-
Ang Kahali-halinang Daigdig ng LibanganGumising!—1992 | Nobyembre 8
-
-
Ang Kahali-halinang Daigdig ng Libangan
HOLLYWOOD! Saan ka man nakatira sa daigdig, ang pangalang iyan ay malamang na magpagunita sa iyo ng mga kaisipan tungkol sa mga pelikula at libangan. Tinatawag ng marami na kabisera ng libangan ng daigdig at Tinseltown, walang ibang lugar ang halos kasingkahulugan ng show business na gaya ng arabal na ito ng Los Angeles, California. Wari ngang ito ang sentro ng daigdig ng ningning at halina. Gaya ng sabi ng isang manunulat, “ang larawan ng Hollywood bilang ang tagagawa ng mga pantasiyang pelikula ay naging pambuong-daigdig.”
Libangan—Malaking Negosyo
Ngunit hindi lamang ang larawan ng Hollywood ang lumaganap sa buong daigdig; ang “Hollywood” ay isang pagkalaki-laki, sumasakop-sa-daigdig na negosyong nagluluwas. Sa katunayan, ayon sa magasing Time, kasunod ng mga kagamitang pangkalawakan, ang libangan ang ikalawang pinakamalaking produktong iniluluwas ng Estados Unidos. Ang industriya ng libangan ay nagkakamal ng daan-daang bilyong dolyar taun-taon, at malaking bahagi—mga 20 porsiyento—ang nanggagaling sa ibang bansa.
Ang Estados Unidos ay kumikita mula sa 35 porsiyento ng pamilihan ng benta-ng-aklat ng daigdig, 50 porsiyento ng kita ng rekording, 55 porsiyento ng kita kapuwa ng pelikula at home video nito, at mula 75 hanggang 85 porsiyento ng kita nito sa TV.
Kapalit ng pagkalaki-laking kayamanang ito, nililibang ng Hollywood ang daigdig. Hindi naman sa ang daigdig ay laging naliligayahan dito—mahigit sa isang bansa ang nagreklamo tungkol sa kultural na imperyalismo ng Amerika, sapagkat tinatalikdan ng kanilang mga kabataan ang lokal na kultura pabor sa maningning na mga idea at mga ugali na ipinakilala mula sa Amerika. Gayunman, hindi naman ibig sabihin niyan na ang libangan ay nanggagaling lamang sa Estados Unidos. Maraming bansa ang mayroong kanilang sariling industriya ng libangan—mga pelikula, TV, mga rekording, aklat, isports, at iba pa.
Libangan—Anong Dali Ngayon
Sinuman ang umaaliw o dapat umaliw sa daigdig, ang kapansin-pansing bagay ay na ang libangan mismo ay napakadaling makuha, napakasagana ngayon anupat kailangan nating pakitunguhan ang isang lubhang nagbagong kalagayan na maitutulad sa isang rebolusyon. Upang ilarawan: Kung ikaw ay nabuhay noong nakaraang dantaon, gaano kadalas ka kayang naaliw ng sanáy, may talinong mga tagapagtanghal? Kahit na kung ikaw ay nakatira sa pinakamayamang bansa, malamang na ikaw ay salat sa libangan sa paningin ng marami sa salinlahi ngayon. Halimbawa, mahihirapan ka pang maglakbay tungo sa isang opera o sa isang konsiyertong symphony. Ngayon tayo ay basta nakikinig sa nabibitbit na mga stereo na nagpapatugtog ng anumang uri ng musika na umiiral, o tayo’y nauupo sa upuan ng pamilya at, sa pagpindot sa isang buton, tayo ay nalilibang ng halos anumang uri ng maiisip na pagtatanghal.
Sa anumang maunlad na bansa, makasusumpong ka sa maraming tahanan ng hindi kukulanging isang TV, isang VCR, at isang CD (compact disc) o isang cassette player, gayundin ng iba pang elektronikong kagamitan. Ang ilang bata ay lumalaki na may mga TV monitor sa paligid ng bahay na halos parang karaniwang mga salamin. Sa hindi gaanong maunlad na mga bansa, maraming nayon at pook ang may lokal na sentro para sa TV kung saan nagtitipon ang mga tao kung gabi upang malibang. Ang sangkatauhan ay wala nang inisip kundi TV. Ang malayang mga oras ay punô ng parami nang paraming anyo ng libangan.
