Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Bahagi 10—Sakdal na Gobyerno sa Wakas!
    Gumising!—1990 | Disyembre 22
    • Tinimbang ang Pamamahala ng Tao

      Bahagi 10​—Sakdal na Gobyerno sa Wakas!

      Teokrasya: mula sa salitang Griego na “the·osʹ” (diyos) at “kraʹtos” (isang pamamahala); samakatuwid, isang gobyerno sa pangangasiwa o pamamahala ng Diyos, kung minsan sa pamamagitan ng hinirang na mga kinatawan.

      KUNG kaya mong bumili ng isang tunay na kuwintas na perlas o isang singsing na brilyante, masisiyahan ka ba sa isang mahinang imitasyon ng tunay na bagay? Marahil ay hindi, maliban na lamang kung ikaw ay nadayang maniwala na ang binibili mo ay ang pinakamahusay sa makukuha mo.

      Kung tungkol sa gobyerno, daan-daang angaw na mga tao ang nadaya na maniwala na ang nakukuha nila ay ang pinakamahusay na makukuha nila. Sa katunayan ang nakukuha nila ay mahinang mga imitasyon. Hindi kataka-taka na sila’y nasisiraan ng loob, hindi nasisiyahan, at bigo.

      Ang Paghahanap sa Mabuting Gobyerno

      Si William Ralph Inge, dating dekano ng Simbahang Anglicano sa St. Paul’s Cathedral, London, ay sumulat noong 1922: “Ang mabuting gobyerno ay siya pa ring pinakadakilang pagpapala ng tao, at walang bansa ang nagtamasa nito.” Bakit?

      Ang bahagyang paliwanag ay masusumpungan sa mga salita ni John F. Kennedy, ika-35 presidente ng Estados Unidos. “Walang gobyerno ang bubuti pa sa mga tao na bumubuo nito,” sabi niya. Yamang karamihan ng likas na matalinong pulitiko ay di-sakdal, lahat ng gobyernong itinatag ng tao ay tiyak na mabibigo.

      Tama ang ikalabimpitong-siglong mandudulang Ingles na si Philip Massinger nang isulat niya: “Siya na mamamahala sa iba, ay dapat munang maging panginoon ng kaniyang sarili.” Subalit sino nga sa di-sakdal na tao ang talagang panginoon ng kaniyang sarili? Tunay, walang pulitiko ang may sapat na kaalaman at karunungan upang kontrolin ang mga pangyayari at mga kalagayan at sa gayo’y tiyakin ang kaniya mismong kaligayahan at kapakanan, gaano pa kaya ang kaligayahan at kapakanan ng angaw-angaw na mga kapuwa tao. At kahit na kung siya ay laging nakagagawa ng tamang mga pasiya, wala siyang kapangyarihan na isagawa ang lahat ng ito.

      Kinikilala ang problema, ang Amerikanong manunulat ng sanaysay na si Brooks Atkinson ay naghinuha noong 1951: “Kailangan natin ng mga superman na mamahala sa atin​—ang gawain ay napakalaki at ang pangangailangan para sa matalinong pasiya ay lubhang apurahan. Subalit, sa abâ,” aniya, “walang mga superman.” Ngayon, pagkalipas ng apat ng dekada, wala pa ring mga superman.

      Sa katunayan, hindi kailanman nilayon ng Diyos para sa mga tao na mamahala sa kanilang sarili. Upang magtamasa ng sakdal na gobyerno, higit pa kaysa mga gobyerno na pinamamahalaan ng mga superman ang kailangan ng tao. Kailangan nila ang teokrasya, ang gobyerno ng Diyos.

      Anong Uri ng Teokrasya?

      Ang teokrasya ang uri ng gobyerno na umiral sa Eden, kung saan inilagay ng Diyos ang unang mag-asawang tao. Bilang makatuwirang Soberano, orihinal na pinamahalaan ng Diyos ang mga bagay at gumaganap ng autoridad.

