-
Inalagaan Akong Mabuti ni JehovaAng Bantayan—1992 | Setyembre 1
-
-
dugo at namanhik sa akin na pumayag na ako. Subalit, kami ng aking maybahay ay nagtiwala kay Jehova—kahit na kung ang pagsunod sa kaniyang batas ay magbubunga ng pagkawala ng ilang taon sa kasalukuyang buhay na ito.
Biglang-bigla, nagkaroon ng kapuna-punang pagbuti sa kalagayan ng aking maybahay. Isang araw ay dumating ako na siya ay nakauupo na sa higaan at nagbabasa. Nang sumunod na mga araw ay nagsimula na siyang magpatotoo sa mga pasyente at sa mga nars. At ipinatawag ako sa opisina ng siruhano. “Ginoong Wharerau,” aniya, “ikaw ay talagang isang taong masuwerte! Kami’y naniniwala na ang sakit ng iyong maybahay ay magaling na.” Di-inaasahan, matatag na ang presyon ng kaniyang dugo. Magkasama kami ng aking maybahay na nagpasalamat kay Jehova at muling pinatibay namin ang aming determinasyon na gawin ang lahat ng magagawa sa paglilingkuran sa kaniya.
Ngayon ay muli akong naatasang maglingkod sa Cook Islands at minsan pa’y naglilingkod na naman ako rito sa Rarotonga. Anong pinagpalang pribilehiyo! Sa paglingon sa nakalipas kaming mag-asawa’y napasasalamat sa pangangalaga ni Jehova sa loob nang halos limampung taon ng paglilingkuran sa kaniya. Sa materyal, hindi nangyari na kami’y nawalan ng mga panustos sa buhay. Sa espirituwal naman, napakarami ang mga pagpapala upang isa-isahin. Ang isang kapuna-puna ay ang dami ng aking mga kamag-anak na tumanggap sa katotohanan. Ang nabibilang ko’y mahigit na 200 na ngayo’y bautismado nang mga Saksi ni Jehova, kasali ang 65 tunay na mga inapo. Isang apo ang miyembro ng pamilyang Bethel sa New Zealand, samantalang isang anak na babae kasama ang kaniyang asawa at dalawang anak na lalaki ang nagtatrabaho sa konstruksiyon sa mga sangay.—3 Juan 4.
Sa pagtanaw sa hinaharap, pinakananasa kong matupad ang pag-asang mabuhay sa isang paraiso na kung saan, sa buong lupa, ang kagandahan ay hihigit pa kaysa kagandahan ng luntiang libis na aking sinilangan. Anong laking pribilehiyo ang salubungin ang aking ina at ama sa pagkabuhay-muli at balitaan sila tungkol sa pantubos, sa Kaharian, at lahat ng iba pang patotoo ng pangangalaga ni Jehova.
Ang aking determinasyon, na pinatitibay ng pagkaalam na pinangangalagaan ako ng Diyos, ay gaya ng sinabi ng salmista sa Awit 104:33: “Aawit ako kay Jehova habang ako’y nabubuhay; ako’y aawit ng papuri sa aking Diyos samantalang ako ay may buhay.”—Inilahad ni Sarn Wharerau.
-
-
Mga Tanong Mula sa mga MambabasaAng Bantayan—1992 | Setyembre 1
-
-
Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Ang mga Saksi ba ni Jehova ay umiiwas sa pagdiriwang ng kapanganakan sapagkat ang gayon ay may relihiyosong kahulugan noong sinaunang panahon?
Ang pagdiriwang ng kapanganakan ay nanggaling sa pamahiin at huwad na relihiyon, ngunit hindi iyan ang tangi o pangunahing dahilan kung bakit iniiwasan ng mga Saksi ni Jehova ang gayong kaugalian.
