Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w90 12/1 p. 22-25
  • Papaano Pinauunlad ni Jehova ang Kaniyang Gawain

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Papaano Pinauunlad ni Jehova ang Kaniyang Gawain
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
  • Kaparehong Materyal
  • “Saan Nanggagaling ang Salapi?”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
  • Ang Tagapagbigay ng “Bawat Mabuting Kaloob”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
  • Papaano Tinutustusan ang Lahat ng Ito?
    Mga Saksi ni Jehova—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos
  • Kung Paano Tinutustusan ang Gawaing Pang-Kaharian
    Namamahala Na ang Kaharian ng Diyos!
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
w90 12/1 p. 22-25

Papaano Pinauunlad ni Jehova ang Kaniyang Gawain

NOONG nakaraang mga dekada ang mga Saksi ni Jehova ay nakaranas ng pambihirang paglago. Sa nakalipas lamang na huling sampung taon, sila’y umunlad buhat sa 42,600 kongregasyon tungo sa kabuuang 60,192 sa 212 lupain. Dahilan dito, may mga nagtanong: Papaano tinutustusan ang gawain ng mga Saksi? Ang Watch Tower Society ay nalulugod na sagutin ito at ang kaugnay na mga tanong sa artikulong ito.

Ang mga Saksi ni Jehova ba ay nagbibigay ng ikapu?

Hindi. Sa sinaunang Israel, ang pagbibigay ng ikapu ay ipinag-utos sa ilalim ng Kautusang Mosaiko upang tustusan ang mga manggagawa sa templo ng Diyos, ang mga Levita at ang mga saserdote. (Bilang 18:21, 24-29) Ang mga ito ay walang mga lupain ng mga tribo maliban sa mga ilang lunsod, kaya kailangan nila ng pantanging panustos na ito. Bukod dito, ang tapat na mga Israelita ay malayang magbigay ng kusang mga abuloy para sa pantanging mga proyekto, tulad baga ng pagtatayo ng tabernakulo at, nang malaunan, ng templo.​—Exodo 25:1-8; 1 Cronica 29:3-7.

Gayunman, nang mamatay si Jesus, sinasabi ng Bibliya na “inalis niya ang . . . Batas ng mga utos na may mga kautusan.” (Efeso 2:15; Colosas 2:13, 14) Sa ibang pananalita, sa mata ng Diyos ang Kautusan ay hindi na kapit sa mga Judio ni sa mga Kristiyano man. Samakatuwid, kasama ng mga iba pang bahagi ng Kautusan, tulad baga ng palagiang mga hain sa templo, hindi na kahilingan sa mga mananampalataya ang pagbibigay ng ikapu.

Sa mga Kristiyano, ang motibo sa pagbibigay ay pag-ibig, hindi kautusan. Ipinaliwanag ni apostol Pablo ang simulain nang nagsasaayos ng isang abuluyan para sa nangangailangang mga Kristiyano sa Judea. Sinabi niya: “Magbigay ang bawat isa ayon sa ipinasiya ng kaniyang puso, huwag mabigat sa loob o parang pinipilit, sapagkat iniibig ng Diyos ang nagbibigay nang masaya.” (2 Corinto 9:7) Ang maka-Kasulatang paraang ito ng kusang-loob na pagbibigay ang sinusunod na palagian ng mga Saksi ni Jehova.

Kayo ba ay may mga kainan para sa paglikom ng pondo, mga sobre para sa pangungulekta, pangingilak ng mga abuloy, at nakakatulad na mga paraan ng paglikom ng salapi?

Hindi, ang mga tunay na Kristiyano ay hindi kailangang pilitin o suhulan upang magbigay pagkatapos na takawin sila sa mga premyo. Ang mga grupong relihiyoso na gumagamit ng bingo, bazaars, ripa, karnabal, pagpapaupa ng mga upuan sa bahay-sambahan, o pagpapasa ng mga platong pangkulekta ay nagsisiwalat na hindi nila binibigyan ang kanilang mga miyembro ng espirituwal na pagkain, kung kaya’t ang espiritu ng Diyos ay hindi nagpapakilos sa kanilang mga paroko na malayang mag-abuloy ng salapi. Ganiyan din ang masasabi tungkol sa mga gumagamit ng lipas nang kaugalian na pagbibigay ng ikapu.​—Mateo 10:8.

Papaano ninyo tinutustusan ang mga proyekto gaya baga ng pagtatayo ng mga bagong Kingdom Hall at mga tanggapang sangay, at gayundin ang inyong pagpapalawak ng pandaigdig na punong tanggapan sa Brooklyn at sa Patterson, New York?

