-
Mga BabaeNangangatuwiran Mula sa Kasulatan
-
-
maka-diyos na mga katangian at paggawing Kristiyano? Sinasabi ni Jehova: “Hindi tumitingin ang Diyos na gaya ng pagtingin ng tao, sapagka’t ang tao ay tumitingin sa mukha; nguni’t si Jehova ay tumitingin sa puso.”—1 Sam. 16:7.)
Kaw. 31:30: “Ang alindog ay mandaraya, at ang ganda ay kumukupas; nguni’t ang babae na natatakot kay Jehova ang magkakamit ng kapurihan.”
-
-
Babilonyang DakilaNangangatuwiran Mula sa Kasulatan
-
-
Babilonyang Dakila
Kahulugan: Ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon, na sumasaklaw sa lahat ng relihiyon na ang turo at kaugalian ay hindi kasuwato ng tunay na pagsamba kay Jehova, ang tanging tunay na Diyos. Pagkaraan ng Baha noong panahon ni Noe, ang huwad na pagsamba ay nagsimula sa Babel (kilala nang dakong huli bilang Babilonya). (Gen. 10:8-10; 11:4-9) Nang maglaon, ang mga Babilonikong paniwala at kaugalian ay lumaganap sa maraming lupain. Kaya ang Babilonyang Dakila ay naging isang angkop na pangalan para sa huwad na relihiyon sa kabuuan.
Anong katibayan ang nagpapakilala sa Babilonyang Dakila na tinutukoy sa Apocalipsis?
Hindi ito maaaring tumukoy sa sinaunang lunsod ng Babilonya. Ang Apocalipsis ay nasulat nang magtatapos ang unang siglo C.E., at inilalarawan nito ang mga pangyayari na matutupad sa ating panahon. Sinasabi ng The Encyclopedia Americana: “Ang lunsod [Babilonya] ay sinakop ng mga Persiyano sa ilalim ni Cirong Dakila noong 539 B.C. Nang dakong huli binalak ni Alejandrong Dakila na ang Babilonya ay gawing kabisera ng kaniyang imperyo sa silangan, subali’t pagkaraang mamatay siya unti-unting nawalan ng halaga ang Babilonya.” (1956, Tomo III, p. 7) Sa ngayon ang lunsod na ito ay isang kagibaang walang naninirahan.
Sa simbolismo ng Apocalipsis, ang Babilonyang Dakila ay tinutukoy na isang “malaking lunsod,” isang kaharian na nagpupuno sa iba pang mga hari. (Apoc. 17:18) Gaya ng isang lunsod, ito ay sumasakop sa maraming organisasyon; at gaya ng isang kaharian na sumasaklaw sa iba pang hari sa nasasakupan nito, ang lawak nito ay pandaigdig. Ito ay iniuulat na nakikipag-ugnayan sa maka-politikang mga pinuno at nakaragdag nang malaki sa kayamanan ng mga negosyante, samantalang ito bilang ikatlong elemento “ay naging tahanan ng mga demonyo” at mang-uusig sa “mga propeta at mga banal.”—Apoc. 18:2, 9-17, 24.
Ang sinaunang Babilonya ay napabantog dahil sa kaniyang relihiyon at pagsalansang kay Jehova
Gen. 10:8-10: “Si Nimrod . . . ay nakilala bilang isang makapangyarihang mangangaso laban kay Jehova. . . . At ang pinagmulan ng kaniyang kaharian ay ang Babel [kilala nang dakong huli bilang Babilonya].”
Dan. 5:22, 23: “At ikaw [Belsasar na hari ng Babilonya] . . . ikaw ay nagpakataas laban sa Panginoon ng mga langit, . . . at iyong pinuri ang mga diyos na pilak at ginto, tanso, bakal, kahoy at bato, na hindi nangakakakita ni nangakaririnig ni nangakakaalam ng ano pa man; subali’t ang Diyos na siyang may hawak sa iyong hininga at nagmamay-ari sa lahat ng iyong lakad ay hindi mo niluwalhati.”
Sa isang sinaunang ukit na cuneiform ay mababasa: “Lahat-lahat, sa Babilonya ay may 53 templo ng pangunahing mga diyos, 55 kapilya ni Marduk, 300 kapilya para sa makalupang mga diyus-diyosan, 600 para sa makalangit na mga diyus-diyosan, 180 dambana para sa diyosang si Istar, 180 para sa mga diyos na sina Nergal at Adad at 12 iba pang dambana para sa iba’t-ibang diyos.”—Ayon sa pagkakasipi sa The Bible as History (Nueba York, 1964), W. Keller, p. 301.
Nagkokomento ang The Encyclopedia Americana: “Sa kabihasnang Sumeryano [na isang bahagi ng Babilonya] ay nangibabaw ang mga saserdote; ang pinuno ng estado ay ang lugal (sa literal ay ‘dakilang tao’), na siyang kinatawan ng mga diyos.”—(1977), Tomo 3, p. 9.
