Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Aralin Bilang 1—Isang Pagdalaw sa Lupang Pangako
    “Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
    • tinawid ng mga Israelita ang ilang na ito tungo sa Lupang Pangako, at mula sa Paran isinugo ni Moises ang 12 tiktik.​—Bil. 12:16–​13:3.

      D. ANG MALAKING ARABA (ANG RIFT VALLEY)

      22. Sa tulong ng mapa sa pahina 272 at ng mga banghay sa pahina 273, at gayundin ng parapong ito, ilarawan sa maikli ang tampok na mga bahagi ng Araba (Rift Valley) at ang kaugnayan nito sa nakapalibot na teritoryo.

      22 Isa sa pinaka-kakatwang hugis na lupa ay ang malaking Rift Valley. Sa Bibliya, ang bahaging bumabagtas sa Lupang Pangako mula hilaga hanggang timog ay tinatawag na “Araba.” (Jos. 18:18) Sa 2 Samuel 2:29 ang biyak na ito sa balat ng lupa ay inilalarawan bilang isang bambang. Sa hilaga nito ay ang Bundok Hermon. (Jos. 12:1) Mula sa paanan ng Hermon, ang Rift Valley ay mabilis na bumubulusok patimog nang mga 800 metro sa ibaba ng kapatagan ng dagat sa ilalim ng Dagat na Patay. Nagpapatuloy ang Araba mula sa dulo ng Dagat na Patay sa timog, at pumapaitaas nang mahigit 200 metro sa kapatagan ng dagat sa pagitan ng Dagat na Patay at ng Golpo ng ʽAqaba. Mula roon ay mabilis itong pumapaibaba tungo sa maligamgam na tubig ng silangang sanga ng Dagat na Pula. Makikita sa mapa ang kaugnayan ng Rift Valley sa nakapaligid na lupain.

      D-1 ANG LUNAS NG HULA

      23. Noong panahon ng Bibliya sa ano iniugnay ang rehiyon ng Hula?

      23 Pasimula sa paanan ng Bundok Hermon, ang Rift Valley ay mabilis na bumubulusok nang mahigit 490 metro hanggang sa rehiyon ng Hula, na kapantay ng dagat. Matubig ang distrito kaya nananatili itong luntian kahit na sa mainit na tag-araw. Dito nanirahan ang mga Danita sa kanilang lungsod ng Dan, sentro ng idolatrosong pagsamba mula noong panahon ng mga hukom hanggang sa panahon ng sampung-tribong kaharian ng Israel. (Huk. 18:29-31; 2 Hari 10:29) Sa Cesarea ng Filipos, isang bayan malapit sa kinaroroonan ng sinaunang Dan, tiniyak ni Jesus sa mga alagad na siya ang Kristo, at maraming naniniwala na sa kalapit na Bundok Hermon naganap ang pagbabagong-anyo anim na araw pagkaraan nito. Mula sa Hula, ang Rift Valley ay bumababa tungo sa Dagat Galilea, na mga 210 metro ang kababaan sa kapatagan ng dagat.​—Mat. 16:13-20; 17:1-9.

      D-2 ANG REHIYON SA PALIGID NG DAGAT NG GALILEA

      24. (a) Sa Bibliya ano pang ibang pangalan ang itinatawag sa Dagat ng Galilea? (b) Ano ang hitsura ng mga kapaligiran nito noong panahon ni Jesus?

      24 Kalugud-lugod ang Dagat ng Galilea at ang kapaligiran nito.c Sumisidhi ang interes sa rehiyon dahil sa mga pangyayari sa ministeryo ni Jesus na naganap dito. (Mat. 4:23) Tinatawag din ito na Look ng Genesaret, o Cinneret, at Dagat ng Tiberias. (Luc. 5:1; Jos. 13:27; Juan 21:1) Ito’y hugis-puso, halos 21 kilometro ang haba at mga 11 kilometro ang pinakamaluwang na bahagi, at ito’y mahalagang tipunan ng tubig para sa buong lupain. Nakukulong ito ng mga burol sa halos lahat ng panig. Ang ibabaw ng look ay mga 210 metro sa ibaba ng kapatagan ng dagat, kaya maaliwalas at maalinsangan ang taglamig at napakainit ang mahabang tag-araw. Noong panahon ni Jesus, sentro ito ng pamamalakaya at ang mayayamang lungsod ng Corazin, Betsaida, Capernaum, at Tiberias ay nasa aplaya o malapit dito. Ang katahimikan ng look ay madaling maligalig ng mga bagyo. (Luc. 8:23) Ang maliit na kapatagan ng Genesaret, tatsulok ang hugis, ay nasa hilagang-kanluran ng look. Mataba ang lupa at halos lahat ng pananim na kilala sa Lupang Pangako ay narito. Kapag tagsibol ang makukulay na dalisdis ay nagniningning sa kagandahan na walang kaparis sa buong Israel.d

