-
Aralin Bilang 2—Ang Panahon at ang Banal na Kasulatan“Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
-
-
hindi ituturing na leap year. Halimbawa, di-gaya ng taóng 2000, ang 1900 ay hindi ginawang leap year sapagkat ang bilang na 1,900 ay hindi mahahati ng 400. Ang kalendaryong Gregorian ang siya ngayong karaniwang ginagamit sa kalakhang bahagi ng daigdig.
22, 23. Gaano kahaba ang isang makahulang taon?
22 Makahulang “Taon.” Sa hula ng Bibliya ang salitang “taon” ay malimit gamitin sa pantanging kahulugan na katumbas ng 12 buwan na tig-30 araw, sa kabuuang 360 araw. Pansinin ang sinabi ng isang autoridad kaugnay ng Ezekiel 4:5, 6: “Dapat nating ipalagay na ang kilala ni Ezekiel ay isang taon ng 360 araw. Ito’y hindi isang tunay na taóng-solar ni isang taóng-lunar. Ito’y isang ‘katamtamang’ taon na bawat buwan ay may 30 araw.”c
23 Ang isang makahulang taon ay tinatawag ding isang “panahon (time),” at ipinakikita sa Apocalipsis 11:2, 3 at 12:6, 14 ang pagtantiya sa “panahon” bilang 360 na araw. Sa hula, ang isang taon ay isinasagisag kung minsan ng isang “araw.”—Ezek. 4:5, 6.
24. Papaano sinimulan ng mga sinauna ang kanilang pagbilang?
24 Walang Taóng Zero. Ang mga sinauna, gaya ng edukadong mga Griyego, mga Romano, at mga Judio, ay hindi gumagamit ng zero. Sa kanila, lahat ay nagsisimula sa bilang na isa. Nang pag-aralan ninyo sa eskuwela ang mga bilang na Romano (I, II, III, IV, V, X, atbp.), itinuro ba sa inyo ang zero? Hindi, pagkat ang mga Romano ay wala nito. Yamang hindi sila gumamit ng zero, ang Pangkalahatang Panahon ay nagsimula, hindi sa taóng zero, kundi sa 1 C.E. Dito rin ibinatay ang ordinal na mga bilang, gaya ng una (ika-1), ikalawa (ika-2), ikatlo (ika-3), ikasampu (ika-10), at ika-isang daan (ika-100). Sa makabagong matematika, lahat ay nagsisimula sa wala, o zero. Ang zero ay malamang na naimbento ng mga Hindu.
25. Papaano nagkakaiba ang mga bilang na ordinal at cardinal?
25 Kaya kapag gumagamit ng bilang na ordinal, lagi itong bawasan ng isa upang makuha ang kabuuan. Halimbawa, kapag tumutukoy sa ika-20 siglo C.E., nangangahulugan ba na may 20 buong siglo? Hindi, nangangahulugan ito ng 19 na buong siglo at ilang karagdagang taon. Upang ipahayag ang mga buong bilang, ang Bibliya, at maging ang makabagong matematika, ay gumagamit ng mga bilang na cardinal, gaya ng 1, 2, 3, 10, at 100. Tinatawag din ito na “mga buong bilang (whole numbers).”
26. Papaano tatantiyahin (a) ang mga taon mula Oktubre 1, 607 B.C.E., hanggang Oktubre 1, 1914 C.E.? (b) ang 2,520 taon mula Oktubre 1, 607 B.C.E.?
