-
Aralin Bilang 7—Ang Bibliya sa Makabagong Panahon“Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
-
-
tinanggap ng daan-daang libong nagsidalo. Pinabalatan ng berdeng tela, ito’y may 1,472 pahina, isang ekselenteng konkordansiya, isang apendise ng mga paksa sa Bibliya, at mga mapa.
22, 23. Anong karagdagang mga edisyon ang inilabas, at ano ang ilan sa tampok na bahagi nito?
22 Karagdagang mga Edisyon. Noong 1969 ay inilabas ang The Kingdom Interlinear Translation of the Greek Scriptures, at ang ikalawang edisyon ay inilabas noong 1985. Ito ay may isang literal na salin sa Ingles ng tekstong Griyego nina Westcott at Hort at ng makabagong-Ingles na salin ng 1984 edisyon ng New World Translation. Kaya ang saligan o literal na kahulugan ng orihinal na Griyego ay naihaharap sa taimtim na estudyante ng Bibliya.
23 Ang pangalawang rebisyon ng New World Translation ay inilabas noong 1970, at ang ikatlong rebisyon na may mga talababa ay sumunod noong 1971. Sa “Paglago ng Kaharian” na Pandistritong Kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova noong 1984, isang rebisadong edisyong pang-reperensiya ang inilathala sa Ingles. May lakip itong kompletong pag-aangkop sa panahon at rebisyon ng panggilid (cross, pabagtas) na mga reperensiya na unang iniharap sa Ingles mula 1950 hanggang 1960. Dinisenyo para sa taimtim na estudyante sa Bibliya, ito’y may mahigit na 125,000 panggilid na reperensiya, mahigit na 11,000 talababa, isang malawak na konkordansiya, mga mapa, at 43 artikulo sa apendise. Noon ding 1984, ay inilabas ang isang katamtamang-laking edisyon ng rebisyon ng 1984, na may mga panggilid na reperensiya ngunit walang mga talababa.
24. (a) Ano ang ilang bentaha kapuwa ng regular at pang-reperensiyang edisyon? (b) Ilarawan ang paggamit ng mga pamagat.
24 Ilang mga Bentaha. Bilang tulong sa paghahanap ng materyales, kapuwa ang regular at pang-reperensiyang edisyon ay may maingat-ang-pagkadisenyong mga pamagat sa ibabaw ng bawat pahina. Inilalarawan nito ang materyales sa ibaba, at tumutulong sa mabilis na paghahanap ng mga talata bilang sagot sa mga tanong na maaaring makaharap niya. Halimbawa, baka hinahanap niya ang payo sa pagsasanay ng mga anak. Sa pahina 860 (regular na edisyon) sa Mga Kawikaan, makikita ang huling susing parirala, “A good name.” Yamang ito ang huling parirala sa pamagat, ipinahihiwatig nito na ang paksa ay lilitaw sa dakong huli ng pahina, at doon niya ito masusumpungan, sa Kawikaan 22:1. Ang kasulatan na ipinakikilala ng unang bahagi ng pamagat sa pahina 861, “Train up a boy,” ay nasa pasimula ng pahina, sa Kaw 22 talata 6. Ang susunod na bahagi ng pamagat ay nagsasabing “Not spare the rod.” Ito ay nasa bandang ibaba ng unang tudling, sa Kaw 22 talata 15. Ang mga pamagat na ito sa ibabaw ng pahina ay malaking tulong sa mamamahayag ng Kaharian na nakababatid sa pangkalahatang lokasyon ng mga tekstong sinasaliksik. Tumutulong ito sa mabilisang paggamit ng Bibliya.
25. Anong konkordansiya ang inilaan, at sa anong praktikal na mga paraan magagamit ito?
25 Sa likod ng regular at pang-reperensiyang edisyon ng Bibliyang ito, ay ang pitak na “Bible Words Indexed.” Narito ang libu-libong mahalagang salita sa Bibliya kalakip ang nakapaligid na konteksto. Ito’y isang konkordansiya na may karagdagang mga bago, naglalarawang salita sa teksto. Para sa mga sanáy sa King James Version, nakakatulong ang mga pagbabago mula sa mas matatandang salitang Ingles tungo sa mas makabagong mga kataga sa Bibliya. Halimbawa, ay ang salitang “grace (biyaya)” sa King James Version. Nakatala ito sa indise, at itinuturo ang estudyante sa “di-sana-nararapat na kabaitan,” ang mas napapanahong salitang ginagamit sa saling ito. Pinadadali ng indiseng ito ang paghahanap ng mga teksto sa mahahalagang doktrinal na paksa, gaya ng “kaluluwa” o “pantubos,” na tumutulong sa detalyadong pag-aaral, tuwiran mula sa mga teksto ng Bibliya. Ang mamamahayag ng Kaharian na kailangang mangaral ng alinman sa pangunahing paksang ito ay agad makagagamit ng maiikling bahagi ng konteksto na inilalaan sa konkordansiya. Bukod dito, itinatala ang pangunahing teksto ng namumukod-tanging mga pangalan, pati na ang mga dakong heograpikal at prominenteng mga tauhan sa Bibliya. Kaya ito’y napakahalagang tulong sa lahat ng mga estudyante sa Bibliya.
