-
May Nagagawa Ba ang Aking Binabasa?Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas
-
-
Kabanata 35
May Nagagawa Ba ang Aking Binabasa?
SI Haring Solomon ay nagbabala: “Tungkol sa paggawa ng maraming aklat ay walang wakas, at ang pagtatalaga sa mga ito ay kapaguran ng katawan.” (Eclesiastes 12:12) Hindi naman sa pinahihina ni Solomon ang iyong loob na magbasa; pinapayuhan ka lamang niya na maging mapamili.
Ang 17-siglong pilosopong Pranses na si René Descartes ay nagsabi: “Kapag ang isa ay nagbabasa ng mabubuting aklat iyon ay katulad ng pakikipag-usap sa mga mahuhusay na lalaking nabuhay noong nakaraan. Maaari pa nga nating matawag na isang piling pakikipag-usap na kung saan ang autor ay nagpapahayag ng kaniyang pinakamararangal na kaisipan.” Hindi lahat ng mga manunulat, gayunman, ay karapatdapat na ‘kausapin,’ ni ang lahat ng kanilang kaisipan ay tunay na “marangal.”
Kaya ang madalas-sipiing prinsipyo sa Bibliya ay muli na namang mababanggit: “Ang masasamang kasama ay sumisira ng kapaki-pakinabang na ugali.” (1 Corinto 15:33) Oo, ang mga taong iyong sinasamahan ay makahuhubog ng iyong pagkatao. Nakaranas ka na bang gumugol ng maraming panahon kasama ng isang kaibigan na sa gayo’y nasumpungan mo ang iyong sarili na kumikilos, nagsasalita, at maging nag-iisip na katulad ng iyong kaibigan? Bueno, ang pagbabasa ng isang aklat ay katulad lamang ng paggugol ng mga oras sa pakikipag-usap sa isa na sumulat niyaon.
Ang prinsipyo na sinabi ni Jesus sa Mateo 24:15 sa gayon ay may kaugnayan: “Hayaang unawain ng bumabasa.” Matutong suriin at timbang-timbangin ang iyong binabasa. Ang lahat ng mga tao ay nakararanas ng ilang pagkiling at hindi laging lubusang tapat sa kanilang pagsasalarawan ng mga pangyayari. Huwag, kung gayon, basta tanggapin nang walang tanung-tanong ang lahat ng iyong nababasa o naririnig: “Pinaniniwalaan ng musmos ang bawat salita, ngunit ang matalino ay tumitinging mabuti sa kaniyang paglakad.”—Kawikaan 14:15.
Ikaw ay dapat na partikular na maging maingat tungkol sa pagbasa ng anumang nagpapaliwanag sa pilosopiya ng buhay. Ang magasing ’Teen, halimbawa, ay punung-puno ng mga payo tungkol sa lahat ng bagay mula sa pakikipag-date hanggang sa pakikipagtalik bago ang kasal—mga payong hindi laging dapat na sundin ng isang Kristiyano. At kumusta naman ang mga aklat na tumatalakay sa mabibigat na pilosopikong mga pagtatanong?
Ang Bibliya ay nagbababala: “Mag-ingat kayo: baka may bumihag sa inyo sa pamamagitan ng pilosopya at walang kabuluhang pagdaraya ayon sa sali’t saling sabi ng mga tao, ayon sa mga pasimulang aral ng sanlibutan . . . at hindi ayon kay Kristo.” (Colosas 2:8) Ang Bibliya, at ang mga salig-sa-Bibliyang babasahing gaya nito, ay nag-aalok ng mas mabubuting payo.—2 Timoteo 3:16.
Mga Nobelang Romansa—Di-nakapipinsalang Basahin?
Ang pagbabasa ng mga nobelang romansa ay naging isang nakagugumong gawi para sa mga 20 milyong mga tao sa Estados Unidos lamang. Siyempre pa ang Diyos mismo ay naglakip sa lalaki at babae ng paghahangad na umibig at mag-asawa. (Genesis 1:27, 28; 2:23, 24) Hindi katakataka, kung gayon, na ang romansa ay litaw na itinatampok sa halos lahat ng mga kuwentong-katha, at hindi naman ito laging masama. Ang ilang mga nobelang romansa ay nagkamit pa man din ng katayuan bilang napakainam na pánitikan. Subalit yamang ang mas matatandang nobelang ito ay itinuring na walang kasigla-sigla ng modernong mga pamantayan, nasumpungan ng mga manunulat na hindi pa huli upang maglabas ng isang bagong suplay ng mga nobelang romansa. Ang ilan ay gumagamit pa rin ng mga makasaysayan o sinaunang panahong mga tagpo upang magdagdag ng drama at damdamin sa istorya. Ang iba ay may istilo at tagpong ayon sa panahon ngayon. Gayumpaman, bagaman may ilang munting pagbabago, ang mga modernong nobelang romansang ito ay sumusunod sa medyo madaling hulaang pormula: ang mga bidang lalaki at babae ay nagtatagumpay sa mahihirap na mga hadlang na nagbabanta sa kanilang umuusbong na pag-iibigan.
Karaniwan na, ang bidang lalaki ay isang malakas, hambog pa, isang lalaking kinakikitaan ng pagtitiwala-sa-sarili. Ang bidang babae, samantala, ay maselan at maramdamin, madalas na ang bidang lalaki ay mas matanda ng 10 o 15 taon. At bagaman madalas na hinahamak ang babae, hindi niya mapaglabanang maakit pa rin sa kaniya.
Madalas na may karibal na manliligaw. Bagaman siya’y mabait at makonsiderasyon, nabibigo pa rin siyang mapukaw o makuha ang interes ng bidang babae. Kaya naman ginagamit ng babae ang kaniyang mapandayang alindog upang hubugin ang kaniyang matiising bayani tungo sa isang mapagmahal na kaluluwa na ngayo’y lantarang ipinahahayag ang kaniyang walang maliw na pag-ibig. Ang lahat ng dating mga pag-aalinlangan ay nawala na at pinatawad na, sila’y maligayang nagpakasal at namuhay nang maligaya pagkatapos . . .
Ang Pag-ibig ba ay Katulad ng mga Kuwento ng Pag-ibig?