May masama ba riyan? May anuman bang panganib sa modernong libangan? O ang pagsagana ba ng libangan ngayon ay basta nangangahulugan ng isang paghiya sa mga kayamanan? Magkaroon tayo ng isang timbang na pangmalas sa kahali-halinang daigdig ng libangan.
-
-
Isang Timbang na Pangmalas sa LibanganGumising!—1992 | Nobyembre 8
-
-
Isang Timbang na Pangmalas sa Libangan
“ANG buhay na puro trabaho at walang libangan ay nakababagot.” Ang pangungusap na iyan ay napakapamilyar sa ngayon anupat napakadaling makalimutan kung gaano katotoo ito. Sa katunayan, “ang buhay na puro trabaho at walang libangan” ay maaaring makagawa ng higit na pinsala kay Juan kaysa gawin lamang siyang hindi kawili-wili. Maaari itong gumawa sa kaniya na isang “workaholic,” isang masugid na manggagawa na hindi alintana ang lahat ng iba pang bagay.
Isaalang-alang, halimbawa, ang problemang bumangon sa Hapón, isang bansang kilala sa istriktong etika nito sa trabaho. Ang mga empleado ay kadalasang inaasahang magtrabaho ng obertaym gabi-gabi at sa mga dulo ng sanlinggo. Binanggit ng magasin sa Canada na Maclean’s, na ang karaniwang manggagawang Hapones ay gumugugol ng 2,088 oras sa trabaho sa isang taon, kung ihahambing sa 1,654 para sa karaniwang manggagawa sa Canada. Gayunman, binanggit ng magasin: “Ang mga kompaniyang Hapón ay kailangang makipaglaban sa ibang problema: mga empleadong pinahihirapan ng karoshi, o kamatayan dahil sa sobrang trabaho. Iniulat ng mga pahayagan ang mga kaso ng mga lalaki sa gulang na mga 40 na dumanas ng mga atake sa puso o atake serebral pagkatapos magtrabaho ng 100 araw nang walang isang araw na pahinga.” Kinailangan pa ngang maglunsad ng ministri sa paggawa ng Hapón ng isang kampaniya sa pag-aanunsiyo, na may nakatatawag-pansing awit, upang himukin ang mga tao na magbakasyon kung mga dulo ng sanlinggo at magpahingalay. Anong laking pagkakaiba naman sa ilang Kanluraning bansa, kung saan ang mga tao ay hinihimok na magtrabaho ng isang buong linggo!
Mga Pakinabang ng Laro
Angkop, kung gayon, pangkalahatang nakikita ng mga eksperto ang pagkasugapa sa trabaho bilang isang sakit, hindi isang kagalingan. Kailangan ni Juan na maglaro—at hindi lamang nang siya ay bata; taglay ng mga adulto gayundin ng mga bata ang iisang pangangailangang ito. Bakit? Ano ba ang nakukuha ng mga tao mula sa malayang panahon, o laro? Isang aklat-aralin tungkol sa paksang ito ay gumawa ng isang talaan: “Pagpapahayag-sa-sarili, pakikisama, pagkakaisa ng isip at katawan o ang kabuuan, kalusugan ng katawan, isang kinakailangang paghahambing o ritmo sa iskedyul ng sapilitang-trabaho, pahinga at pagpapahingalay, isang pagkakataon na sumubok ng isang bagay na bago at magkaroon ng bagong mga kakilala, magtatag ng mga kaugnayan, buklurin ang pamilya, makilala at maunawaan ang kalikasan, . . . at makadama ng mabuti nang hindi na inaalam kung bakit. Lahat ng ito ay kabilang sa mga pakinabang na nasusumpungan ng mga tao sa kanilang malayang panahon.”
Ang mga sosyologo ay nagtalaga ng maraming aklat tungkol sa paksa na may kaugnayan sa malayang panahon at laro, at sila’y sumasang-ayon na ang malayang panahon ay mahalaga kapuwa sa indibiduwal at sa lipunan. Gayunman, tiyak na walang higit na nakauunawa sa kalikasan ng tao kaysa Maylikha ng tao. Ano ang nadarama niya tungkol sa paksang ito?
