-
Aklat ng Bibliya Bilang 13—1 Cronica“Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
-
-
David ng isang anghel “na magtayo ng dambana kay Jehova sa giikan ni Ornan na Jebuseo.” (21:18) Nang mabili niya ang giikan kay Ornan, siya ay naghandog at nanawagan kay Jehova, na sumagot sa kaniya “sa pamamagitan ng apoy mula sa langit para sa dambana ng handog na susunugin.” (21:26) Ipinasiya ni David na gusto ni Jehova na dito itayo ang bahay, kaya sinimulan niyang ihanda at tipunin ang mga materyales at nagsabi: “Si Solomon na aking anak ay bata at may murang gulang, at ang bahay na itatayo kay Jehova ay magiging sukdulang dakila sa kagandahan sa lahat ng lupain. Ihahanda ko ito para sa kaniya.” (22:5) Ipinaliwanag niya kay Solomon na hindi siya pinayagan ni Jehova na magtayo ng bahay, pagkat siya ay mandirigmang may bahid ng dugo. Hinimok niya ang kaniyang anak na magpakatapang at magpakalakas sa atas na ito: “Bumangon ka at kumilos, at si Jehova nawa ay sumaiyo.”—22:16.
18. Ano ang layunin ng pagsesensus?
18 Nag-organisa si David para sa pagsamba kay Jehova (23:1–29:30). Ayon sa kalooban ng Diyos, gumawa ng sensus upang muling organisahin ang mga saserdote at Levita. Ang paglilingkod ng mga Levita ay mas detalyadong inilarawan dito kaysa sa ibang bahagi ng Bibliya. Binalangkas ang mga dibisyon ng paglilingkod sa hari.
19. Anong pananalita ang ginamit ni David sa pag-aatas kay Solomon, anong mga plano ang inilaan niya, at anong mahusay na halimbawa ang kaniyang ibinigay?
19 Sa pagtatapos ng kaniyang makasaysayang paghahari, tinipon ni David ang mga kinatawan ng buong bansa, “ang kongregasyon ni Jehova.” (28:8) Tumayo ang hari. “Makinig kayo, mga kapatid ko at bayan ko.” Ipinahayag niya ang mithi ng kaniyang puso, “ang bahay ng tunay na Diyos.” Sa harap nila ay inatasan niya si Solomon: “At ikaw, Solomon, anak ko, kilalanin mo ang Diyos ng iyong ama at paglingkuran siya nang buong puso at nang masayang kaluluwa; pagkat sinasaliksik ni Jehova ang lahat ng puso, at natatalos ang haka ng bawat isip. Kung hahanapin mo siya, ay hahayaan niyang masumpungan mo siya; ngunit kung iiwan mo siya, ay itatakwil ka niya magpakailanman. Tingnan mo, ikaw ang pinili ni Jehova upang magtayo ng bahay bilang santwaryo. Magpakatapang ka at kumilos.” (28:2, 9, 10, 12) Ibinigay niya sa binatang si Solomon ang detalyadong planong arkitektural na kinasihan ni Jehova at personal siyang nag-abuloy ng malaking kayamanan—3,000 talentong ginto at 7,000 talentong pilak, na inipon niya para dito. Dahil sa mahusay na halimbawang ito, tumugon ang mga prinsipe at ang bayan at sila’y nag-abuloy ng 5,000 talento, 10,000 dariko at pilak na nagkahalaga ng 10,000 talento, at gayon din ng napakaraming bakal at tanso.c (29:3-7) Ang bayan ay nagalak na mainam sa pribilehiyong ito.
20. Ano ang kasukdulan ng pangwakas na panalangin ni David?
20 Pagkatapos ay pinuri ni David si Jehova sa panalangin at kinilala na lahat ng saganang handog na ito ay mula sa Kaniya at hiniling ang patuloy Niyang pagpapala sa bayan at kay Solomon. Ang sukdulan ng huling panalanging ito ni David ay ang pagtatanyag sa kaharian ni Jehova at sa Kaniyang maluwalhating pangalan: “Purihin ka nawa, O Jehova na Diyos ni Israel na aming ama, mula sa walang pasimula hanggang sa magpakailanman. Sa iyo, O Jehova, ang kadakilaan at ang kapangyarihan at ang kagandahan at ang kaluwalhatian at karangalan; sapagkat lahat ng nasa langit at nasa lupa ay iyo. Sa iyo ang kaharian, O Jehova, at Ikaw ay nataas na pangulo sa lahat. Ang mga kayamanan at kaluwalhatian ay mula sa iyo, at ikaw ang nangingibabaw sa lahat; nasa iyong kamay ang kapangyarihan at kalakasan, nasa iyong kamay ang pagdakila at pagpapalakas. At ngayon, O aming Diyos, nagpapasalamat kami sa iyo at pinupuri namin ang iyong maluwalhating pangalan.”—29:10-13.
