Ang Pinakadakilang Tao na Nabuhay Kailanman
ANG sinumang tao ba ay walang-alinlangang matatawag na pinakadakilang tao na nabuhay kailanman? Papaano mo susukatin ang kadakilaan ng isang tao? Sa pamamagitan ba ng kaniyang katalinuhang pangmilitar? ng kaniyang pisikal na kalakasan? ng kaniyang di-pangkaraniwang talino?
Ang historyador na si H. G. Wells ay nagsabi na ang kadakilaan ng isang tao ay masusukat sa pamamagitan ng ‘mga iniwan niya upang pasulungin, at kung pinasimulan niyang mag-isip ang iba ng mga bagong kaalaman na may sigasig na gaya niya.’ Si Wells, bagaman hindi nagsasabing siya’y isang Kristiyano, ay umamin: “Sa sukatang ito si Jesus ang nangunguna.”
Sina Alejandrong Dakila, Carlomagno (tinaguriang “ang Dakila” kahit na noong panahong nabubuhay pa siya), at Napoleon Bonaparte ay makapangyarihang mga pinunò. Sa kanilang kakila-kilabot na pamamahala, sila’y namayani sa kanilang nasasakupan. Gayunman, iniulat na si Napoleon ay nagsabi: “Nahikayat at napamahalaan ni Jesu-Kristo ang Kaniyang nasasakupan kahit hindi Siya nakikita.”
Sa pamamagitan ng kaniyang mabisang pagtuturo at sa paraan kung papaanong siya’y namuhay nang naaayon doon, matinding naapektuhan ni Jesus ang buhay ng mga tao sa loob ng halos dalawang libong taon. Gaya ng angkop na pagkakasabi ng isang manunulat: “Lahat ng mga hukbo na nagmartsa kailanman, at lahat ng mga hukbong-dagat na naitatag kailanman, at lahat ng mga kongresong inupuan kailanman, lahat ng mga haring namahala kailanman, kahit na ang mga ito’y pagsama-samahin pa ay hindi nakaapekto sa buhay ng tao sa lupang ito nang gayong katindi.”
Isang Makasaysayang Tao
Gayunman, nakapagtataka, ang ilan ay nagsasabing si Jesus ay hindi nabuhay kailanman.—na siya, sa katunayan, ay likha ng ilang mga tao noong unang siglo. Bilang sagot sa mga nag-aalinlangang ito, ang iginagalang na historyador na si Will Durant ay nangatuwiran: “Na ang ilang simpleng tao sa isang lahi ay makaimbento ng isang mapuwersa at kawili-wiling personalidad, napakatayog na tuntuning moral at nakapupukaw na pangitain ng pagkakapatiran ng mga tao, ay isang himala na totoong di-kapani-paniwala kaysa anumang napaulat sa mga Ebanghelyo.”
Tanungin ang sarili: Ang isang tao ba na hindi kailanman nabuhay ay makaaapekto sa kasaysayan ng tao nang gayon na lamang? Ang reperensiyang aklat na The Historians’ History of the World ay nakapansin: “Ang makasaysayang resulta ng mga gawain [ni Jesus] ay higit na mahalaga, kahit na sa paniniwalang sekular, kaysa mga gawa ng sinumang tauhan ng kasaysayan. Ang isang bagong kapanahunan, na kinilala ng pangunahing sibilisasyon ng daigdig, ay nakapetsa mula sa kaniyang kapanganakan.”
Oo, pag-isipan ito. Kahit na ang mga kalendaryo sa ngayon ay batay sa taon na ipinalagay na kapanganakan ni Jesus. “Ang mga petsa bago ng taóng iyon ay itinala bilang B.C., o before Christ (bago kay Kristo),” ang paliwanag ng The World Book Encyclopedia. “Ang mga petsa pagkaraan ng taóng iyon ay itinala bilang A.D., o anno Domini (sa taon ng ating Panginoon).”
Gayunman, ang mga kritiko ay nagpakita na ang lahat ng ating nalalaman tungkol kay Jesus ay matatagpuan sa Bibliya. Wala nang iba pang kasabay na mga ulat tungkol sa kaniya ang umiiral, ang sabi nila. Maging si H. G. Wells ay sumulat: “Lubusang di-pinag-ukulan ng pansin ng matatandang historyador na Romano si Jesus; wala siyang iniwang bakas sa mga ulat ng kasaysayan ng kaniyang kapanahunan.” Subalit totoo ba ito?
Bagaman ang mga pagtukoy kay Jesus ng mga sinaunang historyador ay kakaunti, ang mga pagtukoy na iyon ay tunay. Si Cornelio Tacito, isang iginagalang na unang-siglong historyador na Romano, ay sumulat: “Ang salitang [Kristiyano] ay mula sa Kristo, na ipinapatáy ng procurador na si Poncio Pilato sa panahon ng paghahari ni Tiberio.” Sina Suetonius at Pliny ang Nakababata, iba pang manunulat na Romano noon, ay bumanggit din kay Kristo. Bukod doon, si Flavio Josephus, isang Judiong historyador noong unang siglo, ay sumulat tungkol kay Santiago, na ipinakilala niya bilang “kapatid ni Jesus, na tinawag na Kristo.”
