kung kailangan. Alang-alang sa kalinisang moral, sa espirituwalidad, at sa tunay na pagsamba, ang mga Kristiyano ngayon ay dapat tumibay sa pananampalatayang banal. Dapat manindigan sa matuwid na simulain at maging malapít sa Diyos sa panalangin. Kailangan din ang wastong pagpipitagan sa “pagkapangulo,” na nagbibigay-galang sa bigay-Diyos na autoridad sa kongregasyong Kristiyano.—Jud. 3, 23, 8.
10. (a) Papaano dapat makitungo ang kongregasyon sa mga makahayop, at ano ang ibubunga nito? (b) Anong gantimpala ang naghihintay sa mga tagapagmana ng Kaharian, at sa ano sila nakikiisa kay Judas?
10 “Ang mga makahayop, walang espirituwalidad,” ay hindi papasok sa Kaharian at isang panganib sa mga nasa landas ng buhay na walang-hanggan. (Jud. 19; Gal. 5:19-21) Dapat mabigyang-babala ang kongregasyon, at dapat silang itakwil! Sa gayon, ang “awa at kapayapaan at pag-ibig” ay sasagana sa mga minamahal, at maiingatan nila ang sarili sa pag-ibig ng Diyos, ‘samantalang naghihintay sa awa ng Panginoong Jesu-Kristo at sa buhay na walang-hanggan.’ Ang mga tagapamahala ng Kaharian ay buong-kagalakang iingatan ng Diyos na Tagapagligtas “na walang-dungis sa harapan ng kaniyang kaluwalhatian.” Tiyak na sila’y makikiisa kay Judas sa pag-uukol ng “kaluwalhatian, kamahalan, kapangyarihan, at kapamahalaan” sa Kaniya sa pamamagitan ni Jesu-Kristo.—Jud. 2, 21, 24, 25.
-
-
Aklat ng Bibliya Bilang 66—Apocalipsis“Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
-
-
Aklat ng Bibliya Bilang 66—Apocalipsis
Manunulat: Si Apostol Juan
Saan Isinulat: Sa Patmos
Natapos Isulat: c. 96 C.E.
1. (a) Hinggil sa mga simbolismo sa Apocalipsis, sa ano sasang-ayon ang mga lingkod ng Diyos? (b) Bakit wasto ang pagkalagay ng Apocalipsis sa hulihan ng Bibliya?
ANG mga simbolismo ba sa Apocalipsis ay sinadya upang makasindak? Napakalayo! Ang katuparan ng hula ay maaaring makasindak sa mga balakyot, ngunit sasang-ayon ang mga tapat na lingkod ng Diyos sa kinasihang pambungad at sa katapusang komento ng anghel: “Maligaya ang bumabasa nang malakas at nakikinig sa mga salita ng hulang ito.” “Maligaya ang tumutupad sa mga salita ng hula sa balumbon na ito.” (Apoc. 1:3; 22:7) Bagaman nauna sa apat na iba pang aklat ni Juan, wastong ihuli ang Apocalipsis sa 66 na kinasihang aklat ng Bibliya, sapagkat ito ang naghahatid sa mga mambabasa tungo sa hinaharap, sa pamamagitan ng panlahatang larawan ng mga layunin ng Diyos para sa tao, na naghahatid sa dakilang tema ng Bibliya sa kasukdulan nito, ang pagbanal sa pangalan ni Jehova at pagbabangong-puri sa kaniyang soberanya sa pamamagitan ng Kaharian sa ilalim ni Kristo, ang Ipinangakong Binhi.
2. Papaano dumating kay Juan ang Apocalipsis, at bakit angkop ang pamagat ng aklat?
2 Ayon sa pamagat na talata, ito ay “apocalipsis ni Jesu-Kristo, na ibinigay ng Diyos sa kaniya . . . Isinugo niya ang kaniyang anghel at ipinadala ito sa pamamagitan ng mga tanda sa kaniyang alipin na si Juan.” Kaya si Juan ay manunulat lamang, hindi ang may-akda. Hindi siya ang tagapagpahayag, ni kapahayagan kaya ni Juan ang aklat. (1:1) Ang pagsisiwalat ng kamangha-manghang layunin ng Diyos sa hinaharap ay umaangkop sa pamagat, sapagkat ang Griyegong pangalan ng aklat ay A·po·kaʹly·psis (Apocalypse), nangangahulugang “Paghahayag” o “Pag-aalis ng Lambong.”
3. Sino ang Juan na ayon sa Apocalipsis ay siyang sumulat nito, at papaano ito pinatutunayan ng sinaunang mga mananalaysay?
3 Sino ang Juan na tinutukoy sa unang kabanata bilang manunulat ng Apocalipsis? Sinasabi na siya’y alipin ni Jesu-Kristo, kapatid at kabahagi sa kapighatian, at na siya’y naging tapon sa pulo ng Patmos. Kilalang-kilala siya ng mga unang mambabasa, at hindi na kailangan pa ang higit na pagpapakilala. Siya’y si apostol Juan. Inaalalayan ito ng pinaka-matatandang mananalaysay. Kinilala ni Papias, na sumulat noong unang bahagi ng ikalawang siglo C.E., na ang aklat ay apostoliko. Sinabi ni Justin Martyr, noong ikalawang siglo, sa kaniyang “Dialogue With Trypho, a Jew” (LXXXI): “May kasama tayo, nagngangalang Juan, isa sa mga apostol ni Kristo, na humula, sa pamamagitan ng kapahayagan na ibinigay sa kaniya.”a Si Irenaeus ay bumabanggit kay apostol Juan bilang manunulat, gaya rin ni Clement ng Aleksandriya at ni Tertullian, mula sa dulo ng ikalawa at pasimula sa ikatlong siglo. Sinabi ni Origen, tanyag na iskolar ng Bibliya noong ikatlong siglo: “Ang tinutukoy ko ay yaong nakahilig sa dibdib ni Jesus, si Juan, na nag-iwan ng isang Ebanghelyo, . . . na siya ring sumulat ng Apocalipsis.”b
4. (a) Ano ang sanhi ng pagbabago ng estilo sa Apocalipsis kung ihahambing sa ibang isinulat ni Juan? (b) Ano ang patotoo na ang Apocalipsis ay tunay na bahagi ng kinasihang Kasulatan?