Ang pagbabasa ba ng mga ganitong yari sa guniguning mga kuwento ay nagpapalabo sa iyong paningin sa katotohanan? Si Bonnie, na nagsimulang magbasa ng mga nobelang romansa sa edad na 16, ay umaalala: “Naghahanap ako ng isang kabataang lalaki na mataas, kayumanggi at magandang lalaki; isa na kasasabikan, na may dominanteng personalidad.” Nagtapat siya: “Kapag ako’y nakikipag-date sa isang lalaki at hindi niya gustong humalik at humawak, wala siyang kalatuy-latoy, kahit na siya ay makonsiderasyon at mabait. Gusto ko ang pananabik na nababasa ko sa mga nobela.”
Si Bonnie ay nagpatuloy pa sa kaniyang pagbabasa ng mga romansa pagkatapos ng kaniyang pag-aasawa at ang sabi niya: “May kasiya-siya akong tahanan at pamilya, subalit kahit papaano ay parang may kulang . . . Gusto ko ng pakikipagsapalaran, kasabikan at pangingilig na gaya ng buong pang-aakit na inilalarawan sa mga nobela. Naiisip kong may kulang sa aking pag-aasawa.” Ang Bibliya, gayunman, ay tumulong kay Bonnie na kilalanin na ang isang asawang lalaki ay kailangang maglaan sa kaniyang asawang babae ng higit pa kaysa panghalina o “kasabikan.” Sinasabi nito: “Dapat ibigin ng mga asawang lalaki ang kani-kanilang asawa tulad ng sarili nilang katawan. Ang umiibig sa asawa niya ay umiibig sa sarili niya, sapagkat wala pang lalaking napoot sa sarili niyang laman; kundi pinakakain niya ito at inaalagaan ito.”—Efeso 5:28, 29.
At kumusta naman ang mga temang palasak na palasak sa mga nobelang romansa, na ang mga katapusan ng istorya ay Utopian (naniniwalang ang pagsasamahan ng mga tao ay sakdal) at na madaling malutas ang mga di-pagkakaunawaan? Bueno, ang mga iyon ay malayo sa katotohanan. Naaalaala pa ni Bonnie: “Nang kami’y magkaroon ng di-pagkakaunawaan ng aking asawa, sa halip na ipakipag-usap ko iyon sa kaniya, ay ginaya ko ang paraan na ginawa ng bidang babae. Nang ang aking asawa ay hindi kumilos nang tulad sa ikinilos ng bidang lalaki, nagtampo ako.” Hindi ba mas higit na makatotohanan at mas praktikal ang payo ng Bibliya para sa mga asawang babae kapag sinasabi nito: “Kayong mga babae, pasakop kayo sa inyu-inyong asawa”?—Colosas 3:18.
Ang Nilalaman Tungkol sa Sekso
Kapuna-puna, ang malinaw na tungkol sa seksong mga romansa—na mababasa sa mga aklatang pampubliko sa ilang mga lungsod—ay siyang gustung-gusto ng mga kabataan. Makapipinsala ba ang mga ito sa iyo? Ganito ang paliwanag ng 18-taóng-gulang na si Karen: “Ang mga aklat ay totoong pumupukaw ng aking matinding seksuwal na damdamin at pagkausyoso. Ang lubos na kasiyahan at kagalakan na nadama ng bidang babae sa mga maaapoy na tagpo nila ng bidang lalaki ay naging dahilan upang ako’y magnasa ng gayunding damdamin. Kaya kapag ako’y nakikipag-date,” ang pagpapatuloy niya, “sinusubok kong damhin ang gayong mga pakiramdam. Iyon ang nagbunsod sa akin sa pakikiapid.” Subalit ang kaniya bang karanasan ay kagaya ng sa mga bidang babae na nabasa niya at pinapangarap? Natuklasan ni Karen na: “Ang mga damdaming ito ay bungang-isip lamang ng mga manunulat. Hindi ito totoo.”
Ang paglikha ng mga seksuwal na pangarapin ay tunay na siyang intensiyon ng ilang mga autor. Tingnan ang mga instruksiyon na ibinibigay ng isang tagapaglathala sa mga autor ng nobelang romansa: “Ang mga tagpo na panseksuwal ay dapat na magbigay-diin sa maapoy at punung-puno ng pag-ibig na damdaming pinupukaw sa pamamagitan ng mga halik at haplos ng bidang lalaki.” Ang mga manunulat ay pinayuhan pa na ang mga kuwento ng pag-ibig ay “dapat na makapagpasabik, makapagpaigting at makapagpakilos sa matinding emosyon at hilig ng laman ng mga mambabasa.” Maliwanag, na ang pagbabasa ng gayong mga materyales ay hindi makatutulong upang masunod ang babala ng Bibliya na “patayin nga ninyo ang mga sangkap ng inyong katawan na nasa ibabaw ng lupa kung tungkol sa pakikiapid, karumihan, pagkagahaman sa sekso, masamang nasa.”—Colosas 3:5.
Ang Pagiging Mapamili
Pinakamabuti, kung gayon, na iwasan ang mga nobelang pumupukaw sa imoral na damdamin o na nagiging sanhi ng di-makatotohanang mga inaasahan. Bakit hindi magpalit at subukang magbasa ng ibang uri ng mga aklat, gaya ng mga aklat sa kasaysayan o sa siyensiya? Hindi naman sa ipinagbabawal ang kuwentong-katha, sa dahilang may mga gawang katha na hindi lamang nakaaaliw kundi nakapagtuturo rin naman. Subalit kapag ang nobela ay nagtatampok ng sekso, walang kabuluhang karahasan, mga kahiwagaan, o mga “bida” na mahalay, malupit, o masakim, dapat mo bang aksayahin ang iyong panahon sa pagbabasa nito?
Kaya mag-ingat. Bago basahin ang isang aklat, suriin muna ang pabalat at kalakip na pabalat (book jacket) niyaon; tingnan kung mayroong bagay na hindi kanais-nais tungkol sa aklat. At kung sa kabila ng pag-iingat ay nasumpungan mong ang isang aklat ay hindi mabuti, magkaroon ng paninidigan na ibaba ang aklat.