Sa maraming lugar ay may mga kaugalian na dating panrelihiyon na ngayon ay hindi na gayon. Halimbawa, ang singsing na pangkasal ay dating may relihiyosong kahulugan, subalit sa karamihan ng lugar ngayon, hindi na gayon. Dahil dito, maraming tunay na Kristiyano ang sumasang-ayon sa lokal na kaugaliang pagsusuot ng isang singsing na pangkasal upang magsilbing patotoo na ang isang tao ay may asawa. Sa ganiyang mga bagay, ang karaniwan nang impluwensiya ay kung ang isang kaugalian ay may kaugnayan ngayon sa huwad na relihiyon.—Tingnan ang “Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa” sa Ang Bantayan ng Hulyo 15, 1972, at Oktubre 15, 1991.
Gayunman, hindi maikakaila na ipinakikita ng maraming reperensiya ang mga pamahiin at relihiyosong kasaysayan na kaugnay ng pagdiriwang ng kapanganakan. Ang The Encyclopedia Americana (edisyon ng 1991) ay nagsasabi: “Ang sinaunang daigdig ng Ehipto, Gresya, Roma, at Persia ay nagdiwang ng kapanganakan ng mga diyos, hari, at mga maharlika.” Sinasabi nito na ang mga Romano ay nagdiwang ng kapanganakan ni Artemis at ng araw ni Apollo. Kabaligtaran nito, “bagaman ang sinaunang mga Israeli ay may mga rekord ng edad ng kanilang mga mamamayang lalaki, walang patotoo na sila’y may mga pagdiriwang sa anibersaryo ng petsa ng kapanganakan.”
Isa pang reperensiya ang nagbibigay ng detalye tungkol sa pinagmulan ng mga pagdiriwang ng kapanganakan: ‘Ang mga paghahanda sa kapanganakan ay nagsimula mga taon na ngayon ang lumipas sa Europa. Ang mga tao ay naniniwala sa mabubuti at masasamang espiritu, kung minsan tinatawag na mabubuti at masasamang engkantada. Lahat ay natatakot sa mga espiritung ito, na sila’y makagagawa ng pinsala sa nagdiriwang ng kapanganakan, kaya siya’y napalilibutan ng mga kaibigan at mga kamag-anak na ang mga pagbati, at ang mismong pagkanaroroon, ay magsasanggalang sa kaniya laban sa nakakubling mga panganib na dala ng kapanganakan. Ang pagreregalo ay nagdudulot ng lalong malaking proteksiyon. Ang pagsasalu-salo ay isa pa ring pananggalang at may nagagawa upang magdulot ng mga pagpapala ng mabubuting espiritu. Samakatuwid ang pagdiriwang ng kapanganakan ay nilayon noong una na iligtas ang isang tao sa masama at tiyakin na magiging mabuti ang hinaharap na taon.’—Birthday Parties Around the World, 1967.
Ipinaliliwanag din ng aklat ang pinagmumulan ng maraming kaugalian sa kapanganakan. Halimbawa: “Ang dahilan [sa paggamit ng mga kandila] ay nagsimula sa sinaunang mga Griego at Romano na naniniwalang ang mga kandila ay may mga katangian ng madyik. Sila’y nananalangin at gumagawa ng mga kahilingan na ipinahahatid sa mga diyos sa pamamagitan ng liyab ng mga kandila. Kung magkagayon ay nagpapadala naman ang mga diyos ng kanilang pagpapala at marahil sinasagot ang mga panalangin.” Ang iba pang gayong makasaysayang impormasyon ay tinipon sa mga pahina 81 at 82 ng Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan, lathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
Gayunman, gaya ng binanggit na ay higit pa ang kasangkot sa tanong na ito kaysa kung ang pagdiriwang ng kapanganakan ay may kaugnayan sa relihiyon noon o hanggang ngayon. Binabanggit ng Bibliya ang tungkol sa mga kapanganakan, at ang maygulang na mga Kristiyano ay may talino upang maging palaisip sa anumang mga pahiwatig tungkol dito.
