Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Aklat ng Bibliya Bilang 19—Mga Awit
    “Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
    • sa kalagitnaan, ang banal na pangalan ay 5 beses binabanggit sa bawat Awit. Isa pa, si Jehova ay 350 beses tinutukoy na ʼElo·himʹ, o Diyos. Ang kataas-taasang pamamahala ni Jehova ay ipinakikita ng malimit na pagtukoy sa kaniya ng mga awit bilang “Soberanong Panginoon”.​—68:20; 69:6; 71:5; 73:28; 140:7; 141:8.

      24. Ano ang sinasabi sa Mga Awit tungkol sa taong mortal, at anong mahusay na payo ang ibinibigay?

      24 Di-gaya ng walang-hanggang Diyos, ipinakikita na ang tao ay isinilang sa kasalanan at nangangailangan ng tagatubos, namamatay at bumabalik sa “alabok,” nananaog sa Sheol na karaniwang libingan ng tao. (6:4, 5; 49:7-20; 51:5, 7; 89:48; 90:1-5; 115:17; 146:4) Idiniriin ng Mga Awit ang pagtalima sa batas ng Diyos at pagtitiwala kay Jehova. (1:1, 2; 62:8; 65:5; 77:12; 115:11; 118:8; 119:97, 105, 165) May babala ito laban sa kapangahasan at “lihim na mga pagkakasala” (19:12-14; 131:1) at nagpapasigla ng tapat at nagpapatibay na pakikipagsamahan. (15:1-5; 26:5; 101:5) Ipinakikita nito na ang wastong gawi ay sinasang-ayunan ni Jehova. (34:13-15; 97:10) Naghaharap ito ng maluwalhating pag-asa sa pagsasabing ang “kaligtasan ay mula kay Jehova” at, para sa mga natatakot sa kaniya, “ililigtas [Niya] ang kanilang kaluluwa sa kamatayan.” (3:8; 33:19) Umaakay ito sa makahulang katangian ng mga awit.

      25. (a) Ang Mga Awit ay siksik sa ano? (b) Papaano ginamit ni Pedro ang Mga Awit upang ipakilala ang Lalong-Dakilang David?

      25 Ang Mga Awit ay siksik sa mga hula tungkol kay Jesu-Kristo, “anak ni David,” at ang papel niya bilang Pinahiran at Hari ni Jehova.a (Mat. 1:1) Nang itatag ang kongregasyong Kristiyano noong Pentekostes 33 C.E., ang katuparan ng mga hulang ito ay niliwanag ng banal na espiritu sa mga apostol. Nang araw ding yaon, paulit-ulit na sumipi si Pedro sa Mga Awit habang idiniriin ang tema ng kaniyang tanyag na diskurso. Tungkol ito sa isang indibiduwal: “Si Jesus na Nazareno.” Ang huling bahagi ng kaniyang argumento ay halos pagsipi sa Mga Awit bilang patotoo na si Kristo Jesus ang Lalong-Dakilang David at na hindi pababayaan ni Jehova ang kaluluwa ni Jesus sa Hades kundi siya ay bubuhayin mula sa mga patay. “Si David ay hindi umakyat sa langit,” kundi gaya ng inihula niya sa Awit 110:1, ang kaniyang Panginoon ang umakyat. Sino ang Panginoon ni David? Sa pinaka-sukdulan ng diskurso ni Pedro ay buong diin siyang sumasagot: “Siya’y si Jesus na inyong ipinako”!​—Gawa 2:14-36; Awit 16:8-11; 132:11.

      26. Papaano naging kapaki-pakinabang ang diskurso ni Pedro?

      26 Kapaki-pakinabang ba ang diskurso ni Pedro na nasasalig sa Mga Awit? Sinasagot ito ng pagkabautismo ng mga 3,000 bagong kaanib sa kongregasyong Kristiyano nang araw ding yaon.​—Gawa 2:41.

      27. Papaano ipinaliwanag ng “banal na espiritu” ang Awit 2?

      27 Di-nagtagal, sa isang pantanging pagtitipon, nagsumamo kay Jehova ang mga alagad at sinipi ang Awit 2:1, 2. Sinabi nila na natupad ito sa nagkakaisang pagsalansang ng mga pinunò laban kay “Jesus, ang banal na lingkod na pinahiran [ng Diyos].” Ayon sa ulat silang “lahat ay napuspos ng banal na espiritu.”​—Gawa 4:23-31.

      28. (a) Sa pamamagitan ng Mga Awit, paano nangatuwiran si Pablo sa Hebreo kabanata 1 hanggang 3? (b) Papaano inilalaan ng Awit 110:4 ang saligan ng pagtalakay ni Pablo sa pagka-saserdote ayon kay Melkisedek?