Sa kabilang dako naman, ang pagbabasa ng Bibliya at mga salig-sa-Bibliyang publikasyon ay makatutulong, hindi makapipinsala, sa iyo. Isang Haponesa, halimbawa, ay nagsasabi na ang pagbabasa ng Bibliya ay tumulong sa kaniya na mapanatili ang kaniyang isipan na hiwalay sa sekso—na madalas na problema ng mga kabataan. “Lagi kong inilalagay ang Bibliya sa tabi ng aking higaan at tinitiyak na binabasa iyon bago matulog,” ang sabi niya. “Sa panahong ako’y nag-iisa at walang ginagawa (tulad sa panahon ng pagtulog) ang aking isipan kung minsan ay tumutungo sa sekso. Kaya ang pagbabasa ng Bibliya ay tunay na tumutulong sa akin!” Oo, ang “pakikipag-usap” sa mga taong ang pananampalataya ay nakaulat sa Bibliya ay makapagbibigay sa iyo ng tunay na katatagan sa moral at makadaragdag nang malaki sa iyong kagalakan.—Roma 15:4.
Mga Tanong para sa Talakayan
◻ Bakit dapat kang maging mapamili sa iyong binabasa?
◻ Bakit ang mga nobelang romansa ay kawili-wili sa maraming kabataan? Subalit ano ang kapanganiban ng mga ito?
◻ Papaano ka makapipili ng angkop na babasahin?
◻ Ano ang ilan sa mga kapakinabangan ng pagbabasa ng Bibliya at mga salig-sa-Bibliyang publikasyon?
[Blurb sa pahina 287]
“May kasiya-siya akong tahanan at pamilya, subalit kahit papaano ay parang may kulang . . . Gusto ko ng pakikipagsapalaran, kasabikan at pangingilig na gaya ng buong pang-aakit na inilalarawan sa mga nobela. Naiisip kong may kulang sa aking pag-aasawa”
[Larawan sa pahina 283]
Sa libu-libong mga aklat na mababasa, dapat kang maging mapamili
[Mga Larawan sa pahina 285]
Ang nobelang romansa ay nakawiwiling basahin, ngunit ang mga iyon ba ay nagtuturo ng isang kapaki-pakinabang na pangmalas sa pag-ibig at pag-aasawa?
-
-
Papaano Ko Mapipigil ang Aking Hilig sa Panonood ng TV?Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas
-
-
Kabanata 36
Papaano Ko Mapipigil ang Aking Hilig sa Panonood ng TV?
PARA sa marami, bata at matanda, ang panonood ng TV ay umaabot sa malubhang pagkagumon. Ang surbey ay nagpapakita na sa edad na 18 ang isang karaniwang kabataang Amerikano ay makagugugol ng mga 15,000 oras sa panonood ng TV! At na ang pagkasangkot sa isang tunay na pagkagumon ay nahahalata kapag ang pusakal na mga tagapanood na ito ay sumusubok na alisin na ang hilig na ito.
“Nakita kong ang panonood ng TV ay napakahirap paglabanan. Kapag bukás na ang set, hindi ko iyon maiwasan. Hindi ko iyon mapatáy. . . . Kapag inaabót ko na ang set para patayin, nawawalan ng lakas ang aking mga bisig. Kaya naman nauupo na lamang ako roon nang mahabang oras.” Isa ba itong walang-gulang na kabataan? Hindi, ito’y isang propesor sa Ingles sa kolehiyo! Subalit ang mga kabataan man ay maaaring maging sugapa sa TV. Bigyang-pansin ang mga reaksiyon ng ilan na sumang-ayon sa isang “Linggong Walang TV”:
“Nakadarama ako ng pamimighati . . . Parang masisira ang aking ulo.”—Labindalawang-taóng-gulang na si Susan.
“Parang hindi ko kayang maalis ang hilig. Gayon na lamang ang aking pagkakagusto sa TV.”—Labintatlong-taóng gulang na si Linda.
“Ang panggigipit ay gayon na lamang. Nananatili sa akin ang simbuyo ng pagnanais. Ang pinakamahirap na sandali ay sa gabi sa pagitan ng alas otso at alas diyes.”—Labing-isang-taóng gulang na si Louis.
Hindi katakataka kung gayon na ang karamihan sa kabataang kasangkot ay nagdiriwang pagsapit ng katapusan ng “Linggong Walang TV” anupa’t halos mabaliw-baliw sa pagmamadali ng pagbubukás ng TV set. Subalit hindi ito dapat pagtawanan, ang pagkasugapa sa TV ay nagdadala ng maraming posibleng mga problema. Isaalang-alang ang ilan lamang sa mga ito:
Pagbaba ng mga marka: Ang National Institute of Mental Health (E.U.) ay nag-ulat na ang labis na panonood ng TV ay maaaring umakay sa “mas mababang nagagawa sa paaralan, lalo na sa pagbasa.” Ang aklat na The Literacy Hoax ay nagpaparatang pa: “Ang epekto ng telebisyon sa mga bata ay na ito’y lumilikha ng pag-asang ang pagkatuto ay dapat na maging madali lamang, walang ginagawa, at nakalilibang.” Ang isang sugapa sa TV sa gayon ay nakasusumpong na ang pag-aaral ay isang mahirap na bagay.
Di-mabuting ugali sa pagbasa: Kailan mo huling dinampot ang isang aklat at binasa iyon mula sa pasimula hanggang katapusan? Isang tagapagsalita para sa West German Association of Book Dealers ay buong lungkot na nagsabi: “Tayo’y naging isang bansa ng mga taong umuuwi sa kanilang tahanan pagkatapos ng trabaho at nakakatulog sa harap ng telebisyon. Pakaunti nang pakaunti ang ating pagbasa.” Ang isang ulat sa Australya ay nagsabi rin nang ganito: “Sa bawat isang oras na ginagamit sa pagbasa, ang isang karaniwang batang Australyano ay gumugugol ng pitong oras sa panonood ng telebisyon.”
Nababawasan ang pakikisama sa pamilya: Ganito ang sulat ng isang Kristiyanong babae: “Dahilan sa labis na panonood ng TV . . . Ako’y labis na nalulungkot at nakadarama na parang napawalay. Para bang ang [aking] pamilya ay mga ibang taong lahat.” Nasusumpungan mo rin ba ang iyong sarili na nababawasan ang panahon sa pakikisama sa iyong pamilya dahilan sa TV?
Katamaran: Ang ilan ay nag-iisip na ang pagiging walang ginagawa sa harap ng TV “ay maaaring umakay sa [isang kabataan] na umasang ang [kaniyang] pangangailangan ay matatamo nang walang pagsisikap at gayundin sa isang walang kibong pagharap sa buhay.”