Salungat sa maaaring isipin ng ilan, ang Bibliya ay hindi laban sa katuwaan at paglilibang. Sinasabi nito na si Jehova ay isang maligayang Diyos at na inaasahan niya ang kaniyang mga lingkod na maging maligaya rin. (Awit 144:15b; 1 Timoteo 1:11) Sa Eclesiastes 3:1-4, natutuhan natin na may “isang itinakdang panahon . . . ng pagtawa” at “isang panahon ng pagsayaw.” Ang salitang Hebreo para sa “pagtawa” rito ay nauugnay sa mga salitang nangangahulugang “laro.” Ang aklat ding iyon ng Bibliya ay nagsasabi sa atin na “walang lalong maigi sa tao kundi ang kumain at uminom nga at pagalaking mabuti ang kaniyang kaluluwa sa kaniyang pinagpagalan.”—Eclesiastes 2:24.
Ngayon, isa sa mas popular na paraan upang masiyahan sa malayang panahon ay ang ikaw ay aliwin, magrelaks at masiyahan sa pagtatanghal ng mga talino ng iba. Iyan ay hindi isang bagong bagay. Ipinakikita ng Bibliya na sa loob ng mga milenyo ang mga tao ay nakasumpong ng kasiyahan sa panonood sa iba na sumayaw, umawit, tumugtog ng musikal na mga instrumento, o makipagpaligsahan sa isports.
Bilang isang anyo ng dibersiyon, ang libangan ay maaaring maging kapaki-pakinabang sa atin. Sino ang hindi nakasusumpong ng kasiyahan sa kahanga-hangang gawa ng isang mahusay na manlalaro, sa magandang kilos ng isang baylarina, sa matinding pananabik sa isang maganda, kaaya-ayang pelikulang abentura, o sa masayang himig na nananatili sa isip pagkatapos huminto ng musika? At walang alinlangan na karamihan sa atin ay nasiyahang magpahingalay sa pagbabasa ng isang magandang aklat, binibilisan ang pagbuklat sa mga pahina habang tayo ay wiling-wili sa isang kuwentong mahusay ang pagkakalahad.
Ang gayong libangan ay maaaring magparelaks sa atin, at maaaring higit pa ang nagagawa nito. Maaari rin tayong ganyakin nito, pasiglahin, antigin ang ating puso, patawanin tayo—at maaari pa nga tayong turuan. Ang literatura, halimbawa, ay maaaring magturo sa atin ng maraming bagay tungkol sa kalikasan ng tao. Ang mga gawa ni Shakespeare ay isang malinaw na halimbawa niyan.
Ang mga Panganib ng Libangan
Gayunman, upang magkaroon ng isang timbang na pangmalas sa libangan ngayon dapat nating kilalanin ang mga panganib gayundin ang mga pakinabang nito. Marami ang sinasabi tungkol sa nakasisirang impluwensiya ng libangan, subalit sa pangkalahatan ang mga panganib ay maaaring hatiin sa dalawang malaking kategorya: dami at kalidad, ang dami ng libangang makukuha at ang nilalaman nito. Isaalang-alang muna natin ang kalidad.
Tayo’y nabubuhay sa madilim na mga panahon, na tinatawag ng Bibliya na “mapanganib na panahon na mahirap pakitunguhan.” (2 Timoteo 3:1) Hindi kataka-taka, ipinababanaag ng libangan ngayon ang ating panahon, kadalasan sa pinakapangit na aspekto nito. Sadistikong karahasan, tahasang imoralidad, at ang pinakahamak na mga reaksiyon ng tao—gaya ng pagtatangi ng lahi—ay ipinakikilala sa popular na libangan, hinahawaan ito sa iba’t ibang antas. Sa sukdulang dulo ng larawan, kung ano ang dapat sana’y libangan ay wala kundi pornograpya at basura. Isaalang-alang ang ilang halimbawa.
Mga Pelikula: Sa pinakamataas na karangalan ng Hollywood, ang Oscars, tatlo sa mga lalaking nahirang sa “best actor” na kategorya sa taóng ito ay gumanap bilang saykopatik na mga mamamatay-tao, pawang napakaliwanag ang pagkakalarawan ng pagpatay na ginawa nila sa pelikula. Iniulat na kinakagat ng isang tauhan ang mukha ng isang babae samantalang hinahalay ito. Sa pinansiyal na paraan, isa sa pinakamatagumpay sa taóng ito ay ang pelikulang tinatawag na Basic Instinct. Kung pagbabatayan ang mga rebista, ang pamagat na ito ay medyo suwabe lamang. Ang pelikula ay nagsisimula sa isang detalyadong seksuwal na eksena kung saan paulit-ulit na sinaksak ng babae ang kaniyang nakataling mangingibig ng isang ice pick, isinasaboy ang dugo sa kaniyang sarili.