26 Kaya yamang ang Pangkalahatang Panahon ay hindi nagsimula sa taóng zero kundi sa 1 C.E., at ang mga kalendaryo bago nito ay hindi nagtapos sa taóng zero kundi sa 1 B.C.E., ang bilang ng taon para sa alinmang petsa ay isang bilang na ordinal. Kaya, ang 1990 C.E. ay kumakatawan sa 1989 buong taon buhat sa pasimula ng Pangkalahatang Panahon, at ang Hulyo 1, 1990, ay kumakatawan sa 1,989 taon at kalahati buhat sa pasimula ng Pangkalahatang Panahon. Ang simulain ding ito ay kapit sa mga petsang B.C.E. Upang matantiya kung ilang taon ang lumipas mula Oktubre 1, 607 B.C.E., hanggang Oktubre 1, 1914 C.E., idagdag ang 606 na taon (at ang huling tatlong buwan ng 607 B.C.E.) sa 1,913 (at ang unang siyam na buwan ng 1914), at ang resulta ay 2,519 (at 12 buwan) o 2,520 taon. O upang matiyak ang magiging petsa 2,520 taon pagkaraan ng Oktubre 1, 607 B.C.E., tandaan na ang 607 ay isang bilang na ordinal—katumbas ito ng 606 buong taon—at yamang bumibilang tayo, hindi mula Disyembre 31, 607 B.C.E., kundi mula Oktubre 1, 607 B.C.E., dapat idagdag sa 606 ang huling tatlong buwan ng 607 B.C.E. Saka bawasin ang 606 1⁄4 mula sa 2,520 taon. Ang matitira ay 1,913 3⁄4. Kaya ang 2,520 taon mula Oktubre 1, 607 B.C.E., ay sasaklaw ng 1,913 3⁄4 taon sa Pangkalahatang Panahon—ang 1,913 buong taon ay hahantong sa pasimula ng 1914 C.E., at ang karagdagang tatlong-kapat ng isang taon ay maghahatid sa atin sa Oktubre 1, 1914 C.E.d
27. Ano ang mga saligang petsa, at bakit napakahalaga ang mga ito?
27 Mga Saligang Petsa. Ang mapanghahawakang kronolohiya ng Bibliya ay salig sa ilang saligang petsa. Ang isang saligang petsa ay isang petsa sa kasaysayan na kinikilala ng marami at katapat ng isang espesipikong kaganapan na iniuulat sa Bibliya. Maaari itong gamiting batayan at salig dito ay maaaring matiyak sa kalendaryo kung kailan naganap ang sunud-sunod na mga pangyayari sa Bibliya. Minsang matiyak ang saligang petsang ito, ang pasulong o paurong na pagtantiya mula rito ay magagawa salig sa wastong mga ulat sa Bibliya, gaya ng lawig ng buhay ng mga tao o ang haba ng pagpupuno ng mga hari. Kaya, pasimula sa isang takdang punto, magagamit natin ang mapanghahawakang panloob na kronolohiya ng Bibliya upang matiyak ang petsa ng maraming kaganapan sa Bibliya.
28. Ano ang isang saligang petsa para sa Kasulatang Hebreo?
28 Saligang Petsa para sa Kasulatang Hebreo. Isang tanyag na kaganapan na iniuulat kapuwa ng Bibliya at ng sekular na kasaysayan ay ang pagbagsak ng Babilonya sa mga Medo at Persyano sa ilalim ni Ciro. Iniuulat ito ng Bibliya sa Daniel 5:30. Maraming autoridad sa kasaysayan (gaya nina Diodorus, Africanus, Eusebius, Ptolemy, at ang mga tabletang Babiloniko) ang umaalalay sa 539 B.C.E. bilang taon ng pagsakop ni Ciro sa Babilonya. Ibinibigay ng Nabonidus Chronicle ang buwan at araw ng pagbagsak ng lungsod (nawawala ang taon). Kaya ang petsa ng pagbagsak ng Babilonya ay itinakda ng sekular na mga manunulat ng kronolohiya sa Oktubre 11, 539 B.C.E. ayon sa kalendaryong Julian, o Oktubre 5 ayon sa kalendaryong Gregorian.e
