-
Aralin Bilang 9—Ang Arkeolohiya at ang Kinasihang Ulat“Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
-
-
na ang mga santwaryo ay matagal nang giba, ang mga imahen na (dating) naninirahan doon ay iginawa ko ng palagiang santwaryo. Tinipon ko (rin) ang lahat ng kanilang (dating) mamamayan at ibinalik (sa kanila) ang kanilang tirahan.”i
15. Ano ang isinisiwalat ng Cyrus Cylinder tungkol kay Ciro, at papaano ito kasuwato ng Bibliya?
15 Kaya ipinababatid ng Cyrus Cylinder ang patakaran ng hari na pagsasauli ng mga bihag sa kanilang dating lupain. Kasuwato nito, iniutos ni Ciro ang pagpapabalik ng mga Judio sa Jerusalem upang itayong-muli ang bahay ni Jehova roon. Kawili-wiling pansinin na 200 taon bago nito, inihula ni Jehova ang pangalan ni Ciro bilang mananakop ng Babilonya at tagapagsauli ng bayan ni Jehova.—Isa. 44:28; 45:1; 2 Cron. 36:23.
ANG ARKEOLOHIYA AT ANG KRISTIYANONG KASULATANG GRIYEGO
16. Ano ang niliwanag ng arkeolohiya tungkol sa Kasulatang Griyego?
16 Gaya sa Kasulatang Hebreo, binigyang-liwanag ng arkeolohiya ang maraming kawili-wiling artifact na umaalalay sa kinasihang ulat na nilalaman ng Kristiyanong Kasulatang Griyego.
17. Papaano inaalalayan ng arkeolohiya ang pagtalakay ni Jesus sa suliranin ng pagbubuwis?
17 Baryang Denaryo Na May Ukit ni Tiberio. Ayon sa Bibliya ang ministeryo ni Jesus ay naganap nang maghari si Tiberio Cesar. Sinikap ng mga kaaway na siluin si Jesus sa pamamagitan ng tanong tungkol sa pagbubuwis. Sinasabi ng ulat: “Nang mahalatang sila’y nagpapaimbabaw, ay sinabi niya: ‘Bakit ninyo ako sinusubok? Dalhan ninyo ako ng denaryo.’ Agad nilang dinala ito. Kaya tinanong niya: ‘Kaninong larawan at ukit ang narito?’ Sumagot sila: ‘Kay Cesar.’ Sinabi ni Jesus: ‘Ibigay kay Cesar ang kay Cesar, ngunit sa Diyos ang sa Diyos.’ Kaya nagsimula silang manggilalas sa kaniya.” (Mar. 12:15-17) Nakatuklas ang mga arkeologo ng pilak na baryang denaryo na may ulo ni Tiberio Cesar! Ginamit ito noong mga 15 C.E. Katugma ito ng pamamahala ni Tiberio bilang emperador, pasimula noong 14 C.E., at sa gayo’y karagdagang alalay sa ulat na nagsasabing ang ministeryo ni Juan na Tagapagbautismo ay nagsimula noong ika-15 taon ni Tiberio, o noong tagsibol ng 29 C.E.—Luc. 3:1, 2.
18. Anong tuklas ang iniugnay kay Poncio Pilato?
18 Ang Ukit ni Poncio Pilato. Noong 1961 unang nakatuklas ang arkeolohiya tungkol kay Poncio Pilato. Ito’y isang malapad na bato sa Cesarea, na may pangalan ni Poncio Pilato sa wikang Latin.
19. Ano ang umiiral pa rin sa Atenas, bilang pagtiyak sa tagpo ng Gawa 17:16-34?
19 Ang Areopago. Ibinigay ni Pablo sa Atenas, Gresya, ang isa sa pinaka-tanyag niyang diskurso, noong 50 C.E. (Gawa 17:16-34) Ito’y nang dakpin siya ng mga taga-Atenas at dalhin sa Areopago. Ang Areopago, o Burol ni Ares (Mars), ay isang hantad, mabatong burol, na 113 metro ang taas, sa hilagang-kanluran ng Acropolis ng Atenas. Ang mga baytang na inukit sa bato ay abot sa taluktok, at naroon pa ang magagaspang na upuang inukit sa bato, sa tatlong panig ng isang patyo. Umiiral pa ang Areopago, bilang patotoo sa tagpo ng makasaysayang diskurso ni Pablo na iniuulat ng Bibliya.