      D-3 DISTRITO NG LIBIS NG JORDAN (ANG GHOR)

      25. Ano ang pangunahing mga katangian ng Libis ng Jordan?

      25 Ang buong tulad-bambang na pababang libis ay tinatawag ding “Araba.” (Deut. 3:17) Ang tawag ngayon dito ng mga Arabo ay Ang Ghor, ibig sabihin ay “Lubak.” Nagsisimula ito sa Dagat ng Galilea at may kalaparan​—mga 19 kilometro sa ilang dako. Ang Ilog Jordan mismo ay mga 46 metro sa ibaba ng patag na libis, lumiliko at paikut-ikot nang 320 kilometro sa distansiyang 105 kilometro hanggang sa Dagat na Patay.e Paluksu-lukso sa 27 dako na mabibilis ang agos, nananaog ito nang mga 180 metro bago marating ang Dagat na Patay. Ang ibaba ng Jordan ay napalilibutan ng makakapal na puno at halaman, gaya ng mga tamaring, oleandro, at willow, kung saan ang mga leon at ang kanilang inakáy ay nagtatago noong panahon ng Bibliya. Sa ngayon kilala ito bilang Zor at bahagyang naaapawan kapag tagsibol. (Jer. 49:19) Pumapaitaas sa magkabilang panig ng makitid at magubat na lupaing ito ay ang Qattara, isang mapanganib na hangganan ng maliliit na talampas at putul-putol na dalisdis na humahantong sa kapatagan mismo ng Ghor. Ang mga kapatagan sa hilaga ng Ghor, o Araba, ay nasasakang mabuti. Maging sa timog, sa may Dagat na Patay, ang talampas ng Araba, na tigang-na-tigang ngayon, ay namunga noon ng sari-saring date, bukod pa sa ibang mga prutas sa tropiko. Jerico ang pinakatanyag na lungsod sa Libis ng Jordan, noon at maging sa ngayon.​—Jos. 6:2, 20; Mar. 10:46.

      D-4 ANG DAGAT NA MAALAT (PATAY)

      26. (a) Ano ang ilan sa kahanga-hangang katotohanan tungkol sa Patay na Dagat? (b) Anong mariing patotoo ang ibinibigay ng rehiyong ito tungkol sa mga hatol ni Jehova?

      26 Isa ito sa pinaka-kahanga-hangang dagat sa balat ng lupa. Angkop ang tawag na patay, pagkat walang isdang nabubuhay sa dagat at kakaunti ang halaman sa pampang. Tinatawag ito ng Bibliya na Dagat na Maalat, o Dagat ng Araba, yamang ito ay nasa rift valley ng Araba. (Gen. 14:3; Jos. 12:3) Humigit-kumulang 75 kilometro ito mula hilaga hanggang timog at 15 kilometro ang luwang. Ang ibabaw nito ay mas mababa ng mga 400 metro sa Dagat Mediteranyo, kaya ito ang pinakamababang dako sa lupa. Sa hilaga, ang lalim ay umaabot sa mga 400 metro. Sa bawat panig, ang dagat ay nakukulong ng palanas na mga burol at matatarik na bangin. Bagaman naghahatid ng sariwang tubig ang Ilog Jordan, wala itong labasan kundi sa pamamagitan ng ebaporasyon, na kasimbilis ng pagpasok ng tubig. Ang nakukulong na tubig ay may 25 porsiyentong lusaw na materyales, karamihan ay asin, at nakalalason sa isda at mahapdi sa mata ng tao. Ang mga dumadalaw sa kalakhang bahagi ng Dagat na Patay ay malimit mamangha sa ganap na pagkatiwangwang at pagkawasak. Ito’y dako ukol sa mga patay. Bagaman noong una ang lahat ng ito’y “matubig . . . gaya ng halamanan ni Jehova,” sa halos 4,000 taon na ngayon, ang paligid ng Dagat na Patay ay “isang tiwangwang na ilang” bilang mariing patotoo ng kawalang-pagbabago ng mga hatol ni Jehova na iginawad laban sa Sodoma at Gomora.​—Gen. 13:10; 19:27-29; Zef. 2:9.