      28 Basahin ang liham sa Mga Hebreo. Sa unang dalawang kabanata, sinisipi ang Mga Awit na nagsasabing si Jesus, bilang Anak ng Diyos na nakalulok sa langit, ay mas mataas kaysa mga anghel. Mula sa Awit 22:22 at iba pang reperensiya ipinakikita ni Pablo na si Jesus ay may kongregasyon ng “mga kapatid” niya na binhi ni Abraham at “may makalangit na pagkatawag.” (Heb. 2:10-13, 16; 3:1) At pasimula sa Hebreo 6:20 hanggang Heb kabanata 7, ipinaliliwanag ng apostol ang karagdagang tungkulin ni Jesus bilang “mataas na saserdote ayon sa wangis ni Melkisedek.” Tumutukoy ito sa sinumpaang pangako ng Diyos sa Awit 110:4, na laging binabanggit ni Pablo upang ipaliwanag na ang pagka-saserdote ni Jesus ay nakahihigit kaysa kay Aaron. At dahil sa sumpa ni Jehova, si Jesu-Kristo ay saserdote, hindi sa lupa, kundi sa langit at na “siya’y saserdote magpakailanman”​—ang mga pakinabang ng kaniyang pagka-saserdote ay walang-hanggan.​—Heb. 7:3, 15-17, 23-28.

      29. Anong bukod-tanging halimbawa ng katapatan ang dapat nating sundin, gaya ng ipinakikita sa Mga Awit at ipinaliliwanag sa Hebreo 10:5-10?

      29 Bukod dito, tinutukoy sa Hebreo 10:5-10 ang pagpapahalaga ni Jesus sa landasin ng pagsasakripisyo na siyang kalooban ng Diyos para sa kaniya at ang determinasyon niya na ganapin ito. Salig ito sa mga salita ni David sa Awit 40:6-8. Kapaki-pakinabang na isasaalang-alang at tularan ang huwarang ito ng debosyon upang makamit ang pagsang-ayon ng Diyos.​—Tingnan din ang Awit 116:14-19.

      30. Papaano detalyadong inihula ng Mga Awit ang landasin ni Jesus, at papaano siya tiyak na nagkamit ng kaaliwan mula rito?

      30 Detalyadong inihula sa Mga Awit ang landasin na tinahak ni Jesus na nagwakas sa matinding pagdurusa sa pahirapang tulos. Kabilang dito ang pagpapainom sa kaniya ng suka, ang pagsasapalaran para sa kaniyang kasuotan, ang pagmamalupit sa kaniyang mga kamay at paa, ang pang-uuyam, at ang napakapait na pagdadalamhati ng makirot na daing na: “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?” (Mat. 27:34, 35, 43, 46; Awit 22:1, 7, 8, 14-18; 69:20, 21) Gaya ng ipinahihiwatig ng Juan 19:23-30, ang Mga Awit ay tiyak na nagdulot kay Jesus ng malaking kaaliwan at patnubay nang mga sandaling yaon, palibhasa alam niya na lahat ng ito ay dapat matupad sa bawat detalye. Batid ni Jesus na inihula rin sa Mga Awit ang kaniyang pagkabuhay-muli at pagkakadakila. Tiyak na nasa isip niya ito habang nangunguna sa kaniyang mga apostol sa “pag-awit ng mga papuri,” o salmo, sa bisperas ng kamatayan niya.​—Mat. 26:30.

      31. Ano ang inihuhula ng Mga Awit tungkol sa Binhi ng Kaharian at sa kongregasyon ni Jesus?

      31 Kaya si Kristo Jesus ay malinaw na ipinakikilala ng Mga Awit bilang “anak ni David” at Binhi ng Kaharian, na ngayo’y dinadakila bilang Hari at Saserdote sa makalangit na Sion. Kulang ang espasyo para itala ang lahat ng talata sa Mga Awit na sinisipi sa Kristiyanong Kasulatang Griyego at na natupad sa Pinahiran ni Jehova, subalit narito ang ilan: Awit 78:2​—Mat. 13:31-35; Awit 69:4​—Juan 15:25; Awit 118:22, 23​—Mar. 12:10, 11 at Gawa 4:11; Awit 34:20​—Juan 19:33, 36; Awit 45:6, 7​—Heb. 1:8, 9. Ang kongregasyon ng tunay na mga tagasunod ni Jesus ay inihula rin, hindi bilang mga indibiduwal, kundi bilang grupo mula sa lahat ng bansa na sinang-ayunan ng Diyos upang makibahagi sa pagpuri kay Jehova.​—Awit 117:1​—Roma 15:11; Awit 68:18​—Efe. 4:8-11; Awit 95:7-11​—Heb. 3:7, 8; 4:7.