26. Ilarawan ang isang paraan kung papaano tumutulong ang apendise ng New World Translation.
26 Nasa matalino-ang-pagkahandang apendise ang karagdagang impormasyon na kapaki-pakinabang sa pagtuturo. Ang mga artikulo ay sinadyang tumulong sa pagpapaliwanag ng saligang mga doktrina sa Bibliya at kaugnay na mga paksa. Halimbawa, sa paksang “kaluluwa,” sa ilalim ng walong iba’t-ibang pamagat, itinatala ng apendise ang mga Kasulatan para sa sari-saring gamit ng salitang “kaluluwa” (Hebreo, neʹphesh). Inilalaan din ang mga balangkas at mapa. Isang mas malawak na apendise ang masusumpungan sa Reference Bible bukod pa sa nakatutulong na mga talababa na naglalaan ng mahalagang tekstuwal na impormasyon sa payak na paraan. Kaya, ang New World Translation ay namumukod-tangi sa kagyat na paghaharap ng tumpak na kaalaman sa mga mambabasa.
27, 28. Ipaliwanag at ilarawan kung papaano ipinahihiwatig ng New World Translation ang wastong pagbigkas ng mga tiyak na pangalan.
27 Tulong sa Pagbigkas ng mga Pangalan sa Bibliya. Sa tekstong Ingles, lahat ng edisyon ng New World Translation ay tumutulong sa pagbigkas ng mga tiyak na pangalan. Katulad ito ng pamamaraan na dinisenyo ng isang eksperto para sa Revised Standard Version ng 1952. Ang pangalan ay hinahati sa mga pantig na pinaghihiwalay ng tuldok o ng kudlit (ʹ). Ang kudlit ay kasunod ng pantig na dapat idiin sa pagbigkas. Kapag ang kinudlitang pantig ay nagtatapos sa patinig, ang patinig ay binibigkas nang mahaba. Kung ang pantig ay nagtatapos sa katinig, ang patinig sa pantig na yaon ay binibigkas nang maigsi.
28 Kuning halimbawa ang Job 4:1. Doo’y binabanggit si “Elʹi·phaz the Teʹman·ite.” Bagaman ang kudlit ay kapuwa nasa mga unang pantig, magkaiba ang bigkas sa letrang “e.” Sa “Elʹi·phaz” ang kudlit pagkatapos ng katinig na “l” ay nagpapaikli sa bigkas ng patinig na “e”, gaya sa “end.” Samantalang sa “Teʹman·ite,” ang kudlit na kasunod agad ng patinig na “e” ay nagpapahaba sa bigkas nito, gaya ng unang “e” sa “Peter.” Kapag ang dalawang patinig na “a” at “i” ay pinagsama, gaya ng “Morʹde·cai” sa Esther 2:5 at “Siʹnai” sa Exodo 19:1, ang “ai” ay binibigkas na gaya ng isang mahabang “i.”
29. Ang New World Translation ba’y isa lamang rebisyon ng naunang mga salin, at anong mga katangian ang umaalalay sa inyong sagot?
29 Isang Sariwang Salin. Ang New World Translation ay isang sariwang salin mula sa orihinal na mga wika ng Bibliya na Hebreo, Aramaiko, at Griyego. Sa anomang paraa’y hindi ito rebisyon ng dati nang salin sa Ingles, ni kopya kaya ito ng estilo, bokabularyo, o ritmo ng ibang salin. Para sa seksiyong Hebreo-Aramaiko ay ginamit ang dinalisay at kinikilalang teksto ng Biblia Hebraica ni Rudolf Kittel, ang ika-7, ika-8, at ika-9 na edisyon (1951-55). Isang bagong edisyon ng tekstong Hebreo, ang Biblia Hebraica Stuttgartensia, na may petsang 1977, ay ginamit sa pagsasa-panahon ng impormasyon sa mga talababa ng New World Translation—With References. Ang seksiyong Griyego ay isinalin pangunahin na mula sa master text nina Westcott at Hort na inilathala noong 1881. Gayunman, sinangguni rin ng New World Bible Translation Committee ang iba pang teksto, gaya ng tekstong Griyego ni Nestle (1948). Ang mahuhusay na mga master text na ito ay inilalarawan sa Aralin 5 at 6. Ang komite ng pagsasalin ay gumawa ng isang masikap at wastong salin ng Bibliya, at ang bunga’y isang malinaw at buháy na teksto na nagbubukas ng daan sa mas malalim at kasiya-siyang pag-unawa sa Salita ng Diyos.
