-
Aralin Bilang 7—Ang Bibliya sa Makabagong Panahon“Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
-
-
wika at anyo. Ikinakatuwiran nila na ang literal na salin ay walang-buhay, mahigpit, at makitid. Gayunman, dahil sa pagpapakahulugan at interpretasyon, ang pagtatakwil nila sa literal na pagsasalin ay nagbunga ng paglihis sa wasto at orihinal na mga kapahayagan ng katotohanan. Waring binantuan nila ang mismong mga kaisipan ng Diyos. Halimbawa, ang dean emeritus ng isang malaking pamantasang Amerikano ay nagparatang na sinira ng mga Saksi ni Jehova ang ganda at karilagan ng Bibliya. Ang tinutukoy niyang Bibliya ay ang King James Version, na matagal nang iginagalang bilang huwaran ng magandang Ingles. Aniya: ‘Tingnan ninyo ang nangyari sa Awit 23. Sinira ninyo ang indayog at ganda nito dahil sa inyong “Je/ho/vah is/ my/ shep/herd.” Pitong pantig imbes na anim. Nakakasuya. Hindi timbang. Wala sa tiyempo. Tamang-tama ang King James sa anim na balanseng pantig nito—“The/ Lord/ is/ my/ shep/herd.” ’ Ipinaliwanag sa propesor na mas mahalagang isalin ito sa paraan na ginamit ni David, ang manunulat ng Bibliya. Ginamit ba ni David ang pangkalahatang terminong “Lord,” o ang banal na pangalan? Inamin ng propesor na ginamit ni David ang banal na pangalan subalit iginiit na alang-alang sa ganda at karilagan, ang “Lord” ay dapat ipalit. Napakababaw na dahilan upang alisin ang dakilang pangalan ni Jehova sa awit ng papuri sa kaniya!
35. Sa ano tayo makapagpapasalamat sa Diyos, at ano ang ating pag-asa at panalangin?
35 Libu-libong salin ang isinakripisyo sa dambana ng, ayon sa palagay ng tao’y, magandang wika, na nagbunga ng mga pagkakamali sa maraming salin ng Bibliya. Salamat sa Diyos para sa New World Translation, sampu ng maliwanag at wastong teksto nito! Ang dakila niyang pangalan, Jehova, ay pakabanalin nawa sa puso ng lahat ng makakabasa nito!
-
-
Aralin Bilang 8—Mga Bentaha ng “New World Translation”“Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
-
-
Mga Pag-aaral sa Kinasihang Kasulatan at sa Kapaligiran Nito
Aralin Bilang 8—Mga Bentaha ng “New World Translation”
Pagtalakay sa makabagong lenguwahe, pagkapare-pareho, maingat na pagsasalin ng mga pandiwa, at sa buháy na pagpapahayag nito sa kinasihang Salita ng Diyos.
1. (a) Anong hilig ang itinutuwid ng New World Translation, at papaano? (b) Sa Ingles, bakit ginagamit ang Jehovah sa halip na Yahweh o iba pang anyo ng pangalan?
NITONG nakaraang mga taon ay napalathala ang ilang makabagong salin ng Bibliya na tumulong sa mga umiibig sa Salita ng Diyos na unawain ang diwa ng orihinal na mga kasulatan. Subalit maraming salin ang nag-alis ng banal na pangalan mula sa sagradong ulat. Gayunman, dinadakila at pinararangalan ng New World Translation ang mahal na pangalan ng Kataas-taasang Diyos sa pamamagitan ng pagsasauli nito sa wastong dako sa teksto. Ito ay lumilitaw ngayon sa 6,973 dako sa Kasulatang Hebreo, at sa 237 dako sa Kasulatang Griyego, para sa kabuuang 7,210. Ang anyong Yahweh ay karaniwan nang pinapaboran ng mga iskolar na Hebreo, subalit hindi malaman ngayon ang tiyak na pagbigkas. Kaya ang anyong Latin na Jehova ay patuloy na ginagamit sapagkat maraming dantaon na itong nakasanayan at ito ang pinaka-kilalang saling Ingles sa Tetragramaton, o ang apat-na-titik na pangalang Hebreo na יהוה. Sinabi ng Hebreong iskolar na si R. H. Pfeiffer: “Bagaman hindi tiyak ang pinagmulan nito, ‘Jehova’ ang wastong salin sa Ingles ng Yahweh, noon at ngayon.” a
2. (a) May mga nauna bang pamarisan sa pagsasauli ng banal na pangalan sa Kristiyanong Kasulatang Griyego? (b) Kaya anong alinlangan ang napapawi?
