-
Aralin Bilang 4—Ang Bibliya at ang Kanon Nito“Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
-
-
Diyos at mga kawikaan sa makataong-paggawi.” Kaya ayon kay Josephus ang kanon ng Kasulatang Hebreo ay naitakda na matagal pa bago ang unang siglo C.E.
16 Ang iskolar ng Bibliya na si Jerome, na gumawa ng salin ng Bibliya na Latin Vulgate noong 405 C.E., ay tahasang nanindigan laban sa Apokripa. Matapos itala ang kinasihang mga aklat, na gumaya kay Josephus sa pagtukoy sa 39 na kinasihang aklat ng Kasulatang Hebreo bilang 22, isinulat niya ang ganitong paunang salita sa mga aklat ng Samuel at Hari sa Vulgate: “Kaya may dalawampu’t-dalawang aklat . . . Ang paunang-salitang ito sa Kasulatan ay magsisilbing matatag na pambungad sa lahat ng aklat na aming isinalin mula Hebreo tungo sa Latin; upang matiyak na anomang hihigit sa rito ay dapat ibilang sa apokripa.”
ANG KRISTIYANONG KASULATANG GRIYEGO
17. Anong pananagutan ang inaangkin ng Iglesiya Katolika Romana, ngunit sino talaga ang nagpasiya kung aling aklat ang bubuo sa kanon ng Bibliya?
17 Inaangkin ng Iglesiya Katolika Romana ang pananagutan na magpasiya kung aling aklat ang dapat mapalakip sa kanon ng Bibliya, at binabanggit ang Konsilyo ng Cartago (397 C.E.), kung saan binuo ang isang katalogo ng mga aklat. Gayunman, ang kabaligtaran ang siyang totoo, sapagkat ang kanon, pati na ang talaan ng mga aklat ng Kristiyanong Kasulatang Griyego, ay naitakda na bago pa ang panahong yaon, hindi salig sa pasiya ng alinmang konsilyo, kundi sa patnubay ng banal na espiritu ng Diyos—ang espiritu na unang kumasi sa pagsulat ng mga aklat na yaon. Ang patotoo ng nahuling di-kinasihang mga tagapagtala ay mahalaga lamang sa pagpapakilala sa kanon ng Bibliya, na kinasihan ng espiritu ng Diyos.
18. Anong mahahalagang konklusyon ang makukuha mula sa chart ng sinaunang mga katalogo ng Kristiyanong Kasulatang Griyego?
18 Ang Ebidensiya ng Sinaunang mga Katalogo. Sa pagsusuri sa kalakip na chart makikita na may ilang ikaapat-na-siglong katalogo ng mga Kasulatang Kristiyano, na pinetsahan bago pa ang nabanggit na konsilyo, na lubusang kasang-ayon ng ating kasalukuyang kanon, at Apocalipsis lamang ang hindi ibinibilang ng ilan. Bago natapos ang ikalawang siglo, tinatanggap na ang apat na Ebanghelyo, ang Mga Gawa, at ang 12 sa mga liham ni apostol Pablo. Iilan lamang sa mas maliliit na kasulatan ang pinag-alinlanganan sa ilang dako. Sa iba’t-ibang dahilan, malamang na hindi agad ito naipamahagi nang malawakan kung kaya natagalan bago tinanggap ito bilang kanonikal.
19. (a) Anong tampok na dokumento ang natagpuan sa Italya, at ano ang petsa nito? (b) Papaano nito ipinaliliwanag ang kanon na kinikilala nang panahong yaon?