Makatuwiran, kung gayon, na ang Babilonyang Dakila na tinutukoy sa Apocalipsis ay relihiyoso. Sa pagiging gaya ng isang lunsod at imperyo, hindi ito limitado sa iisang grupong relihiyoso kundi naglalakip sa lahat ng relihiyon na salungat kay Jehova, ang tunay na Diyos.
Ang mga relihiyosong paniwala at kaugalian ng sinaunang Babilonya ay masusumpungan sa mga relihiyon sa buong daigdig
“Ang Ehipto, Persiya, at Gresiya ay naimpluwensiyahan ng relihiyong Babiloniko . . . Ang matapang na pagkakalahok ng mga elementong Semitiko kapuwa sa sinaunang mitolohiyang Griyego at sa mga kultong Griyego ay karaniwan nang tinatanggap ngayon ng mga iskolar anupa’t hindi na ito nangangailangan ng karagdagang paliwanag. Mas nakalalamang ang pagiging Babiloniko ng mga Semitikong elementong ito.”—The Religion of Babylonia and Assyria (Boston, 1898), M. Jastrow, Jr., p. 699, 700.
Mga diyus-diyosan: May trinidad ng mga diyos, at kabilang sa kanilang mga sinasamba ay yaong kumakatawan sa iba’t-ibang puwersa ng kalikasan at yaong nagtataglay ng pantanging impluwensiya sa mga gawain ng tao. (Babylonian and Assyrian Religion, Norman, Okla.; 1963, S. H. Hooke, p. 14-40) “Ang Platonikong trinidad, bagaman isa lamang bagong pagsasaayos ng mas matatandang trinidad na ang mga petsa ay bumabalik sa mas sinaunang mga lahi, ay waring isang pilosopikong trinidad ng mga katangian na nagluwal sa tatlong pagka-diyos o banal na persona na itinuturo ng mga simbahang Kristiyano. . . . Ang paniwala ng pilosopong Griyegong ito [si Plato] hinggil sa banal na trinidad . . . ay masusumpungan sa lahat ng sinaunang [paganong] relihiyon.”—Nouveau Dictionnaire Universel (Paris, 1865-1870), pinamatnugutan ni M. Lachâtre, Tomo 2, p. 1467.
Paggamit ng mga imahen: “[Sa relihiyong Mesopotamiko] ang papel na ginagampanan ng imahen ay pinakapangunahin sa kulto at sa sarilinang pagsamba, gaya ng ipinakikita ng malawak na pagkakapamahagi ng mumurahing larawan ng mga imaheng ito. Pangunahin na, ang diyos ay inaakalang naroroon sa imahen kung ito’y nagtataglay ng ilang tiyak na katangian at kagamitan at inaalagaan sa wastong paraan.”—Ancient Mesopotamia—Portrait of a Dead Civilization (Chicago, 1964), A. L. Oppenheim, p. 184.
Paniwala hinggil sa kamatayan: “Kapuwa ang taong-bayan at ang mga tagapagtaguyod ng relihiyosong kaisipan [sa Babilonya] ay hindi kailanman umasa sa lubusang pagkalipol ng bagay na dati nang umiiral. Ang kamatayan ay paglipat tungo sa naiibang uri ng buhay.”—The Religion of Babylonia and Assyria, p. 556.
Katayuan ng pagkasaserdote: “Ang pagkakaiba sa pagitan ng saserdote at pangkaraniwang mananamba ay isang katangian ng ganitong [Babilonikong] relihiyon.”—Encyclopædia Britannica (1948), Tomo 2, p. 861.
Astrolohiya, panghuhula, salamangka, at pangkukulam: Ang mananalaysay na si A. H. Sayce ay sumulat: “[Sa] relihiyon ng sinaunang Babilonya . . . bawa’t bagay at puwersa sa kalikasan ay ipinalalagay na may kani-kaniyang zi o espiritu, na nasusupil sa pamamagitan ng pagsasalamangka ng Shaman, o saserdoteng-mangkukulam.” (The History of Nations, Nueba York, 1928, Tomo I, p. 96) “Ang mga Chaldeo [taga-Babilonya] ay malaki ang isinulong sa pag-aaral ng astronomiya sa pagsisikap na alamin ang kinabukasan sa pamamagitan ng mga bituin. Ang sining na ito ay tinatawag nating ‘astrolohiya.’ ”—The Dawn of Civilization and Life in the Ancient East (Chicago, 1938), R. M. Engberg, p. 230.
Ang Babilonyang Dakila ay gaya ng isang mahalay na patutot na namumuhay sa malaswang kalayawan
Sinasabi ng Apocalipsis 17:1-5: “ ‘Halika, at ipakikita ko sa iyo ang hatol sa bantog na patutot na nakaupo sa maraming tubig [mga tao], na siyang pinakiapiran ng mga hari [maka-politikang tagapamahala] sa lupa, samantalang yaong mga naninirahan sa lupa ay nalasing sa alak ng kaniyang pakikiapid.’ . . . At sa kaniyang noo ay may nakasulat na isang pangalan, isang hiwaga: ‘Babilonyang Dakila, ina ng mga patutot at ng mga kasuklamsuklam na bagay sa lupa.’ ” Idinagdag ng Apocalipsis 18:7 na “ipinagmapuri niya ang sarili at namuhay sa malaswang kalayawan.”