Musika: Kapuwa ang musikang rap at heavy metal ay sumailalim ng higit at higit na pagpuna dahil sa nahahawig na mga problema tungkol sa nilalaman nito. Niluluwalhati ng mga awit ang seksuwal na pagsamâ at pag-abuso sa mga babae, karahasan at pagkapoot sa iba’t ibang lahi at sa mga pulis, at ang Satanismo pa nga ay pawang nasumpungan sa mga plaka ng musikang rap at heavy metal. Sa ilang dako, ang mga plaka na may gayong malinaw na materyal ay dapat na may babalang etiketa. Subalit gaya ng iniulat na inamin ng rapper na si Ice-T, nilalapatan niya ng nakasisindak na liriko ang kaniyang mga awit upang magkaroon lamang ng gayong etiketa; garantisadong makaaakit ito sa mga usyoso. Ang bituin ng musikang rock na si Prince ay umawit ng mga papuri sa insestong ugnayan ng magkapatid na lalaki-babae. Kadalasan, ang mga musikang video ay basta nagbibigay ng karagdagang panoorin sa gayong imoralidad. Ang video ng kilalang bituin ng musikang pop na si Madonna na Justify My Love ay nagwagi sa kabantugan nito sa paglalarawan ng kasiyahang nakukuha sa pisikal o mental na pagpapahirap sa iba o sa sarili at homoseksuwal na gawain. Kahit ang MTV, isang channel ng TV sa E.U. na kung minsan ay kilala sa pagbobrodkast ng imoral na mga video, ay tumangging ibrodkast ang videong ito.
Mga Aklat: Isaalang-alang ang ilang halimbawa na hinalaw mula sa mga rebista ng aklat kamakailan. Detalyadong inilalarawan ng American Psycho ang kakila-kilabot na sunud-sunod na pagpatay ng isang tao na nagsasagawa ng ubod nang samang kalagim-lagim na mga bagay, kasali na ang kanibalismo, sa mga bangkay ng kaniyang mga biktima. Ang Vox ay nakasentro naman sa isang mahabang usapan sa telepono kung saan ang isang lalaki at isang babae na hindi pa kailanman nagkikita ay pinasisigla ang isa’t isa sa seksuwal na paraan sa pamamagitan ng erotikong pag-uusap. Sinusunod naman ng Raptor ang lisyang seksuwal na mga pakikipagsapalaran ng dalawang hermaphrodite noong ikaanim-na-siglo, mga taong nagtataglay ng katangian ng lalaki’t babae. Karaniwan nang itinataguyod at niluluwalhati ng mga nobelang romansa ang pangangalunya at pakikiapid. Ang mga komiks, dati-rati’y hindi nakapipinsala sa mga bata, ngayon ay kadalasang nagtatampok ng maliwanag na mga paksa tungkol sa sekso, karahasan, at okulto.
Isports: Ang mga panawagan na ipagbawal ang boksing ay nagpapatuloy. Sa kabila ng higit pang katibayan na ang bawat knockout na suntok ay nagdudulot ng di-mababaligtad na pinsala sa utak, ang pakinabang na salapi at ang angaw-angaw na mga manonood ay patuloy na umaakit sa mga boksingero sa ring. Literal na daan-daang boksingero ang nabugbog sa kamatayan sa ganitong paraan.
Gayunman, mas marami pa ang namamatay sa ibang isports. Karaniwan nang nababasa ang tungkol sa karahasan na nangyayari sa mga palaruan o sa gitna ng mga manonood. Mga kaguluhan na ginatungan ng nasyonalismo o maling “katapatan sa isang koponan sa isports” ay pumatay ng daan-daan sa mga istadyum sa buong daigdig. Ang torero, na tinatawag ng lingguhang babasahing Aleman na Die Zeit na “malamang ay siyang pinakahayop na laro na nanatili hanggang sa makabagong panahon,” ay lalo pang naging popular kamakailan sa Espanya at gawing timog ng Pransiya. Pagkatapos suwagin ng isang toro ang kilalang 21-anyos na matador na si José Cubero sa puso, ang namatay na bayani na nasa kaniyang kabaong ay nang maglaon iniligid sa isang arena sa Madrid na pinalakpakan ng 15,000 nagmamahal na mga tagahanga. Ang video rekording ng kaniyang kamatayan ay paulit-ulit na ipinalabas sa TV sa Espanya.
