Paglalang
Kahulugan: Ang paglalang, ayon sa paliwanag ng Bibliya, ay nangangahulugan na ang uniberso, pati na ang ibang espiritung persona at lahat ng saligang uri ng buhay sa ibabaw ng lupa, ay dinisenyo at pinairal ng Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat.
Sa makabago, makasiyentipikong daigdig na ito, makatuwiran bang maniwala sa paglalang?
“Ang mga likas na batas ng uniberso ay eksaktong-eksakto anupa’t hindi tayo nahihirapang gumawa ng isang sasakyang pangkalawakan upang marating ang buwan at maaari nating orasan ang paglipad nito nang eksakto sa pinakamaliit na bahagi ng isang segundo. Malamang na mayroong isa na nagtakda sa mga batas na ito.”—Sinipi mula kay Wernher von Braun, na may malaking pananagutan sa pagpapadala ng mga Amerikanong astronaut sa buwan.
Pisikal na uniberso: Kung makakasumpong kayo ng isang eksaktong orasan, ipapasiya ba ninyo na ito ay nabuo dahil sa di-sinasadyang pagsasamasama ng mga butil ng alabok? Sabihin pa, ito ay ginawa ng isang taong matalino. Mayroon tayong isang higit na kamanghamanghang “orasan.” Ang mga planeta sa ating solar system, at lahat ng bituin sa buong uniberso, ay kumikilos nang mas eksakto kaysa karamihan ng mga relos na dinisenyo at ginawa ng tao. Ang galaxy na kinaroroonan ng ating solar system ay binubuo ng 100 bilyong bituin, at tinataya ng mga astronomo na may 100 bilyon ng gayong mga galaxy sa uniberso. Kung ang isang relos ay ebidensiya ng matalinong pagka-disenyo, gaano pa kaya ang higit na malawak at masalimuot na uniberso! Inilalarawan ng Bibliya ang Disenyador nito bilang ang “tunay na Diyos, si Jehova, . . . ang Maylikha ng mga langit at ang Dakila na nagladlad rito.”—Isa. 42:5; 40:26; Awit 19:1.
Planetang Lupa: Kung sa pagtawid ninyo sa isang ilang na disyerto ay maratnan ninyo ang isang magandang bahay, na kompleto sa gamit at punung-puno ng pagkain, maniniwala kaya kayo na ito ay nagkataong naroon dahil sa isang di-sinasadyang pagsabog? Hindi; maniniwala kayo na ito ay itinayo ng isa na nagtataglay ng sapat na karunungan. Ngayon, maliban na sa lupa, ay hindi pa nakakasumpong ang mga siyentipiko ng anomang anyo ng buhay sa alinman sa mga planeta sa ating solar system; ang ebidensiyang hawak nila ay nagpapatotoo na ang iba ay ilang at walang-buhay. Gaya ng sinasabi ng aklat na The Earth, ang planetang ito “ay siyang kababalaghan ng uniberso, isang katangi-tanging globo.” (Nueba York, 1963, Arthur Beiser, p. 10) Tamang-tama ang layo nito sa araw upang maging kaayaaya ang pamumuhay ng tao, at naglalakbay ito sa tamang-tamang bilis upang mapanatili ito sa kaniyang palaikutan. Ang atmospera na gaya ng masusumpungan lamang sa lupang ito, ay binubuo ng tamang-tamang sukat ng mga gas upang matustusan ang buhay. Sa kagilagilalas ding paraan, ang liwanag mula sa araw, ang carbon dioxide mula sa hangin, ang tubig at mineral mula sa matabang lupa ay nagsasamasama upang makapaglaan ng pagkain sa mga naninirahan sa lupa. Lahat ba ng ito’y nangyari bunga ng di-mapigilang pagsabog sa kalawakan? Ganito ang inamin ng Science News: “Waring ang gayong tiyak at eksaktong mga kalagayan ay mahirap mangyari kung hindi sinadya.” (Agosto 24 at 31, 1974, p. 124) Makatuwiran ang pasiya ng Bibliya kapag sinasabi nito: “Totoo, bawa’t bahay ay may tagapagtayo, subali’t siya na nagtayo ng lahat ng bagay ay ang Diyos.”—Heb. 3:4.
