Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Aralin Bilang 6—Ang Kristiyanong Tekstong Griyego ng Banal na Kasulatan
    “Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
    • teksto ng United Bible Societies at ang 1979 na tekstong Nestle-Aland upang gawing napapanahon ang mga talababa ng 1984 Reference Edition.f

      24. Sa ano pang sinaunang mga salin sumangguni ang New World Translation? Ano ang ilang halimbawa?

      24 Sinaunang mga Salin Mula sa Griyego. Bukod sa mga manuskritong Griyego, mapag-aaralan din ngayon ang maraming manuskrito ng mga salin ng Kristiyanong Griyegong Kasulatan sa ibang wika. May mahigit na 50 manuskrito (o mga piraso) ng mga saling Old Latin at libu-libong manuskrito ng Latin Vulgate ni Jerome. Ang New World Bible Translation Committee ay sumangguni rin sa mga ito, at maging sa mga saling Coptiko, Armeniano, at Siriako.g

      25. Ano ang lalung-lalo nang kasiya-siya sa mga salin ng wikang Hebreo na tinutukoy sa New World Translation?

      25 Mula noong ika-14 na siglo, marami nang salin ng Kasulatang Griyego ang nailathala sa wikang Hebreo. Nakasisiya na ang ilan ay nagsauli ng banal na pangalan sa Kristiyanong Kasulatan. Maraming beses tumutukoy ang New World Translation sa mga saling Hebreong ito sa ilalim ng simbolong “J” na may nakaangat na bilang. Ukol sa detalye, tingnan ang paunang salita ng New World Translation of the Holy Scriptures​—With References, pahina 9-10, at apendise 1D, “The Divine Name in the Christian Greek Scriptures.”

      MGA TEKSTUWAL NA PAGKAKAIBA AT ANG KAHULUGAN NG MGA ITO

      26. Papaano bumangon ang tekstuwal na mga pagkakaiba at mga pamilya ng manuskrito?

      26 Maraming masusumpungang tekstuwal na pagkakaiba sa 13,000 manuskrito ng Kristiyanong Kasulatang Griyego. Sa 5,000 manuskrito lamang sa wikang Griyego ay marami nang makikita. Dapat unawain na bawat kopyang sinipi sa sinaunang mga manuskrito ay may sariling natatanging pagkakamali ng eskriba. Nang ang isang kopya ay gamitin sa ibang dako, ang mga pagkakamali ay naulit sa mga pagkopyang ginagawa sa dakong yaon at nagiging katangian ito ng iba pang manuskrito roon. Ganito nabuo ang mga pamilya ng magkakatulad na mga manuskrito. Hindi ba dapat ikabahala ang libu-libong pagkakamali ng mga eskriba? Hindi ba kawalan ito ng katapatan sa pagsasalin ng teksto? Aba, hindi!

      27. Papaano natiyak ang katapatan ng tekstong Griyego?

      27 Sinabi ni F. J. A. Hort, isa sa naglathala ng tekstong Westcott at Hort: “Ang kalakhang bahagi ng mga salita sa Bagong Tipan ay hindi saklaw ng nagtatanging paraan ng pamumuna, sapagkat ang mga ito ay malaya sa pagbabago, at nangangailangan lamang kopyahin. . . . Kung isasantabi . . . ang maliliit na pagkakaiba, sa aming palagay, ang mga salitang pinag-aalinlanganan ay wala pa sa ika-isang libong bahagi ng buong Bagong Tipan.”h

      28, 29. (a) Papaano dapat tayahin ang dinalisay na tekstong Griyego? (b) Anong mapanghahawakang pangungusap ang taglay natin tungkol dito?