2 Ang New World Translation ay hindi ang unang salin na nagsauli ng banal na pangalan sa Kristiyanong Kasulatang Griyego. Kasing-aga pa ng ika-14 na siglo, marami na ang nakadama na dapat isauli sa teksto ang pangalan ng Diyos, lalo na sa mga dako na kung saan ang mga manunulat ng Kristiyanong Kasulatang Griyego ay sumisipi sa mga teksto ng Kasulatang Hebreo na naglalaman ng banal na pangalan. Maraming makabagong-wikang salin ng mga misyonero, gaya ng Aprikano, Asyano, Amerikano, at kapuluang-Pasipikong mga salin ng Kasulatang Griyego, ang malayang gumagamit ng pangalang Jehova, tulad din ng ibang salin sa wikang Europeo. Kapag isinasalin ang banal na pangalan, nawawala ang alinlangan sa kung aling “panginoon” ang tinutukoy. Yao’y ang Panginoon ng langit at lupa, si Jehova, na ang pangalan ay pinagiging-banal at ibinubukod-tangi sa New World Translation of the Holy Scriptures.b
3. Papaano tumutulong ang New World Translation sa paghahatid ng puwersa, ganda, at kahulugan ng orihinal na mga kasulatan?
3 Higit pang pinagiging-banal ng New World Translation ang pangalan ni Jehova sa pamamagitan ng paghaharap ng mga kinasihang Kasulatan sa malinaw, nauunawaang lenguwahe na sa payak na paraan ay naghahatid ng talagang kahulugan sa isipan ng bumabasa. Ito ay gumagamit ng simple, makabagong pananalita, may pagkapare-pareho sa pagsasalin, wastong naghaharap ng kilos o kaukulan na ipinapahayag ng mga pandiwang Hebreo at Griyego, at nagpapakita ng pagkakaiba ng pangmaramihan at pang-isahang bilang ng panghalip na “you” at sa paggamit ng pautos na tinig ng pandiwa kapag hindi ito nililinaw ng konteksto. Sa ganitong mga paraan at sa tulong ng makabagong wika ay nililiwanag ng New World Translation, hangga’t maaari, ang puwersa, ganda, at kahulugan ng orihinal na mga kasulatan.
ISINALIN SA MAKABAGONG WIKA
4. (a) Anong marangal na layunin ang ipinahayag ng isa sa mga unang tagapagsalin ng Bibliya? (b) Ano ang kinailangang gawin sa paglipas ng panahon?
4 Ang matatandang salin ng Bibliya ay maraming lipas na salitang uso pa noong ika-16 at ika-17 siglo. Bagaman hindi na nasasakyan ngayon, madaling unawain ang mga ito noon. Halimbawa, isa na naglakip ng mga ito sa Bibliyang Ingles ay si William Tyndale, na nagsabi sa isa niyang katunggali sa relihiyon: ‘Kung ililigtas ng Diyos ang aking buhay, ang mga Kasulatan ay sisikapin kong maunawaan ng isang batang mag-aararó nang higit kaysa sa iyo.’ Ang salin ni Tyndale ng Kasulatang Griyego ay napakadaling maunawaan ng isang batang mag-aararó nang panahon niya. Subalit, marami sa mga salitang ginamit niya ay antigo na ngayon, anupat ang ‘isang batang mag-aararó’ ay mahirap nang makaunawa sa kahulugan ng maraming salita sa King James at iba pang matatandang salin ng Bibliya. Kaya kinailangang alisin ang mga lambong ng antigong wika at isauli ang Bibliya sa ordinaryong lenguwahe ng karaniwang tao.