Utak ng tao: Ang makabagong mga computer ay likha ng masusing pagsasaliksik at maingat na pag-iinhinyero. Hindi ito “nagkataon lamang.” Kumusta naman ang utak ng tao? Di gaya ng utak ng alinmang hayop, ang utak ng isang sanggol ay lumalaki nang tatlong ulit sa unang taon ng buhay nito. Hanggang ngayon ang pag-andar nito ay nananatili pa ring hiwaga sa mga siyentipiko. Ang tao ay may likas na kakayahang matuto ng masalimuot na mga wika, magpahalaga sa mga bagay na magaganda, kumatha ng musika, at bulaybulayin ang pinagmulan at kahulugan ng buhay. Ganito ang sinabi ng siruhano ng utak na si Robert White: “Wala akong magawa kundi kilalanin ang pag-iral ng isang Nakatataas na Talino, na siyang may pananagutan sa disenyo at pagkakabuo ng kamanghamanghang ugnayan ng utak at isip—bagay na di kayang arukin ng unawa ng tao.” (The Reader’s Digest, Setyembre 1978, p. 99) Ang pagkabuo ng himalang ito ay nagsisimula sa isang napakaliit na pertilisadong selula sa bahay-bata. Taglay ang pambihirang unawa, ganito ang sinabi kay Jehova ng manunulat ng Bibliya na si David: “Pupurihin kita sapagka’t kapitapitagan at kagilagilalas ang pagkakagawa sa akin. Kagilagilalas ang iyong mga gawa, at nalalamang mabuti ng aking kaluluwa.”—Awit 139:14.
Nabubuhay na selula: Ang isang nabubuhay na selula ay madalas tukuyin bilang isang “payak” na anyo ng buhay. Subali’t ang isang hayop na binubuo ng isa lamang selula ay may kakayahang humanap ng sariling pagkain, tunawin ito, ilabas ang kaniyang dumi, magtayo ng bahay at makibahagi sa sekso. Bawa’t selula ng katawan ng tao ay inihahalintulad sa isang napapaderang lunsod, na may sentral na pamahalaan na nagpapairal ng kaayusan, isang planta na nagbibigay ng enerhiya, mga pabrika na naglalaan ng protina, isang masalimuot na sistema sa transportasyon, at mga tanod na sumusubaybay sa mga pinahihintulutang makapasok. At ang katawan ng tao ay binubuo ng hanggang 100 trilyon ng ganitong mga selula. Angkop-na-angkop nga ang mga pananalita ng Awit 104:24: “Pagkasari-sari ang iyong mga gawa, O Jehova! Sa karunungan ay ginawa mo silang lahat”!
Sinasang-ayunan ba ng Bibliya ang paniwala na ginamit ng Diyos ang ebolusyon upang likhain ang sari-saring anyo ng buhay?
Sinasabi ng Genesis 1:11, 12 na ang mga halaman at punong-kahoy ay nilalang upang bawa’t isa’y makapagluwal “ayon sa kani-kaniyang uri.” Idinaragdag ng Gen 1 bersikulo 21, 24 at 25 na nilikha ng Diyos ang mga isda, ibon at hayop, bawa’t isa “ayon sa kani-kaniyang uri.” Hindi ito nagtuturo na bawa’t saligang uri ay umunlad o nabago tungo sa iba.
Ayon sa Genesis 1:26, ganito ang sinabi ng Diyos hinggil sa tao: “Lalangin natin ang tao ayon sa ating larawan, ayon sa ating wangis.” Kaya dapat magtaglay ang tao ng maka-diyos na mga katangian, hindi basta mga kaugalian na minana lamang mula sa pagiging hayop. Dagdag pa ng Genesis 2:7: “At hinubog ng Diyos na Jehova ang tao [hindi mula sa isang dati-nang-umiiral na anyo ng buhay kundi] mula sa alabok ng lupa at hiningahan ang mga butas ng kaniyang ilong ng hininga ng buhay.” Wala ritong pahiwatig hinggil sa ebolusyon, kundi, sa halip, ay paglalarawan hinggil sa isang bagong nilalang.
Nilalang ba ng Diyos ang milyun-milyong iba’t-ibang organismo na umiiral sa lupa ngayon?