      Nang unang likhain ng Judiong mananalaysay na si Flavius Josephus ang Griegong salitang isinaling “teokrasya” mga 19 na siglo ang nakalipas, ginamit niya ito upang tukuyin ang sinaunang bansang Israel. Ito ay isang tamang pagpapakilala, yamang ang Israel noong panahong iyon ay isang piniling bayan ng Diyos. Ito ay aktuwal na pinamahalaan niya, bagaman ang kaniyang pamamahala ay isinasagawa sa pamamagitan ng mga kinatawan sa lupa.​—Deuteronomio 7:6; 1 Cronica 29:23.

      Nang ang katagang “teokrasya” ay ipakilala sa ibang wika, ito sa simula ay natatakdaan sa kahulugan na nilayon ni Josephus. Subalit nang maglaon ito ay nagkaroon ng karagdagang mga kahulugan. Sang-ayon sa The Encyclopedia of Religion, ito ay “malawakang ikinapit sa iba’t ibang kaso gaya sa Ehipto noong panahon ng mga faraon, sa sinaunang Israel, sa Sangkakristiyanuhan noong Edad Medya, sa Calvinismo, Islam, at sa Budismo ng Tibet.”

      Sabi ng mananalaysay na si W. L. Warren na mayroon “sa monarkiya ng Inglatera ng isang elemento ng teokratikong pagkahari​—ang hari bilang ang punong instrumento sa panukala ng Diyos para sa pagsasaayos ng daigdig, ang hari bilang kinatawan ng Diyos at tagagawad-ng-hatol.” Sa modernong panahon ang salita ay ginamit pa nga, sabi ni Dewey Wallace, Jr., ng George Washington University, bilang isang pananalita ng “ ‘naliwanagang’ paghamak sa ‘punô-ng-saserdoteng’ lipunan.”

      Ang maraming kahulugan ngayon ng salita ay nagpapahintulot sa pag-iral ng maraming uri ng teokrasya. Aling uri ang kailangan natin?

      Huwad na mga Teokrasya

      Ang unang gobyerno ng tao na naitala sa kasaysayan ay itinatag ni Nimrod mga 4,000 taon na ang nakalipas. Ginawa ng apo-sa-tuhod na ito ni Noe ang kaniyang sarili na hari at naging, gaya ng pagkakalarawan sa kaniya sa Bibliya, “isang makapangyarihang mangangaso laban kay Jehova.” (Genesis 10:​8, 9) Sa paggawa sa kaniyang sarili bilang pinuno na laban kay Jehova, ginawa ni Nimrod ang kaniyang sarili na isang pulitikal na diyos. Bilang gayon, taglay niya ang pagtaguyod ng pangunahing kaaway ng Diyos, ang huwad na diyos na si Satanas na Diyablo. (2 Corinto 4:4) Kaya ang pamamahala ni Nimrod ay isang panghuhuwad ng tunay na teokrasya.

      Nang ang mga maninirahan sa imperyo ni Nimrod ay mangalat nang dakong huli sa buong lupa, patuloy na ipinalalagay ng mga tao na ang kanilang mga gobyerno ay teokratiko, yaon ay, ang kapangyarihan nito ay galing sa diyos o mga diyos na sinasamba nila. (Genesis 11:​1-9) Sa gayon ang “teokrasya” ay ginamit, sabi ng The Encyclopedia of Religion, “upang ilarawan ang unang yugto ng sinaunang sibilisasyon sa silangan kung saan walang pagkakaiba sa pagitan ng relihiyon at ng estado.”

