-
Aralin Bilang 1—Isang Pagdalaw sa Lupang Pangako“Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
-
-
bungang-kahoy, gaya noong panahon ng Bibliya.—Ose. 14:5-7.
32. Papaano wastong inilarawan ni Moises ang Lupang Pangako?
32 Sa pagtatapos ng ating pagdalaw sa Lupang Ipinangako ni Jehova, na napapagitnaan ng mapanganib na ilang sa silangan at ng Malaking Dagat, mailalarawan sa isipan ang kaluwalhatiang iginayak dito noong panahon ng Israel. Tunay na yao’y “napakabuting lupain . . . , inaagusan ng gatas at pulot-pukyutan.” (Bil. 14:7, 8; 13:23) Tinukoy ito ni Moises sa mga salitang: “Dinala ka ng Diyos na Jehova sa isang mabuting lupain, lupain ng mga batis ng tubig, ng mga bukal at ng mga kalaliman na bumubukal sa mga libis at mga bundok, lupain ng trigo at ng sebada at ng punong ubas at ng mga punong igos, at ng mga granada, lupain ng mga punong olibo at ng pulot-pukyutan, lupain na kakainan mo ng tinapay nang walang kakapusan, at doo’y hindi ka kukulangin, lupain na ang mga bato ay bakal at sa mga bundok ay makukuha mo ang tanso. Kapag nakakain ka na at nabusog, dapat mong purihin si Jehovang iyong Diyos dahil sa mabuting lupain na kaniyang ibinigay sa iyo.” (Deut. 8:7-10) Lahat ng umiibig kay Jehova ay dapat magpasalamat na nilayon niyang maging maluwalhating paraiso ang buong lupa, ayon sa pamarisan ng kaniyang sinaunang Lupang Pangako.—Awit 104:10-24.
-
-
Aralin Bilang 2—Ang Panahon at ang Banal na Kasulatan“Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
-
-
Mga Pag-aaral sa Kinasihang Kasulatan at sa Kapaligiran Nito
Aralin Bilang 2—Ang Panahon at ang Banal na Kasulatan
Paglalarawan sa mga paghahati ng panahon sa Bibliya, mga kalendaryo na karaniwang ginagamit, mga saligang petsa para sa Bibliya, at kawili-wiling mga punto kaugnay ng “agos ng panahon.”
1, 2. Ano ang isinulat ni Solomon tungkol sa panahon, at dahil sa bilis ng takbo nito, ano ang dapat gawin?
ANG tao ay lubhang palaisip sa paglipas ng panahon. Sa bawat tik-tak ng relo, sumusulong siya ng isang hakbang sa agos ng panahon. Matalino siya kung wasto niyang gagamitin ito. Sinabi ni Haring Solomon: “Sa bawat bagay ay may takdang panahon, at panahon sa bawat gawain sa silong ng langit: panahon ng kapanganakan at panahon ng kamatayan; panahon ng pagtatanim at panahon ng pagbunot sa itinanim; panahon ng pagpatay at panahon ng pagpapagaling; panahon ng pagsira at panahon ng pagtatayo; panahon ng pagtangis at panahon ng pagtawa.” (Ecle. 3:1-4) Napakabilis ng panahon! Napakaikli ang 70 taon ng normal na lawig ng buhay upang sumagana sa kaalaman at tamasahin ang lahat ng mabubuting bagay na inilaan ni Jehova sa tao. “Lahat ay ginawa niyang maganda sa sarili nitong panahon. Maging ang kawalang-hanggan ay inilagay niya sa kanilang puso, upang huwag matuklasan ng tao ang lahat ng gawa ng tunay na Diyos buhat sa pasimula hanggang wakas.”—Ecle. 3:11; Awit 90:10.
2 Si Jehova ay nabubuhay sa panahong walang-hanggan. Minabuti niyang itakda ang kaniyang mga nilalang sa agos ng panahon. Ang mga anghel sa langit, sampu ng mapaghimagsik na si Satanas, ay lubos na nakababatid sa paglipas ng panahon. (Dan. 10:13; Apoc. 12:12) Ganito ang nasusulat tungkol sa tao: “Ang panahon at di-inaasahang pangyayari ay sumasapit sa lahat.” (Ecle. 9:11) Maligaya siya na sa bawat sandali ay palaisip tungkol sa Diyos at nagpapahalaga sa paglalaan niya ng “pagkain sa kapanahunan”!—Mat. 24:45.