29. Kailan ibinigay ang utos ni Ciro, na nagpahintulot sa ano?
29 Pagkatapos ibagsak ang Babilonya, at sa unang taon bilang pinunò ng nasakop na Babilonya, ibinigay ni Ciro ang tanyag na utos na nagpahintulot sa mga Judio na makabalik sa Jerusalem. Salig sa ulat ng Bibliya, ang utos ay malamang na ibinigay sa pagtatapos ng 538 B.C.E. o sa tagsibol ng 537 B.C.E. May sapat na panahon ang mga Judio na makabalik at makaahon sa Jerusalem upang isauli ang pagsamba kay Jehova sa “ikapitong buwan,” ang Tisri, o mga Oktubre 1, 537 B.C.E.—Ezra 1:1-4; 3:1-6.f
30. Papaano matitiyak ang bautismo at kapanganakan ni Jesus sa tulong ng isang saligang petsa at ng natupad na hula?
30 Saligang Petsa para sa Kristiyanong Kasulatang Griyego. Ang isang saligang petsa para sa Kristiyanong Kasulatang Griyego ay ang paghalili ni Tiberio Cesar kay Emperador Augusto. Namatay si Augusto noong Agosto 17, 14 C.E. (kalendaryong Gregorian); si Tiberio ay naging emperador noong Setyembre 15, 14 C.E. Ayon sa Lucas 3:1, 3 nagsimula ang ministeryo ni Juan na Tagapagbautismo noong ika-15 taon ng paghahari ni Tiberio. Kung bibilangin mula sa kamatayan ni Augusto, ang ika-15 taon ay mula Agosto 28 C.E., hanggang Agosto 29 C.E. Kung bibilangin mula nang si Tiberio ay maging emperador, ito’y mula Setyembre 28 C.E., hanggang Setyembre 29 C.E. Di-nagtagal, si Jesus, na mas bata nang anim na buwan kay Juan, ay nagpabautismo nang siya’y “mga tatlumpung taóng gulang.” (Luc. 3:2, 21-23; 1:34-38) Kasuwato ito ng hula sa Daniel 9:25 na may 69 na “sanlinggo” (makahulang mga sanlinggo na tig-7 taon bawat isa, sa kabuuang 483 taon) “mula sa paglabas ng utos na isauli at itayong-muli ang Jerusalem” at ang pader nito, hanggang dumating ang Mesiyas. (Dan. 9:24, talababa) Ang “utos” ay ibinigay ni Artajerjes (Longimanus) noong 455 B.C.E. at tinupad ni Nehemias sa Jerusalem sa huling bahagi ng taóng yaon. Pagkaraan ng 483 taon, sa huling bahagi ng 29 C.E., nang siya’y bautismuhan ni Juan, si Jesus ay pinahiran din ng banal na espiritu ng Diyos, bilang Mesiyas, o Pinahiran. Ang bautismo at pasimula ng ministeryo ni Jesus sa huling bahagi ng taóng yaon ay kasuwato rin ng hula na siya ay mahihiwalay “sa kalahati ng sanlinggo” ng mga taon (o pagkaraan ng tatlo at kalahating taon). (Dan. 9:27) Yamang tagsibol nang siya’y mamatay, ang kaniyang tatlo at kalahating taóng ministeryo ay malamang na nagsimula noong taglagas ng 29 C.E.g Pinatutunayan din ng dalawang hanay na ito ng ebidensiya na si Jesus ay isinilang noong taglagas ng 2 B.C.E., yamang ayon sa Lucas 3:23 si Jesus ay mga 30 taong gulang nang simulan niya ang kaniyang gawain.h
31. (a) Bakit tila magkaiba ang bilis ng paglipas ng panahon? (b) Kaya ano ang bentaha ng mga kabataan?