20. Ano ang patuloy na pinatutunayan ng Arko ni Tito, at papaano?
20 Ang Arko ni Tito. Ang Jerusalem at ang templo ay winasak ng mga Romano sa ilalim ni Tito, noong 70 C.E. Nang sumunod na taon, sa Roma, nagdiwang si Tito ng tagumpay, kasama ng ama niyang si Emperador Vespasian. Pitong daang piling bilanggong Judio ang pinalakad sa matagumpay na prusisyon. Ipinarada rin ang maraming samsam sa digmaan, pati na ang mga kayamanan ng templo. Si Tito ay naging emperador mula 79 hanggang 81 C.E., at pagkamatay niya, isang malaking bantayog, ang Arko ni Tito, ay itinayo at inialay divo Tito (sa dinidiyos na si Tito). Ang matagumpay na prusisyon ay isinasagisag ng nakaukit na mga larawan sa magkabilang panig ng arko. Sa isang panig ay inilalarawan ang mga kawal Romano na may mga sibat na walang talim at napuputungan ng laurel, taglay ang banal na mga kasangkapan mula sa templo ni Jehova. Kasama rito ang may-pitong-ilaw na kandelero at ang hapag ng tinapay at doo’y makikitang nakapatong ang banal na mga pakakak. Sa kabila ay makikita ang matagumpay na si Tito habang nakatayo sa karong hila ng apat na kabayong akay ng isang babaeng kumakatawan sa lungsod ng Roma.j Taun-taon libu-libo pa ring turista ang nanonood sa Arko ni Tito sa Roma bilang piping saksi sa katuparan ng hula ni Jesus at ng kakila-kilabot na hatol ni Jehova sa mapaghimagsik na Jerusalem.—Mat. 23:37–24:2; Luc. 19:43, 44; 21:20-24.
21. (a) Papaano nagkatuwang ang arkeolohiya at ang pagkatuklas ng mga manuskrito? (b) Ano ang wastong saloobin tungkol sa arkeolohiya?
21 Kung papaanong ang pagkatuklas ng matatandang manuskrito ay tumulong sa pagsasauli ng dalisay, orihinal na teksto ng Bibliya, ang pagkatuklas ng napakaraming artifact ay malimit ding magpakita na ang Bibliya ay makasaysayan, ayon sa panahon, at mapanghahawakan ang heograpiya, hanggang sa kaliit-liitang detalye. Subalit huwag ipapasiya na ang arkeolohiya ay kasuwato ng Bibliya sa bawat kaso. Dapat tandaan na ang arkeolohiya ay hindi isang walang-mintis na larangan ng pag-aaral. Ang mga tuklas ng arkeolohiya ay nabibigyan ng sariling interpretasyon at ang mga ito ay nagbabago sa pana-panahon. Bagaman hindi hinihingi, malimit umalalay ang arkeolohiya sa pagiging-totoo ng Salita ng Diyos. Bukod dito, gaya ng sinabi ng yumaong Sir Frederic Kenyon, direktor at punong bibliotekaryo ng British Museum sa loob ng maraming taon, nakatulong ang arkeolohiya upang ang Bibliya ay “mas madaling maunawaan sa pamamagitan ng mas malawak na kaalaman sa kapaligiran at tagpo nito.”k Ngunit ang pananampalataya ay dapat na salig sa Bibliya, hindi sa arkeolohiya.—Roma 10:9; Heb. 11:6.
22. Anong ebidensiya ang isasaalang-alang sa susunod na aralin?
22 Ang Bibliya ay may di-matututulang ebidensiya na ito nga’y tunay na “salita ng nabubuhay at walang-hanggang Diyos,” gaya ng makikita sa susunod na aralin.—1 Ped. 1:23.
-
-
Aralin Bilang 10—Ang Bibliya—Tunay at Totoo“Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
-
-
Mga Pag-aaral sa Kinasihang Kasulatan at sa Kapaligiran Nito
Aralin Bilang 10—Ang Bibliya—Tunay at Totoo
-