Ibinubuhos ni Jehova ang kaniyang banal na espiritu sa kaniyang mga Saksi, upang sila’y gumawa ng mabuti, maging sagana sa mabubuting gawa, bukas-palad, handang magbigay, na may katatagang nagtitipon para sa kanilang sarili ng mainam na pundasyon para sa hinaharap, upang sila’y makakapit nang mahigpit sa tunay na buhay.” (1 Timoteo 6:18, 19) Ang espiritung ito ang nagpapakilos sa mga Saksi ni Jehova upang suportahan ang gawaing pang-Kaharian sa lahat ng paraan.

Noong 1989, halimbawa, 3,787,188 Saksi sa 212 lupain ang gumugol ng 835,426,538 oras sa pagtuturo sa iba ng Salita ng Diyos. At sila’y nakapagdaos ng 3,419,745 regular na pantahanang pag-aaral sa Bibliya sa mga taong interesado. Anumang mga gastos sa gawaing ito ay binalikat ng mga taong gumawa nito. Ginantimpalaan ni Jehova ang gawaing ito ng pag-ibig sa pamamagitan ng pagdaragdag sa kanila ng 263,855 bagong bautismadong Saksi.

Isang nahahawig na espiritu ng pagbibigay ang nagpapakilos sa mga Saksi at mga taong interesado upang ang gawain ay suportahan ng salapi. Bukod sa pagtulong upang matustusan ang regular na gastos ng kanilang lokal na kongregasyon, kanilang sinusuportahan ang anumang gawaing pagtatayo na kinakailangan, tulad halimbawa ng pagkukumpuni o pagpapalaki ng kanilang Kingdom Hall o Assembly Hall o pagtatayo ng isang bagong gusali. Sa bawat taon, dahilan sa mabilis na paglago, kailangang magtayo ng maraming Kingdom Hall, ang iba’y nagkakahalaga ng daan-daang libong dolyar. Ang gastos dito ay binabalikat ng lokal na mga Saksi sa pamamagitan ng kanilang kusang-loob na abuluyan at paggawa.

Isa pa, sa maraming lupain sa mga sangay ay kailangang palawakin ang mga pasilidad sa paglilimbag at sa tanggapan at gayundin sa mga gusaling tirahan​—o mga bago ang kailangang itayo​—​dahil sa dumaraming manggagawa at mga pasilidad na hinihingi ng lumalagong organisasyon. Ito ay suportado rin ng kusang-loob na mga abuloy at trabaho, tulad din ng mga proyektong pagtatayo at pagkukumpuni sa Brooklyn at sa Patterson, New York. Kung maaari, lokal na mga Saksi ang nag-aabuloy ng mga salapi para sa konstruksiyon. Sa mga ilang kaso, isinasaayos ng Watch Tower Society na ang mga sangay ay tumanggap ng tulong​—kapuwa sa pananalapi at sa trabaho ng dalubhasang mga manggagawa​—​buhat sa ibang mga bansa. Sa gayon, sa ilalim ng pangangasiwa ng Samahan, nagkakaroon ng “pagkakapantay-pantay.”​—2 Corinto 8:14.

Bakit kayo walang mga ospital o mga klinika at hindi kayo gumagawa ng gawaing pagkakawanggawa at iba pang mga paglilingkod sa lipunan gaya ng ginagawa ng maraming grupong relihiyoso?

Ang mga Saksi ni Jehova ay madaling tumutugon sa mga biglaang pangangailangan pagkatapos ng isang digmaan o natural na kalamidad kung magagawa nila. Sa katunayan, sila ang mga unang sumasaklolo dala ang pagkain, damit at mga boluntaryong tutulong sa muling pagtatayo. Gayunman, ang mga Saksi ni Jehova ay walang mga ospital o mga klinika katulad na rin ng kung sila’y magpapaandar ng mga kagawaran ng pamatay-sunog o ng pulisya, na ukol din sa pagliligtas ng buhay.

Sila’y nag-alay na mga ministro ng ebanghelyo, at sila’y inatasan na mangaral at magturo ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa buong daigdig bilang patotoo bago dumating ang wakas. (Mateo 24:14) Gaya ng sinabi ni Jesus, marami ang aanihin at kakaunti ang manggagawa. Isang kasalanang di-mapatatawad kung pababayaan ang napakahalagang gawaing ito upang magsagawa ng ibang gawain bagaman iyon ay kapuri-puri.​—Mateo 9:37, 38.

Gaya ng nangyayari, ang ilang mga Saksi ni Jehova ay mga doktor, mga nars, at mga katulong sa ospital. Ngunit itinuturing nila na ang gawaing ito ay karagdagan sa kanilang pangunahing bokasyon, ang ministeryong Kristiyano.