30. Ano ang pagtaya ng isang kritiko sa saling ito?
30 Pansinin ang pagtaya rito ng isang kritiko: “Kakaunti ang orihinal na salin ng Kasulatang Hebreo sa wikang Ingles. Kaya malugod nating tinatanggap ang unang bahagi ng New World Translation [ng Kasulatang Hebreo], Genesis hanggang Ruth. . . . Maliwanag na sinikap ng saling ito na pagaangin ang pagbabasa. Walang magsasabi na ito ay salat sa kasariwaan at pagka-orihinal. Ang terminolohiya ay hindi kailanman isinalig sa ibang naunang salin.”b
31. Papaano tinaya ng isang Hebreong iskolar ang New World Translation?
31 Ganito ang pagtaya ng Hebreong iskolar na si Propesor Dr. Benjamin Kedar ng Israel, nang kapanayamin ng Samahang Watch Tower tungkol sa New World Translation: “Sa pagsasaliksik sa lenguwahe ng Hebreong Bibliya at mga salin nito, malimit akong sumangguni sa edisyong Ingles na New World Translation. Sa paggawa nito, natutuklasan ko na lalong napatutunayan ang aking palagay na ang kathang ito ay taimtim na nagsisikap na pagaangin ang unawa sa teksto sa pinakawastong posibleng paraan. May ebidensiya ng malawak na unawa sa orihinal na wika, isinasalin nito ang orihinal na mga salita tungo sa isang ikalawang lenguwahe sa paraang mauunawaan nang hindi lumilihis sa espesipikong balangkas ng Hebreo. . . . Bawat lenguwahe ay may hangganan ng pagpapakahulugan o pagsasalin. Sa alinmang kaso, ang salin ng lenguwahe ay maaaring pagtalunan. Ngunit sa New World Translation wala pa akong nakitang pagkiling na isalin sa teksto ang isang bagay na hindi nito isinasaad.”c
32. Gaano ka-literal ng New World Translation, at ano ang bentaha nito?
32 Isang Literal na Salin. Ang katapatan sa pagsasalin ay makikita rin sa pagiging-literal. Humihiling ito nang halos salita-bawat-salitang pagtutumbas sa pagitan ng saling Ingles at ng mga tekstong Hebreo at Griyego. Sa paghaharap ng teksto sa wikang pinagsasalinan, ang antas ng pagiging-literal ay dapat na saklaw ng ipinahihintulot ng idyoma ng orihinal na wika. Bukod dito, hinihiling ng pagiging-literal na ang ayos ng salita sa karamihan ng mga salin ay maging kagaya niyaong sa Hebreo o Griyego, sa gayo’y naiingatan ang puwersa ng orihinal na mga kasulatan. Sa literal na pagsasalin, wastong maitatawid ang lasa, kulay, at indayog ng orihinal na mga kasulatan.
33. Papaano itinatawag-pansin ang manaka-nakang paglihis sa literal na teksto?
33 Manaka-naka’y nagkaroon ng paglihis sa literal na teksto, sa layuning ihatid ang malalalim na idyomang Hebreo o Griyego sa mga terminong mauunawaan. Gayunman, sa edisyong pang-reperensiya ng New World Translation, itinawag-pansin ito sa mambabasa sa pamamagitan ng mga talababa na nagbibigay ng literal na salin.
34. (a) Ano ang resulta ng pagtatakwil sa literal na pagsasalin? (b) Ilarawan.
34 Maraming tagapagsalin ang nagwaksi ng pagiging-literal alang-alang sa di-umano’y elegansiya ng wika at anyo. Ikinakatuwiran nila na ang literal na salin ay walang-buhay, mahigpit, at makitid. Gayunman, dahil sa pagpapakahulugan at interpretasyon, ang pagtatakwil nila sa literal na pagsasalin ay nagbunga ng paglihis sa wasto at orihinal na mga kapahayagan ng katotohanan. Waring binantuan nila ang mismong mga kaisipan ng Diyos. Halimbawa, ang dean emeritus ng isang malaking pamantasang Amerikano ay nagparatang na sinira ng mga Saksi ni Jehova ang ganda at karilagan ng Bibliya. Ang tinutukoy niyang Bibliya ay ang King James Version, na matagal nang iginagalang bilang huwaran ng magandang Ingles. Aniya: ‘Tingnan ninyo ang nangyari sa Awit 23. Sinira ninyo ang indayog at ganda nito dahil sa inyong “Je/ho/vah is/ my/ shep/herd.” Pitong pantig imbes na anim. Nakakasuya. Hindi timbang. Wala sa tiyempo. Tamang-tama ang King James sa anim na balanseng pantig nito—“The/ Lord/ is/ my/ shep/herd.” ’ Ipinaliwanag sa propesor na mas mahalagang isalin ito sa paraan na ginamit ni David, ang manunulat ng Bibliya. Ginamit ba ni David ang pangkalahatang terminong “Lord,” o ang banal na pangalan? Inamin ng propesor na ginamit ni David ang banal na pangalan subalit iginiit na alang-alang sa ganda at karilagan, ang “Lord” ay dapat ipalit. Napakababaw na dahilan upang alisin ang dakilang pangalan ni Jehova sa awit ng papuri sa kaniya!