      28 Pagtaya sa Paghaharap ng Teksto. Papaano kung gayon tatayahin ang katapatan at pagiging-tunay ng teksto, pagkaraan ng maraming siglo ng pagsasalin? Bukod sa libu-libong manuskrito ang maaaring paghambingin, ang pagkatuklas ng mas matatandang manuskrito ng Bibliya nitong nakaraang ilang dekada ay naghahatid sa tekstong Griyego nang pabalik hanggang sa halos kasing-aga ng 125 C.E., mga dalawang dekada lamang mula nang mamatay si apostol Juan noong mga 100 C.E. Ang ebidensiyang ito ay mariing katiyakan na taglay natin ngayon ang isang mapanghahawakang tekstong Griyego sa dinalisay na anyo. Pansinin ang pagtaya ng dating direktor at bibliotekaryo ng British Museum, si Sir Frederic Kenyon:

      29 “Napakaliit ang agwat sa petsa ng orihinal na pagsulat at ng pinakamaagang umiiral na ebidensiya anupat halos hindi na ito mapapansin, at napawi na ang kahuli-hulihang saligan upang mag-alinlangan kung baga nakarating sa atin ang mga kasulatan na gaya ng unang pagkasulat nito. Ang pagiging-totoo at ang pangkalahatang integridad ng mga aklat ng Bagong Tipan ay ganap nang napatunayan. Gayunman, ang pangkalahatang integridad ay naiiba naman sa katiyakan sa detalye.”i

      30. Bakit tayo makapagtitiwala na ang New World Translation ay naghaharap ng tapat na “salita ni Jehova” sa mga mambabasa nito?

      30 Tungkol sa huling obserbasyon na “katiyakan sa detalye,” saklaw ito ng sinabi ni Dr. Hort sa parapo 27. Trabaho ng mga tagapagdalisay ng teksto na ituwid ang mga detalye, at ito ay nagawa nila sa makatuwirang antas. Kaya, kilala ang dinalisay na tekstong Griyego nina Westcott at Hort sa kataasan ng uri. At palibhasa salig sa napakahusay na tekstong ito, ang “salita ni Jehova” ay buong-katapatang maihaharap ng Kristiyanong Kasulatang Griyego ng New World Translation sa mga mambabasa nito, yamang kagila-gilalas itong naingatan sa Griyegong balon ng mga manuskrito.​—1 Ped. 1:24, 25.

      31. (a) Ano ang ipinakita ng makabagong mga tuklas tungkol sa teksto ng Kasulatang Griyego? (b) Papaano ipinahihiwatig ng chart sa pahina 309 ang pangunahing pinagkunan ng Kristiyanong Kasulatang Griyego ng New World Translation, at ano ang ilan sa pangalawahing mga pinagkunan?

      31 Nakawiwili rin ang komento ni Sir Frederic Kenyon sa kaniyang aklat na Our Bible and the Ancient Manuscripts, 1962, sa pahina 249: “Dapat tayong masiyahan na sa pangkalahatan ang pagiging-tunay ng teksto ng Bagong Tipan ay sinusuhayan ng mga makabagong tuklas na nagpaikli ng agwat sa pagitan ng orihinal na mga kasulatan at ng pinakamaagang umiiral na mga manuskrito, at ang mga pagkakaiba sa pagkasulat, bagaman kapansin-pansin, ay hindi nakakaapekto sa saligang mga doktrina ng pananampalatayang Kristiyano.” Gaya ng makikita sa pahina 309 sa chart na “Mga Saligan para sa Teksto ng New World Translation​—Kristiyanong Kasulatang Griyego,” lahat ng magkakaugnay na dokumento ay sinangguni upang maglaan ng isang wasto-ang-pagkasaling teksto sa Ingles. Ang tapat na mga pagsasaling ito ay inaalalayan ng mahahalagang talababa. Sa paglalathala ng napakainam na salin, ginamit ng New World Bible Translation Committee ang pinakamahuhusay na resulta ng pagsusuri ng Bibliya sa paglipas ng mga dantaon. Makapagtitiwala tayo na ang Kristiyanong Kasulatang Griyego, gaya ng taglay natin ngayon, ay naglalaman nga ng “uliran ng mga salitang magagaling” na isinulat ng kinasihang mga alagad ni Jesu-Kristo. Nawa’y patuloy tayong makapanghawakan sa mahahalagang salitang ito, sa pananampalataya at sa pag-ibig!​—2 Tim. 1:13.

      32. Bakit pinag-ukulan ng malawak na pansin ang mga manuskrito at teksto ng Banal na Kasulatan, at ano ang kasiya-siyang resulta nito?