      Sa ibang kultura, gaya ng Ehipto sa ilalim ng mga Faraon, ang hari ay ipinalalagay na asawa ng isang dakilang diyosa o anak ng isang diyos. Ang ibang kultura ay walang gaanong sinasabi tungkol sa ipinalalagay na dibinong mga katangian o pinagmulan ng hari, bagkus ay idiniriin ang ideya ng pagkapili sa kaniya ng Diyos. Sa Gresya noong panahon ni Alexander at pagkatapos noon, ang hari ay itinuturing na dibino, sabi ng aklat na A History of Political Theory, “sapagkat pinangyari niya ang pagkakaisa sa kaniyang kaharian kung paanong pinangyayari ng Diyos ang pagkakaisa sa daigdig.” Ang aklat na ito sa kasaysayan ay nagpapatuloy: “Taglay niya ang pagkadibino na hindi taglay ng karaniwang tao at na nagdala ng kapahamakan sa hindi karapat-dapat na mang-aagaw na nag-aangkin sa mataas na tungkulin nang walang basbas ng Langit.”

      Ang ideyang ito na ang hari ay dibino ay dinala sa tinatawag na panahong Kristiyano. Pagkatapos na makumberte ang mga tribong Teutoniko sa Katolisismo, ang prestihiyo ng hari ay tumaas. Ang pagpuputong ng korona na isinasagawa ng simbahan ay nagpapahiwatig na ang Diyos mismo ang pumili sa hari na mamahala. Mula rito, ang doktrina na nakilala bilang ang banal na karapatan ng mga hari ay unti-unting nabuo.

      Bago pa man ang panahong “Kristiyano,” ginawa ng mga Cesar ng Roma ang kanilang gobyerno na teokratiko sa pag-aangkin ng pagkadiyos. Sa paninging Romano, ang pamamahala ng tao ay katumbas ng pamamahala-ng-diyos, ginagawa ang kanilang gobyerno, na kahawig ng gobyerno ni Nimrod, na isang huwad na teokrasya. Kaya nang tanggihan ng mga klerigong Judio noong unang siglo C.E. si Jesus bilang ang hinaharap na Hari, na ang sabi, “Wala kaming hari maliban kay Cesar,” sila, sa katunayan, ay nagpapahayag ng pagpili nila sa isang huwad na teokrasya sa halip na sa tunay na teokrasya na ipinangangaral ni Jesus.​—Juan 19:15.

      Yamang ang teokratikong pamamahala ni Jehova ay lubhang nakahihigit sa anumang ibang anyo ng pamamahala, hindi kataka-taka, sinisikap ni Satanas na ilakip ang ilan sa mga aspekto nito sa kaniyang gawang-tao na mga panghuhuwad​—subalit bigo. Lahat ng sariling-istilong mga teokrasyang ito ay malayung-malayo sa uliran. Sa katunayan, wala rito ang pinamahalaan ng Diyos o ng kaniyang mga kinatawan. Ang mga ito ay mahinang imitasyon ng tunay na bagay, mga kapahayagan ng di-sakdal na pamamahala ng tao sa ilalim ng pangangasiwa ng isang huwad na diyos.

      Angkop kung gayon, tinatawag ng Bibliya ang diyos na ito na “pinuno ng sanlibutang ito” at “ang diyos ng sistemang ito ng mga bagay.” (Juan 12:31; 14:30; 2 Corinto 4:4) Iyan ang dahilan kung bakit naialok niya ang “lahat ng kaharian ng sanlibutan at ang kanilang kaluwalhatian” kay Jesus, isang tukso na matatag na tinanggihan ni Jesus. (Mateo 4:​8-10) Palibhasa’y nalalaman na ang tunay na teokrasya ay pinamamahalaan ng isang tunay na Diyos, si Jehova, si Jesus ay hindi nadayang tanggapin ang gawang-taong mga kahalili na walang kakayahang magpahayag ng sakdal na pagkakatimbang ng mga katangian ng Diyos na masusumpungan sa tunay na teokrasya.