Ipagpalagay na, ang mga ito ay sukdulang mga kaso, at ito ay hindi nangangahulugan na lahat ng libangan sa ilan sa iba’t ibang kategoryang ito ay masama. Subalit dapat kilalanin ng isang timbang na pangmalas sa libangan na ang mga sukdulang ito ay umiiral at popular. Bakit? Buweno, napansin mo ba na kung ano sa wari ay sukdulan mga ilang taon lamang ang nakalipas ay waring hindi nakatutuwa at walang kabuhay-buhay sa mga tao sa ngayon? Ang sukdulan ay tila unti-unting tinatanggap ng karamihan; ang mga tao ay nasasanay na rito. Ano ang makakasanayan mo?
Ang Isyu Tungkol sa Dami
Kahit na kung ang lahat ng libangan ay lubusang malinis, sa paano man, nariyan pa rin ang isyu tungkol sa dami. Ang industriya ng libangan ay gumagawa ng napakaraming materyal. Sa Estados Unidos, halimbawa, mahigit na 110,000 iba’t ibang aklat ang inilathala noong 1991 lamang. Kung ikaw ay makababasa ng isang libro mula sa simula hanggang sa wakas bawat araw, ikaw ay gugugol ng mahigit na 300 taon upang mabasa lamang ang mga aklat na inilathala sa isang taon! Ang industriya ng pelikula ng E.U. ay gumagawa ng mahigit na 400 pelikula sa isang taon, at inaangkat ng maraming bansa ang mga ito at gumagawa rin sila ng kanilang sariling mga pelikula. Ang industriya ng pelikula sa India ay gumagawa ng daan-daang pelikulang Hindi sa isang taon. At sino ang makabibilang sa mga plaka ng musika, mga compact disc, at mga tape na lumalabas sa bawat taon? Nariyan din ang TV.
Sa ilang maunlad na mga bansa, napakaraming channel na makukuha sa TV—mga cable station, satelayt na mga channel, at regular na mga brodkast. Nangangahulugan iyan ng isang patuloy na daloy ng libangan ang maaaring dumaloy sa bahay 24 na oras sa isang araw. Isports, musika, drama, katatawanan, kathang-isip sa siyensiya, mga talk show, mga pelikula, pawang sa isang pindot lamang ng buton. Sa pamamagitan ng isang VCR libu-libong pelikula ay maaari ring mapanood, kasama na ang di-mabilang na mga video na nagpapaliwanag kung paano gagawin ang mga bagay-bagay, mga video sa musika, at pati ng nakapagtuturong mga tape tungkol sa kalikasan, kasaysayan, at siyensiya.
Subalit nasaan ang panahon para sa lahat ng libangang ito? Ang teknolohiya ay maaaring magdala sa atin ng himala ng kagyat na libangan—isip-isipin ang pagkasindak ni Mozart kung maririnig niya ang isa sa kaniyang mga symphony na pinatutugtog sa isang nabibitbit na stereo! Gayunman, hindi magagawa ng teknolohiya ang panahon na kinakailangan upang pagbigyan ang lahat ng kasiyahang iyon. Sa katunayan, sa ilang bansa kung saan lubhang maunlad ang teknolohiya, ang malayang panahon ay umuunti, sa halip na dumami.
Kaya kung hahayaan natin ito, maaaring ubusin ng libangan ang lahat ng ating malayang panahon. At dapat nating tandaan na ang libangan ay isa lamang anyo ng dibersiyon, karaniwang ang walang pagkilos na uri ng paglilibang. Karamihan sa atin ay kailangan ding lumabas ng bahay at gumawa ng isang bagay na mas aktibo, ang makibahagi sa halip na basta maupo at aliwin. Nariyan ang mga paglakad na dapat gawin, mabuting mga kasama na dapat tamasahin, mga larong dapat laruin.
Kung isang pagkakamali na hayaang ubusin ng libangan ang lahat ng ating malayang panahon, mas masahol pa kung hahayaan nating ubusin nito ang panahon na dapat italaga sa mas nakahihigit na mga tungkulin, gaya ng ating tungkulin sa ating Maylikha, sa ating sambahayan, sa ating trabaho, sa ating mga kaibigan! Mahalaga, kung gayon, na magkaroon ng isang timbang na pangmalas sa libangan! Paano tayo nagpapasiya kung anong libangan ang masama para sa atin, at kung gaano karami nito ang labis-labis?
