-
Aralin Bilang 9—Ang Arkeolohiya at ang Kinasihang Ulat“Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
-
-
na ang Bibliya ay makasaysayan, ayon sa panahon, at mapanghahawakan ang heograpiya, hanggang sa kaliit-liitang detalye. Subalit huwag ipapasiya na ang arkeolohiya ay kasuwato ng Bibliya sa bawat kaso. Dapat tandaan na ang arkeolohiya ay hindi isang walang-mintis na larangan ng pag-aaral. Ang mga tuklas ng arkeolohiya ay nabibigyan ng sariling interpretasyon at ang mga ito ay nagbabago sa pana-panahon. Bagaman hindi hinihingi, malimit umalalay ang arkeolohiya sa pagiging-totoo ng Salita ng Diyos. Bukod dito, gaya ng sinabi ng yumaong Sir Frederic Kenyon, direktor at punong bibliotekaryo ng British Museum sa loob ng maraming taon, nakatulong ang arkeolohiya upang ang Bibliya ay “mas madaling maunawaan sa pamamagitan ng mas malawak na kaalaman sa kapaligiran at tagpo nito.”k Ngunit ang pananampalataya ay dapat na salig sa Bibliya, hindi sa arkeolohiya.—Roma 10:9; Heb. 11:6.
22. Anong ebidensiya ang isasaalang-alang sa susunod na aralin?
22 Ang Bibliya ay may di-matututulang ebidensiya na ito nga’y tunay na “salita ng nabubuhay at walang-hanggang Diyos,” gaya ng makikita sa susunod na aralin.—1 Ped. 1:23.
-
-
Aralin Bilang 10—Ang Bibliya—Tunay at Totoo“Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
-
-
Mga Pag-aaral sa Kinasihang Kasulatan at sa Kapaligiran Nito
Aralin Bilang 10—Ang Bibliya—Tunay at Totoo
Ang pagtalakay ng Bibliya sa kasaysayan, heograpiya, at pinagmulan ng tao; ang kawastuan sa siyensiya, kultura, at mga kaugalian; ang pagka-prangko, pagkakasuwato, at katapatan ng mga manunulat; at ang hula nito.
1. (a) Ano ang karaniwang pagkakilala sa Bibliya? (b) Ano ang saligang dahilan ng kahigitan ng Bibliya?
ANG Bibliya ay dakilang obra-maestra ng panitikan na walang-kapantay sa matulaing kagandahan at isang kahanga-hangang tagumpay para sa mga sumulat nito. Hindi lamang ito. Nagpapatotoo ang mga manunulat na ang isinulat nila ay galing kay Jehova, Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat. Ito ang saligang dahilan ng napakagandang pananalita ng Bibliya, at higit sa lahat, ng sukdulang halaga bilang aklat ng nagbibigay-buhay na kaalaman at karunungan. Si Jesus, ang Anak ng Diyos, ay nagpatotoo na ang mga sinabi niya “ay pawang espiritu at buhay,” at sagana siyang sumipi sa sinaunang Kasulatang Hebreo. “Lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos,” ani apostol Pablo, na tumukoy sa Kasulatang Hebreo bilang “banal na mga kapahayagan ng Diyos.”—Juan 6:63; 2 Tim. 3:16; Roma 3:1, 2.
2, 3. Papaano nagpatotoo ang mga manunulat ng Bibliya sa pagiging-kinasihan nito?
2 Sinabi ni apostol Pedro na ang mga propeta ng Diyos ay pinakilos ng banal na espiritu. Sumulat si Haring David: “Ang espiritu ni Jehova ay nagsalita sa pamamagitan ko, at ang kaniyang salita ay suma-aking dila.” (2 Sam. 23:2) Kay Jehova iniukol ng mga propeta ang mga kapahayagan nila. Nagbabala si Moises laban sa pagdagdag o pagbawas sa banal na mga salitang ibinigay ni Jehova. Kinilala ni Pedro ang pagiging-kinasihan ng mga liham ni Pablo, at maliwanag na sinipi ni Judas ang salita ni Pedro bilang kinasihang autoridad. At panghuli, si Juan, manunulat ng Apocalipsis, ay sumulat sa patnubay ng espiritu ng Diyos at nagbabala na ang magdagdag o magbawas sa makahulang kapahayagan ay magsusulit, hindi sa tao, kundi sa Diyos mismo.—1 Ped. 1:10-12; 2 Ped. 1:19-21; Deut. 4:2; 2 Ped. 3:15, 16; Jud. 17, 18; Apoc. 1:1, 10; 21:5; 22:18, 19.
3 Ang tapat na mga aliping ito ng Diyos ay pawang nagpatotoo na ang Bibliya ay kinasihan at totoo. Marami pang katibayan ng pagiging-tunay ng Banal na Kasulatan, at ang ilan ay tatalakayin sa ilalim ng sumusunod na 12 pamagat.
4. Papaano kinilala ng mga Judio ang mga aklat ng Kasulatang Hebreo?
4 (1) Kawastuan sa Kasaysayan. Noong una pa, ang kanonikal na mga aklat ng Kasulatang Hebreo ay kinilala na ng mga Judio bilang mga dokumentong kinasihan at lubusang mapanghahawakan. Kaya, noong panahon ni David, ang mga kaganapang iniulat mula Genesis hanggang Unang Samuel ay tinanggap bilang tunay na kasaysayan ng bansa at ng pakikitungo sa kanila ng Diyos, at inilalarawan ito ng ika-78 Awit, na bumabanggit ng mahigit na 35 sa mga detalyeng ito.