Pagiging lantad sa di-kanais-nais na mga impluwensiya: Ang ilang mga istasyon ng telebisyon ay nagdadala ng pornograpiya sa tahanan. At ang regular na mga programa ay palaging naglalaan ng tungkol sa mga banggaan ng kotse, mga pagpapasabog, pananaksak, pamamaril, at mga sipa ng karate. Sang-ayon sa isang pagtantiya, ang isang kabataan sa Estados Unidos ay makasasaksi ng pagpatay sa 18,000 mga tao sa TV sa panahong siya ay 14-na-taóng-gulang, puwera pa ang mga suntukan at katampalasanan.
Ang Britanong mananaliksik na si William Belson ay nakasumpong na ang mga lalaking lumaki sa mararahas na mga panoorin sa TV ay malamang na “mapasangkot sa malubhang uri ng karahasan.” Sinabi rin niya na ang karahasan sa TV ay makapagbubuyo sa “pagmumura at paggamit ng malaswang salita, kapusukan sa isport o laro, pagbabanta ng karahasan sa ibang bata, pagsulat sa mga pader, [at] paninira ng mga bintana.” Samantalang iniisip mong hindi ka tatablan ng gayong mga impluwensiya, ang pagsusuri ni Belson ay nakasumpong na ang pagkalantad sa karahasan sa TV ay hindi “nagpabago [sa] may kabatirang mga saloobin ng mga bata tungkol sa” karahasan. Ang palagiang panonood ng karahasan ay nag-aalis sa kanilang natatago-sa-kaisipang mga pagtutol laban sa karahasan.
Subalit ang mas nakababahala ay ang epekto na idudulot ng pagkasugapa sa karahasan sa TV may kinalaman sa relasyon ng isa sa Diyos na ‘napopoot sa isa na umiibig sa karahasan.’—Awit 11:5.
Papaano Ko Mapipigil ang Aking Panonood?
Hindi naman ito nangangahulugan na ang TV ay dapat malasin bilang likas na masama. Ang manunulat na si Vance Packard ay nagpaliwanag: “Marami sa mga napapanood sa telebisyon sa E.U. ay kapaki-pakinabanag . . . Madalas ay may mga panggabing mga palabas ng tunay na napakagagandang nagagawa ng potograpiya na ipinakikita ang gawa ng kalikasan—mula sa pagkilos ng mga paniki, beavers, bison hanggang sa mga isda. Ang telebisyong pampubliko ay may kaakit-akit na ballet, opera, at musika. Ang TV ay napakahusay rin sa pagkuha ng mga mahahalagang pangyayari . . . Paminsan-minsan ang TV ay nagpapalabas ng nakapagtuturong mga dula.”
Gayumpaman, kapag sobra sa isang bagay kahit na mabuti ay maaari ring makasamâ. (Ihambing ang Kawikaan 25:27.) At kapag nasumpungan mong kulang ka sa pagpipigil-sa-sarili upang isara ang nakasasamang mga palabas, makabubuti na alalahanin ang mga salita ni apostol Pablo: “Hindi ako pasasakop sa kapangyarihan ng anuman.” (1 Corinto 6:12, Today’s English Version) Papaano ka, kung gayon, makalalaya mula sa pagkaalipin sa TV at mapigil ang iyong panonood?
Ang manunulat na si Linda Nielsen ay pumapansin: “Ang pagpipigil-sa-sarili ay nagsisimula sa paglalagay ng mga tunguhin.” Una, suriin ang iyong kasalukuyang hilig. Sa loob ng isang linggo, bilangin mo kung anu-anong palabas ang iyong pinanonood at kung gaanong panahon ang iyong ginugugol sa bawat araw sa harap ng TV. Binubuksan mo ba agad ito pagdating na pagdating ng bahay? Kailan mo ito pinapatay? Ilang mga palabas ang “kailangang panoorin” linggu-linggo? Maaaring magulat ka sa mga resulta.
Pagkatapos ay tingnang mabuti ang palabas na iyong pinanonood. “Hindi ba lumilitis ng mga salita ang pakinig gaya ng ngalangala na lumalasa ng pagkain niya?” ang tanong ng Bibliya. (Job 12:11) Kaya gumamit ng kaunawaan (kasama ng payo ng iyong mga magulang) at suriin kung aling palabas ang tunay na karapatdapat panoorin. Ang ilan ay tumitiyak sa pasimula pa lamang kung aling palabas ang kanilang panonoorin at binubuksan ang TV sa mga palabas na iyon lamang! Ang iba ay gumagawa ng mas istriktong hakbang, na may alituntuning walang-telebisyon-sa-mga-araw-na-may-pasok o isang-oras-sa-isang-araw na limitasyon.
Subalit ano kung ang tahimik na TV set ay napatunayang isang matinding tukso? Ang isang pamilya ay lumutas ng suliranin sa ganitong paraan: “Inilagay namin ang aming set sa basement para hindi namin nakikita . . . Sa basement mas kakaunti ang tukso na basta buksan iyon pagdating ng bahay. Kailangang sadyain mo pa iyon sa ibaba upang makapanood ka.” Ang paglalagay ng iyong set sa isang munting silid, o kaya’y iwanan iyong hindi nakasaksak, ay mabisang paraan na maaaring gawin.
Kapansin-pansin, sa gitna ng kanilang ‘hirap sa pag-iwas sa panonood’ ang mga kabataang lumalahok sa “Linggong Walang TV” ay nakasumpong ng ilang positibong panghalili sa TV. Isang batang babae ang nakaalaala: “Nakipag-usap ako kay Inay. Siya’y naging mas interesanteng tao sa aking paningin, sapagkat ang aking atensiyon ay hindi nababahagi sa kaniya at sa telebisyon.” Ang isa pang batang babae ay nagpalipas ng oras sa pagluluto. Isang batang lalaki na nagngangalang Jason ang nakatuklas na mas nakatutuwang pumunta “sa parke sa halip na manood ng TV,” o mangisda, magbasa, o pumunta sa beach.