35. Sa ano tayo makapagpapasalamat sa Diyos, at ano ang ating pag-asa at panalangin?
35 Libu-libong salin ang isinakripisyo sa dambana ng, ayon sa palagay ng tao’y, magandang wika, na nagbunga ng mga pagkakamali sa maraming salin ng Bibliya. Salamat sa Diyos para sa New World Translation, sampu ng maliwanag at wastong teksto nito! Ang dakila niyang pangalan, Jehova, ay pakabanalin nawa sa puso ng lahat ng makakabasa nito!
-
-
Aralin Bilang 8—Mga Bentaha ng “New World Translation”“Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
-
-
Mga Pag-aaral sa Kinasihang Kasulatan at sa Kapaligiran Nito
Aralin Bilang 8—Mga Bentaha ng “New World Translation”
Pagtalakay sa makabagong lenguwahe, pagkapare-pareho, maingat na pagsasalin ng mga pandiwa, at sa buháy na pagpapahayag nito sa kinasihang Salita ng Diyos.
1. (a) Anong hilig ang itinutuwid ng New World Translation, at papaano? (b) Sa Ingles, bakit ginagamit ang Jehovah sa halip na Yahweh o iba pang anyo ng pangalan?
NITONG nakaraang mga taon ay napalathala ang ilang makabagong salin ng Bibliya na tumulong sa mga umiibig sa Salita ng Diyos na unawain ang diwa ng orihinal na mga kasulatan. Subalit maraming salin ang nag-alis ng banal na pangalan mula sa sagradong ulat. Gayunman, dinadakila at pinararangalan ng New World Translation ang mahal na pangalan ng Kataas-taasang Diyos sa pamamagitan ng pagsasauli nito sa wastong dako sa teksto. Ito ay lumilitaw ngayon sa 6,973 dako sa Kasulatang Hebreo, at sa 237 dako sa Kasulatang Griyego, para sa kabuuang 7,210. Ang anyong Yahweh ay karaniwan nang pinapaboran ng mga iskolar na Hebreo, subalit hindi malaman ngayon ang tiyak na pagbigkas. Kaya ang anyong Latin na Jehova ay patuloy na ginagamit sapagkat maraming dantaon na itong nakasanayan at ito ang pinaka-kilalang saling Ingles sa Tetragramaton, o ang apat-na-titik na pangalang Hebreo na יהוה. Sinabi ng Hebreong iskolar na si R. H. Pfeiffer: “Bagaman hindi tiyak ang pinagmulan nito, ‘Jehova’ ang wastong salin sa Ingles ng Yahweh, noon at ngayon.” a
2. (a) May mga nauna bang pamarisan sa pagsasauli ng banal na pangalan sa Kristiyanong Kasulatang Griyego? (b) Kaya anong alinlangan ang napapawi?
2 Ang New World Translation ay hindi ang unang salin na nagsauli ng banal na pangalan sa Kristiyanong Kasulatang Griyego. Kasing-aga pa ng ika-14 na siglo, marami na ang nakadama na dapat isauli sa teksto ang pangalan ng Diyos, lalo na sa mga dako na kung saan ang mga manunulat ng Kristiyanong Kasulatang Griyego ay sumisipi sa mga teksto ng Kasulatang Hebreo na naglalaman ng banal na pangalan. Maraming makabagong-wikang salin ng mga misyonero, gaya ng Aprikano, Asyano, Amerikano, at kapuluang-Pasipikong mga salin ng Kasulatang Griyego, ang malayang gumagamit ng pangalang Jehova, tulad din ng ibang salin sa wikang Europeo. Kapag isinasalin ang banal na pangalan, nawawala ang alinlangan sa kung aling “panginoon” ang tinutukoy. Yao’y ang Panginoon ng langit at lupa, si Jehova, na ang pangalan ay pinagiging-banal at
-