19 Isang kapuna-punang sinaunang katalogo ay ang natuklasan ni L. A. Muratori, nasa Ambrosian Library, Milan, Italya, at inilathala niya noong 1740. Bagaman nawawala ang pasimula, ang pagtukoy nito sa Lucas bilang ikatlong Ebanghelyo ay nagpapahiwatig na una nang nabanggit ang Mateo at Marcos. Ang Muratorian Fragment, na nasa wikang Latin, ay mula sa huling bahagi ng ikalawang siglo C.E. Ito’y kawili-wiling dokumento, gaya ng makikita sa sumusunod na bahagi ng salin: “Ang ikatlong Ebanghelyo ay ayon kay Lucas. Si Lucas, ang minamahal na manggagamot, ay sumulat nito sa sariling pangalan . . . Ang ikaapat na Ebanghelyo ay kay Juan, isa sa mga alagad. . . . Walang salungatan sa paniwala ng mga mananampalataya, bagaman iba’t-iba ang salaysay ng iba’t-ibang aklat ng Ebanghelyo, sapagkat sa lahat [ng ito] at sa iisang pumapatnubay na Espiritu, ay naipahayag ang lahat ng mga bagay tungkol sa kaniyang pagsilang, paghihirap, pagkabuhay-na-muli, pakikipag-usap sa mga alagad, sa kaniyang tambalang pagparito, una ay sa kahihiyang dulot ng pagkapoot, na naganap na, at ang pangalawa ay sa kaluwalhatian ng maharlikang kapangyarihan, na darating pa. Kagila-gilalas nga, na sa kaniyang mga liham ay iisa ang pangangatuwiran ni Juan, sa pagsasabing: ‘ang nakita ng aming mata, at narinig ng aming tainga, at nahipo ng aming kamay, ang mga bagay na ito ay aming isinulat.’ Inaangkin niya hindi lamang ang pagiging-saksi kundi ang pagkarinig at pagiging-tagapagsalaysay ng lahat ng kamangha-manghang bagay ng Panginoon, ayon sa pagkasunud-sunod. Bukod dito, ang mga gawa ng lahat ng mga apostol ay nasa isang aklat. Isinulat ito ni Lucas para sa kagalang-galang na Teofilo . . . Ang mga liham ni Pablo, anoman yaon, kailan man o sa anomang dahilan isinulat ang mga yaon, ay maliwanag sa sinomang uunawa. Una ay sumulat siya nang malawakan sa mga taga-Corinto upang ipagbawal ang hidwaan ng erehiya, saka sa mga taga-Galacia [laban] sa pagtutuli, at sa mga taga-Roma tungkol sa pagkasunud-sunod ng mga Kasulatan, na nagdiriin na si Kristo ay mahalagang salik sa mga ito—at bawat isa ay mahalagang talakayin, yamang ang pinagpalang Apostol Pablo mismo, bilang pagsunod sa halimbawa ni Juan na nauna sa kaniya, ay sumusulat nang sunud-sunod sa pitong iglesiya ayon sa pangalan: sa Corinto (una), sa Efeso (ikalawa), sa Filipos, (ikatlo), sa Colosas (ikaapat), sa Galacia (ikalima), sa Tesalonica (ikaanim), sa Roma (ikapito). Bagaman makalawa siyang sumulat ng pagtutuwid sa Corinto at Tesalonica, ipinakikita [?a.b., ng pitong liham na ito] na may iisang iglesiya na nakakalat sa buong lupa; at si Juan sa Apocalipsis, bagaman sumulat sa pitong iglesiya, ay nagsasalita rin naman sa lahat. Udyok ng pag-ibig at pagmamahal [sumulat siya] ng isa kay Filemon, isa kay Tito, at dalawa kay Timoteo; [at ang mga ito] ay sagrado sa marangal na pangmalas ng Iglesiya. . . . Bukod dito, kabilang din ang liham ni Judas at dalawa na may pangalan ni Juan . . . Tinanggap natin ang mga kapahayagan nina Juan at Pedro, na hindi nais mabasa ng ilan sa atin sa iglesiya [ang nahulí].”—The New Schaff-Herzog Encyclopedia of Religious Knowledge, 1956, Tomo VIII, pahina 56.
20. (a) Bakit hindi binanggit ang tig-isang liham nina Juan at Pedro? (b) Gaano kalapit, kung gayon, ang pagkakahawig ng katalogong ito sa ating kasalukuyang katalogo?