3. Sa ano magkatulad ang panahon at kalawakan?
3 Ang Panahon ay Iisang-Direksiyon. Bagaman ang panahon ay pansansinukob, walang makapagsabi kung ano ito. Ito’y di-masukat na gaya ng kalawakan. Walang makapagsasabi kung saan nagsimula at kung saan patungo ang agos ng panahon. Bahagi ito ng walang-hanggang kaalaman ni Jehova, na inilalarawan bilang Diyos “mula sa panahong walang-takda hanggang sa panahong walang-takda.”—Awit 90:2.
4. Ano ang masasabi tungkol sa agos ng panahon?
4 Gayunman, mauunawaan ang ilang tiyak na katangian ng panahon. Masusukat ang bilis ng agos nito. Isa pa, iisa ang direksiyon nito. Gaya ng trapiko sa kalyeng iisang-patunguhan, walang-tigil ang agos nito sa iisang direksiyon—pasulong, laging pasulong. Gaano man kabilis ang takbo nito, hindi na ito mapapaurong. Nabubuhay tayo sa pansamantalang kasalukuyan. Ngunit ang kasalukuyan ay walang tigil, patuloy na umaagos sa nakalipas. Walang makapipigil nito.
5. Bakit masasabi na ang nakaraan ay napagwagihan o naging kalugihan?
5 Ang nakaraan. Ang nakaraan ay wala na, kasaysayan na lamang at hindi na mauulit. Anomang pagsisikap na pabalikin ito ay katulad ng pagpapaakyat ng tubig sa talon o pagpapabalik ng palaso sa busog na nagpahilagpos nito. Ang ating mga pagkakamali ay nag-iwan na ng bakas sa agos ng panahon, isang bakas na si Jehova lamang ang makabubura. (Isa. 43:25) Kahawig nito, ang mabubuting nagawa ng tao sa nakalipas ay isang ulat na “babalik sa kaniya” bilang pagpapala mula kay Jehova. (Kaw. 12:14; 13:22) Ang nakaraan ay napagwagihan o naging kalugihan. Hindi na ito masusupil. Nasusulat tungkol sa balakyot: “Sila’y agad matutuyo na gaya ng damo, at malalantang gaya ng sariwang damo.”—Awit 37:2.
6. Papaano naiiba ang hinaharap sa nakaraan, at bakit tayo dapat maging lalong interesado rito?
6 Ang Hinaharap. Naiiba ang hinaharap. Lagi itong patungo sa atin. Sa tulong ng Salita ng Diyos, makikilala natin ang mga hadlang sa unahan at mapaghahandaan ito. Makapag-iimbak tayo ng “mga kayamanan sa langit.” (Mat. 6:20) Ang mga ito’y hindi tatangayin ng agos ng panahon. Mananatili ito at tatagal bilang pagpapala ng walang-hanggang hinaharap. Interesado tayo sa matalinong paggamit ng panahon, pagkat apektado ang ating kinabukasan.—Efe. 5:15, 16.
7. Anong mga tagapagpahiwatig ng panahon ang inilaan ni Jehova para sa tao?
7 Mga Tagapagpahiwatig ng Panahon. Ang ating makabagong mga relo at orasan ay mga tagapagpahiwatig ng panahon. Kahawig nito, si Jehovang Maylikha ay nagpakilos ng dambuhalang mga orasan—ang lupa na umiinog sa ehe nito, ang buwan na lumiligid sa lupa, at ang araw—upang ang tao sa lupa ay wastong mapahiwatigan tungkol sa panahon. “Sinabi ng Diyos: ‘Magkaroon ng mga tanglaw sa langit upang maghiwalay ng araw at gabi; ito’y magsisilbing tanda ng mga panahon at mga araw at mga taon.’ ” (Gen. 1:14) Yamang may mga layuning nagkakaugnay sa isa’t-isa, ang makalangit na mga lalang ay naglalakbay sa kani-kanilang sakdal na palaikutan, walang-tigil at walang-palyang sumusukat sa iisang-direksiyong agos ng panahon.