5. Ano ang pinatunayan ng sinaunang mga manunulat tungkol kay Moises at sa kodigong Batas ng mga Judio?
5 Ang Pentateuko ay mahigpit na tinuligsa ng mga kaaway ng Bibliya, lalo na sa pagiging-tunay at pagka-akda. Gayunman, sa pagtanggap ng mga Judio kay Moises bilang manunulat ng Pentateuko ay maidaragdag ang patotoo ng sinaunang mga manunulat, na ang ilan ay kaaway pa ng mga Judio. Ang pagtatatag ng kodigo ng mga batas na nagtatangi ng mga Judio mula sa ibang bansa ay kay Moises iniukol ni Hecataeus ng Abdera, ng Ehipsiyong mananalaysay na si Manetho, nina Lysimachus ng Aleksandriya, Eupolemus, Tacitus, at Juvenal, na karamihan ay nagsasabing isinulat niya ang mga ito. Binabanggit pa man din ni Numenius, pilosopong gaya ni Pythagoras, na sina Jannes at Jambres ang mga saserdoteng Ehipsiyo na sumalansang kay Moises. (2 Tim. 3:8) Ang mga autor na ito ay mula sa yugtong nagsimula sa panahon ni Alejandro (ikaapat na siglo B.C.E.), nang unang magkainteres ang mga Griyego sa kasaysayang Judio, hanggang kay Emperador Aurelian (ikatlong siglo C.E.). Marami pang sinaunang manunulat ang bumabanggit kay Moises bilang lider, pinunò, o mambabatas.a Gaya ng ipinakita ng nakaraang aralin, malimit suhayan ng arkeolohiya ang kawastuan ng kasaysayan ng Bibliya kaugnay ng pagkasangkot ng bayan ng Diyos sa nakapaligid na mga bansa.
6. Anong patotoo ang umaalalay sa kawastuan ng kasaysayan ng Kasulatang Griyego?
6 Ngunit kumusta ang Kristiyanong Kasulatang Griyego? Hindi lamang ito umaalalay sa ulat ng Kasulatang Hebreo kundi ito man ay napatunayang wasto ayon sa kasaysayan bukod sa pagiging-tunay at pagiging-kinasihan na gaya rin ng Kasulatang Hebreo. Ipinahayag ng mga manunulat ang kanilang narinig at nakita, sapagkat sila’y mga saksi at malimit na kasangkot pa sa mga kaganapang iniulat nila. Pinaniwalaan sila ng libu-libong kontemporaryo. Ang patotoo nila ay saganang pinatunayan ng mga akda ng sinaunang mga manunulat, gaya nina Juvenal, Tacitus, Seneca, Suetonius, ang Nakababatang Pliny, Lucian, Celsus, at ang Judiong mananalaysay na si Josephus.
7. (a) Papaano nangatuwiran si S. A. Allibone sa kahigitan ng pag-aangkin ng Bibliya sa pagiging-tunay? (b) Ano ang sinasabi niya na diperensiya niyaong tumatanggi sa ebidensiya?
7 Sinabi ni S. Austin Allibone, sa kaniyang The Union Bible Companion: “Si Sir Isaac Newton . . . ay tanyag bilang kritiko ng sinaunang mga kasulatan, at maingat niyang sinuri ang Banal na Kasulatan. Ano ang pasiya niya sa puntong ito? ‘Nakatuklas ako,’ aniya, ‘ng mas tiyak na palatandaan ng pagiging-totoo ng Bagong Tipan kaysa alinmang [sekular] na kasaysayan.’ Ayon kay Dr. Johnson mas maraming ebidensiya na si Jesu-Kristo ay namatay sa Kalbaryo, gaya ng isinasaad sa Mga Ebanghelyo, kaysa roon sa nagsasabing si Julio Cesar ay namatay sa Kapitolyo. Oo, talagang mas marami pa. Tanungin ang sinomang nag-aalinlangan sa katotohanan ng Ebanghelyo kung bakit siya naniniwala na si Cesar ay namatay sa Kapitolyo, o na si Emperador Carlomagno ay pinutungan ni Papa Leo III. bilang Emperador ng Kanluran noong 800 . . . Papaano ninyo nalaman na may isang Carlos I. na nabuhay, pinugutan ng ulo, at na si Oliver Cromwell ang humalili sa kaniya? . . . Kay Sir Isaac Newton iniuukol ang pagkatuklas sa batas ng grabitasyon . . . Naniniwala tayo sa lahat ng pag-aangkin tungkol sa mga taong ito; sapagkat mayroon tayong makasaysayang ebidensiya ng katotohanan. . . . Kung, sa harap ng katibayang ito, ay may mag-aalinlangan pa, talagang sila ay napaka-mangmang o ignorante. Ano ang dapat isipin tungkol sa kanila na, sa kabila ng saganang ebidensiya ng pagiging-tunay ng Banal na Kasulatan, ay magsasabing hindi sila kumbinsido? . . . Tiyak na ipapasiya natin na ang diperensiya ay nasa puso at hindi sa ulo;—na ayaw nilang maniwala sa makababawas sa kanilang kapalaluan, pagkat mapipilitan silang baguhin ang kanilang buhay.”b
8. Papaano itinatangi ang Kristiyanismo ng Bibliya sa lahat ng ibang relihiyon?
8 Itinampok ni George Rawlinson ang kahigitan
-