      32 Ang araling ito at ang sinundan ay kapuwa tumalakay sa mga manuskrito at teksto ng Banal na Kasulatan. Bakit pinag-ukulan ito ng malawak na pansin? Upang ipakita nang walang pag-aalinlangan na ang mga teksto ng mga Kasulatang Hebreo at Griyego ay walang pinag-iba sa tunay, orihinal na teksto na ipinasulat ni Jehova sa tapat na kinasihang mga lalaki noong una. Ang orihinal na mga kasulatang yaon ay kinasihan. Ang mga tagakopya, bagaman dalubhasa, ay hindi kinasihan. (Awit 45:1; 2 Ped. 1:20, 21; 3:16) Kaya kinailangang salain ang napakalawak na balon ng mga manuskrito upang malinaw at walang-pagkakamaling makilala ang dalisay na tubig ng katotohanan gaya nang una itong umagos mula sa Dakilang Bukal, si Jehova. Lahat ng pasasalamat ay iukol kay Jehova dahil sa kamangha-manghang kaloob ng kaniyang Salita, ang kinasihang Bibliya, at ang nakagiginhawang mensahe ng Kaharian na umaagos mula sa mga pahina nito!

  • Aralin Bilang 7—Ang Bibliya sa Makabagong Panahon
    “Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
    • Mga Pag-aaral sa Kinasihang Kasulatan at sa Kapaligiran Nito

      Aralin Bilang 7​—Ang Bibliya sa Makabagong Panahon

      Ang kasaysayan ng mga Bible society; ang gawain ng Samahang Watch Tower na paglilimbag at paglalathala ng mga Bibliya; ang paglalabas ng New World Translation.

      1. (a) Sa anong layunin ibinigay ang banal na mga kapahayagan, at bakit hindi isinulat ang ilan sa mga ito? (b) Anong tuwirang utos ang ibinigay ni Jehova sa maraming propeta, at ano ang pakinabang nito sa “mga huling araw”?

      ANG Banal na Kasulatan, ang 66 na kinasihang mga aklat na kilala ngayon bilang ang Bibliya, ay ang nasusulat na “salita ni Jehova.” (Isa. 66:5) Sa loob ng maraming dantaon, ang “salita[ng]” ito ay saganang umagos mula kay Jehova tungo sa mga propeta at mga lingkod niya sa lupa. Tinupad ng banal na mga kapahayagan ang talagang layunin ng mga ito at naglaan din ng maningning na mga banaag ng mga pangyayaring magaganap sa malapit na hinaharap. Hindi hiniling sa mga propeta ng Diyos na laging isulat ang bawat “salita ni Jehova” na dumating sa kanila. Halimbawa, ang ilan sa mga sinabi nina Elias at Eliseo para sa kanilang lahi ay hindi napasulat. Sa kabilang dako, sina propeta Moises, Isaias, Jeremias, Habacuc, at iba pa ay tuwirang inutusan na “isulat” o ‘iulat sa isang aklat o balumbon’ “ang salita ni Jehova.” (Exo. 17:14; Isa. 30:8; Jer. 30:2; Hab. 2:2; Apoc. 1:11) Kaya naingatan “ang mga salitang sinabi nang una ng mga banal na propeta,” sampu ng iba pang banal na mga kasulatan, upang pukawin ang isipan ng mga lingkod ni Jehova at lalo na upang maging patnubay sa “mga huling araw.”​—2 Ped. 3:1-3.

      2. Anong mga yugto sa kasaysayan ang nakilala sa pagbilis ng pagkopya at pagsasalin ng Bibliya?

      2 Ang maramihang pagkopya ng kinasihang Kasulatang Hebreo ay nagsimula noong panahon ni Ezra. Buhat noong unang siglo ng Pangkalahatang Panahon, ang Bibliya ay paulit-ulit na kinopya ng sinaunang mga Kristiyano at ginamit sa pagpapatotoo sa mga layunin ni Jehova kaugnay ni Kristo sa nasasakupan ng sinaunang sanlibutan. Nang mauso ang pag-iimprenta sa tulong ng naililipat na tipo (mula ika-15 siglo), bumilis ang pagpaparami at pamamahagi ng mga kopya ng Bibliya. Ang kalakhan ng pagsasalin at paglilimbag ay ginawa ng mga pribadong grupo noong ika-16 at ika-17 siglo. Sing-aga ng 1800, ang Bibliya ay lumitaw nang buo o baha-bahagi sa 71 wika.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share