21. Sa anong matayog na himig nagwawakas ang Unang Cronica?
21 Pinahiran uli si Solomon at siya ay naupo sa ‘luklukan ni Jehova’ kapalit ng matanda nang si David. Pagkatapos maghari ng 40 taon, si David ay namatay “sa ganap na katandaan, puspos ng mga araw, mga kayamanan at kaluwalhatian.” (29:23, 28) Winawakasan ni Ezra ang Unang Cronica sa isang matayog na himig, upang idiin ang kahigitan ng kaharian ni David sa lahat ng mga kaharian sa lupa.
BAKIT KAPAKI-PAKINABANG
22. Papaano napasigla ng Unang Cronica ang mga kababayan ni Ezra?
22 Ang mga kababayan ni Ezra ay nakinabang nang malaki sa kaniyang aklat. Dahil sa masinsing kasaysayang ito na sariwa at nagpapalakas-loob, napahalagahan nila ang maibiging kaawaan ni Jehova salig sa katapatan niya sa tipan ng Kaharian kay Haring David at alang-alang sa sarili Niyang pangalan. Palibhasa napasigla, naipagpatuloy nila ang pagsamba kay Jehova nang may ibayong sigasig. Ang mga talaangkanan ay nagpatibay sa kanilang tiwala sa pagkasaserdote ng naitayo-muling templo.
23. Papaano nakinabang sina Mateo, Lucas, at Esteban sa Unang Cronica?
23 Malaki din ang pakinabang ng Unang Cronica para sa sinaunang kongregasyong Kristiyano. Humalaw sina Mateo at Lucas sa mga talaangkanan nito upang patunayan na si Jesu-Kristo ang “anak ni David” at ang inihulang Mesiyas. (Mat. 1:1-16; Luc. 3:23-38) Sa kaniyang huling patotoo, binanggit ni Esteban ang hangad ni David na ipagtayo ng bahay si Jehova at ang pagtupad ni Solomon dito. Saka sinabi na “ang Kataas-taasan ay hindi tumatahan sa mga gusaling gawa ng kamay,” upang idiin na ang templo ni Solomon ay anino ng mas maluwalhating makalangit na mga bagay.—Gawa 7:45-50.
24. Ano ang maaari nating tularan sa maningning na halimbawa ni David?
24 Kumusta ang mga Kristiyano ngayon? Ang pananampalataya natin ay dapat mapatibay at mapasigla ng Unang Cronica. Maraming mapupulot sa maningning na halimbawa ni David. Ibang-iba siya sa walang-pananampalatayang si Saul, sa laging pagsangguni kay Jehova! (1 Cron. 10:13, 14; 14:13, 14; 17:16; 22:17-19) Sa paglilipat ng kaban sa Jerusalem, sa mga awit ng papuri, sa pag-oorganisa sa mga Levita, at sa hangad na ipagtayo si Jehova ng maluwalhating bahay, ipinamalas ni David na si Jehova at ang pagsamba Niya ang pinakamahalaga. (16:23-29) Hindi siya reklamador. Hindi siya naghangad ng pantanging mga pribilehiyo kundi ang paggawa lamang ng kalooban ni Jehova. Kaya, nang iatas ni Jehova ang pagtatayo sa kaniyang anak, buong-puso niyang tinuruan ito at gumugol ng lakas, panahon, at kayamanan para sa gawaing sisimulan pagkamatay niya. (29:3, 9) Napakahusay na halimbawa ng katapatan.—Heb. 11:32.