20 Mapapansin na sa dakong huli ng Muratorian Fragment, dalawang liham lamang ni Juan ang binabanggit. Gayunman, ayon sa nabanggit na encyclopedia, sa pahina 55, ang dalawang liham ni Juan “ay tiyak na ang ikalawa at ikatlo, at nagpakilala lamang ang manunulat bilang ‘ang matanda.’ Palibhasa natalakay na ang una, bagaman pahapyaw, kaugnay ng Ikaapat na Ebanghelyo, at doo’y hindi niya pinag-alinlanganan ang pagkasulat ni Juan, nadama ng may-akda na sapat nang talakayin ang dalawang maliliit na liham.” Tungkol sa maliwanag na di-pagbanggit sa unang liham ni Pedro, ganito pa ang sinasabi ng reperensiya: “Ang pinaka-posibleng palagay ay ang pagkawala ng ilang salita, o marahil ay isang linya, na bumabanggit sa pagkatanggap sa I Pedro at sa Apocalipsis ni Juan.” Kaya, sa liwanag ng Muratorian Fragment, ang encyclopedia, sa pahina 56, ay nagtatapos: “Ang Bagong Tipan ay tiyak na binubuo ng apat na Ebanghelyo, Mga Gawa, labintatlong liham ni Pablo, ang Apocalipsis ni Juan, malamang na tatlong liham niya, ang Judas, at malamang na I Pedro, bagaman may mga sumasalansang sa isa pang sulat ni Pedro.”
21. (a) Ano ang kawili-wili sa mga komento ni Origen tungkol sa kinasihang mga kasulatan? (b) Ano ang kinilala ng nahuling mga manunulat?
21 Noong 230 C.E., tinanggap ni Origen ang Mga Hebreo at ang Santiago, kapuwa wala sa Muratorian Fragment, bilang bahagi ng kinasihang Kasulatan. Bagaman ipinahiwatig niya na may nag-aalinlangan sa pagiging-kanonikal ng mga ito, mauunawaan na sa panahong yaon, ang pagiging-kanonikal ng karamihan ng Kasulatang Griyego ay kilala na, at kaunti lamang ang may alinlangan sa di-gaanong napabantog na mga liham. Nang maglaon, kinilala nina Athanasius, Jerome, at Augustine ang sinaunang mga talaan nang tanggapin nila ang kanon ng 27 aklat na taglay natin ngayon.b
22, 23. (a) Papaano inihanda ang mga talaan ng mga katalogo sa chart? (b) Bakit maliwanag na walang gayong mga talaan bago ang Muratorian Fragment?
22 Karamihan ng mga katalogo sa chart ay espesipikong mga talaan na nagpapakita kung aling aklat ang itinuring na kanonikal. Ang talaan nina Irenaeus, Clement ng Aleksandriya, Tertullian, at Origen ay nabuo mula sa kanilang mga pagsipi, na nagpapaaninaw kung papaano nila itinuring ang mga kasulatang yaon. Sinusuhayan pa rin ito ng mga ulat ng sinaunang mananalaysay na si Eusebius. Gayunman, ang hindi pagbanggit sa ilang kanonikal na kasulatan ay hindi tanda na ang mga ito’y hindi kanonikal. Nagkataon lamang na sila ay hindi tumukoy sa mga ito dahil sa sariling kagustuhan o dahil sa paksang tinatalakay. Bakit walang eksaktong mga talaan na mas maaga kaysa Muratorian Fragment?
23 Ang isyu tungkol sa mga aklat na maaaring tanggapin ng mga Kristiyano ay bumangon lamang nang lumitaw ang mga kritikong gaya ni Marcion noong kalagitnaan ng ikalawang siglo C.E. Bumuo si Marcion ng sariling kanon ayon sa kaniyang mga doktrina, na pumili lamang ng ilang liham ni apostol Pablo at ng kinaltasang Ebanghelyo ni Lucas. Ito, sampu ng maraming babasahing apokripal na noo’y laganap na sa buong daigdig, ay umakay sa iba’t-ibang pag-aangkin hinggil sa kung aling mga aklat ang itinuturing na kanonikal.
24. (a) Ano ang pagkakakilanlan ng Apokripal na “Bagong Tipan”? (b) Ano ang sinasabi ng mga iskolar tungkol dito?
24 Mga Kasulatang Apokripal. Maliwanag na ibinubukod ng panloob na ebidensiya ang mga kinasihang kasulatang Kristiyano mula sa mga kathang huwad o di-kinasihan. Ang mga kasulatang Apokripal ay mas mababa ang uri at malimit na tila guni-guni at pambata lamang. Malimit na ang mga ito ay hindi wasto.c Pansinin ang komento ng mga iskolar tungkol sa mga aklat na hindi kanonikal:
“Hindi dapat pag-alinlanganan kung bakit ito ay inihiwalay ng iba mula sa Bagong Tipan: ang mga ito na mismo ang naghiwalay sa sarili.”—M. R. James, The Apocryphal New Testament, pahina xi, xii.