Ang karanasan ni Wyant (tingnan ang nakalakip na pinamagatang “Ako’y isang Sugapa sa TV”) ay naglalarawan na ang isa pang susi sa pagpigil sa panonood ng TV ay ang pagkakaroon ng “maraming gawain sa Panginoon.” (1 Corinto 15:58) Ikaw man ay makasusumpong na ang paglapit sa Diyos, na pinag-aaralan ang Bibliya sa tulong ng maraming mabubuting publikasyon na magagamit, at pinapagiging abala ang sarili sa gawain ng Diyos ay tutulong sa iyo na mapagtagumpayan ang pagkasugapa sa TV. (Santiago 4:8) Totoo, ang pagbabawas sa iyong panonood ng TV ay mangangahulugan na hindi mo mapapanood ang ilan sa iyong mga paboritong palabas. Subalit bakit nga ba dapat mong hustuhin ang panonood ng TV, na parang aliping sinusubaybayan ang bawat palabas? (Tingnan ang 1 Corinto 7:29, 31.) Mas mabuti na maging ‘matatag’ ka sa iyong sarili na tulad ni apostol Pablo, na minsang nagsabi: “Hinahampas ko ang aking katawan at sinusupil na parang alipin.” (1 Corinto 9:27) Hindi ba mas mabuti ito kaysa maging alipin ka ng isang TV set?
Mga Tanong para sa Talakayan
◻ Bakit ang panonood ng TV ay maaaring tawaging pagkagumon para sa ilang mga kabataan?
◻ Ano ang ilan sa mga posibleng nakapipinsalang epekto ng labis na panonood ng TV?
◻ Ano ang ilang paraan ng pagpigil sa panonood ng TV?
◻ Ano ang maaari mong gawin sa halip na manood ng TV?
[Blurb sa pahina 295]
“Nakadarama ako ng pamimighati . . . Parang masisira ang aking ulo.”—Labindalawang-taóng-gulang na si Susan, isang kalahok sa “Linggong Walang TV”
[Kahon sa pahina 292, 293]
‘Ako’y Isang Sugapa sa TV’—Isang Interbiyu
Tagapagpanayam: Ilang taon ka noon nang masilo ka ng TV?
Wyant: Mga sampung taon. Pagdating na pagdating ko sa bahay galing sa paaralan, binubuksan ko agad ang TV. Una, pinanonood ko ang mga cartoons at mga programang pambata. Pagkatapos ay susundan naman ng balita, . . . at pupunta ako sa kusina at maghahanap ng makakain. Pagkatapos noon, babalik ako sa TV at manonood hanggang sa antukin ako.
Tagapagpanayam: Subalit kailan ka nagkakapanahon sa iyong mga kaibigan?
Wyant: Ang kaibigan ko ay ang TV.
Tagapagpanayam: Kung gayon ay hindi ka nagkapanahon kailanman sa paglalaro at isport?
Wyant: [nagtatawa] Wala akong kakayahan sa paglalaro. Sa dahilang lagi akong nanonood ng TV, hindi ko kailanman napaunlad ang mga yaon. Isa akong teribleng manlalaro ng basketbol. At sa klase namin sa gym ako ang laging huling pinipili. Bagaman, pinapangarap ko rin na mapaunlad kahit kaunti ang aking kakayahan sa paglalaro—hindi naman para maipagyabang ko iyon, kundi para lamang masiyahan ako kahit na papaano.
Tagapagpanayam: Kumusta naman ang iyong mga marka?
Wyant: Nakapasa naman ako sa grammar school. Nagpupuyat ako at ginagawa ko ang aking araling-bahay sa huling minuto. Subalit mas mahirap sa haiskul dahil nasanay na ako sa hindi tamang paraan ng pag-aaral.
Tagapagpanayam: Ang panonood ba ng TV ay nakaapekto sa iyo?
Wyant: Oo, kung minsan kapag ako’y kasama ng mga tao, nasusumpungan ko ang aking sarili na basta nanonood lamang sa kanila—para bang nanonood ako ng talk show sa TV—sa halip na makibahagi sa usapan. Sana’y mas mahusay akong makipag-usap sa mga tao.
Tagapagpanayam: Bueno, mahusay naman ang nagawa mo sa pag-uusap na ito. Maliwanag na napagtagumpayan mo na ang iyong pagkagumon.
Wyant: Sinimulan kong tigilan ang TV pagkatapos na pumasok ako sa haiskul. . . . Hinanap ko ang pakikisama ng mga kabataang Saksi at nagsimulang gumawa ng espirituwal na pagsulong.
Tagapagpanayam: Subalit ano ang kinalaman nito sa iyong panonood ng TV?
Wyant: Habang lumalaki ang aking pagpapahalaga sa espirituwal na mga bagay, napagtanto ko na ang marami sa mga palabas na dati kong pinanonood ay hindi para sa mga Kristiyano. Gayundin, naisip kong kailangan pa ang higit na pag-aaral ng Bibliya at maghanda sa Kristiyanong mga pagpupulong. Iyan ay nangahulugan ng pagputol sa halos lahat ng panonood ng TV. Gayunman, hindi iyon madali. Gustung-gusto ko noon ang Sabado-ng-umagang mga cartoon. Subalit isang Kristiyanong kapatid na lalaki sa kongregasyon ang nag-anyaya sa akin na sumama sa kaniya sa bahay-bahay na gawaing pangangaral sa Sabado ng umaga. Iyan ang pumutol ng aking bisyong panonood ng TV tuwing Sabado. Kaya sa katapusan ay tunay na natutuhan kong bawasan ang aking panonood ng TV.
Tagapagpanayam: Kumusta naman ngayon?
Wyant: Bueno, may problema pa rin ako na kapag bukás ang TV, wala akong magawa. Kaya palaging nakasara iyon. Ang totoo, ang aking TV ay nasira mga ilang buwan na ang nakalilipas at ni hindi ko iyon pinagagawa.
[Larawan sa pahina 291]
Ang panonood ng TV ay isang malubhang pagkagumon para sa ilan
[Larawan sa pahina 294]
Kapag ang telebisyon ay inilagay sa isang hindi kombinyenteng lugar, mas kakaunti ang tukso na buksan iyon
-
-
Bakit Hindi Ako Maaaring Magsaya Paminsan-minsan?Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas
-
-
Kabanata 37
Bakit Hindi Ako Maaaring Magsaya Paminsan-minsan?