      Malapit Na ang Sakdal na Gobyerno

      Ilang taon na ang nakalipas, si Hugh Brogan ng University of Essex ay naghinuha: “Kung ililigtas ng tao, ang pulitikal na hayop, ang kaniyang sarili at ang kaniyang mga sibilisasyon, hindi pa rin siya titigil sa paghahanap ng bagong mga anyo ng gobyerno upang matugunan ang bagong mga pangangailangan ng kaniyang panahon.” Mula noong panahon ni Nimrod, gayon nga ang ginagawa ng mga tao, paulit-ulit na bumabalangkas ng bagong mga anyo ng gobyerno upang matugunan ang mga pangangailangan ng panahon. Subalit gaano karaming panahon ang kailangan upang patunayan na ang pamamahala ng tao ay talagang hindi uubra?

      Mabuti naman, noong 1914 dumating ang panahon para sa walang saysay na pag-eeksperimento sa pamamahala ng tao ay hamunin sa pamamagitan ng pagtatatag sa langit ng Mesianikong Kaharian ni Jehova!a Mula noong 1914, ang mga gobyerno ng tao, bagaman umiiral pa rin, ay nabubuhay sa hiram na panahon. (Daniel 7:12) Tayo’y nabubuhay sa panahon na ipinakikilala ng Bibliya bilang “ang mga huling araw.” (2 Timoteo 3:​1-5) Napakaliwanag ng sulat-kamay sa pader na nagbabadya ng nalalapit na pagkawasak ng pamamahala ng tao anupa’t mapapansin ito ng sinuman. Maaari itong waling-bahala, subalit hindi ito mabubura.

      Ang teokratikong pamamahala sa pamamagitan ng Mesianikong Kaharian ni Jehova ay kinakatawan sa Bibliya sa Daniel kabanata 2 ng isang bato “na tinapyas hindi ng mga kamay” na “tumama sa larawan [simbolikong pamamahala ng tao] sa paa nito na bakal at luwad at dinurog ang mga iyon.” Nangangahulugan ito na malapit nang tamaan ng natatag na Kaharian ng Diyos ang masamang pamamahala ng tao sa lahat ng anyo nito, dudurugin ito. Gaano kalubusan? Ang Bibliya ay sumasagot: “Noon ang bakal, ang luwad, ang tanso, ang pilak at ang ginto ay magkakasamang nagkadurug-durog at naging parang ipa buhat sa giikan kung tag-araw, at ang mga ito ay tinangay ng hangin at hindi nag-iwan ng ano mang bakas.”​—Daniel 2:​34, 35.

      Kung ang masamang mga gobyerno ng tao ay lubusang aalisin anupa’t walang bakas na matitira, maliwanag na ang mga tagapagtaguyod ng pamamahala ng tao ay napapaharap sa mahihirap na panahon. Kinikilala ang bagay na ito, nakikita ng angaw-angaw na mga tao ang karunungan ng paglilipat ng kanilang tiwala mula sa bulok na pamamahala ng tao tungo sa isang bagay na mas mabuti. Tanging ang pamamahala ng Diyos na Jehova, ang Maylikha ng sansinukob, ang makalulutas sa mga problema na dala ng libu-libong taon ng masamang pamamahala at pangangasiwa ng tao. Tanging ang tunay na teokrasya lamang ang makatutugon sa mga pangangailangan ng ating panahon.

      Inaasahan ng Gumising! na ang sampung-bahaging serye ng “Tinimbang ang Pamamahala ng Tao” ay nagkintal sa inyong isip ng kahalagahan ng paggawa ng personal na disisyon tungkol sa paksang ito may kaugnayan sa gobyerno. At higit sa lahat inaasahang ito’y tutulong sa inyo na gumawa ng matalinong disisyon. Ang pamamahala ng tao ay tinimbang sa timbangan at nasumpungang kulang. Ano ang pipiliin mo? Ito ba’y ang huwad o tunay na bagay? Ito ba’y ang pamamahala ng tao o ang pamamahala ng tunay na Diyos, si Jehova?​—Daniel 2:44; Mateo 6:10.