8. Sa anong iba’t-ibang diwa ginagamit sa Bibliya ang salitang “araw (day)”?
8 Araw (Day). Sa Bibliya ang salitang “araw” ay may iba’t-ibang kahulugan, gaya rin ng sari-saring paggamit nito sa ngayon. Bawat kumpletong pag-ikot ng lupa sa ehe nito ay sumusukat ng isang araw na may 24 oras. Sa diwang ito, ang araw ay binubuo ng araw at gabi, 24 na oras lahat-lahat. (Juan 20:19) Gayunman, ang yugto ng liwanag, na may katamtamang sukat na 12 oras, ay tinatawag ding araw. “Tinawag ng Diyos ang liwanag na Araw, ngunit ang kadiliman ay tinawag niyang Gabi.” (Gen. 1:5) Dito nagsimula ang panahong tinatawag na “gabi,” na may katamtamang 12 oras ng kadiliman. (Exo. 10:13) Ang isa pang diwa ay kapag ang salitang “(mga) araw (kaarawan)” ay tumutukoy sa yugto ng panahon na kasabay ng isang tanyag na tao. Halimbawa, tumanggap si Isaias ng pangitain “noong kaarawan nina Uzzias, Jotham, Achaz at Ezekias” (Isa. 1:1), at ang mga kaarawan nina Noe at Lot ay makahula. (Luc. 17:26-30) Isa pang halimbawa ng naibabagay o makasagisag na gamit ng “araw” ay ang sinabi ni Pedro na “isang araw kay Jehova ay gaya ng isang libong taon.” (2 Ped. 3:8) Sa Genesis, ang araw ng paglalang ay isa pang mas mahabang yugto—libu-libong taon. (Gen. 2:2, 3; Exo. 20:11) Mauunawaan sa konteksto ng Bibliya kung sa anong diwa kumakapit ang “araw.”
9. (a) Papaano nagsimula ang paghahati ng araw sa 24 oras na tig-60 minuto? (b) Anong mga tagapagpahiwatig ng panahon ang binabanggit sa Kasulatang Hebreo?
9 Oras. Ang paghahati ng araw sa 24 oras ay galing sa Ehipto. Ang makabagong paghahati ng oras sa 60 minuto ay mula sa matematika ng Babilonya, na isang sistemang sexagesimal (salig sa bilang na 60). Sa Kasulatang Hebreo ay walang binabanggit na paghahati sa mga oras.a Sa halip, ginagamit nito ang mga salitang “umaga,” “tanghali,” “katanghaliang tapat,” at “gabi” upang ipahiwatig ang panahon. (Gen. 24:11; 43:16; Deut. 28:29; 1 Hari 18:26) Ang gabi ay hinati sa tatlong yugto na tinatawag na “pagbabantay sa gabi” (Awit 63:6), at dalawa ang tinutukoy sa Bibliya: “pagbabantay sa hating-gabi” (Huk. 7:19) at “pagbabantay sa kinaumagahan.”—Exo. 14:24; 1 Sam. 11:11.
10. Papaano sinukat ng mga Judio ang mga oras noong mga kaarawan ni Jesus, at papaano tumutulong ito upang matiyak ang panahon ng kamatayan ni Jesus?
10 Gayunman, ang “oras” ay malimit gamitin sa Kristiyanong Kasulatang Griyego. (Juan 12:23; Mat. 20:2-6) Ang mga oras ay binilang simula sa pagsikat ng araw, o mga alas 6 n.u. Binabanggit ng Bibliya ang “ikatlong oras,” na katumbas ng alas 9 n.u. Nagdilim ang Jerusalem nang si Jesus ay ipako sa “ikaanim na oras.” Katumbas ito ng ating alas 12 ng tanghali. Ang pagkalagot ng hininga ni Jesus sa pahirapang tulos ay naganap “sa ikasiyam na oras,” o mga alas 3 n.h.—Mar. 15:25; Luc. 23:44; Mat. 27:45, 46.b
11. Gaano nang katagal ginagamit ang “sanlinggo” bilang sukatan ng panahon?
11 Sanlinggo. Maaga pa sa kasaysayan nang simulan ng tao ang pagbilang ng mga araw sa mga siklo ng pito. Tinularan niya ang Maylikha, na tumapos sa anim na araw ng paglalang sa pamamagitan ng ikapitong yugto na tinatawag ding araw. Bumilang si Noe ng araw sa mga siklo ng pito. Sa Hebreo, ang “sanlinggo” ay tumutukoy sa isang literal na pituhang sukat o yugto.—Gen. 2:2, 3; 8:10, 12; 29:27.
-