Natatandaan Mo Ba?
May praktikal na kahalagahan ba sa iyo ang kamakailang mga labas ng Ang Bantayan? Kung gayon ay bakit hindi subukin ang iyong memorya sa mga sumusunod:
◻ Ano ang isang pangunahing layunin ng mga ginawa ni Jesus na pagpapagaling?
Inilarawan ng mga ito, sa ikapagpapatibay sa malaking pulutong ng mga taong tulad-tupa sa ngayon, na ang mga makaliligtas sa Armagedon ay pagagalingin maaga pagkatapos ng Armagedon. (Isaias 33:24; 35:5, 6)—12/15, pahina 12.
◻ Bakit kailangan natin ang palagiang paalaala na: “Magmatiyaga ng pananalangin”? (Roma 12:12)
Ang mga kagipitan at pananagutan sa buhay ay maaaring labis na magpabigat sa atin paminsan-minsan na anupa’t tayo’y nakalilimot na manalangin. O baka madaig tayo ng mga suliranin anupa’t humihinto tayo ng pagkakaroon ng kagalakan sa pag-asa sa Kaharian, hanggang sa huminto ng pananalangin. Kaya, tayo’y nangangailangan ng mga paalaala na nagpapatibay-loob sa atin na manalangin at sa gayo’y maging lalong malapít kay Jehova.—12/15, pahina 14.
◻ Ano ang nagpapatunay na ang Baha noong kaarawan ni Noe ay nag-iwan ng di-malilimot na impresyon sa lahi ng sangkatauhan?
Tinataya na mahigit na 500 alamat ng Baha ang naikukuwento ng mahigit na 250 tribo at mga bayan. May mga saligang pagkakahawig sa lahat ng mga alamat na ito.—1/15, pahina 5.
◻ Papaanong ang mga bulaang propeta sa ngayon ay katulad niyaong mga umiral sa panahon ni Jeremias?
Sa ngayon ang mga bulaang propeta ay nag-aangkin na kumakatawan sa Diyos, ngunit kanilang ninanakaw ang mga salita ng Diyos sa pamamagitan ng pangangaral ng mga bagay na nag-aalis ng atensiyon ng mga tao sa talagang sinasabi ng Bibliya. Ito’y lalong higit na totoo kung tungkol sa pangangaral ng Kaharian. (Jeremias 23:30)—2/1, pahina 4.
◻ Ano ba ang ipinahihiwatig pagka ang isang tao ay nabautismuhan sa pangalan ng banal na espiritu?
Ito’y nagpapahiwatig na ang isang binabautismuhan ay determinado na makipagtulungan sa espiritu, hindi gumagawa ng anumang makahahadlang sa pagpapakilos nito sa bayan ni Jehova. Samakatuwid, ang isang iyon ay kailangang makipagtulungan sa tapat at maingat na alipin at sa kaayusan ng matatanda sa kongregasyon. (Hebreo 13:7, 17; 1 Pedro 5:1-4)—2/1, pahina 18.
◻ Bakit ang pagsamba sa imahen ay totoong nakapipinsala sa sumasamba?
Ang Bibliya ay nagpapakita na ang mga imahen ay kasuklam-suklam sa Diyos na Jehova at walang magagawa upang tulungan ang kanilang mga deboto na lalong mapalapít sa Diyos. (Deuteronomio 7:25; Awit 115:4-8) Si Satanas na Diyablo ang “bumulag sa isip” ng mga tao upang ang katotohanan ay “huwag sumikat dito.” (2 Corinto 4:4) Kaya sa pagsamba sa isang imahen, ang isang tao ay aktuwal na naglilingkod sa kapakanan ng mga demonyo. (1 Corinto 10:19, 20)—2/15, pahina 6-7.
◻ Bakit ang mga tupa ay itinuturing na isang mahalagang pag-aari noong mga panahon ng Bibliya?
Ang lana ay patu-patuloy na nagbibigay ng pakinabang at magagamit sa paggawa ng damit para sa pamilya o maipagbibili. Ang mga sungay ng mga tupang lalaki ay ginagamit upang magsilbing panghudyat kung Jubileo o magagamit upang magbigay ng babala o magdirekta ng mga maneobra sa gera. Yamang ang mga tupa ay isa sa malilinis na hayop na makakain ng mga Israelita, ang isang kawan ng mga tupa ay kasiguruhan na ng panustos na pagkain, at nagbibigay ng patuluyang panustos na gatas na maiinom o magagawang keso.—3/1, pahina 24-5.
◻ Ano ba ang hinihingi ng mga umiibig sa Diyos pagka kanilang ipinananalangin na harinawang dumating na ang Kaharian ng Diyos? (Mateo 6:10)
Kanilang hinihiling na ang makalangit na Kaharian ng Diyos ay gumawa na ng tahasang pagkilos na puksain ang mga pamahalaang gawang tao, na bigo sa pagtupad sa kanilang pangako na magdala ng kapayapaan at katiwasayan. (Daniel 2:44)—3/15, pahina 6.
◻ Sino ba ang mga Apologist, at sila ba’y nagturo ng Trinidad?
Ang mga Apologist ay mga klerigo na nabuhay noong huling bahagi ng ikalawang siglo. Sila’y sumulat upang ipagtanggol ang Kristiyanismo na alam nila noon na laban sa mga pilosopyang umiiral sa daigdig Romano. Walang isa man sa kanila ang nagturo ng Trinidad.—4/1, pahina 24-9.
◻ Si Zacarias, na ama ni Juan Bautista, ay ginawa bang bingi at pipi, gaya ng waring ipinahihiwatig ng Lucas 1:62?
Sinabi ni Gabriel na ang pagsasalita ni Zacarias ay maaapektuhan, ngunit hindi ang kaniyang pandinig. (Lucas 1:18-20) Sinasabi ng Lucas 1:64: “At kapagdaka’y ang bibig niya [ni Zacarias] ay bumuka at ang kaniyang dila’y nakalag at siya’y nagsalita.” Pansinin hindi binabanggit dito na ang kaniyang pandinig ay naapektuhan sa anumang paraan. Ang pagbanggit ng “hinudyatan” sa Lucas 1:62 ay maaaring mangahulugan na gumawa ng paghudyat upang alamin ang pasiya ni Zacarias.—4/1, pahina 31.