25. Anong pagpapahalaga sa pangalan at Kaharian ni Jehova ang dapat pukawin sa atin ng Unang Cronica?
25 At nariyan ang pinakasukdulang pangwakas na mga kabanata. Ang karingalan ng pagpuri at pagdakila ni David sa “maluwalhating pangalan” ni Jehova ay dapat pumukaw ng masiglang pagpapahalaga sa pribilehiyo na ipahayag ang karangalan ni Jehova at ang Kaharian sa pamamagitan ni Kristo. (1 Cron. 29:10-13) Ang atin nawang pananampalataya at kagalakan ay maging tulad ng kay David habang nagpapasalamat tayo sa walang-hanggang Kaharian ni Jehova sa pamamagitan ng pagbubuhos ng sarili sa paglilingkod sa Kaniya. (17:16-27) Oo, ang tema ng Kaharian ni Jehova at ng Binhi ay higit na nagniningning sa kariktan sa Unang Cronica, at pinananabik tayo sa higit na pagsisiwalat sa mga layunin ni Jehova.
-
-
Aklat ng Bibliya Bilang 14—2 Cronica“Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
-
-
Aklat ng Bibliya Bilang 14—2 Cronica
Manunulat: Si Ezra
Saan Isinulat: Sa Jerusalem (?)
Natapos Isulat: c. 460 B.C.E.
Panahong Saklaw: 1037-537 B.C.E.
1. Kailan natapos ni Ezra ang Mga Cronica, at sa anong layunin?
YAMANG sa pasimula ang Una at Ikalawang Cronica ay malamang na iisang aklat, kumakapit sa dalawa ang mga pangangatuwirang iniharap sa nakaraang kabanata hinggil sa kapaligiran, manunulat, panahon ng pagsulat, pagiging-kanonikal, at pagiging-totoo ng mga aklat. Ayon dito, natapos ni Ezra ang Ikalawang Cronica noong mga 460 B.C.E., malamang na sa Jerusalem. Layunin ni Ezra na ingatan ang mga ulat ng kasaysayan na nanganganib mawala. Ang banal na espiritu, sampu ng kakayahang pumili at magsuri ng detalye, ay tumulong kay Ezra sa paggawa ng wasto at permanenteng ulat. Iningatan niya ang sa palagay niya’y makasaysayang katotohanan. Napapanahon ang gawain ni Ezra, sapagkat noo’y tinitipon na ang buong kalipunan ng banal na mga kasulatang Hebreo na napasulat sa paglipas ng mga dantaon.
2. Bakit hindi dapat mag-alinlangan sa kawastuan ng Mga Cronica?
2 Noong panahon ni Ezra nakinabang nang malaki ang mga Judio sa kinasihang salaysay niya. Isinulat ito upang sila’y matuto at makapagtiis. Mula sa pag-aliw ng Kasulatan ay magtatamo sila ng pag-asa. Ang Mga Cronica ay tinanggap nila bilang bahagi ng kanon ng Bibliya. Ito’y mapagkakatiwalaan. Maihahambing nila ito sa ibang kinasihang kasulatan at sa mga sekular na kasaysayan na binanggit ni Ezra. At bagaman naglaho ang di-kinasihang sekular na mga kasaysayan, maingat nilang napanatili ang Mga Cronica. Inilakip ito ng mga tagapagsalin ng Septuagint sa Bibliyang Hebreo.
3. Papaano ipinahihiwatig ng ibang kasulatan na ang Mga Cronica ay totoo?
3 Tinanggap ito ni Jesu-Kristo at ng mga manunulat ng Kristiyanong Kasulatang Griyego bilang totoo at kinasihan. Tiyak na nasa isip ni Jesus ang mga pangyayaring nakaulat sa 2 Cronica 24:21 nang tinutuligsa ang Jerusalem bilang taga-patay at taga-bato ng mga propeta at lingkod ni Jehova. (Mat. 23:35; 5:12; 2 Cron. 36:16) Nang tukuyin ni Santiago si Abraham bilang “kaibigan ni Jehova,” marahil ay nasa isip niya ang mga salita ni Ezra sa 2 Cronica 20:7. (Sant. 2:23) Nasa aklat din ang mga hula na natupad nang walang mintis.—2 Cron. 20:17, 24; 21:14-19; 34:23-28; 36:17-20.
4. Anong mga tuklas sa arkeolohiya ang nagpapatotoo sa pagiging-tunay ng Ikalawang Cronica?
4 Umaalalay din ang arkeolohiya sa pagiging-tunay ng Ikalawang Cronica. Sa pagdudukal sa dako ng sinaunang Babilonya ay natuklasan ang mga
-