5. Sa anong wika dapat lumitaw ang Bibliya, at bakit?
5 Wika ng karaniwang tao ang ginamit sa pagsulat ng kinasihang Kasulatan. Hindi ginamit ng mga apostol at ng iba pang sinaunang Kristiyano ang klasikal na Griyego ng mga pilosopong gaya ni Plato. Ginamit nila ang pang-araw-araw na Griyego, alalaong baga, ang Koine, o karaniwang Griyego. Kaya ang Kasulatang Griyego, gaya ng naunang Kasulatang Hebreo, ay isinulat sa wika ng mga tao. Upang madaling maunawaan, napakahalaga na ang mga salin ng orihinal na Kasulatan ay gawin din sa wika ng mga tao. Kaya ang New World Translation ay hindi gumagamit ng antigong wika ng nakalipas na tatlo o apat na siglo, kundi ng malinaw, makahulugan at makabagong pananalita upang ang sinasabi ng Bibliya ay agad masakyan ng mga bumabasa.
6. Ilarawan ang bentaha ng paggamit ng kasalukuyang mga salita sa halip na yaong lipas na.
6 Bilang halimbawa ng pagbabago ng wikang Ingles mula noong ika-17 hanggang sa ika-20 siglo, ay ang mga paghahambing na ito ng King James Version at New World Translation. Ang “suffered” sa King James Version ay nagiging “allowed (ipinahintulot)” sa New World Translation (Gen. 31:7), ang “was bolled” ay nagiging “had flower buds (namulaklak)” (Exo. 9:31), ang “spoilers” ay nagiging “pillagers (mandarambong)” (Huk. 2:14), ang “ear his ground” ay nagiging “do his plowing (mag-araro)” (1 Sam. 8:12), ang “when thou prayest” ay nagiging “when you pray (kapag nananalangin)” (Mat. 6:6), ang “sick of the palsy” ay nagiging “paralytic (lumpo)” (Mar. 2:3), ang “quickeneth” ay nagiging “makes . . . alive (buhayin)” (Roma 4:17), ang “shambles” ay nagiging “meat market (pamilihan ng karne)” (1 Cor. 10:25), ang “letteth” ay nagiging “acting as a restraint (humahadlang)” (2 Tes. 2:7), at patuloy pa. Kaya lalong mapapahalagahan ang paggamit ng New World Translation sa kasalukuyang mga salita sa halip na yaong lipas na.
PAGKAPARE-PAREHO NG SALIN
7. Papaano naging pare-pareho ang New World Translation sa pagsasalin nito?
7 Sinisikap ng New World Translation na maging pare-pareho ang salin. Sa bawat salitang Hebreo o Griyego, ay may iniatas na salitang Ingles, at parating ginagamit ito sa pagbibigay ng lubos na kahulugan sa Ingles habang ipinahihintulot ng idyoma o ng konteksto. Halimbawa, ang salitang Hebreo na neʹphesh ay laging isinasalin na “kaluluwa.” Sa bawat pagkakataon, ang katumbas na salitang Griyego, psy·kheʹ, ay isinasaling “kaluluwa.”
8. (a) Magbigay ng halimbawa ng mga homograph. (b) Papaano isinalin ang mga ito?
8 Sa ilang dako ay bumangon ang suliranin sa mga homograph. Ito’y mga salita sa orihinal na wika na pareho ang baybay ngunit magkaiba ang kahulugan. Kaya, nariyan ang hamon ng pagsasalin ng salita na may wastong kahulugan. Sa Tagalog ay may mga homograph na gaya ng “aso” at “asó,” at “suka” at “sukà,” na pareho ang baybay ngunit magkaiba ang kahulugan. Ang isang halimbawa sa Bibliya ay ang Hebreong rav, na kumakatawan sa magkakaibang salitang ugat at dahil dito’y isinasalin ng New World Translation sa iba’t-ibang paraan. Ang pinaka-karaniwang kahulugan ng rav ay “marami,” gaya sa Exodo 5:5. Gayunman, kapag ginagamit sa mga titulo, gaya ng “Rabsaces” (Heb., Rav-sha·qehʹ) sa 2 Hari 18:17, nangangahulugan ito ng “pinunò,” gaya ng salin na “pinunò sa palasyo” sa Daniel 1:3. (Tingnan din ang Jeremias 39:3, talababa.) Ang salitang rav, na kahawig din sa anyo, ay nangangahulugang “mamamanà,”
-