Ang The New Encyclopædia Britannica sa gayon ay nagpalagay: “Ang sariling mga ulat na ito ay nagpapatunay na noong sinaunang panahon maging ang mga kaaway ng Kristiyanismo ay hindi kailanman nag-alinlangan sa pagiging totoo ng kasaysayan ni Jesus, na tinutulan sa unang pagkakataon nang walang sapat na dahilan noong katapusan ng ika-18 siglo, noong panahon ng ika-19 na siglo, at noong pasimula ng ika-20 siglo.”
Gayunman, ang totoo, lahat ng napag-alaman tungkol kay Jesus ay itinala ng kaniyang mga tagasunod noong unang siglo. Ang kanilang mga ulat ay iningatan sa mga Ebanghelyo—ang mga aklat ng Bibliya na isinulat nina Mateo, Marcos, Lucas, at Juan. Ano ang sinasabi ng mga ulat na ito tungkol sa pagkakakilanlan ni Jesus?
Sino ba Siyang Talaga?
Inisip-isip ng mga kasamahan ni Jesus noong unang siglo ang katanungang iyan. Nang makita nilang makahimalang sinaway ni Jesus ang hinahampas-ng-hanging karagatan upang tumahimik, gayon na lamang ang kanilang pagtataka: “Sino bang talaga ito?” Pagkaraan, sa iba pang pagkakataon, tinanong ni Jesus ang kaniyang mga apostol: “Ano ang sabi ninyo kung sino ako?”—Marcos 4:41; Mateo 16:15.
Kung ikaw ang tinanong ng katanungang iyon, papaano mo sasagutin? Si Jesus ba, sa totoo, ay Diyos? Marami sa ngayon ang nagsasabi na gayon nga. Ngunit, ang kaniyang mga kasamahan ay hindi kailanman naniwala na siya nga’y Diyos. Ang sagot ni apostol Pedro sa tanong ni Jesus ay: “Ikaw ang Kristo, ang Anak ng Diyos na buháy.”—Mateo 16:16.
Hindi kailanman inangkin ni Jesus na siya’y Diyos, ngunit inamin niya na siya ang ipinangakong Mesiyas, o Kristo. Sinabi rin niya na siya ang “Anak ng Diyos,” hindi ang Diyos. (Juan 4:25, 26; 10:36) Gayunman, hindi sinasabi ng Bibliya na si Jesus ay katulad din ng karaniwang tao. Siya’y isang natatanging persona sapagkat nilalang siya ng Diyos bago ang lahat ng mga bagay. (Colosas 1:15) Sa di-mabilang na mga bilyong taon, bago pa man din lalangin ang nakikitang uniberso, si Jesus ay nabubuhay bilang isang espiritung persona sa langit at nasisiyahan sa malapít na pakikisama sa kaniyang Ama, ang Diyos na Jehova, ang Dakilang Manlalalang.—Kawikaan 8:22, 27-31.
Pagkatapos, makalipas ang mga dalawang libong taon, inilipat ng Diyos ang buhay ng kaniyang Anak sa sinapupunan ng isang babae, at si Jesus ay naging isang taong anak ng Diyos, na ipinanganak sa karaniwang paraan sa pamamagitan ng isang babae. (Galacia 4:4) Habang si Jesus ay nabubuo sa sinapupunan at samantalang siya’y lumalaki bilang isang batang lalaki, siya’y umasa sa kanila na pinili ng Diyos upang maging kaniyang makalupang mga magulang. Sa wakas sumapit si Jesus sa kaniyang hustong-gulang, at ipinaalaala sa kaniya ang dating pakikisama niya sa Diyos sa langit.—Juan 8:23; 17:5.
Kung Bakit Siya Naging Pinakadakila
Sa dahilang tinularan niya ang kaniyang makalangit na Ama, si Jesus ay naging pinakadakilang tao na nabuhay kailanman. Bilang isang tapat na Anak, pinarisan ni Jesus ang kaniyang Ama na kagayang-kagaya anupa’t nasabi niya sa kaniyang mga tagasunod: “Siya na nakakita sa akin ay nakakita sa Ama.” (Juan 14:9, 10) Sa lahat ng pagkakataon dito sa lupa, ginawa niya ang lahat ng maaari ring ginawa ng kaniyang Ama, ang Diyos na makapangyarihan-sa-lahat. “Wala akong ginagawa sa ganang sarili ko,” ang paliwanag ni Jesus, “kundi kung ano ang itinuro sa akin ng Ama ay gayon ko sinasalita ang mga bagay na ito.” (Juan 8:28) Kaya kapag pinag-aaralan natin ang buhay ni Jesu-Kristo, tayo, sa katunayan, ay nakakakita ng isang malinaw na larawan ng kung ano nga ang katulad ng Diyos.