[Mga larawan sa pahina 7]
Ang ilang libangan ay maaaring umantig sa ating mga puso at turuan tayo
-
-
Anong Libangan ang Pipiliin Mo?Gumising!—1992 | Nobyembre 8
-
-
Anong Libangan ang Pipiliin Mo?
ANG pagkakaroon ng isang timbang na pangmalas sa libangan ay isang bagay. Ang pagiging timbang sa kung anong libangan ang ating pinipili ay ibang bagay naman. Napakadaling makita na ang libangan ay may kaniyang wastong dako, subalit karamihan nito ay mababang uri at walang kuwenta at isang pag-aaksaya lamang ng panahon. At, mayroon pa tayong pang-araw-araw na mga pasiyang dapat gawin—at ang mga ito ay hindi laging madali.
Gaya ng nakita natin, hindi ginagawang mas madali ng industriya ng libangan ang pagpapasiya. Napakaraming mapagpipilian, subalit sa loob ng libu-libong taon, binigyan ng Bibliya ang tapat-pusong mga tao ng patnubay na kailangan nila. Hindi nagawang lipás na ng makabagong teknolohiya ang mga simulain ng Bibliya; sa halip, higit kailanman ang mga ito ay mas kapaki-pakinabang at kinakailangan sa maligalig na mga panahong ito. Kaya ating tingnan kung paano natin maikakapit ang mga simulaing iyon kung tungkol sa dalawang mapanganib na dako ng libangan—ang nilalaman nito at ang panahon na kinukunsumo nito.
Ano ba ang mga Panuntunan ng Bibliya?
Isang kabataan ay nagpakamatay, at natuklasan na siya ay lubhang nasangkot sa musikang rock na heavy metal na humihimok ng pagpapatiwakal. Hinampas ng isang 14-anyos na babae ang kaniyang nanay sa kamatayan, at waring siya man ay nasangkot sa musikang heavy metal. Pinatay ng isang 15-anyos na lalaki ang isang babae, at sinasabi ng kaniyang abugado na siya ay naimpluwensiyahan ng mga pelikulang nagtatampok ng marahas na pagpapahirap sa layong manakot. Isang pelikula tungkol sa karahasan ng gang ang nagbubukas, at may marahas na mga labanan ng gang doon mismo sa loob ng mga sinehan at sa gitna ng mga pumipila sa pelikula.
Maliwanag, ang nilalaman ng libangan na ating pinipili ay may epekto sa atin. Maaaring pawalang-saysay ng ilang eksperto ang nabanggit na mga pangyayari bilang katibayan na batay sa hiwalay na mga pangyayari na hindi kapani-paniwala. Gayunman, ang mga simulain ng Bibliya ay tuwirang tumutukoy sa problema. Halimbawa, isaalang-alang ang maliwanag na mga salitang ito: “Siyang lumalakad na kasama ng mga taong pantas ay magiging pantas, ngunit siyang nakikitungo sa mga mangmang ay mapapariwara.” (Kawikaan 13:20) Hindi ba ang ilang libangan ay ganiyan nga—paglakad, o pakikisama, sa mga taong mangmang, o walang-muwang sa moral? Sa katulad na paraan, ang 1 Corinto 15:33 ay kababasahan ng ganito: “Huwag kayong padaya. Ang masasamang kasama ay sumisira ng kapaki-pakinabang na mga ugali.” Walang malabo o hindi tiyak na mga pananalita rito, walang mga eksperto na may magkasalungat na mga pangmalas na pinagtatalunan ang mga estadistika. Ito ay isang payak na batas ng kalikasan ng tao. Kung tayo ay regular na nakikisama sa mga taong may mababang moral, ang atin mismong ugali ay negatibong maaapektuhan.
Ang gayong mga simulain ay nakatutulong din pagdating sa pag-idolo sa mga bituin sa isports, pelikula, TV, at musika. Bagaman kadalasang niluluwalhati ng kilalang mga tagapagtanghal ang karahasan o imoralidad, kapuwa sa kanilang mga pagtatanghal at sa kanilang personal na mga buhay, ang kanilang mga tagahanga—lalo na ang mga kabataan—ay waring hinahangaan pa rin sila. Ganito ang sinabi ng pahayagang The European kamakailan: “Binabanggit ng mga sosyologo na sa isang lipunan na lubhang nagiging sekular maaaring tinutupad ng mga pop star ang papel na dating ginampanan ng relihiyon sa buhay ng maraming kabataan.” Subalit pansinin ang sinasabi ng Awit 146:3: “Huwag ninyong ilagak ang inyong tiwala sa mga dakilang tao, ni sa anak man ng makalupang tao, na hindi makapagliligtas.” At ang Kawikaan 3:31 ay nagsasabi: “Huwag kang managhili sa taong marahas, ni pumili ka man ng anuman sa kaniyang mga lakad.”