31 Kung Papaano Lalong Bumibilis ang Takbo ng Panahon. May kasabihan na “mentras hinihintay, lalong nagtatagal.” Kapag binabantayan ang oras, kapag palaisip dito, kapag may hinihintay na mangyayari, saka tila lalo itong bumabagal. Gayunman, kapag tayo’y abala, interesado at buhus-na-buhos sa paggawa, waring “lumilipad ang panahon.” Isa pa, sa matatanda, ang panahon ay mas mabilis lumipas kaysa sa mga kabataan. Bakit ganoon? Ang isang dagdag na taon sa buhay ng batang isang-taóng gulang ay 100-porsiyentong pagsulong. Ang isang taóng karagdagan sa buhay ng 50-anyos ay 2-porsiyentong kahigitan lamang. Para sa bata, ang isang taon ay tila napakatagal. Sa matanda, kung siya’y magawain at may mabuting kalusugan, ang paglipad ng mga taon ay tila pabilis-nang-pabilis. Lalo niyang napahahalagahan ang sinabi ni Solomon: “Walang bagong bagay sa ilalim ng araw.” Sa kabilang dako, nasa kabataan ang tila mas mabagal, humuhubog na mga taon. Imbes na “maghabol sa hangin” sa isang materyalistikong daigdig, mapapakinabangan nila ang mga taóng ito sa pag-iimbak ng banal na mga karanasan. Napapanahon ang karagdagang mga salita ni Solomon: “Alalahanin mo ang Dakilang Maylikha sa panahon ng iyong kabataan, bago dumating ang kapaha-pahamak na mga araw, o ang mga taon ay lumapit at iyong sabihin: ‘Wala akong kasiyahan sa mga yaon.’ ”—Ecle. 1:9, 14; 12:1.
32. Papaano lalong mapahahalagahan ng tao ang pangmalas ni Jehova sa panahon?
32 Panahon—Kapag Hindi na Mamamatay ang Tao. Nasa unahan ang maliligayang araw na hindi magpapahamak. Ang mga umiibig sa katuwiran, sila na ‘ang mga kapanahunan ay nasa kamay ni Jehova,’ ay makakaasa sa walang-hanggang buhay sa ilalim ng Kaharian ng Diyos. (Awit 31:14-16; Mat. 25:34, 46) Doon ay wala nang kamatayan. (Apoc. 21:4) Ang kawalang-ginagawa, karamdaman, pagkainip, at kawalang-kabuluhan ay mawawala na. Darami ang gawain, kawili-wili at kapana-panabik, na mangangailangan ng sakdal na kakayahan ng tao at magbubunga ng lubos na kasiyahan sa paggawa. Ang mga taon ay tila magiging mas mabilis, at ang may-pagpapahalaga at matatandaing kaisipan ay patuloy na pagyayamanin ng mga alaala ng maliligayang karanasan. Habang lumilipas ang mga milenyo, tiyak na lalong mapahahalagahan ng mga tao sa lupa ang pangmalas ni Jehova sa panahon: ‘Sapagkat ang isang libong taon sa mata ni Jehova ay parang kahapon lamang kapag ito ay dumaan.’—Awit 90:4.
33. Kung tungkol sa panahon, anong pagpapala ang pararatingin ni Jehova?
33 Sa pagmamasid sa agos ng panahon mula sa pangmalas ng tao at sa pagsasaalang-alang sa ipinangako ng Diyos na bagong sanlibutan ng katuwiran, magagalak tayo sa pag-asa sa mga pagpapala ng araw na yaon: “Doon pararatingin ni Jehova ang pagpapala, samakatuwid baga’y ang buhay na walang-hanggan”!—Awit 133:3.
-
-
Aralin Bilang 3—Pagsukat sa mga Pangyayari sa Agos ng Panahon“Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
-
-
Mga Pag-aaral sa Kinasihang Kasulatan at sa Kapaligiran Nito
Aralin Bilang 3—Pagsukat sa mga Pangyayari sa Agos ng Panahon
Ang pagbilang sa panahon noong mga kaarawan ng Bibliya at pagtalakay sa kronolohiya ng tampok na mga pangyayari kapuwa sa mga Kasulatang Hebreo at Griyego.
1. (a) Ano ang patotoo na si Jehova ay isang wastong tagapagtala ng panahon? (b) Anong pagsulong ang nagawa sa pag-unawa sa kronolohiya ng Bibliya?