Ang mga lingkod ng Diyos noong una ay nagtatala ng petsa ng kapanganakan ng mga tao, upang matantiya nila ang mga edad. Ating mababasa: “Si Noe ay sumapit sa limandaang taóng gulang. Pagkatapos ay naging anak ni Noe si Sem, si Ham at si Japet.” “Noong ikaanim na raang taon ng buhay ni Noe, . . . nangasira ang lahat ng bukal ng lubhang kalaliman.”—Genesis 5:32; 7:11; 11:10-26.
Gaya ng binanggit kahit ni Jesus, sa gitna ng bayan ng Diyos ang pagsisilang ng anak ay isang pinagpala, maligayang pangyayari. (Lucas 1:57, 58; 2:9-14; Juan 16:21) Gayunman, hindi inaalaala ng mga lingkod ni Jehova ang petsa ng kapanganakan; kanilang ginaganap ang ibang mga anibersaryo subalit hindi ang mga kapanganakan. (Juan 10:22, 23) Sinasabi ng Encyclopaedia Judaica: “Ang pagdiriwang ng kapanganakan ay hindi kilala sa tradisyonal na ritwal ng mga Judio.” Ganito ang puna ng Customs and Traditions of Israel: “Ang pagdiriwang ng kapangakan ay hiniram sa mga kaugalian ng ibang bansa, yamang walang binabanggit tungkol sa kaugaliang ito sa gitna ng mga Judio maging sa Bibliya, Talmud, o mga isinulat ng nahuling mga Paham. Ang totoo, ito ay isang sinaunang kaugalian sa Ehipto.”
Ang kaugnayan nito sa Ehipto ay maliwanag buhat sa isang pagdiriwang ng kapanganakan na iniulat sa Bibliya, na hindi ginagawa ng mga tunay na mananamba. Iyon ay ang kapistahan ng kapanganakan ng Faraon na namahala samantalang si Jose ay nasa isang piitang Ehipsiyo. Ang ilan sa mga paganong iyon ay maaaring nasayahan sa kapistahan, bagaman ang kapanganakan ay kaugnay ng pagpugot sa ulo ng punò ng mga magtitinapay ni Faraon.—Genesis 40:1-22.
Isang nahahawig na di-kaaya-ayang liwanag ang tumanglaw sa isa pang pagdiriwang ng kapanganakan na inilarawan sa Kasulatan—yaong kay Herodes Antipas, anak ni Herodes na Dakila. Ang pagdiriwang na ito ng kapanganakan ay tunay na hindi inihaharap ng Bibliya bilang isa lamang inosenteng kapistahan. Bagkus, itinaon doon ang pagpugot sa ulo ni Juan Bautista. Pagkatapos, “dumating ang kaniyang mga alagad at inalis ang bangkay at inilibing iyon at naparoon at nag-ulat kay Jesus,” na ‘lumisan doon upang magtungo sa isang ilang na lugar para makapag-isa.’ (Mateo 14:6-13) Maguguniguni mo ba na ang mga alagad na iyon o si Jesus ay naakit sa kaugalian na pagdiriwang ng kapanganakan?
Sa liwanag ng kilalang pinagmulan ng pagdiriwang ng kapanganakan, at lalong mahalaga, ng di-kaaya-ayang tanawin na inihaharap ng Bibliya tungkol dito, ang mga Saksi ni Jehova ay may sapat na dahilan na umiwas sa kaugalian. Hindi na kailangang sundin nila ang makasanlibutang kaugaliang ito, sapagkat sila ay maaaring maligayang magsalu-salo anumang panahon sa isang taon at ginagawa naman nila ito. Ang kanilang pagreregalo ay hindi naman sapilitan o ginigipit sila na maghanda; iyon ay kusang pagbibigay ng mga regalo anumang panahon ng dahil sa pagkabukas-palad at sa tunay na pagmamahal.—Kawikaan 17:8; Eclesiastes 2:24; Lucas 6:38; Gawa 9:36, 39; 1 Corinto 16:2, 3.
-