      D-5 ANG ARABA (PATIMOG MULA SA DAGAT NA MAALAT)

      27. Anong uri ng teritoryo ang katimugang Araba, at sino ang sumupil nito noon?

      27 Ang huling seksiyong ito ng Rift Valley ay nagpapatuloy na patimog sa layong 160 kilometro. Ito ay halos pawang disyerto. Madalang ang ulan, at walang-awa ang darang ng araw. Sa Bibliya tinatawag din ito na “Araba.” (Deut. 2:8) Ang pinakamataas na bahagi, sa gitna, ay mahigit 200 metro sa ibabaw ng kapatagan ng dagat at saka muling nananaog na patimog tungo sa Golpo ng ʽAqaba, ang silanganing sanga ng Dagat na Pula. Dito, sa daungan ng Ezion- geber, nagtayo si Solomon ng isang plota ng mga sasakyang-dagat. (1 Hari 9:26) Sa kalakhang yugto ng mga hari sa Juda, ang bahaging ito ng Araba ay nasa ilalim ng panunupil ng kaharian ng Edom.

      E. MGA KABUNDUKAN AT MGA TALAMPAS SA SILANGAN NG JORDAN

      28. Ano ang naging halaga ng mga lupain ng Basan at Galaad sa pagsasaka, at papaano nasangkot ang mga rehiyong ito sa kasaysayan ng Bibliya?

      28 “Ang bahagi ng Jordan sa gawing silangan” ay mabilis na pumapaitaas mula sa Rift Valley upang bumuo ng sunud-sunod na mga talampas. (Jos. 18:7; 13:9-12; 20:8) Sa hilaga ay ang lupain ng Basan (E-1), na ibinigay sa tribo ni Manasses kasama ng kalahati ng Galaad. (Jos. 13:29-31) Ito ay bakahan, lupain ng pagsasaka, isang matabang talampas na may katamtamang 600 metro sa ibabaw ng kapatagan ng dagat. (Awit 22:12; Ezek. 39:18; Isa. 2:13; Zac. 11:2) Noong panahon ni Jesus ang dakong ito ay nagluwas ng maraming butil, at ngayon ay saganang sinasaka. Kasunod nito, sa timog, ay ang lupain ng Galaad (E-2), na ang mababang bahagi ay iniatas sa tribo ni Gad. (Jos. 13:24, 25) Isang mabundok na rehiyong may taas na 1,000 metro, nadidilig ng saganang ulan kung taglamig at ng hamog kung tag-araw, maganda rin ang lupain sa pag-aalaga ng hayop at tanyag sa balsamo. Tanyag ito ngayon sa mamahaling ubas. (Bil. 32:1; Gen. 37:25; Jer. 46:11) Sa lupain ng Galaad tumakas si David mula kay Absalom, at sa kanluran nito, si Jesus ay nangaral sa “paligid ng Decapolis.”​—2 Sam. 17:26-29; Mar. 7:31.