NANG ibinibigay kay Daniel ang pangitain ng “hari ng hilaga” at “hari ng timog,” malimit gamitin ng anghel ni Jehova ang pariralang “itinakdang panahon.” (Dan. 11:6, 27, 29, 35) Ipinahihiwatig din ng iba pang kasulatan na si Jehova ay isang wastong tagapagtala ng panahon, na tumutupad sa kaniyang layunin nang eksakto sa panahon. (Luc. 21:24; 1 Tes. 5:1, 2) Sa kaniyang Salita, ang Bibliya, naglaan siya ng maraming “kilometrahe” upang masukat ang mahalagang mga kaganapan sa agos ng panahon. Malaki ang isinulong ng unawa sa kronolohiya ng Bibliya. Ang pagsasaliksik ng mga arkeologo at ng mga iba pa ay lumulutas sa sari-saring problema, upang matiyak ang panahon ng mahahalagang pangyayari sa Bibliya.—Kaw. 4:18.
2. Magbigay ng halimbawa ng pagtantiya sa mga bilang na ordinal.
2 Mga Bilang na Ordinal at Cardinal. Sa nakaraang aralin (parapo 24 at 25), ipinakita ang kaibahan ng bilang na cardinal at ordinal. Dapat itong isaisip kapag sumusukat ng mga yugto sa Bibliya ayon sa makabagong mga paraan ng pagpepetsa. Halimbawa, sa “ikatatlumpu’t-pitong taon ng pagkatapon kay Joiachin na hari ng Juda,” ang katagang “ikatatlumpu’t-pito” ay bilang na ordinal. Katumbas ito ng 36 buong taon at ilang mga araw, sanlinggo, o buwan (anomang panahon ang lumipas matapos ang ika-36 na taon).—Jer. 52:31.
3. (a) Anong mga ulat ng Estado ang tumutulong sa pagtiyak sa mga petsa sa Bibliya? (b) Ano ang taon ng paghahari, at ano ang taon ng paghalili?
3 Mga Taon ng Paghahari at ng Paghalili. Ang Bibliya ay tumutukoy sa mga ulat ng Estado ng Juda at Israel, at sa mga suliraning pang-Estado ng Babilonya at Persya. Sa apat na kahariang ito, ang kronolohiya ng Estado ay wastong tinatantiya salig sa pagpupuno ng mga hari, at ang sistemang ito ay tinutularan ng Bibliya. Malimit ibigay ng Bibliya ang pangalan ng dokumentong sinisipi, halimbawa, “ang aklat ng mga gawa ni Solomon.” (1 Hari 11:41) Ang pagpupunò ng isang hari ay sumasaklaw sa bahagi ng taon ng paghalili, na sinusundan ng kumpletong bilang ng mga taon ng paghahari. Ang taon ng paghahari ay ang opisyal na taon mula Nisan hanggang sa susunod na Nisan, o mula tagsibol hanggang tagsibol. Kapag ang isang hari ay humahalili sa trono, ang namamagitang mga buwan hanggang sa susunod na tagsibol na buwan ng Nisan ay ang kaniyang taon ng paghalili, na doo’y pinupunan niya ang nalalabing taon ng paghahari ng kaniyang hinalinhan. Gayunman, ang kaniyang opisyal na taon ng paghahari ay binibilang pasimula sa susunod na Nisan 1.
4. Ipakita kung papaano tatantiyahin ang kronolohiya ng Bibliya ayon sa mga taon ng paghahari.
4 Halimbawa, si Solomon ay nagsimulang maghari bago ang Nisan ng 1037 B.C.E., noong buháy pa si David. Di-nagtagal pagkaraan nito, namatay si David. (1 Hari 1:39, 40; 2:10) Gayunman, ang huling taon ng paghahari ni David ay nagpatuloy hanggang tagsibol ng 1037 B.C.E., at bahagi pa rin ito ng kaniyang 40-taóng pamamahala. Ang bahagi ng taon, mula nang maghari si Solomon, hanggang tagsibol ng 1037 B.C.E., ay ang taon ng paghalili ni Solomon, at ito ay hindi ibibilang na taon ng kaniyang paghahari, pagkat pinupunan pa niya ang nalalabing panahon sa pagpupuno ni David. Kaya, ang unang buong taon ng paghahari ni Solomon ay nagsimula lamang noong Nisan ng 1037 B.C.E.
-