TUWING Biyernes ng gabi, si Paulinea ay dumadalo sa mga Kristiyanong pagpupulong. Nasisiyahan siya sa mga talakayan, subalit kung minsan ay dinaramdam niya ang bagay na siya’y naroroon samantalang ang kaniyang mga kaibigan sa paaralan ay nasa labas at nagsasaya.
Kapag tapos na ang pulong, nadaraanan ni Pauline ang isang lokal na paboritong tipunan ng mga kabataan pauwi sa kanila. Natatandaan niya: “Dahil naaakit ako ng malalakas na tugtugin at nagliliwanag na mga ilaw, idinidikit ko ang aking ilong sa bintana kapag dumaraan kami at sabik na nangangarap sa kasiyahang tiyak na kanilang nadarama.” Hanggang sa dumating ang panahon na ang pagnanais niya na magsaya kasama ng kaniyang mga kaibigan ay maging pinakamahalagang bagay sa kaniyang buhay.
Tulad ni Pauline, maaaring kung minsan ay nakadarama ka na dahil sa ikaw ay isang Kristiyano, mayroon kang bagay na hindi nagagawa. Gusto mong mapanood ang palabas sa TV na iyon na pinag-uusapan ng lahat, ngunit ang sabi ng iyong mga magulang iyon ay masyadong marahas. Gusto mong pumunta sa mall at maglumagi roon kasama ng mga kabataan sa paaralan, subalit tinatawag sila ng iyong mga magulang na “masasamang kasama.” (1 Corinto 15:33) Gusto mong dumalo sa kasayahang iyon na dadaluhan ng lahat ng iyong mga kaeskuwela, subalit ang sabi ng Itay at Inay ay hindi maaari.
Ang iyong mga kaeskuwela ay paroo’t parito kailanma’t gusto nila, sa mga konsiyerto at pakikipagkasayahan hanggang madaling araw na hindi pinipigilan ng kanilang mga magulang. Sa gayon ay nasusumpungan mo ang iyong sarili na naiinggit sa kanilang kalayaan. Hindi naman sa ibig mong gumawa ng masama. Ibig mo lamang magsaya paminsan-minsan.
Libangan—Ang Pangmalas ng Diyos
Makaaasa ka na wala namang masama sa pagnanais na magsaya. Tutal, si Jehova ay “ang maligayang Diyos.” (1 Timoteo 1:11) At sa pamamagitan ng pantas na lalaking si Solomon, sinabi Niya: “Binata, ikaw ay magalak sa iyong kabataan. Magsaya ka habang ikaw ay nasa iyong kabataan. Gawin mo ang nais mong gawin, at sundin mo ang naisin ng iyong puso.” Gayumpaman, pagkatapos ay nagbabala si Solomon: “Tandaan mo na ang Diyos ay hahatol sa iyo sa anumang iyong ginagawa.”—Eclesiastes 11:9, 10, Today’s English Version.
Sa pagkaalam na ikaw ang mananagot sa Diyos ng iyong sariling mga gawain, ito’y naglalagay sa libangan sa isang lubusang naiibang liwanag. Sapagkat samantalang hindi naman hinahatulan ng Diyos ang isa sa pagsasaya, hindi naman niya sinasang-ayunan ang isa na ‘maibigin sa kalayawan,’ isang taong hindi mabubuhay kung walang kasayahan. (2 Timoteo 3:1, 4) Bakit ganito? Isaalang-alang si Haring Solomon. Sa paggamit niya sa kaniyang di-maubos na kayamanan, nalasap niya ang lahat ng kalayawan na maaaring isipin ng tao. Sinasabi niya: “Anumang ninasa ng aking mga mata ay hindi ko ipinagkait. Hindi ko pinigil ang aking puso sa anumang kagalakan.” Ang resulta? “Narito! lahat ay walang kabuluhan at nauuwi sa wala.” (Eclesiastes 2:10, 11) Oo, alam ng Diyos na sa bandang huli, ang naghahanap-kalayawang buhay ay mag-iiwan sa iyong hungkag at bigo.
Ang Diyos ay nag-uutos din na lumayo ka sa maruruming gawain, gaya ng pag-abuso sa droga at pakikipagtalik bago ang kasal. (2 Corinto 7:1) Gayunman, ang marami sa mga bagay na kinatutuwaan ng mga tinedyer ay umaakay sa pagkasilo ng isa sa ganitong mga gawain. Isang batang babae, halimbawa, ay nagpasiyang dumalo nang walang kasama sa isang pagtitipon ng ilang mga kaeskuwela. “Ang musika sa stereo ay napakalakas, umaatikabong sayawan, nasa ayos ang pagkain at puro tawanan,” ang nagugunita niya. Subalit, “may nagdala ng pot. Pagkatapos ay alak. Diyan nagsimulang magkaloku-loko ang lahat.” Ang seksuwal na imoralidad ang naging bunga. Inamin ng batang babae: “Naging miserable at malulungkutin ako mula noon.” Kapag walang pangangasiwa ng mga matatanda, napakadaling maging “walang-taros na kasayahan” o katakut-takot na pagkakatuwaan ang ganoong mga pagtitipon!—Galacia 5:21, Byington.
Hindi katakataka na ang iyong mga magulang ay maging gayon na lamang ang pagmamalasakit tungkol sa kung papaano mo ginugugol ang iyong libreng panahon, marahil tinatakdaan kung saan ka lamang maaaring pumunta at kung sino ang dapat mong kasamahin. Ang kanilang motibo? Upang matulungan kang unawain ang babala ng Diyos: “Ilayo mo ang alalahanin sa iyong puso, at ilagan mo ang kasakunaan sa iyong katawan; sapagkat ang kabataan at ang kasariwaan ng buhay ay walang kabuluhan.”—Eclesiastes 11:10.
Naiinggit Ka ba sa mga Naghahanap ng Kalayawan?
Madaling malimutan ang lahat na ito at kainggitan ang kalayaang sa wari’y tinatamasa ng ilang mga kabataan. Si Pauline ay huminto sa pagdalo sa mga Kristiyanong pagpupulong at nakisama sa grupo ng mga naghahanap ng kalayawan. “Nasumpungan ko ang aking sarili na gumagawa ng lahat ng mga maling gawaing ibinababala sa akin,” naaalaala niya. Ang pagpapakalabis sa kalayawan ni Pauline ay nagbunga sa wakas ng pag-aresto sa kaniya at paglalagay sa kaniya sa isang paaralan para sa nagkasalang mga batang babae!