Sa gayon, bagaman inamin ni apostol Juan na “walang taong nakakita sa Diyos,” naisulat pa rin niya na “Ang Diyos ay pag-ibig.” (Juan 1:18; 1 Juan 4:8) Nagawa ito ni apostol Juan sapagkat napag-alaman niya ang pag-ibig ng Diyos sa pamamagitan ng nakita niya kay Jesus, na siyang ganap na larawan ng kaniyang Ama. Si Jesus ay maawain, mabait, mapagpakumbaba, at madaling lapitan. Nakadarama ng kaginhawahan ang mahina at api kapag kasama siya, gaya ng nadama ng lahat ng uri ng mga tao—mga lalaki, mga babae, mga bata, mayayaman, mahihirap, mga makapangyarihan, kahit na mga taong may mabibigat na pagkakasala. Sila lamang na may masasamang puso ang umayaw sa kaniya.
Mangyari pa, hindi lamang tinuruan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na ibigin ang isa’t isa, kundi ipinakita niya sa kanila kung papaano. “Kung papaanong inibig ko kayo,” aniya, “ganiyan din kayo [dapat] mag-ibigan sa isa’t isa.” (Juan 13:34) Sa pagkakilala na “ang pag-ibig ni Kristo,” ang paliwanag ng isa sa kaniyang mga apostol, “ay nakahihigit sa kaalaman.” (Efeso 3:19) Oo, ang pag-ibig na ipinakita ni Jesus ay nakahihigit kaysa mataas na antas ng kaalaman at “pumipilit” sa iba na tugunin iyon. (2 Corinto 5:14) Kaya nga, ang nakahihigit na halimbawa ng pag-ibig ni Jesus, lalo na, ang dahilan kung bakit siya naging pinakadakilang tao na nabuhay kailanman. Ang pag-ibig niya ang tumimo sa puso ng milyun-milyon sa paglakad ng daan-daang taon at nakaimpluwensiya sa kanilang mga buhay para sa kabutihan.
Ngunit, ang ilan ay maaaring tumutol: ‘Tingnan naman ang lahat ng krimen na ginawa sa pangalan ni Kristo—ang mga Krusada, ang Inkisisyon, at ang mga digmaan na milyun-milyong nag-aangking mga Kristiyano ang makikitang nagpapatayan sa isa’t isa sa magkabilang panig ng labanan.’ Subalit ang totoo, pinabubulaanan ng mga taong ito ang kanilang pag-aangkin na mga tagasunod ni Jesus. Ang kaniyang mga turo at paraan ng pamumuhay ay sumusumpa sa kanilang mga gawa. Maging ang isang Hindu, si Mohandas Gandhi, ay napilitang magsabi: ‘Mahal ko si Kristo, ngunit kinasusuklaman ko ang mga Kristiyano sapagkat hindi sila namuhay nang gaya ni Kristo.’
Nakinabang sa Pagkatuto Tungkol sa Kaniya
Tiyak na wala nang mas hihigit pa sa kahalagahan ng pag-aaral sa buhay at ministeryo ni Jesus sa ngayon. “Masdan natin si Jesus,” ang payo ni apostol Pablo. “Oo, pag-isipan ninyong maingat yaon.” At ang Diyos mismo ay nag-utos may kinalaman sa kaniyang Anak: “Makinig kayo sa kaniya.” Ang aklat na Ang Pinakadakilang Tao na Nabuhay Kailanman ay tutulong sa inyo na gawin ito.—Hebreo 12:2, 3; Mateo 17:5.
Sinikap na maiharap ang bawat pangyayaring naganap sa makalupang buhay ni Jesus na ipinahayag sa apat na Ebanghelyo, kasali na ang mga pananalitang binigkas niya at ang kaniyang mga ilustrasyon at mga himala. Hangga’t maaari, ang bawat isa ay naaayon sa pagkakasunud-sunod ng mga pangyayari. Sa wakas ng bawat kabanata ay isang listahan ng mga teksto sa Bibliya na mula roon ibinatay ang kabanata. Kayo’y hinihimok na basahin ang mga tekstong ito at sagutin ang mga tanong sa repaso na nakalaan.
Isang iskolar sa Unibersidad ng Chicago ang nagsabi kamakailan: “Mas marami ang napasulat tungkol kay Jesus sa nakaraang dalawampung taon kaysa noong nakalipas na dalawang libo.” Ngunit may mahalagang pangangailangan na isaalang-alang nang personal ang mga ulat ng Ebanghelyo, sapagkat gaya ng sabi ng The Encyclopædia Britannica: “Marami sa mga makabagong estudyante ang naging labis na abala sa nagkakasalungatang mga teorya tungkol kay Jesus at mga Ebanghelyo anupa’t nakaligtaan na nilang pag-aralan ang mga pangunahing pinagmumulang ito sa kanilang sarili.”
Pagkatapos ng maingat, matuwid na pagsasaalang-alang ng mga ulat ng Ebanghelyo, naniniwala kaming kayo’y sasang-ayon na ang pinakadakilang pangyayari sa kasaysayan ng tao ay naganap noong paghahari ng Romanong si Cesar Augusto, nang si Jesus ng Nasaret ay lumitaw upang ibigay ang kaniyang buhay alang-alang sa atin.