      [Talababa]

      a Para sa katunayan na ang Kaharian ng Diyos ay naitatag noong 1914 at na ang sanlibutang ito ay nasa mga huling araw na mula noon, tingnan ang mga kabanatang 16 at 18 ng aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa, inilathala noong 1982 ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

      [Kahon sa pahina 22]

      Kung Ano ang Gagawin ng Teokratikong Pamamahala ni Jehova

      ◆ Isasauli sa kalakasan ng kabataan ang mahihinang matatanda na.​—Job 33:25.

      ◆ Gagawing lipas na bagay ang mga digmaan.​—Awit 46:9; Isaias 9:7.

      ◆ Paglalaanan ang bawat pamilya ng ekselenteng pabahay.​—Isaias 65:21.

      ◆ Pagagalingin ang may sakit at ang may kapansansan.​—Isaias 33:24; 35:​5, 6.

      ◆ Bubuhayin-muli ang mga patay.​—Isaias 25:8; Gawa 24:15; Apocalipsis 20:13.

      ◆ Aalisin ang katiwalian, imoralidad, at krimen sa lupa.​—Kawikaan 2:​21, 22.

      ◆ Maglalaan ng saganang pagkain para sa lahat.​—Awit 72:16; Isaias 25:6.

      ◆ Isasauli ang mapayapang kaugnayan sa pagitan ng mga tao at ng mga hayop.​—Isaias 11:​6-9; Ezekiel 34:25.

      ◆ Ang lahat ay bibigyan ng makabuluhan at kapaki-pakinabang na gawain.​—Isaias 65:​22, 23.

      ◆ Ang lupa ay gagawing isang pangglobong paraiso.​—Isaias 35:​1, 6, 7; Lucas 23:43.

      Ang mga ito ay hindi hungkag na pulitikal na mga pangako ng tao; ang mga ito’y pangako ng Diyos, at “hindi maaaring magsinungaling ang Diyos.”​—Hebreo 6:18.

      [Larawan sa pahina 24]

      Ang walang-hanggang mga pagpapala ng sakdal na gobyerno ay maaaring maging iyo!

  • Mga Punungkahoy na Nagpaparusa sa mga Magnanakaw
    Gumising!—1990 | Disyembre 22
    • Mga Punungkahoy na Nagpaparusa sa mga Magnanakaw

      Sa ilang bansa ang Christmas tree ay itinuturing na mahalagang-mahalaga sa pagdiriwang ng Pasko, subalit hindi lahat ng nagnanais ng isang puno ay handang magbayad para sa isa nito. Ang mga parke at tinamnang mga right-of-way ng maraming haywey sa Estados Unidos ay sinalakay ng mga magnanakaw ng punungkahoy. Sa paghahanap ng ulirang puno ng fir, spruce, o pino, pinuputol at hinihila ito ng mga magnanakaw kahit na sino pa man ang may-ari ng lupa.

      Ang ibang estado ay nagsimulang gumanti. Noong Kapaskuhan ng nakaraang taon, sinimulang ispreyhan ng mga autoridad sa iba’t ibang rehiyon sa gawing hilaga ang ilang mga punungkahoy ng natatanging kemikal. Hindi ito napapansin sa lamig sa labas ng bahay, subalit minsang ang puno ay nasa loob na ng mainit na sala ng magnanakaw, maaamoy na ang kemikal. Sang-ayon sa The Wall Street Journal, ito ay mabaho na “parang pabrika ng abono.”

      Tinataya ng direktor ng parke sa Monroe, Connecticut, na ang bayan ay nawalan ng daan-daang mga punungkahoy dahil sa mga magnanakaw sa nakalipas na mga taon. Subalit mula nang ang mga opisyal ng bayan ay naglagay ng paunawa sa lokal na mga pahayagan na nagbababala sa mga magnanakaw na ang magagandang punungkahoy ay, sa katunayan, mabahong mga bomba, umunti ang mga pagnanakaw.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share