Matagal na panahon na ang nakalilipas ang manunulat ng Awit 73 ay may damdaming katulad ng kay Pauline. “Ako’y nanaghili sa hambog, nang aking makita ang kaginhawahan ng masasama,” ipinagtapat niya. Pinag-alinlanganan pa man din niya ang kahalagahan ng pamumuhay sa makatuwirang mga prinsipyo. “Tunay na walang kabuluhan ang pagkalinis ko sa aking puso at ang pagkahugas ko sa aking mga kamay sa kawalang-sala,” ang sabi niya. Subalit isang malalim na kaunawaan ang sumapit sa kaniya: Ang masasamang tao ay “nasa madulas na lupa,” pahapay-hapay sa bingit ng kapahamakan!—Awit 73:3, 13, 18.
Natutuhan ito ni Pauline—sa mahirap na paraan. Pagkaraan ng kaniyang makasanlibutang layaw, gumawa siya ng malaking pagbabago sa kaniyang buhay upang matamo-muli ang pagsang-ayon ng Diyos. Ikaw, sa kabilang panig, ay hindi kailangang dumanas ng pag-aresto, magkaroon ng isang nakahahawang sakit sa sekso, o dumanas ng mga paghihirap sa epekto ng droga upang mapagtanto na ang hantungan ng isang ‘kasayahan’ ay maaaring maging masaklap. May maraming mga kapaki-pakinabang, nakapagpapalakas na mga paraan upang magsaya na ligtas sa gayong mga kapanganiban. Ano ang ilan sa mga yaon?
Kapaki-pakinabang na mga Kasayahan
Ang isang surbey sa mga kabataang Amerikano ay nagbunyag na ang mga tinedyer ay “nasisiyahan sa paminsan-minsang paglabas at mga gawain ng pamilya.” Ang paggawang magkakasama bilang isang pamilya ay hindi lamang nakatutuwa kundi nagdaragdag din naman sa pagkakaisa ng pamilya.
Ito’y nangangahulugan nang higit pa kaysa sa panonood lamang ng TV na sama-sama. Ang sabi ni Dr. Anthony Pietropinto: “Ang problema sa panonood ng telebisyon ay na, samantalang ito’y ginagawa kasama ng iba, pangunahin nang ito’y isang gawaing pang-isahan. . . . Gayunman, ang mga libangang tulad ng mga larong ginaganap sa loob ng bahay, mga isport na panlabas, mga talakayan sa pagluluto, paggawa ng mga proyekto, at ang pagbabasa nang malakas ay naglalaan ng mas maraming pagkakataon sa pakikipag-usap, pakikipagtulungan, at pagpapasigla sa pangkaisipan kaysa nagagawa ng walang-kibong pagkaabala sa panonood ng TV ng modernong pamilya.” Gaya ng sabi ni John, ama ng pito: ‘Kahit na ang paglilinis ng bakuran o ang pagpipinta ng bahay ay maaaring maging nakatutuwa kapag ito’y ginawa bilang isang pamilya.’
Kung ang iyong pamilya ay hindi na nagsasagawa nito nang sama-sama, mauna ka at imungkahi mo ang mga yaon sa iyong mga magulang. Subukang magbigay ng mga interesante at nakapananabik na mga ideya para sa mga pampamilyang pagliliwaliw o mga proyekto.
Gayunman, hindi kailangang laging kasama ka ng iba upang bigyang-kasiyahan ang sarili. Si Mary, isang kabataan na nag-iingat sa kaniyang pakikisama, ay natutuhan kung papaano siya masisiyahan kahit nag-iisa. “Tumutugtog ako ng piyano at biyolin, at gumugugol ako ng panahon sa pag-eensayo ng mga yaon,” ang sabi niya. Si Melissa, isa pang dalagita, ay gayundin ang sabi: “Kung minsan ay ginugugol ko ang panahon sa pagsusulat ng kuwento o tulain para sa aking sariling kasiyahan.” Ikaw man ay matututong gamitin ang panahon nang mabunga sa pamamagitan ng pagpapaunlad sa mga kasanayang gaya ng pagbabasa, pagkakarpintero, o pagtugtog ng mga instrumento.
Mga Pagtitipong Kristiyano
Sa pana-panahon, nakatutuwa rin naman na magsama-sama ang magkakaibigan. At sa maraming mga lugar ay may ilang mga kapaki-pakinabang na mga gawaing ikasisiya mo. Ang pagboboling, pag-iisketing, pamimisikleta, paglalaro ng besbol, at basketbol ay popular sa Hilagang Amerika. Puwede ring dagdagan mo pa at subukang pumunta sa isang museo o sa isang zoo. At, oo, may isang lugar na makapagsasama-sama kayo at makapagpatugtog ng mga plaka o manood ng kapaki-pakinabang na palabas sa TV kasama ng ibang Kristiyanong mga kabataan.
Maaari mo rin namang hilingan ang iyong mga magulang na tulungan kang magplano ng isang mas pormal na pagtitipon. Gawin mo iyong kapana-panabik sa pamamagitan ng pagsasaayos ng iba’t ibang mga gawain, gaya ng mga laro at pangkatang pag-awit. Kung ang ilan sa iyong mga kaibigan ay may mga katangiang pangmusika, baka puwede silang suyuing magpalabas nang kahit kaunti. Ang mabuting pagkain ay nakadaragdag sa isang okasyon, subalit hindi kailangang maging espesyal o mahal. Kung minsan ang mga bisita ay nagdadala ng kani-kanilang mga pagkain.
Mayroon bang isang parke o isang lugar sa malapit na maaaring makapaglaro ng bola o kaya’y lumangoy? Bakit hindi magplano na magpiknik? Muli, ang mga pamilya ay maaaring magdala ng mga pagkain upang sa gayon ay walang isang mabibigatan.
Ang susi ay ang pagiging katamtaman lamang. Ang tugtugin ay hindi kailangang nakabibingi upang maging kasiya-siya, ni kailangang ang sayaw ay maging magaspang o mahalay upang katuwaan. Sa katulad na paraan, ang mga larong panlabas ay maaaring maging kasiya-siya nang walang puspusang kompetisyon. Gayunman, ganito ang ulat ng isang magulang: “Ang ilang mga kabataan kung minsan ay nagtatalo, halos sa puntong nag-aaway na.” Panatilihing nakasisiya ang gayong mga gawain sa pamamagitan ng pagsunod sa payo ng Bibliya upang maiwasan ang ‘pagpapaligsahan sa isa’t isa.’—Galacia 5:26.