      29. Sa silangan ng Jordan, anong mga lupain ang nasa timog, at sa ano napabantog ang mga ito?

      29 “Ang lupain ng mga anak ni Amon” (E-3) ay nasa timog ng Galaad, at kalahati nito ay ibinigay sa tribo ni Gad. (Jos. 13:24, 25; Huk. 11:12-28) Ito’y bulubunduking talampas, angkop sa pagpapastol ng tupa. (Ezek. 25:5) Sa dako pa roon sa timog ay “ang lupain ng Moab.” (Deut. 1:5) Ang mga Moabita ay mahuhusay na pastol ng tupa, at hanggang ngayon pag-aalaga ng tupa ang pangunahing hanapbuhay roon. (2 Hari 3:4) Sa timog-silangan ng Dagat na Patay, sumasapit tayo sa mabundok na talampas ng Edom (E-4). Ang mga kagibaan ng malalaking lungsod ng pangangalakal, gaya ng Petra, ay nananatili hanggang ngayon.​—Gen. 36:19-21; Obad. 1-4.

      30. Ano ang hangganan ng mga talampas sa gawing silangan?

      30 Sa silangan ay ang malawak at mabatong ilang na lubusang humahadlang sa paglalakbay sa pagitan ng Lupang Pangako at ng Mesopotamya, kaya ang mga mangangalakal ay lumiligid nang maraming milya pahilaga. Sa timog ang ilang ay sinasalubong ng mga burol na buhangin ng malawak na disyertong Arabyano.

      F. BULUBUNDUKIN NG LIBANO

      31. (a) Ano ang bumubuo sa bulubundukin ng Libano? (b) Anong mga katangian ng Libano ang nananatiling gaya noong kapanahunan ng Bibliya?

      31 Nangingibabaw sa tanawin ng Lupang Pangako ang bulubundukin ng Libano. Ang totoo’y dalawang magkaagapay na hanay ito ng bundok. Ang mga burol sa paanan ng Bulubundukin ng Libano ay umaabot sa Mataas na Galilea. Sa maraming dako ang mga burol ay umaabot sa baybayin ng dagat. Ang pinakamataas na bundok ay mga 3,000 metro sa ibabaw ng kapatagan ng dagat. Ang pinakamataas na bundok sa kalapit na Bulubunduking Anti-Libano ay ang magandang Bundok Hermon, na 2,814 metro sa ibabaw ng kapatagan ng dagat. Ang natutunaw na niyebe ay pangunahing panustos sa Ilog Jordan at pinagmumulan ng hamog sa mainit na yugto ng huling tagsibol. (Awit 133:3) Ang Bulubundukin ng Libano ay napatanyag sa naglalakihang sedro, ang kahoy na napatampok sa pagtatayo ng templo ni Solomon. (1 Hari 5:6-10) Bagaman kakaunti na ang punong sedro ngayon, ang mabababang dalisdis ay mayroon pa ring mga ubasan, punong olibo, mga bungang-kahoy, gaya noong panahon ng Bibliya.​—Ose. 14:5-7.

      32. Papaano wastong inilarawan ni Moises ang Lupang Pangako?

      32 Sa pagtatapos ng ating pagdalaw sa Lupang Ipinangako ni Jehova, na napapagitnaan ng mapanganib na ilang sa silangan at ng Malaking Dagat, mailalarawan sa isipan ang kaluwalhatiang iginayak dito noong panahon ng Israel. Tunay na yao’y “napakabuting lupain . . . , inaagusan ng gatas at pulot-pukyutan.” (Bil. 14:7, 8; 13:23) Tinukoy ito ni Moises sa mga salitang: “Dinala ka ng Diyos na Jehova sa isang mabuting lupain, lupain ng mga batis ng tubig, ng mga bukal at ng mga kalaliman na bumubukal sa mga libis at mga bundok, lupain ng trigo at ng sebada at ng punong ubas at ng mga punong igos, at ng mga granada, lupain ng mga punong olibo at ng pulot-pukyutan, lupain na kakainan mo ng tinapay nang walang kakapusan, at doo’y hindi ka kukulangin, lupain na ang mga bato ay bakal at sa mga bundok ay makukuha mo ang tanso. Kapag nakakain ka na at nabusog, dapat mong purihin si Jehovang iyong Diyos dahil sa mabuting lupain na kaniyang ibinigay sa iyo.” (Deut. 8:7-10) Lahat ng umiibig kay Jehova ay dapat magpasalamat na nilayon niyang maging maluwalhating paraiso ang buong lupa, ayon sa pamarisan ng kaniyang sinaunang Lupang Pangako.​—Awit 104:10-24.