Sinasabi lamang ng Genesis kabanata 1 na nilalang ng Diyos ang bawa’t isa “ayon sa kani-kaniyang uri.” (Gen. 1:12, 21, 24, 25) Bilang paghahanda sa pangglobong Baha noong panahon ni Noe, iniutos ng Diyos na dalhin sa arka ang mga kinatawan ng bawa’t “uri” ng hayop at ibon. (Gen. 7:2, 3, 14) Bawa’t “uri” ay nagtataglay ng henetikong potensiyal ukol sa mas malawak na pagkakasari-sari. Kaya iniuulat na may mahigit na 400 iba’t-ibang lahi ng aso at mahigit na 250 lahi at klase ng kabayo. Lahat ng mga hayop na maaaring makapaglahi sa isa’t-isa ay kabilang sa iisang “uri” na binabanggit sa Genesis. Kasuwato nito, lahat ng lahi ng tao—Silanganin, Aprikano, Puti, yaong mga kasingtangkad ng pitong-talampakan na Dinka sa Sudan at kasingpandak ng apat-na-talampakan-apat-na-pulgadang mga Pygmy—ay nag-uugat sa iisang orihinal na pares, sina Adan at Eba.—Gen. 1:27, 28; 3:20.
Ano ang sanhi ng saligang pagkakahawig sa balangkas ng nabubuhay na mga nilikha?
“Diyos . . . ang lumalang sa lahat ng bagay.” (Efe. 3:9) Kaya lahat ay may iisang Dakilang Disenyador.
“Lahat ng mga bagay ay umiral sa pamamagitan niya [ang bugtong na Anak ng Diyos, na naging si Jesu-Kristo nang nasa lupa], at walang isa mang bagay ang ginawa nang hiwalay sa kaniya.” (Juan 1:3) Kaya may iisang Dalubhasang Manggagawa na sa pamamagitan niya’y ginawa ni Jehova ang kaniyang mga paglalang.—Kaw. 8:22, 30, 31.
Ano ang pinagmulan ng materya na ginamit sa paglikha ng uniberso?
Napag-alaman ng mga siyentipiko na ang materya ay pinagtipong enerhiya. Ipinakikita ito sa pagsabog ng mga sandatang nukleyar. Ganito ang sinabi ng astropisikong si Josip Kleczek: “Karamihan at posibleng lahat ng saligang mga sangkap ay maaaring likhain kapag nabuo ang enerhiya.”—The Universe (Boston, 1976), Tomo 11, p. 17.
Saan maaaring manggaling ang ganitong enerhiya? Pagkatapos na magtanong ng “Sino ang lumikha sa mga ito [mga bituin at planeta]?”, sinasabi ng Bibliya hinggil sa Diyos na Jehova na, “Sa pamamagitan ng kadakilaan ng kaniyang dinamikong lakas, at dahil sa siya’y malakas sa kapangyarihan, ay wala ni isa mang nagkukulang.” (Isa. 40:26) Kaya Diyos mismo ang Bukal ng lahat ng “dinamikong lakas” na kinailangan sa paglalang sa uniberso.
Lahat ba ng pisikal na paglalang ay naganap sa loob lamang ng anim na araw sa nakalipas na 6,000 hanggang 10,000 taon?
Ang mga katotohanan ay hindi sumasang-ayon sa ganitong pagpapasiya: (1) Ang liwanag mula sa Andromeda nebula ay maaaring makita sa hilagang hemispera kapag maliwanag ang gabi. Mga 2,000,000 taon ang ipinaglakbay nito bago makarating sa lupa, na nagpapahiwatig na ang uniberso ay milyun-milyong taon na ang edad. (2) Ang mga labi ng radyoaktibong pagkabulok sa mga bato sa lupa ay nagpapatotoo na may mga batuhan na hindi nagagalaw sa loob ng bilyun-bilyong taon.
Hindi tinatalakay ng Genesis 1:3-31 ang orihinal na paglalang sa materya o sa makalangit na mga nilikha. Inilalarawan nito ang paghahanda sa dati-nang-umiiral na lupa upang tahanan ng tao. Kalakip dito ang paglikha ng saligang uri ng mga halaman, isda, ibon, hayop, at maging ang unang mag-asawang tao. Lahat ng ito’y sinasabing naganap sa isang yugto ng anim na “araw.” Gayumpaman, ang salitang Hebreo na isinaling “araw” ay may iba’t-ibang kahulugan, pati na ang ‘isang mahabang panahon; ang panahon na sumasaklaw sa isang di-karaniwang pangyayari.’ (Old Testament Word Studies, Grand Rapids, Mich.; 1978, W. Wilson, p. 109) Ang terminong ginamit ay nagpapahintulot sa paniwala na bawa’t “araw” ay maaaring libu-libong taon ang haba.