Sino ang iyong aanyayahan? Ang sabi ng Bibliya, “Ibigin ninyo ang buong kapatiran.” (1 Pedro 2:17) Bakit lilimitahan ang iyong pakikipagtipon sa kaedad mo? Palawakin ang iyong pakikipagsamahan. (Ihambing ang 2 Corinto 6:13.) Ang isang magulang ay pumansin: “Ang mga may edad, bagaman hindi madalas na kasali sa ilang mga gawain, ay nasisiyahan sa pagdalo at panonood sa mga nagaganap.” Ang pagkanaroroon ng mga matatanda ay malimit na tumutulong na maiwasan ang paglihis ng mga bagay-bagay. Sabihin pa, imposible na maanyayahan “ang buong samahan” sa isang pagtitipon. Bukod dito, ang maliit na pagtitipon ay mas madaling makontrol.
Ang Kristiyanong pagtitipon ay nagbibigay rin ng pagkakataon na magpalakasan sa espirituwal. Totoo, may ilang mga kabataang nag-iisip na ang pagdaragdag ng espirituwalidad sa isang pagtitipon ay nakapag-aalis ng katuwaan. “Nang magkaroon kami ng pagtitipon,” ang reklamo ng isang Kristiyanong batang lalaki, “iyon ay, ‘Maupo, ilabas ang iyong Bibliya, at maglaro ng Bible games.’” Gayunman, ang mang-aawit ay nagsabi: “Maligaya ang tao . . . [na ang] kasayahan ay nasa kautusan ni Jehova.” (Awit 1:1, 2) Ang mga talakayan—o maging ang mga laro—na nakasentro sa Bibliya ay sa gayon maaaring maging kasiya-siya. Marahil kailangan lamang ang paghahasa ng iyong kaalaman sa Kasulatan upang makasali nang lubusan.
Ang isa pang ideya ay ang pagkakaroon ng ilang magsasalaysay kung papaano sila naging mga Kristiyano. O dagdagan ng kaunting init at tawanan sa pamamagitan ng pag-anyaya sa ilan na maglahad ng nakatutuwang mga kuwento. Madalas na ito’y nagtuturo ng mahahalagang leksiyon. Ang ilang mga kabanata sa aklat na ito ay maaaring bumuo ng saligan para sa isang kapana-panabik na talakayan ng grupo sa isang pagtitipon.
Panatilihing Balanse ang Paglilibang!
Si Jesu-Kristo ay hindi natatangi sa pagkakaroon ng kasiyahan paminsan-minsan. Ang Bibliya ay bumabanggit ng kaniyang pagdalo sa isang pagdiriwang ng kasalan sa Cana, na kung saan ang mga pagkain, tugtugan, sayawan, at nakapagpapalakas na pagsasamahan ay walang alinlangang sagana. Si Jesus ay nag-abuloy pa man din sa ikapagtatagumpay ng pagdiriwang ng kasalan sa pamamagitan ng makahimalang paglalaan ng alak!—Juan 2:3-11.
Subalit ang buhay ni Jesus ay hindi naman walang-katapusang kasayahan. Ginugol niya ang karamihan ng kaniyang panahon sa pagtataguyod ng espirituwal na mga interes, sa pagtuturo sa mga tao ng kalooban ng Diyos. Ang sabi niya: “Ang pagkain ko ay ang aking gawin ang kalooban ng sa akin ay nagsugo, at tapusin ang kaniyang gawa.” (Juan 4:34) Ang paggawa ng kalooban ng Diyos ay nagdulot kay Jesus ng walang katapusang kasiyahan kaysa sa idinudulot ng ilang mga pansamantalang libangan. Sa ngayon, “sumasagana [pa rin] sa gawa ng Panginoon.” (1 Corinto 15:58; Mateo 24:14) Subalit kapag, sa pana-panahon, nakadarama ka ng pangangailangan sa ilang mga libangan, tamasahin iyon sa isang balanse, kapaki-pakinabang na paraan. Gaya ng pagkaturing dito ng isang manunulat: “Ang buhay ay hindi maaaring palaging punung-puno ng aksiyon at katuwaan—at malamang na mapapagod ka rin kung gayon nga!”
[Talababa]
a Hindi niya tunay na pangalan.
Mga Tanong para sa Talakayan
◻ Bakit ang ilang mga kabataang Kristiyano ay nananaghili sa mga kabataan ng sanlibutan? Nadama mo na rin ba ang ganito?
◻ Anong babala ang ibinibigay ng Diyos sa mga kabataan may kinalaman sa kanilang pag-uugali, at papaano ito nakaaapekto sa kanilang pagpili ng libangan?
◻ Bakit kamangmangan na managhili sa mga kabataang sumusuway sa mga batas at prinsipyo ng Diyos?
◻ Ano ang ilang mga paraan upang masiyahan sa kapaki-pakinabang na mga libangan (1) kasama ng mga miyembro ng pamilya, (2) nang nag-iisa, at (3) kasama ng kapuwa mga Kristiyano?
◻ Papaano nagpakita ng halimbawa si Jesus sa pagiging balanse may kinalaman sa paglilibang?
[Blurb sa pahina 297]
“Dahil naaakit ako ng malalakas na tugtugin at nagliliwanag na mga ilaw, idinidikit ko ang aking ilong sa bintana kapag dumaraan kami at sabik na nangangarap sa kasiyahang tiyak na kanilang nadarama”
[Blurb sa pahina 302]
“May nagdala ng pot. Pagkatapos ay alak. Diyan nagsimulang magkaloku-loko ang lahat”
[Larawan sa pahina 299]
Ang mga kabataan ba na sumusunod sa mga prinsipyo ng Bibliya ay talagang nawawalan ng kasiyahan?
[Mga Larawan sa pahina 300]
Ang pagkakaroon ng hobby ay isang kapaki-pakinabang na paraan ng paggamit ng libreng panahon
[Mga Larawan sa pahina 301]
Ang Kristiyanong mga pagtitipon ay mas nakasisiya kapag ang mga bagay-bagay ay isinaplano at dinaluhan ng may iba’t ibang antas ng edad
-