Isa pang mahalagang simulain: Kapag nagpapasiya, dapat isaalang-alang ng mga Kristiyano ang epekto hindi lamang sa kanilang sarili kundi ang epekto rin naman nito sa iba sa kongregasyong Kristiyano, pati na yaong mayroong mas sensitibong mga budhi. (1 Corinto 10:23-33) Sa positibong panig, tinutulungan din tayo ng mga simulain ng Bibliya na magtakda ng mga pamantayan para sa libangan na ligtas nating mapipili. Si apostol Pablo ay nagpapayo: “Sa wakas, mga kapatid, ano mang bagay ang totoo, ano mang bagay ang karapat-dapat pag-isipan, ano mang bagay ang matuwid, ano mang bagay ang malinis, ano mang bagay ang kaibig-ibig, ano mang bagay ang may mabuting ulat, kung may ano mang kagalingan at kung may ano mang kapurihan, patuloy na pag-isipan ninyo ang mga bagay na ito.”—Filipos 4:8.
Ang mga simulaing ito ang pumatnubay sa bayan ng Diyos sa loob ng mga dantaon. Ang mga Kristiyano sa sinaunang Roma ay hindi nangailangan ng ilang maliwanag na kautusan na nagsasabi sa kanila na ang mga laro ng gladiator, taglay ang lahat ng pagpapatayan at sadismo nito, ay hindi wastong libangan. Basta ikinakapit nila ang mga simulain na nabanggit sa itaas at sa gayo’y naingatan nila ang kanilang mga sarili, ang kanilang mga pamilya, at ang kanilang mga kongregasyon.
Paano Pipili
Gayundin ang ginagawa ng tunay na mga Kristiyano sa ngayon. Kapag pumipili ng libangan, sinusuri muna nila ang moral na nilalaman nito. Paano? Buweno, bago bumili ng isang plaka, halimbawa, tinitingnan nila ang takip nito. Paano ba iniaanunsiyo ang musika? Itinataguyod ba nito ang mababang mga pamantayan? Pagkapoot? Paghihimagsik? Matinding galit? Sekso at pang-aakit sa masama? Kung minsan ang mga liriko ay maaaring suriin. Sa kahawig na paraan, ang mga pabalat ng aklat ay kadalasang nagtataglay ng mga buod ng nilalaman ng aklat, at kung minsan ay may makukuhang mga rebista. Sa mga pelikula rin naman ay kadalasang may mga rebista sa lokal na mga pahayagan at mga magasin. Ang ilang bansa ay nagbibigay ng mga sistema sa pag-uuri sa pelikula na maaaring tumulong upang maglaan ng mga panuntunan. Maliwanag, kung inaakala ng masamang sanlibutan sa ngayon ang ilang libangan na masyadong patungkol sa sekso, imoral, o marahas, mahirap isipin na ibaba ng isang Kristiyano ang kaniyang mga pamantayan at kusang ipapasok ito sa kaniyang isip at puso.
Sa kabilang dako naman, ang matalinong si Haring Solomon ay nagbabala minsan: “Huwag kang lubhang magpakamatuwid, ni huwag ka mang lubhang magpakapantas. Bakit sisirain mo ang iyong sarili?” (Eclesiastes 7:16) Ang pag-aakalang ikaw ay mas matuwid kaysa iba ay isang napakadaling silo kung saan maaaring mahulog ang isa kung ang pag-uusapan ay libangan. Maaaring kumbinsido tayo na tama ang ating napiling libangan, pagkatapos na maingat at may panalanging timbang-timbangin natin ang mga simulain ng Bibliya. Gayunman, maaaring masumpungan natin na ang iba na namumuhay sa gayunding mga simulain ay nagpasiya nang naiiba. Huwag hayaang mag-alis iyon sa iyo ng kagalakan. Ang bawat isa sa atin ay dapat managot sa kaniyang sariling mga pagpili.—Galacia 6:4.