  • Aralin Bilang 2—Ang Panahon at ang Banal na Kasulatan
    “Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
    • Mga Pag-aaral sa Kinasihang Kasulatan at sa Kapaligiran Nito

      Aralin Bilang 2​—Ang Panahon at ang Banal na Kasulatan

      Paglalarawan sa mga paghahati ng panahon sa Bibliya, mga kalendaryo na karaniwang ginagamit, mga saligang petsa para sa Bibliya, at kawili-wiling mga punto kaugnay ng “agos ng panahon.”

      1, 2. Ano ang isinulat ni Solomon tungkol sa panahon, at dahil sa bilis ng takbo nito, ano ang dapat gawin?

      ANG tao ay lubhang palaisip sa paglipas ng panahon. Sa bawat tik-tak ng relo, sumusulong siya ng isang hakbang sa agos ng panahon. Matalino siya kung wasto niyang gagamitin ito. Sinabi ni Haring Solomon: “Sa bawat bagay ay may takdang panahon, at panahon sa bawat gawain sa silong ng langit: panahon ng kapanganakan at panahon ng kamatayan; panahon ng pagtatanim at panahon ng pagbunot sa itinanim; panahon ng pagpatay at panahon ng pagpapagaling; panahon ng pagsira at panahon ng pagtatayo; panahon ng pagtangis at panahon ng pagtawa.” (Ecle. 3:1-4) Napakabilis ng panahon! Napakaikli ang 70 taon ng normal na lawig ng buhay upang sumagana sa kaalaman at tamasahin ang lahat ng mabubuting bagay na inilaan ni Jehova sa tao. “Lahat ay ginawa niyang maganda sa sarili nitong panahon. Maging ang kawalang-hanggan ay inilagay niya sa kanilang puso, upang huwag matuklasan ng tao ang lahat ng gawa ng tunay na Diyos buhat sa pasimula hanggang wakas.”​—Ecle. 3:11; Awit 90:10.

      2 Si Jehova ay nabubuhay sa panahong walang-hanggan. Minabuti niyang itakda ang kaniyang mga nilalang sa agos ng panahon. Ang mga anghel sa langit, sampu ng mapaghimagsik na si Satanas, ay lubos na nakababatid sa paglipas ng panahon. (Dan. 10:13; Apoc. 12:12) Ganito ang nasusulat tungkol sa tao: “Ang panahon at di-inaasahang pangyayari ay sumasapit sa lahat.” (Ecle. 9:11) Maligaya siya na sa bawat sandali ay palaisip tungkol sa Diyos at nagpapahalaga sa paglalaan niya ng “pagkain sa kapanahunan”!​—Mat. 24:45.

      3. Sa ano magkatulad ang panahon at kalawakan?

      3 Ang Panahon ay Iisang-Direksiyon. Bagaman ang panahon ay pansansinukob, walang makapagsabi kung ano ito. Ito’y di-masukat na gaya ng kalawakan. Walang makapagsasabi kung saan nagsimula at kung saan patungo ang agos ng panahon. Bahagi ito ng walang-hanggang kaalaman ni Jehova, na inilalarawan bilang Diyos “mula sa panahong walang-takda hanggang sa panahong walang-takda.”​—Awit 90:2.

      4. Ano ang masasabi tungkol sa agos ng panahon?

      4 Gayunman, mauunawaan ang ilang tiyak na katangian ng panahon. Masusukat ang bilis ng agos nito. Isa pa, iisa ang direksiyon nito. Gaya ng trapiko sa kalyeng iisang-patunguhan, walang-tigil ang agos nito sa iisang direksiyon​—pasulong, laging pasulong. Gaano man kabilis ang takbo nito, hindi na ito mapapaurong. Nabubuhay tayo sa pansamantalang kasalukuyan. Ngunit ang kasalukuyan ay walang tigil, patuloy na umaagos sa nakalipas. Walang makapipigil nito.

      5. Bakit masasabi na ang nakaraan ay napagwagihan o naging kalugihan?

      5 Ang nakaraan. Ang nakaraan ay wala na, kasaysayan na lamang at hindi na mauulit. Anomang pagsisikap na pabalikin ito ay katulad ng pagpapaakyat

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share