Ang sinuman ba sa mga opisyal o mga miyembro ng Watch Tower Society ay kumikita sa inyong malaganap na mga gawain sa paglilimbag?

Pinakadiriin namin, hindi! Sa harap ng batas, ang Samahan ay isang korporasyong hindi nagtutubo. Ito’y walang mga aksiyonista, walang mga pakinabang, maging mga suweldo man. Bawat ministro sa punong tanggapan, kasali na ang pangulo at mga direktor ng Samahan, ay sumailalim ng isang legal na panata ng karalitaan. Siya’y tumatanggap ng pagkain, tuluyan, at kinakailangang panggagamot kung may sakit, at isang munting halaga para sa maliliit na gastusin. Kung ang isang Saksi ay naglalakbay bilang kinatawan ng Samahan, ito ang karaniwang nagbabayad ng kaniyang gastos sa paglalakbay.

Bukod dito, saanman sa daigdig ay hindi nagpapabayad ang aming mga ministro sa ginagampanan nilang mga tungkulin sa mga kasal, bautismo, o paglilibing. At wala namang bayad na hinihingi o pangungulekta sa pangmadlang mga pahayag o kombensiyon.

Yamang hindi nagpapasa ng mga platong pangkulekta, papaano tumatanggap ang lokal na mga kongregasyon ng mga abuloy upang maitustos sa kanilang gastos?

Sa mga Kingdom Hall ay may mga kahong abuluyan upang ang mga dumadalo ay makapagbigay ng kusang-loob na mga abuloy kung ibig nila. (2 Hari 12:9) Ang lahat ng abuloy, malaki man o maliit, ay pinahahalagahan. (Marcos 12:42-44) Minsan isang buwan, ang ministrong nag-aasikaso ng kuwenta ng kongregasyon ay bumabasa ng isang maikling pag-uulat sa kongregasyon na ipinaaalam sa kanila ang kabuuang abuloy na tinanggap, mga pinagkagastusan, at mga donasyon ng kongregasyon sa Watch Tower Society upang tumustos sa pambuong-daigdig na gawaing pangangaral at sa iba pang mga proyekto.

Pagka nauunawaan ng sinuman ang kaayusang ito, sila’y malayang makibahagi kung ibig nila, bawat isa “ayon sa kaniyang ikinagiginhawa.” (1 Corinto 16:2) Ito ang palaging sinusunod sa bawat isa sa mahigit na 60,000 kongregasyon sa buong daigdig.

Noong Pentecostes lahat ng bagay ay pag-aari ng sinaunang mga Kristiyano. Ganiyan rin ba ang ginagawa ng mga Saksi ni Jehova?

Isang biglaang pangyayari ang bumangon pagkatapos ng Pentecostes 33 C.E. nang ang mga Judio buhat sa malalayo na kakukumberte pa lamang sa pagka-Kristiyano ay manatili sa Jerusalem upang kumuha ng higit pang espirituwal na kaunawaan. Sila’y nangangailangan ng pansamantalang tutuluyang bahay at pagkain; sa gayon, ang lokal na mga Kristiyano ay gumawa ng kusang-loob na pagbibili ng ari-arian at ang pinagbilhan ay ipinamahagi sa lahat para magastos upang sila ay makapagpatuloy ng pagsasama-sama. (Gawa 2:1, 38-47; 4:32-37) Walang sinuman na pinilit na magbili o mag-abuloy. (Gawa 5:1-4) Ang ganitong kaayusan na ang pag-aari ay sa kalahatan ay hindi komunismo, gaya ng palagay ng iba. Ito ay isa lamang pansamantalang kaayusan. Nang ang mga Kristiyano’y magsibalik na sa kanilang mga sariling tahanan, iyon ay natapos na.

Kayo ba’y nagtuturo na ang pagbibigay ng materyal na mga bagay ay isang paraan ng pagtatakip sa kasalanan?

Malayo! Ang Bibliya ay nagsasabi: “Alam ninyo na hindi sa pamamagitan ng mga bagay na nasisira, ng pilak o ginto, tinubos kayo sa inyong walang-kabuluhang paraan ng pamumuhay na inyong tinanggap sa pamamagitan ng tradisyon buhat sa inyong mga ninuno. Kundi ng mahalagang dugo, gaya ng sa korderong walang kapintasan at walang dungis, samakatuwid baga ay ang kay Kristo.”​—1 Pedro 1:18, 19.