Gaano Karami ang Napakarami?
Ang sistema ng pamantayan ng daigdig ay maliwanag na hindi kasukat pagdating sa prayoridad na iniaatas nito sa malayang panahon. Halimbawa, tinawag kamakailan ng isang editoryal sa babasahing pangkalakal na Parks & Recreation ang dibersiyon na “ang diwa ng pamumuhay.” Sa katulad na paraan, ganito ang sabi ng The New York Times Magazine kamakailan tungkol sa gabi ng Sabado, isang popular na panahon para sa dibersiyon: “Kung tutuusin mo ito, mas maraming mga araw sa loob ng sanlinggo sa ating mga buhay kaysa mga gabi ng Sabado, subalit ang gabi ng Sabado ang gumagawa sa buhay na makabuluhan.” Ang ilang sosyologo ay nangangatuwiran pa nga na sa mas mayayamang bansa sa daigdig, ang lipunan ngayon ay nasasalig sa malayang panahon, na ang relihiyon mismo ay isa lamang gawain sa malayang-panahon.
Ang mga Kristiyano ay hindi nagtataka sa pilipit na mga prayoridad na ito. Malaon nang inihula ng Bibliya na sa mapanganib na “mga huling araw” na ito, ang mga tao ay magiging “maibigin sa kanilang sarili, . . . maibigin sa kalayawan kaysa maibigin sa Diyos.” (2 Timoteo 3:1-4) Subalit tayo ay tinutulungan ng mga simulain ng Bibliya na ilagay sa wastong dako ang ating sariling mga prayoridad. Gaya ng sabi ni Jesus, “iibigin mo si Jehova mong Diyos nang buong puso mo at nang buong kaluluwa mo at nang buong isip mo at nang buong lakas mo.” (Marcos 12:30) Kaya nga, sa bayan ng Diyos, ang pag-ibig nila sa kaniya ang pangunahin sa buhay. Hindi inilalagay ang kanilang ministeryong Kristiyano sa isang gawain sa malayang-panahon, ito ang inuuna nila. Kahit na ang kanilang sekular na trabaho ay bilang panustos lamang sa mahalagang karerang iyon.—Mateo 6:33.
Kaya pagdating sa libangan, dapat tayahin ng isang Kristiyano ang halaga, alamin kung gaanong panahon ang kukunin nito kung ihahambing sa kung sulit ba ang panahong gugugulin dito. (Lucas 14:28) Kung ang pagtataguyod ng anumang libangan ay mangangahulugan ng pagpapabaya sa mahahalagang bagay, gaya ng personal o pampamilyang pag-aaral ng Bibliya, ng panahon na kasama ng mga kapuwa kapananampalataya, ng ministeryong Kristiyano, o ng mahahalagang pananagutan sa pamilya, kung gayon hindi ito sulit sa halaga.
Kung Ano ang Isinisiwalat Tungkol sa Iyo ng Iyong Pinipili
Ang dami ng panahon na itinatalaga natin sa libangan ay magsisiwalat ng marami tungkol sa ating mga prayoridad, kung paanong isisiwalat ng nilalaman ng libangang ating pinipili ang maraming bagay tungkol sa ating moral at katapatan ng ating pag-aalay. Ang ating pinipili ay magsasabi sa mga tao sa pamayanan kung anong uri ng tao tayo, kung anong mga pamantayan ang ating itinataguyod. Ang ating mga pinipili ay magsasabi sa ating mga kaibigan, sa ating pamilya, at sa ating kongregasyon kung baga tayo ay timbang o mahigpit, walang pagbabago o paimbabaw, matuwid o nag-aakalang tayo’y matuwid kaysa iba.
Hayaang ang iyong mga pasiya ay kumatawan sa iyong mga paniwala at mga pamantayan at yaong sa iyong pamilya, yamang ikaw ay tumatayo sa harap ng Maylikha, na sumusuri sa mga puso at mga motibo nating lahat. Ang Hebreo 4:13 ay nagsasabi: “At walang ano mang nilalang na hindi nahahayag sa kaniyang paningin, kundi lahat ng bagay ay hubad at nakalantad sa harapan ng mga mata niyaong ating pagsusulitan.” Tanging ang Diyos lamang ang makakikita sa sagot sa tanong na nasa sentro ng paksang ito: Tayo ba ay talagang paaakay sa mga simulain niya sa bawat pitak ng ating buhay?
-