4 Hindi dahil sa ang ibang isinulat ni Juan ay lubhang nagdiriin sa pag-ibig ay hindi na niya kayang isulat ang mapuwersa at mariing Apocalipsis. Siya at ang kapatid niyang si Santiago ay nagsiklab sa galit laban sa mga Samaritano at nais nilang magpababâ ng apoy mula sa langit. Kaya pinangalanan sila ng “Boanerges,” o “Mga Anak ng Kulog.” (Mar. 3:17; Luc. 9:54) Ang paglihis na ito sa estilo ay hindi magiging suliranin kung tatandaan na naiiba ang paksang tinatalakay sa Apocalipsis. Ang nakita ni Juan sa mga pangitain ay ibang-iba sa alinmang nakita na niya. Ang pambihirang pagkakasuwato ng aklat sa ibang makahulang Kasulatan ay tiyak na patotoo na ito’y tunay na bahagi ng kinasihang Salita ng Diyos.
5. Kailan isinulat ni Juan ang Apocalipsis, at sa ilalim ng anong mga kalagayan?
5 Ayon sa pinakamaagang patotoo, isinulat ni Juan ang Apocalipsis noong mga 96 C.E., humigit-kumulang 26 na taon matapos mawasak ang Jerusalem. Ito’y sa pagtatapos ng pamamahala ni Emperador Domitian. Bilang patotoo, sinasabi ni Irenaeus tungkol sa Apocalipsis, sa kaniyang “Against Heresies” (V, xxx): “Hindi lubhang katagalan mula nang ito’y makita, halos ay sa atin mismong kaarawan, sa pagtatapos ng pamamahala ni Domitian.”c Sina Eusebius at Jerome ay sang-ayon sa patotoong ito. Si Domitian ay kapatid ni Tito, na nanguna sa mga Romano sa pagwasak sa Jerusalem. Naging emperador siya nang mamatay si Tito, 15 taon bago isulat ang Apocalipsis. Iniutos niyang siya’y sambahin bilang diyos at inangkin niya ang titulong Dominus et Deus noster (nangangahulugang “Ating Panginoon at Diyos”).d Ang mga sumasamba sa diyus-diyosan ay hindi tutol sa pagsamba sa emperador, ngunit hindi nakilahok ang mga Kristiyano, na hindi nakipagkompromiso sa pananampalataya. Kaya sa pagtatapos ng pamamahala ni Domitian (81-96 C.E.), dumating sa mga Kristiyano ang mahigpit na pag-uusig. May palagay na si Juan ay ipinatapon ni Domitian sa Patmos. Nang si Domitian ay paslangin noong 96 C.E., hinalinhan siya ng mas mapagparayang emperador na si Nerva, na malamang na nagpalaya kay Juan. Tinanggap ni Juan ang mga pangitaing kaniyang iniulat nang siya’y bilanggo sa Patmos.
6. Dapat malasin ang Apocalipsis bilang ano, at papaano ito maaaring hatiin?
6 Ang nakita at isinulat ni Juan sa mga kongregasyon ay hindi basta serye ng di-magkakaugnay na pangitaing iniulat nang kahit papaano na lamang. Hindi, ang aklat ng Apocalipsis, buhat pasimula hanggang wakas, ay isang maliwanag na larawan ng hinaharap, mula sa isang pangitain tungo sa susunod hanggang sa ganap na maisiwalat ang mga layunin ng Kaharian ng Diyos sa katapusan ng mga pangitain. Kaya ang Apocalipsis ay isang kabuuan na may ugnay-ugnay, magkakasuwatong bahagi, na naghahatid sa atin mula noong panahon ni Juan tungo sa malayong hinaharap. Pagkatapos ng pambungad (Apoc. 1:1-9), ang aklat ay maaaring hatiin sa 16 na pangitain: (1) 1:10–3:22; (2) 4:1–5:14; (3) 6:1-17; (4) 7:1-17; (5) 8:1–9:21; (6) 10:1–11:19; (7) 12:1-17; (8) 13:1-18; (9) 14:1-20; (10) 15:1–16:21; (11) 17:1-18; (12) 18:1–19:10; (13) 19:11-21; (14) 20:1-10; (15) 20:11–21:8; (16) 21:9–22:5. Ang mga pangitain ay may nagpapakilos na pangwakas, kung saan si Jehova, si Jesus, ang anghel, at si Juan ay pawang nagsasalita, at nagbibigay ng katapusang patotoo bilang mga pangunahing tauhan sa hanay ng pakikipagtalastasan.—22:6-21.
NILALAMAN NG APOCALIPSIS
7. Ano ang sinasabi ni Juan tungkol sa pinagmulan ng Apocalipsis, at sa ano raw niya karamay ang pitong kongregasyon?
7 Ang pambungad (1:1-9). Ipinaliliwanag ni Juan ang banal na Pinagmulan at ang bahagi ng anghel sa hanay ng paghahayag, at sumulat siya sa pitong kongregasyon sa distrito ng Asya. Ginawa sila ni Jesu-Kristo na “isang kaharian, mga saserdote sa kaniyang Diyos at Ama,” si Jehova, ang Makapangyarihan-sa-Lahat. Ipinaalaala ni Juan na karamay
-