      32. (a) Ano ang isinisiwalat ng pag-aaral sa Mga Awit tungkol sa pagbabangong-puri kay Jehova at sa mga layunin ng Kaharian? (b) Bilang pagpapahalaga sa kaniyang paghahari, papaano tayo dapat magpahayag ng katapatan at pagpapasalamat?

      32 Ang pag-aaral ng Mga Awit ay tumutulong sa pagpapahalaga sa paghahari ng Diyos na Jehova sa pamamagitan ng ipinangakong Binhi at Tagapagmana ng Kaharian, sa ikaluluwalhati at ikapagbabangong-puri Niya. Nawa’y mapabilang tayo sa mga tapat na nagbubunyi sa ‘maluwalhating kamahalan ng karangalan ni Jehova’ na tinutukoy sa Awit 145, “isang papuri, ni David”: “Tungkol sa kaluwalhatian ng iyong paghahari ay mag-uusap sila, at tungkol sa iyong kalakasan ay magsasalita sila, upang ipabatid sa mga anak ng tao ang kaniyang makapangyarihang mga gawa at ang maluwalhating kamahalan ng kaniyang paghahari. Ang iyong paghahari ay walang-hanggan, at ang iyong pagpupuno ay sa lahat ng sali’t-saling lahi.” (Awit 145:5, 11-13) Tapat sa makahulang awit, ang karilagan ng tatag na Kaharian ng Diyos sa ilalim ni Kristo ay ibinabalita na sa lahat ng bansa. Malaki ang dapat ipagpasalamat sa Hari at sa Kahariang yaon! Angkop-na-angkop ang pangwakas na pangungusap ng Mga Awit: “Bawat bagay na may hininga​—purihin si Jah. Purihin ninyo si Jah!”​—150:6.

  • Aklat ng Bibliya Bilang 20—Mga Kawikaan
    “Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
    • Aklat ng Bibliya Bilang 20​—Mga Kawikaan

      Mga Tagapagsalita: Sina Solomon, Agur, Lemuel

      Saan Isinulat: Sa Jerusalem

      Natapos Isulat: c. 717 B.C.E.

      1. Anong karunungan ang masusumpungan sa aklat ng Mga Kawikaan?

      NANG si Solomon, anak ni David ay maghari sa Israel noong 1037 B.C.E., humingi siya kay Jehova ng “karunungan at kaalaman” upang “hatulan ang malaking bayang ito.” Binigyan siya ni Jehova ng ‘kaalaman at karunungan at ng pusong maunawain.’ (2 Cron. 1:10-12; 1 Hari 3:12; 4:30, 31) Bunga nito, si Solomon ay “bumigkas ng tatlong libong kawikaan.” (1 Hari 4:32) Nasa aklat ng Mga Kawikaan ang ilan sa karunungang ito. Yamang ang karunungan niya ay talagang “inilagay ng Diyos sa kaniyang puso,” ang pag-aaral ng Mga Kawikaan ay talagang pag-aaral ng karunungan ng Diyos na Jehova. (1 Hari 10:23, 24) Narito ang buod ng walang-hanggang mga katotohanan. Napapanahon ang mga ito na gaya nang ito ay unang bigkasin.

      2. Bakit angkop na sa panahon ni Solomon ilaan ang banal na patnubay sa Mga Kawikaan?

      2 Ang paghahari ni Solomon ay angkop na panahon upang ilaan ang ganitong banal na patnubay. Si Solomon ay “nakaupo sa luklukan ni Jehova.” Nasa kasukdulan ang teokratikong kaharian ng Israel, at si Solomon ay may nakahihigit na “maharlikang karangalan.” (1 Cron. 29:23, 25) Yao’y panahon ng kapayapaan at kasaganaan, panahon ng katiwasayan. (1 Hari 4:20-25) Sa kabila ng teokratikong pamamahala, ang bayan ay nagkaroon pa rin ng personal na mga suliranin at kahirapan dahil sa di-kasakdalan ng tao. Kaya likas lamang na ang bayan ay umasa sa matalinong haring si Solomon upang tulungan sila na lutasin ang mga ito. (1 Hari 3:16-28) Samantalang humahatol sa napakaraming kaso, siya ay bumigkas ng mga kawikaan na angkop sa iba’t-ibang kalagayan sa araw-araw na buhay.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share