Ang mga Saksi ni Jehova ay sumasampalataya sa haing pantubos na inihandog ni Jesus ukol sa kaligtasan. Sila’y hindi gumagawa ng kusang-loob na pag-aabuloy sa pag-asang ito’y magdadala sa kanila ng kaligtasan. Subalit, batid nila na malaking salapi ang kinakailangan upang mapalaganap ang mabuting balita ng matuwid na bagong sanlibutan ng Diyos. (2 Pedro 3:13) At kanilang inaakala na ang pag-aabuloy upang ito’y maibalita ay isang pribilehiyo na kaloob ni Jehova.

Sa pag-aabuloy ng malaki sa templo ni Jehova na itatayo ng kaniyang anak na si Solomon, si Haring David ay nanalangin: “Sa iyo, Oh Jehova, ang kadakilaan at ang kapangyarihan at ang kagandahan at ang kaluwalhatian at ang karangalan; sapagkat lahat na nangasa langit at nangasa lupa ay iyo. . . . Ngunit, sino ako at sino ang aking mga kababayan, na kami’y may kapangyarihang makapaghandog na kusa ayon sa ganitong paraan. Sapagkat ang lahat ng bagay ay nagmumula sa iyo, at ang sa iyong sarili ang aming ibinibigay sa iyo.”​—1 Cronica 29:11, 14.

Sa ngayon, ang mga Saksi ni Jehova at ang iba pang mga taong may hilig sa katuwiran ay nakadarama ng gaya ng nadama ni David. Sila’y naliligayahan na magkaroon ng pribilehiyong makapag-abuloy at tumustos sa gawaing pagpuri kay Jehova, sa pagkilala na lahat ng kanilang ibinibigay sa paglilingkuran sa kaniya ay sa kaniya rin nanggagaling. Pinagpapala ni Jehova ng espiritung ito, at ganito pinauunlad niya ang kaniyang gawain.

[Kahon sa pahina 23]

KUNG PAPAANONG ANG IBA’Y NAG-AABULOY SA GAWAING PANGKAHARIAN

◻ KALOOB: Kusang-loob na mga donasyon ng salapi ang maaaring tuwirang ipadala sa Watch Tower Society of Pennsylvania, 25 Columbia Heights, Brooklyn, New York 11201, o sa lokal na tanggapang sangay ng Samahan sa inyong bansa. Mga ari-arian na katulad ng lupa’t bahay, mga alahas o iba pang mahahalagang bagay ang maaari ring ibigay bilang donasyon. Isang maikling liham na nagsasabing ang gayon ay isang tuwirang donasyon ang dapat kasama ng mga abuloy na ito.

◻ KAAYUSAN NG KONDISYONAL NA DONASYON: Maaaring magbigay ng salapi sa Watch Tower Society upang ito ang maghawak niyaon, kasama ng probisyon na sakaling magkaroon ng personal na pangangailangan, ito’y ibabalik sa nagkaloob.

◻ SEGURO: Ang Watch Tower Society ay maaaring gawing benepisyario ng isang polisa sa seguro-sa-buhay o sa isang plano tungkol sa pagreretiro/pensiyon. Dapat ipaalam sa Samahan ang alinman sa gayong mga kaayusan.

◻ DEPOSITO (TRUSTS): Ang mga deposito sa bangko ay maaaring ilagay sa pangalan ng Samahan. Kung ito’y gagawin, pakisuyong ito’y ipagbigay-alam sa Samahan. Mga aksiyon, bono, at ari-arian ay maaari ring ibigay na donasyon sa ilalim ng isang kaayusan na pakikinabangan ito ng nagkaloob sa panahon na kaniyang ikinabubuhay. Sa pamamagitan ng pamamaraang ito maiiwasan ang gastos at kawalang-kasiguruhan ng paghaharap ng kaso sa hukuman tungkol sa naiwang ari-arian, samantalang sinisiguro na tatanggapin ng Samahan ang ari-arian, pagka namatay ang may-ari.

◻ TESTAMENTO: Ang ari-arian o salapi ay maaaring ipamana sa Watch Tower Society sa pamamagitan ng isang testamento na isinaayos ayon sa legal na paraan. Isang kopya ang dapat na ipadala sa Samahan.

Para sa higit pang impormasyon at payo para sa gayong mga bagay, sumulat kayo sa Treasurer’s Office, Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania, 25 Columbia Heights, Brooklyn, New York 11201, o sa lokal na tanggapang sangay ng Samahan.

[Larawan sa pahina 24]

Bahagi ng sentro ng pagtuturo sa Bibliya ng mga Saksi ni Jehova na itinatayo sa Patterson, New York

[Mga larawan sa pahina 25]

Pinauunlad ni Jehova ang gawaing pagtatayo na isinasagawa ng kaniyang bayan na kusang-loob na nag-aabuloy

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share