“Kailangan lamang ihambing ang ating mga aklat ng Bagong Tipan sa ibang kahawig na babasahin upang makilala kung gaano kalaki ang agwat sa pagitan ng dalawa. Malimit sabihin na ang di-kanonikal na mga ebanghelyo ang pinakamahusay na ebidensiya para sa mga kanonikal.”—G. Milligan, The New Testament Documents, pahina 228.
“Hindi masasabi na ang isang kasulatang hiwalay sa Bagong Tipan na naingatan mula sa sinaunang yugto ng Simbahan ay wastong maidaragdag sa kasalukuyang Kanon.”—K. Aland, The Problem of the New Testament Canon, pahina 24.
25. Anong katotohanan tungkol sa indibiduwal na mga manunulat ng Kristiyanong Kasulatang Griyego ang magagamit na katuwiran ukol sa pagiging-kinasihan ng mga kasulatang ito?
25 Mga Kinasihang Manunulat. Kawili-wili ang karagdagang puntong ito. Sa iba’t-ibang paraan, lahat ng manunulat ng Kristiyanong Kasulatang Griyego ay kaugnay ng orihinal na lupong tagapamahala ng kongregasyong Kristiyano na kinabilangan ng mga apostol na personal na pinili ni Jesus. Sina Mateo, Juan, at Pedro ay kabilang sa 12 orihinal na apostol, at nang maglaon si Pablo ay napiling apostol ngunit hindi ibinilang sa 12.d Bagaman wala si Pablo sa pantanging pagbubuhos ng espiritu noong Pentekostes, sina Mateo, Juan, at Pedro ay naroon, kasama sina Santiago at Judas at malamang na pati si Marcos. (Gawa 1:13, 14) Ang mga liham ni Pablo ay tuwirang ibinibilang ni Pedro sa “ibang mga Kasulatan.” (2 Ped. 3:15, 16) Sina Marcos at Lucas ay matatalik na kaibigan at kasama nina Pablo at Pedro sa paglalakbay. (Gawa 12:25; 1 Ped 5:13; Col. 4:14; 2 Tim. 4:11) Sila’y pawang tumanggap ng makahimalang mga kakayahan mula sa banal na espiritu, sa pamamagitan ng pantanging pagbubuhos gaya noong Pentekostes at nang si Pablo ay makumberte (Gawa 9:17, 18) o, gaya ni Lucas, sa pagpapatong ng kamay ng mga apostol. (Gawa 8:14-17) Natapos ang buong Kristiyanong Kasulatang Griyego noong maybisa pa ang pantanging mga kaloob ng espiritu.
26. (a) Ano ang tinatanggap natin bilang Salita ng Diyos, at bakit? (b) Papaano natin ipakikita ang pagpapahalaga sa Bibliya?
26 Dahil sa pananampalataya sa Diyos na makapangyarihan-sa-lahat, May-kasi at Tagapag-ingat ng kaniyang Salita, nagtitiwala tayo na siya ang pumatnubay sa pagtitipon ng iba’t-ibang bahagi nito. Kaya buong-tiwala nating tinatanggap ang 27 aklat ng Kristiyanong Kasulatang Griyego at ang 39 ng Kasulatang Hebreo bilang iisang Bibliya, mula sa iisang May-akda, ang Diyos na Jehova. Ang kaniyang Salita na nasa 66 na aklat ay siya nating patnubay, at ang panlahatang pagkakasuwato at pagka-balanse ay patotoo ng pagiging-buo nito. Lahat ng kapurihan ay sa Diyos na Jehova, ang Maylikha ng walang-kaparis na aklat! Lubos tayong masasangkapan at aakayin sa landas ng buhay. Gamitin ito nang may-katalinuhan sa bawat pagkakataon.
-
-
Aralin Bilang 5—Ang Tekstong Hebreo ng Banal na Kasulatan“Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
-
-
Mga Pag-aaral sa Kinasihang Kasulatan at sa Kapaligiran Nito
Aralin Bilang 5—Ang Tekstong Hebreo ng Banal na Kasulatan
Kung papaanong ang Kasulatang Hebreo, bilang bahagi ng kinasihang Salita ng Diyos, ay kinopya, iningatan ang katapatan ng teksto, at pinarating hanggang sa ngayon.