Hindi ba totoo na nakaugalian na ng pangunahing mga relihiyosong organisasyon na makipagtalik sa maka-politikang mga pinuno ukol sa kapangyarihan at materyal na pakinabang, bagaman ito ay nagdulot ng paghihirap sa karaniwang mga tao? Hindi rin ba totoo na ang matataas nilang klero ay namumuhay sa kaluhuan, samantalang marami sa mga tao na dapat nilang paglingkuran ay nagdarahop?
Bakit ang mga relihiyong nag-aangking Kristiyano ay may kawastuang maituturing na bahagi ng Babilonyang Dakila, kasama niyaong mga walang nalalaman tungkol sa Diyos ng Bibliya?
Sant. 4:4: “Mga mangangalunya, hindi baga ninyo nalalaman na ang pakikipagkaibigan sa sanlibutan ay pakikipag-away sa Diyos? Sinoman ngang mag-ibig na maging kaibigan ng sanlibutan ay ginagawa ang kaniyang sarili na isang kaaway ng Diyos.” (Kaya, bagaman alam nila kung ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa Diyos, nagiging mga kaaway sila ng Diyos kung pinipili nilang makipagkaibigan sa sanlibutan sa pamamagitan ng pagtulad sa mga paraan nito.)
2 Cor. 4:4; 11:14, 15: “Binulag ng diyos ng pamamalakad na ito ng mga bagay ang isipan ng mga hindi nagsisisampalataya, upang ang kaliwanagan ng maluwalhating mabuting balita tungkol sa Kristo, na siyang larawan ng Diyos, ay huwag sumilang.” “Si Satanas mismo ay nagpapakunwaring anghel ng kaliwanagan. Kaya hindi katakataka na ang kaniyang mga ministro ay magkunwaring mga ministro ng katuwiran. Ang kanilang wakas ay magiging kaayon ng kanilang mga gawa.” (Kaya ang pangunahing kaaway ni Jehova, si Satanas na Diyablo mismo, ang siyang pinararangalan niyaong lahat ng hindi sumasamba sa tunay na Diyos sa paraan na Kaniyang iniutos, bagaman sila ay nag-aangking mga Kristiyano. Tingnan din ang 1 Corinto 10:20.)
Mat. 7:21-23: “Hindi ang lahat ng nagsasabi sa akin [kay Jesu-Kristo], ‘Panginoon, Panginoon,’ ay papasok sa kaharian ng mga langit, kundi siya na gumaganap sa kalooban ng aking Ama na nasa mga langit. Marami ang magsasabi sa akin sa araw na yaon, ‘Panginoon, Panginoon, hindi baga kami nagsipanghula sa iyong pangalan, at nagpalayas ng mga demonyo sa iyong pangalan, at gumawa ng maraming makapangyarihang mga gawa sa iyong pangalan?’ Gayon ma’y ipagtatapat ko sa kanila: Kailanma’y hindi ko kayo nangakilala! Magsilayas kayo, mga manggagawa ng katampalasanan.”
Bakit kailangang-kailangan na ang mga umiibig sa katuwiran ay lumabas sa Babilonyang Dakila nang walang pag-aatubili?
Apoc. 18:4: “Mangagsilabas kayo sa kaniya, bayan ko, kung hindi ninyo gustong maparamay sa kaniyang mga kasalanan, at kung hindi ninyo gustong tumanggap ng kaniyang mga salot.”
Apoc. 18:21: “Binuhat ng malakas na anghel ang isang bato na gaya ng isang malaking gilingan at inihagis ito sa dagat, na nagsasabi: ‘Sa ganitong malakas na paghagis ay ibubulid ang Babilonya, ang dakilang lunsod, at siya’y hindi na muling masusumpungan pa.’ ”
Luc. 21:36: “Mangagpuyat nga kayo, na laging nagsusumamo na kayo ay makatakas sa lahat ng mga bagay na nakatakdang maganap, at upang mangakatayo kayo sa harapan ng Anak ng tao.”
Ano ang mangyayari sa mga tao na nabuhay at namatay noong nakaraan bilang bahagi ng Babilonyang Dakila subali’t hindi nakaalam sa katotohanan ng Bibliya?
Gawa 17:30: “Pinagpaumanhinan na ng Diyos ang mga panahon ng gayong kahangalan, nguni’t ngayo’y ipinag-uutos niya sa mga tao saanman na sila’y dapat na magsipagsisi.”
Gawa 24:15: “Magkakaroon ng pagkabuhay-muli ng mga matuwid at di-matuwid.” (Diyos ang magpapasiya kung sino sa mga “di-matuwid” ang bubuhayin.)
Job 34:12: “Sa katotohanan, ang Diyos sa ganang sarili ay hindi gagawa ng kasamaan at ang Makapangyarihan-sa-Lahat ay hindi lilihis sa kahatulan.”
-