1. (a) Papaano naiiba ang ‘mga salita ni Jehova’ sa ibang mga kayamanan sa nakalipas? (b) Anong mga tanong ang bumabangon kaugnay ng pag-iingat sa Salita ng Diyos?
ANG isinatitik na ‘mga salita ni Jehova’ ay maitutulad sa mga tubig ng katotohanan na naiipon sa isang kamangha-manghang balon ng kinasihang mga dokumento. Makapagpapasalamat tayo na sa buong panahon ng makalangit na pakikipagtalastasan, nilayon ni Jehova na ang “mga tubig” na ito ay matipong sama-sama bilang isang walang-pagkasaid na bukal ng nagbibigay-buhay na impormasyon! Ang ibang mga kayamanan sa nakalipas, gaya ng mga korona ng hari, mga mana mula sa ninuno, mga bantayog, ay pawang nagsikupas, nangapudpod, o nagsiguho sa paglipas ng panahon, ngunit ang tulad-kayamanang mga kasabihan ni Jehova ay mamamalagi magpakailanman. (Isa. 40:8) Ngunit, hindi kaya nadumhan ang mga tubig ng katotohanan matapos na ito ay mapunta sa balon. Hindi kaya ito nabantuan? Naisalin ba ito nang buong-katapatan mula sa mga teksto ng orihinal na lenguwahe anupat talagang mapanghahawakan ang taglay ngayon ng mga tao sa lahat ng wika? Kawili-wiling pag-aralan ang seksiyon ng balon na kilala bilang ang tekstong Hebreo, na pinapansin ang pag-iingat upang mapanatili ang kawastuan nito, sampu ng kamangha-manghang mga paglalaan na ginawa upang ito ay maparating at makamit ng lahat ng bansa sa pamamagitan ng mga bersiyon at bagong salin.
2. Papaano naingatan ang kinasihang mga kasulatan hanggang noong panahon ni Ezra?
2 Ang orihinal na mga dokumento sa Hebreo at Aramaiko ay iniulat ng mga taong kalihim ng Diyos, mula kay Moises noong 1513 B.C.E. hanggang noong katatapos ang 443 B.C.E. Sa abot ng nalalaman, isa man sa orihinal na kasulatan ay hindi na umiiral ngayon. Gayunman, sa pasimula pa ay talagang tiniyak ang pag-iingat ng kinasihang mga kasulatan, sampu ng autorisadong mga kopya nito. Noong 642 B.C.E., sa panahon ni Josias, ang “mismong aklat ng kautusan” ni Moises, malamang na ito’y ang orihinal na kopya, ay nasumpungan sa bahay ni Jehova. Noo’y 871 taon na itong naiingatan. Gayon na lamang ang interes ni Jeremias sa pagkatuklas kung kaya ito ay iniulat niya sa 2 Hari 22:8-10, at noong 460 B.C.E., muling tinukoy ni Ezra ang pangyayari. (2 Cron. 34:14-18) Interesado siya rito, pagka’t siya’y “bihasang kalihim ng kautusan ni Moises na ibinigay ni Jehova na Diyos ng Israel.” (Ezra 7:6) Tiyak na masasangguni ni Ezra ang ibang balumbon ng Kasulatang Hebreo na naisulat hanggang noong panahon niya, pati na marahil ang ilang mga orihinal na kinasihang kasulatan. Oo, waring si Ezra noon ang naging tagapag-ingat ng banal na mga kasulatan.—Neh. 8:1, 2.
MAHALAGANG YUGTO NG PAGKOPYA NG MANUSKRITO
3. Anong pangangailangan ukol sa karagdagang kopya ng mga Kasulatan ang bumangon, at papaano ito natugunan?
3 Mula noong panahon ni Ezra, kinailangan ang maraming kopya ng Kasulatang Hebreo. Hindi lahat ng Judio ay bumalik sa Jerusalem at Palestina sa panahon ng pagsasauli noong 537 B.C.E. at pagkaraan nito. Sa halip, libu-libo ang nanatili sa Babilonya,
-